noveltoon logo noveltoon
Kadenang Bahaghari

Chapter 19

Ch. 19 / 27 Feb 09, 2022

Masayang binuksan ni Reneé ang pinto nang marinig ang malakas na tunog ng doorbell. Isang mamang nakauniporme na may dalang parcel ang bumungad sa harap niya.

“Package for Ms. Reneé Baley…,” sagot ng Tsikanong hirap sa pagbigkas ng kanyang pangalan.

“That’s right. That’s me.” Bahagyang isinara ni Reneé ang kanyang tumikwas na kahel na night gown. “Where do I sign?”

“Here.” Itinuro ng delivery man ang espasyo sa papel kung saan dapat lagdaan ni Reneé. “I think these are books. You love reading, huh?”

“I do. Ordered them from the Philippines,” masayang bigkas ni Reneé.

“Oh, mehal ketah,” natatawang sambit ng delivery man. “Mi esposa came from Felipinas.”

“Wow, she must be so lucky to be your wife,” ganti ni Reneé. “Gracias, mi amigo.” Masaya niyang ipininid ang pinto at nagmamadaling binuksan ang laman ng maliit na kahon. Hindi siya nagkamali. Tangan-tangan niya ang ilang libro na in-order niya galing Pilipinas. In-order pa niya ito mula sa iba’t ibang publishing house. Sinipat niya isa-isa ang mga ito: May Mga Damdaming Higit sa Atin ni Rio Alma, America Is in the Heart ni Carlos Bulosan, Love Woman ni Ophelia Dimalanta, Philippine Folk Literature: The Myths ni Damiana Eugenio, Culture and History ni Nick Joaquin, Si Tatang at ang Himala ng Ating Panahon ni Ricky Lee, Twisted ni Jessica Zafra, Collected Plays ni Floy Quintos, at State of War ni Ninotchka Rosca. Naalala niya na ang huling libro ang binabasa ni Willie noon nang puntahan niya ito sa kanyang bahay para mag-usap. Sinalat-salat niya ang dilaw na libro. Sa pabalat nito, maaaninag ang dalawang babae, isang mistulang prinsesa na nakaupo sa marangyang silya, at isang timawa sa likod nito na may hawak na parol na dragon. May lalaking nakamaskara na nakamasid sa dalawa sa gawing kanan ng pabalat. Sa pagkakataong iyon, sumagi sa isip ni Reneé ang imahe ni Willie. Nasaan na kaya siya? Pitong taon na ang nakalilipas, wala pa rin siyang makuhang kahit na anong palatandaan ng kanyang kinaroroonan. Mula nang mangyari ang iskandalo, hindi na niya ito nakita pa. Nagtanong-tanong siya sa ilang kaibigang pinagkakatiwalaan niya pero walang makapagsabi kung nasaan ito. Kahit ilang beses na niyang hinalughog ang Facebook, ang Instagram at ilang kilalang social network, hindi pa rin siya makahanap ng kahit na anong impormasyon tungkol kay Wilfredo Sta. Cruz. Baka patay na siya, huling tanong niya sa sarili. Kinabahan siya. Tumayo at ibinuhos ang natitirang kape sa coffee brewer sa tasa, pilit na iwinawaglit ang huling naisip.

Tumingin siya sa labas ng bintana. Sinikap niyang abutin ng tanaw ang pinakamalayong mga bundok na tuyo na nakapalibot sa marangyang siyudad ng Las Vegas, higop-higop ang kapeng nasa tasang tangan. Hindi siya makapaniwalang naririto na siya ngayon. Malayo na ang narating niya mula nang magdesisyon siyang mag-alsa-balutan at iwanan ang Pilipinas at lahat ng sa tingin niya ay nagmamahal sa kanya noon — ang kanyang mga magulang, mga kaklase at guro sa Sacred Heart College na nanalig sa kanya, si Chris, si Willie. Marami ang naniniwalang magiging matagumpay siya sa kanyang buhay, ano man ang kanyang pasukin. Matalino raw siya. Mabait at mapagkakatiwalaan. Pero nag-iba ang lahat nang makilala niya si Willie. Ginawa raw siyang bakla nito. Sinira daw ang kanyang mga pangarap. Hindi ninyo naiintindihan, bulong niya sa sarili . Ipinanganak na akong bakla. Si Willie ang nagturo sa akin ng salitang pagmamahal — kung paano mahalin ang sarili, kung paano magmahal nang tunay sa kapwa nang walang kondisyon. Kayo ang hindi nagmahal sa akin. Ang pagmamahal ninyo ang may kondisyon. Mahal niyo lang ako noong hindi ninyo pa ako tunay na nakikilala. Nang malaman ninyo ang tunay kong pagkatao, isa-isa kayong nawala. Puwes, ako ang aalis. At hindi ako babalik. Hahanapin ko si Willie. Hahanapin ko siya para sa inyong lahat na hindi nagmahal sa akin. At ngayon, pitong taon na ang nakararaan, narito na ako. Walang nakakaalam na naririto ako. Maliban sa piling mga kaibigan. Maliban kay Chris.

Sinubukan niyang buksan at basahin ang panimula ng State of War ni Ninotchka Rosca. Nabaka-sakali siyang makita ang sagot sa kanyang mga tanong sa paboritong aklat ni Willie. Ninamnam ni Reneé ang pagbabasa ng unang kabanata. Gusto niyang malaman kung bakit ito ang naging paboritong basahin ni Willie. Sa wari niya, tatlo ang protagonista sa nobelang ito. Kailangan pa niyang alamin kung sino sa kanilang tatlo nina Willie at Chris sina Anna, Adrian at Eliza. Tungkol ito sa Pilipinas at sa mga manlalakbay na Pilipino, hinahanap ang kanilang puwang sa mundo. Kami nga ito, isip ni Reneé sa sarili. Hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin ang aking sarili. At hinahanap ko pa rin sila.

Nagising si Reneé sa pagtunog ng cell phone. Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya sa pagbabasa. Puwersadong inabot niya ang phone na nakapatong sa console table habang kinukusot-kusot pa ang mga mata.

“Hello?”

Wala siyang marinig sa kabilang linya kundi ang malalim na paghinga.

“Chris?”

Hindi pa rin sumasagot ang nasa kabilang linya. Patuloy pa rin ito sa paghagunot ng kanyang malalim na paghinga.

“`Musta ka na? Sa’n ka tumatawag ngayon? Chris?”

Matagal bago sumagot ang nasa kabilang linya. “Nasa DARE uli ako, dito sa San Fernando.”

Huminga nang malalim si Reneé, hindi alam ang sasabihin sa kausap. Kahit gusto niyang piliin ang mga salitang sasabihin, hindi maikaila ang pagkabagot at pagkainis sa narinig. “Kelan pa?”

“Mag-iisang linggo na.”

“Ano’ng nakita sa`yo? Paano ka nahuli?”

“Ayokong pag-usapan `yon, Renan.”

“Eh, bakit ka tumawag?”

“Mangungumusta lang.”

“Narinig mo na ang boses ko. Okay lang ako.”

“Ayaw mo ba `kong kausap, Renan?”

“`Di na Renan ang pangalan ko. Ilang beses ko nang sinabi sa `yo.”

“’Di ako masasanay sa Reneé.”

“Masanay ka na. `Di na ako babalik sa pangalang sinabi mo.”

Ilang saglit pa bago nagsalita ang kausap ni Reneé sa cell phone. “Me sakit ang daddy mo. Inatake. Sinugod sa ospital kagabi. Tinawagan ako ni Tita Medy. `Di ko pa rin sinabi sa kanya na alam ko kung pa’no ka kokontakin.”

Halos mabitawan ni Reneé ang tangang cell phone. Hindi alam ang sasabihin o gagawin. Punong-puno ng damdamin ang kalooban pero hindi masabi ang tunay na nararamdaman.

“Hinahanap ka raw niya,” putol-putol na banggit ni Chris. “Uuwi ka ba?”

“`Di ko alam. Hindi ko alam kung makakapagpaalam ako nang maayos sa trabaho. `Musta si Mama?”

“`Yun, magulo ang isip. Gusto ka n’yang makita. Umuwi ka. Kelangan ka nila ngayon. Kelangan din kita.”

Parang balang pumutok sa puso ni Reneé ang mga sinabi ni Chris. Namawis ang mga kamay. Huminga siya nang malalim at pinakawalan ang isang malaking buntong-hininga. “Gagawa ako ng paraan. Me balita ka na ba kay Willie?”

“Wala pa. `Kaw?”

“`La rin.”

“Umuwi ka. Baka `di mo na abutan ang daddy mo.”

“Sige. Pero promise me na magbabago ka na. Iwanan mo na ang `tang-inang droga na `yan!”

Hindi sumagot ang kausap sa kabilang linya.

“Mangako ka sa `kin, Chris. Galit daw ang presidente ninyo diyan ngayon sa mga addict.”

Hindi pa rin sumasagot si Chris.

“I’m serious, Chris.”

“Basta umuwi ka.”

Magulo ang isip ni Reneé na pinatay ang cellphone. Hindi niya mawari kung ano ang gagawin. Bumangon siya sa pagkakaupo at balisang naglakad-lakad sa kahabaan ng bahay. Mayamaya, nagdesisyon siyang tawagan si Ed.

“Hello, honey.”

“Ed, I wanna tell you that I’m going with you to the Philippines.”

“Great! Why did you change your mind?”

Hindi makapagsalita si Reneé. Pinipigilan ang daluyong ng emosyon na bumabalot sa kanyang kabuuan. “It’s… it’s my… father.” Umagos na ito nang hindi niya akalain. Humagulhol ito at napaupo sa sahig.

“Honey, are you still there? Honey? Reneé, are you still… honey…? Reneé?”