Hindi nakatulog si Chris ng gabing iyon. Parang masamang panaginip ang nasaksihan niyang halikan ni Renan at Mr. Sta. Cruz. Parang sirang plakang paulit-ulit na tumutugtog ito sa kanyang hinagap. Malalim na ang gabi pero ayaw pa rin siyang dalawin ng antok. Hindi niya alam kung galit o konsiyensiya ang nararamdaman niya para sa dalawa. Ano ang sasabihin ko `pag nakita ko sila bukas? Magkukunwari ba ako na wala akong alam? Sasali ba ako sa kanilang nakasusulasok na palabas na kunwari ay mga disenteng tao sa loob ng klase pero nakatago pala ang kababuyan? Ano ang gagawin ko sa mga litratong nakuha ko?
Bumangon siyang muli mula sa pagkakahiga at pinilas ang isang puting papel mula sa bag. Pinatungan niya ng damo at inikot-ikot ang papel. Mahina niyang tinaktak ang nakarolyong papel. Idiniin ang magkabilang dulo nito saka sinindihan. Ingat na ingat niyang ibinuga ang usok deretso sa bintana para hindi maamoy ng kanyang ina at mga kapatid na nasa kabilang kuwarto. Tulog na rin ang mga `yon pero mabuti na ang nag-iingat, anya sa sarili.
Plano niyang kausapin si Ma’am Grace bukas upang humingi ng payo. Bagama’t si Mr. Sta. Cruz ang adviser nila, kailangang maisangguni niya kung ano ang dapat gawin sakaling ang adviser mismo ang problema. Mas alam ni Ma’am Grace ang dapat gawin. Hindi ko dapat sarilinin ito. Mababaliw ako, busal ni Chris sa sarili.
Maingat na pinatay ni Chris ang upos ng damo at ikinalat sa labas ng bintana. Iwinagayway niya ang dalawang kamay sa ere para lumabas ang amoy ng usok. Humiga uli siya at pinilit na umidlip.
Kinabukasan, maaga pa lang ay nasa eskuwelahan na siya. Ayaw niyang abutan siya ni Renan doon. Alas-nuwebe pa ang oras ng kanilang unang klase pero nandoon na si Chris ng pasado alas-siyete ng umaga. Hinihintay ang pagdating ni Ma’am Grace.
“O, Chris, ang aga mo,” bati ng isang dati niyang teacher na palabas ng faculty room. “Graduating ka na, `di ba? May klase ka ba ng alas-siyete?”
“Wala po, Mrs. Laquindanum. Hinihintay ko lang po si Ma’am Grace.”
“Pumasok na si Ma’am Grace. Sa St. Joseph’s Hall ang first period niya. Room 207.”
“Thank you po, Ma’am.”
Binagtas niya ang kahabaan ng St. Joseph’s Hall. Mabigat ang mga yabag. Nagtalo ang dalawang paa niya. Pati ang konsiyensiya niya ay nahati sa dalawa. Kapag sinabi ko na kay Ma’am Grace ito, wala nang bawian. Hindi ko alam ang puwedeng mangyari sa kanilang dalawa. Magkakaroon ng permanenteng lamat ang pagkakaibigan namin ni Renan. Baka nga tuluyan nang masira ito. Kapag hindi ko naman sinabi, ano na lang ang tingin ko sa sarili? Pababayaan ko bang mangyari ang kababuyang ito? Hindi ba may obligasyon kang ipagtapat ang katotohanan lalo na sa mga magulang ni Renan, sa eskuwelahan at sa mga tao?
Nasa harap na siya ng pintuan ng klase ni Ma’am Grace at nakita niyang kumukumpas ang mga kamay nito sa harap ng mga estudyante. Napalingon ito sa gawi niya at humingi ng paumanhin sa mga estudyante. Lumabas si Ma’am Grace sa kuwarto.
“Hi, Chris. Ang aga mo. What’s up? You look terrible,” masayang bati ni Ma’am Grace.
“M… M… Ma’am, may ikokonsulta sa…sana ako sa… sa `yo. Puwede ba kitang makausap?” Nagsimulang manginig ang mga kamay ni Chris.
“Is this serious?” nababahalang tugon ni Ma’am Grace.
Hindi na napigilan ni Chris ang umiyak. “M…mga baboy sila, Ma’am Grace. Baboy!”
Hindi maintindihan ni Ma’am Grace ang sinasabi ng kausap. “Baboy? Sino’ng…? Wait, I’ll dismiss the class early para makapag-usap tayo sa loob. D’yan ka lang.”
Nagmadaling tumayo ang guro at bumalik sa klase. Pinunasan ni Chris ang natitirang luha sa kanyang pisngi. Ayaw niyang mahalata ng mga lumalabas na estudyante ang nangyayari sa kanya. Ilang segundo pa, lumabas na ang mga estudyante at pinapasok siya ni Ma’am Grace sa loob. Nabingi siya sa katahimikan ng silid na silang dalawa lang ang naroroon.
“Now, tell me Chris. What happened?”
Hindi na nagpagapi sa pag-iyak si Chris. Dere-deretso niyang ikinuwento ang nangyari. “Nakita ko, Ma’am, sina Renan at Mr. Sta. Cruz, naghahalikan sa bahay ni Sir.” Kinuha niya ang cell phone para ipakita ang mga ebidensiya.
Hindi maipinta ang mukha ni Ma’am Grace dahil sa pagkabigla. Napanganga ito at tinakpan ang bibig gamit ang kamay. “Oh, my God!”
“Me relasyon sila, Ma’am. Nagkaroon ako ng kutob no’ng acquaintance party. Pero after a few days, lumaki lalo ang suspetsa ko. Sinubukan kong sundan kung sa’n pupunta si Renan kahapon. Nagkikita pala sila sa bahay ni Sir. Kinunan ko sila.” Naramdaman ni Chris na nanumbalik ang galit na akala niya ay nawala na kagabi. Pero ngayong nagsasalaysay siya kay Ma’am Grace, pakiramdam niya, patuloy pa rin siyang tinatraydor ng dalawa.
“I will bring this matter to the Ethics Committee Board, Chris. Personally, I still don’t know what to do with this,” mahinang tugon ni Ma’am Grace. Bakas sa kanyang mukha ang pagkabahala sa ipinakita ni Chris sa kanya.
“Ma’am, `wag n’yo na lang pong sabihin na nanggaling sa `kin ang mga `to. Sabihin n’yo na lang po na merong nagsabi sa inyo. Ayoko pong madawit dito,” pakiusap ni Chris.
“Of course, Chris. I’ll come up with an alibi. Thank you for telling me. No one should know about this yet. May klase ka ba ngayon?”
“Mamaya pa po. Kayo na po ang bahala.”
“Umuwi ka muna. Try to get some sleep. You look awful.”
“Sige po, Ma’am.” Nagpaalam si Chris sa guro. “Ma’am, sorry po.”
“Sorry for what?’
“I thought you and Sir are… you know…”
Biglang pumormal ang ayos ni Ma’am Grace. “No, we’re not. It’s good that you told me this. Go home.”
Hindi umuwi si Chris. Nagpunta siya sa computer shop sa palengke para magpagawa ng blow-ups ng mga litratong kinunan niya. Nagtanong ang technician sa shop tungkol sa mga litrato.
“Ano ba `tong mga kinunan mo, p’re. Dalawang lalaki, naghahalikan?”
“Kelangan ko sa thesis namin,” matipid na sagot ni Chris. Nairita sa kaimpertinentihan ng kausap.
“Thesis mo, tungkol sa kabaklaan?”
“Oo. Magkano lahat?”
“Eighty-nine, seventy five. Isinama ko na `yong mga xerox at `yong envelop.”
Mabilis na ibinigay ni Chris ang bayad at lumabas ng shop. Pumara siya ng Villa-Pampang na dyip. Pupunta siya sa bahay nina Renan. Alam niyang wala na doon ang kaibigan at pumasok na sa eskuwelahan.
Sa bungad ng bahay nina Renan, matagal at matiyagang nagmasid si Chris. Nagpasalamat siya na wala silang alagang aso dahil kung hindi, kanina pa nambulahaw ito sa kakakahol. Kipkip niya ang isang brown envelope na naglalaman ng mga litrato nina Renan at Mr. Sta. Cruz. Nang masiguro niyang walang ingay na naririnig mula sa loob, maingat niyang binuksan ang gate. Nakabuo siya ng plano. Ilalagay ko lang ang envelop na ito sa harap ng kanilang pintuan at aalis ako agad. Ayokong makita pa ako ni Attorney at Tita Medy. Hindi nila dapat malaman na ako ang nagdala ng mga litratong ito. Akmang ilalagay na niya sa sahig ang envelope nang biglang lumabas ng bahay si Tita Medy. Kitang-kita niya ang paglapag nito ng envelop.
“Chris, napadaan ka. Pumasok na si Renan. `Di ba, may klase kayo?”
“O-oo nga ho. Aalis na ako, huli na ho ako sa klase. Sige po.” Hindi alam ni Chris ang gagawin.
“Ano ba `yang dala mo? `Di mo ba ibibigay kay Renan sa klase n’yo?”
“H-h-hindi ho para kay Renan ito. Para ho kay Attorney. P-pakiabot na lang ho sa kanya.”
“Okay. Mag-ingat ka paglabas.”
“S-salamat h-ho…” Lito si Chris at nagmadaling umalis.
Gulong-gulo ang isip niya pagsakay ng dyip. Sa dami at bigat ng kanyang mga ginawa ngayong umaga, wala na siyang lakas at mukha na pumasok sa klase. Hindi niya maaatim na tingnan at makipag-usap kina Renan at Mr. Sta. Cruz. Mapaplastikan lang siya sa mga ito. Pero kinabahan din siya sa maaring mangyari sa hinaharap. Alam na ni Ma’am Grace ang lahat. Naibigay ko na rin kay Attorney ang mga litrato. Siguradong magbabago ang lahat pagkatapos nito. Hindi ko na puwedeng tastasin ang ginawa ko at ibalik sa dati ang lahat. Bakit ko ba ginawa ang lahat nang ito? Dahil ba galit ako kay Renan sa pagtraydor niya sa akin at sa aming pagkakaibigan? Wala naman talaga siyang ginawang masama sa akin. O dahil nagmamahalan silang dalawa at pakiramdam ko, ayoko silang maging masaya? O dahil ba kay Mr. Sta. Cruz? Dahil sinira niya ang magandang imahe kong binuo para sa kanya? Dahil si Renan ang minahal niya at hindi… at hindi…
Lumampas siya sa kanto ng bahay nila kaya nagpasiya siyang puntahan sina Dagul at Jerson, mga kaibigang nakilala niya noong sila pa ni Ella. Siguradong may dala sila. Kailangang-kailangan kong makatikim ngayong araw na ito sa laki at bigat ng problema ko. Gusto kong lumipad at makalayo sa pesteng buhay na ito, rason niya sa sarili.