noveltoon logo noveltoon
Kadenang Bahaghari

Chapter 25

Ch. 25 / 27 Feb 09, 2022

Ilang araw pa ang lumipas, pumutok na ang balita. Ipinatawag daw si Mr. Sta. Cruz ng Dean’s Office. Nagpunta daw ang mga magulang ni Renan sa tanggapan ng dekana, kasama si Renan, na balitang bugbog-sarado ng ama. Walang makapagsabi sa kanya ng puno’t-dulo ng iskandalo. May kumalat daw na litrato na naghahalikan sina Mr. Sta. Cruz at Renan. May relasyon daw ang dalawang ito. Matatanggal daw sa trabaho si Sir. Pag-uusapan pa daw kung makakagradweyt si Renan. Kung pahihintulutan ng dekana, makakaaakyat pa rin sa entablado si Renan para maggradweyt pero tatanggalin ang kanyang mga medalya at award. Sari-sari at sanga-sangang balita at kuro-kuro ang nagsilabasan at kumalat. Nabulabog ang buong Sacred Heart College.

Sa gitna ng lahat nang ito, nanatiling tahimik si Chris. Ayaw na niyang makisawsaw pa bagama’t alam niya sa kaibuturan ng kanyang puso, siya ang naging pangunahing dahilan ng pagputok ng iskandalo. Wala siyang kinausap sino man sa mga kaklase, guro, at pinuno ng eskuwelahan. Kahit si Renan, hindi niya nakita nang ilang araw. Nagpasalamat siya pansamantala sa mga pangyayaring ito dahil hindi rin niya alam ang mukhang ihaharap sa kaibigan. Hindi niya hawak ang pagkakataon. Baka mahalata pa ni Renan na malaki ang kinalaman niya sa pagkalat ng balita.

Wala siyang masumpungan. Wala siyang mapagsabihan ng kahit na ano. Naramdaman niyang nag-iisa siya sa lahat nang ito. Hindi niya inaasahan na hahantong sa ganito ang lahat. Sinikap niyang kalimutan ang lahat at isubsob ang sarili sa pag-aaral. Ilang linggo na lang at magtatapos na siya. Pinilit niyang kumawala sa tensiyon at gulo ng nangyayari sa paligid niya.

Hanggang isang araw, tumawag si Renan sa kanya. Gustong makipagkita. Mayroon daw itong hiling. Labag man sa kalooban, pumayag siya. Kahit man lang doon, makabawi siya sa kasalanang nagawa niya sa kaibigan. Sumagi sa isip niya na baka alam na ni Renan na siya ang may kagagawan ng lahat at kailangan na niyang makipagtuos. Handa naman siya at alam niyang tama ang ginawa niya. Wala siyang dapat ikabahala.

Nagkita sila sa mini-park.

“Ilang araw ka nang `di pumapasok, Renan. Malapit nang matapos ang klase,” bungad na salita nito sa kaibigan.

“Papasok din ako. Nagpapalipas lang ako ng ilang araw. `Di ko kayang salubungin ang lahat ng masasamang tingin sa akin ng mga tao. Matatapos din `to, alam ko.”

“Ano ba’ng sinasabi mong hiling?”

“Gusto ko sanang dalhin mo ang sulat na ginawa ko para kay Willie… kay Mr. Sta. Cruz.”

Matindi ang pagtanggi ni Chris. “Naku, ayokong masali d’yan sa gulo n’yo, Renan.”

“Wala ka namang gagawin, Chris. Pupuntahan mo lang si Willie para ibigay `to. Sasabihin ko sa `yo kung sa’n siya nakatira.”

Huminga nang malalim si Chris. “Ayoko talagang makialam. Lagot ako sa daddy mo `pag nalaman niya `to.”

“`Di na `ko makikipagkita kay Sir. Kaya nga kelangan mong maibigay `to sa kanya. Ikaw lang ang kaibigan ko. Wala na `kong ibang matatakbuhan.”

“Bakit, tatakas kayo ni Willie? Pa’no kung may balak pala kayo? Ano’ng sasabihin ko sa daddy mo?”

Tiningnan ni Chris ang kaibigang nasa bingit na ng pag-iyak.

“Galit na galit na siguro si Sir sa akin. Kasalanan ko lahat `to.”

Sa sandaling iyon, nakaramdam ng awa si Chris para sa kaibigan. Pero iba pa rin ang lumabas sa bibig niya.

“Sinabi ko na kasi sa `yo na lumayo ka kay sir. Iyan tuloy ang napala mo.”

“Papayagan kong laitin mo `ko ngayon. Basta tulungan mo lang ako, okay?”

Tumango si Chris.

“Pakiipit na lang sa libro mo at `wag mong iwawala. Kelangan ko nang umuwi at baka patayin ako ni Dad. Sa Marisol Subdivision nakatira si Sir. Broadway Street. Unang kanto sa kaliwa, unang bahay sa kanan. Isinulat ko na d’yan ang address. Salamat, Chris.” Tinapik siya ni Renan sa balikat at umalis.

Naiwan si Chris sa mini-park. Nang masiguro niyang walang taong nakamasid, binuksan niya ang sulat na kabibigay lang ni Renan. Binasa ito nang ilang ulit. Pagkatapos ay pinunit niya ang papel. Nang maging maliliit at pira-piraso na ito, isinuksok niya ito sa basurahang itim na nakalagak sa sulok. Marahang pinagpag ang mga palad at naglakad pabalik sa campus.

Kumakagat na ang dilim nang bagtasin ni Chris ang daan patungo sa bahay ni Mr. Sta. Cruz. Wala pang isang linggo nang ginawa niya `yon habang sinusundan si Renan. Alam na alam niya ang daan papunta doon. Isang kanto mula sa sakayan ng Marisol Subdivision. Isang liko sa kaliwa at unang bahay sa kanan. Tumingin siya sa kabuuan ng bahay. May kung anong lambong ang nakabalot dito. Ibang-iba sa nakita niya noong huli siyang magawi dito. Parang nagluluksa ang buong paligid. Nakasindi ang ilaw sa pasamano pero dahil may sinag pa ang araw, bigo itong lumiwanag.

Sinikap niyang maging maayos ang sarili kahit pakiramdam niya ay para siyang nasa alapaap dahil sa damong hinithit na binili kay Dagul bago siya nagdesisyong pumunta dito. Hindi niya alam kung paano haharapin si Mr. Sta. Cruz. Paano niya itatago na malaki ang kinalaman niya sa iskandalong kinahaharap nito sa Sacred Heart College.

Marahan siyang kumatok at tinawag ang pangalan ng nakatira sa gate pero wala siyang naririnig na kaluskos galing sa loob. Tumayo siya sa harap at naghintay ng sagot. Aalis na sana siya nang makitang bumubukas ang gate.

“Chris! Ano’ng ginagawa mo dito?”

Hindi alam ni Chris kung ano ang dapat sabihin. “Alam kong `di kita dapat puntahan dito, Sir, pero nakokonsiyensiya ako.”

“Dahil sa sinabi mo sa akin noong acquaintance party? Ngayon, alam na alam mo na ang sagot at napatunayan mo na.”

Parang ibinabaon sa lupa ang puso ni Chris. Alam na alam niya ang ibig sabihin ni Mr. Sta. Cruz. Wala siyang lakas at sapat na dunong para pabulaanan ang mga sinabi ng kausap. Hinuha niya ay hindi pa rin nito alam na may kinalaman siya sa nangyari.

“Lason ako sa inyo.” Iyon ang sinabi ni Mr. Sta. Cruz na tumatak sa isip ni Chris.

“Hindi ka lason sa `min, Sir. Hinding-hindi.” Nakita ni Chris ang isang kahong nakabalot sa hagdanan. “Aalis kayo?”

“Wala nang dahilan para magtagal pa `ko dito. Pa’no mo nalaman kung sa’n ako nakatira?”

Hindi agad nakasagot si Chris. Pinag-aralan pa kung ano ang lalabas sa kanyang traydor na bibig. Hindi niya masabing hindi ito ang una niyang pagpunta dito. “T-tinanong ko kay Renan.”

“Alam ni Renan na nandito ka ngayon?”

“O-oo.”

“Aalis na `ko sa lugar na `to.”

Sa pagkakataong iyon, natakot si Chris. Para siyang maiiyak. “S’an ka pupunta, Sir?” Mabilis na kinusot ni Chris ang mga mata gamit ang kanyang kanang kamay.

“`Di ko alam. Hindi mo na rin dapat malaman.”

“Hindi ka dapat umalis, Sir.” Gustong sabihin ni Chris na nagsisisi na siya sa ginawa niya. Hindi niya gustong umabot sa ganito ang lahat. Wala sa plano niya ang mga ito. Ang gusto lang naman niya ay mapansin siya.

Inilabas niya ang sulat na ginawa niya bago pa man nagsimula ang gulo. Tinangka niyang iabot kay Mr. Sta. Cruz. “Galing kay Renan.”

“Hindi ko na kelangang basahin `yan.” Matigas ang tugon ni Mr. Sta. Cruz. Parang utos ng Diyos.

Nagsusumigaw ang kalooban ni Chris. “Pero kelangan mong mabasa ito. Mahal… ka ng kaibigan ko.” Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon. Naisip lang niya na baka ito ang makakapagpabago sa isip ni Mr. Sta. Cruz at tanggapin ang sulat. Hindi niya inaasahan ang isasagot nito. Hanggang ngayon, parang paulit-ulit itong umuukilkil sa isip niya.

“Ikaw ang mahal ng kaibigan mo. Alam mo ba `yon? Mga bata pa lang kayo, ikaw na ang mahal niya. Ako, nagamit lang ako sa magulong kuwento n’yo. Hindi ako dapat nasali dahil teacher n’yo ako. Naiintindihan mo, teacher n’yo `ko! Sana, pinabayaan ko na lang kayong dalawa. Sana `di n’yo na `ko kinuhang adviser ng CASoc. Sana ‘di ko na lang kayo naging estudyante. Sana `di na lang ako naging teacher sa putang-inang Sacred Heart College na `yan! Sabihin mo sa kaibigan mong bakla na sana maging masaya na siya sa buhay niya para wala nang ibang teacher na masangkot pa sa madilim niyang mundo. At `kaw naman. Kung `di mo kayang mahalin ang kaibigan mo dahil lalaki ka, pakawalan mo siya. Kung ayaw mo siya, pabayaan mo naman siyang gustuhin ng iba. `Yong talagang magmamahal sa kanya.”

Nanginig si Chris sa kanyang kinatatayuan at parang sinisilabahan ang kanyang buong pagkatao. Gusto niyang sabihing, Hindi ikaw, Sir, ang nagpagulo sa kuwento naming dalawa ni Renan. Ikaw ang sumalba nito. At hindi ko kayang mahalin si Renan dahil may mahal akong iba.

Naiintindihan ni Chris kung bakit siya nagkakaganito, labag man nang husto sa kanyang kalooban. Pero paano niya sasabihin ang lahat ng ito kay Mr. Sta. Cruz? Tama siya, pampagulo lamang siya. Wala siyang kuwentang tao.

Narinig ni Chris ang tunog ng paparating na dyip. Atubiling tutulong sana si Chris sa pagbuhat ng mga kahon pero sinabihan siya na kaya na nila ito. Pumarada ang dyip sa harap ng gate at bumaba ang drayber para tulungan si Mr. Sta. Cruz.

“Have a good life, Chris.” Iyon ang huling sinabi ni Mr. Sta. Cruz sa kanya.

Habang tinatanaw niya ang papaliit na papaliit na sasakyan, naramdaman niyang masaganang bumuhos ang luha sa kanyang pisngi. Sir, bumalik ka. Hindi ito ang gusto kong maging katapusan ng lahat. Bumalik ka, Sir. Kailangan ka ng kaibigan ko. Mahal ka ng kaibigan ko. Mamamatay siya `pag nawala ka. Mamamatay din ako. Nilukot niya ang sulat na dapat sana niyang ibigay kay Willie. Panahon na lang ang makapagsasabi kung kailan niya maibibigay ito. Kung maibibigay pa nga niya.

Hindi umuwi nang gabing iyon si Chris. Sumama siya kina Dagul at Jerson. May jamming daw sila sa Mountain View. May big shot daw silang kaibigan na magdadala ng primera klaseng juts galing pa ng Maynila. “Masaya `yon p’re kaya huwag kang mawawala, ha?” Dinig na dinig niya ang boses nito sa cell phone. Sa pagkalango sa alak at pagkagumon sa droga, naramdaman ni Chris na kaya niyang gawin ang lahat. Kaya niyang ibalik ang nawalang imahe ni Mr. Sta. Cruz. Kaya niyang ibalik ang dating pagkakaibigan nila ni Renan. Kaya niyang limutin ang isang napakalaking bangungot na ito.