“Ang galing niyang mag-conduct ng klase, `no?” manghang-manghang banggit ni Chris kay Renan pagkatapos mag-dismiss ni Mr. Sta. Cruz ng klase. “Ang lalim. Ang galing! Ngayon pa lang ako naka-encounter ng teacher na gaya niya.”
“Oo, kaya may sagot na tayo sa paghahanap ng CASoc adviser. Invite natin siya,” mahinahong sagot ni Renan.
“At ikaw, sa’n mo naman pinagkukuha ang mga sagot mo?” Hindi pa rin maalis sa isip ni Chris ang diskusyon sa klase. “Bumilib s’ya sa `yo.”
“Wala `yon. Sinagot ko lang `yong mga questions n’ya kasi walang naglakas-loob na magtaas ng kamay.”
“Pero grabe, impressed siya sa `yo. Tinapatan mo ng magandang answer `yong question niya. Tulungan mo naman ako. Gusto ko ring sumagot nang gaya mo.”
“Naku, wala ka nang pag-asa,” biro ni Renan.
“Gusto ko ring ma-impress sa `kin si Mr. Sta. Cruz sa susunod na meeting.”
“Basahin mo `tong kuwentong “Bread of Salt” ni N.V.M. Gonzalez. Isa `to sa mga idi-discuss natin sa mga susunod na meeting.”
“N.V.M. Gonzalez? Sinong author `to? Ba’t `di niya ginamit `yong full name niya? Ba’t initials lang?”
“Style `yon. Mahaba ang name niya kaya initials na lang ang ginamit. Parang si T.S. Eliot at J.K. Rowling. Mas may recall sa pandinig.”
“Kung ako magsusulat, gagamitin ko ang buong pangalan ko, Christopher Andres Galang Acuña. Para ma-remember ako ng tao.”
“Magsusulat ka ba? `Di ka nga nagbabasa, eh.”
“Sobra ka naman. Komo matalino ka at nakakasagot kay Mr. Sta. Cruz, mababa na tingin mo sa `kin?”
Sa mga ganitong pagkakataon, sumasagi sa isip ni Renan ang mga dahilan kung bakit minsan minahal niya ang kaibigan. “Ay, naku, nagpapa-yummy ka na naman. Wala na. Wala nang bisa `yan sa `kin. Kunin mo na `yong mga paper ng CASoc sa locker at ayusin natin para `pag kinausap natin si s ir, maayos na’ng lahat.”
“Komo I don’t have the deep, the breadth, and the height.”
“Depth, Chris.”
“Ano?”
“Depth, `di deep.”
“`yon nga ang sinabi ko. Depth. Johnny Depth.”
“Corny mo. `Lika na nga!”
Galing sila sa locker nang mapadaan sa kantina. Nakita nilang kumakain si Mr. Sta. Cruz. Masinsinan itong nakikipag-usap kay Ma’am Grace. Nakaramdam ng bigat sa kalooban si Renan. Nagtatawanan ang dalawa at parang hindi alintana na maaaring maraming makakita sa kanila, estudyante man o kapwa nila guro.
“Bagay sila, `di ba, Renan?” tuwang-tuwang wika ni Chris.
Parang istatwang nakatingin si Renan sa pinanonood na eksena. Hindi kumikilos. Hindi sumasagot sa tanong ni Chris.
Hindi na uli nagbigay ng komento si Chris. “`Lika na, Renan. Do’n na lang natin hintayin sa faculty room si Mr. Sta. Cruz.”
Mabigat ang mga yabag ni Renan papunta sa faculty room. Para siyang preso na may bolang bakal na nakatanikala sa kanyang mga paa. Kahit minamadali na siya ni Chris ay hindi pa rin niya magawang bilisan ang paglakad. “Chris?”
Lumingon sa kanya ang kaibigan. “Ano?”
“`Wag na lang kaya?”
“`Wag na lang kayang ano?”
“`Wag na nating kuning adviser si Mr. Sta. Cruz?”
“At sino naman sa isip mo ang ipapalit natin sa kanya?”
“Maghanap na lang tayo ng iba,” bantulot na sagot ni Renan.
“Naiintindihan mo ba’ng sinasabi mo? Mahigit one week na nating inaayos ang mga papers na `to, `tapos babaguhin na naman natin ang pangalan ng adviser. Ano, kukuha na naman tayo ng bagong forms sa Student Affairs?”
“Pero `di naman sure kung papayag siyang maging adviser natin?”
“Papayag `yon.”
“Pa’no ka naging sure?”
“Basta `lam ko. `Kaw, kahit sobrang talino, kulang ang self-confidence.”
Bakas sa mukha ni Renan ang matinding pag-aalinlangan. Nabasa ito ni Chris.
“Alam ko naman kung ba’t atubili ka d’yan.”
“Bakit?” wala sa sariling tanong ni Renan.
“Dahil crush mo si s ir.”
Hindi makapagsalita si Renan sa sinabi ni Chris. Nakaramdam siya ng hiya. Hindi niya kayang aminin kay Chris na totoo ang hinala ng kaibigan.
“Pero Renan, `wag.”
“Ano?”
“Teacher siya. Teacher natin siya, Renan. Kaya `wag.” Simple lang ang mga salitang namutawi sa bibig ni Chris pero pakiramdam ni Renan ay mga latigo itong humagupit at lumapnos sa kanyang balat. Gusto niyang sabihan si Chris na wala `yon, matinding paghanga lang ang nararamdaman niya. Gusto niyang suntukin si Chris sa gustong isalingit nito sa kanya. Hindi ko magagawa ang iniisip mo, paniniyak niya sa sarili. Gusto niyang yakapin si Chris at isambulat ang totoong nararamdaman niya para kay Mr. Sta. Cruz. Lahat ng `yon ay gusto niyang gawin. Pero lahat iyon ay nanatili lang sa kanyang isip.
Sabay nilang nakita ang pagdating ni Mr. Sta. Cruz. Malugod na kinausap siya ni Chris tungkol sa imbitasyon nitong maging adviser ng kanilang klase at ng kanilang organisasyon. Hindi siya nahirapan sa pangungumbinsi sa guro na pumayag na maging tagapayo nila.
“Sir, ngayon na kayo na po ang adviser ng CASoc, kelangan po kayo sa acquaintance party na gagawin sa susunod na Linggo,” masayang bungad ni Chris. Tahimik lang si Renan sa likod. Hindi alam ang tamang sasabihin.
“Kelan nga ba `to?” parang tulirong tanong ni Mr. Sta. Cruz.
“This coming Sunday,” sagot ni Chris. Naramdaman ni Renan ang bahagyang pagkapahiya sa gawi ni Chris.
“Bakit kelangan sa Sunday pa gawin `to? ‘Di ba puwedeng weekday na lang ang acquaintance party para lahat makadalo at libre ang weekends natin?”
Dahil sa mga tanong ni Mr. Sta. Cruz, gusto nang sukbitin ni Renan ang mga papeles na kapipirma pa lang na nasa kamay niya at umuwi. Halatang ayaw nitong maging tagapayo ng ating organisayon, Chris, bulong niya sa sarili. Huwag na tayong mag-aksaya ng panahon. Huwag na rin nating aksayahin ang oras ni s ir. `Alis na tayo. Pilit na tinitingnan ni Renan si Chris para ihatid ang mga mensaheng ito sa kanyang isip. Pero hindi natatanggap ni Chris. Abala pa rin ito sa pakikipag-usap kay Mr. Sta. Cruz.
“Acquaintance party po `to ng society namin, s ir. Hindi co-curricular activity ng isang subject. Corny naman po kung sa school at school day gagawin. Lahat po ay prepared na. Naka-dress to kill po ang lahat ng a-attend,” diing paliwanag ni Chris.
Halos himatayin si Renan sa mga eksplinasyon ni Chris. Iminumuwestra na niyang tumigil na ito pero iba ang gustong ipaabot na mensahe ni Chris sa kanya. Tulungan mo ako dito, senyas ng mga mata at kamay ni Chris sa kanya.
“`Di naman ako kelangang nandoon, `di ba?” tanong ni Mr. Sta. Cruz.
“Naku, s ir, `di puwedeng wala kayo do’n. `Di po ito ia-approve ng Office of Student Affairs,” sagot ni Chris. “Kelangang meron pong adviser na magsu-supervise sa amin. Heto nga, kelangan po n`yong i-sign `to, proof na a-attend kayo sa program namin.”
Hindi na nakayanan ni Renan ang mga huling sinabi ni Chris. Tinulak niya ito. “`Wag mo namang i-harass si s ir.”
Naramdaman ni Renan na napalakas ang pagbalik-tulak sa kanya ni Chris. Napaatras siya ng ilang baitang mula sa kinatatayuan ng dalawa. “Hindi ko siya hina-harass. Ikaw `tong presidente. Dapat ikaw ang nag-e-explain kung gaano kaimportante ang program na `to para sa college natin.”
Naramdaman ni Renan ang pag-init ng kanyang dalawang tainga lalo na nang titigan siya ni Mr. Sta. Cruz. Hindi niya alam kung paano dudugtungan ang sinabi ni Chris.
“It’s your call, s ir. This activity will not be approved if you won’t come. Makikilala n’yo lahat ng members. Si Ma’am Grace po, in-invite din namin. Saka si Renan, may special number.”
“Ha?” Halos himatayin si Renan sa tinuran ni Chris. Hindi ito kasama sa napag-usapan natin kanina, sabi niya sa isip. Ito talagang si Chris, walang preno ang bibig. Kung ano-ano lang ang lumalabas sa kanyang bunganga. Nahihiyang napasulyap siya kay Mr. Sta. Cruz.
“Talaga? Ano naman ang gagawin mo, Renan?”
Nakakasunog ang mga tingin ni Mr. Sta. Cruz. Para akong sinisilabahan, pakiramdam ni Renan sa sarili. “W-wala po.” Pahamak talaga itong si Chris, bulong ni Renan. Bahagyang kinurot nito ang kanyang tagiliran.
“A-aray, aray, ‘no ka ba? Alam ni sir na nagjo-joke lang ako. Si Ma’am Grace po, baka may special number din. Uyyy!”
Naku, ito si Chris, may bagong pasabog na naman. Kakukurot ko pa lang sa kanya.
“Nakita namin ni Renan kayong dalawa ni Ma’am Grace na sabay na kumakain sa canteen,” buyo ni Chris. “Ano pong meron?”
Hindi na naman nakapagpigil si Renan. “Chris!”
“Wala `yon. Sabay lang ang break namin at pareho kaming gutom kaya kumain kami.”
“D’yan po nag-umpisa ang kuwento ni Mr. David at Ms. Catangal. Magkasabay na kumain sa canteen. `Yun, ikinasal na po sila no’ng May.”
Namula sa galit si Renan. Hindi na niya kakayanin ang mga maaaring sabihin pa nito. “Chris, ano ba?!”
“Palabiro ka pala, Chris. Mukhang `di yata gusto ni Renan ang jokes mo.” Parang binuhusan ng malamig na tubig si Renan nang makita niyang kinindatan siya ni Mr. Sta. Cruz. Pakiramdam niya, hindi na niya kakayaning mabuhay pa pagkatapos nito. “Okay, sige, pipirmahan ko na `to para matuloy na ang acquaintance party n’yo. Pero `di pa huli ang lahat, Renan. Mag-isip ka ng magandang number para sa party. May oras pa.”
Hindi malaman ni Renan kung yayakapin o pupupugin ng halik si Mr. Sta. Cruz dahil sa kagandahang-loob nitong maging adviser nila. Dahil sa mga sandaling iyon, sigurado siya na mayroon na siyang nararamdamang pagtatangi dito. Naramdaman niya ang malakas na pagpukpok sa ulo niya ng mga papel ni Chris. Saka ito kumaripas ng takbo. Pero hindi niya alintana ito. Mas namayani sa kanya ang katotohanang may nagmamay-ari ng kanyang puso na matagal nang iniwang basyo ng imahe ni Chris. Mabilis na susundan sana niya si Chris pero hindi niya mapalampas ang pagkakataong ito. Ngayon lang sila nagkasama ni Mr. Sta Cruz sa iisang kuwarto na sila lang dalawa. “I’m looking forward to seeing you there, s ir.” Tanging ito lang ang nasabi ni Renan sa kanya.
“See you there, too, Renan.”
May paanyayang bati ang boses ni Mr. Sta. Cruz nang sambitin niya ang pangalan niya. Pumayag siyang maging adviser hindi lang ng aming klase kundi ng buong CASoc. Magkikita kami sa acquaintance party! Ang saya ko. Ang saya ng buhay. Bakit ganito ako kasaya? Walang mapagsidlan ang kaligayahang nararamdaman ko ngayon. At nakapagtataka na hindi na si Chris ang dahilan ng aking kaligayahan, musa ni Renan sa sarili. Nakita niyang tumatakbo si Chris papunta sa sulok ng gusali kaya mabilis niyang sinundan ito.
“Wala ka talagang kahihiyan, Chris.” Sa wakas ay naabutan na niya itong binubuksan ang kanyang locker.
“`Kaw ang walang kahihiyan. Nakita mo ba’ng actions mo kanina, Renan?” balik-tanong ni Chris sa kanya.
“Bakit, ano ba’ng ginawa ko kanina?”
“Para kang mahinhing birhen sa harap ni Sir. Nakakahiya ka! Presidente ka pa naman ng CASoc pero ang landi-landi mo.”
“Gago, `kaw nga `tong walang preno ang bibig at dere-deretso kung magsalita.”
“Kelangan kong magsalita dahil pipi ka kanina. Nag-iilusyon ka ba na magkakagusto si Sir sa `yo?”
“Ano?”
“Kilala na kita, Renan, matagal na matagal na. Alam na alam ko’ng takbo ng utak mo. Puwede ba, magpakatotoo ka nga!”
“Bakit, nagseselos ka?”
“Ikaw pala’ng gago, eh. Ba’t naman ako magseselos?”
“Dahil me iba na `kong gusto.”
“Eh, sira pala ang ulo mo, eh. Bakit, feeling mo, magugustuhan ka rin ni Sir? ‘Di ka na kinilabutan sa sinabi mo.”
“Nagseselos ka kasi me bago nang nakakapansin sa `kin.”
Hinawakan ni Chris si Renan sa magkabilang balikat. Madiin. Bumaon ang mga daliri nito sa balikat niya. “Hindi magkakagusto sa `yo si Sir dahil bakla ka. Hindi bakla si Sir. Magiging sila ni Ma’am Grace. At ikaw, ilusyonadang walang kuwentang bakla, ay masasaktan na naman.”
Humulagpos si Renan sa matigas na pagkakahawak ni Chris. Buo ang loob nito na sinagot ang kaibigan. “’Di ko alam na ganyan pala kababa ang tingin mo sa `kin. `Di ko rin maintindihan kung bakit galit na galit ka sa akin. Wala naman akong ginawang masama sa `yo. Kung masaktan man ako, eh, ano ngayon? Me pinag-iba ka ba kay Sir?”
“Teacher siya, Renan. Hindi ba pumasok sa isip mo na masama ang ma-in lab sa teacher?”
“So ano, diyos ka na rin ngayon?” Mabilis na kinuha ni Renan ang nalaglag na bag at lumakad ito papalayo.
“Teka, Renan. Hindi pa tayo tapos sa mga paper na `to. Sa’n ka pupunta?”
Dere-deretso ang lakad ni Renan. Hindi nilingon ang kaibigan. “Kaya mo `yan. Kaya mo namang gawin lahat. Diyos ka, `di ba?”