noveltoon logo noveltoon
Kadenang Bahaghari

Chapter 6

Ch. 6 / 27 Feb 09, 2022

M aaliwalas ang mga araw na sumunod. Bagama’t mainit na ang sinag ng araw na panakaw na pumapasok sa screen ng bintana ni Willie nang umagang iyon, may kapreskuhang hatid ang hangin na nagdidikta ng marahang pagsayaw ng mga kurtina at pagtunog ng chimes sa kanyang pintuan. Mabilis na nilagok ni Willie ang natitirang kape sa kanyang babasaging tasa at iniligpit nang maayos ang mga dadalhing papel at libro. Ipinasok ang mga ito sa kanyang oversize na bag. Sa susunod na linggo na ang huling linggo ng kanyang diskusyon sa klase dahil sa makalawang linggo ay final examination na. Maayos na niyang naisumite ang kanyang test questions sa dean’s office para ma-mimeograph at magawan ng kaukulang kopya para sa mga estudyanteng kukuha ng huling pagsusulit. Inihanda na rin niya ang answer key para maging mabilis ang pagtsek ng mga test papers. Nabasa niya sa anunsiyo sa dean’s office na kailangang magsumite ng mga grades ng mga estudyante isang linggo matapos ang finals. Ito ang idiniin ng mga department heads lalo na sa mga bagong gurong tulad niya na ugaliin at obserbahan ang maagang pagpasa ng mga records ng mga mag-aaral dahil malaki ang magiging basehan nito sa kanilang pangkalahatang evaluation bilang teachers.

Naipangako ni Willie sa sarili na pagbubutihan niyang matapos ang mga trabahong haharapin niya sa mga susunod na linggo dahil gusto niya ang trabahong ito. Ito na rin ang napipinto niyang gawin hanggang sa kanyang pagtanda. Ang maging isang magaling at dalubhasang guro. Mahal niya ang kanyang trabaho at gagawin niya ang lahat para maging isang regular at tenured na faculty ng Liberal Arts.

Pagpasok niya sa campus ay dumeretso na agad sa faculty room para ilagay ang mga papel sa kanyang cubicle. May kabigatan ang kanyang dalang bag na punumpuno ng papel at mga libro kaya bahagya niyang minasahe ang kanyang kaliwang balikat. Nakita niya si Grace sa kabilang karel sa faculty room at itinaas niya ang kamay para batiin ito pero blangko lang itong nakatingin sa kanya. Iniyuko nito ang ulo para basahin ang kanyang mga aralin. May sumpong na naman, kutob ni Willie. Ang mga babae talaga, mahirap ispelingin. Ano na naman kaya ang nakain nito at nakaismid sa akin? Nainip na siguro at matagal-tagal na rin kaming magkasama pero hindi pa rin ako pormal na nanliligaw sa kanya. Hinihintay ba niyang ligawan ko siya? Hindi pa ba niya nahahalata na kaibigan lang ang turing ko sa kanya at wala akong planong makipagmabutihan? Bad trip siguro kaya `eto, binibigyan ako ng cold shoulder. Inaalukan ako ng panibagong istratehiya para lumapit at sumuyo sa kanya. Hayaan ko na lang para matauhan, busal niya sa sarili. Maganda na ito para tumigil na rin siya nang kaaasa sa wala. Mabuti na ang masaktan sa umpisa kaysa malaman pa niya sa huli na wala talaga akong intensiyong maging kami. Siguro, sa kaloob-looban, alam na niya ang sagot. Hindi na uli ibinaling ni Willie ang tingin sa direksyon ni Grace.

Pumasok ang checker ng dean’s office sa loob ng faculty room. Hinahanap si Willie. “Mr. Sta. Cruz?”

“Yes, that’s me,” masayang tugon ni Willie. Iniangat ni Grace ang kanyang ulo para pagmasdan ang paglapit ng checker kay Willie. May iniabot na sulat sa kanya. Nakapaloob ito sa isang envelop na may tatak na From the Dean . Nakasulat ang mga salitang Strictly Confidenfial sa puting envelop. Nakaramdam ng kaunting kaba si Willie. Hindi niya maintindihan kung bakit siya susulatan ng kompidensiyal ng dekana.

“Please sign here, Sir. Proof that you have received the letter from the dean,” utos ng checker.

Mabilis na linagdaan ni Willie ang logbook. Pagkaalis ng checker, marahang ipinatong niya ang sulat sa harap. Nagtalo ang kanyang isip kung ano ang nilalaman ng sulat. Nang hindi na siya makatiis, pinilas niya ang sulok ng envelop na umabot hanggang gitna kaya pati ang sulat sa loob ay bahagyang napunit at nalukot. Hinimas-himas niya ang papel para mawala ang lukot at mabasa niya nang malinaw ang nilalaman.

February 27, 2010

Mr. Wilfredo Sta. Cruz

Faculty Member

College of Liberal Arts

Sacred Heart College

Angeles City

Dear Mr. Sta. Cruz:

I am pleased to know that you have shown enthusiasm and genuine interest in your responsibility as a teacher of this college by submitting pertinent records promptly, attending and participating actively in faculty meetings and other school activities, and showing great concern for teaching, which are the hallmarks of a great mentor. However, I regret to inform you that I have received a serious complaint from concerned students and faculty members regarding your “questionable” professional, ethical, and moral relations with your students. In view of this, I would like to invite you for a personal conference in my office tomorrow at 10 AM. I most certainly would like to see you and hear your side of the story regarding these rather unfortunate assumptions and conjectures.

Please let me know if this meeting at the proposed time and place is agreeable to you.

Sincerely,

Prof. Ma. Teresa R. Pangilinan, Ph.D.

Dean

Halos malaglag sa kinauupuan si Willie. Hindi niya mawari kung ano at saan ang pinanggalingan ng balitang ito na nakarating pa hanggang sa dekana. Pakiramdam niya ay kakapusin siya ng hininga. Binalikan niya ng tingin si Grace sa kabilang wing ng faculty room. Akmang pupuntahan sana niya ito pero tumayo na si Grace at lumabas na ng kuwarto. Halatang iniiwasan siya. Bigla niyang naunawaan ang ibig sabihin ng pag-iwas nito. Alam na ba niya ang tungkol sa amin ni Renan? Paano niya nalaman? Nagtapat ba si Renan sa kanya? Sinasabi ko na nga ba na hindi mapagkakatiwalaan ang estudyanteng `yon. Ginamit lang ba ako ni Renan para masangkot sa insidenteng ito? Paranoid lang siguro ako. Wala namang binanggit ang tungkol kay Renan sa sulat, katwiran niya. Baka naman isang ordinaryong insidente lang ito ng hindi ko pagkakasundo sa isang estudyanteng minasama ang sinabi ko. Pero wala naman akong matandaang sinabi sa kahit kaninong estudyante na ikasasama ng kanyang loob para magsumbong sa dekana. Bakit masyadong matapang ang tono ng sulat ng dekana? Hindi yata makatarungan na akusahan ako agad ng “questionable professional, ethical, and moral relations with students.” Dapat ako muna ang kinausap niya bago nakinig sa mga ibinibintang ng mga estudyante at gurong ito. At sino naman kaya ang mga gurong ito? Kasama kaya si Grace sa mga nagbintang? Hindi ko lang siya niligawan, ganito na ang igaganti niya sa akin? Naging palaisipan sa kanya ang nakasaad sa sulat kaya hindi na siya nakapagpahinga matapos basahin iyon. Binalik-balikan niya ang pagbasa sa nilalaman.

Lutang ang kanyang diwa sa pagtuturo nang araw na iyon hanggang sa kanyang pag-uwi. Pagdating sa bahay, hindi siya makakain. Gabi na ay ayaw pa rin siyang dalawin ng antok. Alam niya sa sarili na kapag mayroong ligalig sa kanyang isip, hindi siya matahimik. Ilang beses na bang nangyari sa kanya na hindi siya mapakali dahil hindi mapanatag ang kanyang kalooban? Hindi bale, ilang oras na lang at mamayang umaga, malalaman ko na lahat ang tungkol dito. Tiningnan niya ang oras. Three Forty-five ng madaling araw. Dahil hindi makatulog, bumangon siya at nag-init ng tubig para magtimpla ng kape. Inilabas ang isang stick ng Marlboro Lights sa kaha at sinindi. Malalim ang hagod ng hithit ni Willie kaya pagbuga niya ay kumalat agad ang usok sa kabuuan ng sala.

Mataas na ang araw nang magising siya kaya dali-dali siyang naligo at naghanda para pumunta sa eskuwelahan. Nahuli siya ng ilang minuto nang makarating sa dean’s office. Kita niya ang malaking orasan sa tanggapan na may logo ng paaralan na nakaukit ang mission-vision nito: Fides, Artes, Humanidades Semper. Pananampalataya, sining, pagkamakatao, kailanman. 10:07 ang nakasaad sa oras. Papasok na sana siya sa opisina ng dekana pero sinabihan siya ng sekretarya na dumeretso na sa conference room dahil naroroon na ang dekana at ilang mga kasama sa pulong. “Kasama?” inosenteng tanong niya. “Akala ko ba private conference `to?” Hindi siya sinagot ng sekretarya na abala sa pag-file ng mga nakabalumbong papel sa ibabaw ng kanyang mesa. Hindi na siya nag-usisa pa at naglakad sa kahabaan ng tanggapan, kipkip ang mga dalang libro at papel para sa asignaturang ituturo niya pagkatapos ng kumperensiyang iyon. Pagpasok niya sa loob, namataan niya ang ilang mga personalidad na nakaupo sa kabilugan ng mesa. Ang dekana sa kabisera. Si Mr. Siopongco, ang prefect of discipline, sa gawing kanan. Si Mrs. Layug, ang puno ng Student Welfare Development Board, sa gawing kaliwa, katabi si Grace. Si Grace, nandito? Ano ang ginagawa niya dito, tanong ni Willie sa sarili. Binati niya ito pero parang hindi siya pinansin.

May dalawang bisita, isang may-edad na lalaki na naka-amerikana at ang babae na mukhang kabiyak nito. Nakaupo sila katabi ni Mr. Siopongco. Inanyayahan siya ng dekana na umupo sa tabi ng pintuan.

“Please, Mr. Sta. Cruz. Have a seat and make yourself comfortable,” mariin at malakas na bigkas ni Dr. Pangilinan. Umalingawngaw ang kanyang boses sa apat na sulok ng silid. “You’ve met and known several people here already but let me introduce you to the parents of one of our students, Renan Ballesteros. The father, Atty. Rolando Ballesteros, and his wife, Mrs. Remedios Ballesteros. This is Mr. Wilfredo Sta. Cruz.”

Napalunok si Willie. Hindi alam ang gagawin o sasabihin sa mga bagong ipinakilala. Bahagya siyang ngumiti at itinango ang ulo. Tumingin lang ang ina ni Renan sa kanya habang kunot ang noo at lukot ang mukha ng ama na ibinaling ang tingin sa dekana. Hindi siya pinansin.

Nagpatuloy ang dekana. “Please, everybody sit down. I have called upon this rather urgent meeting to address this pressing issue allegedly involving Mr. Sta. Cruz and a student of ours, your son, Renan Ballesteros.” Tumingin ang dekana sa gawi ng mga Ballesteros at mabilis na sumabad ang ama.

“It is not alleged. It is true. I am a lawyer. There are proofs,” pormal at nag-uumigting na sambit ni Atty. Ballesteros.

Ginalugad ng tingin ni Willie ang lahat ng mga taong naroroon sa conference room. Lahat umiiwas ng tingin sa kanya. Napagtanto niyang hindi lang iyon napagdesisyonan kahapon katulad ng inaakala niyang imbitasyon sa kanya ng dekana. Marahil, matagal-tagal na nila iyong pinag-usapan at pinagdiskusyunan dahil nagawa pa nilang imbitahin ang mga magulang ni Renan sa pulong. Pakiramdam ni Willie, para siyang dinaya na hindi ipinaalam ang imbestigasyong ito. Hindi man lang siya inabisuhan ni Grace na mayroon palang nilulutong ganitong pag-uusap laban sa kanya. Hinabol niya ng tingin si Grace. Gusto niyang ipaabot ang mga tanong hinggil sa pulong na ito. Ganoon na ba ang galit mo sa akin para ilihim sa akin ito? Pero hindi nakatingin si Grace sa kanya. Nakatuon ito sa mga sinasabi ng ama ni Renan at ng dekana.

“I am sorry, Atty. Ballesteros, but you have to remain calm. I am the one conducting this proceeding,” buong markang tugon ng dekana.

Hinawakan ni Mrs. Ballesteros ang braso ng asawa, tanda ng pag-awat. Kumalma naman ang ama at isinalya ang katawan sa pagkakaupo sa silya.

“Now, Mr. Sta. Cruz, I suppose you know what these allegations are being referred to in this proceeding.”

“No, I don’t, Dean Pangilinan,” mabilis niyang tugon. “I came to this office because I understand in your letter that you wanted to seek a private audience with me regarding a complaint. Alone.”

“Well, yes, this is the complaint. And I have invited the parents of Renan Ballesteros as well as the members of the Ethics Committee Board to help me facilitate this meeting.” Pilit na binubungkal ng dekana ang isyu ngunit hirap siyang bigkasin ang gustong sabihin dahil tikom ang bibig ni Willie at iritado na ang ama ni Renan. “Tell me, Mr. Sta. Cruz, what is your relationship with Renan Ballesteros?”

Parang balaraw na bumaon sa kanyang kalamnan ang tanong ng dekana. Tuyo na ang kanyang lalamunan kaya nilulon niya ang natitirang laway sa loob ng kanyang ngala-ngala. “I have no relationship whatsoever with Renan Ballesteros other than the professional and standard student-teacher relationship duly observed by this college. This school.”

“But what does this text mean?” Nilabas ng dekana ang isang cell phone at ipinakita ang message. Binasa niya ito nang malakas. “‘I am home already. Where are you? I need to speak to you. Please come.’ I am sure you will agree with me that this is far from the professional and standard student-teacher relationship that you were just talking about. Inviting a student to go to your house? What do you need to speak to him about?”

Hindi maintindihan ni Willie kung ano ang gusto niyang sabihin. Hindi rin niya maipaliwanag kung paano napunta sa dekana ang pribadong mensahe na iyon na ipinadala niya kay Renan at kay Renan lang.

“It was about an activity we had to do regarding the CASoc. I am the adviser and Renan Ballesteros is the president,” matipid niyang sagot.

“What was the activity, Mr. Sta. Cruz?”

“I had no idea. It was something the officers wanted to do. That’s why I texted him. I wanted to find out the details.”

Umiling-iling ang dekana. Sa mga oras na iyon, pakiramdam ni Willie ay matutunaw siya na parang kandila sa harap ng isang nagliliyab na tsiminea. “But didn’t you just hold your acquaintance party recently? What is this activity that you’re so anxious to find out? Why do you have to meet Renan Ballesteros at your house? Isn’t it rather professional, ethical, and moral to meet him here on campus grounds instead?”

Nasa dead-end na kalye si Willie. Hindi na siya makaurong o makasulong. Hindi niya masabi ang totoong dahilan kung bakit gusto niyang papuntahin si Renan sa bahay dahil ito naman ang mapapahamak. Hindi sapat ang dahilang iyon sapagkat alam niyang siya ang guro. Sa mga mata ng Diyos at sa mga mata ng tao, mali pa rin siya dahil estudyante niya ito. “May I see a lawyer?” nanginginig na usal ni Willie. Diskumpiyado siya sa pinatutunguhan ng panggigisa sa kanya ng dekana.

Tumayo ang nagngangalit na ama ni Renan. “You want to file a complaint?” Nangangatal na dinuro-duro nito ang mukha ni Willie. “You will lose, you imoral pig!” Kinuha nito ang isang envelop na tangan-tangan ng kanyang asawa. “Dr. Pangilinan, here are pictures of your beloved teacher, kissing and raping my son.” Tumambad at nagkalat sa mesa ang ilang mga litrato nina Willie at Renan na naghahalikan. “Now your beloved teacher is not only an immoral homosexual, but a filthy pedophile who wanted to corrupt my son.”

Napahagulhol si Mrs. Ballesteros at kinuha ang panyo sa kanyang bag. Pilit tinatakpan ang mukhang hinagpis ang nararamdaman.

Basa sa mga mukha ng mga taong nasa loob ng pulong na iyon ang pagkagitla at pagkabalisa sa nakitang mga larawan. Pinagpasa-pasahan ng mga taong nasa loob ng conference room ang mga litrato. Parang eksperimento sa laboratoryo. Pinagmasdan ni Willie ang mga ismid at kunot ng mga linya sa mukha ng mga tumitingin sa litrato. Pakiramdam niya ay hubad siyang pinanonood ng mga ito. Nililibak. Pinandidirihan. Nanatiling tahimik si Grace. Pero nakatingin na ito nang deretso sa kinaroroonan ni Willie. Nagtama ang kanilang paningin. Parehong nagtatanong. Parahong gustong sumagot. Pero, paano sa ganitong sitwasyon?

“May I request you to sit down, Attorney?” paanyaya ng dekana sa kausap.

“I won’t sit down. I don’t know what proof you still need to see. Aren’t these evil and horrible pictures enough?” nanggagalaiti ang mga ugat sa leeg ng abogadong ama.

“Please sit down, Sir.”

“No, Dr. Pangilinan,” matapang na sagot ng ama ni Renan. “My wife and I both have heard enough. Binabalaan ko kayo! Mr. Sta. Cruz should be expelled from this school. Because if not, I will sue him for statutory rape, gross misconduct, and acts of lasciviousness! I will sue you, too, Dr. Pangilinan, and this school for negligence, for bringing harm to my son. And I will take this to as high as the Supreme Court no matter what it takes! Let’s go, Medy. This school is garbage!” Malakas na binuksan nito ang pinto. Habol-habol siya ng humihikbing asawa.

Parang isang malagim na delubyo ang katahimikang bumalot sa silid na iyon. Ilang segundo lang ang nakabibinging katahimikan pero parang isang dantaon ang dumaan. Isang siglo. Malikot na pinisil-pisil ni Willie ang kuwaderno na nakapatong sa kanyang harap. Nag-iwan ng basang marka ng pawis ang kamay niya sa pahina nito.

Bumuntong-hininga ang dekana. “I am sorry that this happened, Mr. Sta. Cruz. May we hear your story?”

“There’s no story, Dean Pangilinan.”

Nagulat ang dekana sa tinuran ni Willie pero hindi siya nagpahalata. “What do you mean there is no story?”

“I mean it like I said. But I figure that no one here will believe me anyway.”

“Look, Mr. Sta. Cruz — ” Nagbago ang tono ni Dr. Pangilinan. Naging seryoso at malalim ang pagbigkas niya. “I don’t understand what you mean but this is a serious offense. Even a criminal one. Maintaining a professional distance with our students is something this school strongly upholds. You have seen the adamant reactions of the Ballesteroses. And they have threatened me and this school. You have just started here. Without tenure yet. I cannot defend you.”

Gusto sanang ilaban ni Willie ang kasong ito pero paano si Renan? Malaking iskandalo ang maaring mangyari. Hindi rin niya maatim ang puwedeng maganap sakaling lumaban siya. Makokompromiso ang pagtatapos ni Renan. “Yes, I understand. Will I hold my post until the semester’s over?” malungkot na tanong ni Willie.

“I’m afraid not, Mr. Sta. Cruz. We want this to go as quietly as possible and not want to blow this out of proportion. The school does not need a scandal especially now that Renan Ballesteros and his batch are graduating. Final examinations are due next week anyway. Please turn over everything to Ms. Gundran here.”

Hindi na nakuhang magpakawala ng salita si Willie. Tumango na lang ito.

“I am so sorry, Mr. Sta. Cruz. I would’ve liked you to stay. I thought you could be a great teacher,” mahinahong pangwakas ng dekana.

Ngumiti si Willie at marahan niyang binuksan ang pinto palabas. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Palihim na tumingin ang sekretarya ng dekana sa kanyang paglabas pero hindi na niya pinansin ito. Hindi na niya kailangan pa. Sira na ang pangarap niyang buuin ang karera sa eskuwelahang ito bilang isang guro. Alam niyang dahil hindi siya tenured at nag-uumpisa pa lang, wala siyang karapatang labanan ang akusasyon na ibinintang sa kanya kanina sa conference room. Isa pa, magtatapos na si Renan sa susunod na buwan. Kapag pumutok ang iskandalong ito at lumaban siya, ano ang idudulot nito sa kanya? Hindi na siya sigurado sa pangakong ibinigay nila sa isa’t isa pagkatapos ng graduation. Nakita niya nang personal ang mga magulang ni Renan at napagtantong wala siyang magiging puwang sa buhay ng anak nila. Hindi sila magiging masaya. Mistulang multo ang pangyayaring ito na gugulo at babalik sa diwa nila habambuhay.

Kumuha ng isang malaking karton si Willie para ilagay doon ang mga natitira niyang gamit sa cubicle.

“Ba’t mo ginawa `yon?” narinig niya mula sa likuran ang pamilyar na boses ni Grace.

Hindi na nilingon ni Willie ang kausap. Hindi niya alam kung siya ang mahihiyang humarap dito o harapin ang marahil nahihiyang kausap. “Wala akong kailangang ipaliwanag sa `yo. Tapos na ang imbestigasyon.”

“But he’s a student, Willie.”

“You don’t know the whole story. I don’t think by now you need to.”

“I didn’t know that you’re…”

“Now you do.”

“God damn it, Willie!” Pinilit harapin ni Grace si Willie. Hinahanap nito ang sagot sa mga mata niya. May isang teacher na nagsasalansan ng mga files sa cubicle ang nagitla sa usapan ng dalawa. Nakaramdam ito ng pagkabalisa kaya mabilis na lumabas ng faculty room. “Don’t I mean anything to you? I mean, I know now that you don’t like girls… but at least, you could’ve had the decency to open up and tell me. Kaibigan mo `ko. Makikinig ako sa `yo.”

“You wouldn’t be able to help me anyway, Grace. Besides, why didn’t you tell me that there’s already a decision of the admin to expel me?”

“I’m a member of the Ethics Committee Board, Willie. Confidential `yon,” mariing paliwanag ni Grace.

“But I am your friend.”

Natanso si Grace sa pahayag ni Willie. Hinayaan niyang iligpit ni Willie ang natitira pang gamit nito sa cubicle. Nakatayo lang siya sa gilid ng mga locker. “So, Pa’no na? Saan ka pupunta pag-alis mo dito?”

“`Di ko alam. Mas maganda sigurong wala na ring makaalam. Patatangay na lang ako kung saan ako dadalhin ng mga paang `to,” tahimik na sagot ni Willie. Hinawakan ni Grace ang kanyang kamay at pinisil ito. Inangat ni Willie ang kamay ni Grace na mahigpit niyang hawak at hinalikan. “Maraming salamat, Grace. ‘Kaw na’ng bahala sa mga klase ko. Bye.”

Tumulo ang luha ni Grace habang habol-habol ang imahe ni Willie na lumalakad palayo.