Halos isang linggo na ang nakararaan mula nang mangyari ang malagim na imbestigasyon. Nakatayo si Willie sa bukana ng kanyang kuwarto at pinagmamasdan ang nakakahong gamit ng kanyang naging buhay. Napagtanto niyang kaya palang isilid sa dalawang malaking kahon ang kanyang nakaraang dalawampu’t apat na taong buhay. Pagkatapos niyang ipasa kay Grace ang lahat ng kailangan para sa mga asignaturang kanyang itinuro sa kolehiyong iyon, napaisip siya na malaking parte ng kanyang naging kasalukuyang buhay ang pagtuturo. Ngayong libre na siya at desidido nang hanapin ang karugtong ng kanyang magiging buhay sa hinaharap, sumagi sa isip niya na marami rin pala siyang kailangang iwan.
Binuksan niya ang nilalaman ng malaking kahon. May ilang libro na kanyang nabili ang naging piping saksi sa kanyang layon na maging isang matagumpay na guro. Ngayon, hindi na siya sigurado sa magiging silbi ng mga iyon. Hindi niya alam kung kakailanganin pa niya ang mga ito sa pupuntahan niya. Inilabas niya ang ilan at nagpasyang hindi na dadalhin ang iba. Iiwanan na lang dito sa inuupahang espasyo na kanyang naging santuwaryo nang halos dalawang taon. S ana magkaroon ng pakinabang ang mga librong ito sa susunod na titira dito at gagawa ng sarili niyang puwang sa mundo. Inilabas niya ang iba pang gamit: mga damit, folders na naglalaman ng ilang mahahalagang papeles ng kanyang pagkatao, mga litrato ng kanyang mga mahal sa buhay na ngayon ay wala na lahat. Naisip niya kung ano ang sasabihin ng kanyang mga magulang sakaling buhay pa sila. Maiintindihan kaya nila ang pinagdadaanan niya? Ang kanyang lola na inilaan ang buong buhay at lakas para maitaguyod siya? Mabuti na ring wala na silang lahat. Baka hindi nila kayanin ang iskandalong kinakaharap niya ngayon.
Nagsindi ng sigarilyo si Willie at pinakawalan ang isang mayabong na usok. Sa pupuntahan ko, pagdedesisyon niya, hindi na ako magdadala ng maraming gamit. Hindi ako gagawa ng alaala na balang araw ay magiging pabigat lang sa akin. Aalis ako at darating na dalawang kahon lang ang dala-dala. Walang labis. Walang kulang.
Hindi na niya nagawang pormal na magpaalam sa mga klase niya pagkatapos ng imbestigasyon. Hindi na raw kailangan, sabi ng dekana. Iwas-iskandalo na rin. Hindi niya alam kung nakarating na sa lahat ng mga estudyante ang totoong nangyari kung bakit hindi na niya matatapos ang term. Hindi na rin sila nagkita ni Renan. Wala siyang natanggap maski text man lang mula sa kanya. Marahil, pinagbawalan siya ng kanyang magulang na makipag-ugnayan pa sa kanya. Wala na siya sa eskuwelahang iyon. Maaari sigurong ginamit lang siya ni Renan, pinagsamantalahan ang kanyang kahinaan. Bakit pa niya dininig ang mga sinabi nito? Nasaan na ang mga katagang mahal kita na sinabi niya noon?
Muling hinithit ni Willie ang sigarilyo na nakaipit sa kanyang dalawang daliri at bahagya siyang nahilo. Ang pag-ibig niya kay Renan ay parang sigarilyo. Alam niyang masama at makasasama ito sa kanya pero sumige pa rin siya. Pinagbigyan pa rin niya ang sarili na maramdaman ang pagmamahal na iyon kahit mali at magdudulot ng panganib sa kanyang sarili, sa kanyang ambisyong maging isang ganap na guro, sa kanyang hinaharap. Ngayon, saan niya hahanapin ang kanyang hinaharap?
Bago niya pinatay ang natitirang baga sa sigarilyo, sinubukan niyang hithitin pa ito kaya napaso ang kanyang bibig. Iwinisik niya ang abo sa latang ashtray at naglakad papuntang lababo para hugasan ang kamay at mawala ang amoy ng sigarilyo. Kinuha niya ang unang kahon at inilabas ito.
“Sir Willie?” mahinang boses ang narinig niya mula sa labas. Sa isang saglit, inasam niya na sana ang boses na iyon ay galing kay Renan.
Binuksan niya ang tarangkahan ng gate. “Chris! Ano’ng ginagawa mo dito?” Balisa ito at parang nakainom. Pulang-pula ang mga bural na mata. Luminga-linga siya sa paligid. Hinanap kung may nakakita sa kanilang ibang tao. Hinanap kung kasama niya ang kanyang kaibigan.
“Alam kong `di kita dapat puntahan dito, Sir, pero nakokonsiyensiya ako.”
“Dahil sa sinabi mo sa akin noong acquaintance party? Ngayon, alam na alam mo na ang sagot at napatunayan mo na.”
“`Di dahil do’n. Dahil maraming ibang dahilan. Sabi ni Ma’am Grace, `di ka na daw magtuturo sa `min.”
“Hindi na nga. Mabuti na `yon. Lason ako sa inyo.” Naramdaman ni Willie na humina ang boses niya nang banggitin ang salitang lason. Hindi niya akalaing kaya niya palang aminin at sabihin ito sa kausap.
“Hindi ka lason sa `min, Sir. Hinding-hindi.” Napansin ni Chris ang isang malaking kahon na nakapatong sa unang baitang ng hagdan. “Aalis kayo?”
“Wala nang dahilan para magtagal pa ako dito. Pa’no mo nalaman kung sa’n ako nakatira?”
“T-tinanong ko kay Renan.”
“Alam ni Renan na nandito ka ngayon?” usisa ni Willie.
“O-oo.”
“Pero alam mo rin na bawal kayong mga estudyante na pumunta sa bahay ng inyong teacher, `di ba?”
“Alam ko po.”
“Gusto kita sanang patuluyin pero baka may usiserong kukuha na naman ng mga litrato nating dalawa at ibigay din ito kay Dr. Pangilinan.”
Itinungo ni Chris ang kanyang ulo.
“`Di ka na dapat nagpunta pa dito,” sambit ni Willie. “Aalis na `ko sa lugar na `to.”
“Sa’n ka pupunta, Sir?”
“`Di ko alam. Hindi mo na rin dapat malaman.”
“Hindi ka dapat umalis, Sir,” pigil ni Chris.
“Wala nang dahilan pa para tumagal ako dito. Malapit na rin ang pagtatapos n’yo ni Renan. Balang araw, maiintindihan n’yo rin ang ibig sabihin nito.”
May inilabas na sulat si Chris sa kanyang bulsa. Alinlangan niya itong inabot kay Willie. “Galing kay Renan.”
Umiling si Willie. “Hindi ko na kelangang basahin `yan, anuman ang nakalagay pa d’yan.”
“Pero kelangan mong mabasa `to…”
“Para ano pa? Para makarinig na naman ako ng mga magagandang salita galing sa `yong magaling na kaibigan?”
“Mahal ka ng kaibigan ko,” usal ni Chris.
“Ikaw ang mahal ng kaibigan mo. Alam mo ba `yon?” nang-uusig na komento ni Willie. “Mga bata pa lang kayo, ikaw na ang mahal niya. Ako, nagamit lang ako sa magulong kuwento n’yo. Hindi ako dapat nasali dahil teacher n’yo ako. Naiintindihan mo, teacher n’yo ako!” Sa unang pagkakataon, lumabas ang pinakatago-tagong emosyon ni Willie. Ang kinikimkim niyang mga tanong at agam-agam ay malaya niyang naisuka kay Chris. “Sana, pinabayaan ko na lang kayong dalawa. Sana `di n’yo na `ko kinuhang adviser ng CASoc. Sana ‘di ko na lang kayo naging estudyante. Sana `di na lang ako naging teacher sa putang-inang Sacred Heart College na `yan! Sabihin mo sa kaibigan mong bakla na sana maging masaya na siya sa buhay niya para wala nang teacher na masangkot pa sa madilim niyang mundo. At `kaw naman. Kung `di mo kayang mahalin ang kaibigan mo dahil lalaki ka, pakawalan mo na siya. Kung ayaw mo siya, pabayaan mo naman siyang gustuhin ng iba. `Yong talagang magmamahal sa kanya.” Bumara ang kanyang lalamunan at nahirapan siyang dugtungan ang kanyang mga sinabi.
Hindi makatugon si Chris. Parang nakakita ng multo sa pagkabigla sa mga narinig kay Willie. Tuod siyang nakatayo sa harap niya.
Narinig ni Willie ang sagutsot ng paparating na dyip kaya ibinaling ang kanyang pansin sa malaking kahon sa hagdan. Pinilit niyang buhatin ito gaya nang pagpupumilit niyang buhatin ang kanyang sariling buhay. Akmang tutulungan siya ni Chris pero hindi niya ito binigyan ng pagkakataon. Pumarada ang isang maliit na dyip sa harap ng gate at bumaba ang drayber para tulungan si Willie sa pagbuhat ng kahon.
“Have a good life, Chris,” ang tanging nasambit ni Willie bago siya tuluyang sumampa sa dyip. Naiwan si Chris na nakatayo sa gitna ng daan sa gitna ng masukal na usok na binuga ng kalawanging tambutso ng dyip sa gitna ng takip-silim na iyon.