noveltoon logo noveltoon
Kadenang Bahaghari

Chapter 5

Ch. 5 / 27 Feb 09, 2022

2 010 . Magulo ang pagpasok ng taong iyon. Nababalutan ng hambong nang walang katiyakan at kasiguruhan. Huling taon na ng panunungkulan ng Kapampangang si Gloria Macapagal Arroyo bilang pangulo ng bansa at balot sa hiwaga at misteryo ang kanyang administrasyon. Pagkatapos ng kanyang Hello Garci scandal ay hindi na siya nakabawi. Marami ang gustong hilahin na lang ang panahon para maging Mayo na para sa pambansang eleksiyon at mapalitan na ang pandak na sumira sa pangalan ng kanyang amang dati ring pangulo na minahal ng madla. Sinipa niya ang dating pangulong taga-San Juan na mahilig uminom at magsugal upang siya ang maging milenyal na pangulo at magtagal sa posisyon. Ngayon naman, pagkatapos ng mahigit walong taon, gusto na rin siyang sipain ng mga politikong interesadong umupo. Lalo siyang lumubog nang mangyari ang masaker sa Maguindanao kung saan humigit-kumulang sa animnapung tao ang namatay. Ang mabagal niyang pagresponde sa pagdeklara ng Maguindanao bilang state of emergency at Martial Law ang siyang bumaon sa kanyang bumubulusok na popularidad. Isinagawa niya ang pag-anunsiyo ilang araw matapos ang pagbisita sa nasabing probinsiya ng daan-daang government troops para i-raid ang Ampatuan clan, ang pamilya na implikado sa malagim na masaker. Sinasabing ang masaker ang pinakamalalang insidente ng karahasang politikal na nangyari sa bansa at ng pagpatay ng mga tao sa media sa isang araw sa kasaysayan ng panulatan sa buong mundo. Hindi lang ito ang naging problema ni GMA. Kumalat ang H1N1 virus sa Asya at naapektuhan ang ekonomiya ng bansa, nanalasa ang bagyong Ondoy, ang pinakamalakas na bagyo na dumaan sa Metro Manila ng nakaraang apatnapung taon, at sumakabilang-buhay ang mas nilugod na Kapampangan na dating presidente ng Pilipinas na si Cory Aquino. Marami ang nagalit kay GMA na pagkatapos mamatay sa sama ng loob ang kanyang katunggaling si FPJ, si Tita Cory naman ang sumunod. Kinakampanya pa ni Tita Cory noong mga huling araw niya ang pag-resign ni GMA dahil sa mga iskandalo ng ZTE at Hello Garci. Hindi rin maipagkakaila na may mga politikong nililigawan na ang panganay na anak nito, si Noynoy, na tumakbo bilang presidente sa susunod na eleksiyon para maitaguyod ang pamanang iniwan ng kanyang mga magulang.

Sa larangan ng media at pelikula, nakiramay ang buong sambayanang Pilipino sa pagkawala ng aktor at rapper na si Francis Magalona, ang reyna ng pinilakang tabing na si Paraluman, at ang pamosong talent manager na si Douglas Quijano. Pero ang itinatangis ni Willie ay ang pagpanaw ng makatang si Genoveva Matute at ang kritikong manunulat at heswitang si Padre Miguel Bernad.

Magulo ang panahong iyon. Nakikigulo rin ang mga personal na nangyayari kay Willie ngayon. Nakatanggap siya ng dalawang magkasunod na text. Ang una ay kay Chris.

Sorry po sa sinabi ko kagabi sa party. Please forgive me.

Ang pangalawa ay kay Renan.

I am so sorry for what I said and did last night. I didn’t know what came over me. I hope you can find it in your heart to forgive me.

Hindi niya parehong sinagot. Ang mga batang `to, buntong-hininga niya. Mga mapupusok. Tumatalon agad bago pag-isipan ang mga bagay-bagay. Pero naisip niyang hindi na naman talaga sila mga bata. Graduating na nga kung tutuusin. Apat na taon lang naman ang agwat ko sa kanila, pangangatuwiran niya. Hindi ako ganyan noong nag-aaral ako, sambit niya sa sarili. May takot ako sa sasabihin ng iba at pinipili ang lalabas sa aking bibig para hindi ko ito pagsisihan pagdating ng panahon.

Sa pagdaan ng mga araw, sinikap ni Willie na magpatuloy ang buhay gaya ng kanyang inaasahan. Kapag nasa harap siya ng klase, walang puknat ang kanyang pagtuturo. Parang walang nangyari. Maski sa harap ng klase nina Renan, parang hindi niya nakikita ang dalawang ito. Kung tutuusin, nagpapasalamat siya dahil hindi siya kinakausap ng mga ito. Wala sigurong lakas ng loob na lapitan siya. Hindi rin niya alam ang sasabihin at gagawin kapag nagkataon. Kanya-kanya silang may mga isyu kaya sa ganitong pagkakaton, mas mabuti na lang manahimik ang lahat.

Isang araw, mainit ang naging diskusyon nila sa kuwentong “Bread of Salt” ni NVM Gonzalez.

“Will you narrate in your own words the summary of the short story, Ms. Ethel Macapinlac?” Pinagmasdan ni Willie ang seating arrangement ng klase bago niya tiningnan ang estudyanteng sumasagot.

Mabagal na tumayo ang tinawag. Parang nakadikit ang puwit sa upuan. “Sir, it’s a typical story about a poor boy who falls in love with his rich classmate.”

“Typical? Yes, you would say it’s typical. But what makes this a moving story, class? What makes this coming-of-age story totally relatable and identifiable?”

Nagtaas ng kamay si Chris. Halatang pinipilit niyang kumilos nang normal at parang walang nangyari. “Because the boy buys pan de sal every morning and passes by the ancestral house of the girl. Someday, he wants to court the girl.”

Hindi kumbinsido si Willie sa naging sagot ni Chris. “And so, why are you particularly moved by it?”

Tumingin si Chris sa kisame. Parang hinahanap ang kasagutan doon. “Because… because… when you’re in love, you want to win the girl, right?”

“Well, yes, you are correct. Love is worth pursuing and fighting for.” Napatingin siya sa kinauupuan ni Renan. Tahimik lang ito na nakatingin sa kanya. Parang ninanamnam ang pinatutunguhan ng diskusyon. “But there’s still something in the story that needs to be fleshed out. The final sentence in the story says It is not quite five and the bread is not yet ready. This is a very powerful line. What does this mean?”

Hinintay ni Willie na magtaas ng kamay si Renan pero hindi niya ito ginawa. Ayaw naman niyang tawagin ito at baka mapahiya. May nagtaas ng kamay sa gawing likuran. Tinawag niya ito. “I think the pan de sal symbolizes the boy himself and he’s not ready to fall in love with Aida, the girl.”

“Why isn’t he ready? Early on, he is already determined to write letters to Aida and intends to slip them in the book he’s planning to borrow from her. Aren’t these good indications that he’s all ready to declare his feelings? But why did the author imply at the end of the story that he’s not?”

Medyo naguluhan ang mga estudyante. Hindi alam ang isasagot. Napilitang tawagin ni Willie si Renan.

Tahimik na nagsalita si Renan. Pero punong-puno ng mensahe. “The boy realizes in the end that he’s not right for Aida even if he truly loves her. It’s not that she couldn’t love him. It’s the boy’s realization that he’ll always be pan de sal compared to Aida’s egg yolk candies. He’ll always feel inadequate and poor and unworthy. It’s a wrong love and he needs to grow up to finally understand all this.” Mahina ang boses ni Renan. Ramdam ni Willie na apektado siya sa naging sagot nito.

Masiglang sinalba niya ang sagot ni Renan sa klase. “Very good, Renan. Did you get it, class? It is an inititation to maturity for the boy. And the road to maturity isn’t always easy and happy. We don’t know if in time, he will have the courage to court the girl, or he will find the courage to court other girls. But right now, he realizes that Aida’s too much for him and so he lets her and his feelings go.”

“Aww, ang lungkot naman n’yan, Sir,” sabad ni Abel Catacutan. “Wala bang masayang kuwento. Ba’t parang lahat ng dini-discuss natin, depressing?”

“Next week, pag-uusapan naman natin ang Sonnet 43 ni Elizabeth Browning. `Yun, masayang tula.” Dinismiss na niya ang klase.

Nakita niyang nagpaiwan sina Chris at Renan. Tahimik na nagtatalo ang mga ito. Nagtuturuan kung sino ang mauunang kumausap kay Willie. Hindi na niya pinatagal pa ito. “You have something to tell me, Chris?”

“I just want to make an apology about what I said during the acquaintance party,” mahinang panimula ni Chris.

“You mean the ‘Will and Grace’ thing? Wala sa `kin `yon. You don’t have to apologize, Chris.”

“Nag-away po kami ni Renan tungkol dito. Sabi ko sa kanya, `di ka naman mao-offend,” malakas na paliwanag ni Chris.

“Hindi ako na-offend, believe me. Now, is this finally settled?”

“Maraming salamat, Sir.” Nakahinga nang maluwag si Chris.

“Now if you’ll excuse me, Chris. May I speak to Renan alone?”

“Yes, Sir. Renan, hintayin kita sa mini park mamaya.” Nagpaalam ito nang may ngiti sa mukha.

“Puwede ba tayong mag-usap sa labas ng eskuwelahan, Renan? Ayokong mag-usap tayo sa loob, lalo na dito sa classroom. Baka may makakita pa sa `tin. Ayokong bigyan nila ng malisya ang pag-uusap natin. Puntahan mo `ko sa bahay mamaya pagkatapos ng klase mo. Nandoon na `ko nang alas-kuwatro ng hapon. I want you to know na mag-uusap lang tayo. Let’s clear this once and for all,” mahabang esplika ni Willie.

Tumango si Renan at hinawakan ang kanyang kamay pero mabilis na tinanggal ni Willie ang pagkakahawak nito sa kanya. Lumingon-lingon siya at baka may nakakita.

“Please don’t do that. Especially here,” ang tanging nasambit ni Willie bago ito tuluyang lumabas ng kuwarto.

Dumaan ang buong maghapon nang may kabagalan. Halos hilahin ni Willie ang oras. Maaga siyang umuwi dahil pinaghahandaan niya ang magiging pag-uusap nila ni Renan. Sa eskuwelahan pa lang ay hindi na siya mapakali. Inisip ang mga sasabihin kay Renan. Inisip ang mga maaring sabihin ni Renan sa kanya. Alas kuwatro y medya na ay wala pa si Renan. Siguro, hindi na siya nagkaroon ng lakas ng loob na puntahan ako pagkatapos ng ginawa niya ilang araw na ang nakakaraan. Naisip niya habang nakaupo sa sopa na dito rin sila unang naghalikan ni Renan. Ramdam niya ang init ng halik na iyon. Pabalik-balik sa kanyang gunita. Parang masamang panaginip. Tinext niya si Renan.

I am home already. Where are you? I need to speak to you. Please come.

May narinig siyang kaluskos na nanggagaling sa gate. Tumayo siya para tingnan kung si Renan na nga ito. Hindi siya. Wala pa siya. Hindi na siguro darating. Mas maigi siguro na hindi na siya magpakita pa. Para na rin sa katiwasayan at katahimikan ng lahat. Binuksan niya ang librong nakapatong sa mesa. State of War ni Ninotchka Rosca. Naumpisahan na niyang basahin ito ilang linggo na ang nakararaan. Naantala lang dahil sa sandamukal na trabahong hinarap niya sa eskuwelahan. Ngayon, makapagbabasa na siya uli nang walang istorbo. Pero istorbo nga ba si Renan sa kanya? Hindi ba itong ilang linggo niya sa pagtuturo ang pinakamagandang nangyari sa kanya? Nagkaroon ng kabuluhan ang kanyang mundo. Dati, para lang siyang robot na hinihintay ang pagsikat at paglubog ng araw. May ilang tao rin naman ang dumating at nakilala niya. Pero hanggang doon lang iyon. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili. Ano ba talaga ang hinahanap niya? Tanggap na ba talaga niya kung sino siya? Bakit hindi siya makahanap ng isang relasyon na puwedeng maging kanya? Iyong walang sabit. Iyong hindi nadidikta ng makakating moralista na nagpapanggap na may takot sa Diyos. Siguro ito na ang krus na kailangang pasanin niya, bulong ni Willie sa sarili. Nakatakda na siguro akong mag-isa habambuhay. Sayang si Renan. Mahal ko na siya. Pero paano mo maipapaliwanag sa iba na nagmamahal ka ng iyong estudyante? Ito rin ba ang kinasadlakan ng marami niyang guro noon na tumandang dalaga na lang? Nagkaroon ba sila ng relasyon sa mga estudyante kaya habambuhay na lang hinayaang dumaan ang pagmamahal at hindi nila kinuha? Bagaman nakatingin siya sa pahina ng libro ay hindi niya maapuhap ang sinasabi ng teksto kaya bumalik uli siya sa umpisa. Dumilim ang screen ng pintuan. Itinaas ni Willie ang ulo at nakitang nakatayo na doon si Renan.

“Pasok ka, Renan,” diskumpiyadong yaya ni Willie.

“Dito na lang tayo mag-usap sa labas,” mahinahong tugon ni Renan.

Tumayo si Willie dala-dala ang librong kani-kanina lang ay kanyang pilit na binabasa. “Ayaw mong pumasok?”

“Look, I know what you’re going to say. Sabi mo, mag-uusap lang naman tayo, `di ba? So let’s do it here. Outside.” May diin sa mga sinabi ni Renan. Matapang at pabalang. Parang malayo ang diwa. Ibang-iba sa mahiyain at halos hindi makabasag-pinggan na ugali nito noon. Hindi rin siya nakainom.

“Please get inside, Renan. Somebody might see you there. Please?”

Napilitang pumasok si Renan.

“Renan… alam kong galit ka. I understand you perfectly…”

“Do you? Really, do you?” Malakas at nanghahamon ang tinig nito.

“Gusto kong malaman mo na naiintindihan ko’ng nararamdaman mo. Galing na `ko d’yan. Nagmahal din ako noon. At nawala rin. Pero `di doon natapos ang buhay ko. Maraming dumating sa `kin. At nakalimutan ko rin.” Hindi naging kumbinsido ang mga paliwanag ni Willie. Maski sa sarili niya.

“Get off from your high horse, Willie. You don’t know anything about love. You’d rather discuss the fucking stories of those books than to really feel your own feelings,” galit na galit na sumbat ni Renan. “You’re a hypocrite. You like the idea of someone loving you so you’d feel good about yourself. Pero wala kang gagawin dahil `di mo alam kung paano `to ipaglalaban.” Nanlilisik ang mga mata ni Renan dahil sa galit.

Hindi nakaimik si Willie. Gusto niyang sampalin ang kausap dahil naging impertinente ito sa mga sinabi tungkol sa kanya. Pero nanlumo siya dahil naramdaman niyang may bahid ng katotohanan ang mga tinuran ni Renan. “So what do you have me do, huh, Renan? Do you want me to fight for you? Do you want me to tell the whole school that I love a student? Is that what you want me to do?”

“How can you even fight for me? You don’t even love me!” Binasag ni Renan ang kanyang boses. Nabasa ang pisngi nito sa masaganang pagtulo ng luha.

Lumapit si Willie at pinunasan ang mukha ni Renan. “I love you, Renan. I have loved you the first time you answered my first question in class.” Namuo rin ang mga luha sa mga mata ni Willie. “I think I am just in denial because this can’t be happening. This shouldn’t be happening.”

“To hell with others, Willie. I love you and it’s all that matters. Wala tayong pakialam sa kanila.”

“That’s not a very sound decision, Renan. You and I know that deep down, it would be wrong to just leave everything and be hell with it.” Ikinuyom ni Willie sa dalawang palad niya ang maamong mukha ni Renan. “Ga-graduate ka pa. May trabaho ako. `Pag pinaandar natin ang kapusukan, mawawala lahat `to sa `tin.” Tuloy-tuloy ang pagpapaliwanag niya kay Renan. “Naalala mo ang pinag-aralan natin kanina sa Bread of Salt? Hindi ibig sabihin na `di pa siya handa ay hindi na niya gagawin ang plano niyang pagligaw kay Aida. He just needs time to overcome his fears and insecurities. Ganoon din tayo. Matatalo tayo `pag sumige tayo ngayon,” matalinhagang paliwanag ni Willie.

Nanatiling tahimik si Renan. Pinunasan ang kanyang mga mata gamit ang likod ng kanyang palad.

“I’ll make a deal with you, loverboy.” Piniling mabuti ni Willie ang sasabihin. “In March, you will have finished school. You will find a job and be a professional. That’s just about five weeks away. Wala nang magtatanong sa `tin. Ay, meron pa rin pala dahil pareho tayong lalaki. `Di mawawala ang magtatanong at mag-uusisa sa `tin. Pero at least, wala nang isyu ng teacher at estudyante. We can make it official by then. Getz?”

Tumango-tango si Renan at ngumiti sa kausap. Hindi napigilan ni Willie na ilapit ang kanyang labi sa naghihintay na labi ni Renan. Hinalikan niya ito kasama pati ang kanyang puso. Pati kaluluwa. Gumanti si Renan at niyakap siya nang mahigpit.

“Puwede na ba `kong pumasok sa kuwarto mo?” pilyong salita ni Renan.

“Puwede. Pero `di ka pa rin puwedeng matulog d’yan. Sa April na,” natatawang ganti ni Willie.

“March ako ga-graduate, ba’t naging April?” kuryosong tanong ni Renan.

“Dahil maghahanap ka pa ng trabaho.” Lumapit muli si Willie sa kinauupuan ni Renan at hinawakan nito ang kanyang kamay.