U maambon nang gabing ganapin ang acquaintance party ng CASoc sa Century Resort Hotel. Maliwanag na pinaghandaan ito ng mga opisyales at miyembro ng organisasyon.
Ang CASoc ang may pinakamalaking bilang ng mga miyembro sa kolehiyo dahil ang Communication Arts ang may pinakamalaking populasyon sa College of Liberal Arts. Ang College of Liberal Arts ang may pinakamaraming estudyante sa Sacred Heart College. Ang Sacred Heart College ang pinakamalaking kolehiyo sa buong Angeles City.
Bagaman siyudad na nang matagal na panahon ang Angeles City, may kakaibang pakiramdam pa rin ang lugar na ito. Parang nasa probinsiya ka pa rin. Kahit namumuo na ang trapiko sa mga pangunahing lansangan tuwing sasapit ang rush hour, at marami-rami na ang mga dayo mula sa ibang lugar na nagdesisyon na manirahan at mamalagi dito, may pangkalahatang engganyo pa rin ang siyudad sa mga bumibisita.
Ang Angeles City ay makikita sa bandang hilaga ng lalawigan ng Pampanga. Para sa mga Kapampangan, ito ang sentro ng kanilang komersiyo at pangangalakal. Sa kasalukuyan, ito ay kilala dahil sa Clark International Airport at Clark Freeport Zone pero nakilala ito noon bilang lugar ng may pinakamalaking pasilidad-militar ng Amerika sa labas ng kanilang bansa. Pinangalanan itong El Pueblo de los Angeles o bayan ng mga anghel bilang pagpugay sa mga mahal na patron, ang Los Santos Angeles Custodios o mga banal na angel dela guwardya. Si Don Angel Pantaleon de Miranda ang kinikilalang unang nagtatag ng siyudad. Dati itong tinawag na Culiat dahil sa nagkalat ang halamang ito sa buong lugar at naiulat ng mga naunang nanirahan sa lugar. Nang dumating ang mga Amerikano noong 1896 at naging base militar ang Clark Air Base, ang siyudad ng Angeles ang naging balwarte ng pinagsamang puwersa ng mga Pilipino at Amerikano noong ikalawang digmaang pandaigdig. Hanggang 1975 nang matapos ang Vietnam War, ang Clark Air Base ang naging kuna ng operasyong militar ng Amerika sa buong Asya. Dahil sa mga bumibisitang `Kano sa siyudad bunga ng kanilang military assignments, naging kuta din ito ng prostitusyon. Mga babaeng galing pa sa malalayong probinsiya ng Bicol at Visayas ang nagsipuntahan sa Angeles para makamtan ang sinasabing Great American Dream. Natigil lang ito nang pumutok ang bulkang Pinatubo at nanalasa ng maraming buhay at ari-arian, hindi lang sa Angeles, kundi pati sa mga karatig-lugar nito. Iniwan ng mga `Kano ang kanilang base militar. Naiwang nakatiwangwang ang kanilang mga basura at mga pangakong napako. Sa laki at bigat ng pagkasira ng siyudad dahil sa poot ng isang bulkang hindi pumutok nang mahigit anim na dantaon, marami ang nagsabing tatagal ng mga labinlimang taon bago manumbalik ang sigla at asenso ng siyudad. Pero nakapagtatakang naitayo ng mga mapagmalaking Angeleño ang kanilang mahal na siyudad tatlong taon pa lamang matapos ang sakuna. Dito naipamalas ng mga Kapampangan na kayang-kaya nilang itayo ang kanilang nawalang identidad at pag-asa na nilunod at nilamon ng baha at lahar.
Ang pagputok ng bulkang Pinatubo ang naging sanhi ng pagkawala ng mga magulang ni Willie. Nawala ang kanyang ama na parang bula. Hindi na siya nakita pa. Ang kanyang ina naman ay sumunod hindi pa man nakakapagbabang-luksa. Marami ang nagsabi na namatay raw ito dahil sa lungkot. Lola na lang niya ang solong nag-aruga at nagtaguyod ng kanyang pag-aaral. Pero sumakabilang-buhay na rin ito bago pa man siya magmartsa para sa graduation. Parang hinintay lang na makatapos siya ng pag-aaral.
Sarisari ang mga naging kuwento ng mga Kapampangan tungkol sa kanilang naging buhay bago, noong kasagsagan, at pagkatapos ng pagputok ng bulkan. Ang kuwento ni Willie ay isa lang sa mga milyon-milyong istorya nito. Marahil, hindi mahahalungkat at malalaman ang lahat ng ito. Panahon na lang ang makapagsasabi.
Madalas mapagkamalang mayayabang ang mga Kapampangang gaya ni Willie. Marahil totoo nga. Pero hindi maipagkakaila, dahil sa dami na rin ng kanilang pinagdaanan, mataas ang kanilang amor propio. Gaya ni Willie ngayon.
Suot ni Willie ang isang kremang barong tagalog na binili pa niya noong kanyang graduation. Natuwa siya dahil nagkasya pa rin sa kanya ang barong. Hindi gaanong nadagdagan ang kanyang timbang kahit mahigit tatlong taon na ang nakararaan mula nang siya’y magtapos. At dahil hindi naman nawawala sa uso ang barong, minabuti niyang ito na lang ang isuot. Ipinares niya ito sa kanyang kulay-lupa na pantalon. Formal daw ang dress code, sabi ni Chris.
Nagpatuyo lang siya nang bahagya sa silong ng marangyang lobby ng hotel bago siya tuluyang pumasok. Sinabihan siya ng front desk officer na sa grand ballroom niya kailangang tumuloy.
“Just go straight ahead and turn left. You won’t miss it.”
“Thank you.”
Sa harap ng ballroom ay may reception desk kung saan nakalatag ang mga papel na kailangang pirmahan ng mga nagsisipagdalo. May dalawang babaeng naka-gown ang malugod na bumati sa kanya.
“Good morning, Sir. Please sign your name on the list.”
Akmang pipirmahan na ni Willie ang attendance sheet nang marinig niya ang bati ni Chris.
“Sir, thank you po for coming. Nancy, `di na niya kailangang mag-sign. Adviser natin siya. Sir, pasok po kayo. Pasensiya na kayo sa maliit na salu-salo na hinanda namin.”
“Maliit na salu-salo, Chris? Parang piging ito noong panahon ng mga Kastila,” mabilis na sagot ni Willie.
Humalakhak nang malakas si Chris at in-escort siya sa loob ng bulwagan. Umalingawngaw ang mga boses nina Lady Gaga, Katy Perry, at Ne-Yo sa apat na sulok ng bulwagan. Iginala ni Willie ang kanyang paningin sa malawak ng lugar na iyon. Parang mayroong hinahanap.
“Sir, may aayusin lang po ako sa harap ng stage. Okay lang ba na iwanan muna kita dito?” pakiusap ni Chris.
“Sure. Alam kong marami ka pang gagawin. Don’t let me disrupt you. Ayos lang ako dito,” paniniguro ni Willie.
“Okay po. Sandali lang ako. Grabe, ang guwapo n’yo po. Bagay na bagay sa inyo ang suot n’yo.” Mabilis na umalis si Chris habang umupo naman sa isang silya si Willie. Binuklat niya ang programme at inalam kung ano ang magiging kaganapan sa gabing iyon.
Ilang sandali pa ang lumipas nang maramdaman niyang may sumalat sa kanyang balikat.
“Sir?”
Humarap si Willie para tingnan ang tumawag sa kanya. Si Renan. Tumayo siya para batiin ang kausap.
“Hi!”
“You look handsome tonight. May I?” Tangan-tangan ni Renan ang isang corsage na may vanda at baby’s breath.
“Sure, Renan. You don’t look bad yourself.”
Naka-asul na polo si Renan at napalamutian ng dilaw na necktie.
Bahagyang inangat ni Willie ang kanyang dibdib palapit kay Renan para maayos na mailagay ang corsage. “`Musta ka na?”
“Mabuti naman po, Sir. Maraming paghahandang ginagawa pero ayos lang. I’m really happy that you’re here.”
“I am, too.” Napipi si Willie. Nag-isip agad ng sasabihin. “How are you preparing for your, you know, life after school?”
“Yeah, right. I’m not even sure if I’ll graduate.”
“But you are, aren’t you? It’s not like you have a back subject deficiency or a failed course.”
Huminga nang malalim si Renan. “I am not even sure what I want. My father wants me to pursue Medicine or Law, you know, the real courses that he said would guarantee me a real profession. Hirap na hirap nga ‘kong kumbinsihin siya sa course na `to. Quite frankly, I myself don’t think it’s the right course for me, too. Magulo pa rin ang isip ko.”
Natuwa si Willie na open si Renan sa pagsagot sa mga tanong niya. Ngayon lang niya narinig itong magsalita tungkol sa kanyang personal na buhay. Dati, puro mga sagot lang tungkol sa leksiyon ang naririnig niya dito. “I’m sure you’ll find your way, Renan. And once you do, you’ll be just as successful because you’re irritatingly smart and wickedly deep.”
“What? Galing mo talaga, Sir! You have a way with words. Had I known you earlier, I would’ve been convinced to take up Literature.”
“Naku, walang pera sa propesyon ko. Tingnan mo’ng binagsakan ko, pagtuturo.”
“But you are powerful, Sir. You know how to speak and express your ideas with exactness. That’s power.”
Naramdaman ni Willie na parang namula ang kanyang mga pisngi. “Don’t flatter me, Renan. I’m a teacher. I’m expected to speak well. Sa `yo ako namamangha. Estudyante ka pa lang pero ang gagap mo sa lengguwahe ay kahanga-hanga.”
“Grabe, mapa-Ingles man o mapa-Tagalog, ang galing mo! Marunong ka ring mag-Chinese?” natatawang buyo ni Renan.
“Haha, `kaw ang grabe.” Kinamayan ni Willie si Renan.
Tinawag ni Chris si Renan mula sa stage. “Renan, akyat ka muna dito. Mag-sound check muna tayo at darating na ang mga bisita.”
Pinisil ni Renan nang mahigpit ang kamay ni Willie na nakahawak pa rin sa kanya. “I love you, Sir.”
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Willie sa narinig. Hindi masiguro kung tama ang narinig sa kausap. Pero sigurado siyang may sinabi ito.
Nakita niyang paakyat ng stage si Renan. Hindi ito lumingon sa kanya. Kinawayan siya ni Chris pero pilit lang niyang binuka ang bibig at itinaas ang kamay.
Pakiramdam niya ay narinig ng lahat ng mga taong naroroon ang sinabi ni Renan sa kanya. Iniling-iling niya ang kanyang ulo at nagpunta sa bar kung saan nagse-serve ng punch ang ilang waiters. Kumuha siya ng babasaging kopita at ibinuhos ang laman ng punch na sinahod niya mula sa isang serving ladle. Dumilim ang kahabaan ng bulwagan at isa-isang sumindi ang ilaw sa stage. Nagliwanag ang entablado na pinalamutian ng mga letrang CASoc Acquaintance Party 2009 na ginupit sa gintong palara. Nilakasan ang volume ng musika at tinugtog ang “Party in the USA” ni Miley Cyrus. Nakaramdam ng pagmamalaki si Willie. Bumilib sa mga bata. Nagawa nilang buuin ang programa nang hindi man lang kumukunsulta sa kanya bilang adviser. Hindi pa man nagsisimula ang programa ay alam ni Willie na magiging matagumpay ang mga batang ito pagkatapos nilang maka-graduate. May sariling kusa at responsable kaya siguradong hindi sila mahihirapang makahanap ng trabaho kapag oras na nila. Bahagyang natuwa si Willie na malaman na may kinalaman siya sa magiging tagumpay ng mga estudyante. Lalo na kina Renan at Chris. Kahit na huling semestre lang niya nakilala ang mga ito.
May tumapik sa kanyang braso. Si Grace. Nilulunod ang kanyang boses ng musikang tumutugtog kaya sumisigaw siya.
“Kanina pa kita tinatawag pero mukhang `di mo `ko maririnig dahil sa lakas ng tugtog dito,” namamaos na sabi ni Grace.
Napatingin si Willie kay Grace. Hindi niya maikaila ang paghanga sa nakita. Nakaitim ito na sleeveless gown at malalim ang biyak sa dibdib kaya litaw ang kanyang maputing balat. Nakaputong ang buhok at suot ang dangling na pares ng hikaw na nagpatingkad sa kanyang angking ganda. Malayong-malayo sa hitsura niya sa eskuwelahan tuwing nagtuturo sila.
“Wow, you’re a vision, Grace. `Di kita nakilala.”
“`Sus, neknek mo. Hi-hi. Siyempre, para sa mga bata, nagbihis ako.”
Sumabay si Willie sa biro ni Grace. “Sayang naman, wala kang mahuhuling asawa dito pagkatapos ng gabing `to. Puro mga bagets ang nandito.”
“`Di bale, nandito ka naman. Single ka pa rin naman, `di ba? Eh, `di ako na lang ang pakasalan mo.”
Nagtawanan silang dalawa. Ikinuha ni Willie ng punch si Grace. Nag-usap sila sa kabila ng lakas ng tugtog. Tinutok nila ang mga labi sa tainga tuwing may sasabihin. Sa gitna ng pagkakaabala ng mga officer at miyembro ng organisasyon, nakilala nila ang isa’t isa. Dahil na rin marahil sa punch, hindi na sila nahiyang magkuwento ng ilang personal na bagay. Naantala lang ang kanilang pag-uusap nang iminuwestra ni Chris na mag-uumpisa na ang programa.
“Before we start the program, we would like to acknowledge the presence of two of our dear teachers,” nabubulol na sabi ni Chris. “One is a face we all know because we have been under her, and one is a new face, but I am honored to announce that he is our dear, dear adviser. Ladies and gentlemen, Sacred Heart College’s version of Will and Grace, Ms. Grace Gundran and Mr. Wilfredo Sta. Cruz.”
Nabigla si Willie sa introduksyon ni Chris pero hindi siya nagpahalata. Tumayo silang dalawa at hinawakan ni Willie ang kamay ni Grace at sabay na kumaway sa madla. Hindi magkamayaw ang ingay ng palakpak sa bulwagan.
Uupo na sana sila nang marinig ang idinugtong ni Chris. “Except that he’s not really ‘Will’ because as you can see, he’s not gay. He’s really a stud and a real man. A certified heartbreaker. Maybe he’s found his Grace in Ma’am Grace. Right, Sir?” Lalong naging maingay sa loob ng bulwagan dahil sa tuksuhan ng mga estudyante.
Naramdaman ni Willie na sumikip ang butones sa leeg ng kanyang barong. Binuksan niya ito at pansamantala siyang nakahinga nang maluwag.
“Ang mga bata talaga, kung ano-ano ang pinagsasabi sa stage,” nahihiyang depensa ni Grace. “Dapat merong script na sinusundan. `Yang si Chris, mahilig mag-extemporize. Mali-mali naman ang mga pinagsasabi.”
Pilit na ngumiti si Willie. Ngayon naisip niya na marahil narinig ni Chris ang sinabi ni Renan sa kanya bago niya ito tinawag sa stage. Pero paano naman niya maririnig, eh, ang layo ng stage sa kanila at ang lakas pa ng tugtog?
Naging mahaba ang programa. Nagkaroon ng induction ang mga opisyales. Dahil huling semestre na ng mga graduating officers gaya nina Chris at Renan, ipinakilala na rin ang mga bagong halal na opisyales sa papasok na academic year. Iprinisinta ng emcee ang mga proyektong nakabinbin at kailangang tapusin ngayong semestre at ang mga naka-line-up sa susunod na pasukan. In-assign din ang iba’t ibang komite na tutulong at mag-o-organisa ng kanilang mga proyekto. Nang isa-isa nang nagpakilala ang mga miyembro ng organisasyon, nagpaalam sandali si Willie kay Grace na lalabas muna at magpapahangin. Tumango lang ito.
Sa labas, binuksan ni Willie ang kaha ng Marlboro Lights na dala at inilabas ang isang stick. Tinuktok niya ito sa kanyang daliri at sinindihan. Humithit nang matagal at malalim. Hinintay niyang pumasok sa kaloob-looban ang usok bago niya ito pinakawalan sa ilong. Nahilo siya. Pero bago man siya tuluyang mahulog sa pagkakatayo, isinandal niya sa pader ang kanyang katawan at humithit uli. Pagkatapos ay lumagok ng natitirang punch sa kopita. Humithit siya uli na parang adik.
Humahangos palabas ng lobby si Renan at luminga-linga. Bahagyang punit ang isang manggas ng polo nito at may namuong dugo sa kanyang mga labi. Nang makita si Willie sa isang sulok ng pader sa parking lot, lumakad ito papalapit sa kanya. “I apologize for what Chris said when he introduced you. Sometimes, Chris is not very tactful,” parang nahihiyang paliwanag ni Renan.
“Oh, no offense done, Renan. I’m sure he was just joking for the entertainment of everybody. Walang kaso `yon. Natawa nga `ko,” matapang na sagot ni Willie pero seryoso ang mukha.
“I thought you’ve gone home, Sir. I will never forgive Chris if you have.”
“You know, Renan. Chris is a big boy. You don’t have to fight his battles.” Tiningnan ni Willie si Renan sa mga mata. Mataman. Tumatalab sa kaibuturan.
Hindi nakayanan ni Renan kaya napatungo na lang ito.
“What happened to that?” itinuro ni Willie ang sugat niya sa labi.
“It’s nothing, Sir.”
“I don’t think I need to stay. Ma’am Grace is there anyway. Is it okay if I go home now?” walang ganang paalam ni Willie.
“Okay, Sir, but let me take you home. It’s the least I can do,” pakiusap ni Renan.
“Renan, you didn’t do anything, okay? And it’s not because of what Chris said that I’m going home,” paliwanag ni Willie. “I’m just tired, really tired.”
“Please let me take you home. I want to. My car’s just parked over there.”
“What about the party?”
“They can manage. Paghatid ko sa `yo, babalik din ako dito. Ihahatid ko si Chris sa kanila mamaya.”
Tumango si Willie. Minasdan ang magandang mukha ng kausap.
Binuksan ni Renan ang kotse at tinanggal ang ilang mga gamit na nakapatong sa upuan ng passenger seat. “Pasensiya ka na, Sir. Magulo ang loob.”
“You should see my place, `yon ang talagang magulo.”
Ini-start ni Renan ang kotse at mabilis silang nakalabas ng parking lot.
Sa kahabaan ng tulay ng Abacan, nagtanong si Willie. “What’s with you and Chris?” Mismong siya ay nagulat sa kanyang mapangahas na tanong. Sinisi niya ang ilang kopita ng punch na nainom. Gusto sana niyang bawiin ang pinaulanang mga salita pero alam niyang hindi na niya ito magagawa.
Matagal na nakatingin sa malayo si Renan. Steady ang manibela. “What do you mean?”
“The real score,” usisa ni Willie. Gulat siya sa sarili kung bakit siya nakakapagtanong nang ganito.
Atubiling sumagot si Renan. “Chris and I are high school friends. We’re very close.”
“Does he know?”
“Know what?”
“That you love him?”
“S-Sir… how could you… I d-don’t… S-Sir…”
“Oh, come on, Renan. You know what I’m talking about. I knew this the first time I saw you together. Problem is, does he?”
Hindi kumibo si Renan. Ramdam ni Willie ang pagkagulat nito sa mga tanong niya.
“I’m sorry, Renan. It’s not my business,” tumingin si Willie sa bintana ng kotse at hindi na nagsalita.
Lumiko ang kotse sa kaliwa at inabisuhan ni Willie si Renan na nasa tapat na sila ng tinitirhan niya. Bago lumabas ng kotse si Willie, humingi ito ng dispensa. “Renan, I’m sorry if I have offended you. You shouldn’t…”
“It’s okay, Sir… Willie. May I call you Willie `pag tayong dalawa lang?”
“Yes.”
“To answer your question. Yes, I love him. And yes, I already told him.”
Inilapit ni Willie ang ulo niya sa bintana ng kotse. “So, are you… lovers?”
Umiling si Renan. Nakita ni Willie na parang maiiyak ito. “We’re just… friends.” Pinaandar nito ang sasakyan. “Bye, Willie.”
Naiwang nakatayo sa tarangkahan ng gate si Willie.
Mag-aalas-dos na ng madaling-araw ay hindi pa rin dinadalaw ng antok si Willie. Bumangon ito sa pagkakahiga at nagtimpla ng kape. Umupo sa bangko malapit sa pasamano at doon hinigop ang mainit na instant coffee. Humithit ng isa pang stick ng sigarilyo. Sa pagkakataong ito, naisip niya na dapat bigyan ng gawad ang nakaimbento ng kape at sigarilyo. Paunang-lunas sa mga taong hindi binabagabag ng antok. Sumagi sa isip niya ang henerasyon ng mga tao sa kasaysayan na kape’t sigarilyo lang ang naging kaulayaw sa mga gabing hindi sila makatulog. Ilang manunulat na kaya ang lumubha ang pagtibok ng puso dahil sa caffeine na galing sa kape at ilang baga na ang nasunog dahil sa kahihithit ng sigarilyo? Pero ilang obra na rin ba ang nalikha dahil katuwang ng mga manunulat ang paghithit ng yosi?
Bumalik lahat sa isip niya ang nangyari kanina sa acquaintance party. Ngayon, lubos na niyang naiintindihan kung bakit ganoon si Renan. Kaya malalim ito mag-isip at sumagot, kasi nagmamahal. Nagmamahal mag-isa. Lalaki si Chris. Hindi niya masusuklian ang pagmamahal ni Renan sa kanya. Kaibigan lang ang turing nito. Pero bakit hindi na lang iwasan ni Renan si Chris kung nakatakda lang pala siyang masaktan at mahirapan dito? Hindi siya makaka-move on kung palagi siyang nakayupyop kay Chris. Kailangan niyang tumayo sa sarili niyang mga paa at hanapin ang kanyang kapalaran. Marami siyang makikita at makikilalang iba na magmamahal sa kanya.
Kung hindi kita estudyante, Renan, baka puwedeng… baka pwede tayo. Napangiti siya nang maisip ito. Napaubo nang aksidente niyang malulon ang usok na dapat niyang naibuga.
Narinig niya na may marahang kumatok sa gate. Hinintay niyang kumatok uli. Baka kaluskos lang ito ng pusa ng kapitbahay. Hindi na niya narinig ang ingay pero binuksan pa rin niya ang gate para siguruhin kung may tao nga. Nakita niyang paalis na ang anino pero tinawag niya ito.
“Hello?”
Ang aninong nilamon ng dilim ay lumitaw uli. Si Renan. Lasing na lasing at pawis na pawis. Naka-pull out ang polo nito, bukas hanggang dibdib. Ang necktie ay gulong nakapulupot sa kanyang leeg at balikat. Kung gaano kagara ang damit nito kanina sa acquaintance party ay siya namang gusot ngayon. Gulo-gulo ang buhok nito na parang dantaon nang hindi nasusuklayan.
“Please come in, Renan.”
“I’ve nowhere to go, Willie.”
“You can stay here. Let me help you.” Isinampay niya ang braso nito sa kanyang balikat at hinawakan ang baywang habang naglalakad. Pasuray-suray ito na sumunod sa kanya na parang bata.
Hiniga ni Willie sa sopa ang lasing na estudyante. Binuksan ang polo nito at pumunta siya sa kusina at nagpainit ng tubig para mahilamusan si Renan. Pagbalik niya, nakaupo na ito at humihithit ng sigarilyo.
“I didn’t know that you smoke.”
“I don’t. When I saw you tonight, I thought it was cool.”
“You don’t need to try things just because they look cool.”
“Yes. Sorry. We are the way we are. No matter what people’ll say.”
Hindi naintindihan ni Willie ang huling sinabi ni Renan. “`Musta ang acquaintance party? Nas’an si Chris?”
Bumuga si Renan ng makapal na usok. “Fine. Chris is fine. He’s home. Everything’s fine now. Except me.”
“What’s the matter, Renan? Why did you come here?”
“Why did I? I don’t know. You tell me.”
“’Di ko alam ang takbo ng isip mo.”
“You should. Teacher ka ng Literature. Alam mo lahat kung ano ang nasa isip at puso ng mga tauhan sa kuwentong pinag-aaralan namin. Alam mo rin ang kuwento namin ni Chris kahit walang nagsabi sa `yo.”
Nagulat si Willie sa kaprangkahan ni Renan. Hindi niya akalaing ang soft-spoken na estudyanteng nakilala niya nang wala pang dalawang buwan ay ganito nang magsalita. “Why don’t you tell me what’s bugging you? Ano ba’ng gumugulo sa isip mo?”
“Ikaw.”
“Ako?”
“Ikaw ang gumugulo sa isip ko, Willie.”
Hindi nakapagsalita si Willie. Hinintay na may sabihin pang iba si Renan. Lasing ito at hindi matinong kausap ngayon. Bukas, kapag bumaba na ang epekto ng alkohol, hindi na nito maaalala ang sinabi ngayong gabi. O kung maaalala man niya, hihingi ito ng dispensa. Gaya nang ginawa niya sa parking lot kanina.
“What you said tonight hit me. You know I never confide to anyone. Not even to Chris. Pero nasabi ko na sa kanya na mahal ko siya. No’ng bago kami grumaduate ng high school.”
Tahimik si Willie. Nakikinig.
“Nagalit siya sa `kin. Sabi niya, `di daw siya pumapatol sa… sa kagaya ko. Kaibigan lang daw ang turing niya sa akin. Nothing more. Kaya nagkahiwalay kami. Nagkita kami sa school noong college na pero hindi na kami close. `Tapos, noong nag-third year kami at sumali sa CASoc, naging close uli.” Hinithit ni Renan ang huling baga ng sigarilyo bago niya ito idiniin sa ashtray. “Sabi ko sa kanya, wala na akong feelings kaya you are safe with me. Puwede na ulit tayong maging magkaibigan gaya nang dati. Tinanggap naman niya kaya heto kami. Heto `ko.”
“Pero mahal mo pa rin siya?”
“Akala ko.”
“Akala mo? Hindi pag-aakala ang pagmamahal.”
Tumingin si Renan sa mga mata ni Willie. Matagal. Nanunuot. Hindi niya maipaliwanag pero si Willie ang sumuko kaya ibinaling nito ang tingin sa sahig. Hindi niya nakayanan ang mga titig ng kausap. Tumayo si Renan at lumapit kay Willie pero siya ang tumalikod.
“Akala ko, mahal ko pa rin siya. Inisip ko na dadalhin ko na lang ang pagmamahal na `to hanggang tumanda kami. Hanggang sa mag-asawa siya. Hanggang magkahiwalay kami. Akala ko, magdudusa na lang ako habambuhay dahil sa putang-inang pagmamahal na `to,” gumaralgal ang boses ni Renan. “And then, I met you, Willie. And I said to myself, I’m not gonna be sad after all.”
Hinarap ni Willie si Renan. “What do you mean? Are you implying that I am the one who will make you happy?”
“I am happy now, knowing you. I know now that I love you.”
“Are you out of your mind? You’re my student. I’m your teacher,” matigas na sambit ni Willie.
“I know. But you feel something for me, don’t you? Unlike Chris, you feel something for me. Don’t you?”
“Feeling’s out of the question, Renan. It’s logic. And morals. And what is right.” Naglakad si Willie papunta sa sopa pero masugid siyang sinundan ni Renan.
“And loving is not right?”
“In this case, as teacher and student, yes, it is not right,” matipid na sagot ni Willie.
“But you love me, too. Tell me you love me, too.”
“How dare you, Renan!”
“You don’t?”
“I …Renan… please! Lasing ka lang, at masama ang loob mo kay Chris.”
“So ano, may idadahilan ka rin sa `kin para `di ako mahalin? Ha, Willie? Gaya ni Chris? Lalaki siya kaya `di niya `ko kayang mahalin? Ikaw naman, teacher, kaya `di mo rin ako magagawang mahalin? Ganoon ba, Willie?”
Lumapit si Willie kay Renan at hinawakan ang magkabilang braso nito. “Hindi sa ganoon, Renan. Sa mata ng tao at sa mata ng Diyos, `di tayo puwede. I need you to understand that.”
Siniil ni Renan ng halik si Willie. Mainit. Malalim. Ang amoy alkohol na mga labi nito ay mariing bumas â sa mga labi niyang matagal nang hindi nadadampian. Lumangoy ang dila nito patungo sa mga labi niya. Nag-aapoy. Nawalan ng lakas si Willie kaya niyakap din niya ito. Pero nangibabaw sa kaibuturan ng kanyang kalooban na mali ang ginagawa nila. Para siyang lumalangoy sa isang malaking puwersa ng kumunoy na humihigop sa kanya pababa. May paraan pa para siya makaahon.
Itinulak niya nang buong lakas si Renan kaya nahulog ito sa pasamano. “I don’t want to be rude, Renan, but you have to go.” Halos hindi makahinga si Willie. Aalon-alon ang kanyang dibdib sa paglanghap ng hangin.
“I’m sorry, Willie… Sir.” Kinuha ni Renan ang nahulog niyang necktie at deretsong lumakad papalayo.
Pakiwari ni Willie, naglaho ang pagkalasing ni Renan. Nang makaalis ito, lalo siyang hindi dinatnan ng antok nang gabing iyon.