noveltoon logo noveltoon
Kadenang Bahaghari

Chapter 13

Ch. 13 / 27 Feb 09, 2022

Nagising si Renan dahil sa ingay na narinig niya sa labas. Malakas ang ugong ng kotse na lumabas sa garahe. Narinig niyang sumara ang gate. Bumangon siya at nalirip na suot pa pala niya ang damit na ginamit kahapon. Kahit kumikirot pa ang ulo, mabilis na nagpalit siya ng damit-pambahay at ibinalumbon ang marungis na damit sa hamper sa likod ng pintuan. Lumabas siya ng kuwarto at nakita ang ina na naghahanda ng almusal.

“Dis-oras ka na yata ng gabi dumating?” pahayag ng ina na hindi tumitingin sa kanya at abala sa paglalagay ng mangkok sa hapag.

“Acquaintance party namin kagabi,” paliwanag niya.

“Alam ko. Nakuha na ng Daddy mo na umalis, `di ka pa nagigising. Gusto ka nga niyang ipagising pero pinigilan ko.”

Umupo si Renan sa hapag-kainan at inumpisahang higupin ang mainit na kape na nasa harap. Hindi niya sinagot ang ina. Sinalat-salat niya ang kanyang sentido.

“Si Chris naman, tatlong beses tawag nang tawag sa `yo sa telepono. Nag-text na rin daw sa `yo pero `di ka pa sumasagot. May pinuntahan ka pa ba kagabi?”

“Wala. Pagkahatid ko kay Chris, umuwi na rin ako.”

“Nakainom ka?”

“Medyo.”

“At nag-drive ka?”

“Kaya ko naman, `Ma.”

“Kayo talagang kabataan, kahit kelan, `di maaasahan. Pagsabihan man kayo, `di makikinig. Eh, kung may masamang nangyari sa `yo kagabi?”

“`Ma,” pasubali ni Renan.

“Alam mong `di ka dapat nagmamaneho `pag nakainom. Ba’t mo pa inihatid si Chris? Ba’t ginamit mo pa ang kotse kung iinom ka lang pala?”

“`Ma, wala namang nangyari sa akin…”

“Ay naku, bahala ka sa buhay mo, Renan. `Di na ako makikialam. `Pag natapos ka na d’yan, hugasan mo’ng pinagkainan mo. Linisin mo ang mesa at takpan mo ang mga pagkain. Bahala ka sa buhay mo.” Pumasok ito sa kuwarto na nagngingitngit.

Binuksan ni Renan ang cell phone at sinagot ang mga text ni Chris. Nagtext siya kay Willie. Binalik-balikan niyang basahin ang message na kinompose bago sinend.

I am so sorry for what I said and did last night. I didn’t know what came over me. I hope you can find it in your heart to forgive me.

Hindi na ito nag-reply sa kanya. Nagdaan ang ilang mga araw na parang may bundok na nakapagitan sa kanila ni Willie. Pagkatapos ng kanyang ipinahayag sa bahay nito, hindi na siya makahanap ng lakas para harapin pa ito uli. Nakulta sa isip niya na wala itong nararamdaman para sa kanya. Mabait lang si Willie pero tama si Chris. Hindi siya magagawang mahalin nito. Ilibing na lang niya ang ilusyon na magkakagusto ito sa kanya. Hanga lang ito dahil matalino siya at marunong sumagot. Gaya nitong diskusyon nila sa “Bread of Salt” ni N.V.M. Gonzalez. Nagtaas ng kamay si Chris para sagutin ang mga tanong niya. Parang hindi kumbinsido si Willie sa mga sagot ni Chris. Pero ayoko ko nang sumagot, isip ni Renan. Wala namang mangyayari. Para ano pa ang pagsagot ko sa mga tanong niya kung wala naman pala akong mapapala, tanong niya sa sarili. Ano ba talaga ang inaasahan ko kay Mr. Sta. Cruz? Teacher ko siya, at wala naman akong dapat asahan pang iba sa kanya. Nanatili na lang na tahimik sa klase si Renan kahit ang bawat sandali na nakikita niya si Mr. Sta. Cruz ay parang balisong na tumatarak sa kanyang puso. Pero tinatawag pa rin siya ni Willie para sagutin ang kanyang mga tanong. At ang alam niya, hanggang sa pagsagot lang siya kailangan nito. Nagsisimula sa pagiging estudyante sa kanyang klase at dito rin natatapos ang kanilang relasyon. Isang malaking kahibangan ang humangad pa nang higit pa rito.

Kaya nang mag-dismiss si Mr. Sta. Cruz ng kanilang klase, binulungan siya ni Chris na kausapin siya. Nag-esplika si Renan kay Chris na magandang siya na lang ang kumausap pero nagpumilit pa rin si Chris.

Nahuli sila ni Mr. Sta. Cruz na nagpipilitan. “You have something to tell me, Chris?”

Sumagot nang mahina si Chris, ibang-iba sa lakas ng boses nito noon sa acquaintance party. Parang hindi sa kanya ang boses na narinig ni Renan. “I just want to make an apology about what I said during the acquaintance party.”

“You mean the ‘Will and Grace’ thing? Wala sa `kin `yon. You don’t have to apologize, Chris.”

“Maraming salamat, s ir.”

“Now if you’ll excuse me, Chris. May I speak to Renan alone?”

Parang nabato-balani si Renan. Hindi alam ang magiging tamang reaksiyon sa tinuran ng guro.

Masayang tinapik ni Chris ang balikat ni Renan. “Yes, Sir. Renan, hintayin kita sa mini park mamaya.”

“Puwede ba tayong mag-usap sa labas ng eskuwelahan, Renan? Ayokong mag-usap tayo dito sa loob, lalo na dito sa classroom. Baka may makakita pa sa `tin. Ayokong bigyan nila ng malisya ang pag-uusap natin. Puntahan mo `ko sa bahay mamaya pagkatapos ng klase mo. Nando’n na ako ng alas kuwatro ng hapon.”

Tumatango-tango si Renan. Hindi totoo na walang pagtingin sa kanya si Willie. Bakit pa nito gustong makipag-usap sa kanya? At kailangan pang sa bahay nito. Unti-unti nang natatanggal ang tabing sa pagkatao ni Willie. Mahal ako nito, busal ni Renan sa sarili. Ayaw lang niyang ipahalata dahil guro siya. At hindi rin niya ito aaminin. Kahit sa harap ko.

“I want you to know na mag-uusap lang tayo. Let’s clear this once and for all.”

Oh, Willie, you’re such a hypocrite, isip ni Renan. Bistado na kita. Tanggal na ang maskara mo. Mahal mo talaga ako. Pero kung ito ang gusto mong palabas, sige, sasabay ako. Pagbibigyan kita. Hinawakan ni Renan ang kanyang kamay pero mabilis na tinanggal ni Willie ang pagkakahawak nito sa kanya. Lumingon-lingon pa siya at baka may nakakita sa kanila.

“Please don’t do that. Especially here.”

Nang hapong iyon, magkasama sina Renan at Chris. Masayang nagkuwento si Chris tungkol sa mga plano niya kay Mr. Sta. Cruz. Hihingi daw siya ng pormal na dispensa at nagpapatulong kay Renan para gumawa ng sulat. Pero wala siyang lakas at interes na tulungan ang kaibigan.

“Panay ang tingin mo sa oras. Me pupuntahan ka ba?” tanong ni Chris sa kanya.

“May gagawin pa `ko.”

“Ano’ng gagawin mo?”

“Chris, magkasama na tayo buong maghapon. Kelangan ko pa bang sabihin sa `yo kung s’an ako pupunta?”

“Teka, teka! Nangako ka sa `kin na tutulungan mo `ko dito sa letter of apology ko kay Sir.”

“Eh, `di ba, wala na sa kanya `yon? Nag-sorry ka na sa kanya at tinanggap naman niya,” bagot na sagot ni Renan.

Tumunog ang cell phone ni Renan. Binasa niya ang text:

I am home already. Where are you? I need to speak to you. Please come.

Mayamaya, nagmadali na si Renan. “Aalis na ako.”

“Tulungan mo naman ako dito, ano ba?”

Maliksing tumayo sa kinauupuan si Renan. “Problema mo `yan, Chris. May sarili rin akong problemang kailangang ayusin.”

Nagmamadaling pumunta si Renan sa bahay ni Willie. Alam niyang nakasalalay sa pag-uusapan nila ngayong hapon ang puso niya. Nakasalubong niya ang ilang mga guro palabas ng eskuwelahan. Inisip niya na kung ambisyon ni Willie ang magtagal sa kanyang propesyon bilang tagapagturo sa mga bagong mag-aaral, kailangan niyang magsakripisyo. Kailangan niyang isakripisyo ang kanyang talagang gusto. Paano nga kung gusto siya ni Willie pero hindi nito kayang isakripisyo ang kanyang bokasyon para lang sa kanya? Sino ba siya sa akala niya? Magiging sakim ba siya at hahadlang sa pangarap ng minamahal? Pero paano nga kung hinawa lang ang lahat nang ito? Wala pang inaamin sa kanya si Willie. Paano siyang nakakasiguro na mahal siya nito? Nang makarating siya sa lugar ni Willie, nakita niyang nakabukas ang gate. Marahan siyang pumasok na parang maingat na magnanakaw. Naabutan niyang tahimik na nagbabasa sa sopa si Willie. Naramdaman nito na parang may tao kaya napatingala ito.

“Pasok ka, Renan.”

Hindi na nabalutan pa ng kung anong ilusyon si Renan. Alam niya na dito na ilalaglag ni Willie ang bombang balitang hindi siya mahal nito. “I know what you’re going to say. Sabi mo, mag-uusap lang naman tayo, ‘di ba? So let’s do it here. Outside.”

“Please get inside, Renan. Somebody might see you there. Please?”

Napilitang pumasok sa loob si Renan.

“Gusto kong malaman mo na naiintindihan ko’ng nararamdaman mo. Galing na `ko d’yan. Nagmahal din ako no’n. At nawala rin. Pero `di do’n natapos ang buhay ko. Maraming dumating sa akin. At nakalimutan ko rin.”

Hindi ito ang inensayong marinig ni Renan bago siya magpunta dito. Nagpunta siya para tanggapin na ang inaaalay na pagkakaibigan sa bahay ni Willie. Na mas makabubuti sa kanilang dalawa na maging magkaibigan na lang. Ganito rin naman sila noon ni Chris. Noong una, masakit para sa kanya. Pero bandang huli, natanggap din niya. At mas lalo pa silang naging malapit ngayon sa isa’t isa. Pero iba si Willie. Ayaw niyang maging kaibigan lang ito. Mahal niya talaga ito. Pero kailangan niyang maipadama na hindi siya natutuwa sa mga ipinaliliwanag nito sa kanya. “Get off from your high horse, Willie. You don’t know anything about love. You’d rather discuss the fucking stories of those books than to really feel your own feelings.” Hindi malaman ni Renan kung saan nanggaling ang mga binitawan niyang salita. Para siyang sinasapian ng isang makapangyarihang kaluluwa. Pero hindi pa rin siya matapos-tapos. “You’re a hypocrite. You like the idea of someone loving you so you’d feel good about yourself. Pero wala kang gagawin dahil `di mo alam kung pa’no `to ipaglalaban. How can you even fight for me? You don’t even love me!”

Lumapit si Willie at pinunasan ang mukha ni Renan. Hindi akalain ni Renan, ni sa hinagap, na maririnig niya ito mula sa kausap. “I love you, Renan. I have loved you the first time you answered my first question in class. I think I am just in denial because this can’t be happening. This shouldn’t be happening.”

Sapat na ang marinig sa bibig ng kausap na mahal din siya nito. Hindi totoo ang sinabi ni Chris noon sa kanya na walang magmamahal sa kanya dahil bakla siya. Ipinaliwanag ni Willie ang napipinto nitong balak. “I’ll make a deal with you, loverboy. In March, you will have finished school. You will find a job and be a professional. That’s just about five weeks away. Wala nang magtatanong sa `tin. Ay, meron pa rin pala dahil pareho tayong lalaki. `Di mawawala ang magtatanong at mag-uusisa sa `tin. Pero at least, wala nang isyu ng teacher at estudyante. We can make it official by then. Getz?”

Hindi napigilan ni Renan ang maiyak. Tumango-tango na lang siya sa kausap. Punong-puno ng pagmamahal ang kanyang mga mata. Hinalikan siya ni Willie. Naramdaman niya ang init ng hininga nito sa kaloob-looban niya. Humigpit ang hawak niya sa propesor. Naiiyak pa rin siya habang habol ang hininga.

Umuwi si Renan na may ngiti sa kanyang mga labi. Sa wakas, may nagmamahal sa akin, isip niya. Mahal ako ni Willie. At mahal na mahal ko rin siya. Mamahalin niya ako para sa lahat ng mga taong lumait at umalispusta sa akin. Tatapusin ko na lang ang pag-aaral na ito. Ilang linggo na lang. Pagkatapos n’on, hindi na ako estudyante. Puwede na kaming magsama. At wala nang makakapigil sa amin. Maski ang pamilya ko. Matagal ko nang gustong iwanan ang pamilya ko. Hindi ko naramdaman na minahal ako ni Daddy. Si Mama naman, parang nahihiyang ipakita na mahal niya ako. Parang kabawasan sa pagkatao niya kung makikita ng mga taong mahal niya ang nag-iisa niyang anak.

Gabi na nang makauwi si Renan kaya maingat niyang binuksan ang gate. Kaunting tiis na lang, Renan, sabi niya sa sarili. Makakalayo ka na rin dito.

Nakatulog siya na umuusal ng panalangin sa Diyos. Hindi niya matandaan kung kailan siya huling nagdasal para humingi ng tulong o para magpasalamat.

Dalawang magkasunod na gabi na nakatulog siya na parang bagong panganak na sanggol.

****

“P utang-ina mo, gising!”

Naalimpungatan si Renan nang maramdamang may bumatok sa kanya. Nagising siya at hinawakan ang ulo. Napagtanto niyang hindi pala siya nananaginip o binabangungot sapagkat naroon ang kanyang ama, matikas na nakatayo sa harap ng kanyang kama, gala ang kamay sa pagsapok sa kanya. Ang ina ay balisang inaawat ito sa likod.

“Sa’n ka galing no’ng isang gabi? Sagot!”

Kinurap-kurap ni Renan ang kanyang dalawang mata. Hindi pa pumapasok sa kanyang diwa ang nangyayari ngayong umaga. “Sa school, Dad.”

“Hanggang alas-tres ng hapon lang ang klase mo. Alas-diyes na kami pumasok sa kuwarto ng Mama mo at `di pa kami natulog agad. Putang-ina mo, bibitayin kita `pag hindi ka nagsabi ng totoo!”

“Na kina Chris ako, Dad.” Tuluyan nang bumangon si Renan at lumabas ng kuwarto. Pakiramdam niya, mapupupot ang hininga niya sa loob. Mabilis na sumunod ang kanyang ama.

“Tumawag ako kina Chris at ang sabi’y nagkahiwalay na kayo sa school pagkatapos ng klase n’yo. Pinagloloko mo ba `ko?”

Pesteng Chris. Nilaglag na naman ako, apuhap ni Renan sa sarili. “Dad, `di na ako bata. Beinte anyos na `ko. Kelangan ko pa bang magpaalam sa inyo ni Mama `pag may lakad ako?”

“Kaya puwede mo nang gawin ang lahat ng gusto mo? Ha?” Nanlilisik ang mga mata ng ama at sinapito na naman ang kanyang batok.

“Dad, ano ba? Para na nga akong tau-tauhan sa bahay na `to, sunud-sunuran sa lahat ng mga gusto n’yo.”

“Hindi ko ginustong maging bakla ka, putang-ina mo!”

“Ba’t mo ba palaging ipinamumukha sa `kin na bakla ako? Ano ba’ng ginawa ng pagiging bakla ko sa `yo?”

Nakita ni Renan na parang malakas na alon ang dibdib ng kanyang ama sa mabilis nitong paghinga. Parang sasabog ito. Sumandal ito sa dingding ng ilang sandali habang hinihila ng kanyang ina para umupo. Mabilis na pumasok ito sa kuwarto at nang lumabas, may dala-dala itong envelop. Nang hindi mabuksang maigi ay pinunit na lang ito.

“Tarantado kang bakla ka! s ino ang kahalikan mo dito?” Ipinaspas ng ama ang mga litrato sa mukha ni Renan. Gumili ang dulo ng isang litrato sa pisngi ni Renan kaya nahiwa ito. May sumilip na dugo. Napanganga si Renan sa nakitang mga litrato. Mga blow-up ng kanilang paghahalikan ni Willie noong isang araw sa bahay nito. Pero, paanong may nakaalam? Sino ang kumuha ng mga ito?

“D-Dad, s-saan n’yo n-nakuha…”

“`Wag mo `kong tanungin, Renan. Ang tanong ko ang sagutin mo! Sino `to at kelan mo pa `to ginagawa? Tarantado ka! Sagot!” Isang malaking bigwas ang natikman ni Renan kaya napasalya siya sa ilalim ng mesa, sapu-sapo ang kanyang sumasakit na tiyan.

Mabilis na umawat ang ina. “Tama na, Rolando. Nasasaktan na’ng anak natin.”

“Sino `to, Renan? Sagutin mo `ko. Kung hindi, babasagin ko’ng mukha mo! Tatawagan ko si Chris. Tatawagan ko ang lahat ng mga kilala mo para malaman kung sino ang demonyong ito na kasama mong lalapain sa impiyerno. Sino?” Nakakuyom ang kamao ng ama at handang paliparin na naman ito sa mukha ng anak. “Sinoooo???”

“Si Mr. Sta. Cruz, Dad…”

“Mr. San…? Teacher ba… Teacher mo `to, Renan?” Ang ama naman ang parang binuhusan ng malamig na tubig. Namula ang kanyang mukha pati ang dalawang tainga. Inulit-ulit nito ang tanong. “Teacher mo `to, Renan? Ha? Sagot!” Nanginginig na ipinasok ng kanyang ina ang mga kamay sa bulsa ng kanyang bestida.

Walang parte ng ulo ni Renan ang hindi nasayaran ng kamay ng ama. Sa bandang huli, kailangan niyang sabihin ang totoo sa kanyang ama kahit putok na ang mga labi at maga na ang pisngi dahil sa mga latay na natikman niya.

“Mag-ayos ka, gago kang bakla ka! Ngayon din, pupunta tayo sa eskuwelahan mo at ire-report natin ang putang-inang baklang teacher mo. Nakakadiri kayo! Dapat sa mga masasagwang tulad n’yo, binabaril sa plaza para `di tularan!” Dinuraan nito ang nakahandusay na anak sa ilalim ng mesa at mabilis na pumasok sa kuwarto.