Busy ang McCarran International Airport bilang isang pandaigdigang paliparan pero ang araw na iyon ng Setyembre kung kailan paalis sina Ed at Reneé ay di pangkaraniwan. Hindi magkamayaw ang mga tao sa loob ng terminal. Marahil dahil hudyat na ng katapusan ng summer at mag-uumpisa na ang taglagas kaya abala ang mga taong pauwi sa kani-kanilang destinasyon. Nag-desisyon si Ed na mag- Ü ber na lang sila para hindi na problema ang pag-park sa kotseng hindi naman nila magagamit ng ilang linggo. Dalawang malaking maleta ang bitbit ni Reneé. Pakiramdam ni Ed, magtatagal ito sa Pilipinas at baka matagalan pa bago bumalik. Iyon ay kung babalik pa siya. Pero hindi na ito naglakas ng loob na magtanong pa sa kanya. Dama niya ang pagkabalisa nito ng mga huling araw. Hindi niya ito makausap nang matino. Madalas niyang mahuli itong nakatunganga lang at malalim ang iniisip. Alam niyang problemado siya sa kahihinatnan niyang pagbabalik sa Pilipinas. Sa loob ng mahigit anim na taon, ngayon lang uli niya makikita ang mga magulang. Gusto man niyang sumama at damayan si Reneé, minabuti niyang huwag na lang munang makialam. Hayaan ko na lang siyang makipagkita sa kanila, bulong niya sa sarili. Ayaw ko nang makisali at makadagdag pa sa mga iniisip niya. Hindi rin naman niya matutulungan ito dahil kailangan din niyang maghanda para sa kanyang presentasyon sa kumbensiyong dadaluhan. Maya’t maya, ninanakawan niya ng tingin ang kasama na alam niyang ang diwa nito ay nasa kabilang lugar at wala dito. Wala sa kanya.
Mahaba ang pila sa American Airlines. Kahit nag-check-in na sila kagabi, kinakailangan pa ring pumila para i-check-in ang mga dadalhing bagahe. Walang deretsong biyahe mula Las Vegas hanggang Maynila. Kinakailangan muna nilang sumakay sa American Airlines mula Las Vegas hanggang Los Angeles. Mula LA, doon naman sila naka-book ng Philippine Airlines papuntang Maynila. May lay-over sila doon ng tatlong oras. Ang biyaheng Los Angeles-Manila ay tatagal nang mahigit labintatlong oras. Alam ni Ed na siguradong nakakainip at nakakapagod ang biyahe pero masaya siya na makakabalik muli si Reneé at ngayon ay kasama pa siya. Sapat na sa kanya ang maramdaman na kasama siya sa yugtong ito ng kanyang buhay.
Sa loob ng airport, tahimik si Reneé. Maliban sa ilang mga pahapyaw na tanong ni Ed tungkol sa mga papeles, ng immigration officer at mga inspektor, bihira itong sumagot. Isang oras pa ang kanilang hihintayin sa Gate 8.
Nagpaalam si Ed para bumili sandali ng pagkain sa isang kiosk. Naiwan si Reneé na nakaupo sa waiting area hawak-hawak ang carry-on bags nilang dalawa. Muli niyang inalala ang kanyang mga magulang. Mula nang mag desisyon siyang maglayas, hindi na niya nakita ang mga ito. Sigurado siyang hanggang ngayon, hindi pa rin alam ng mga ito kung nasaan siya. Pero mabuti na ang ganoon. Mas magandang hindi nila alam. Naisip niya kung ano ba talaga ang nararamdaman tungkol sa kanila. Galit pa rin ba siya sa mga ito? Matagal na panahon na ang lumipas. Mahigit anim na taon na. At ngayon, maysakit na ang kanyang ama. Tanong niya sa sarili; Ipagpapatuloy ko pa rin ba ang poot at suklam na nararamdaman ko para sa kanila? Kung hindi ako napatawad ni Dad noon, dapat bang hindi ko rin siya patawarin? Kung hindi niya ako matanggap na bakla noon, dapat bang hindi ko pa rin siya tanggapin ngayon na maysakit na siya? Paano kung hindi ko na siya maabutang buhay pa? Paano kung huli na ang lahat? Nakaramdam si Reneé ng bahagyang kilabot kaya isinara niya ang zipper ng coat na suot.
“I got you coffee, honey, and some pastries. In case you’re hungry,” bungad ni Ed sa kanya bitbit ang mga pagkaing pinamili.
“Thanks. Just the coffee,” walang ganang kinuha ni Reneé mula sa kamay ni Ed ang isang paper cup. Hinigop niya ito pero napapikit dahil sa sobrang init. Ipinatong sa upuan at sinimulang buksan ang cell phone.
“So, what’s the plan, honey?” tanong ni Ed sa kanya.
“What plan?”
“I mean, when we get to Manila, what’s the plan? Are we gonna see each other there or aren’t we? Will you come and visit me at the hotel or not? I just need to know so I don’t mess up with your schedule, and mine, too.”
“You sound like a conference presenter already. The conference’s still on Saturday. Of course, I’ll see you there. I just need to see my family first. I wanna know what’s happened to Dad.”
“I know. I’m sorry. I feel like I’m not gonna see you anymore once we get there.”
“Sshh. The Philippines may be the place I grew up in but it’s no longer my home anymore. You know that.”
“Do you want me to go with you when you see your family?”
“No. I think it’s better if I do this myself. Alone. I’ll just go to Angeles City to see them, and then to San Fernando to see Chris. I can do both in a day. And then, I’ll come back to stay with you in Manila. Besides, I’ve to catch the Manila International Book Fair to buy newly published Filipino books.”
“Okay,” panatag na sagot ni Ed.
Ramdam ni Reneé na may agam-agam si Ed sa kanyang mga sagot. Kutob niya na hindi ito gaanong naniniwala sa kanyang balak na pag-uwi sa Pilipinas. Pero hindi na niya ito pinansin. Wala siyang gana na mag-esplika. Magulo ang isip niya ngayon. Hindi niya alam ang mukhang ihaharap sa ama kapag nagkita sila. Hindi rin niya alam ang magiging reaksiyon sakaling makita uli si Chris sa rehab.
Binuksan niya ang cell phone para mag-Facebook. Pinuntahan niya ang pages ng mga kilalang publishers na lalahok sa book fair na `yon: ang mga komersiyal at akademikong manlilimbag, pati na rin ang mga maliliit na publikasyon. Nararamdaman niya na kahit man lang sa mga libro, magiging malapit siya sa bansang iniwan nang mahigit anim na taon. Ito ang natutunan niya noon pa man kay Willie.
Napanganga siya nang makita ang isang litrato na nakapaskil sa page ng Sinag Publishing House. Mayroong gumuhit sa kanyang kalooban. Tiningnan niya ang iba pang litrato. Hindi siya maaring magkamali. Kita sa mga litrato ang isang lalaki na naka-long sleeves na polo at nakakurbata, may hawak na mikropono at nakangiti. Ang ilang litrato naman ay makikitang nasa dulo siya kasama ang ilang mga panauhing naka-barong at nakasaya. Siguro mga awtor ang mga ito, hinuha niya. Nakapaskil sa dingding ang karatulang Sinag Book Launch 2016.
“Oh, my God!” sambit ni Reneé habang sapu-sapo ang dibdib, habol ang hininga.
“What? Are you okay, honey?” Tigalgal na tanong ni Ed sa kanya.
“Yeah. I think I found him.” Pabulong na sagot ni Reneé, parang umuusal ng panalangin.
“Who?”
“Willie.”
“Oh. Are you gonna get in touch with him?”
“I’ll try.”
Hinigop ni Ed ang natitirang laman ng kanyang kape. Wala siyang itinira.
Hinanap ni Reneé ang pangalan ng emcee sa mga litratong `yon ng Sinag Publishing House pero walang nakalagay. Sinubukan niyang tingnan isa-isa ang mga taong naka-tag sa mga litrato. Lahat ay hindi niya kilala. Pero nakita niya ang isang account name na nagngangalang Will Holy Cross. Klinik niya ang nasabing pangalan pero wala siyang makita. Naka-secure ang settings nito. Ito ba ang account name ni Willie sa Facebook, tanong niya sa sarili. Hindi na siya nagdalawang-isip pa. Alam niyang kung hindi niya gagawin ito at hindi siya magpapakilala, baka pagsisihan niya bandang huli. Pumunta siya sa Messenger at nag-type.
Willie, is that you? Si Renan ito. Renan Ballesteros. Sa akin `yong account na “Reneé Ballet Stories.” Please confirm my friend request. God, I’ve been looking for you. For so long. Please? Please!
Sinend niya ito sa Messenger. Takot at kinakabahan siyang naghintay ng sagot.