noveltoon logo noveltoon
Kadenang Bahaghari

Chapter 23

Ch. 23 / 27 Feb 09, 2022

Ngayon pa lang nakatagpo si Chris ng katulad ni Mr. Sta. Cruz — matalino at may pagkahumaling sa kanyang trabaho bilang guro. Pinag-usapan agad nila ni Renan na kukunin siyang adviser ng CASoc. Sa pangkalahatan, nagkaroon siya ng inspirasyon na pumasok sa kanyang klase at maging seryoso sa pag-aaral. Alam niyang hindi siya magiging matalino gaya ni Renan sa paningin ni Mr. Sta. Cruz pero mag-aaral pa rin siya. Ganoon kalakas ang impluwensiya nito sa kanya.

Hinanap nila si Mr. Sta. Cruz minsan para magpapirma ng approval sheet para sa pagiging adviser nito at nakita nila ni Renan na nakikipag-usap ito kay Ma’am Grace sa kantina. Mayroon siyang naramdaman. Hindi niya alam kung ano ito pero noong makita niyang nakalugmok ang mukha ni Renan, pinayuhan niyang maghintay na lang sa faculty room. Nagtalo pa sila ni Renan na gawing adviser ito dahil nag-aalangan ang kaibigan na kunin ito. Pero mapilit si Chris at gusto talaga niya. Napagtanto ni Chris na may nararamdaman si Renan para sa baguhang teacher. Kinompronta niya ito at binalaang huwag nang ituloy dahil hindi puwede.

Napapayag nila si Mr. Sta. Cruz na maging adviser at dadalo ito sa acquaintance party. Abot-abot hanggang langit ang saya ni Chris. Sa wakas, makakasama din namin siya sa isang pagtitipon sa labas ng eskuwela, isip niya. Pero nakumpirma niya na hindi lang crush ni Renan si Mr. Sta. Cruz. Mas malalim pa doon. Pipi itong humarap sa kanya at hindi makapagsalita. Parang birheng mahinhin. Si Chris lang ang nagkuwento tungkol sa acquaintance party at sa mga responsibilidad ng pagiging adviser. Pinagtalunan pa nila ito ni Renan pagkatapos nilang makausap si Mr. Sta. Cruz. Hindi makalimutan ni Chris ang paratang sa kanya ni Renan noon.

“Nagseselos ka?”

“Ikaw pala’ng gago, eh. Ba’t naman ako magseselos?”

“Dahil me iba na `kong gusto.”

“Eh, sira pala ang ulo mo, eh. Bakit, feeling mo, magugustuhan ka rin ni Sir? `Di ka na kinilabutan sa sinabi mo.”

“Nagseselos ka kasi me bago nang nakakapansin sa `kin.”

Parang tirik na kandilang nakasindi na binuhusan ng tubig si Chris sa mga tinurang iyon ni Renan. Nanggagalaiti nitong hinawakan ang kaibigan. “Hindi magkakagusto sa `yo si Sir dahil bakla ka. Hindi bakla si Sir. Magiging sila na ni Ma’am Grace. At ikaw, ilusyonadang walang kuwentang bakla, ay masasaktan na naman.”

“Kung masaktan man ako, eh ano ngayon? Me pinagkaiba ka ba kay Sir?” Tumatak sa isip at puso niya ang sinabi ni Renan. Hanggang ngayon, kapag naiisip niya ang sinabi ng kaibigan, may gumuguhit pa rin sa kanyang dibdib.

Noong gabi ng acquaintance party, hindi sila nag-usap ni Renan. Bagama’t gabundok ang mga preparasyong gagawin sa party, minabuti ni Chris na huwag munang kausapin ang kaibigan. Kapag natapos na lang ang lahat ng ito, paliliwanagan ko siya tungkol kay Mr. Sta. Cruz at ang nararamdaman niya para dito.

Pero nang makita niya na nag-uusap sina Renan at Mr. Sta. Cruz sa gitna ng bulwagan bago pa man mag-umpisa ang programa, nakaramdam siya nang hindi maipaliwanag na galit. Galit para kay Renan dahil hindi ito nakinig sa mga payo at babala niya. Galit kay Mr. Sta. Cruz dahil walang patumangga ito kung lumandi sa kaibigan. Napagtanto ni Chris na baka nahalata na nito na may gusto sa kanya si Renan pero parang siya pa ang umaakit dito. Nagpapa-yummy pa, eh, may Ma’am Grace na siya. Parang nakita pa niya na magkahawak na sila ng kamay. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao? Na ang presidente ng CASoc ay bakla na, pati ba naman ang adviser, eh, bakla rin? Yamot na tinawag ni Chris si Renan para maudlot ang pag-uusap ng dalawa. “Renan, `akyat ka muna dito. Mag-sound check muna tayo at darating na ang mga bisita.”

Galit na sinalya ni Chris ang kaibigan sa likod ng kurtina. “Nasa gitna kayo ng hall ni Sir at walang takot ang paglalandi mo sa kanya. Pinagtitinginan na kayo ng mga tao.”

“Ano ngayon sa `yo? Nag-uusap lang kami.”

“Naghahawakan na kayo ng kamay.”

Hindi pinansin ni Renan si Chris at padabog na lumayo.

Dahil hindi dumating ang emcee, nagkaroon ng pagkakataon si Chris na magsalita sa harap. Hindi niya maipaliwanag ang inis niya sa nasaksihang tagpo ng kaibigan at ng paborito niyang guro kanina. Hindi rin niya alam kung saan kinuha ang tapang para magsalita sa harap at ipakilala ang mga bisita. Ang alam lang niya, galit siya kay Renan dahil bakla ito. At suspetsa niya, bakla rin si Mr. Sta. Cruz. Mga bakla ang salot ng mundo! Pasigaw siyang nagsalita gamit ang mikropono. “We would like to acknowledge the presence of two of our dear teachers, Sacred Heart College’s version of Will and Grace, Ms. Grace Gundran and Mr. Wilfredo Sta. Cruz.” Mabigat ang loob ni Chris na ipakilala si Mr. Sta. Cruz pero kailangan niyang gawin iyon. Nakaisip siya ng idadagdag. “Except that he’s not really ‘Will’ because as you can see, he’s not gay. He’s really a stud and a real man. A certified heartbreaker. Maybe he’s found his Grace in Ma’am Grace. Right, Sir?” Hindi magkarinigan sa bulwagan dahil sa masigabong palakpakan at sigawan ng mga nanonood.

Natapos ang speech ni Chris at nakita niyang naghihintay si Renan sa gilid ng entablado. Mukha itong sinapian ng demonyo. Namumula at hindi maipinta ang mukha. Humihinga nang malalim. Sinalya siya nito papunta sa green room. Sa pagkakataong iyon, hindi malaman ni Chris kung saan nanggagaling ang lakas ni Renan. Ang akala niya ay malamya ito at walang puwersa. Pero sa pagkakataong iyon, tatalunin niya ang mga atleta ng kanilang eskuwelahan dahil sa pambihirang lakas niya. Naramdaman niya ang lakas ng sampal nito pagpasok nila sa green room.

“`Di ka talaga titigil, Chris, sa iyong kagaguhan at kabobohan? Ha?”

Sa pagkakataong iyon, malinaw na sa isip ni Chris na umiibig na nga ito sa kanilang guro. At kahit ano, gagawin niya para ipagtanggol ito. Kahit pa magkasira silang magkaibigan. Doon nahulo ni Chris na wala na siyang kakampi. Sa galit niya, sinuntok niya ang kaibigan sa mukha. Pumutok ang labi nito.

Pagkatapos ng engkuwentrong iyon, hindi na niya nakita si Renan. Wala rin si Mr. Sta. Cruz. Nagtanong-tanong siya sa mga kasapi pero hindi nila alam kung nasaan ang dalawa. Isang opisyal ang nakapagsabi sa kanya na nakita niyang sumakay si Mr. Sta. Cruz sa kotse ni Renan. Kinabahan uli si Chris. Sinubukan niyang i-text si Renan. Ilang beses. Hindi ito nag-reply. Tinawagan niya kahit mauubos na ang kanyang load. Wala pa ring sagot. Sa labas na bulwagan, nilabas niya sa kanyang bulsa ang natitirang damo sa palara at sinindihan. Pinipilit iwaglit ang mga masasamang isip tungkol sa dalawa. Pinalubag niya ang loob sa sinabi ni Renan na babalikan siya ngayong gabi para ihatid pauwi. Nangako siya sa akin, katwiran niya. Wala naman siguro silang gagawing masama ni Mr. Sta. Cruz. Baka pinag-usapan nilang dalawa ang ginawa niyang panghihiya sa pagpapakilala kay Mr. Sta. Cruz . Maipaliliwanag naman siguro nang maigi ni Renan na hindi ko ‘yon sinasadya. Pero nagalit rin si Renan sa akin kaya nga nasampal niya ako. Gagong `yon. Pinagtanggol si Mr. Sta, Cruz, eh, ako itong kaibigan. Nagdesisyon siyang huwag munang isipin ang mga bagay na ito at bumalik sa loob. Pinatay niya ang natitirang baga ng kanyang hinihithit at naglakad pabalik sa bulwagan.

Sa kalagitnaan ng gabi, nakita niyang pumasok sa loob ng bulwagan si Renan. Nakaramdam siya ng luwag sa dibdib. Pero nakita niyang mugto ang mga mata nito at mukhang balisa. Maga ang bibig na sinuntok niya kanina. Nahabag siya sa nakitang hitsura ng kaibigan.

“Nawala ka kanina.”

“Hinatid ko si Will… si Mr. Sta. Cruz.”

Nang marinig ang sinabi ni Renan, unti-unti na namang bumalik ang inis sa kanyang kalooban. “`Di ka talaga sumusuko, Renan.”

“Ayoko nang makipag-away sa ‘yo, Chris. Iligpit mo na ang mga gamit mo at ihahatid na kita sa inyo.”

Hindi sila nag-usap sa kahabaan ng biyahe. Gustong malaman ni Chris kung ano ang nangyari sa paghatid ni Renan kay Mr. Sta. Cruz pero hindi ito nagbigay ng kahit na anong palatandaan na gustong itong pag-usapan ng kaibigan. “Pasensiya ka na kanina. Nabigla ako.”

Hindi umimik si Renan. Pagkahatid sa kanya, mabilis na pinaharurot ni Renan ang kotse. Sa loob ng bahay, nag-text si Chris kay Mr. Sta. Cruz.

Sorry po sa sinabi ko kagabi sa party. Please forgive me.

Sinend niya ito. Pero hindi pa rin siya mapakali. Alam niyang hindi makukuha sa isang text lang ang paghingi ng dispensa. Nagdesisyon siyang sumulat nang mas mahaba. Kumuha siya ng papel at ball pen sa kanyang kuwarto at nagsimulang magsulat. Tuloy-tuloy. Hindi na niya matandaan kung gaano katagal siyang nagsulat. Sumisirit na ang pagod at antok sa kanyang katauhan kaya nang matapos siya sa huling pangungusap, tiniklop niya ang sulat at inipit sa libro ng Panitikan. Nagmadali siyang magpalit na damit-pantulog at ibinagsak ang katawan sa kama. Hindi na niya nagawang magsipilyo o maghilamos dahil sa matinding hapo.

Kinabukasan, tinawagan niya si Renan.

“Hello?”

“Hello,” tugon ng kabilang linya.

“Ay, Tita Medy. Si Renan po? Puwedeng makausap?”

“Tulog pa. Ano’ng oras ba kayo natapos sa inyong party kagabi? Umaga na yata umuwi `tong si Renan.”

Maaga silang natapos kagabi. Pero minabuti ni Chris na huwag sabihin ang totoo at baka mapahamak si Renan. “Medyo inumaga na nga ho kami kagabi. Wala naman ho kaming pasok ngayon kaya hayaan n’yo na muna siyang magpahinga. `Pag nagising ho siya, pakisabi ho na tawagan ako.”

“Okay, Chris.”

“Salamat ho. Bye!” Pagkababa ng telepono, tinext pa rin niya si Renan.

Hindi nag-reply si Renan sa kanya nang araw na iyon. Sa eskuwela na sila nagkita kinabukasan.

Pinaghandaan ni Chris ang klase ni Mr. Sta. Cruz. Ilang beses niyang binasa ang kanilang leksiyon pero kulang pa rin ang pag-intindi niya sa Bread of Salt ni N.V.M. Gonzalez. Kusa siyang nagtaas ng kamay para magbigay ng kuru-kuro tungkol sa nasabing maikling kuwento pero lihis palagi ang mga sagot niya. Napansin niya na hindi sumasagot si Renan sa mga tanong ni Mr. Sta. Cruz. Kung ano man ang nangyari sa kanila pagkatapos ng acquaintance party, iyon ang gustong malaman ni Chris. Pero balak niyang humingi ng dispensa sa kanyang sinabi sa acquaintance party.

Nang mag-dismiss ng klase si Mr. Sta. Cruz, sinubukan ni Chris na kausapin si Renan pero tumanggi ito. Napansin sila ni Mr. Sta. Cruz at nagtanong.

“You have something to tell me, Chris?”

“I just want to make an apology about what I said during the acquaintance party.”

“You mean the ‘Will and Grace’ thing? Wala sa ‘kin `yon. You don’t have to apologize, Chris.”

“Maraming salamat, Sir,”

“Now if you’ll excuse me, Chris. May I speak to Renan alone?”

Lumabas si Chris na takang-taka. Hindi niya mawari kung bakit siya pinalabas ni Mr. Sta. Cruz at kailangang makausap si Renan nang hindi siya kasama. Nagpasya na lang siyang pumunta sa kantina at magpalipas ng oras. Mamayang hapon pa ang susunod niyang klase, katwiran niya.

Nagkita sila ni Renan nang hapong iyon. Balisa na naman ang kanyang kaibigan. Ibinalita niya ang planong paggawa ng pormal na letter of apology kay Mr. Sta. Cruz. Magpapatulong sana ito sa kaibigan. Gusto rin niyang tanungin kung ano ang pinag-usapan nila ni Mr. Sta. Cruz pero pinigilan niya ang sarili. Hinintay niyang magkuwento ang kaibigan ngunit tahimik lang ito at tingin nang tingin sa relo. “Alam mo, Renan. Nagkamali ako kay Sir. Mali nga talaga `yong ginawa ko. Biro mo, parang pinahiya ko siya sa acquaintance party. Nagpapa-good shot pa naman siya kay Ma’am Grace. Hindi nga magandang biro `yong sinabi ko. Ano nga’ng tawag mo sa gano’ng klaseng biro? Uy, Renan, ano nga `yon?”

“Ang alin?” Halatang nabigla si Renan sa biglang tanong ng kausap.

“`Yong tawag sa joke na gano’n? Nakikinig ka ba?”

“Crass joke.” Sinilip ni Renan ang oras sa kanyang relo. Alas kuwatro.

“Panay ang tingin mo sa oras. Me pupuntahan ka ba?”

“May gagawin pa `ko.”

“Ano’ng gagawin mo?”

“Chris, magkasama na tayo buong maghapon. Kelangan ko pa bang sabihin sa `yo kung saan ako pupunta?”

“Teka, teka! Nangako ka sa `kin na tutulungan mo ako dito sa letter of apology ko kay Sir.”

“Eh, di ba, wala na sa kanya `yon? Nag-sorry ka na sa kanya at tinanggap naman niya.”

Narinig ni Chris na tumunog ang cell phone ni Renan. Binasa ni Renan ang text. Hinuha niya, may kinalaman ang text na iyon sa pagkabalisa ng kaibigan. Pero nagpatuloy pa rin siya sa kanyang kuwento. “Iba pa rin `pag nakatanggap siya ng pormal na dispensa sa `kin. Nakakahiya. Inimbitahan natin siya do’n tapos mapapahiya lang siya sa `tin. Tama ka, Renan, problema ko talaga `tong bibig ko. Tulungan mo naman ako dito, ano ba?”

“Aalis na ako.” Maliksing tumayo sa kinauupuan si Renan. “Problema mo `yan, Chris. May sarili rin akong problemang kailangang ayusin.” Nagpaalam na ito sa kanya at nagmamadaling umalis.

Nagdesisyon si Chris na hindi na pumasok sa klase para sundan si Renan. Kinutuban siya sa gagawin ng kaibigan.

Nakita niyang sumakay ito ng jeep. Balibago-Checkpoint ang ruta ng jeep na kulay abo. Nagtaka siya na hindi ginamit ni Renan ang kotse nang araw na iyon. Siguro napagalitan ni Attorney dahil dis-oras na ng gabi dumating noong linggo, palagay niya. Nagmadali siyang parahin ang sumunod na jeep at sumakay sa harap. Ilang minuto pa, nakita niyang bumaba si Renan sa kanto ng Marisol Subdivision. Isang kanto pa ang layo nito sa kanya pero bumaba na rin siya. Mabagal siyang sumunod dahil ayaw niyang makita siya nito. Hindi pa niya alam kung saan pupunta ito at kung anong problema ang sinasabi niyang kailangang lutasin. Wala siyang matandaang kaklase o miyembro ng CASoc na nakatira banda rito. Si Mr. Sta. Cruz kaya ang pupuntahan niya, tanong niya sa sarili. Dito ba siya nakatira? Ang alam ko, nasa eskuwelahan pa siya at hindi pa tapos ang klase.

Nakita niyang lumiko sa kaliwang kanto si Renan kaya madali siyang tumakbo papunta roon. Pagsilip niya, nakita niyang pumasok si Renan sa unang gate. Hindi niya ito naisara nang maayos kaya nakapasok din siya. Nagpalinga-linga muna si Chris kung mayroong mga tao na dumadaan na maaring pagkamalan siyang magnanakaw. Nang wala siyang nakita, pumasok na siya sa bahagyang nakabukas na tarangkahan, balot pa rin ang misteryo kung sino ang nakatira dito.

Nakahanap ng puwesto si Chris sa gawing likuran ng bahay para makita ang loob. May narinig siyang boses ng dalawang taong nag-uusap pero hindi niya alam kung sino ang mga ito at kung ano ang pinag-uusapan nila. Sumilip siya sa nakausling barandilya pero wala siyang makita. Yumuko siya para makadaan sa isang maliit na iskinita sa loob dahil dinig niya na doon nanggagaling ang mga boses. Pagsilip niya sa bintanang bahagyang natatabingan ng dilaw na kurtina, nakita niya sina Renan at Mr. Sta. Cruz na magkayakap. Mataimtim na nakatingin ang dalawa sa isa’t isa at mukhang maghahalikan. Nagimbal si Chris sa nasaksihan. Hindi niya alam ang gagawin. Nagkaroon siya ng ideya na mayroong relasyon sina Renan at Mr. Sta. Cruz noon pero iba ngayong kitang-kita na ng dalawang mata niya ang nangyayari. Kinilabutan siya. Narinig niya ang mahinang tinig ni Mr. Sta. Cruz. “I have loved you, Renan. I love you the first time you answered my first question in the class.”

Hindi na niya lubusang narinig ang mga ibang sinabi niya dahil nanginginig niyang kinuha ang kanyang cell phone sa bulsa. Putang-inang pantalon na ito, ang sikip ng bulsa! Hindi siya makapaniwala sa naririnig. Ibang-iba si Mr. Sta. Cruz sa klase sa nakikita niya ngayong kayapos ang kanyang kaibigan. Pakiramdam niya ay napunta lahat sa ulo ang dugo sa kanyang katawan. Umiling-iling siya at pinakiramdaman ang sarili. Pero itinaas niya ang cell phone para kunan ang dalawa. Huwag kayong magkakamaling gumawa ng…

Nakita niyang inihilig ni Mr. Sta. Cruz ang kanyang ulo palapit kay Renan. Nasaksihan niya ang paglapat ng mga labi ng dalawa. Simbilis ng naramdaman niyang pagkuryente sa kanyang kalooban ang pagdiin ng mga daliri sa kamera ng kanyang cell phone. Ilang beses niyang pinindot iyon. Apat. Limang beses. Hindi na niya matandaan.

Mabilis siyang nakalabas sa bahay bago pa man maisipan ni Renan na umalis. Hindi niya maintindihan ang bigat ng nararamdaman ng kanyang dibdib. Pakiramdam niya ay trinaydor siya ng dalawa. Si Renan. Kaibigan niya mula pa pagkabata. Tanggap ko ang pagkatao niya. At ilang beses ko nang sinabi sa kanya na layuan si Mr. Sta. Cruz. Hindi pa rin nakinig. At si sir, ang idolo kong si Mr. Sta. Cruz. Bakit niya pinatulan si Renan? Estudyante niya `yon. Bakla pala talaga siya. Mga bakla sila, mga salot ng mundo! Nakakadiri! Mga baboy!

Galit na galit si Chris. Hindi niya namalayang tumulo ang mga luha sa kanyang mga matang punumpuno ng poot. “Mga putang-ina n’yong bakla kayo, makikita n’yo! Gagantihan ko kayo!”

Tumakbo nang matulin si Chris. Sa pagkakataong iyon, hindi niya alam kung saan siya pupunta.