Balisa at hindi mapakali si Willie sa kanyang silya. Lumalamig na ang kapeng inorder pero hindi pa rin niya magawang inumin ito. Halos kalahating oras na siyang palinga-linga sa labas ng Starbucks pero hindi pa rin niya makita ang taong kakatagpuin niya. `Sabagay, maaga pa. Palagi naman siyang maaga.
Tinitigan ni Willie ang kanyang kape. Sa inip sa paghihintay, humigop na rin siya kahit malamig na ito.
Nakakalahati na niyang inumin ang malamig na kape nang may dumating na isang foreigner at isang matangkad na modelo. Mag-asawa siguro ito, kutob niya. Lumapit ang mukhang modelo sa harap ng mesa niya, tinanggal ang sunglasses at umupo sa harap.
“Willie? Oh, my God, it’s you!”
Paralisado sa upuan si Willie. Hindi makaimik. Hindi makagalaw. Parang nakakita ng multo.
“It’s me, Renan. Well, it’s Reneé now. Oh, gosh, I can’t believe I am seeing you right now!” Excited na lumapit si Reneé at niyakap nang mahigpit si Willie. Walang nagawa si Willie kundi suklian ang yakap ng kausap.
Nagtinginan ang mga tao sa loob ng Starbucks.
“I-I’m beyond words. Y-you look…” pautal na sabi ni Willie.
“Different? Yeah, don’t I? I used to look so shabby and ugly back then. Honey, come here.” Tinawag ang foreigner na nasa pintuan. “I want you to meet Willie, uh…Mr. Wilfredo Sta. Cruz. He was my Literature professor in college. This is Dr. Edward Billings.”
“Call me Ed.”
“Willie.”
Nagkamayan ang dalawa.
Mabilis na pinunasan ni Reneé ang pawis sa kanyang noo, umiling-iling. “Oh, my God, this is so surreal. My former lover meeting my current. Ed, Willie was my boyfriend back in college. And I was attending his class. Boy, was I really a big slut even back then!”
“You sure was,” nangingiting sagot ni Ed.
Hindi pa rin makakibo si Willie. Hindi makapaniwala sa eksenang nagaganap sa harap niya.
“`Musta ka na, Willie? Ang tagal kitang hinanap. Nawala kang bigla.”
“Nagbagong buhay ako,” hilong sagot ni Willie.
“Nag-asawa ka ng babae?” gulat na tanong ni Reneé.
Saka lang natawa si Willie. Pero bahagya siyang nawala sa tanong at atubili siyang sumagot. Hindi niya maipaliwanag ang sarisari at sanga-sanga niyang emosyon.
“Hindi. Ang ibig kong sabihin, nag-iba ako ng lugar, ng trabaho, ng pangalan. After mangyari `yong sa atin.”
“Ako din. Exactly, `yan din ang ginawa ko,” seryosong tugon ni Reneé. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa balikat ni Ed. “Um, honey, you know why I’m here, right? I wanna talk to Willie.”
“Yeah. I think I have to head back to the hotel. I just wanted to see you, Willie. Reneé here has never stopped talking about you.”
“I hope they’re good stories about me,” sagot ni Willie.
“Oh, yeah, they are. They are. Okay, see you back at the hotel later, honey,” siniil niya ng halik si Reneé, hawak-hawak ang pisngi nito. May ilang mga mata ang nakamasid sa ginawa ng dalawa. May kumunot. May napangiti. May nagulat.
Anim na taon na ang nakaraan, ito ang gustong gawin ni Willie at Renan sa isa’t isa pero hindi puwede. At nang ginawa nila, ito ang naging mitsa ng kanilang paghihiwalay.
Nang makaalis si Ed, sumeryoso ang mukha ni Reneé. Tumambad kay Willie ang Renan na dating kilala niya. Ang Renan na dating mahal niya. Pinagmasdan nila ang isa’t isa. Matagal. Nanunuot. Mayamaya, nagtawanan sila. Pero tawang may lungkot. Tawang may sakit.
Binasag ni Reneé ang pagkukunwari ng kanilang mga halaklak. “`Musta ka na, Willie. Really, how are you?”
Nagkibit-balikat lang si Willie. Walang maisip na direktang sagot sa pumapanang tanong ni Reneé. “Well…”
“`Ayan ka na naman sa iyong mga brief and ambiguous retorts. Hanggang ngayon, opaque ka pa rin. Mahirap basahin,” akusa ni Reneé.
“Ano’ng gusto mong sabihin ko, masaya? Malungkot? Okay? Hindi okay?”
“Mas mabuti naman ang mga `yon kaysa ‘Well.’ At least, sagot sila. Malinaw.”
“`Di ko alam ang sagot sa tanong mo.”
“Kaya nga nagtatanong ako,” bulalas ni Reneé.
“Mahirap sagutin ang tanong mo,” putol ni Willie.
“Mahirap sagutin ang `musta ka?’”
“`Musta ka?” tanong ni Willie.
“Tinatanong mo ba talaga kung kumusta `ko o binabalik mo lang ang tanong ko?” pagkaklaro ni Reneé.
“Tinatanong kita.”
“Okay.”
“Okay? `Yan ang sagot mo?”
“Mas maigi na ito kaysa ‘well.’”
“Pareho lang ibig sabihin n’on.”
Wala sa kanilang dalawa ang nagkaroon ng sigla na dugtungan pa ang usapan. Parehong hindi nila gusto ang pinatutunguhan nito. Parehong hindi ito ang kanilang inisip na pag-uusapan bago pa man sila nagkita. Kahit ilang ensayo sa isip ang gawin nila tungkol sa pag-uusap na ito, iba pa rin ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Iba ang realidad.
“Ibang-iba ka na,” sabi ni Willie, pinilit na baguhin ang kombersasyon.
“Sa States ako nag-umpisa ng aking treatment, reconstructive surgery.” Inalog-alog niya ang kanyang mayamang dibdib. “Si Ed ang doctor ko noong una. Pero ipinasa niya `ko sa kaibigan niya. Dapat daw professional ang relationship ng pasyente sa doktor. Hindi katulad natin noon. No’ng estudyante mo pa lang ako. Wala akong pakialam.” Tumawa nang malakas si Reneé.
Parang may kumurot sa puso ni Willie.
“Pero, `di pa tapos `to. `Di pa siya natatanggal,” inginuso ni Reneé ang kanyang ibaba.
“Ano’ng sabi ng parents mo?”
“Tanggap na nila siguro. Galing ako sa kanila a couple of days ago. Nakaratay si Dad sa ospital. Stroke. Pero, I couldn’t care less if issue pa rin `to sa kanila. Bahala na sila kung tatanggapin nila o hindi.”
Nanatiling tahimik si Willie. Malalim na nag-isip.
Bumalik sa pagkaseryoso si Reneé. “Humihingi ako ng sorry sa ginawa ni Dad sa `yo noon.” Inabot niya ang braso ni Willie.
“Natanggap ko na. Matagal na `yon,” iwas-sagot ni Willie.
“Wala akong magawa noon. Gusto kong grumaduate. Akala nila, ‘kaw ang dahilan kung ba’t ako naging bakla. Kaya pagka-graduate ko, lumayas ako sa amin. Hindi ko na nga nahintay ang graduation. Hinanap kita kung saan-saan. Nobody knew where you were. Hanggang nakapagtrabaho ako sa Amerika. Nakilala ko si Ed,” maluha-luhang salaysay ni Reneé.
“Nasira ang buhay ko noon. Nawala lahat. Ikaw, trabaho ko, pangalan ko, lahat. Kelangan kong mag-umpisa sa ibaba, sa lugar na wala akong kilala at walang nakakakilala sa akin. Napadpad ako dito.”
Deretso sanang magtatanong si Reneé pero pansamantalang pinigil ang sarili pati ang hininga. “Me boyfriend ka ba?”
“Tinanong mo na sa `kin yan sa Messenger ah.” Huminga nang malalim si Willie. bumalik sa pagiging seryoso. “`Di na ako nagkaroon. Pagkatapos natin. Hindi siguro para sa `kin ang magkaroon uli.”
Sumabad agad si Reneé. “`Di totoo `yan. Darating din `yong para sa `yo.”
Tumingin si Willie sa mukha ni Reneé. Pinag-aralan ang kabuuan nito.
Iniwasan ni Reneé ang titig ni Willie at humalukipkip. “May isa pa’ng nasira ang buhay dahil sa nangyari sa `tin.”
“Si Chris?” takang tanong ni Willie.
“Yes. Siya pala ang nakakita sa `tin at nagsumbong kay Ma’am Grace.”
“Sumagi rin sa isip ko na baka si Chris ang gumawa n’on sa `tin pero `di ko pinansin dahil alam kong close kayo.”
Natahimik silang dalawa nang ilang saglit.
“Bakit, ano’ng nangyari sa kanya?”
“Ano’ng nangyari kanino?”
“Sabi mo, nasira rin ang buhay niya. Bakit?”
“Si Chris? Labas-masok siya sa rehab center. Mula nang magsumbong siya, `di na siya natahimik. When you left, he blamed himself, and he’s never gotten over it. Doon nagsimula `yong pagiging addict niya.”
“You still defend him.” May diin ang mga salitang binitiwan ni Willie. Bahagyang inayos ni Renee ang kanyang pagkakaupo.
“Best friends kami since we were fifteen.”
“Even then, I suspected na may pagtingin ka na sa kanya. Hanggang ngayon, halatang `and’yan pa rin siya,” giit ni Willie habang dinuro ang puso ni Reneé.
Namilog ang mga mata ni Reneé dahil sa gulat. Hindi makapaniwala sa tinuran ni Willie.
“Kaya kahit naiskandalo na tayong lahat, siya pa rin ang nasa isip mo,” nag-aakusang bira ni Willie.
“Oo, kaya pakakasalan ko siya. Sa Amerika kami magpapakasal.”
Si Willie naman ang parang binuhusan ng malamig na tubig. Hindi malaman kung tama ba ang narinig.
“Ha? Ano’ng…? Paano si Ed…?” putol-putol na tanong ni Willie.
“I explained everything to Ed. Pakakasalan ko lang si Chris dahil gusto ko siyang makapagbagong-buhay. I want him to start over, makapagsimula uli. Gaya mo. Gaya ko. Mas madali niyang magagawa `yon kung nasa Amerika siya. Dito, magiging preso lang siya ng nangyari at ng image mo?”
“Image ko? Dapat lang. Dahil guilty siya. A guilty conscience does not make a man sleep,” parang batang pangangatwiran ni Willie.
“Hanggang ngayon ba’y hindi mo pa rin maintindihan kung ba’t nagkaganoon si Chris?” pabalang na tanong ni Reneé.
“Dahil mahirap kalabanin ang konsiyensiya…”
“Dahil mahal ka ni ya, you fucking insensitive prick!”
Bumilis ang tibok ng puso ni Willie. Hindi alam ang sasabihin.
“You wanna ask me how I’d known, Willie? Simula’t-simula pa lang, alam ko na. Kahit noong `di pa alam ni Chris kung sino siya, alam ko na. Kaya niya tayo isinumbong. Dahil galit siya sa `yo. Galit siya sa akin. Higit sa lahat, galit siya sa sarili niya.” Pinahid ni Reneé ang namumuong luha sa kanyang mga mata. “Fifteen pa lang kami, minahal ko na siya. Pero `di niya matanggap dahil lalaki ako. Dahil lalaki siya. Kaya tinanggap ko na magkaibigan na lang kami. Noong dumating ka sa buhay namin, hindi niya maintindihan ang sarili niya. Nagkakagusto siya sa `yo pero ayaw niyang aminin. Kasi lalaki siya,” pautal na banggit niya. “Once, he told me how inspired he was attending your class. He painstakingly studied and prepared for your lessons. Palagi siyang nagtataas ng kamay pero `di mo naman daw siya pinapansin. Madalas, ako’ng tinatawag mo. Sabi niya, siguro dahil `di ako kasintalino mo. Kaya noong mangyari ang iskandalo, at alam niyang kagagawan niya, nawala ka. Nawala ako. Nawala ang lahat sa kanya. Naiintindihan mo ba ang ibig sabihin ng lahat ng ito sa kanya?” Hindi na napigilan ni Reneé ang masaganang pag-agos ng mga luha sa kanyang magkabilang pisngi.
Hinawakan ni Willie ang kamay ni Reneé at mariing pinisil iyon.
“Ngayon, naiintindihan mo na kung ba’t gusto kong dalhin si Chris sa Amerika? Gusto ko siyang bigyan ng pagkakataong makabawi. There’s nothing for him here, Willie. Nothing. Ang simbahan, galit sa bakla. Ang gobyerno, galit sa bakla. Ang batas, galit sa bakla. Maski mismong bakla, galit sa kapwa bakla,” nanginginig na turan ni Reneé habang pinupunasan ang kanyang mukha. Kinuha niya sa harap ang basong may tubig at ininom lahat ang laman. “When he is settled and gets fully recovered in the States, idi-divorce ko siya at pakakasalan ko si Ed. Malaki na rin naman ang utang ko sa gagong `Kanong `yon.”
Matagal na hindi nag-imikan ang dalawa. Pinipilit ni Willie na balikan sa kanyang isip ang mga sinabi ni Reneé tungkol sa nangyari sa kanilang lahat. “Puwede ko bang makita si Chris, Reneé?” mahina pero deretsong sabi ni Willie.
Lumiwanag ang mukha ni Renee. “Gosh, ito ang Willie na minahal ko n’un. Forgiving, understanding, weak. `Yong kausap ko nang mahigit isang oras kanina ay judgmental, insensitive at fake. Hindi si Willie `yon.” Sumeryoso uli ang mukha ni Renee at hinawakan si Willie. “It would really mean a lot to Chris, Willie, to forgive you and be forgiven by you.”
“Thanks, Reneé,” ngumiti si Willie, ngunit may bahid ng lungkot sa kanyang mukha.
“And who knows? Baka kayo pa ang magkatuluyan. Hindi na niya kelangang magpunta sa Amerika at magpakasal sa `kin,” sabi ni Reneé habang hawak-hawak ang pisngi ng kausap.
Tinapik ni Willie ang hawak ni Reneé. “Baliw ka talaga.”
“I’ll be the happiest person to see na ang dalawang taong minahal ko noon, nagmamahalan ngayon. `Tapos ako naman, may bagong mahal na rin.”
“Tama si Ed. Slut ka talaga!” tukso ni Willie.
“Hindi ah! Masyado lang malaki ang puso ko kaya kayang magmahal nang higit sa isa. Pero hindi ko naman kayo pinag-sabay-sabay ah. Magkakaibang panahon ko kayo minahal,” masayang katwiran ni Renee. Nagsulat siya sa isang kapirasong papel at inabot kay Willie. “This is Chris’s number and the rehab’s address. Call and visit him. Hanggang next week pa kami ni Ed dito. Sana magkita-kita uli tayong apat.”
Paulit-ulit na binasa ni Willie ang nakasulat na address sa papel. Maraming naglaro sa kanyang isip.
*** Ang dalawang litrato sa Kabanata 2 ay kuha nina Wade Guasis at Mia Tallman.