Malaki at maluwang ang opisina ng dekana ng Liberal Arts. Nakasalansan ang bunton ng mga sari-saring libro sa dalawang malalaking eskaparate na yari sa lumang kahoy. May dalawang plorera na magkaterno ang nakapatong sa dalawang lamesita sa gawing kanan. Isang dambuhalang mesa ang nakapagitna sa buong kabuuan ng opisina at nakapatong ang isang parihabang kahoy kung saan masugid na nakaukit ang pangalan ng dekana. Nakatarete ang ilang larawan ng asawa, mga anak at ilang kasamahan sa trabaho sa tabi ng parihabang kahoy. Lahat ng mga nasa litrato ay nakangiti. Ang mga bintana ng tanggapan na pawang gawa sa makapal na salamin at parilyang metal ay malayang nagbibigay ng bista ng campus. Matatanaw ang mga estudyanteng paroo’t parito, mga gurong nagmamadaling makapunta sa kani-kanilang klase at mga checker at staff ng eskuwelahan na abala sa paggala para isagawa ang kanilang mga tungkulin. Naisip ni Renan na mistulang malaking bilangguan ito at ang tanggapan ng dekana ang nagsisilbing makapangyarihang tanod na nasisilayan ang lahat ng mga gumagalaw at kumakaluskos sa loob ng kolehiyong iyon.
Inayos ni Renan ang pagkakasuot ng shades dahil bahagyang nasagi nito ang kumikirot na kalamnan sa ilalim ng kanyang mata. Sinalat niya ang maga pa ring pisngi. Ang kanyang ina ay tahimik na nakaupo sa kabilang sopa, hinihintay ang pagdating ng dekana. Ang kanyang ama ay balisa naman sa tabi. Inabot ang diyaryo at tinangkang basahin ang headline pero pagkaraan lamang ng ilang segundo ay ibinalik nito ang papel sa dating lalagyan. Iniwasan ni Renan na tingnan ang ama. Pagkatapos nang nangyari kahapon na halos magkalasog-lasog ang kanyang mga buto, napagtanto niyang wala talagang pagmamahal na naramdaman ito sa kanya. Tatanda na lang ito na hindi tutubuan ng puso para sa kanya. Hindi niya maintindihan na ganoon na pala katindi ang pagkamuhi nito sa kanya.
Itinulak paibaba ni Renan ang manggas ng kanyang suot na t -shirt dahil sumisilip sa laylayan nito ang pasa niya sa braso na nangitim na dahil sa bugbog. Ang kanyang ina ay tahimik na nakaupo sa isang sulok. Bumubulong na parang nagdadasal.
May pumasok na staff sa kuwarto. Tangan nito ang isang folder na may nakaipit na mga papel. “Tuloy na po kayo sa conference room. Nando’n na po si Dean Pangilinan. Dito po ang daan.”
Naunang lumabas ng opisina si Atty. Ballesteros at hindi inintindi ang dalawang kasama. Nahuli si Renan na lumabas at nakatungo, ramdam ang sigid ng masid ng mga tao sa tanggapang iyon. Naalala niyang ilang linggo pa lang ang nakararaan, labas-masok siya sa tanggapang ito dahil sa mga sari-saring dapat gawin sa pagkakaroon ng acquaintance party ng CASoc. Kailangan ang pirma at approval ng dekana, ang mga pertinenteng papeles para sa mga consent forms ng mga magulang at adviser, ang project report at proposal. Nakangiti at maaliwalas ang mukha ng mga tao noon na sumalubong sa kanya. Ngayon ay para siyang may sakit na ketong na halos hindi kinikilala. Sumagi sa isip niya ang taong kumuha ng litrato at nagdala sa kanyang ama. Isa kaya siya sa mga nandidito ngayon? Binilisan niya ang lakad nang sitahin siya ng ina na noo’y nasa bukana na ng conference room.
“Good morning, Atty. Ballesteros, Mrs. Ballesteros,” buhos ang paumanhin ng dekana na bumati sa kanila. “Please sit down. Sorry to have kept you waiting. Renan, you may sit on that chair.” Malakas ang boses ng dekana. Bagama’t halatang may tensiyon sa tinig nito, pilit na ginawang kalmado ang pagbati at pagsasalita sa mga kausap. “I should have informed the members of the faculty council to be here. But because of the sensitivity of the situation, I figured that we need to talk first, among ourselves.”
Pabalang na sumagot ang ama ni Renan. “I don’t care whose responsibility this is. I just want justice for my son. I want that monster to be out of this school.”
Mapaklang ngumiti ang dekana. Nalunok ni Renan ang mapait na laway na nakabara sa kanyang lalamunan sa tinuran ng ama.
“I am sure, a ttorney, you are aware that in any given situation, there is a process involved. After you have called me yesterday, I have informed the members about this. We are about to conduct the investigation.”
“Yes, I am. I’m a lawyer. I know the process. I hope this investigation won’t take long because I will not waste both my and wife’s time if this is not a pressing issue. My son’s graduating in less than a month and I expect you to look into this matter sharply and with efficacy.” Madiin at malalim ang mga pinaulanang salita ni Atty. Ballesteros. Pakiramdam ni Renan ay nasa courtroom sila at isa ito sa mga kaso na ipinaglalaban ng kanyang ama.
Naalala niya noong bata pa na karay-karay siya ng ina papasok sa courtroom kung saan isa sa mga naglilitis ng kaso ang kanyang ama.
“Huwag kang maingay,” bilin nito sa kanya noon. “Hindi natin ipaaalam sa ama mo na nandito tayo at panonoorin siya.”
Bagama’t bilib na bilib siya sa ama niya noon sa pag-uusig nito sa nasasakdal gamit ang lakas at tatag ng boses at ang mga makapangyarihang kumpas ng mga kamay, hindi niya makalimutan ang nakalulunos na itsura ng nasasakdal na nakaupo sa gitna ng courtroom. Nakatungo ito at humahagulgol. Nakita niya ang malakas na pagpukpok ng malyete ng hukom sa nakataas na plataporma ng kuwartong iyon. Sumagi sa isip niya ngayon ang kahabag-habag na ayos ng kalaban ng kanyang ama. Hindi niya akalain na ngayon, sa tanggapan ng dekana na mistulang courtroom, siya na pala ang nasasakdal. Kalaban na niya ngayon ang amang pinanonood noon.
Pinagmasdan ni Dr. Pangilinan si Renan bago ito nagsalita. “Tell me, Renan. What is your relationship with Mr. Wilfredo Sta. Cruz?”
“Nothing, m a’am,” mahinang tugon ni Renan. Mabilis niyang inalis ang bara sa kanyang lalamunan. “He’s our class adviser and the adviser of CASoc which I head. There’s nothing going on between Sir Willie and me.”
“Sir Willie? First-name basis na ba ang tawagan n’yo sa isa’t isa?” malisyosong tanong ng ama. Hindi ito sinagot ni Renan.
“Could you explain the picture of you and Mr. Sta. Cruz that your father earlier sent in this office?”
“That was nothing, m a’am. I-I don’t know who took that.”
“Kissing him inside his house is nothing, Renan?”
“Look, Dr. Pangilinan, my son’s not the one in question here. Renan’s not the one on trial,” mabilis na sabad ni Atty. Ballesteros. “Why don’t you ask the pervert what my son was doing in his house?”
“I’m sorry, Atty. Ballesteros. I am just trying to shed light on this matter before we summon Mr. Sta. Cruz and get his statement.”
Akmang magsasalita pa sana ang ama at dudugtungan ang sinabi pero pinigilan ito ng ina ni Renan.
Nagpatuloy sa pagtatanong ang dekana. “You are running with honors, Renan. Are you not?”
Tumango si Renan.
“Why don’t you tell me what you were doing in the house of Mr. Sta. Cruz?”
“I-I-I had to see him. He instructed me to.”
“Why?”
He said he needed to talk to me. He said it was urgent.”
“But you regularly saw him during your class. What was the urgency of meeting him in his house?”
Umid ang dila ni Renan. Hindi niya kayang sabihin ang katotohanan.
“Isn’t it enough to prove that that freak seduced my son? He used his power as teacher and adviser to take advantage of my son,” nanggagalaiting sagot ng ama.
“Is this true, Renan? Were you seduced by him?”
“No, m a’am,” naguguluhang sagot ni Renan. “I-I w-wasn’t.”
“What is it then?”
“I don’t believe I am hearing this,” balikwas na tugon ni Atty. Ballesteros. “We came here to report a major infraction one of your faculty has maliciously done to my son. And you harass my son for this?”
“He didn’t seduce me, Dad,” malakas na sambit ni Renan. Nabigla siya sa kanyang sinabi. Hindi rin nakapagsalita ang kanyang ama. Halatang nagulat sa tinuran ng anak.
“So what’s the meaning of that fucking picture then, huh, Renan?”
“Attorney, please…”
“I am no longer a minor, Dad.”
“You zip that filthy mouth, you hear? Do you understand what you’re trying to do here?”
“Okay, okay, please, Attorney. Please sit down. I will have the faculty council meet immediately. And we will set an emergency conference with Mr. Sta. Cruz.”
“You should, Dr. Pangilinan,” matuos na bitaw ng salita ni Atty. Ballesteros. “My wife and I will be here when you talk to that bastard.”
Hindi na nakaimik ang dekana. Tumango na lang ito.
“I hope I am making myself clear here. My son’s gonna graduate and that son of a bitch should be expelled before he harms another student again. And don’t you tell me to watch my mouth. I have seen enough dirt in this school.” Mabilis na inayos nito ang kuwelyo ng polong suot at nagmuwestrang aalis. “Let me know when you are holding this conference.”
Naiwang nakaupong mag-isa ang dekana sa kahabaan ng conference table.
Sa sasakyan, matagal na hindi nag-imikan ang tatlo. Parang sinisilaban si Renan sa loob. Para siyang kandilang mapupupot sa init. Hindi na niya makayanan ang mga pasaring sa kanya ng ama. Gusto na niyang hilahin ang oras ng pagtatapos para makalayas na sa poder ng halimaw na tinatawag niyang Dad. Alam niyang wala rin siyang pupuntahan. Pero alam din niyang mas mabuti na ang makawala sa impiyernong bahay na iyon.
“Mula ngayon, hindi ka na lalabas ng bahay. Papasok ka lang sa eskuwelahan at pagkatapos ay uuwi na. Nagkakaintindihan ba tayo? Sagot!”
“Yes, Dad.”
“At ito ang tatandaan mong bakla ka! `Wag na `wag mo akong sasagutin, lalo na `pag may ibang tao. Gusto mong magkaroon ng asawa `yang pasa mo?”
“No, Dad.”
Sa loob ng kuwarto, nagsimulang magsulat si Renan. Binawi ng ama ang kanyang cell phone kaya hindi niya nagawang i-text o tawagan si Willie. Gusto niya sanang magpaliwanag. Susulat na lang ako at ipabibigay ko na lang kay Chris. Ikinandado niya ang pinto para masigurong hindi siya panghihimasukan ng kahit sino. Ang sariling kuwarto ang kanyang santuwaryo. Dito sa kanlungang ito naibubuhos at nailalabas niya ang kanyang mga saloobin, gaano man kabigat o kahirap dalhin ang mga ito. Walang sinuman ang puwedeng pumasok dito. Pinilas niya ang isang pahina ng dilaw na papel, kinuha ang ball pen na nakapatong sa lamesita, at nagsimulang magsulat.
Willie,
Hindi ko alam ang magiging reaksyon mo kapag nabasa mo ang sulat na ito. Idinaan ko sa sulat dahil hindi kita ma-contact. Binawi ni Dad ang cellphone ko at ipinaabot ko na lang ito kay Chris para mabasa mo. Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Hindi ko rin alam kung ano pa ang mangyayari. Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin ang kumuha ng litrato nating dalawa. Kinausap ako ni Dean Pangilinan sa harap ni Dad at Mama at, labag man sa loob ko, wala akong nagawa para ipaglaban ka. Kailangan kong matapos ang aking kurso dahil ilang linggo na lang. I hope our promise still holds despite what is happening right now. Hihintayin ko lang matapos ang lahat nang ito at babalik na ako sa iyo.
You are the first person who saw me for what I really am. Everybody misunderstood me. Maybe because they never saw me the way you did. And for the first time, I felt needed. And loved. And cared for. I will never let this hiccup stand in our way. I hope you still feel the same way about me kahit nangyari ang lahat nang ito sa atin.
Hintayin mo lang ako. Ilang linggo na lang. Kapag nakatapos ako, pupuntahan kita. Hahanapin kita kahit saan ka pa magpunta. Basta hintayin mo lang ako.
Patutunayan ko kina Dad at Mama na kahit ganito ako, kaya ko ring mawala sa buhay nila. Kaya ko ring gawing makabuluhan ang buhay ko kahit hindi nila ako gabayan. Dahil sa iyo, makakakaya ko lahat. Dahil sa iyo, nagkaroon ako ng pag-asa.
Hintayin mo lang ako.
Renan
“Ayokong masali d’yan sa gulo n’yo, Renan,” tanggi ni Chris nang ipaalam ni Renan ang kanyang balak.
“Wala ka namang gagawin, Chris. Pupuntahan mo lang si Willie, si Sir, para ibigay `to. `Wag mong ibibigay dito sa school kasi baka may makakita sa `yo. Sasabihin ko sa `yo kung sa’n siya nakatira.”
“Ayoko talagang makialam. Lagot ako sa daddy mo `pag nalaman niya `to,” depensa ni Chris.
“`Di na ako makikipagkita kay Sir. Kaya nga kelangan mong maibigay `to sa kanya. Hindi ka masasabit dito.”
Hindi nakaimik si Chris.
“Chris, `kaw lang ang kaibigan ko. Wala na `kong ibang matatakbuhan.”
“Ano ba’ng laman ng sulat na `yan?”
“Bakit gusto mong malaman?”
“Eh, pa’no kung tatakas kayo ni Sir Willie? Pa’no kung may balak pala kayo? Ano’ng sasabihin ko sa daddy mo?”
Tumingin sa malayo si Renan. Parang maiiyak. “Galit na galit na siguro si Sir sa akin. Baka nga `di na niya ako mapatawad sa nangyaring `to. Kasalanan ko’ng lahat `to.”
“Sinabi ko na kasi sa `yo na lalayo ka kay Sir. ` y an tuloy napala mo.”
“Papayagan kong laitin mo `ko ngayon. Basta tulungan mo lang ako, okay?” Pinunasan ni Renan ang luhang babagsak na sa kanyang mga mata.
Tumango si Chris at inakbayan ang kaibigan.
“Pakiipit na lang sa libro mo at `wag mong iwawala. Kelangan ko nang umuwi at baka patayin ako ni Dad.” Tinapik nito sa balikat si Chris at naglakad na si Renan palabas ng campus. Pansamantalang iniwan niya si Chris.
Hindi niya akalaing sa araw ng graduation, limang linggo mula ngayon, tuluyan na niyang iiwan si Chris at lahat ng mga naririto sa Sacred Heart College.