Dumating ang araw ng pagtatapos. Maaga pa lang ay dagsa na ang mga tao sa gymnasium. Alas-singko ng hapon ang oras ng commencement exercises pero wala pang alas-kuwatro ay halos makalahati na ang laman ng bulwagan sa dami ng mga tao. Pumpon ng mga bulaklak ang ibabang bahagi ng stage. May ilang muwebles na yari sa narra ang masusing inayos sa taas ng entablado para sa opisyales ng administrasyon at pangunahing panauhin ng Sacred Heart College. Ang daraanan ng mga kandidato para sa graduation ay napapalamutian ng pulang alpombra at hindi mabilang na mga tungkos ng rosas, anturium at daisy. Ang mga kadete ng ROTC ang nagsilbing kawal ng pultahan ng gymnasium. Nakasuot sila ng magara at kompletong uniporme, tangan ang mga pekeng espada at sandata. Makisig silang nakatayo sa bukana ng lulan.
Dumating si Chris ng alas-kuwatro y medya kasama si Aling Seling at ang dalawa niyang kapatid. Umupo ang pamilya niya sa bandang kanan kasama ng ilang mga magulang ng mga magtatapos. Dumeretso siya sa unahang bahagi kasama ang mga gagradweyt. Kinuha niya ang programme at binasa ito. Napangiti siya nang makita ang pangalan nilang dalawa ni Renan sa listahan. Sa wakas, ito na ang pinakamimithi ko, bulong niya sa sarili. Natapos din kahit masalimuot ang mga nagdaang linggo. Nagulat siya nang makita sa hanay ng mga magtatapos ng may academic award na wala ang pangalan ni Renan. Totoo nga na tinanggalan siya ng award kahit alam ng lahat na siya ang may pinakamataas na marka. Nalungkot siya at nagpalinga-linga. Hinanap kung nasaan ang kaibigan. Alam niyang naging magulo ang mga pangyayari nitong mga nakaraaang linggo pero gusto niyang damayan ang kaibigan. Wala pa ito. Narinig niyang may tumatawag sa kanyang pangalan. Lumingon siya sa likod. Nakita niya sina Attorney at Tita Medy na kinakawayan siya. Lumapit siya para kausapin sila.
“Congrats, Chris,” buong pagmamalaking sambit ni Attorney. Inangat ni Tita Medy ang kanyang kamay para batiin din si Chris.
“Maraming salamat po. Sa’n si Renan?” tanong niya sa dalawa.
“Nauna na kami ng Tita Medy mo. Alam mo naman ang kaibigan mong `yon. Nasa bahay pa. Namimili pa kung ano’ng isusuot. Parating na siya.”
“Palaging maaga si Renan. Ako itong madalas ma-late,” nahihiyang pag-amin ni Chris.
“Me ipakikiusap lang ako sa ‘yo, Chris,” seryosong sabi ni Attorney. “Ngayong tapos na kayo at wala nang problema, tulungan mo si Renan. Hindi niya kami kinakausap mula nang mangyari ang gulo. Wala siyang pinagsasabihan. Sa `yo lang siya nagko-confide. Magdamayan kayo. Nakikinig `yon sa `yo.”
“I’ll try po. Wala po kayong magiging problema sa akin. Magtutulungan po kami. Sabay kaming maghahanap ng trabaho.”
“Nakita mo na siguro ang program, Chris. Wala ang pangalan ni Renan sa honor roll dahil sa nangyari,” salaysay ni Attorney. “Gusto ko sanang ihabol ito sa dean ninyo pero dahil sa iskandalo, gusto ko ring turuan ng leksiyon ang kaibigan mo. Na ang pagiging bakla ang magbibigay sa kanya ng kamalasan. Ngayong natanggalan siya ng honor, mare-realize niyang mali siya. `Yan ang napapala ng mga kumakalaban sa mga magulang. At bakla pa.”
Nanatiling nakikinig si Chris. Hindi alam ang sasabihin o gagawin sa tinuran ni Attorney.
“Salamat, Chris. Sana ikaw na lang ang naging anak ko. Mas magkakasundo tayo.” Nilapat ni Attorney ang kanyang kamay sa balikat ni Chris at pinisil ito. “Binabati kita.”
Nakangiting bumalik si Chris sa kanyang upuan. Nag-umpisa nang magdatingan ang mga pinuno at guro ng Sacred Heart College. Tinext niya si Renan.
Ren, nasa’n ka na? Mag-uumpisa na ang graduation. Please reply.
Wala siyang natanggap na sagot. Sinubukan niyang tawagan ito. “Cannot be reached” ang sagot ng automated reply. Nagpalinga-linga siya sa kinaroroonan ng mga guro. Naroon si Ma’am Grace at kinawayan niya ito. Naroon din ang mga naging teachers niya sa iba’t ibang asignatura mula pa nang tumuntong siya ng kolehiyo. Ito pala ang pakiramdam ng isang nagtatapos, sabi niya sa sarili. Papatawan ka na ng katunayan na ikaw ay natapos na pero ano nga ba ang iyong tinapos? Bakit parang wala pa rin akong alam? Naisip niya si Mr. Sta. Cruz. Mas magiging makabuluhan sana ang araw na ito kung naririto siya. Siya na naging saksi sa pagtubo, pagsibol at pag-unlad namin ni Renan. Nasaan na kaya siya?
Nagsalita na ang panauhing pandangal tungkol sa kahalagahan ng pagtatapos. Binigyan niya ng diin na ang pagtatapos ay hudyat lang ng panibagong simula sa totoong eskuwelahan ng buhay — sa labas ng paaralang iyon. Hindi siya makapokus sa sinasabi dahil nag-aalala siya na wala pa rin si Renan. Kahit bawal gumamit ng phone, sinikap niyang tawagan pa rin ito nang palihim. Nag-ri-ring ang cell phone niya pero hindi ito sinasagot. Tumingin siya sa kinaroroonan ng mga magulang ni Renan at umiling ang mga ito. Senyales na maski sila ay hindi alam kung saan naroroon si Renan. Tumayo si Chris at lumabas ng bulwagan. Nakailang tawag na siya nang sa wakas ay sumagot si Renan.
“Renan, ano ba? Tawag ako nang tawag sa `yo. Ba’t wala ka pa dito? Kanina pa nag-umpisa ang graduation. Malapit na tayong tawagin. `Asan ka na?” Sunod-sunod na salita ni Chris.
“`Di na ako pupunta d’yan?” matipid na sagot ni Renan sa kabilang linya.
“Ha? Ulitin mo nga’ng sinabi mo.”
“`Di ako a-attend ng graduation.”
“Pero nandito ang parents mo. Hinihintay ka nila. Inaabangan nila ang pag-akyat mo.”
“Puwes, wala silang makikitang anak na aakyat sa stage. Maghihintay sila sa wala.”
“Ano?”
“Tapos na ang obligasyon ko, Chris. Nagtapos na ako kahit durug-durog ako. Ginawa ko na’ng lahat ng gusto nila kahit labag sa loob ko. Naging mabuti akong anak kahit alam kong `di nila ako tanggap. Ngayon, sarili ko naman ang iisipin ko. Walang taong nandiyan ang natutuwa na gagradweyt ako. So bakit pa `ko pupunta?”
“Aalis ka?”
“Oo.”
“Sa’n ka pupunta?”
“`Di ko alam.”
“Hahanapin mo si Mr. Sta. Cruz?”
“Hindi. Hahanapin ko’ng sarili ko. Pero kung makita ko siya, magiging thankful ako.”
“Pa’no ako?”
“Ano’ng pa’no ka? Hanapin mo rin ang sarili mo. `Di sa lahat ng oras, magkasama tayo.”
Nagkaroon ng bara ang lalamunan ni Chris. “`Di na ba importante sa `yo ang friendship natin?”
“Chris, maraming kulang sa buhay natin. Ngayon na ang tamang panahon para mahanap natin `yon. Magkaiba tayo ng hinahanap. Kaya `di tayo magiging magkasama habambuhay.”
“Iniwan na nga tayo ni Sir, iiwanan mo rin ako?”
“Walang sino man ang may karapatang pigilan ang kahit sino na gawin ang gusto niyang gawin. Natutunan ko `yon kay Willie.”
“Me…me sasabihin ako sa `yo, Renan.” Huminga nang malalim si Chris. Balak na niyang sabihin sa kaibigan ang hindi pa nito alam tungkol sa nangyari. Ang sekretong pinakatago-tago niya.
“Chris, aalis na `ko. Wala ka nang dapat sabihin para pigilan ako. Buo na’ng desisyon ko. `Wag kang mag-alala. Kapag okay na ako, tatawagan kita. `Wag na `wag mong sasabihin kahit kanino kung nasaan ako. Kahit sa mga magulang ko.”
“Pero, Renan…” Narinig niyang nag-click ang cell phone.
Mabigat ang mga yabag ni Chris na bumalik sa graduation rites. Sa loob, sinenyasan niya si Attorney na hindi niya nakausap si Renan.
Maraming naglaro sa isip ni Chris. Ito lang pala ang ibig sabihin ng pagtatapos. Ang magkanya-kanya. Hahanapin daw ni Renan ang kanyang sarili kaya siya umalis. Pero bulong ni Chris sa sarili: Ako, hindi ko alam kung ano ang hinahanap ko. Hindi ako makaalis. Wala nga ba akong tinatakasan? Ano nga ba ang naghihintay sa akin? Mabuti pa si Renan. Kahit hindi niya alam kung saang direksiyon siya pupunta, may tapang siya na hanapin `yon kahit mawala ang lahat sa kanya. Si Mr. Sta. Cruz, kahit sapilitang umalis dahil sa nangyari, sigurado siya na may mangyayari din sa buhay niya. Eh ako, diin ni Chris sa sarili. Hindi na ako sigurado kung may hinahanap o talagang naghahanap ako. Hindi pa rin ako makaalis dito. Akala ko ba, mas matapang ako kaysa kay Renan? Bakit mas kaya niyang mag-iba ng buhay nang ganoon-ganoon lang?
Nang tinawag ng host ang kanyang pangalan, ipinikit ni Chris ang kanyang mga mata habang paakyat sa hagdan ng entablado.
Nang gabing `yon, matapos ang mahabang seremonya ng graduation, naramdaman ni Chris ang totoong pag-iisa. Ilang beses niyang tinawagan si Renan pero tumatalbog na ang kanyang tawag. Seryoso talaga ito na iwanan siya at hindi na makipag-ugnayan sa kanya. Putang-ina mo, Renan. Madaya ka! Hindi mo sinabi sa akin ang mga plano mo. Iniwan mo ako gaya ng pag-iwan ni Mr. Sta. Cruz. Hindi ko alam kung saan ako pupunta at sino ang kakaibiganin. Wala na ang mga taong pinagkakatiwalaan ko. Wala na akong aasahan na kahit sino. Tuturuan ko na ang sarili kong maging matapang. At hindi kailangan ng tulong mula sa kahit sino.
Nag-ring ang kanyang cell phone. Umasa siyang si Renan iyon. Pero si Dagul lang pala.
“`Musta ang gradweyt, p’re.”
“Eto, ayos lang. Nasa’n kayo?”
“P’re, andito sa Friendship, bahay ng ‘insan ni Jerson. Mag-blowout ka, `tang-ina! Daming ani dito.”
“Sige, bihis lang ako. Tirhan n’yo `ko, `tang-ina n’yo.”
“Bilisan mo, p’re. Si Jerson, naghuhubad na. Anlakas na ng amats neto.”
Mabilis na nagbihis si Chris. Hinahabol ang oras. Ang hindi niya alam, hinahabol din niya ang pagtakas sa kanyang sariling anino. Ang anino ng pagkapiit sa tunay na sarili. Hindi niya alam, matatagalan pa bago siya balikan ni Renan. Anim na taon. At si Mr. Sta. Cruz, ang butihing gurong si Willie, na inaasam niyang makikita rin niya balang araw kapag tapos na ang lahat nang ito at limot na ng mundo ang totoong nangyari.