P ARANG batang nasa playground si Summer habang tinitingnan ang mga halamang pananim ni Mang Eusebio, ang isa pang kakilala ni Banong na dinaanan nila sa barrio. Hindi nito pag-aari ang lupa, pero nasa ibang bansa raw ang totoong may-ari at nagpaalam itong magtatanim doon. Depende daw sa season ang taniman. Sa ngayon, puro gulay ang nandoon at may arugula ito!
Ayon kay Mang Seb, maganda raw ang bentahan ng ganoong “sosyal” na gulay. Hindi na raw iyon nakakaabot sa palengke dahil may umaangkat dito, mula nang maglagay ng ad sa Internet ang apo ng matanda. Organic ang mga pananim. Wala raw problema kay Mang Seb dahil ayaw rin nito ng mga kemikal para sa mga pananim.
Hindi pa nagtagal, dalawa na sila ni Mang Seb na nag-aani ng arugula. Walang pakialam si Summer kahit madumihan pa ang pantalon. May baon siyang damit. Salamat na rin sa bilin ni Banong. Nang matapos sa mga gulay, pinuntahan na nila si Hector. Malapit din lang sa bahay ni Mang Seb ang bahay ng pamilya ni Hector.
“Kumusta po?” sabi ng teenager. Katamtaman ang tangkad nito, baby face kaya hindi mukhang eighteen. Mukha itong fourteen. Hindi rin maitatago na hindi maalwan ang buhay nito.
Bigla, na-guilty si Summer na tinanggihan niya noong una ang pagtulong. Now, she wanted them to win. Hindi madaling papag-aralin ng college ang isang anak, lalo na sa sitwasyon ni Hector. Lalong hindi madaling makapasok sa culinary school dahil mahal. Ang food laboratory pa lang na linggo-linggo o higit pa, magkano na ang contribution ng mga estudyante.
Kasama nila si Hector sa pagpunta sa magle-lechon na malapit lang din doon ang bahay. Malinis na ang baboy. Malaki iyon, nakatuhog na sa malaking kawayan. Mukhang ready nang isalang. Ipinakilala siya ni Banong sa lechonero na agad sinabing ready na raw ang lechon at napatuyo na ang balat.
“Kailangan po bang patuyuin?” tanong ni Summer.
“Iyong iba, hindi nila pinapatuyo masyado. Kapag nalagyan nila ng toyo ang balat, salang na. Ako kasi, medyo pinapatuyo ko para crispy talaga ang balat. Hindi rin ako naglalagay ng toyo sa balat. Suka ang inilalagay ko matapos kong kayasin. Ang sekreto ko, Ma’am, nasa pagluluto.”
Naintindihan iyon ni Summer. May baga na ang uling, pantay-pantay ang baga.
Tinulungan ni Banong ang matanda na ipuwesto sa bakal na patungan ang kawayan. Walang automatic na makinaryang nagpapaikot ng lechon.
“Hindi po kayo napapagod?” tanong ni Summer.
“Sanayan lang, Ma’am. Awa ng Diyos, malakas pa.”
Mano-mano ang pagpapaikot ng matanda sa lechon. Halatang sanay na ito. Nang magsimulang umamoy ang lechon, natakam si Summer.
Napatingin siya kay Banong na nasa kabilang dulo ng kawayan. Kumindat ito sa kanya. Napangiti siya. Mukhang hindi iniinda ng lalaki ang init ng baga, ang usok. Hindi na nakapagtatakang parang mahal na mahal ito ng mga taga-barrio. Parang politiko kung makisama si Banong.
“Medyo magtatagal pa ito, Ma’am, Banong. Puntahan muna kaya ninyo si Tanya? May mga gulay at prutas doon na bagong pitas, tulad ng request mo, Banong,” sabi ng magle-lechon.
Tumayo na nga si Banong at niyaya si Summer na magpunta kina Nanay Tanya. Nagpaiwan si Hector para tulungan ang magle-lechon. Puno ng mga produce ang bahay ni Nanay Tanya.
Muli, parang isang batang nasa playground si Summer. Tuwing mapapatingin siya kay Banong, natatawa ito. Hindi niya pinansin ang lalaki at hindi pa nagtagal, nabili na ang halos lahat ng klase ng gulay na nakita. Lahat ng mga iyon ay sariwa. May binili rin siyang avocado, papaya, guyabano, at aratelis.
“Aratelis?” Nakakunot ang noo ni Banong.
“Paborito ko kaya ito.” Kumuha ng isa si Summer at isinubo.
Kumuha si Banong ng isang malaki-laki at kinagat. Tumalsik sa noo ni Summer ang katas ng aratelis. Napanganga siya habang nakatingin sa lalaki. Ang lakas ng halakhak nito. Kumuha siya ng isang alateris at pinisil iyon sa noo ng lalaki.
“Aba!” Halatang nabigla si Banong.
Ang lakas ng tili ni Summer nang akmang kukuha si Banong ng prutas. Alam niyang pipisatin nito iyon sa kanya kaya nagtatakbo siya palabas ng bahay. Hinabol siya ng lalaki hanggang sa makarating sila sa kasukalan. Tanaw pa rin naman iyon mula sa bahayan. Maaabutan na siya ni Banong kaya umakyat siya sa punong maraming sanga. Hindi rin niya inasahan na makakaakyat siya mag-isa doon, pero maraming malalapad na sanga ang puno.
“Akala mo hindi kita maaabutan, ha?” sabi ni Banong, nagsimula na ring umakyat sa puno.
Tili nang tili si Summer, kahit alam na maaabutan din ni Banong. Wala na siyang mapupuntahan pa. Masyado nang manipis ang sanga at kapag tinapakan niya ay siguradong bibigay. Wala siyang balak mahulog sa puno.
“Banong, ha?” banta ni Summer.
“Ikaw itong nagsimula, eh.”
“Ikaw!”
Naabutan na siya ng lalaki. Dalawang hugis-V ang mga sangang magkatapat sa puno, pero mas manipis ang sinasandalan ni Banong. Tumutulo ang pawis nito, tulad ni Summer. Nakakapagod din palang makipaghabulan na parang mga bata, pero masaya sa puso, sa pakiramdam.
Pero nabura ang kanyang ngiti nang biglang magkaroon ng panic sa mukha ni Banong. Umingit ang puno, tunog na nagsasabing bibigay na ang bahaging sinasandalan ng lalaki. Paanong hindi, napakalaki nitong tao.
Bago iyon tuluyang bumigay, kumapit ito sa sangang sinasandalan ni Summer, saka hinigit ang sarili. Now he was over her. Hindi naman tuluyang bumagsak ang sinandalan nitong sanga, pero lumungayngay. Kung hindi kumubabaw sa kanya ang lalaki, malamang na bumagsak na ito sa lupa.
His breath was touching her face. His heat was making her feel hotter. Bigla siyang napalunok. She had suddenly become aware of his presence. Sana hindi nito marinig ang malakas na kabog ng kanyang dibdib. She made the mistake of looking into his eyes and seeing those looking straight into hers. She wondered what he might be thinking.
Bago pa magkaroon ng mas nakakailang na sitwasyon, biglang napanganga si Summer dahil pinisat ni Banong ang isang aratelis sa kanyang noo.
“Ako ang nagwagi,” sabi ng lalaki.
“Why, you…!” Kinagat niya ito sa balikat. Iyon lang ang paraan dahil nakakapit siya sa mga sanga gamit ang magkabilang kamay.
“Aray!” sigaw ni Banong. “Diyos ko, Somerita. Ang sakit.”
Tawa nang tawa si Summer. Akala niya tatahimik na ang lalaki, pero kinagat din siya nito—sa leeg. It was not exactly a bite. Mga labi ang gamit nito, hindi ngipin. Napasinghap siya, nabigla. Mukhang nabigla rin ang lalaki, siguro hindi inasahan na magiging sensual ang lahat… O baka imagination lang niya iyon? Hindi niya alam, ayaw niyang isipin sa ngayon.
“Sorry,” sabi ni Banong. Kung para saan, hindi rin malinaw kay Summer. Kinagat niya ito at gumanti, bakit nagso-sorry? Did he feel the tension as well? Na-realize ba nitong iba ang naging dating ng nabiglang aksiyon? Buwisit na bagong feelings, kung ano-ano ang ipinapasok sa kanyang isip.
Bumaba na sila. Nauna ang lalaki at inalalayan siyang makababa rin. Habang naglalakad pabalik sa bahay ni Nanay Tanya, nagkatawanan sila nang makita ang mga noo na may bahid ng aratelis.
“Alam mo bang paborito ng langaw `yan? Bago pa tayo habulin ng langaw, mas magandang maligo na,” sabi ni Banong.
“Pero titingnan pa natin ang lechon. Mamaya na. Hilamos na lang muna,” sabi naman ni Summer.
“`Wag mong sabihing babantayan mo ang lechon? Mamaya pa `yon maluluto. May oras pa tayong mag-swimming sa ilog.”
“Ilog?” Sa totoo lang, hindi pa nakakapag-swimming sa ilog si Summer. At least not in the Philippines.
“May hipon din doon,” dagdag ni Banong.
“Oh, wow, take me there.”
Doon na nga sila tumuloy. Ang sabi ng lalaki, natawagan na nito ang maghihipon nang nagdaang araw para iwan ang mga trap sa ilog. Malayo-layong lakarin, pero dinala ni Banong ang bag nito, kasama ang ilang prutas at gulay na iihawin daw nila. May dala rin itong maliit na kaldero ng kanin at maliit na kawaling walang laman. Inabot sila ng kalahating oras bago nakarating sa ilog. Alas-singko na pero maliwanag pa rin.
Lumapit si Banong sa trap ng hipon. Gawa iyon sa kawayan na kulungan. Hindi puno ang trap, pero may kalahating kilong suwahe siguro sa loob niyon. Maraming nakalubog na trap, kaya na-excite na naman si Summer.
“I can live here forever!” sabi niya.
“Sarap ng buhay-barrio, ano? Pero ang sabi ni Mang Seb, noong araw daw, kapag inaangat nila ang mga ganito, punong-puno ng hipon. Ngayon hindi na masyado. Hindi nila ito kabuhayan, kaya hindi nila naiisip na padamihin, anihin din.”
“Pero ang sarap nito, gumagalaw pa. Dancing salad?”
“Puwede. O lagyan ng gata.”
“We can do both.” Ginanahan si Summer magluto. Sino ang hindi gaganahan sa ganoong ingredients?
“Walang state of the art cooking equipment dito, Chef,” sabi ni Banong.
Umirap siya. “Anong akala mo sa akin, hindi marunong magluto sa ganitong setting? Kumuha ka na lang ng niyog. May gamit ba tayo?”
“Wala kang aalalahanin kapag ako’ng kasama mo.” Kumindat ang lalaki, saka inilapag sa batuhan ang laman ng bag. He brought all the essentials. “Titingnan ko kung may nahulog na niyog. Wala akong dalang gamit sa pag-akyat. Malay ko bang magpapaka-chef ka. Ang idea ko, iihawin lang natin.”
Natawa si Summer.
Umalis na si Banong. Nilinisan niya ang mga hipon na buhay pa at tumatalon-talon. Mayamaya, bumalik na ang lalaki, may dalang niyog. “Paano natin ito kakayurin?”
“We can’t. Ihawin na lang natin.”
Nagkatawanan sila. Nagsimula nang mag-ihaw si Banong, habang si Summer naman ay lumusong sa ilog, walang pakialam kahit nakapantalon siya. Napalingon siya kay Banong nang marinig na tumawa ito.
“What?”
“Puwede mo namang hubarin ang pantalon mo.”
“Wala akong pang-swimming!”
“Ano ba ang pagkakaiba n’on sa underwear?”
“For one, underwear is cotton?”
“Sus. Pareho lang `yon. Kaysa nakapantalon ka. Ang baduy mo pala, Chef Summer.” Ngumisi ito.
Umirap si Summer. Hindi naman siya nahihiyang mag-swimsuit kahit may katabaan. Nagtagal siya sa Europe at nasanay roon na makakita ng mga taong times three ng kanyang sukat at naka-swimsuit.
Sinilip niya ang ilalim ng T-shirt at nang makitang makapal ang bra niya ay hinubad na ang T-shirt. She unbuttoned her fly and when she saw that her panties were black, she took her pants off as well. Ang sarap sa pakiramdam ng malamig na tubig ng ilog.
Malawak ang bahaging puwedeng languyan. Nakikita rin niya ang tubig na umaagos sa gilid ng bundok. The water can’t get any fresher than this. Nag-floating siya. Sa ilang sandali, gusto niyang magpasalamat sa nakikitang kagandahan ng mundo. She felt at one with nature. She felt peace in her heart.
`NAK NG tipaklong itong si Somerita, nagburles nga ang bruha, sa isip-isip ni Banong habang nag-iihaw ng hipon. Ano ba’ng malay niyang maniniwala sa suggestion niya ang babae? So hayun, habang nag-iihaw, gusto niyang batakin ang pundiyo ng pantalong biglang sumikip. Ang kanyang “agimat,” nagwawala na parang isa siyang manyak. Nakakahiya.
Kung malalaman lang ng mga tao na ganoon pala siya, baka wala nang rumespeto sa kanya. Sa kabila ng dami ng bilang ng mga babaeng nagkakandarapa sa kanya, hayun siya at may itinatagong malaking problema.
Hindi isang pagyayabang ang sabihing maraming babae ang nagkakagusto sa kanya. Alam naman ng lahat iyon. Kahit ang kanyang ina, nang magsimula siyang maging pogi sa tingin ng mga babae, panay na ang bilin na pipili raw siya ng isang maihaharap dito, at hindi kung sinong mabubuntis lang niya. Napaka-conservative ng kanyang ina. Pero nang tumuntong ng disinuwebe, nagulat siya nang makita ang isang box ng condoms sa ibabaw ng kanyang kama, regalo ng ina.
Paano nga ba niya masisisi ang ina kung ang nasa isip nito palagi ay katulad siya ng kanyang ama? Noon pa, sinabi na nitong ayaw na ayaw raw nitong magpapakilala siya ng sandamakmak na bastardo. Siyempre naman, walang balak si Banong na gawin iyon. Alam niya kung ano ang naging epekto niyon sa iba niyang mga kapatid at kahit na sa kanya. Kaya nga ang puntirya niya kahit noong una ay ang maging isang ama, isang mabuting ama, magkaroon ng isang normal na pamilya.
Nilingon uli niya si Somerita at nang makitang hindi ito nakatingin, inayos ang kanyang junior.
Please lang, mamayang gabi ka na lang mag-request at alanganin tayo dito sa isang ito , sa isip-isip niya, kahit pa nga gustong mapailing. Para bang tamang may gawin siyang hakbang para “malutas ang problema.” Na para bang papatulan siya ni Somerita.
Hindi minamaliit ni Banong ang sarili, pero sino ba naman ang hindi manliliit sa isang tulad ni Somerita? Nasa babae na ang lahat ng papangarapin ng isang taong nasa linya nito. Ano pa ba ang kulang? Maraming taong gustong maging tulad ni Somerita, ang matuto mula sa magagaling na chef, ang makapagtayo ng sariling restaurant, ang magkaroon ng sariling brand, ang magkaroon ng TV show, ng mga libro. Ano pa ang hindi nagagawa ng babae? Nakakabilib nga. Nakakabilib ito sa kabila ng lahat ng naranasang sa tingin niya ay mabilis namang mababale-wala ng mga tao. Iyon lang, mukhang apektado talaga ang babae at hindi niya ito masisisi.
At dahil nga ganoon si Somerita, masyado itong mataas sa kanya, hindi puwede ang inuungot ng kanyang alaga. Higit sa lahat, hindi pa siya nababaliw para pagtaksilan ang babaeng gustong mapangasawa, si Olga.
Sa totoo lang, hindi talaga inasahan ni Banong ang reaksiyon ni Olga nang makita si Somerita. Parang nagselos ang babae, kahit pa nga ang sabi ay hindi naman daw. Sa isang banda, natuwa si Banong, pero sa kabila naman ay parang gustong mainis dahil sa lahat naman ng babae, kay Somerita pa ito nagselos. Sana lang hindi iyon makaapekto sa kanilang magandang simula.
Naihaw na rin niya ang lahat ng hipon. Nilingon niya uli ang chef sa ilog. Nagpo-floating ito na parang sirena—sirenang walang buntot, naka-underwear na mamahalin. Kulay-maroon ang bra nito, lutang sa kaputian ng balat. Itim ang pang-ibaba nito. Disente ang underwear, walang nari-reveal na hindi dapat. Bilugan ang mga hita ni Somerita, may bilbil sa tiyan na hindi halata ngayong nakahiga ang posisyon sa tubig, pero nakita niya kanina.
Sa totoo lang, iyong medyo may kaunting taba ang gusto ni Banong sa babae. Kumbaga sa putahe, hindi masarap kapag walang taba at puro laman.
Gusto niyang mandiri sa comparison na naisip. Ikinumpara ba niya ang babae sa putahe? Daig pa niya ang manyak. Pero sa totoo lang, mas pipiliin ni Banong ang babaeng malaman. Kunsabagay, wala naman iyon sa tipo niya kung may gusto siyang pormahan. Kahit noon, hindi siya nakadepende sa hitsura, kahit pa nga siyempre, iyon ang unang nakikita ng lahat. Siguro, iniisip din ng marami na kaya gusto niya si Olga ay dahil maganda ito, pero hindi iyon totoo. Ang gusto niya kay Olga, iyong pakiramdam kapag kasama ang babae. Parang nakaka-challenge. Mahirap i-explain.
Magkaibang-magkaiba sina Olga at Somerita. Wala rin siyang balak na kahit ano kay Somerita. Isa itong kaibigan, isang mabait na taong tutulungan siya at ang mga bata para manalo sa kompetisyon. Kaya mali ang kanyang “pagsaludo” sa babae. Nakakahiya. Mabuti na lang at hindi nito nakikita.
Sige pa, Chef, swimming lang, habang pinapakalma ko itong bata kong matagal nang walang laban kaya medyo excited.
Inihain na lang ni Banong ang mga pagkain nang makapaglatag ng maliit na tuwalya. Humupa naman ang kanyang pananabik, pero nang umahon ang bruha, muli iyong nagpakitang-gilas. Kinuha niya ang bag at ipinatong sa kandungan, saka kumuha ng pinggan na ipinatong din doon.
“Kain na. Mauna na ako, medyo gutom na.”
Nakangiti si Somerita nang tumango habang pinipiga ang buhok. Lumapit ito sa kanya. Napaka-pathetic ni Banong para hindi makalma ang katawan, pero wala na siyang magawa kundi tanggapin ang katotohanan na pinagnanasahan niya ang babae. Bakit hindi? Maganda ito, sexy pa. Naniniwala siyang ang pagiging sexy ay wala sa sukat. Nasa dating at attitude.
Wala namang particular na attitude si Somerita, pero ewan, seksing-sexy siya rito. Parang masarap hawakan ang tiyan, pisilin sa bilbil… o kagat-kagatin nang bahagya. Ang dibdib nito…
`Nak ng siopao.
“Is there anything wrong?” tanong ng babae.
“Ha?”
“Sabi mo ‘anak ng siopao.’”
“Ah, nasabi ko ba nang malakas? Kuwan, naalala ko `yong cell phone ko, mahina na ang battery, hindi ko na-charge.” Nag-init ang mukha ni Banong.
“May battery pack ako. Kasya kaya iyong sa `yo sa akin?”
Medyo malaki ang akin, pero siguro kakasya naman. Kailangan lang na handa ka. Ihahanda kita, promise. Gusto mo bang subukan, Madame? `Nak ng kamote.
“Tingnan na lang natin mamaya. Kain na,” sabi na lang ni Banong.
Kumuha ng plato at kanin si Somerita. Iniwasan na ito ni Banong ng tingin dahil nahihiya siya hindi lang dito, kundi pati na rin sa sarili. Kailan pa siya naging ganoon kamanyak? Hindi rin niya alam na ganoon pala siya.
“Papagabi na rin. Uwi na ba tayo? Medyo mahabang lakarin,” sabi ng babae.
“Hindi. Magba-bayle pa tayo.”
“Ano ba nga kasi `yong bayle?”
“Basta. Masaya `yon. Doon ka na lang magpalit ng damit kasi wala tayong dalang tuwalya. Saglit lang naman ang lakarin, hindi ka magkakasakit.”
“Walang problema sa akin. Sanay ako sa paguran.”
Naku naman…! `Wag mong sabihin `yan sa akin, baka ma-challenge ako.
Hindi na lang umimik si Banong.
Nang matapos silang kumain, nagbihis na rin si Somerita. Mabilis naman siyang tumalon sa ilog para alisin ang init. Harinawang makuha sa saglit na lublob.