“A NO NA naman `yang ginagawa mo?”
Mula sa notebook, napatingin si Patricia sa tiyahin. Alas-singko ng hapon at kagigising lang nito. Normal ang oras na iyon para sa isang tulad nito na GRO ang trabaho sa kabilang bayan. Hindi rin alam ni Patricia kung bakit nagtitiyaga pa siyang kasama ang tiyahin. Siguro dahil wala siyang ibang malalapitan. Kung tutuusin, puwede na siyang magsarili. Puwede nang makahanap ng trabaho. Hindi na siya menor de edad. Pero pinagana niya ang isip. Kung aalis siya sa bahay na iyon, hindi niya matatapos ang high school. Napakahirap makakita ng trabaho kung hindi siya tapos ng high school.
Walang tulong pinansiyal si Tita Lotus na hindi nahaluan ng sumbat, kung hindi man ay paniningil. Noong nakaraang nag-away sila, sinabi nitong lumayas na siya kung hindi siya sasama sa bar.
Aalis na sana si Patricia dahil wala siyang balak na maging tulad ni Tita Lotus at ng kanyang ina na parehong GRO, pero pinigilan siya ng tiyahin. Utang-na-loob daw sa kanyang ina na matagal nang umalis at sumama sa kung sinong lalaki.
Malaki ang utang-na-loob ni Tita Lotus sa ina ni Patricia. Ang kanyang ina ang nag-alaga sa anak ni Tita Lotus noong nasa Japan ang babae at namamasukan bilang GRO. Maagang nabuntis ang tiyahin ni Patricia, edad disisais nanganak. Ngayong kuwarenta na, ang anak ay twenty-four years old na at hindi nito kasama dahil nakapag-asawa ng kaklase noong college. Mayaman ang napangasawa ng pinsan ni Patricia kaya naman nahiya sa asawa at nagpakalayo-layo sa ina na mula’t sapul ay pagbebenta ng aliw ang trabaho.
Dalawang taon nang ni hindi dumadalaw sa kanila ang pinsan, isang bagay na ipinagngingitngit ni Tita Lotus. Pero hindi sa dahilang nami-miss nito ang anak, kundi dahil hindi man lang daw naisipan ng “ingrata” na magpadala matapos itong pag-aralin at sustentuhan sa loob ng mahabang panahon—na para bang hindi nito obligasyon iyon sa sariling anak. Kaya nga siguro naging madali na para kay Ate Claire, ang pinsan ni Patricia, na iwan sila at hindi na bumalik pa. Sino ba namang anak ang matutuwa sa inang tulad ni Tita Lotus? O sa inang tulad ng kay Patricia?
Kahit kailan, hindi natuwa si Patricia kay Ate Claire. Hindi ito tulad ng ina, pero hindi rin niya naging kasundo kahit kailan dahil mapagmataas ang ugali. Kahit noong bata pa siya, nakabukod kahit pinggan nito, na parang may nakakahawa silang sakit.
Umalis ang ina ni Patricia may anim na taon na ang lumipas. Isang araw, nagpaalam itong makikipagkita sa boyfriend, pero hindi na bumalik. Naiwan siya kay Tita Lotus na noon ay mag-iisang taon na nilang kasama sa bahay, umuwi galing Japan dahil—ayon sa ina ni Patricia—may pinagtataguang Hapon. Nangutang yata nang malaki at hindi na nakapagbayad.
Hindi naging lihim kay Patricia ang mga kuwento ng kanyang ina tungkol kay Tita Lotus dahil madalas at hantaran nitong sabihin noon na nabaliw sa kung sinong lalaki si Tita Lotus kaya nanloko ng ilang Hapon mula sa bar. Isang Pilipino na nakilala sa Japan ang lalaking kinabaliwan ni Tita Lotus. Saglit lang daw sa Japan ang lalaking iyon at umuwi rin sa Pilipinas. Nagpapadala raw ng pera si Tita Lotus sa lalaki, na ikinasama rin ng loob ni Ate Claire.
Anim na taon nang kasama ni Patricia si Tita Lotus sa bahay. Disisais siya nang unang sabihin ng tiyahin na sumama siya sa club. Ayaw pa raw ba niya ng sampung libo. Kinikilabutan si Patricia tuwing maiisip na gusto siya nitong ibenta sa ganoong halaga. Wala siyang balak maging negosyong pampamilya ang pagpuputa. Kaya naman ganoon na lang ang pagpupursige niyang manalo sa cooking contest. Kapag nangyari iyon, sigurado na ang kanyang pagpasok sa Maynila at may magiging pansustento siya sa sarili habang naghahanap ng trabaho. Iyon ang plano niya, makapagtapos ng pag-aaral, magkaroon ng matino at disenteng trabaho. Wala na siyang balak balikan ang bahagi ng buhay niya sa kasalukuyan. Kalilimutan niya iyon, tulad ng pagkalimot sa kanya ng ina. Hindi siya nag-aalala rito dahil ka-Facebook naman niya. Mukhang masaya ang ina sa bagong boyfriend na isang foreigner. At mukhang nalimutan na nitong may isang Patricia na iniluwal sa mundo.
Ang kanyang ama? Hindi niya pa na-meet nang pormal kahit kilala niya at nakita na noon. Itinuro mismo sa kanya ng ina noong minsan silang nagpunta sa kabilang bayan. May-ari ng puwesto sa palengke ang kanyang ama, may asawa at may mga anak. Naging boyfriend ito ng kanyang ina at nabuo nga siya. At iniwan na silang mag-ina ng boyfriend nitong may asawa.
Ang kuwento naman ni Tita Lotus, may isang taon din daw na hindi nag-GRO ang kanyang ina noong nakilala ang kanyang ama at rumampa raw uli nang iwan na. Limang buwan na raw siya noon at pilit pa ring sinusubukang ilaglag, pero malakas daw ang kapit niya.
Sa pagkakaalam din ni Tita Lotus, nagbigay ng malaking halaga ang kanyang ama para manahimik na ang kanyang ina. Iyon daw ang ipinambili sa bahay na tinutuluyan nila. Nakapangalan iyon sa kanyang ina. Kaya kung tutuusin, walang karapatan si Tita Lotus na palayasin siya. Iyon lang, ano pa ang silbi ng bahay na napakarumi na ngayon at puro butas ang bubong at pader? Hindi interesado si Patricia na angkinin iyon, lalo na at inaangkin na rin ni Tita Lotus. Ito raw ang nag-maintain niyon sa loob ng ilang taon kaya ano pa ang karapatan ng kanyang ina? Higit sa lahat, ito raw ang nagbayad ng utang ng kanyang ina sa bumbay kaya “quits” na raw, ang bayad ay ang bahay na iyon.
Puwes, walang problema iyon kay Patricia. Naniniwala siyang may ibang puwedeng gawin sa buhay, kahit pa nga aminadong nawalan na siya noon ng pag-asa. Kung hindi dumating si Kuya Banong, malamang na naging adik na siya o baka GRO na rin. Noon kasing panahong nahuli sila sa bagansiya, kahit nag-iinuman lang talaga sila, balak na niya noong tumuloy sa isang GRO na kakilala ni Tita Lotus at nag-alok sa kanya ng mas malaking bayad para sa kanyang virginity. Noon iyon, noong ilang araw nang hindi nagbibigay ng kahit singkong duling si Tita Lotus kaya halos manghina na siya sa gutom at kinakapalan ang mukha para manghingi ng pagkain sa kapitbahay at ilang kaklase.
Nang makilala niya si Kuya Banong, nabigyan siya ng pag-asa. Kung minsan din, kapag talagang walang-wala, nakakalapit siya rito, isang bagay na bihirang mangyari dahil nakaka-sideline siya sa Banong’s kapag weekend at bukod sa sahod, may ibinibigay ring bigas at iba’t ibang pang-ulam si Kuya Banong. Lahat sila sa grupo, may supply.
Nagsindi ng sigarilyo si Tita Lotus, pumuwesto sa hapag. “Ipagtimpla mo nga ako ng kape, hoy.”
Sumunod si Patricia kahit naistorbo sa paglilista ng mga suggestion para sa iluluto sa kompetisyon. Nang magbalik siya sa mesa na may dala nang kape, nakita niyang binabasa ng tiyahin ang isinulat niya.
“Mula nang mamasukan ka diyan sa Banong’s, wala ka nang alam gawin kundi mag-isip ng pagkain. Masaya ka na sa kakarampot mong sahod at isang kilong bigas,” nakaismid nitong sabi, kahit nakikinabang din naman sa bigas.
Hindi na itinama ni Patricia ang sinabi ni Tita Lotus na isang kilo kahit mali dahil limang kilo ng magandang bigas kada linggo ang iniuuwi niya. Talagang asar sa kanya ang tiyahin, siguro dahil hindi siya mapagkaperahan. Mukha naman talaga itong pera, na lahat ay inuubos lang sa sugal.
“I-message mo ang nanay mo sa Facebook. Sabihin mong magpadala ng kaunting pera.”
“Hindi po kami nag-uusap.”
“Kaya nga i-message mo. Boba ka talaga.”
Hindi na lang umimik si Patricia at tumango na lang. Balang-araw, makakaalis din siya sa bahay na iyon.
Nagpaalam siyang makiki-Wi-Fi at lumabas na ng bahay. Mayamaya, nasa bahay na siya ng isang kaklase, nakiki-Wi-Fi nga. Pagbukas niya ng Facebook, ang una niyang nakita ay ang suggested friends. Si Olga. Agad uminit ang ulo niya. Sa totoo lang, ang tiyahin at ina ang naaalala niya sa babaeng iyon, parehong ganoon ang dalawa.
Hindi ka puwede kay Kuya Banong, sorry ka, sa isip-isip ni Patricia, biglang nagka-idea na seryosuhin ang biro ng grupo na ireto si Kuya Banong kay Chef Summer.
SUMMER never thought that talking about the national hero was as fun as this. Ka-brainstorm niya si Banong para sa menu na bubuuin. Nakalista na ang mga ingredient na puwede nilang pagpilian base sa nakalap na impormasyon ng mga bata mula sa iba’t ibang libro at articles. Medyo mahirap isipin kung ano ang puwedeng menu para sa contest dahil hindi masyadong pang-contest ang mga paborito ng bayani.
“Masyadong malawak ang puwedeng maging interpretation ng category,” komento ni Banong. “Kung ano ba ang ipapakain natin kung sakaling magpapa-dinner tayo, o kung ano ang iluluto ni Josephine para kay Rizal?”
“You have to remember that a chef’s main goal is to make the diners happy. Ibig sabihin, kung dinner nina Jose Rizal at Josephine Bracken, kailangan na masarapan silang dalawa sa pagkain. Ang problema, wala tayong makitang article na nagsasabi kung ano ang paborito ni Josephine,” sabi ni Summer.
“Irish siya na lumaki sa Hong Kong noong panahong okupado `yon ng Portuguese. So, Chinese-Portugese dish? Or Irish?”
“No. Ipinaampon siya sa Amerikanong tiyuhin na may asawang Portuguese. Tumira sila sa Dapitan dahil doon ipinadala si Rizal. There is a lot of information where this came from, from their time in Dapitan. So puwede sigurong base sa paborito ni Rizal. Ang sabi niya, lahat kayang iluto ni Josephine. Pero parang hindi tamang puro kay Rizal na paborito lang ang ihahain natin. Kahit hindi natin alam kung ano ang paborito ni Josephine, dahil lumaki siya sa Portuguese na nanay-nanayan, puwede nating gamitin iyon.”
Naglista sila ng mga pagkaing puwedeng iluto hanggang sa nauwi sila sa isang appetizer, isang soup, dalawang main entrée, isang simpleng cheese course base sa paboritong keso ni Rizal, at dessert.
“Ang galing talaga natin,” komento ni Banong habang pinagmamasdan ang nailista nila. “Sigurado na ang panalo.”
“`Wag kang papakasiguro.”
Sumandal si Banong sa sofa, ipinatong ang mga braso sa sandalan. “Ang sarap mo sigurong maging asawa.”
Nabigla si Summer sa komento ng lalaki at mukhang ganoon din ito. Tumikhim ito at tumayo. “Sa sobrang pagod, kung ano-ano na ang nasasabi ko, Somerita. Pasensiya ka na.”
“It was a nice compliment anyway.”
Their eyes met. Nabura ang ngiti ni Summer nang mabura din ang ngiti ng lalaki. Ilang segundong ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib, iniisip na hahalikan siya ni Banong, hanggang sa tumayo ito. “Mauuna na rin ako, Somerita.”
“S-sige.”
“Salamat sa oras. Malaking bagay.”
“It’s nothing. It’s for the kids.”
Tumango si Banong at tumalikod na.
Napabuntong-hininga na lang si Summer, nanghihinayang kahit hindi alam kung para saan iyon. Ano ang nakakahinayang na hindi siya hinalikan ng lalaki, tulad ng inakala niya? Mas nakaganda ba sa buhay niya kung magkakaroon sila ng kissing scene? Para saan?
Para sa akin. Because I want to be with him. Yes, despite the occurance of an Olga.
Hanggang kailan ba niya ikakaila sa sarili ang katotohanan? Ayaw na niya. She owed it to herself to be truthful. Ang tanong na lang ngayon ay kung may gagawin ba siyang paraan.
Nah, she did not think so. Hindi si Summer ang tipo ng taong alam nang may ibang gusto ang lalaki ay lalapit pa rin… But then, Olga was not his girlfriend.
Nalito siya, biglang gustong bigyan ng justification ang lahat, hanggang sa ma-realize na wala nga pala siyang alam sa ganoong akitan. She must be going insane to even think she can rival Olga. Yes, she had already judged the woman. Wala siyang magawa para pilitin ang sariling isiping mabuti ang babaeng iyon. No one can convince her otherwise unless Olga owned up to her mistakes and have some responsibility.
Naisip ni Summer na hindi kaya isang magandang bagay rin namang maituturing kung maiiiwas niya si Banong sa isang tulad ni Olga?
Oh, it was very tempting to think about the possibilities; possibilities she was never going to take action on. Hindi niya kaya ang ganoon.
Muli na naman siyang napabuntong-hininga. She took a shower and got ready for bed. Bago makatulog, laman ng isip niya si Banong at nag-imagine base sa sinabi nitong masarap daw siguro siyang maging asawa. She felt hot with the thought of making love with him, being his wife, their honeymoon. She fell asleep hot and wanting and woke up feeling empty, missing Banong badly.
Tumingin si Summer sa kalendaryo. Dalawang linggo na lang at piyesta na sa bayan at ilang araw matapos iyon, Pasko na. Hindi niya naramdaman ang ganoon katinding lungkot noong nagdaang Pasko, kahit mas sariwa pa noon ang sugat. Pero may sigla rin siya, determinado sa mga gagawing project at lalo na sa kompetisyon. Marami pang dadaanan ang mga bata.
She called a supplier in Manila and placed some orders for ingredients. Suwerteng-suwerte pala siya na may kadarating pa lang na ethical foie gras, isa sa kanilang gagamitin sa kompetisyon. Dr. Jose Rizal had good taste.
She spent the day cooking and writing, making notes about her new recipes. Kinabukasan, abala pa rin si Summer sa ginagawa, hanggang sa dumating ang in-order na ingredients.
Halos isang van ang lahat ng order niya, naipon ang listahan dahil may ilang buwan na rin siyang hindi nakaka-order. Habang ipinapasok niya sa loob ng bahay ang supplies, natanawan niya ang sasakyan ni Banong. Kasama nito si Mang Eli, malamang na tinawagan ang matanda para mapagbuksan. Kumaway sa kanya si Banong at napakaway rin siya rito, kahit pa nga gustong ma-frustrate dahil hindi niya alam na darating ito, tuloy ay hindi man lang siya nakapag-ayos. Kanina pa siya nagluluto kaya amoy-kusina na siya.
Nang makalapit si Banong, tinawag na rin ni Summer si Mang Eli para ibigay ang mga pagkaing niluto. Walang kakain ng mga iyon.
“Ang sarap naman dito. Puwede mo ba akong kuning assistant?” nakangiting tanong ni Banong.
“Bakit wala kang pasabi na naman?” nakairap na sabi ni Summer.
“Pasensiya na. Nagmamadali kasi ako. May balita kasi sa contest. Iyon palang winning entry sa piyesta, iyon na mismo ang isasabak sa provincial.”
“How is that fair? Paano kung may mahuli ng contest at nakita na nila kung ano ang iluluto ng mga bata?”
“Hindi nila ire-release ang menu. Sa regional na. Bawal din daw kumuha ng video, maliban sa Sunny Bay habang nagluluto ang mga bata, bukod sa wala namang manonood. Sa regional ia-announce ang lahat ng laman ng menu, pati `yong ipinapagawang introduction sa mga pagkain. Si Patricia daw ang gagawa, katulong si Zander. Magaling naman ang dalawang `yon.”
“Well, if they’re sure.”
Ngumiti ang lalaki, pinisil ang ilong ni Summer. “Ang cute mo palang ma-stress.”
Natawa si Summer, kahit nag-iinit ang mukha. “Gusto ko lang manalo ang mga bata. I’m sure ganoon ka rin. Kumain ka na ba?”
“Hindi pa. Kapag dito ang destinasyon ko, naglalagay ako ng space dito.” Sinalat ni Banong ang tiyan.
“You’re in luck because I made fresh bread and I will be making our menu for the contest. Eksakto, magagawa natin ngayon. Are you up for it?”
“Oo naman. Ako pa ba?”
Tumuloy na sila sa bahay. Komportable na si Banong sa kanya at komportable na rin siya rito kaya sinabi niyang kumuha na ng kahit na anong gustong kainin sa ref. Hindi pa rin siya kumakain kaya para na sa kanilang dalawa ang inihanda nito. Kulang daw ang tinapay kaya nagluto ito ng pancit.
“Short order, para sa magandang chef,” sabi ni Banong, nakangiti, hindi alam ni Summer kung nambobola lang o totoong nagagandahan sa kanya. With him, sometimes it was hard to tell. Mukhang sincere naman ang lalaki, pero kailan ba siya naging maganda? “Ang dami mo namang ipina-deliver na pagkain?”
“I need to perfect my recipes.”
“Bilib talaga ako sa `yo. So kapag naluto mo na, okay na `yon?”
“The recipe, yes. But not the photo. May ilang sessions pa for food photos.”
“Ang hirap. Kaya pala mahal ang mga cookbook. Hindi ka ba naiinis kapag may blogger na nanggaya ng recipe mo?”
Natawa si Summer. “Actually, iba ang copyright ng recipe. Mas maluwag. It makes sense also. Paano aangkinin ng isang recipe writer ang isang recipe na napakaraming tao ang puwedeng gumawa? Of course, many take advantage. It’s just the way it is.”
“Kain na.” Ngumiti si Banong; isang matamis na ngiting nakapagpabilis ng tibok ng puso ni Summer. She can picture herself looking at that smile every morning of every day.
“Alam mo, lalo akong mananaba kapag tayo ang magkasama,” sabi niya, totoo iyon. Isang tikim pa lang sa pancit ni Banong, natakam na siya. Ibang-iba ang luto nito sa kanya. “Lutong bahay” ang expertise ng lalaki, mas nakakataba dahil mapapakain ka nang marami! Pang-araw-araw ang luto nito. Ano nga ba ang luto ni Summer? She can cook what he can but it would simply be different, a bit too professional maybe.
“Mas tataba ako sa `yo!” sabi ng lalaki.
“Hindi, `no. Basta, iba ka magluto. Hindi ko kayang i-explain. Masarap.”
“Mas masarap kang magluto.”
“Hindi, mas masarap kang magluto,” giit ni Summer.
“Hindi. Ikaw ang masarap.”
“Mas masarap ka!”
Bigla itong ngumisi. “Sabi nga ng mga ex ko, totoo `yan.”
“Banong!”
Humalakhak ang lalaki. “Ang cute mo kapag nagba-blush ka, Chef.”
Lalong nag-init ang mga pisngi ni Summer. Inirapan niya si Banong habang malakas pa rin ang tibok ng puso. She was happy.