T AMA ang lahat ng sinabi ni Banong tungkol sa lechon ng barrio, wala iyong kasinsarap. Nag-mental note si Summer tungkol sa lechon para sa kanyang cookbook.
Ngayon, naghahanda na silang umuwi. Ang sabi ng lalaki, hindi raw siya dapat mag-alala dahil safe daw ang daan pauwi, kahit pa nga walang poste ng mga ilaw sa daan. May flashlight daw ito. Kung hindi raw siya komportableng maglakad nang ganoon kahaba sa gitna ng dilim, puwede naman daw silang makitulog sa isang kakilala. Tumanggi si Summer.
Matapos magpaalam sa lahat, nagsimula na silang maglakad pauwi. Ang mga prutas at iba pang gulay ay kanina pa pala nauna sa kanila, dinala sa bahay ni Nanay Ising ng mga taong pinakiusapan ni Banong. Ito na rin daw ang bahala sa mga iyon. Mukhang sanay na si Banong sa sistema, ganoon din ang mga taga-barrio.
“Kayo ba’y uuwi pang talaga?” habol sa kanila ni Nanay Tanya.
“Opo,” sagot ni Banong.
“May naiwan na gamit doon sa bahay, Banong. Kunin mo na muna. Nakapatong sa ibabaw ng mesa.”
Tumango si Banong at pumasok na sa loob.
Binalingan ni Nanay Tanya si Summer. “Dito na lang kayo magpalipas ng gabi, Somerita, gawa nang… kuwan…”
“Ano po `yon?” Nagtaka si Summer.
“Hindi ko alam kung naniniwala ka, pero kasi bilog ang buwan at kaninang umaga, eh, umulan habang tirik ang araw.”
“Po?” Anong koneksiyon niyon?
“Gaya ng sabi ko, hindi ko alam kung maniniwala ka, pero kapag ganoon daw, eh, bukas ang pinto ng mundo ng mga aswang. Lalo na ang mga manananggal. Naku, kapag tumingin ka sa langit, makikita mo agad. Malaki `yon, lumilipad, at mabilis makadagit!”
Hindi alam ni Summer kung ano ang magiging reaksiyon. Matatawa sana siya, pero baka ma-offend ang matanda. “Hindi naman po siguro, `Nay,” sabi na lang niya.
“Ay, hala, ito, itago mo sa bulsa mo.” Iniabot nito sa kanya ang isang librong kasinlaki ng kahon ng posporo. “Mga dasal iyan.”
“Salamat po,” sabi niya, ibinulsa iyon.
“Ang aking mga magulang, eh, kapwa nadale ng aswang sa ganito ring panahon, kaya ako’y nag-aalala. Kung puwede namang ipagpaliban ang uwi, eh, bukas na lang kayo tumuloy.”
“Sa tingin ko po, okay naman kami, `Nay.”
“Ay, siya. Basta mag-iingat palagi.”
Bumalik na si Banong at lumakad na sila. Mayamaya, binuksan na ni Banong ang flashlight na dala. Sukbit ng lalaki ang maliit na backpack ni Summer. Iniwan nito ang bag kina Hector.
Walang ibang naglalakad doon. Ang sabi ni Banong, mamayang madaling-araw pa magsisimulang magsiuwian ang mga um-attend sa bayle, kahit ang iba ay doon na rin sa dance floor magpapalipas ng magdamag. May nagbebenta raw ng kape roon pagsapit ng alas-kuwatro. Alas-onse pa lang ng gabi nang mga sandaling iyon.
Malamig ang simoy ng hangin. Magkakahalo ang amoy ng paligid. Amoy-bukid, amoy-lupa. Nang makalagpas sila sa mga bahayan, naging mas sariwa ang hangin at ang amoy ng paligid. Bilog ang buwan kaya hindi na rin ginamit ni Banong ang flashlight. Makinis ang daan kahit hindi sementado kaya hindi nag-aalala si Summer na matalisod.
“Na-experience mo ba ang ganito sa Europe?” nakangiting tanong ng lalaki.
“Of course not,” sagot ni Summer.
“Iniisip mo bang bumalik sa Europe?”
“To visit, yes. To stay? I don’t know. Hindi ko rin alam kung ano ang gagawin ko ngayon. Hindi ako sanay na walang ginagawa, pero napapagod akong isiping magsisimula na naman. I feel I’m too old for that.”
“Basta ako, forever twenty-five.”
“Ako, forever twenty-one.”
“Gaya-gaya.”
Nagkatawanan na naman sila.
Umaalon ang puso ni Summer. Masaya siyang kasama si Banong. Kung puwede lang, babagalan niya ang paglalakad. Gusto niyang itago ang mga sandaling iyon at balikan mamaya, kapag wala na ang lalaki. Ang tagal na rin niyang hindi nagkakaroon ng crush. Umaasa na lang siyang sana, tulad ng huli niyang crush, mabilis din iyong lumipas at mawala.
Gusto sana niyang itanong sa lalaki ang tungkol kay Olga, pero nakahiyaan niya. Isa pa, ano ang posibleng maging sense niyon sa buhay niya? Ayaw na niyang malaman ang iba pang detalye ni Banong. Ayaw niyang ma-obsess sa isang lalaking in love sa iba.
Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa biglang lumabas sa mga labi niya ang tanong na ayaw sabihin, “Ano’ng nagustuhan mo kay Olga?”
Great! Itinanong mo rin! Hindi lang `yon, parang ang sarcastic pa ng dating mo. Parang antimano, nagtataka ka kung may magandang qualities ba ang babaeng `yon.
“Alam mo, misunderstood si Olga, eh. Kahit noong nag-aaral pa lang kami. Kaklase ko kasi `yon, high school sweethearts kami.” Ngumiti si Banong. “Noong high school kami, ang tsismis sa kanya, eh, alam mo na.”
“No, hindi ko alam.”
“Ang sabi nila, iyon nga, na malandi daw.” Nagkibit-balikat ang lalaki. “Ako naman ang tipo ng taong hindi nagpapaniwala basta sa tsismis. Crush ko na siya noon. Gusto ko `yong pagkarebelde niya.”
“Bakit mo gusto ang rebelde?”
Nagkibit-balikat uli si Banong. “Noong high school, siyempre, bata pa tayo noon kaya cool iyong mga rebel-type. Siya `yon. Bawal mag-makeup, pero palaging naka-makeup, walang pakialam sa teacher. Nagyoyosi, umiinom.”
“So gusto mo, `yong may bisyo?” Halos hindi makapaniwala si Summer sa naririnig.
“Hindi naman bisyo sa kanya, pa-cool din lang. Hindi naman `yon naninigarilyo masyado. Bihira din kung uminom. Ang punto, eh, `yon ang nakita ko sa kanya noon bilang isang teenager na gustong maging cool. Pero na-develop ako sa kanya noong nakilala ko na. Mabait siya, kaso lang hindi `yong tipikal na mabait. Medyo mataray kasi siya, saka sa hitsura, hindi mo aakalain na hindi suplada.”
Naasar si Summer. Paano nasasabi ni Banong ang mga ganoon tungkol kay Olga, samantalang siya mismo, nakarinig sa kumpisal ng babae tungkol sa kalokohan nito? May babae bang mabait na ipinaako ang anak sa iba sa asawa na hanggang ngayon ay niloloko at kinukunan ng sustento?
“Anak ba ng asawa niya `yong bata?” tanong niya.
“Oo. Walang kaso sa akin kung kaninong anak pa `yon kasi past is past naman, `di ba? Gusto ko lang malaman ang past, pero kapag nalaman ko na, wala na akong pakialam doon.”
Nangati ang dila ni Summer, gustong sabihin ang narinig sa restaurant nang una niyang makita si Olga. Pero sa huli, naisip niyang wala siya sa posisyon para makialam. Isa pa, paano kung hindi maniwala si Banong? Lalabas siyang tsismosa. Ang kaso lang, naiisip din niya na paano kung hindi malaman ng lalaki? Lilipas ang panahon na naniniwala rin itong malinis na malinis ang papel ni Olga, kahit basang-basa pala.
But then, Banong was not involved in that part of Olga’s life. Walang kinalaman si Banong sa anak na Hapon ng babae. Wala ring kinalaman si Banong sa relasyon ng babae sa ex nito o sa ama ng bata. It just would not be right to tell him for it was not hers to tell but Olga’s. Paano kung nagpaplano na pala ang babae na sabihin ang lahat at pinangunahan niya dahil dakila siyang pakialamera?
“Ikaw, wala ka bang natitipuhan?” tanong ni Banong.
“Saan? Sa farm? Sino? Si Mang Eli?” sabi ni Summer.
Ang lakas ng tawa ng lalaki.
May idudugtong sana si Summer nang biglang may malaking bagay na lumipad sa itaas nila. She froze, unable to breathe. Hindi niya makita kung ano ang nilalang na iyon, basta ang alam niya, lumilipad at pagkalaki-laki. That creature also made a hissing sound. Ginapangan siya ng kilabot.
“Tara,” sabi niya kay Banong, saka nagpatiuna sa pagtakbo. Wala na siyang pakialam sa kahit na ano pa, basta bumalik sa kanyang isip ang lahat ng sinabi ni Nanay Tanya kanina tungkol sa manananggal. It was at that moment that she realized she still wanted to live. Kung nadale ng manananggal ang mga magulang ni Nanay Tanya, hindi siya tutulad sa mga ito. Oh, how sad would her life be to die like that. Mula sa pagiging isang chef, mauuwi siya sa isang urban legend.
“Saglit lang!” sabi ni Banong.
Pero hindi pinansin ni Summer ang lalaki. Tuloy siya sa pagtakbo, ayaw lumikha ng ingay, gustong mapikon kay Banong na tawag nang tawag sa kanya. Gusto ba nitong bumalik ang aswang?!
Nagkukumahog siya, hindi alam kung paano pa mas mapapabilis ang pagtakbo. Parang mapapatid na ang kanyang paghinga. Hindi pa niya naranasan ang ganoong pagod at kaba. Parang lumaki ang kanyang puso, nag-expand.
Narinig ni Summer ang pagaspas ng mga dahon at lalo siyang nangilabot. Bakit ngayon pa nangyayari ang ganoon? Parang nararamdaman pa niya ang breeze nang lumipad sa ibabaw nila ang nilalang. Imposibleng ibon iyon dahil napakalaki. Hanggang sa hindi na niya nakaya pang tumakbo sa sobrang kapaguran. She fell on the dirt, praying, her eyes closed shut.
Mayamaya, naramdaman niya ang pagbagsak ng bigat sa kanyang tabi. Titili sana siya kung hindi nakitang si Banong iyon.
“Ano ba’ng nangyayari sa `yo—” Hindi na naituloy ng lalaki ang sasabihin dahil tinakpan niya ang bibig nito.
“Sshh!” Pinipilit ni Summer na kontrolin ang paghinga. Ayaw niyang may umalpas na kahit na anong tunog mula sa kanya. Lord, let this not end in tragedy, please.
“Anak ng—” Hindi na naman naituloy ni Banong ang sasabihin dahil diniinan ni Summer ang bibig ng lalaki.
Mukhang naintindihan na rin nito na wala siyang balak pagsalitain ito kaya hindi na umimik pa. Marahan siyang tumayo, ganoon din ang lalaki.
Bigla na namang may lumilipad na nilalang na dumaan sa itaas nila. Napatili na naman si Summer, saka tumakbo, pero natigilan din nang hawakan ni Banong ang kanyang kamay.
“Tingnan mo!” sabi ng lalaki, tumatawa, nakatapat ang liwanag ng flashlight sa isang puno.
Sinundan ni Summer ng tingin ang liwanag at nakita ang isang malaking ibon. Well, malaki kumpara sa nakasanayan niyang maya at iba pang maliliit na ibon. “`Yan `yong lumipad?”
“Oo!” Ang lakas ng tawa ni Banong. “Ano’ng akala mo, aswang?”
Biglang nag-init ang kanyang mukha. “P-pero ang laki n’ong nakita ko.”
“Nakita mo ba talaga?”
“Hindi naman ako tanga para hindi,” sagot ni Summer, inis dahil napapahiya. Actually, hindi niya nakita nang malapitan. Nakita lang niya nang malayo na at napakadilim kaya anino lang ang kanyang nakita, split-second. May nabuo nang kung ano-anong imahen sa isip niya dahil sa sinabi ni Nanay Tanya kanina. “Hindi `yan ang nakita natin kanina. Saka ano bang ibon `yan?”
“‘Bakaw-gabi’ kung tawagin nila dito. Seasonal yata ang dating niyan dito, hindi ko rin alam. Pero matagal nang meron niyan dito, kahit karamihan wala sa Luzon.” Tawang-tawa pa rin ang lalaki. “Mas mabilis ka pa palang tumakbo kaysa sa akin.”
“Hindi nakakatawa!” angil ni Summer, hindi alam kung ano ang iba pang sasabihin. Totoo ba na ibon lang iyon? Of course. Kailan ba naging totoo ang aswang kung wala pa ni isang tao ang totoong nakakita niyon? Puro kuwento, puro nakita ni ganito-ganyan.
“Sinabihan ka ni Nanay Tanya, `no?”
“Ibinigay niya sa akin ito.” Iniabot niya kay Banong ang maliit na libro.
“Naku, itago mo, proteksiyon sa aswang,” pang-iinis ng lalaki.
“Hindi nakakatawa, Banong, ha?” umirap na sabi ni Summer.
Pero natawa pa rin ang lalaki. “Pasensiya na,” sabi nito sa pagitan ng pagtawa. “Pero nakakatawa ka talaga. Modern na modern ang tingin ko sa `yo, naniniwala ka pala sa aswang?”
“Aminin mong ang laki ng ibon na lumipad kanina!”
“Oo, pero hindi ganoon kalaki. Hindi ka pa ba nakakakita ng mga local na ibon dito sa bukid? Kahit sa farm mo, siguro meron.”
“FYI, wala pa akong nakikitang ganoon kalaki.” Napaingos si Summer, pero natatawa na rin. Naglalakad sila at mayamaya ay tanaw na niya ang bahay ni Nanay Ising. Bigla siyang napahagalpak nang maalala kung paanong hindi magkumahog sa pagtakbo. “God, I feel stupid. Kasi ang sabi ni Nanay Tanya, `yong parents daw niya—”
“Naniwala ka naman do’n. Palaging iyon ang sinasabi niya, pero nang makausap ko ang asawa, ang sabi, eh, medyo tragic daw ang ikinamatay ng mga magulang ni Nanay Tanya. Naglalakad pauwi noong hula niya, eh, nag-away. Parehong magbubukid at matagal na ring may alitan `yong mag-asawa. Nambubugbog daw `yong tatay ni Nanay Tanya. Tandaan mo, matagal na panahon nang nangyari ito. Iyon nga, pauwi daw sa barrio `yong mag-asawa, pero hindi na nakauwi. Kinabukasan, nakitang parehong may mga sugat. Hindi matanggap ni Nanay Tanya na `yon mismong mga magulang niya ang nagsakitan na nauwi sa trahedya kaya inisip na gawa ng aswang. Wala ni isang tagarito ang may kuwentong katulad n’on—na may aswang. Si Nanay Tanya lang. Hanggang ngayon, naniniwala `yon sa mga ganoon, pero hinahayaan na lang ng asawa at alam mo na, mahirap nga namang panghimasukan ang ganoong bagay. Walang aswang dito.”
“But that’s very sad,” komento ni Summer.
“Oo nga, eh,” sagot ni Banong.
“It must have been very painful for her.”
“Sigurado `yon. In denial pa rin hanggang ngayon. Mas pinili niyang maniwala sa mga aswang.”
“Sometimes, I really lose faith in humanity.”
“Kung iisipin, wala ka naman talagang aasahan sa mga tao.”
Nabigla si Summer na marinig iyon kay Banong. Hindi niya inasahang marinig ang ganoon sa isang tulad ng lalaki na parang napaka-positive ng outlook sa buhay at may pagkapolitiko ang dating. “Ikaw ba talaga ang nagsasabi niyan?”
Nagkibit-balikat si Banong. “Kapag iniisip ko rin, parang walang pag-asa ang mundo. Kahit alam ng mga tao kung sino ang hindi dapat iboto, basta nangako sa kanila ng madaling solusyon sa problema, iboboto nila. O kaya kapag may pantasya sila na kaya silang iligtas ng isang tao, iyon ang susuportahan nila. Bale-wala sa kanila ang long-term at sustainable na solusyon dahil mas maingay ang kalam ng sikmura. Alam na alam ng mga politiko `yan, lalo na `yong mga tumanda na sa politika. Hindi ka ba nagtataka na uso pa rin ang political dynasty? Master na sila. Magpapakitang-gilas—thirty percent ng budget ng bayan, gagamitin at ilalagay ang pangalan nila o pagmumukha sa project. Iisipin ng mga tao na magaling sila. Kahit seventy percent ng budget, nasa bulsa. Alam nila kung paano paiikutin ang mga tao. At palagi, walang mintis, marami pa ring naniniwala. Pero hindi ibig sabihin na titigil ka na sa paggawa ng mabuti, ng maganda. Na titigil ka na sa pagtulong.”
“Ang sabi ni Tonette, ikaw daw ang nilalapitan ng mga kumakandidato tuwing eleksiyon.”
“Gusto nila akong kunin at kapag tumanggi ako, nagpapalakad sa kampanya. May ilang tao akong sinuportahan noon, pero hindi na ngayon. Nadismaya lang ako. Naniwala din ako sa mga bagong sibol, pero kalaunan, nilamon din ng sistema. Iyan ang evil ng politika. Kahit anong buti mo, kung mahina-hina ka, kakainin ka nang buo. Hinding-hindi ako papasok diyan. Kung tutuusin, madaling manalo para sa akin. Pero sarado ang pinto ko sa politika. Magluluto na lang ako, hindi ba?” Kumindat si Banong. Nasa likod-bahay na sila ni Nanay Ising.
Summer wanted to know more, to listen to him more. Kung siya nga handang makinig kay Banong, sigurado na marami pang iba na ganoon din. He had natural charm that was hard to ignore. Hindi na nakapagtatakang maraming politiko ang lumalapit dito. He had what they can only dream to possess—natural charisma and genuine kindness that shone so brightly it was impossible to fake.
“Ay, hindi ko inaasahan na uuwi pa pala kayo,” sabi ni Nanay Ising.
“O, hindi pa kayo natutulog?” tanong ni Banong sa matanda.
“Paanong makakatulog, wala pa ang magaling kong asawa.” Umismid ang matanda.
“Naku, nag-alala pa kayo, hindi na makakapang-chicks `yon, Nanay Ising!” biro ni Banong.
“Ay kahit na hindi na tigasin, eh, kung naglalabas naman ng pera para magpanggap na tigasin pa doon sa beer house, aber, ano?”
Natawa si Summer. Nag-volunteer naman si Banong na sunduin ang asawa ni Nanay Ising, pero noon sila nakarinig ng tunog ng motorsiklo. Lumabas sila papunta sa harap ng bahay at nandoon na ang tricycle ni Mang Fred, ang asawang hindi na tigasin. Mukhang may sermunang mangyayari kaya mabilis nang ikinarga ni Banong ang mga prutas at gulay sa sasakyan. Lahat ng iyon ay maayos na nakahilera sa labas ng bahay ni Nanay Ising. Nagpaalam na rin sila sa matanda at sumakay na sa kotse.
“Ano, Chef, enjoy ba?” nakangiting tanong ni Banong habang nagmamaneho, nilingon si Summer.
Paano ba niya sasabihin na noon lang siya nag-enjoy nang ganoon? Gusto niyang ulitin. Isang maghapong umabot hanggang gabi lang iyon, pero parang ang dami-dami nang nangyari.
“Kailan uli may bayle?” tanong ni Summer.
Tumawa si Banong. “Magtatagal uli, pero magkakaroon. Yayayain kita sa susunod. Mukhang natuwa ka naman, Somerita.”
“I had so much fun. So much fun.”
“Nakakatuwang malaman `yan.” Ngumiti uli ang lalaki, pinisil ang kanyang kamay.
Sapat na ang paglalapat na iyon ng mga balat para bumilis ang tibok ng puso ni Summer. How the hell was she supposed to tell her heart to stop being so foolish? Na parang noon lang may humawak sa kanyang kamay.
Parang biglang bumilis ang andar ng relo at mayamaya lang, nasa farm na sila.
“Would you like to have something to drink?” alok ni Summer.
“Naku, hindi na. Alam kong pagod ka,” sagot ni Banong.
It’s fine. I’m fine. Please come, let’s talk some more, gusto sanang sabihin ni Summer, pero alam niyang pagod na rin ang lalaki. “Salamat, Banong.”
Bumaba na siya at tumuloy sa loob ng bahay. Napabuntong-hininga siya habang pinagmamasdan ang sasakyan nitong umalis. Naitanong niya kung kailan sila magkikitang muli. She already missed him. So much.