S I PATRICIA ang leader ng grupo ng kabataang sasali sa cooking competition. Maliit lang itong babae, pero ismarte at mukhang matapang. Si Junior ang isa pang member ng grupo na marami ring suggestion. Halatang matalino ang binatilyo at ilang taon daw na nanguna sa klase. Nagsimula lang bumaba ang grades nito nang magsimulang magkasakit ang ina. Sa ngayon, tumatao si Junior sa ilegal na pa-tong-its ng ama na alcoholic. Hindi raw nahuhuli ang pasugalan dahil dalawang mesa lang naman at may lagay sa barangay captain. Kasama rin si Hector sa grupo.
Ang dalawang teenager na unang nakita ni Summer sa farm niya ay sina Biboy, na apo ni Mang Eli; at Zander, na sanggang-dikit ni Biboy. Ang dalawa pang miyembro ng grupo ay sina Kathy at Eula. Anak si Kathy ng isang OFW na nawawala at kasalukuyang walang balita, habang si Eula naman ay panganay na anak ng isa ring OFW. Panganay sa siyam na anak.
Lahat ng mga ito, may kuwento na unti-unting napapagtagpi-tagpi ni Summer habang tinuturan ang grupo sa basics ng pagluluto. Ideya raw ni Patricia na maturuan ang mga ito, nang sa ganoon mas may ibubuga sa nationals, sakaling makarating doon ang grupo. Sa nationals kasi, papipiliin ang mga ito ng ingredients na iluluto ora mismo. Ibig sabihin, walang nakaplanong menu bago magsimula ang event.
Sa bahay ni Banong sila nag-aaral. Nag-suggest si Summer na sa bahay na lang niya, pero ang sabi ni Banong, hindi raw makataong nakikisuyo na lang ang mga ito, siya pa ang magpo-provide ng lahat at maglilinis pa pagkatapos. Ngayon ang ikalawang weekend ni Summer sa pagtuturo sa mga bata. Sinundo siya ni Banong sa bahay at ngayon ay nandoon na sa bahay nito.
Simple lang ang bahay ni Banong, pero malaki. Hindi makikita sa bahay na iyon ang kahit na anong palatandaan na may-ari ng restaurant si Banong. Walang kahit na anong gamit doon na may kinalaman sa kainan. Ang sabi ng lalaki, ayaw nitong dalhin hanggang sa bahay ang trabaho.
Dalawang palapag ang bahay, malawak ang bawat kuwarto. Kusina ang pinakamalaking bahagi. May dirty kitchen din sa labas at doon sila nagluluto.
Summer loved the simplicity of Banong’s home. Kahit ang mga gamit nito sa kusina, simple lang, kahit pa nga inulan ng tukso ng mga bata nang matuklasang may mga gamit itong tulad ng sa kanya, na nakaimbak lang dahil hindi raw nito alam gamitin, pero binili “for future use.”
Walang exaggerated na luhong kahit ano sa bahay ng lalaki. It was a home that showed that the person who lived there was a simple man, who had everything he needed in life. Ang iilang picture sa sala ay picture nito kasama ang ina, ama, at mga kapatid sa ama. Ipinapakita rin ng iilang picture na may sense of humor ang lalaki. Tulad na lang ng picture nitong kasama ang ina. Sa Hong Kong Disneyland iyon. May hawak na malaking stuffed toy ang matandang babae, nakanguso at parang ayaw magpahalik sa anak na nakadikit ang mga labi sa pisngi nito.
“How come she doesn’t want you to kiss her?” tanong ni Summer kay Banong habang naghahanda pa ang mga kabataan para sa lesson nila sa araw na iyon.
Tumawa ang lalaki. “Pawis na daw kasi siya. Eh, tuwang-tuwa ba naman sa stuffed toy, ang cute ng nanay ko.”
God, everything about this man made Summer want to be with him, discover him more, make him a part of her life. Parang isang baterya sa kanyang buhay na kailangang i-charge. Ewan, parang may kakaibang energy na nanggagaling kay Banong na nakakahawa. He made her want to be a better person. He was an inspiration. She liked his outlook in life.
“Chef, ready na po,” sabi ni Patricia, nakangiti. Ang cute din nito, sa totoo lang. Maiksi ang gupit ng buhok ng babae, lalong nakikita ang maliit nitong mukha. She was very pretty and always eager to learn. Summer made a promise to make these kids win.
Bawat isa sa mga kabataan ay nakaharap sa mesa, suot ang kanya-kanyang apron at may kanya-kanyang burner. Provided ang lahat ng iyon ng sponsor na si Banong. Inilista na ni Summer ang mga kailangan nila para sa araw na iyon noong nakaraang linggo pa.
Tapos na sila sa basics. Kailangan na lang ng mga bata na mag-practice ng technique sa basic lessons tulad ng iba’t ibang hiwa at para saan ang mga iyon at kung ano ang nagagawa sa iba’t ibang ingredients; basic chemistry at kung ano ang nagagawa ng mga ingredients sa pagkain—ang reaction ng acids, carbon monoxide, gluten, yeast, bacteria, at iba pa sa pagkain; basic cooking processes; at iba pa.
“Sa final round, mga private school ang makakalaban n’yo, `yong iba, exclusive schools. Siguro, magaganda ang mga gamit nila sa training at baka matagal na silang nagte-train,” panimula ni Summer. “Hindi kayo dapat ma-intimidate. The best cooks in the world are our own mothers, or grandmothers. And they have been cooking even before all these new cooking tools were invented. Bago pa naimbento ang fridge, nakakapag-store na sila ng pagkain. Sa ibang bansa, itinatabi nila ang mga pagkain para sa winter.”
“Paano po `yon, hindi nasisira ang pagkain?” tanong ni Junior.
“Fermentation. Buro. Napag-usapan natin noong nakaraan ang chemistry. Na-discover ito ng mga kanunu-nunuan natin sa sarili nila. Bakit importante ang fermentation? Dahil napakaraming pagkain ang kailangan ng fermentation. Keso, alak, hamon, tinapay, chocolates.”
“Chocolates, buro?” Si Zander.
“Yes. Kapag binuksan mo ang cacao fruit, para siyang atis na durian sa loob. Hindi siya kulay-chocolate, kulay-puti siya, hindi rin lasang-chocolate. Kailangan mo siyang i-ferment nang ilang araw.” Nagpatuloy siya sa pagsasalita. “We’re talking about fermentation because we will make cheese this morning and use it later to make fresh pastas and pizzas as well.”
Biglang nagkagulo ang mga bata sa tuwa. Nakangiti si Summer nang matawa dahil nagsuot ng apron si Banong, pinaisod ang mga bata sa isang mesa para makapuwesto rin ito. Dalawang row ang kanilang mesa, tatlo ang nasa unahan, apat ang nasa likuran. Pumuwesto sa unahan si Banong.
“Ano, kayo lang? Interesado din ako,” sabi ng lalaki, mukhang excited. “Kaya pala nag-order ka ng sandamakmak na sariwang gatas, Chef. Wala nang masuso `yong mga guya ni Mang Pol. Pati `yong mga kalabaw niya, naubusan na ng gatas.”
Ang lakas ng tawanan nilang lahat. Nagsimula na si Summer na mamigay ng rennet sa bawat isang estudyante. Marami siya niyon dahil gumagawa rin siya ng keso. She learned making cheese in Italy one summer, and also in France.
Halos buong umaga silang naging abala sa paggawa ng dalawang klaseng keso na halos pareho ang procedure sa paggawa—mozzarella at scamorza.
Tutok na tutok ang mga bata, maging si Banong, sa paggawa. Nang magsimula nang humiwalay ang whey, sinabi ni Banong, “Ang daming gatas, ito lang ang natira?”
“Mas kakaunti pa `yan mamaya,” sabi ni Summer.
“Kaya pala ang mahal ng keso, `no?”
Nakangiting tumango si Summer. Hindi niya maiwasang pagmasdan si Banong mayamaya nang magsimula nang maghulma ang mga ito ng keso. Kailangang hawakan iyon, i-stretch. Tutok si Banong, maging ang mga bata, halatang interesado sa keso. She had time to watch him. Was it really very wrong to look at someone you admire so much?
Hinati nila sa dalawang batch ang gagawing keso. Magaling ang kanyang mga estudyante, mabilis matuto. Confident siyang mananalo ang mga ito. She had never seen any group as determined as this one.
Bago mag-lunch break, nagawa na nila ang keso. Halos hindi makapaniwala ang mga ito. After all, they made buffalo mozzarella.
Noon dumating si Tonette, dala ang pananghalian ng lahat.
Nilapitan si Summer ni Banong.
“Ang galing mo talaga,” sabi ng lalaki.
“Magaling na ba `yon? Ang dali-daling gumawa n’on.”
“Ang dami mong alam, nakakabilib.”
“It’s what I do.”
“Bakit ba hirap kang tumanggap ng compliment?”
“Siya, sige, magaling ako,” ayon na lang ni Summer.
Tumawa si Banong, saka siya inabutan ng pinggan. Nakahain sa hapag ang kanin at apat na klaseng ulam. Kumakain na ang mga bata. Nakakatuwang makita ang mga ito, marinig na nag-uusap tungkol sa kompetisyon. Nanalo na ang grupo sa unang laban. Ang kasunod ay malapit na rin at gaganapin iyon sa bayan, sa bisperas ng piyesta, sa function hall ng munisipyo. Kinabukasan ang awarding, sa mismong araw ng piyesta. Ang mananalo ay sasabak dalawang linggo matapos iyon para sa provincial, buwan ng Enero. Ang regional naman ay susunod din agad matapos ang dalawa pang linggo. Sa Maynila naman gaganapin ang finals, isang buwan makalipas ang regional, sa World Trade Center, kasabay ng isang malaking food fair kung saan isa sa major sponsors ang Sunny Bay.
“Kumusta, Chef?” sabi ni Tonette, bineso-beso ang hangin sa gilid ng mga pisngi ni Summer.
“Okay naman. Kumusta?”
“`Eto, inggit. Hindi man lang ako nakasali. Gusto ko ring matuto, Chef.”
“Puwede kitang turuan.”
“Naku, hindi, magpapaturo na lang ako kay Kuya. Alam kong busy ka. So, kumusta na kayong dalawa?”
Kung bakit nag-init ang mukha ni Summer. Napansin niyang namula rin si Banong. Tumaas ang isang kilay ni Tonette. Kung tutuusin, wala namang malisya ang tanong nito. In fact, wala talagang malisya ang tanong nito! Pero mukhang nagkaroon na dahil biglang ngumisi ang bakla.
“Mukhang ang tamis ng lutuan dito. Feel na feel ko.”
“Tonette, tumigil ka, ha?” banta ni Banong. “Hindi ka na nahiya kay Somerita. `Wag mo nga siyang gawing showbiz.”
“Hmmm, echos mo, Kuya. Ikaw yata ang showbiz. Wala naman akong sinasabi, masyado kang guilty. Ano bang kaguluhan ang nangyayari dito? Diyos ko, tayo pa ba naman ang maglilihiman?”
“Tonette, ha?” babala uli ni Banong, nakakunot ang noo, nagba-blush pa rin.
“ Awtz , wala na akong sinabi,” sabi ni Tonette, kinagat ang ibabang labi.
Summer had never felt more uncomfortable, but at the same time, she felt happy seeing Banong uncomfortable. Hindi tumawa ang lalaki at nagbiro tulad ng inaasahan niyang gagawin nito sa ganoong klaseng sitwasyon. Could it mean that he also felt what she felt? Or maybe something that was similar to it? A kind of attraction? Hindi rin niya alam. Pero kung noon palagi niyang sinasabi sa sarili na huwag nang isipin iyon, ngayon, pinagbigyan niya ang sarili. Maybe she should not be so dismissive.
Tumayo si Banong at kumuha ng ulam, pero napansin ni Summer na sa mga bata na ito nakitabi pagkatapos. Tinabihan naman siya ni Tonette matapos kumuha ng pagkain.
“I smell romance, Chef,” kantiyaw ng beki .
“Naku, `wag ka ngang ganyan. Nakita mo, nailang na `yong isa,” sabi ni Summer.
“Hmp. Hayaan mo nga siya. Hindi naman `yan maiilang kung walang feelings, `di ba?”
“Naku, Tonette, wala sa plano ko `yan.”
“Ang masarap na romansa, iyong wala sa plano. Parang sex din, Chef. Iyong tipong nag-aaway kayo `tapos biglang boom, sex.”
“Eeew.” Nalukot ang mukha ni Summer. “Kaaway mo `tapos sex?”
Tumawa si Tonette. “Hindi naman kaaway na walang love. Hindi naman `yan parang kapitbahay mong tsismosa na nakiapid sa asawa mo, `tapos sinex mo. Sabi nila, magkamag-anak daw ang galit at pagnanasa.”
“Ewan ko sa `yo.” Natawa na lang si Summer. Wala siyang alam masyado sa ganoong usapin. She had always thought she was not a passionate person. May mga tao sigurong tulad niya talaga. Pero kung sex ang pag-uusapan, wala naman siyang kakaibang pantasya. Ang sabi ng marami, kung sino raw ang good girl, iyon ang mas maraming sexual fantasies and desires. She had always thought of herself as a good girl. She did everything right, or tried to. Pero hindi totoo na “lady in the streets, wild on the sheets” sa kaso niya. She fantasized about normal sex stuff, a loving union of bodies, a subtle discovery of sorts.
“Bagay kayo ni Kuya, Chef, sa totoo lang. Hindi ka man lang ba nakakaramdam ng something sa kanya?” sabi ni Tonette.
“Parang hindi ako ang tama mong tanungin ng ganyan.”
“Ay, hindi na uso ang pabebe , Chef. Hindi na uso ang ganyan ngayon. Tandaan mong ang mga pabebe , palaging naaagawan. Sabagay, dalawang klase naman ang pabebe , `yong mapagpanggap na pabebe pero wild pala. At `yong tunay na pabebe na tulad mo. Si Olga, hindi `yon pabebe kundi gumagawa ng bebe . Palaging nakatihaya, ang feeling ko.” Umismid na naman si Tonette, parang umiinit ang ulo kapag si Olga ang pinag-uusapan.
“Talagang hindi mo siya gusto.”
“Talagang hindi. Sinabi ko na nga sa nanay ni Kuya Banong.”
“Grabe ka, Tonette. Baka magalit sa `yo si Banong.”
“Hmp! Hindi ko siya puwedeng pabayaan sa kamay ng bruha. Anong klase naman akong kinakapatid kung wala akong paki sa kanya? Ang sabi ni Ninang, obserbahan ko raw muna. Pero wala naman daw kaming magagawa kung si Olga ang gusto. Pero alam kong hindi mapakali `yong matanda.”
“Ikaw nga, `wag ka nang makialam sa ganyan.”
“Hindi puwede, Chef. Kailangan kong makialam.”
Natawa na lang si Summer. Nang matapos ang lunch, lumabas siya sa garden. Nandoon ang ibang kabataan at nagpapahinga. May maliit na kubo roon na tambayan. Palaging maraming tanong ang mga ito sa kanya na sinasagot niya lahat. She liked people who had genuine interest in what they do.
“Chef,” hirit mayamaya ni Hector. Napatingin siya rito. Ngumiti ang lalaki. “Bagay po kayo ni Kuya Banong.”
Sukat biglang nag-init ang mukha ni Summer.
Binatukan ni Patricia ang lalaki. “Ikaw talaga, kung ano-ano ang sinasabi mo. Hindi mo nga alam kung baka mamaya may boyfriend na pala si Chef.” Alanganin itong tumingin kay Summer, tulad ng ibang miyembro ng grupo, halatang naghihintay sa kanyang isasagot.
“No, I have no boyfriend, but—”
“Ayos!” Nag-high five ang ilan sa mga ito.
“Kids—” Hindi na naituloy ni Summer ang sasabihin dahil nag-unahan na ang mga ito.
Boses ni Patricia ang nangibabaw. “Chef, wala ka nang hahanapin pa kay Kuya Banong. Mabait na, guwapo pa. Higit sa lahat, kaya kang buhayin. Saka masarap ding magluto na tulad mo. Bagay na bagay po kayo.”
“Saka habulin `yan, Chef. Pero hindi siya tulad ng ibang mga lalaki na kung tawagin, eh, ‘fuck boy,’” segunda ni Biboy.
“Ano ba kayo? Wala sa agenda natin ang ganito. Isa pa, may gusto na siya, `di ba?” Kailangang aminin ni Summer na nakakaaliw ang mga bata. Pero hindi siya para i-encourage ang mga ito sa ganoong paraan.
“Naku, hindi pa naman sila n’on, Chef,” sabi ni Junior. “Saka parang hindi naman po sila bagay, sa totoo lang.”
“Ano’ng usapan dito?”
Napatingin silang lahat kay Banong, bagong dating at may dalang isang galong ice cream, mga puswelo, at kutsara. Nag-unahan na ang mga kabataang kumuha, pero pinigilan ang mga ito ni Banong. “Ang una siyempre, ang mabait nating teacher na nagtuturo nang libre.”
“Uuuuy,” biglang hirit nina Eula at Kathy, sabay na parang may pinag-uusapan kahit halatang wala.
Nakigaya ang ibang kabataan sa pag-“uy.”
Summer had never felt so awkward in her life. Loko rin ang mga batang ito para manukso. Naiilang siya. Pero nang mapatingin kay Banong, nakita niyang naiilang din ito, namumula.
“Mga loko kayo, ah,” sabi ng lalaki.
“Uy, nagba-blush si Kuya!” kantiyaw ni Eula.
“Eh, siyempre, nakakahiya kay Chef. Baka naman isipin niya, pinagtutulungan natin siya. Isa pa, ibang level si Chef, tandaan n’yo,” sagot ni Banong.
“Totoo po ba `yon, Chef? Na iba ang level n’yo kay Kuya?” tanong ni Kathy. Mukhang sa lahat, ang dalawang tatahi-tahimik na ito ang pinakamahilig sa usapang crush. Ilang ulit nang naririnig ni Summer ang dalawa na may pinag-uusapang boys. “Ibig po bang sabihin na hindi siya papasa kasi iba ang level n’yo sa kanya?”
“Of course not,” agad na sagot ni Summer
“So, papasa po?”
“I meant only that I don’t believe in levels—”
“So, ibig sabihin, mali po si Kuya. Wala pong level-level na pangyayari dito. So, ibig pong sabihin, puwede pong maging kayo,” pagtatapos ni Kathy.
“Ako ang abay,” sabi ni Eula.
“Ako din, aabay! Magpapahaba ako ng hair,” sabi naman ni Patricia.
“Ako ang ring bearer,” sabi ni Junior, ang pinakamaliit sa grupo.
Nagkatawanan ang lahat. Salamat at nabawasan ang pagkailang ni Summer.
Kumain na sila ng ice cream. Naiba na ang takbo ng usapan nang makatanggap ng text message si Patricia mula sa teacher ng mga ito. Dumating na raw ang final rules ng contest at ipinadala na raw ng teacher sa e-mail. Agad nila iyong tiningnan. Halos katulad din ng unang rules, pero mas matagal ang oras na ibibigay sa mga kasali—dalawang oras. Isang buong menu ang kailangang iluto. May category na rin: Jose Rizal dines with Josephine Bracken.
“Ano `yan?” reaksiyon ni Patricia. “Paano natin malalaman kung ano’ng kinain ni Jose Rizal? Saka bakit siya?”
“Kasi ginawa ni Mayor na pag-alala kay Jose Rizal ang piyesta, `di ba? December kasi. Kailangan nating mag-research,” sabi ni Junior.
Napangiti si Summer. “Wala na akong masyadong maalala sa mga lesson ko sa Rizal, pero naaalala kong mahilig siya sa kesong puti.”
“Gagawa tayo n’on, Chef?” excited na tanong ni Patricia.
“Why not?”
“The best ka talaga,” sabi ni Banong.
Kindat ang isinagot ni Summer. The man actually blushed. She did, too. Para silang mga teenager!