noveltoon logo noveltoon
Banong Cardinal (Cardinal Bastards Series 9)

Chapter 14

Ch. 14 / 26 May 10, 2025

“`T ANG-INA mong bakla ka, kapal ng mukha mo!”

Hindi na na-shock si Tonette sa bunganga ni Olga. Noon pa, alam na niyang walang manners ang babae ng lagim, ang white lady sa Balete Drive ng mga lalaki, ang nag-iisa at bukod tanging plastic of all seasons. Sa harap ni Kuya Banong, hindi masyadong nagmumura ang gaga, kahit maaskad pa rin dahil mahirap para sa isang tulad nitong magpakapino, at least sa harap ni Kuya Banong, hindi masyadong halata ang pagkagarapal ng gaga.

Kung maririnig sana ng kanyang ninang, ang ina ni Kuya Banong, kung paano magsalita si Olga, malamang na nabasa na nang todo ang papel ng babaeng higad.

Gaya ng palaging sinasabi ni Tonette, okay na sa kanya kung nag-Japan man si Olga. Sino ba naman siya para manghusga rito? Kung minsan, may kailangang gawin ang isang tao para mabuhay ang pamilya. Hindi mula sa maalwan na pamilya si Olga, pero matapos mag-Japan, naging asensado na, sa standard ng probinsiya. Modernong mag-isip si Tonette. Bale-wala sa kanya ang ganoon. Pero kung ganoon kasama ang ugali ng isang tao, ibang usapan na. Hindi siya para lunukin ang ganoong asta.

“Sino ka para murahin ako?” sabi niya sa babae.

“Ang bagal mo sa utos ko, may pairap-irap ka pang buwakang-ina ka. Ganda ka? Ganda ka, bakla?”

“Talagang maganda ako, excuse me.”

“Mukha kang talampakan, bakla.” Inulan na naman siya ni Olga ng mura na tinapos nito sa, “Sino ka sa akala mo para irapan ako?”

“Alam mo, hindi kita iniirapan. Normal sa mata kong tumirik sa mga masasama ang ugali, darling.” Kalmado si Tonette kahit gustong bigwasan ng isang matindi ang babae. Mukha talagang ini-small siya nito, palibha alam na hindi siya papatol bilang pagrespeto na rin kay Kuya Banong. Kung siya lang ang masusunod, bakit niya aasikasuhin ang babaeng ito? Ano ba ang ginawa niya para ituring siyang parang alipin? Kahit nga ang isang alipin, hindi tamang murahin nang ganoon.

Hindi talaga niya inirapan si Olga. Feeling lang nito iyon. At kahit irapan pa niya, bakit naman pagmumurahin siya na parang nabili na nito pati ang kanyang naluluwa? Ito ba ang babaeng pakakasalan ni Kuya Banong? Puwes, baka oras na para maghanap siya ng ibang trabaho kahit malaki ang suweldo niya roon. Sa katunayan, mas malaki pa ang sahod niya kaysa sa manager ng bangko. Ang lahat ng tiwala ni Kuya Banong, sinusuklian niya ng walang-hanggang loyalty… Maliban pagdating kay Olga. Hindi niya maatim na sa lahat ng babaeng nagkakagusto kay Kuya Banong, sa isang tulad ni Olga mauuwi ang kinakapatid niya. Kahit nga iyong mga babaeng kung suhulan siya ay ganoon na lang, kinikilatis niyang maigi. Genuine ang kanyang concern. Kung sakaling hindi naging malaki ang sahod niya, mamahalin pa rin niya si Kuya Banong na parang tunay na kapatid dahil iyon din ang turing nito sa kanya. Nasaan ang hustisya na mauuwi ito sa isang Olga na mas mabantot pa sa bulok na daing ang bunganga?

Umismid ang babae. “Sige lang. Darating ang araw mo, bakla. At ngayon pa lang, sinasabi ko na sa `yong mag-empake ka na.”

Kahit inasahan na ni Tonette na malamang ganoon ang mangyayari, nabigla pa rin siyang marinig. Sobrang lakas ng loob ni Olga. Matagal na siyang natutong huwag mag-underestimate ng kalaban. Dahil sa mundong ito, hindi totoong nagwawagi ang mga mabubuti. In fact, ibinabaon nang buhay ng mga masasama ang mga mabubuti at palalabasing iyon ang totoong hustisya.

“Sige, darling, mangarap ka pa,” sabi niya, pinagtaasan ng kilay ang babae.

“Hindi ko na kailangang mangarap, baklang puta, dahil nagkakandarapa sa bango ko ang lalaking inuuto mo.”

“Inuuto? Wow. Saan mo nakuha `yan?”

“Talaga naman. Mabait kasi si Banong kaya nauuto mo. Hari-harian ka ditong de puta ka. Makairap ka sa jowa ng amo mo?”

“Hindi kita iniirapan.”

“Ah, so ngayon nagdedepensa ka na? Akala mo hindi kita paaalisin, ha? Manigas ka. Masama akong kaaway. Nagkamali ka. Hindi ako marunong magpatawad.”

Minura ni Tonette sa isip ang babae. Napakabobo talaga. Bobo na, arogante pa. Sa inis, tinalikuran niya ito, pero hinawakan siya sa balikat.

“Bastos ka talaga.”

“Sa ating dalawa, ikaw ang mas bastos. Nananahimik ako dito, inaaway mo ako?”

“Pa-victim ka pa!”

Tumirik ang mga mata ni Tonette, pero hindi na nagsalita. Hindi dahil sa hindi niya masosopla si Olga, kundi nag-aalala siyang baka masaktan ang babae. Malaki siyang lalaki, kahit malambot ang galaw. Siguradong isang suntok niya lang kay Olga, manghihiram ito ng mukha sa aso.

“Sige, ikuha mo ako ng sago’t gulaman. Dito sa mesa namin, magdala ka ng sizzling bulalo at tig-iisang rice. Papaitan din, sisig, at pancit. Nakuha mo, bakulaw?” Tumawa si Olga, parang nagyayabang sa mga kaibigan na halatang naiilang, pero tumawa. Siguro nga, masamang kaaway si Olga kaya pinagpapasensiyahan na lang ng mga kaibigan. Abusado rin ang babae. Lately, ilang ulit itong nagdadala ng kaibigan sa Banong’s. Hindi lang basta isang maliit na grupo, kundi tulad ngayon ay may kasama itong walong tao. Kahit alam ng babae na libre ang pagkain, nagsasama pa rin at kung mag-order, abot ng libo. Hindi kawalan sa kanila ang order nito, kung tutuusin, pero ang kapal lang talaga ng fez . Hindi kayang sikmurain ni Tonette. Well, may pundar na rin naman siya. Baka lumipat siya sa kabilang bayan at magtayo ng sariling kainan sakali man.

Maisip pa lang ang mangyayari, parang gusto na niyang mapaiyak. Mahal niya ang Banong’s dahil doon siya lumaki. Kasama siya ni Kuya Banong mula simula. Pioneer siya, isa pa lang siyang namumukadkad na baklita. Pero kung minsan, may mga pagkakataong masusubukan talaga ang tatag ng isang tao at sa lahat ng naging problema noong una ng Banong’s, hanggang sa ngayon, iyon ang pinakamatindi. Ang wawasak sa kanyang dedikasyon. Dahil wala siyang balak magtagal kung ang mapapangasawa ng kanyang amo ay mumurahin siya araw-gabi. Mayroon siyang dignidad.

Ibinigay ni Tonette ang order sa maliit na kusina, saka tumuloy sa malaking kusina. Hindi naman siya waitress. Alam naman ni Olga na siya ang manager ng Banong’s. Alam ng lahat na siya ang little boss doon. Pero hindi mairespeto ng babae. Por que ba naka-makeup siya? O sadyang matapobre lang talaga ito? Malamang na sadyang matapobre lang talaga. Halata naman.

Nang makarating sa malaking kusina, naabutan niya roon si Patricia na agad na nagtanong. “Ano’ng nangyari, Ate?”

“May masamang hangin doon sa dining.”

“Sino?”

“Isang walang silbing babae.”

“Sino?” Naglakad ang teenager papunta sa pasilyo patungo sa dining area. Mayamaya ay bumalik na. “Si Olga?!”

“Sino pa? Pinagmumura ako.”

“Isumbong mo kay Kuya Banong, Ate.”

“Talagang isusumbong ko siya. Pero malamang na sabihin lang ni Kuya na ganoon lang talaga magsalita si Olga. Alam mo naman `yon, pagdating sa babaeng `yan, palaging ipinagtatanggol. Na hindi lang daw naiintindihan ng mga tao si Olga, na nagpapakatotoo lang daw `yong bruha, na hindi raw plastic.”

“Alam mo, Ate, may naiisip akong plano.”

Na-curious si Tonette. “Ano’ng plano?”

“Eh, naisip ko lang, mukhang may crush naman si Kuya Banong kay Chef Summer, bakit hindi na lang silang dalawa?”

“Pangarap ko `yan. Hindi ko rin akalain na ganoon kabait at kaganda si Chef Summer. I mean, hindi siya tulad ni Olga pagdating sa ganda dahil simple lang siya, pero gandang-ganda ako sa kanya. Ang dating niya, eh, hashtag fresh, pak gano’n. Higit sa lahat, mataas ang pinag-aralan, mataas ang narating, at humble pa rin. Mabait siya talaga. Alam mong genuine ang kabaitan.”

“Mismo! Kaya nga naisip ko, sana gawan natin ng paraan.”

“Naku, ayaw kong makialam diyan sa ganyan,” tanggi ni Tonette.

“Hindi naman tayo makikialam nang husto, Ate. Ang atin lang, ipapakita natin kay Kuya kung sino ang totoong karapat-dapat,” sabi ni Patricia.

“Pero paano?” Napaisip si Tonette. “OMG! Kailangang i-makeover si Chef! Pansin ko kasing palaging nakapambahay. Dapat medyo ilabas ang cleavage niya, ganern . Kita mo naman ang kalaban, nagmumura ang cleavage. Nagki-cleavage kahit magsisimba lang.”

“Kailangan din ni Chef na matutong medyo magpahiwatig,” sabi ng teenager.

“At ano naman ang alam mo sa pagpapahiwatig, darling?”

“Nakakalimutan mo na yata kung anong trabaho ng kasama ko sa bahay, Ate.”

Natawa si Tonette, kahit nakaramdam ng awa para sa teenager. Ilang ulit na niyang sinabihan si Patricia na sa kanya na tumira, pero ang sabi ay hindi pa naman daw umaabot sa kailangan nitong layasan ang tiyahing kasama sa bahay. Dama ni Tonette na nahihiya ito. “Ano’ng unang step natin?”

“Paglapitin natin sila.”

“Malapit na sila!”

“Dapat araw-araw silang magkasama.”

“Halos araw-araw na rin nga silang nagkikita gawa ng contest.”

“Pero tulad bukas at sa mga susunod na araw, nandoon naman din kami.”

“Eh, alangang unahin ang love life ng mga `yon kaysa sa contest n’yo? So, dapat umisip tayo ng paraan. Unang paraan na siguro na hayaan n’yong mga bagets na magkasolo `yong dalawa kapag nandoon kayo. Kapag lunch o kapag may break.”

“Iisip pa ako ng ibang paraan, Ate. Hindi puwedeng hindi sila magkatuluyan.”

Napabuntong-hininga si Tonette. Sana nga madaan sa santong dasalan. Kung puwede ring daanin sa dasal, o kahit sa holy water man lang, ang kaimpaktahan ni Olga, wala sanang problema.

“KUYA Banong, puwede mo po bang sunduin si Chef? Kasi ang sabi ko po sa kanya, susunduin namin siya, pero hindi pa po kami tapos mag-setup para sa birthday ni Ate Tonette.”

“Walang problema,” sagot ni Banong, napangiti. Nakakatuwa talaga ang mga kabataan. Napalapit na ang mga ito nang husto kay Tonette at dahil birthday ng beki , nagplano ang mga ito ng isang surprise party. Siyempre, siya ang sponsor. Walang kaso sa kanya. Taon-taon niyang pinaghahandaan ang birthday ni Tonette. Malaking tulong ito sa kanya at kasama niya mula’t sapul. Ngayong taon, nagdesisyon siyang regaluhan ng multicab ang kinakapatid. Plano kasi noong bumili niyon kaya imbes na mag-loan pa ito, bibilhan na lang niya. Malaki man ang suweldo ni Tonette, noong huling tatlong buwan pa lang nagsimulang makapag-ipon dahil napakaraming sinuportahan.

Ang bilin niya, pumasok si Tonette dahil aalis siya. Ang totoo, kaya niya ito pinapasok ay dahil nga sa surprise party. Kasabwat nila ang nanay nito at mga kapatid.

Naghanda na siyang lumakad matapos mag-shower at mamili ng damit. Simpleng polo shirt na puti at khakis. Pasipol-sipol siya sa loob ng sasakyan. Nasa mood talaga siya kapag ganoong magkikita sila ni Somerita dahil masayang kasama ang babae at palagi siyang maraming natututuhan. Si Somerita lang yata ang nakakausap niya nang ganoon noong huli. She made him a better person.

Aminado si Banong na may atraksiyon siyang nararamdaman para sa babae, pero hindi pa rin niya iyon pinapansin. Si Olga pa rin ang target niya. Ewan. Masyado na siyang matagal na nag-invest kay Olga at mukha ring malapit na siya nitong sagutin. Ang sabi ng babae, kaunting hintay na lang daw at may inoobserbahan pa ito sa kanya. Kung ano man iyon, ayaw sabihin ng babae. Naisip niyang kinikilatis pa siguro kung totoo ang pagpapahalaga niya sa anak nito. Siyempre, mahalaga rito ang anak at alam niya naman na package deal ang mag-ina. Hindi siya ang tipo ng lalaking hindi tatanggapin iyon. Handa siyang maging instant father.

Kung minsan, naiisip din ni Banong ang mga scenario kapag si Somerita ang naging girlfriend. Pero madalas na hindi umaabot doon ang isipin niya dahil para siyang napapahiya. Realistic siyang tao. Alam niyang masyadong mataas ang babae para sa kanya. Hindi sa ina-underestimate niya si Olga, pero pagdating sa karanasan at accomplishments sa buhay, malayong-malayo ang dalawang babae. Mas personal siguro ang accomplishments ni Olga, tulad ng pagiging ina at pagiging isang mabuting anak sa mga magulang at mabuting ate naman sa apat na nakababatang kapatid.

Alam ni Banong na darating ang araw na aalis sa bayan na iyon si Somerita para magsimula ng bagong buhay. O mas tamang sabihing para balikan ang dating buhay. Kumbaga, nag-iipon lang ito ng energy, nagpapahinga, nagbabakasyon. Malinaw na hindi puwedeng maikulong ang buhay nito sa isang lugar na tulad ng bayan nila. May mga taong para talaga sa simpleng buhay. Mayroon din namang mga taong tulad ni Somerita na parang pupusyaw ang liwanag kung mananatili sa probinsiya. Kumbaga, bituin ito. At ang mga bituin, hindi nababagay tumambay sa pagkalayo-layong galaxy at hindi na makita.

Napabuntong-hininga siya, medyo nalungkot. Aminado naman siyang nagkakulay rin hindi lang ang kanyang buhay, kundi maging ang buhay ng mga bata at ni Tonette dahil kay Somerita. Hindi lang teacher sa pagluluto ang babae, marami rin itong itinuturo pagdating sa buhay. Iyon bang mga opinyon mula sa mas modernong mundo. Sa lahat ng aspeto, matalino ang babae, masarap kausap, at binibigyang liwanag sa kanya ang mga bagay na noon ay hindi niya masyadong naiisip at pinaniniwalaan na lang kung ano ang mga tradisyunal na paniniwalang nakamulatan. Challenging ang mga paniniwala ni Somerita sa mga nakasanayan niya, pero palaging may katotohanan. Maganda rin palang makita ang kabilang panig ng maraming issue socially, at kahit sa love.

Ilang gabing hindi pinatulog si Banong ng simpleng usapan nila tungkol sa ex nito. Na-realize niyang kaya ganoon ay dahil mga traditional ang paniniwala niya tungkol doon. Masarap isipin na may ibang paliwanag tungkol sa sitwasyon na hindi tulad ng sa kanya, pero mas may sense. Simple, logical, pero pagtataasan ng kilay ng lipunan. Kasi hindi iyon ang norm.

Nagpadala siya ng text message kay Somerita at sinabing siya ang susundo rito. Mayamaya, tinawagan na niya si Mang Eli. Nang makarating siya sa farm, bukas na ang gate at nandoon na ang matanda na inihatid din niya sa bahay nitong hindi kalayuan sa gate, saka tumuloy sa bahay ni Somerita. Kung bakit medyo bumilis ang tibok ng kanyang puso nang makita ang babae. Parang lalo itong gumanda sa simpleng bihis. Wala itong makeup masyado, hindi rin mahilig sa bling bling. Kabaligtaran ito ni Olga. Pero paano ba niya maikukumpara ang dalawa sa aspestong ganoon kung alam niyang mula sa hirap si Olga kaya nang makaalwan-alwan sa buhay, nahilig sa mga alahas. Isa pa, bagay kay Olga ang ayos nito. Kumbaga sa putahe, si Olga ay pang-special occasion, habang si Somerita naman ay for everyday.

Pambihirang comparison `yan , sa isip-isip ni Banong, napailing. Talagang dapat na niyang tantanan ang pagkukumpara sa mga tao at pagkain. Hindi tama.

Bumaba na siya, nakangiti sa babaeng nakangiti rin. Ang ganda ng mga ngipin nito.

“Good afternoon, Chef,” bati niya.

“Good afternoon.”

“Looking good, Chef.”

Tumawa si Somerita. “Salamat. Ikaw din.”

Masaya na si Banong. Simple lang naman siyang tao. Masyado nga raw simple, sabi ni Tonette. Mabilis siyang sumaya, mababaw ang kaligayahan. “Let’s go?”

“May mga niluto ako para kay Tonette.”

“Wow, mukhang mapapalaban ako ng kain mamaya, Somerita.”

Umirap ang babae. “Bola ka nang bola sa akin. Nandoon sa loob po.”

Dalawa silang nagbitbit ng mga iyon. Ang isa, nasa aluminum pan na may takip na foil, habang ang isa ay nasa malaking box. Hula ni Banong, cake iyon. Ang dala niya, hindi niya mahulaan kung ano, pero amoy-masarap.

“Amoy pa lang, heaven na, Somerita.”

“OA ka talaga.”

Natawa na lang si Banong. Kung ayaw nitong maniwala, sige. Pero sana ma-realize nito na may mga taong bilib na bilib dito. Gusto rin niyang magningning uli si Somerita, kaya kahit malulungkot sila sa pag-alis ng babae, tanggap niya na kailangan nitong lumipad uli.

Hindi pa man, medyo nalulungkot na talaga siya.