P ARANG may sumabog na kung anong init sa isip ni Summer. Something lit her ass up to finally create new things. Noon, kahit naman makita niya ang mga taong naglagay sa kanya sa ganoong sitwasyon, hindi siya apektado. Pero ngayon, may kakaibang drive siya. It was a good one.
Nagsimula iyon nang nagdaang gabi, nang makita niya sa isang TV show si Chester, ang sinesante niyang chef na stepbrother ng socialite na nanira sa kanya. He was now being fondly referred to as “Chef Chess” on TV. Kung tutuusin, hindi ito ang mastermind sa pagwasak sa kanya, hindi rin ang kapatid nito ang pinakamalaking naging problema ni Summer, pero ang mga ito ang nagsimula. And seeing that talentless ungrateful son of a bitch teach people how to cook made her lose it. Talagang wala itong natutuhan sa kanya, sa konsepto ng pagluluto para sa kanya, sa simpleng food chemistry na dapat alam nito bilang chef dahil pinag-aaralan iyon sa culinary school! He was one of those hippie chefs who did not believe that chemistry was that important in developing flavors, and that presentation was more important than taste and nutrition. He was one of those over the top chefs who would stack ten different kinds of cold cuts and meat on a bun and drown it in some orange cheese because it looked “extra.” Or make a cake with several layers of chocolate, topped with cotton candy. Or add cotton candy to alcoholic beverage for presentation. People on social media will love it, of course. But she disliked food that did not taste good.
Maagang lumakad si Summer papunta sa suking magbabaka. Kahit may slaughterhouse sa bayan, ang gusto niyang bilhan ng karne ay ang local na magbabaka na nagle-lechon din, si Mang Pol. Kaunti lang ang alaga nito at puwedeng mag-request ng veal kung kailangan niya. Kakilala ni Mang Eli ang magbabaka.
“Magandang umaga po,” bati niya sa asawa ni Mang Pol, si Nanay Linda.
“Magandang umaga naman po. Nagkakatay si Poloncio ng baka doon sa likuran.”
“Tutuloy na po ako.” Nakangiting pumunta na si Summer sa likuran ng bahay, isang malapad na istrakturang may gamit pangkatayan. Noon daw, may ka-partner na foreigner si Mang Pol at gustong gawing malaking negosyo ang cattle farm, pero namatay ang foreigner dalawang buwan pa lang mula nang magsimula ang negosyo. Ang kagandahan, nakapag-alaga si Mang Pol ng magandang lahi ng baka. Hindi man naging maunlad ang negosyo, naging puntahan naman ito ng mga tulad niyang naghahanap ng mas malambot na karne at free range.
Nang makarating sa katayan, agad siyang pumasok sa loob at napaigtad nang tumapon ang isang timbang dugo.
“Shit!” sabi ni Summer. Nadale niya sa pagbukas ng pinto ang balde ng dugo. Nabasa ang sneakers niya. Agad niyang itinayo ang balde pero mas marami na ang natapon doon kaysa sa natira.
“Ano’ng ginagawa mo diyan?”
Napatingin si Summer sa nagsalita, isang lalaking katulong siguro ni Mang Pol. Wala roon ang matanda. May suot na plastic na apron ang lalaking palapit sa kanya.
“Pambihira, o!” Halatang naiinis ang lalaki, salubong ang mga kilay. “Kailangan ko `yan, natapon na halos lahat.”
“Eh, kailangan mo pala, bakit dito mo inilagay sa may pinto?” sabi ni Summer, nabuwisit na rin. Ano bang malay niyang may balde roon? Natural, ang pinto binubuksan.
“Wala namang papasok dito, eh. Sino ka ba?”
“Ikaw ang sino ka!” Tuluyan nang uminit ang ulo ni Summer.
“Ikaw na nga ang nakatapon ng dugo, ikaw pa ang mayabang. Nagtatanong lang ako kung sino ka. Tingnan mo `yan, sariwang-sariwa ang dugo, wala na ngayon. Dugo ng guya `yan, eh. Alam mo ba kung gaano kahirap makakita niyan?”
“Alam ko!” singhal niya sa inis. Balak pa siyang gawing walang alam. Sino ba ang impaktong ito?
“Pambihira, o,” reklamo na naman ng lalaki. “Paano ngayon `yan? Kailangan ko `yan, eh. Importante `yan!”
“Palitan mo na lang ng ibang dugo. Alangan namang gamitin mo pa, eh, tumapon na nga?” angil ni Summer.
“Henya ka. Henya ka talaga. Para sabihin ko sa `yo, iba ang lasa niyan.”
“Depende sa paggagamitan, baka hindi naman ganoon kaimportante.”
“Wala kang alam sa pagkain, kaya please lang.” Parang ang init-init na ng ulo ng lalaki. Naiintindihan iyon ni Summer sa isang banda. Siya man ang mawalan ng ingredient, maiirita rin, pero hindi naman ganoon katodo. Marami namang puwedeng substitute sa dugo. Kung gagamitin din sa dinuguan—na malamang na iluluto nito—mas okay pa ang dugo ng baboy, sa totoo lang. Sino rin ba itong ganoon na lang kung magsalita na wala siyang alam sa pagkain? Obviously, the man did not know her. At kahit siguro sabihin niya kung ilang cookbooks na ang kanyang naisulat, hindi rin ito maniniwala. Besides, it will be useless. Ano ang kailangan niyang patunayan sa isang tulad nito na hindi nakakaintindi na aksidente ang lahat?
“Babayaran ko na lang ang natapon,” sabi niya.
“Hindi mo kayang bayaran. Hindi iyan makukuha sa basta-bastang baka. Guya nga `yan. Ano, magpapakatay ka ng bago?”
“Of course not.” Ano siya, hilo? Isa pa, dugo lang naman ang nawala. “Para saan ba ang dugo na `yan?”
“May paggagamitan ako.”
“Ano?”
Mukhang lalong nairita ang lalaki. “Gagamitin ko sa bun bo hue, alam mo `yon?”
The man’s arrogance was skyrocketing. Hindi na iyon kayang sikmurain ni Summer. “Kung magluluto ka ng bun bo hue, hindi mo kailangan ng ganitong dugo. Dugo ng baboy ang kadalasang ginagamit. Ni hindi nga kailangan ng marami, kaya kung gusto mong gamitin ang ganitong dugo, puwede at kasyang-kasya pa `yang natira sa timba, unless isang batalyon ang pakakainin mo. `Wag kang OA.”
Mukhang natauhan ang lalaki, saka tumingin sa kanya. “So, marunong kang magluto?”
Pinandilatan niya ito. “Natural.”
“Sa tingin mo ba, mananalo sa contest kung `yon ang iluluto ko? Ang category Asian exotic noodles.”
Gustong itirik ni Summer ang mga mata. Bigla, ang lalaki pa ang nagtanong. Wala siyang balak makipagpalitan ng idea rito. “Hindi ko alam. Wala akong alam. Nasaan ba si Mang Pol?”
“May kinuha lang. Ako nga pala si Banong. Pasensiya na kung na-bad trip kita. Inaasahan ko talaga `yang dugo na `yan para sa exotic. Kailangang manalo ng mga bata ko sa contest, eh.”
Dahil walang balak makisawsaw sa problema ng iba, sinabi na lang niya, “Hinahanap ko si Mang Pol.”
“Suplada mo naman.”
The man was unbelievable. Matapos siya nitong sigawan kanina, nalaman nitong may alam siya sa pagluluto, at ngayon, napaka-friendly na bigla at inaasahang puwede siyang maging consultant? Hitsura! Marami talagang mga taong tulad nito, user. How she hated people like him. Pero hindi naman ibig sabihin na magiging bahagi na ito ng kanyang buhay. Kailangan lang niyang malaman kung nasaan si Mang Pol at maganda pala na may bagong katay na calf. May veal siya. Perfect.
“Pasensiya na uli kanina, ha? Ano nga pala’ng pangalan mo, Miss?” patuloy na tanong ng lalaking ni hindi na pinagkaabalahang tingnan ni Summer. Tumuloy siya sa loob ng katayan para tingnan ang karne ng calf.
Her name. Bigla niyang naisip na matagal na niyang hindi naririnig ang pangalan. It was odd realizing this today. Kung noon, maya’t mayang may tumawag sa kanya ng “Chef Summer,” o “Chef Sums,” ngayon wala na. It was as if her own name took a long vacation.
“Wala pa ba si Mang Pol?” pag-iiba niya ng usapan. Ayaw talaga niyang makausap ang lalaki. Style nito, mas matanda pa kay Mahoma. Sa totoo lang, ayaw niya sa mga lalaking katulad nito, iyong mga pumoporma sa kalsada, dinadaan sa kantiyaw o biro ang lahat. Not that she thought he was interested in her, but she knew that men like him would take it to the next level at the slightest provocation.
“Kung ayaw mo, `wag mo,” sabi ng lalaki, mukhang nadale ang pride. “Nakikipagkilala lang sa `yo nang maayos, eh, para ka namang pagsasamantalahan kung makaasta. Medyo mayabang ka din, `no?”
Nag-init na naman ang ulo ni Summer. “Wala akong obligasyong makipagkilala sa `yo.”
“Nakikipagkaibigan lang naman ang tao.”
“Wala akong panahong makipagkaibigan.”
“Mukha ngang wala kang kaibigan. Hindi na nakakapagtaka.”
“Ang kapal ng mukha mo.”
“Wala namang problema kung ayaw mong makipagkaibigan. Nagpapakilala lang naman ako. Hindi mo naman kailangang maging bastos.”
“Ako pa ang bastos? Matapos mo akong away-awayin dahil diyan sa dugong tumapon na in the first place, hindi ko naman kasalanan dahil inilagay mo sa tabi ng pinto. `Wag mo `kong paandaran, ha?” Hindi normal na ganoon si Summer. Sa katunayan, kalmado siyang tao. Nagsimula siyang magbago nang makita ang ugali ng mga tao sa paligid niya. Naisip niya noon na kahit pala anong ganda ng kanyang pakita sa iba, kung talagang walanghiya, walanghiya. Nawalan ng lugar sa kanyang sistema ang maging “nice” sa lahat. Wala na rin yata siyang pasensiya. She was a changed person. Kaya niyang aminin iyon. Wala rin siyang nakikitang masama roon. She was a doormat for a lot of people. She was taken advantage of. Siguro naman may dahilan siya para umiwas na sa mga taong “bad news,” at halata naman na bad news ang lalaking kaharap.
He was a tall man. Hindi pangit ang lalaki. Siguro papasang may hitsura. She was not interested. Kahit kailan, hindi siya tumingin sa panlabas na hitsura ng tao. She had always been attracted to interesting people. Hindi rin siya ang tipo ng babaeng kinikilig sa isang lalaking guwapo. Kinikilig siya sa lalaking talented o matalino. Of course, she knew how to appreciate good looks, but it never mattered to her all that much. Walang naging boyfriend si Summer na masasabing guwapo. Wala siyang naging matinding crush na guwapo. Maybe for her, good-looking men just seemed very “alien” because no gorgeous man was ever interested in her romantically. Marami siyang guwapong kakilala sa trabaho, pero palaging hanggang doon lang.
“Hindi kita pinapaandaran. Nakikipagkilala lang ako,” sabi ng lalaki.
“Walang sense magkakilala tayo.”
“Wow.” Napasipol ang lalaki, aktong nagugulat sa sinabi niya.
Summer realized she was being a real bitch, but she was not going to take her words back. Maaskad ang ugali ng lalaki kanina. Talagang walang sense na maging friends sila. Ano ang magiging koneksiyon nila sa buhay ng isa’t isa? Wala. Pareho lang silang customer ni Mang Pol. O baka tauhan ito. Hindi niya alam.
Hindi na umimik ang lalaki at kinuha ang isang kutsilyo. Mukhang hihiwain na nito ang karne ng guya.
“Sa akin ang top round,” sabi ni Summer.
“Akin lahat ito. Pang-lechon.”
So isang magle-lechon pala ang lalaki. Ano ang magagawa niya kung na-order na pala nito ang buong baka? Hindi na lang siya umimik. May iba pa naman sigurong karne si Mang Pol, pero ang gusto sana niya ay iyong sariwa.
Noon dumating si Mang Pol, may dalang mga timba. Agad itong ngumiti sa kanya at bumati. “Magandang umaga, Ma’am. Nagkakilala na po ba kayo ni Banong?”
“Banong” pala ang pangalan ng lalaking nakakairita. Tatango na sana si Summer nang magsalita ang buwisit na lalaki. “Suplada, Mang Pol. Ayaw sabihin ang pangalan. Natatakot yata sa akin.”
Tumawa si Mang Pol. Nairita naman lalo si Summer. Bakit kailangan pang magsumbong ng lalaki sa matanda? Hindi ba nito kayang tumahimik na lang? Kunsabagay, mukhang wala sa personalidad ng lalaki ang tatahimik. Siguro, nakanti ang ego na may isang tulad niyang ayaw magpakilala rito.
“Ma’am, ito po si Banong. Banong, si Ma’am Somerita.”
“Somerita” ang kanyang full name. Kilala siya bilang “Summer,” pero ang pakilala niya kay Mang Pol ay ang totoong pangalan. Ayaw ni Summer na ma-associate ang dating buhay sa lugar na iyon. Hindi niya alam kung nakilala siya ni Mang Pol, pero umaasa siyang hindi. Hindi pangmasa ang kanyang kasikatan, hindi tulad ng mga kabataang artista ngayon. Kahit siguro nakita na siya ng ibang mga tao sa local TV stations na nagluluto, wala siyang masasabing recall. Mas kilala siya ng mga taong nanonood ng cable TV, o kahit iyong mga taong mahilig makibalita sa social media. Ang mga iyon ang kanyang platform para sa website na hanggang ngayon ay mini-maintain pa rin ng kanyang webmaster, maging isang YouTube channel na mahigit isang taon nang hindi nakakatikim ng bagong upload ng video. She was still making money from those, actually. Enough to sustain her life.
“Kakamayan sana kita, kaso baka isnabin mo lang,” sabi ni Banong, nakataas ang isang sulok ng mga labi. Ang sarap nitong kalmutin.
“Naku, itong si Banong,” sabi ni Mang Pol. “Ikaw, eh, umayos at suki ko itong si Ma’am. Ano po ba ang atin, Ma’am?”
“Sirloin po sana, Mang Pol.”
“Aba’y wala pong problema—”
“Hindi, Mang Pol,” agaw ni Banong. “Kukunin ko po itong buong guya at ile-lechon.”
“Aba’y akala ko ba, sampung kilo lang at iyong dugo?”
Summer couldn’t help but make a “tsssh” sound. Hindi siya tanga para hindi maisip na sinadya iyon ng lalaki para walang matira sa kanya.
“Kukunin ko po lahat ng hindi niya kukunin,” sabi niya sa matanda.
“Hindi. Kukunin ko lahat,” giit ng lalaki. “Malibang bigyan mo ako ng opinyon tungkol sa gusto kong lutuin. Mukhang may alam ka, Ma’am.” Ngumisi ito.
Gusto sanang singhalan Summer ang lalaki, pero talagang gusto niya ng karne. Her chef’s heart was burning to make a good meal with good meat. Napakatagal na niyang inaantabayanan na mabuhay uli ang energy niya. This man was not going to stand in her way.
“Fine. Tell me.”