noveltoon logo noveltoon
Banong Cardinal (Cardinal Bastards Series 9)

Chapter 19

Ch. 19 / 26 May 10, 2025

“A NO, NAG-REPLY na ba sa `yo si Banong?”

Naasar si Olga sa tanong ni Hilda. Nakakaasar kapag nag-uusisa ito, kahit alam pa niyang may pagkatsismosa ang babae. Ang totoo, kaya madalas silang magkasama ay dahil kahit anong oras niyang yayain si Hilda, agad sumasama. Inaabot-abutan din niya ito ng pera, para palaging sa kanya kumampi. Magandang palagi siyang may backup. Ang babae ang kanyang testigo, tagatawa, tagasegunda, tagapalakpak, at nadadaan sa tingin, bukod sa magaling ding assistant na alam agad ang kanyang kailangan bago pa niya sabihin. Iyon lang, may pagkaatribida at kapag silang dalawa lang, masyadong feeling close. Tulad ngayon. Ano ba ang pakialam nito kung hindi pa nagre-reply si Banong?

Ilang araw nang iritado si Olga. Ilang araw na talagang hindi nagre-reply at hindi sumasagot ng tawag si Banong. Malapit na siyang mapikon. Kung inaakala ng lalaki na mabilis niyang malilimutan ang pagdadrama nito, pasensiyahan sila. Kapag naging sila na, makakatikim ito.

Speaking of tikim, matagal-tagal na rin niyang gustong tikman si Banong. Pero dahil mas long-term ang plano niya sa lalaki, tiniis niya ang lahat ng kalibugan sa katawan. Kailangan niyang palabasin kay Banong na hard to get siya.

Naniniwala si Olga na expert siya pagdating sa lalaki. Paanong hindi kung ang mga lalaki ang kanyang naging bread and butter sa loob ng napakahabang panahon? Mula pagkabata, nakita na niya ang epekto sa kalalakihan. Mula nang sumibol ang kanyang mga joga , napansin na niya iyon. Hindi lang sa mga kaklaseng lalaki, kundi maging sa mga kamag-anak na manyakis. May mga malalayong tiyuhin siya na ganoon na lang tingnan ang kanyang mga joga noong unang panahon, noong wala pa siyang kaalam-alam sa kalakaran ng mundo.

Namulat siya sa kalakaran ng mundo nang tumuntong sa fourth year high school. Sila ni Banong noon. Mabilis na naintindihan ni Olga na kailangan niyang maging wais sa buhay. Noong panahong iyon, kahit alam niya na anak si Banong ni Dante Cardinal, hindi niya naisip na samantalin ang pagkakataon dahil unang-una, hindi pa nga niya alam ang kalakaran sa mundo, bukod sa uhugin pa noong panahong iyon ang lalaki. Oo at maraming nagkakagusto rito noon kaya niya ito pinatulan, pero ang isip niya noon ay ang hinaharap, ang pagtuntong sa college, kahit pa nga hindi siya nagkaroon ng interes sa pag-aaral kahit kailan.

Hindi si Olga ang tipo ng taong mahilig sa mga libro, mahilig gumawa ng assignment, at sumipsip sa teacher. Pero malinaw sa kanya na walang mangyayaring pag-asenso sa buhay niya kung hindi man lang siya makakatapak ng college. Walang-wala ang kanyang pamilya kaya napilitan siyang lumuwas nang makapagtapos ng high school at makitira sa isang tiyahing nangakong pag-aaralin siya ng college, kapalit ng pagiging tsimay ng mga ito.

Unang buwan pa lang sa tiyahin, pinalayas na siya nang maabutan siyang nakikipaglandian sa asawa nito. Natuklasan niya ang power ng kagandahan. Inalok siya ng asawa ng tiyahin ng ilang libo kung ipapakita niya rito ang kanyang mga joga , na ginawa naman niya. Nang tanungin siya ng tiyahin kung bakit niya nagawa iyon, wala siyang naisagot. Sa totoo lang, hindi niya naisip na malaking kamalian ang lahat. Unang-una, wala siyang balak makipag-sex sa asawa nitong pangit. Gusto lang talaga niyang makuha ang pera. Ano ba naman kung makita nito ang mga joga niya? Hindi nito makukuha ang mga iyon.

Sa puntong iyon, palaban na si Olga, walang balak magpakatsimay. Kung hindi niya sasamantalahin ang pagkakataon, pupulutin siya sa kangkungan. Wala siyang balak na maging mahirap habang-buhay. Natural na nagalit ang lahat sa kanya. Ilang buwan siyang hindi inimik ng mga magulang mismo. Malandi raw siya, pakawala, haliparot. Pero wala siyang pakialam.

Hindi niya kinailangang magpalaboy-laboy sa lansangan, kahit walang gustong tumulong sa kanya, dahil mismo sa paggamit niya ng utak. Hindi siguro masasabing matalino siya tulad ng iba—hindi siya magaling sa Ingles, Science, at Trigonometry. Pero matalino siya sa diskarte. Saan ba nagmumula ang pera kundi sa diskarte? Higit sa lahat, hindi nababawasan ang kanyang determinasyon. Ipinagmamalaki niya ang kakayahang gumawa ng paraan para buhayin hindi lang ang sarili, kundi maging ang pamilyang inaalipusta lang siya noon pero ngayon ay halos sambahin na.

Nang mapalayas si Olga ng tiyahin, tumira siya sa bahay ng boyfriend noon, hanggang sa matapos niya ang semester. Tinanggap niya ang mga panlalait ng magulang ng lalaki at sa bandang huli, nagawang kumbinsihin ang boyfriend na isangla ang lahat ng mamahalin nitong gamit para makapagsarili na sila. Siyempre, wala siyang balak magsarili sila dahil lingid sa kaalaman ng lalaki, kausap niya ang nanay ng isang kaklase, na nag-refer sa kanya sa isang agency.

Buong akala ng kanyang boyfriend, matutuloy ang binuo nilang plano na magsolo. Tulad ng mga hangal na kabataan, naniwala itong kaya nilang mabuhay at magsimula ng pamilya. Ni hindi alam ng lalaki na nagpi-pills siya dahil wala siyang balak na mabuntis. Ano siya, tanga? Ginamit niya ang pera ng lalaki para sa placement fee. Nalaman na lang nito na nakaalis na siya ng Pilipinas nang nasa Japan na siya. Sa pangyayaring iyon, ginamit niya uli ang utak, hindi ang katangahan.

Eighteen years old si Olga nang unang makasakay sa eroplano at sa ganoon ding edad ay napasabak sa mundo ng mga Japayuki. Itinulak siya roon ng pagkakataon dahil wala naman siyang ibang pagpipilian kundi sunggaban ang trabaho ng agency. Hindi na niya kailangan ng training katulad ng iba. Pinagsayaw lang siya. Malamang nga, kahit hindi pa siya marunong, ipapadala pa rin siya sa Japan dahil unang criteria sa trabahong kanyang pinasok—GRO ng club—ay ang hitsura. Nang makita rin siya ng Hapon na may-ari ng agency, siniguro nito na makakaalis siya. Sinaulo lang niya ang ilang salitang Nippongo. Naging madali sa kanya ang pagpunta sa Japan, sa kabutihang palad.

Maganda ang bar na napaglagyan kay Olga. Mabilis siyang natuto mula sa mga kasamahan. Ang una niyang natutuhan ay kung paano aliwin ang mga customer at kung paano lumaklak ng ladies drink para mas malaki ang maiuwing porsiyento. Noong una, wala naman siyang balak na magpalabas. Kahit hindi na siya virgin noong panahong iyon, hindi niya balak maging puta. Pero unti-unti niyang napansin na napag-iiwanan siya ng mga kasamahan pagdating sa sahod, kahit pa anong dami ng alak na iniinom gabi-gabi, sa puntong halos hindi na siya malasing.

Naisip ni Olga na wala siyang balak sirain ang atay para lang kumita nang mas malaki. Sa obserbasyon sa mga kasamahan, naisip niya na yaman din lang na handa na siyang magputa, kailangang iplano niya iyon nang mabuti. Ayaw niyang matulad sa iba na nakaasa sa dami ng customer. Ang gusto niya, simpleng trabaho na malaki ang kita. Naisip niyang kailangan niyang pataasin ang value. Kaya naman ang unang naglabas sa kanya ay si Mr. Yamamoto, suki sa club, mayaman, galante.

Class A na mga babae ang palaging kinukuha ng matanda, pero hindi niya ito naging customer dahil ayaw sa mga babaeng hindi nagpapalabas. Kaya nang gabing nagdesisyon siyang ibenta na ang kanyang magic pekpek, si Mr. Yamamoto ang naisip niyang maging first buyer niyon.

“Magic pekpek,” iyon ang tawag ni Olga sa kanyang armas, sa bertud ng kapangyarihan at ligaya, ang batong-buhay na agimat at daig pa ang bato ni Darna dahil ang sa kanya, pink at kapag kinain ng iba ay nagiging Darna ang kanyang wallet. Ang salamangka sa pagitan ng kanyang mga hita, ang bukod-tangi sa buong mundo, ang kanyang magic pekpek.

Sa totoo lang, hindi niya ikinakahiya iyon. Kaya lang, sa Pilipinas, kung saan sinaunang mag-isip ang mga tao, kailangan niyang magpanggap na isang babaeng medyo Maria Clara ang dating. Kahit ang totoo, isinusuka niya si Maria Clara. Wala siyang balak magpakamartir para sa isang lalaki lang. Nadala na siya. Wala siyang balak na maging “housewife” pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan niya. Pero dahil kailangan niyang makuha ang hagdan papunta sa langit, may mga sakripisyong kailangang gawin, katulad na lang ng pagpapanggap na iyon.

Tanggap naman ng tao na kutatera siya at hindi pino kung magsalita. Iyon lang at hindi niya maitayo ang negosyong talagang gustong-gusto—isang first class na beer house. Iyong parang tulad ng sa Maynila kung saan may show money ang mga lalaking pumapasok at primera klase ang mga karne—batang-bata at kolehiyala. Wika nga ng malilibog—mga “balahibong-pusa.”

Like ni Olga ang mga lalaking malilibog dahil sa mga ito siya nagkakapera. Mas malibog, mas mabilis maglabas ng pera.

Hindi niya magawa ang plano dahil kapag inilubog na niya ang mga paa roon, wala nang bawian. Ibig sabihin, hindi na niya puwedeng itago sa lahat ang totoong siya. At kailangan niya iyong gawin para sa mas malaking plano, mas malaki pa sa club na pangarap.

Isa pa, sa club na plano sana, kailangang masipag siya. Ayaw niyang gabi-gabi na namang nasa labas. Nakakapagod iyon. Ang gusto niya, humilata sa pera, mag-shopping tuwing kailan niya gusto, at iba pa. Kailangan niyang iplano ang susunod na hakbang, tulad ng ginawa niya kay Mr. Yamamoto.

Hindi si Olga ang favorite nito noong una, pero dahil sa determinasyon niyang i-dethrone ang paboritong pokpok ng matanda, ginalingan niya. Pinilit niyang maging mahusay sa Nippongo para magkaintindihan sila ng matanda. Palagi rin na greatest performance of her life ang kanyang ginagawa sa kama. Pinag-aralan din niya iyon—mula pag-ungol, hanggang sa pag-angkas sa katawan ng matanda. Nanood siya ng porn. Nag-practice nang maigi, isinubo ang mga talong at hinimas-himas ang mga iyon hanggang sa maging expert. Natuto na siya, may ulam pang torta. Best actress siya noong mga panahong iyon, walang balak magpalipat-lipat ng customer dahil ang kanyang magic pekpek ay hindi para i-bargain. Pinagbuti niya ang acting. Sabihing hindi dapat na sa talong ikumpara ang etits ni Mr. Yamamoto, kundi sa saging na senyorita ay parang mamamatay na kunwari siya sa ligaya tuwing ipapasok iyon sa kanyang agimat, kahit halos hindi niya maramdaman. Bigay na bigay ang mga ungol niya, akala mo mahihimatay sa sarap, kahit kung minsan, habang nakapatong sa matanda, ibang lalaki ang iniisip niya para man lang hindi matuyuan ng katas at magasgas ang mahiwagang agimat. Hindi iyon birong gawin, lalo na at gustong-gusto ni Mr. Yamamoto na nakatitig siya rito habang nagka-cowgirl.

Si Olga ang naging paborito ni Mr. Yamamoto, at hindi nagpalabas sa iba. Siya ang pinakabatang GRO sa club na may kotse. Hinihintay na lang niya noong panahon na iyon na ibahay siya ni Mr. Yamamoto, na hindi lang nito magawa dahil sa pagdududa ng asawa. Kung nasa bar daw siya, mamamatay ang balita ng asawa nito na seryoso ang matanda sa kanya. Walang pakialam si Olga, basta tuloy-tuloy ang pagdating ng lapad. Pero nagwakas ang lahat nang biglang atakihin sa puso si Mr. Yamamoto. Natigil ang ligaya. Okay lang sana dahil may ipon na siya, pero dumating ang nag-iisang lalaking minahal niya at mamahalin. Hindi para sa kanya ang love. Para lang iyon sa mga bobo. At minsan siyang naging bobo.

Halos lahat ng perang mula sa magic pekpek, tinangay lang ng isang lalaki. Isang Pilipino ang nakilala niya sa Japan at na-in love siya. Nilimas nito ang kanyang mga alahas at nalaman niya noong huli na ni hindi totoong pangalan ang ibinigay nito sa kanya. Ipinahanap niya ang lalaki sa Pilipinas dahil ayon sa mga kasamahan nito sa bahay ay umuwi na ito. Pero kailanman, hindi na niya nakita ang gago.

Hindi nawalan ng pag-asa si Olga at naisip na bata pa siya. Naghanap siya ng bagong Mr. Yamamoto, na nakita niya sa katauhan ni Hiro. Nagpakasal siya sa lalaki dahil mayaman. Ang hindi niya nahulaan ay ang pagiging kuripot nito. Mabilis ding natigil ang init ng kanilang samahan dahil inuna na nito ang trabaho. Ang jutay nitong etits , hindi na nga nakapagpasaya sa kanya sa simula ay naging madalang pa ang pagdilig. Ang noon na araw-araw, naging once a week, at kalaunan ay nauwi sa once a month. Kaya natukso siyang humanap ng iba at nakilala si Benjiro.

Nabuntis siya ni Benjiro. Gusto sana niyang ipalaglag ang bata, pero nakita ni Hiro ang pregnancy test at inisip na ito ang ama ng bata. Wala siyang choice kundi ituloy iyon. Nang makipagkita uli kay Benjiro, sinabi rito ni Olga na buntis siya, kahit pa nga hindi niya sinabi kung sino ang ama. Naging dahilan iyon para layuan siya ng lalaki. Siguro, natakot itong itanong kung sino ang ama dahil may pamilya na rin ang lalaki. Binigyan siya nito ng pera at hindi na nagpakitang muli. Walang problema sa kanya. Hindi rin naman niya gusto si Benjiro, magaling lang talaga itong kumain ng batong buhay.

Balak sana ni Olga na iwan si Hiro, pero hindi niya maikaila na mabuti itong ama. Tumagal ang kanilang pagsasama kahit pikon siya sa lalaki sa pagkakuripot nito. Dumating ang sukdulan nang mahuli niya itong binibilhan ng mamahaling bag ang kapatid, habang siya ay hindi nito mabilhan ng bagong LV. Nakipaghiwalay siya rito at sinigurong malaki ang kanyang makukuha.

Nag-invest siya sa Pilipinas, saka bumalik sa Japan. After two years, nagdesisyon siyang tuluyan nang manirahan sa Pilipinas, kahit anong pakiusap ni Hiro. Sa ngayon, ang lalaki ang pabalik-balik sa Pilipinas para bisitahin ang inaakalang anak. Wala siyang balak aminin dito ang totoo dahil mabait ito sa bata. Bukod pa roon, malaki ang sustento nilang mag-ina.

Nakakita si Olga ng bagong pangarap sa Pilipinas nang muling makita si Banong. Kahit may sarili siyang pera, alam niyang ang pagnenegosyo ay isang bagay na hindi niya kayang gawin nang nag-iisa. Kailangan niya ng isang tulad ni Banong para tulungan siyang marating ang isang uri ng buhay kung saan isa siyang donya. Iyon ang totoo at original niyang pangarap. Ang gusto niyang buhay ay iyong tulad ng mga nakikita sa Instagram, iyong buhay ng mga sosyal na pa-Europe-Europe, pa-New York-New York. Ang mararating lang ng kanyang pera ay estadong pa-Japan-Japan o pa-Hong Kong-Hong Kong. Ang gusto niya, makita ang sariling nakabilad ang alindog sa ilalim ng araw, sa ibabaw ng yate na nasa gitna ng laot ng Caribbean, o sa mga lake ng Italya. Ganoong buhay!

Kaya naman kailangan niyang maging maingat sa pag-trap kay Banong. Alam niyang mayaman ang lalaki, iyong uri ng yaman ng pangarap niya. Noon pa bulong-bulungan na may nakukuha itong dibidente sa malaking kompanya ng ama. Na-confirm niya iyon sa lalaki nang pasimple siyang magtanong. Bukod pa iyon sa marami nitong negosyong maganda lahat ang kita. Nang minsang makarating si Olga sa opisina ni Banong sa restaurant, pasimple rin niyang tiningnan ang laman ng laptop ng lalaki at nabigla nang makita ang sales report nito. Ilang milyon ang sales ng lalaki buwan-buwan sa mga negosyo nito. Iyon ang nagselyo ng kanyang mga plano.

Akala niya noon, wala nang problema. Kumbaga, nasa loob na ng trap ang isang paa ni Banong. Pero dumating ang tabachoy na Summer na iyon at nahati ang atensiyon ni Banong. Sa totoo lang, maraming mga atribida sa buhay ng lalaki na balak niyang alisin sa landas kapag sila na. Sisimulan niya kay Summer, at tatapusin sa mga kabataang halos ampunin ni Banong, at sa baklang bakulaw na si Tonette. Makikita ng mga ito! Hindi gobyerno si Banong para tulungan ang mga yagit na iyon.

“Ano na, hindi pa rin ba nagre-reply?” pangungulit ni Hilda.

“Hindi pa nga. Tumahimik ka nga, putsa ka.” Kumuha si Olga ng sigarilyo na agad sinindihan. Nakaka-stress ang pagkatsismosa ni Hilda sa ganoong mga pagkakataon.

“Nagtatanong lang, eh, sambakol ang mukha mo,” nakairap na sabi ng babae.

“Nakakabuwisit ang tanong mo, eh! Nakita mo nang hindi tumunog ang phone ko, itatanong mo pa kung nag-reply? Bobo ka ba?” angil niya.

Tumawa ang babae. “Sinabi ko naman sa `yo noon pa, `wag kang masyadong kompiyansa.”

“Paanong hindi kompiyansa, eh, ano ba ang laban sa akin ng tababoy na `yon?” sabi ni Olga.

Lalong natawa ang impakta. “Hindi naman siya katabaan.”

“Tabachoy pa rin!” giit niya.

“Dapat ka talagang hindi makampante dahil ang mga ganyang tabachoy ang mga hindi nabigyan ng pag-ibig kaya ibinibigay ang lahat ng pag-ibig sa lalaking nakikilala. O, eh, di ibinigay niya ang lahat ng pag-ibig niya kay Banong. Ano ka ngayon?”

“Tarantada!” sikmat ni Olga, saka humithit. “Kahit ibigay pa niya ang kepyas niya, hindi niya makukuha nang ganoon na lang si Banong. Tingnan mo nga siya, tingnan mo ako. Walang panama sa akin `yon. Bobo ba si Banong para hindi `yon makita?”

“Alam mo, teh , hindi lahat ng lalaki, sex lang ang hinahanap. Kung hindi mo ba naman inaasikaso at pinapaasa mo nang pinapaasa, eh, di siyempre doon na lang siya sa isa.”

“Ano’ng akala mo sa akin, tanga? Hindi mo ako katulad, Hilda. Kaya wala kang siyota, dahil bukod sa hindi ka kagandahan, bobo ka pa. Masyado kang pa-star. Hindi ka marunong magpabebe. Siyempre, inaasikaso ko si Banong. Ipinaparamdam ko sa kanya na para siyang hari. Ang mga lalaki, ganyan. Lahat sila, gusto nila na parang sa buong mundo, ang etits nila ang pinakamalaki. Alam mo ba na halos lahat ng lalaking nakausap ko sa bar noon, iisa ang sinasabi tungkol sa mga asawa nila? Na nagsasawa na sila, na palagi silang nina-nag, na parang hindi na sila tunay na lalaki. Para bang nawala na ang pagkalalaki nila. Importante kasi sa kanila na parang macho sila. Ganoon ang ipinaparamdam ko kay Banong.”

“Aba, eh, sumobra naman yata ang pagpapabebe mo. Ilang buwan na, hindi mo pa sinagot. Nag-enjoy ka bang hindi siya matikman?”

Hindi nakaimik si Olga dahil aminadong medyo tama ang gagang Hilda. Hindi sa nag-enjoy siya sa pagpapahaba ng ligawan, kundi nag-alala na baka matigil ang mga mamahaling regalo kapag sila na. Hindi naman niya naisip na may isang tabachoy na darating. Pero hindi pa rin siya naniniwalang kaya siyang ipagpalit ni Banong. May investment na ito sa kanya. Kumbaga sa negosyo, malaki na ang nailagay nitong puhunan kaya bakit nito biglang iiwan ang negosyo? Bobo ba ito?

Noong nakaraan na nagdrama siya nang makita si Banong kasama si Summer, tinanong niya ang lalaki kung wala na ba itong feelings sa kanya. Siyempre, nilagyan niya ng kaunting luha para kapani-paniwala. Madali na para sa kanyang gawin iyon. Aalalahanin lang niya ang sandaling pakiramdam na aping-api siya sa mundo—noong inaararo siya ni Mr. Yamamoto at hindi na halos makahinga sa bigat ng matanda pero kailangang magpanggap na sarap na sarap sa lahat. Tuwing naaalala niya iyon, kayang-kaya niyang lumuha.

Sagot ni Banong sa kanya noon, “Ikaw ang gusto ko, alam mo `yan. Magkaibigan lang kami at magkasama dahil sa mga bata.”

Naniwala siya roon. Walang dahilan para magsinungaling ang lalaki. Tuloy pa rin ang kanyang plano, kahit gusto nang pabilisin iyon. Wala pa siyang makitang tamang pagkakataon. Sa gabi, pinaplano pa rin niya ang mga susunod na hakbang kapag sila na ni Banong. Dapat matutuhan ng lalaki na huwag maging masyadong galante. Sa mundong ito, ang mga mapagbigay ang palaging kawawa sa huli.

“Wala ka bang maisip na ibang dahilan kaya hindi ka na tinawagan at ni-reply-an ni Banong?” tanong ni Hilda.

“Wala nga akong maisip na dahilan!” pagsisinungaling ni Olga, kahit ang totoo ay kinakabahan. Wala sa karakter ni Banong ang hindi pagsagot sa text nang biglaan, unless may nalaman ito tungkol sa kanya.

“Ows?” sabi ni Hilda, iba ang ngiti.

Biglang dumagundong ang dibdib ni Olga. Mukhang may nalalaman ang tsismosa. Alam ba nito ang tungkol sa kanila ni Konsehal Camanag? Pero paano? Oo, may relasyon sila ng konsehal, pero fling-fling lang iyon, hindi seryoso. May asawa ang konsehal, bukod sa si Banong ang talagang gusto ni Olga. Maisip pa lang si Banong, nawe-wet na siya. Si Konsehal Camanag ang tumutugon sa pangangailangan ng kanyang agimat. Nang minsan silang magkasama ni Edsel Camanag, nagkabiruan sila at nauwi iyon sa malaswang biro na kalaunan ay naging dare. Nag-dare siya sa lalaking patunayan na malaki nga ang kargada nito, tulad ng sinabi. Naaalala niyang tawa pa siya nang tawa noon, hindi inakalang seseryosuhin nito. Kaya anong gulat ni Olga habang nasa sasakyan at inilabas ng lalaki ang makamandag na ahas. Eh, di lalong na-wet ang kanyang agimat sa laki ng ahas. Hindi niya naisip na ang isang tulad ni Edsel, magkakaroon ng ganoon kalaking alaga dahil hindi ito katangkaran. Hindi kaguwapuhan ang lalaki, pero may katawan kahit paano. Medyo malaki ang tiyan, hindi kakinisan, pero panalong-panalo sa rating ang pang-primetime bida. Noong nakaraan nga, nagdala siya ng medida para sukatin ang ahas. Sanay kasi siya sa mga customer sa Japan na karamihan ay mga three inches lang ang galit na bulate. Nagpakitang-gilas talaga si Edsel sa medida na nagsabing tumataginting na seven inches ang cobra nito. Seven inches at palaging galit, busog, at lumuluha sa pagsamba kapag nakikita siya.

Tao lang si Olga na may kahinaan. Magaling sa kama si Edsel kaya naman pinatulan na niya. Pero ang usapan nila, walang ibang dapat makaalam. Lalong hindi dapat malaman ni Banong. Pumayag si Edsel, natural. Kailangan din nito si Banong, lalo na kung eleksiyon. May pangarap si Edsel na maging mayor. Siguro, seseryosuhin niya si Edsel kung binata at kung mukhang corrupt. Pero parang hindi corrupt, taksil lang sa asawa. Hanggang ngayon kasi lumang Pajero pa rin ang kotse, maliit ang bahay, at hindi nagyayaya sa magandang hotel.

“Alam mo, sa palagay ko, may iba kang ginawa,” giit ni Hilda.

“Ano naman ang ginawa ko?” nakaismid na sabi ni Olga, walang balak umamin sa numero-unong tsismosa.

“Noong nakaraan, may nakakita sa `yong kasama si Konsehal Edsel.”

“May business lang kami n’on. Papatulan ko ba `yon? May asawa na at tingnan mo nga ang mukha. Ang chaka!”

“ Teh , `wag ka nang magsinungaling sa akin. Balita ko, dakota daw `yon. Dalawang lata ng sardinas daw ang size.”

“Anong dalawang lata?!” pagpapanggap niya. Kunwari, hindi niya alam.

“Kumuha ka ng dalawang lata ng sardinas at pagpatungin mo, ganoon daw kalaki! Kapag `yon daw ang bumiyak sa `yo, para ka nang nakarating sa langit!”

“Wala akong pakialam kahit tatlong Maling pa `yan. May Banong na ako. Mahal ko si Banong,” giit ni Olga. “Baka naman kumakalat ang ganyang fake news kaya ayaw mag-reply ni Banong. Saan mo narinig `yan?”

“May nakakita nga raw sa inyo doon sa kabilang bayan. Sumakay ka raw sa Pajero kahit nandoon ang kotse mo.”

Iyon lang pala ang balita. Akala ni Olga, mas malala pa. Madaling lusutan iyon. “Totoo namang nagkita kami doon dahil nasa labas kami noong magkatawagan para tingnan ang negosyo. May ibinibentang lupa iyong kakilala niya, inaalok sa akin. Alam mo namang nagbebenta rin ng lupa `yon at gusto ko ngang bumili, `di ba?”

“Eh, kung hindi naman pala totoo ang tsismis, wala kang dapat alalahanin. Tama ka naman, walang dahilan para pumatol ka doon dahil balitang mas malaki naman daw ang kay Banong. Mas yummy pa.”

“Talaga!” sabi niya, biglang na-wet.

Nagpaalam na rin ang babae. Naiwang naninigarilyo at nai-stress si Olga. Kailangang agapan niya ang sitwasyon. Oobserbahan niya si Banong at kapag hindi pa rin naayos ang kanilang problema, kailangan niyang gumawa ng hakbang. Sa ngayon, tatawagan muna niya si Edsel para iisa ang kanilang maging alibi.

Pinindot niya ang phone. Mayamaya ay nag-hello na ang konsehal sa kabilang linya.

“Alam mo bang natsitsismis na tayo? May alam ka ba? May sinabi si Hilda.”

“Alam mo namang numero-unong tsismosa si Hilda. Kung may ganyang balita, eh, di sana misis ko ang unang nakaalam.”

“May something. Hindi nagre-reply si Banong, eh. Kailangan nating umisip ng alibi. Magkita tayo.”

“Saan?”

“Sunduin mo ako sa Shell sa highway. Hindi ako lalabas ng kotse.”

“O, saan naman tayo pupunta?” tanong nito, may halong panunukso.

“`Ina mo.” Napahagikgik na si Olga. “Ready na ba `yang lata ng sardinas mo sa akin?”

Ang lakas ng tawa ng lalaki. “Para sa `yo, palaging ready ito.”

Agad na nag-init si Olga. Tao lang ako. Hindi ko kayang awatin ang nararamdaman ko, maloloka ako. Nagkataong ang kahinaan ko, eh, pinagpatong na mga lata ng 555.