D ALAWANG sentences pa lang ang naita-type ni Summer para sa cookbook, tumigil na siya, naiinis. Hindi siya makapaniwala na hanggang sa umuwi siya, hindi man lang nagpakita si Banong. Anong klase ba naman itong tao na hindi man lang tumupad sa kanilang usapan? Nakakainis lalo kapag naiisip niya na isang Olga ang dahilan. He was a fool.
Nakakainis din ang mga lalaking napapaikot nang ganoon na lang. Was it their heart talking, their penis, or their ego? Baka magkakahalo ang tatlo, kaya mas mahirap kalabanin.
Kahit paano, lumuwag ang dibdib ni Summer nang makatanggap ng message sa phone mula sa ex-boyfriend na si Warren. Pinadalhan niya ng kaunting cash ang lalaki kaya nakakapag-message na ngayon at hindi nakikigamit ng Internet sa isang public library. Mayamaya, magkausap na sila.
Umiiyak si Warren, hindi makapaniwala sa nangyari. Naawa si Summer. Alam na alam niya ang pakiramdam na ang mga taong nagsabing mahal siya ay nagsinungaling lang pala.
“Mas magandang bumalik ka na dito. At least dito, may bahay ka. You can easily find clients here,” sabi niya. Bago umalis ng bansa, marami na ring nakuhang project ang lalaki. He did all of her restaurant’s art with a huge discount. Malaking tulong dito ang pag-showcase ng mga obra sa mga restaurant ni Summer. Sa Amerika, walang nakakakilala rito at mahihirapang maka-penetrate sa mas malaking market.
“Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung wala ka, Summer.”
“I’m actually surprised that you called me, instead of your parents.”
Umiyak na naman si Warren. “Hindi ko na nasabi sa `yo noon dahil alam kong malaki ang problema mo at na-guilty ako na dumagdag pa ako do’n. Noong umalis ako, noong naghiwalay tayo, noon lang ako nag-out sa parents ko. Hindi ko rin inasahan na madi-disown ako. I mean, at this day and age. Alam kong conservative sila, pero hindi ko inasahan na ganoon ang magiging pagtanggap nila.”
May kurot na hatid iyon sa puso ni Summer. Bakit may mga magulang na hindi marunong magmahal ng anak?
Tinapos na rin niya ang usapan nila at nagkasundong magkikita sa pagbabalik nito.
Nagpunta siya sa kusina at nag-slice ng cake, bawat kagat doon ay may kahalong inis. Nabalik na naman sa isip niya si Banong. He did not even send her a text message. Nang makaalis kanina sa restaurant ang lalaki, naiwan siya kay Tonette. Tinuruan naman siya ni Tonette ng mga technique na nalalaman. May dalawang oras siya sa Banong’s at nagpaalam lang nang maging napaka-busy na ng kusina. Dalawang oras siyang naghintay na bumalik ang mokong, pero hindi nangyari.
Alas-otso na ngayon, pero wala man lang text message si Banong. Kunsabagay, ano ba ang inaasahan niyang sasabihin nito? Wala rin naman. Siya mismo ang nagsabi ritong sundan si Olga, so bakit magso-sorry sa kanya ang lalaki? She felt so stupid feeling this way.
Hindi nakuntento mayamaya si Summer at naglabas ng mga gamit para gumawa ng cake. She needed to get her mind off Banong. Walang karapatan ang lalaki na mag-stay sa isip niya. He was merely a stranger. Kaysa naman tingnan niya nang tingnan ang phone at abangan ang isang text na nonsense asahang dumating, iniwan na lang niya iyon sa isang drawer at nagsimula nang kumilos.
Nakabantay siya sa pag-ikot ng stand mixer, pero lumilipad ang isip. Kaya naman napatalon siya nang unti-unting ma-realize na may tao sa labas ng bahay. The figure standing at the other side of her glass door was no other than Banong. Agad niyang in-off ang mixer at pinagbuksan ang lalaki.
“Don’t you know how to knock?! What the hell is wrong with you?”
“Sorry. Pakatok na sana ako, pero hindi kita tanaw sa labas. Napaisip ako bigla kung tutuloy pa ba o hindi na. Masyado na yatang gabi.”
Gustong sabihin ni Summer na umalis na lang ito, pero hindi niya naman magawa. She sighed and went inside the house. Sumunod ang lalaki.
“Pasensiya ka na kanina, ha? Babalik naman sana ako agad, kaso lang dinala namin sa ospital `yong anak ni Olga. May ipinasok kasing laruan sa ilong, hindi nakahinga.”
“Oh.” Biglang nabawasan ang kanyang inis. Naisip niya kanina na nalimutan nito ang kanilang kasunduan at mas piniling tumambay kasama si Olga. “How is the kid now?”
“Ayos naman. Saglit lang, naayos na. Nagka-traffic lang kasi may aksidente sa daan. Sorry kanina, ha?”
Hindi kayang salubungin ni Summer ang tingin ni Banong, ang mga matang iyon. Naiilang siya. Bakit ba ganoon ang lalaki? Kung makatingin sa kanya, parang may kung anong intense na nararamdaman. His eyes were expressive and intense. He should get a license for that. Ilang babae na kaya ang nabiktima ng mga iyon?
“Okay lang.”
“Medyo nagulat nga rin ako sa reaction niya.”
Ayokong pag-usapan ang malanding `yon, sa totoo lang, Banong , gusto sanang sabihin ni Summer, pero sa huli ay sinabi niya, “Well, I learned a lot from Tonette anyway.” Totoo rin iyon. Maraming technique na itinuro sa kanya si Tonette. Mga technique sa pagpapalutong ng balat ng baboy ang naging topic kanina. Hindi basta lutong kundi mala-chicharon na bagnet at sisig.
“Nagluluto ka pa kahit gabi na?” sabi ni Banong, napansin ang mixer.
“Yeah. Wala akong oras kung magluto. Kapag nagigising ako nang madaling-araw, minsan nagluluto pa rin ako.”
“Ano ang menu natin ngayong gabi?”
“Menu?”
“Nagugutom ako, eh.”
“Dumayo ka dito para makikain?”
“Nakikain ka rin naman kanina sa akin.”
Natawa na si Summer. “Hindi pa ako naghahapunan, pero may pagkain naman sa ref.”
“At bakit hindi ka naghapunan, Chef?”
Nagkibit-balikat si Summer. Wala siyang gana kanina, kahit nagsaing siya ng bigas sa rice cooker. May frozen dimsums at peking duck siyang ginawa at iyon na lang ang kanyang inilabas. Tumulong si Banong na magsalang ng steamer.
“Pato? Iyan ang hindi ko alam lutuin, maliban sa adobo,” sabi ng lalaki. “Turuan mo ako niyan, Somerita.”
“It takes a week to make.”
“A week?”
Natatawa siyang tumango. “At sayang kapag ganitong na-freeze na kasi nawawala ang crunch ng balat. But I can’t finish two whole ducks. Ibinigay ko ang isa kay Mang Eli, itong isa frozen para sa kung ano-anong maisipan kong lutuin.”
“Ang kunat ng balat niyan.”
“That is true, that’s why you need to dry it, smoke it, before roasting it. But first, you have to separate it from the skin, without tearing it. For that, you need an air compressor.”
“Iba ka talaga.”
Napailing na lang si Summer habang tumatawa. Pinag-usapan nila ang mga kakaiba niyang panluto sa loob at labas ng bahay. Bukod sa pugon sa labas ng bahay, may smoker din siya. Pinaglaruan niya sa isip ang iba’t ibang putaheng puwedeng isilbi sa maiisipang specialty restaurant, sakali mang dumating ang puntong magbukas nga siya niyon. She needed one product. Just one. Ayaw niya ng restaurant na napakaraming menu options. Simple lang ang plano niya. Binanggit niya iyon kay Banong.
“Mahirap talaga kapag maraming laman ang menu. Iyong sa amin, kaunti din lang naman ang specialty. Dumadami lang kapag isinama ang araw-araw na iluluto. Ang short order namin, pancit. Iba-ibang noodles lang pero iisa ang luto, maliban sa palabok. Silog, iisa rin lang at nagkakatalo lang sa karneng kasama at prito lang. Iyong mga specialty naman, kung tutuusin, iisa ang base.”
“Nakakapagod siguro ang trabaho mo. Araw-araw kang busy.”
“Oo. Lalo na noong simula at nagtayo ako ng ibang negosyo.”
“May branch ba ang Banong’s.”
“Naku, wala. Kahit ang daming request na maglagay daw ako sa kabilang bayan. Wala kasi akong mailalagay doong tao, saka hindi ko kaya. Baka maiba ang quality ng luto, masira pa ang pangalan. Matagal inalagaan ng nanay ko `yan, kaya dapat ingatan. Isa pa, ayoko na ng restaurant. Palaging pagod na pagod ka sa restaurant.”
“True. Nagsasawa ka na ba sa Banong’s?”
“Hinding-hindi siguro mangyayari `yan, kahit minsan may mga umagang paggising ko pa lang, naaamoy ko na ang kusina ko at parang napapagod ako. Sa mga ganoong panahon, hindi ako tumutuloy sa Banong’s. Pinababayaan ko muna kay Tonette. Hindi naman madalas mangyari ang gano’n, kapag lang may buwanang dalaw ako.”
Ang lakas ng tawa ni Summer. Normal lang ang nararamdaman ng lalaki. Lahat siguro ng chef, dumadaan sa ganoon. Physically demanding ang restaurant. Emotional at psychological din kung minsan. Bukod sa lahat ng iyon, kailangan ding pakisamahan ang bawat empleyado at mga customer.
They talked and talked through dinner and while she baked the cake, sharing ideas and experiences. Pakiramdam ni Summer, noon lang uli siya nakaharap sa isang tao. Kailan ba siya huling nakapag-share nang ganoon? Hindi na niya maalala. Must be a few years ago.
Sa Pilipinas, marami siyang nakilalang mga kapwa-chef, pero professional palagi ang relasyon. Palaging may pader. Was she not open enough? Or were they? Hindi rin niya alam. Baka wala siyang naging oras para sa pakikipagkaibigan, o baka hindi siya feel ng mga ito. What was so unlikeable about her anyway? Madalas niyang maitanong iyon, sa totoo lang. But she refused to tolerate ideas that made her feel worthless. Basta ang alam niya, wala siyang ginagawang masama sa ibang tao.
Nang tumunog ang timer ng oven, inilabas na ni Summer ang cake na isinalang doon. It was a simple bundt cake. Wala siyang planong kainin iyon.
“Do you want this cake? You may take it home,” sabi niya kay Banong.
“Napakasuwerte ko naman. Baka araw-arawin ko na ang punta dito.”
Napangiti si Summer, natuwa sa ideya kahit alam na hindi iyon mangyayari. “Wala naman kasing kakain dito niyan.”
“So bakit mo iniluto?”
“I told you, I love making food. Keeps me sane.” Ngumiti siya, pero nailang nang mapansing nakatitig sa kanya ang lalaki. “W-what?”
“Nakapag-bayle ka na ba?”
“Bayle?”
Tumawa si Banong. “Dadalhin kita sa bayle bukas ng gabi. May bayle sa barrio.”
“Ano ngang bayle?”
“Basta. Experience din. `Tapos puntahan natin `yong pinakamahusay mag-lechon dito sa atin. Tagadoon `yon sa barrio. Interesado ka ba? Siya ang kinukuha ko tuwing may order akong lechon, pero kadalasan kapag December lang `yon. Lechong baboy ang expertise niya, iyong kapatid niya naman ang expert sa lechon baka.”
“I’m very interested.” Natuwa bigla si Summer. Hindi siya expert sa ganoong klaseng pagluluto, kahit pa may alam din naman siya roon. It will be good for her book.
Nagpaalam na rin si Banong at sinabing susunduin siya bukas ng alas-dos ng hapon. Magbaon daw siya ng damit na pamalit, sakaling mag-hands-on sila sa pagle-lechon.
She was game.
Kinabukasan, eksakto sa oras dumating ang lalaki. He smelled wonderful. Mukha ring bagong paligo at basa pa ang buhok.
Lumakad na sila. May isang oras mula sa farm ni Summer ang destinasyon nila. Barrio kung barrio, loob na loob iyon kung pagbabasehan ang kanilang dinaanan. Wala nang masyadong bahay na makikita sa maliit na kalsada. Pero sa dulo ng kalsadang iyon ay may maliit at simpleng community. Maliliit man ang mga bahay, malilinis ang mga iyon at karamihan ay may bakod na kawayan.
“Dito din ako umaangkat ng baboy na pang-lechon, kasi native ang baboy dito. May mga ulikba din dito, sakaling gusto mo,” sabi ni Banong.
“Ulikba?” ulit ni Summer.
“Iyong black chicken.”
“Oh, right. That would be so great!” Na-excite siya.
Ang lakas ng tawa ng lalaki. “Ngayon lang ako nakakita ng taong masyadong excited sa ulikba. Kung ang ibang babae gustong makatanggap ng bulaklak o chocolates, ikaw siguro ulikba o karne, ano?”
Hindi mapigilan ni Summer ang pagtawa. “Nothing beats good and fresh ingredients.”
“Marami din ditong guyabano, langka, at gulay.”
“You’re actually taking me to heaven. Bakit hindi mo sinabi? Sana nakapagdala ako ng basket,” sabi ni Summer.
“Meron ako sa likod, `wag kang mag-alala. Alam ko nang `yan ang maiisip mo.” Kumindat si Banong.
Her foolish heart skipped a beat. Napabuntong-hininga na lang si Summer.
Mayamaya, ipinarada ni Banong ang sasakyan sa tapat ng isang malaking kubo. May lumabas na isang matandang babae mula roon at agad na kumaway.
“Banong, halika at magmeryenda muna.”
“Salamat, `Nay,” sagot ni Banong. “Ito nga po pala si Somerita. Somerita, si Nanay Ising, ang pinakamahusay gumawa ng kutsinta sa buong Pilipinas.”
“`Ku, ang isang ito.” Ngiting-ngiti ang matandang babae.
Tumuloy na sila sa loob ng bahay. Simpleng-simple lang ang loob, pero malinis. Dumeretso sila sa kusina. Sementado iyon. Sa isang panig makikita ang isang malaking batong gilingan ng malagkit. Noon lang nakakita ng ganoong gilingan si Summer na hindi display lang. Malaki ang gilingan, mas malapad kaysa sa isang drum ng tubig, kahit mas mababa at abot hanggang kalahati ng kanyang hita. May turning lever iyon, manual ang paggiling. Kailangang umikot sa gilingan ang tagatulak ng lever na kasing-size ng pambomba ng poso. May likidong puting umaagos sa gilingan, na nasasalo rin sa ilalim. Iyon ang giniling na malagkit.
May nakahaing kutsinta sa hapag. Nagsilbi rin ng kape si Nanay Ising. Nang tikman ni Summer ang kutsinta, natuklasan niyang totoo ang sinabi ni Banong, masarap iyon. Wala pa siyang natitikmang kutsinta na ganoon ang lasa.
“Masarap po, `Nay. Puwede po bang magpaturo?” sabi niya.
Tumawa si Banong. “Sabi ko na sa inyo, may bago kayong makukuhang estudyante.”
Tumawa rin ang matanda. “Wala sa aking problema. Marami na akong tinuruang gumawa nito. Ito namang si Banong, eh, eksaherado kung makapuri. Na para bang napakahirap gumawa ng kutsinta, eh, malagkit at asukal lang naman `yan, kung tutuusin. Hala, kumain kayo bago gumala.”
Halos naubos ni Summer ang kutsinta. Nang matapos ay nagpaalam na rin sila sa matanda, nagpatabi ng kutsinta para balikan mamaya. Doon na nila iniwan ang sasakyan at naglakad na. May daanan sa likod ng bahay ni Nanay Ising. Papunta raw iyon sa barrio.
So, hindi pa pala iyon ang tinukoy ng lalaki na barrio. Maluwag naman ang daan, pero hindi sementado.
“Puwedeng idaan dito ang sasakyan kung matibay-tibay. Pero ayokong gamitin dahil puwede naman tayong maglakad. Hindi naman mainit. Okay lang ba sa `yo?”
“Oo, walang problema.” She was enjoying this, actually. Gusto niya ang kasukalan ng paligid. May mga punong iba’t iba ang bunga sa magkabilang gilid ng daan. Halatang malusog ang mga pananim.
“Parang ang sarap namang pitasin n’ong dahon ng sampalok,” sabi ni Summer.
“Mas marami sa pupuntahan natin. Hindi lang sampalok, may mga prutas din at ibang gulay,” sabi ni Banong.
“Eh, bakit hindi tayo nagdala ng lalagyan?”
“May mahihiraman naman doon. Hindi talaga ako nagdadala. Kasi kapag may dala ako, walang gustong tumanggap ng abot. Nakakahiya kasi alam ko naman na kailangan din nila. Tagarito ang isa kong alaga, si Hector. Natawagan ko na kanina. Gusto nga tayong salubungin, pero sabi ko `wag na.”
Patuloy sila sa paglalakad. Makulimlim ang langit, pero parang hindi naman uulan. Tumingin siya kay Banong na napatingin din sa kanya at ngumiti. May ilang sandaling nangarap si Summer na sana hawakan nito ang kanyang kamay. Maybe they can be lovers for a few minutes.
She sighed. She was too old and too aware to even think of fantasizing. Isang araw, baka makakita rin siya ng isang lalaking makakasama. If not, life goes on.