T UWANG-TUWA si Summer na pagmasdan ang mga bisita na kumakanta. Mukhang iyon ang highlight ng birthday ni Tonette. Ang bulong sa kanya ni Banong, mahilig daw talagang kumanta si Tonette.
“Noong kabataan niyan at mahilig pang sumali sa mga Miss Gay, palaging panalo sa talent.”
“Magaling talaga siya,” sabi ni Summer. Kayang-kaya ni Tonette ang mga matataas na kanta ni Regine Velasquez. Mayamaya pa, nag-duet na ito at si Caloy ng “Bakit Ngayon Ka Lang.” Mukhang hindi na nagkakaasaran ang dalawa, na palaging nangyayari tuwing nakikita ni Summer ang mga ito sa iisang lugar.
Nang matapos, ipinasa na ni Tonette ang mic sa ibang mga bisita. Kumanta rin ang mga kabataan, mga kantang hindi kilala ni Summer.
Nilapitan sila ni Tonette. “Ay, Chef, sana naman pagbigyan mo akong kumanta ka.”
“Naku, hindi ako marunong, Tonette.”
“Okay lang `yan. Akin na ang mic,” sabi ni Tonette. Agad iyong iniabot dito ng isang waitress sa Banong’s. Ipinasa kay Summer ang mikropono. Napilitan siyang abutin iyon. Ano nga ba ang kakantahin niya?
“Wala akong alam na kanta.”
“Puwede ba naman `yon? Pili ka sa songbook, Chef.”
Hindi na maalala ni Summer kung kailan siya huling kumanta. Noon pa yatang Christmas party ng mga tauhan niya sa restaurant. Nag-rent sila ng videoke machine dahil sa hiling ng mga empleyado. She remembered singing a simple Carpenters song.
“Ay, ito, ito,” sabi ni Tonette, nakaturo sa isang kanta. “Duet kayo ni Kuya Banong. Kuya, pasiklaban mo si Chef, ha?”
“Game ako diyan. Kenny Rogers? Panis!” Inabot ni Banong ang isa pang mic.
Dahil sa energy ng lalaki, nadala kahit paano si Summer, nabawasan ang kaba. Nandoon ang ina ni Banong kaya lalo siyang nahiya, pero alam niya ang mga kanta ni Dolly Parton. Favorite ng kanyang mama ang singer.
Nagsimula na ang into ng “Islands in the Stream.”
Nagsimula na si Banong. “Baby, when I met you there was peace unknown. I set out to get you with a fine tooth comb. I was soft inside. There was something going on.” Tumingin ang lalaki sa kanya, nakangiti.
Nakagat ni Summer ang labi. Magaling palang kumanta ang mga tao sa party. Wala pa siyang narinig ni isang sablay sa tono. No wonder iyon ang highlight ng party. Kailangang hindi siya sumablay sa tono. Kumanta na rin siya, ka-duet na si Banong, “You do something to me that I can’t explain. Hold me closer and I feel no pain. Every beat of my heart. We got something going on.”
Nabingi siya sa palakpakan ng lahat, nailang na naman nang makitang tutok na tutok lahat sa kanila. Napatingin siya kay Banong. Kumindat ito. Siguro, naramdaman ng lalaki ang kaba niya kaya inabot nito ang kanyang kamay.
Para nga talaga silang love team dahil naghiyawan na ang mga tao. Sa puntong iyon, hindi na alam ni Summer kung maiilang pa o matatawa na. This was surreal. Bakit biglang may mga team-team ang mga ito? Did people really get excited about things like that? It was such an innocent kind of joy. Tuloy, ginanahan na siya.
“Islands in the stream, that is what we are. No one in between. How can we be wrong? Sail away with me to another world.”
Hawak pa rin ni Banong ang kanyang kamay. Nang mapatingin siya sa ina nito, nakita niyang parang kilig na kilig ang matanda kung makayapos sa throw pillow. She felt glad. Nakakatuwang makita na natutuwa ito sa kanya, obviously. At si Banong naman, ayaw nang bitiwan ang kanyang kamay. May pagka-showbiz din, marunong magpakilig ng audience. Dapat pa ba siyang magtaka? Isa sa pinakasikat at pinakamagaling na aktor ang ama nito. Manang-mana!
Nang matapos ang kanta, ganoon na lang kalakas ang palakpak ng lahat. Natatawa si Summer nang mag-bow sila ni Banong nang magkahawak-kamay.
“Mamaya na ang autograph, fans,” sabi ni Banong, iniabot ang mic kay Tonette, saka siya binulungan. “Okay ka lang?”
Tumango si Summer. “Medyo kinabahan lang.”
“Maganda ang boses mo.”
Nagpunta uli sila sa likod-bahay, pumuwesto uli sa upuan kanina. Hindi nito pinakawalan ang kanyang kamay. “Ano’ng plano mo nga pala?”
“Plano?”
“`Di ba gumagawa ka ng libro? Babalik ka ba sa Maynila? Sabi mo noon, hindi mo pa sigurado kung ano ang gusto mong gawin, pero nabanggit mong gusto mong gawing restaurant ang farm. Naisip mo na ba kung ano ang gagawin mo?”
Ang totoo, maraming puwedeng gawin si Summer. Naalala niya bigla ang sinabi ng publisher na nakausap noong isang araw, “When are you going to be back? So many people are waiting for you to return.”
To which she argued, “Waiting for me? Baka naman hinihintay ako para may bago na naman silang pag-uusapan. It was bad, Shiela. Actually, hindi ko alam kung ano ang magiging reaction mo sa pagtawag ko.”
“You are crazy!” sabi ng babae. “All that stupid shit was forgotten in a month. Kaya hindi ko alam kung bakit ang tagal mo nang nawawala. I’ve sent you e-mails!”
Nakita naman ni Summer ang mga e-mail na iyon, pero palaging nagmamartsa sa sariling tugtog si Shiela kaya wala siyang tiwala sa forecast nito. Shiela was a publisher, yes, but she was not the manager of the business. She had a group of people thinking for her. Ilang projects na rin ng babae ang nag-flop dahil masyadong elite.
“How can you even think that all your hardwork and awards and accomplishments can be thrown to the garbage like that? And even if that happened, why did you surrender? You let them win by hiding in some cave. Come out. Come out and do my party next year. Oh, and I will assign a photographer and stylist for your book. I will ask your old editor to help as well. We’ll talk when it’s done.”
Doon na sila nagkatapos. Walang problema si Summer sa publisher. Alam na niya iyon noon pa. Ang problema niya noon, inspiration. She wanted every cookbook she made was worth the buck. And well, inspiration and fear that no one will buy her books anymore. Bestsellers ang mga nauna niyang libro kaya nakakatakot maglabas ng libro pagkatapos ng gulo.
Pero plano pagkatapos ng cookbook? Hindi pa niya alam. Talagang hindi pa final ang plano niya. Aminado siyang kung minsan, nami-miss pa rin niya ang pagod sa trabaho na may kasamang fulfillment. Kasabay niyon, alam ni Summer na ayaw na niyang araw-arawin iyon dahil siguradong mami-miss niya ang relaxed na buhay, ang tahimik na buhay.
“Hindi ko pa alam,” sagot niya kay Banong. “Ano ba ang tama?”
“May tama at mali ba?” Ngumiti ang lalaki. “Kung saan ka masaya, `yon ang tama.”
Maraming isipin si Summer tungkol sa career. Hindi siya nag-aalala na mawala na sa vocabulary ng mga tao. Hindi siya kailanman nagluto para makilala. Money was also never her motivation, although she liked the idea of living comfortably. But she had money now. She can literally do nothing all day and still be able to afford luxury, not that she liked luxurious items.
Gusto niyang sabihin kay Banong na kung noon alam niya kung ano ang gusto para maging masaya, ngayon, parang hindi na. Lahat ng mga plano niya noon, biglang nawala—pamilya, magandang relasyon sa ama at pamilya nito, magandang mga negosyo, magandang trabaho. Pero sa pagkakalapit nila ni Banong, may nabubuong bagong goal sa kanyang puso—ang magka-love life!
Ang babaw nga siguro niyon, pero mahirap i-deny ang impluwensiya ng puso. She wanted this man. Every day, it got harder to stop thinking about him, to deny herself the pleasure of thinking about him or seeing him. Pahirap nang pahirap paglabanan ang pagtutol ng kanyang isip dahil may isang Olga.
“Kaya ba hindi ako imbitado?”
Biglang binitiwan ni Banong ang kamay ni Summer nang pumailanlang ang boses na iyon. Sabay silang napalingon sa pintuan ng kusina. Nandoon si Olga, nakatingin sa kanila at umiiyak.
“Shit,” sabi ni Banong.
Tumalikod ang babae at umalis na. Bahagya lang tiningnan ni Banong si Summer, saka sinabi, “Sorry. Mamaya na lang tayo mag-usap.” Iyon lang at hinabol na nito ang babaeng umiiyak.
Gustong tumirik ng mga mata ni Summer. Kung siya lang ang huhusga, sasabihin niyang crocodile tears ang nakita sa mga mata ni Olga. Hindi ito ang tipo ng taong mapapaiyak sa ganoon kasimpleng bagay. But then, who was she to judge that bitch? At bakit ito nagpunta pa roon kung hindi naman pala imbitado? Aba, kasalanan nito!
Naiinis talaga siya, pero walang magawa. Nagdatingan ang mga bata at si Tonette.
“Okay ka lang, Chef?” tanong ni Tonette.
“Oo naman. Ano’ng nangyari kay Olga? Bakit umiiyak?”
Tumirik ang mga mata ng bakla. “Ano pa ba, eh, di nagdadrama. Siguro nararamdaman niyang nawawala na sa kanya si Kuya Banong.”
“Nawawala?”
“Obvious naman, Chef. Ikaw na ang gusto ni Kuya.”
Gusto sanang maniwala ni Summer, kaso lang hindi niya kayang bolahin ang sarili. Kitang-kita naman ang matinding pag-aalala ni Banong nang makita si Olga. Ni hindi na nakapagpaalam nang maayos sa kanya ang lalaki, bigla na rin lang umalis. Walang duda kung sino ang mas matimbang dito. Pero ang mga team Summer, mukhang hindi papayag marinig ang kanyang obserbasyon kaya hindi na lang niya sinabi.
“O, bakit nandito kayong lahat? Kantahan pa?”
“Inuman na, Chef!” sabi ni Biboy.
“Kahit sa mga bata?” tanong ni Summer.
“Hindi na bata ang mga ito, Chef. Legal na. Saka dito matutulog ang mga lintik mamaya, doon sa sala.”
Nagdala na ng mga alak ang kabataan, kasama ang pulutan. Ayaw raw ng mga ito ng inuman na may kasabay na kantahan dahil nasisira ang kuwentuhan.
Nakisaya si Summer sa mga ito, nakinig sa masayang palitan ng opinyon tungkol sa buhay, hanggang sa mapag-usapan na naman sina Banong at Olga.
“Alam mo kasi, Chef,” kuwento ni Tonette, matapos tumagay. Gumawa si Summer ng special cocktail at iyon ang kanilang iniinom. “Iyang si Kuya, eh, nakilala niya si Olga noong panahong nagbibinata siya. Coming of age ba ang tawag do’n? Alam mo, maraming mga lalaki ang hindi nakakalimot sa ganoon. Kumbaga, ina-associate nila `yon unconsciously doon sa panahon na nasa pagitan sila ng innocence at adulthood.”
“That makes sense,” komento ni Summer.
“Para po sa akin, Chef,” sabi ni Junior, tahimik ito kadalasan, pero dahil yata sa alak, naging madaldal, “masama talaga ang impluwensiya ni Olga kay Kuya Banong at hindi siya magiging mabuting syota. Alam n’yo ba, nakita ko `yong si Olga noong nakaraang linggo sa kabilang bayan?”
“Oh, weh, ano naman?” sabi ni Eula.
“Sakay siya doon sa Pajero ni Konsehal Camanag at galing sila sa Bliss Ride,” sagot ni Junior.
Parang may tumakip sa bibig ng lahat ng nag-iinuman, maliban kay Summer. Hindi niya naintindihan ang usapan. Ano ang Bliss Ride? Sino si Konsehal Camanag?
“Oy!” Tinampal ni Tonette ang visor ng cap ni Junior. “Loko kang bata ka. Hindi naman por que hindi natin gusto si Olga, eh, sisiraan na natin. `Wag kang gumawa ng kuwento, Junior, ha? Sinasabi ko sa `yo.”
“Noong nakaraang linggo mo pa nakita, `tapos, ngayon mo lang sinabi? Maniwala kami!” hirit ni Eula.
Mukhang sumama ang loob ni Junior. “Kailan ba ako nagsinungaling sa inyo? Hindi ko lang sinabi dahil siyempre, si Kuya Banong ang mapapasama ang image diyan. Pero nasabi ko rin ngayon kasi itong alak na `to, buwisit.”
“So, wala kang balak sabihin?” angil ni Kathy. “So, balak mong deadmahin kahit na mapasama si Kuya Banong?”
“Totoo ba talaga `yan? Ikuwento mo lahat, at ayusin mo, Junior,” sabi ni Tonette.
“Kasama ko si Mama doon kasi tagadoon si Tiyang, sa tapat ng Bliss Ride. Nasa labas lang naman ako, sa terrace, hindi na ako pumasok sa bahay ni Tiyang. Sa mismong tapat ng Bliss `yong bahay. Nakita ko `yong Pajero ni Konsehal.”
“Paano mo naman nasigurong kay Konsehal?” tanong ni Kathy.
“Eh, ibinaba ang bintana! Kaya ko nga rin nakita si Olga,” sagot ni Junior.
“Gaano ka kalayo sa kanila?” Si Eula ang nagtanong.
“Medyo malayo ako, pero sure akong sila `yon.”
“Paano mo nasiguro?” tanong ni Tonette.
Daig pa ng lahat ang pulis na nang-i-interrogate. Pawisan na si Junior. “Basta sila ang nakita ko. Hindi nila ako nakita kasi kausap nila `yong sumalubong na boy ng motel.”
Finally, Summer understood. She was shocked. Siguro, hindi na siya dapat nabigla na kayang gawin ni Olga ang ganoon. Mukha namang gagawin talaga nito. Kung nagawa ngang ipasagot sa ibang lalaki ang sariling anak, bakit hindi nito magagawang makipag-date sa ibang lalaki habang nililigawan ni Banong? Baka nga para dito, walang kaso iyon dahil kung tutuusin, single pa rin ito.
“Ang kapal ng mukha ng Olga na `yan!” hirit ni Tonette. “Ano, tutunganga na lang ba tayo at hindi sasabihin kay Kuya Banong ang lahat?”
“Oo, dapat sabihin na natin ito!” sabi ni Patricia.
“Pero paano kung wala namang ebidensiya?” Si Eula. “Bibigyan natin ng problema si Kuya Banong kung parang hindi naman din sigurado itong si Junior. Sabi niya nasa tapat siya ng motel, so paano niya nakita?”
“Eh, patagilid naman ang pasok ng mga kotse doon sa Bliss Ride, eh,” hirit ni Junior.
“Oo nga, pero kung nasa tapat ka ng Bliss, `tapos binuksan ni Konsehal ang bintana, paano mo nasigurong si Olga ang kasama niya, eh, siyempre nasa passenger seat siya at natatakpan din ni Konsehal?” sabi naman ni Kathy.
“Hindi naman ako ganoon kalayo,” sagot ni Junior.
“So, one hundred percent sure ka?” tanong ni Patricia.
“Hindi. Mga seventy percent.”
Natahimik ang lahat.
Hindi alam ni Summer kung ano ang sasabihin. Ano ba ang magandang ipayo? Kung siya lang, sasabihin talaga niya dahil nakakainis na ang Olga na iyon. Pero kung hindi nga one hundred percent na sigurado si Junior, malaking kasiraan iyon ni Olga.
“So sasabihin pa rin ba natin?” Si Patricia uli ang nagtanong.
“Ano sa tingin mo, Chef?” baling sa kanya ni Tonette.
“Naku, hindi ko alam,” sabi ni Summer kahit natutuksong sabihing kailangang malaman ni Banong ang lahat.
“Botohan na lang tayo,” sabi ni Patricia, nakataas ang kamay. “Itaas ang kamay ng lahat ng nagsasabing sabihin kay Kuya Banong ang lahat.”
Hati ang opinyon ng kabataan. Sina Patricia, Biboy, Zandro, at Tonette, bumotong sabihin. Sina Eula, Kathy, Zander, at Junior ay hindi nagtaas ng kamay.
Binatukan ni Patricia si Junior. “Ikaw ang pasimuno, ikaw ang ayaw magsabi?”
“Eh, baka iharap ako kay Olga. Alam n’yo naman `yon. Basta, ayokong sabihin. Kaya nga hindi ko sinabi noon. Kung awayin ako n’on? Isa pa, mukhang tanggap naman ni Kuya Banong si Olga. Alam niya naman na nag-Japan na `yon, `di ba?”
“Napakasinauna mo!” angil dito ni Eula. “May pinsan akong Japayuki. Hindi lahat ng Japayuki nagbebenta ng aliw.”
“Ang punto ko lang, ano ang laban natin kung puso na ang nagsasalita?” hirit ni Junior.
“Tumahimik ka. Puso-puso,” sabi ni Tonette, nakanguso. “Ikaw ang deciding vote, Chef. Ano ang gagawin natin?”
Hindi pa man siya nakakapagsalita, narinig na nila ang boses ni Banong.
“O, ano’ng botohan ito? Boboto din ako.” Ngiting-ngiti ang lalaki. Itinaas nito ang kamay, saka hinawakan ang braso ni Summer para itaas din. “Boto namin.” Halatang nagbibiro ang lalaki, pero natigilan nang makitang hindi nakangiti ang mga nag-iinuman. “O, death penalty ba ang pinagbobotohan? Bakit ganyan ang mga mukha n’yo? Ano’ng problema?”
Nailang din si Summer. Kung alam lang ni Banong, hindi niya sigurado kung ano ang magiging reaksiyon nito.
Si Patricia ang nagsalita. “Kuya, nagbobotohan kami kung sasabihin namin sa `yo o hindi na nakita ni Junior si Ate Olga sa kabilang bayan, kasama ni Konsehal Camanag sa Pajero.”
“O, ano naman? Magkakaibigan naman kami. Alam n’yo `yan. Tuwing eleksiyon, sa restaurant nagpapakain si Konsehal. Doon din sila nagpapa-Christmas party. Siguro may business lang sila ni Olga. Alam n’yo naman na maraming business si Olga. Wala akong nakikitang problema kung magkasama sila—”
“Sa Bliss Ride,” agaw ni Tonette.
Parang sinuntok ang reaksiyon ni Banong. Natameme ito.
Agad na nagpaliwanag si Junior, ikinuwento kay Banong ang mga nakita.
Sa huli, ang tanong ni Banong, “Sigurado ka ba, Junior?”
“Oo, Kuya. Pero dahil sa tanong nitong mga ito sa akin, bigla tuloy akong nagduda sa sarili ko.”
“Tagayan mo ako,” sabi ni Banong.
Agad sumunod si Junior. Puno ang tall glass ni Banong ng cocktail, pero naubos nito sa isang inuman. Nagkatinginan ang lahat, pero iniba ni Banong ang usapan.
“Ano, ready na ba kayo sa laban? Malapit na.”
Unti-unti, naging masaya uli ang inuman. Nakikiramdam si Summer kay Banong. She can sense that he was miserable. Pero ano pa nga ba ang solusyon doon kundi ang pag-iinom? Umaasa siyang pagkalipas ng lahat ng iyon, mare-realize ng lalaki na mas nakaganda pa nga kung hindi na nito ipagpapatuloy ang panliligaw kay Olga.
Nang makaubos sila ng dalawang pitsel na cocktail, mukhang hindi pa rin lasing ang lahat. Si Summer lang ang medyo high sa alak. Madilim na, kanina pa. Alas-nuwebe na ng gabi. Hindi niya alam kung paano makakauwi.
“Hatid na kita,” sabi ni Banong.
“Ano ka, hilo? Nakainom ka na.”
Tumawa si Banong. “Ang lamya-lamya ng ininom natin. Tingnan mo, itong mga bata ko buhay na buhay pa. Si Junior lang naman ang mabilis malasing. Kita mo, tulog na.”
Totoo. Tulog na si Junior, habang ang ibang mga kabataan ay mukhang mga normal pa. Si Tonette nga, nagtitimpla pa ng bagong inumin, this time mas matapang. Mukhang sanay sa alak ang mga ito.
“Lasenggo at lasengga ang mga `yan noon, hindi nakakalimot ang mga katawan. Bata pa, eh. Hinahayaan ko lang. Minsan lang naman. Saka dito naman sa bahay. Hindi makakauwi ang mga `yan. Pero ikaw, ihahatid na kita.”
“Sure kang kaya mo pa?” paniniguro ni Summer.
“Hindi kita yayayain kung hindi ako sigurado. Normal ako.”
Mukha naman. Kunsabagay, sa laki ng katawan ni Banong malamang na hindi nga maapektuhan ng alak. Marami din silang umiinom. Kung tutuusin, apat na cocktails lang ang nainom nito. Siya lang ang hindi sanay.
Lumakad na sila. Nagpaalam sila sa mga magulang ni Tonette, maging sa ina ni Banong na papauwi na rin. Inihatid na siya ni Banong hanggang sa farm. Tahimik lang sila pareho. Hindi alam ni Summer kung ano ang sasabihin, kahit gusto sanang itanong sa lalaki kung ano ang nangyari kanina kay Olga nang umiyak ang babae. Ayaw niyang buksan ang ganoong topic.
Nang makaparada ang sasakyan sa tapat ng kanyang bahay, hindi muna siya bumaba. Buhay pa ang makina.
“Gusto mo ng kape?” tanong niya mayamaya.
“Kape para magising na ako kay Olga?”