noveltoon logo noveltoon
Banong Cardinal (Cardinal Bastards Series 9)

Chapter 5

Ch. 5 / 26 May 10, 2025

“D IYOS ko, biyaya ka ng langit, Somerita.”

Ang lakas ng tawa ni Summer sa sinabi ni Banong matapos nitong tikman ang inihanda niyang cake. Walang kaso sa kanya ang paggawa niyon, testing para sa recipe na binuo niya kanina. She put it together in fifteen minutes, with the right equipment, of course. It was a mango and cashew no bake cake. Sa palagay niya, magandang gumamit ng local ingredients. Maraming kasoy sa bayan na iyon at marami ring mangga. Hindi tulad ng karaniwang mango float ang base ng cake, na unang ideya ni Banong, kundi broas at meringue.

“Paano mo ito nagawa? Ang layo ng lasa sa ginagawa nilang Graham cake.”

Summer had to admit there was joy in her heart seeing how happy he was with her cooking. Iyon naman talaga ang gusto niya, ang mapasaya ang mga tao sa kanyang niluluto. Matagal na mula nang huli siyang magluto para sa iba. It was refreshing to see someone who reacted like Banong. Kahit exaggerated, nakakatuwa rin pala.

“Medyo OA ka,” sabi niya.

“Puwera biro, masarap talaga.” Sumubo ito ng isa pa, parang bilib na bilib.

Tumirik na ang mga mata ni Summer. “Siya, sige, nabola mo na ako. Ibibigay ko na sa `yo ang recipe.”

“Ah, hindi puwedeng walang demo.”

“You’ve got to be kidding me—”

“Wala ka naman yatang ginagawa dito. Para sa mga bata,” sabi ni Banong.

Wala sa agenda ni Summer ang ma-involve sa kahit na anong bagay na tulad niyon. Umiling siya. “A recipe, that was the agreement.”

“Sige na, please? Para naman sure nang panalo. Ako ang bahala sa lahat ng ingredients.”

“No.”

“Please?” Pumikit-pikit si Banong, parang tuta na nagpapaawa.

She laughed. “Fine. Anyway, it will probably take just an hour.”

“Thank you! Ikaw na talaga ang biyaya ng langit sa mga bata.”

Na-curious si Summer kay Banong, pero minabuti niyang huwag nang magtanong pa. Magtatapos ang kanilang deal kapag naituro na niya rito ang lahat. Maraming tanong ang lalaki, partikular sa kanya. Pero iniwasan ni Summer na sagutin ang mga iyon. Hindi rin niya alam kung bakit. Siguro, talagang ayaw lang niyang magkaroon ng bagong kaibigan. Her doors were still closed. Nakakadala magbukas ng pinto sa mga tao.

Mukhang nakahalata naman ang lalaki. “Tutulungan kitang maglinis dito.”

“No need. It will be quick. I have a dishwasher.”

“Sige, magpapaalam na rin ako. Salamat talaga. Kailan kaya ako puwedeng bumalik para sa tutorial?”

“I’m here most of the time. Just call ahead.”

“Salamat uli.” Mukhang may gusto pang sabihin si Banong, pero hindi na itinuloy.

Tinawagan ni Summer si Mang Eli para ihatid si Banong hanggang sa labasan.

Napabuntong-hininga siya nang makaalis na ang dalawang lalaki. Naitanong niya sa sarili kung tama ba ang ginawa, pero sa huli ay naisip na walang masama kung makakatulong siya. Isa pa, minsan lang naman iyon.

Naglinis na si Summer, saka nagbabad sa bathtub. Kailangan niyang matutong ma-enjoy ang simple pleasures sa buhay, tulad ng pagbababad sa tub. Habang nakababad, nagsimulang mapuno ng ideya ang kanyang isip. Nagbanlaw na siya mayamaya at hinarap ang notebook. Inilista niya ang mga bagong recipe na naisip, pati ang design ng bagong cookbook. Dahil sanay sa international cuisine, iyon ang naging laman ng kanyang cookbooks sa nakaraan. Ngayon, kakaibang Filipino dishes ang kanyang naiisip gawin. Fusion, pero hindi sa paraang mamumuhunan sa kalabisan, o sa uso. Marami ring chef ang ayaw ng ganoong style, pero sa palagay niya, kalabisan din namang asahan na ang lahat ng panlasa ay magiging katulad ng sa mga tao sa rehiyon na pinagmulan ng isang dish. If fast-food restaurants adjusted their menu to fit the country they were putting the franchise in, Summer believed it can be done in other cuisines as well. Her new cookbook will be inspired by Filipino cuisine. Inspired, but not exactly done that way, a variation.

Naalala niya si Banong at ang restaurant nito. Maybe it was not so bad an idea to teach him a few tricks, if he will teach her a thing or two as well.

She smiled, inspired.

LAGLAG ang panga ni Banong nang malaman kung sino si Somerita. Nalaman niya mula sa Google. Ang sabi ni Mang Eli, chef daw ang amo nito, pero hindi pa rin naintindihan ni Banong kung anong klaseng chef at curious na curious siya. Pagdating sa pagkain, nagtitiyaga siya sa Internet, kahit sa normal na pagkakataon, hindi niya iyon hilig. Wala siyang gana sa Facebook, kahit pa nga maraming likes ang page ng kanyang restaurant. Si Tonette ang nag-aasikaso niyon at ang matiyagang mag-upload ng pictures.

Alas-dos na ng madaling-araw, pero hindi pa rin tapos si Banong manood ng videos ni Somerita sa YouTube. Hindi lang iyong mga tutorial nito, kundi pati ang mga interview at iba pang features sa babae. Kanina pa niya nalaman kung ano ang nangyari sa babae at parang nagtatago ito sa bayan nila. Siniraan ito ng mga tao. Naghukay siya ng mga article tungkol kay Somerita at sa huli, naisip niyang napakabobo ng mga taong naniwala sa mga paninira dito.

Nalungkot siya para kay Somerita. Ang lahat ng pagsisikap nito, nawala nang dahil sa mga taong mapagsamantala. Ganoon talaga ang mundo kung minsan. Kung sino pa ang inaasahan, iyon pa ang gagawa ng kalokohan. Sa kaso ni Somerita, mismong ama nito ang nasa likod ng paninira. Doon pa lang, halata nang may misyon ang matandang iyon. Napanood din niya ang interview ng matanda sa isang talk show. Doon pa lang sa nag-interview ito, duda na si Banong. Dahil bakit kailangan pa ng interview? Nabuwisit siya sa matanda habang umiiyak. Crocodile tears. Sa lahat ng iyon, hindi nagpa-interview si Somerita. Para kay Banong, ipinakita lang niyon kung gaano kalayo ang pagkakaiba ng mag-ama.

Aminado siya na hindi maganda ang mga inilabas na video tungkol sa pagsigaw ni Somerita sa isang empleyado, pero malinaw na nabigla ang babae at hindi rin ito nanlait o nagmura. Pero ang pagsigaw lang nito ang nakita ng mga tao. Siya man ang manakawan habang may guwardiya, baka mapasigaw rin sa inis. And all those people wanted money from the poor woman. Sinira ng mga taong ganid ang mga pinaghirapan ni Somerita. Ngayon, mahigit isang taon na ang babae sa bayan nila, kung pagbabasehan ang tagal ng pagkawala nito sa limelight.

Namumukhaan ni Banong si Chef Summer sa TV, pero aminado siyang hindi ito sinusubaybayan. Ang hilig kasi niyang panoorin, iyong mga Asian cooking show sa YouTube, iyong Indian, Filipino, Malaysian, at iba pa. Mas malapit kasi ang mga putaheng inihahanda sa mga iyon sa kanyang produkto. Ibang-iba rin ang hitsura ni Somerita sa personal kumpara sa TV.

Sa totoo lang, mukhang matanda na si Somerita sa TV, siguro dahil sa makeup. Sa totoong buhay, mukha itong mas bata nang mahigit sampung taon. Simple ang ganda ng babae para sa kanya. Hindi matatawag na “gorgeous” kumpara sa mga nasa TV, pero may kung anong feature ang babae na masarap tingnan. Siguro iyong mukha itong bagong ligo palagi, kahit hindi naman basa ang buhok. The woman looked fresh in real life. Sa TV, mukha itong “tita” na busy sa paghahanda sa Noche Buena.

Natawa si Banong sa naisip, pero totoo. Malayo ang hitsura nito sa totoong buhay at sa TV, kaya hindi niya nakilala agad. Ngayong alam na niya kung sino si Somerita, natuwa siya. Para sa mga bata. Gagawin niya ang lahat para manalo sila at tulungan ng babae hanggang sa huling leg ng kompetisyon. It was the least he can do. Sa totoo lang, ayaw niya ng mga ganoong contest dahil wala siyang laban doon. Mas maigi pa siguro kung basketball. Iyon ang hilig niya. Kasali si Banong sa liga ng barangay at pasimuno rin sa basketball clinic kapag summer. Mahilig talaga siya sa mga bata at sa pagsali sa mga kung ano-anong event at pakulo ng bayan. Pero wala siyang balak kumandidato, kahit pa nga kapag eleksiyon, madalas siyang inaawitan ng mga politiko at nagpapa-endorse sa kanya.

Naniniwala siya na may higit sa pagpapayaman, na parang focus ng mga tao ngayon. Hindi siya naniniwalang nagsisimula at nagtatapos ang buhay ng tao sa pagkita ng pera. There must be more to life. Bukod doon, gusto rin niyang tulungan sina Patricia. Gusto niyang maging ama sa mga ito. Siguro dahil kahit mabait ang kanyang ama, hindi niya naranasang magkaroon niyon. Malapit sa puso niya ang mga kabataang napalayo sa magulang—iyong mga abusado ang magulang, o mga OFW na palaging wala para sa mga ito.

Hindi sigurado ni Banong kung makukumbinse niya si Somerita sa mga misyon niya, pero umaasa siyang makukumbinse itong tumulong. Mukha namang mabait ang babae, nagkataon lang na hindi sila nakapagsimula nang maayos. Sa ngayon, iyon muna ang focus niya. Iyon at si Olga.

Napangiti siya at binuksan ang messaging app sa phone. Nagpadala si Olga ng picture nito sa beach sa Bicol. Nandoon ngayon ang babae, tumitingin ng property na bibilhin. Hindi pa rin siya nito sinasagot, pero willing siyang maghintay. Ang ganda talaga ni Olga. Ang sexy. Ayaw man, biglang nagkaroon ng reaksiyon si Banong Junior.

Patay tayo diyan , sa isip-isip niya. Matagal-tagal na rin siyang walang nakakasama pagdating doon. Akala ng marami, playboy siya. Kahit kailan, hindi siya nambabae. Marami-dami man siyang naging girlfriend, ni isa sa mga iyon walang makakapagsabi na nangaliwa siya. May mga nag-aakusa, pero lahat ng iyon ay kasinungalingan. May ilang ex lang siyang praning.

Habulin ng babae si Banong kahit noon pang bata. Ang sabi ng kanyang ina, hindi man daw niya kamukha ang kanyang ama, nakuha niya ang pagiging habulin nito. Totoo siguro. Hindi nga alam ni Banong kung bakit guwapo raw siya. Kapag tumitingin siya sa salamin, hindi naman niya makita. Hindi siya tulad ng mga kapatid sa ama at sa mismong ama na isang tingin pa lang, makikita na ang dahilan kung bakit habulin. Hindi siya tisoy, hindi ganoon katangos ang ilong, hindi rin smoldering, wika nga, ang mga mata. Ang nakuha lang niya sa ama ay ang tangkad nito at pangangatawan. Pero kahit noong panahong uhugin pa at lampa, tinitilian na siya sa basketball—kahit siya lang sa grupo ang lanky. Iyong tipong kasingkatawan ng cartoon character ni Shaggy.

Matagal bago siya nagkalaman. Noong teenager, kahit anong lamon ang gawin niya, hindi siya tumataba. Nitong huli, kailangan niyang magdahan-dahan sa kakainin dahil nawawala ang pinagpaguran niyang abs kapag gutom na gutom at tutuloy sa Banong’s, kadalasan matapos ang practice sa basketball.

Pride ni Banong ang abs. Kapag may pagkakataon, ipinapakita niya iyon kay Olga. Pasimpleng pagpapasikat lang. Hindi siya ang tipo ng lalaking nagsusuot ng fitting na T-shirt na nakatupi ang manggas para ipakita na siya ay, wika nga ni Tonette, “borta” o “yummy.” Iyon ang kantiyaw nito sa kanya, masyado raw siyang “pa-yummy” kay Olga. Aminado naman si Banong. Siyempre, mahal niya iyong tao. Siyempre, gusto niyang sagutin na siya nito. May nanliligaw ba namang hindi best foot forward? Sa totoo lang, nagkakaedad na silang dalawa, kailangan nang pag-isipan ang pagkakaroon ng anak at pamilya. Excited na siyang pagplanuhan nila ni Olga iyon. Ang maging isang ama? Pangarap niya iyon.

Itinabi na niya ang phone at dumako ang kamay sa zipper ng pantalon. Mayamaya ay busy na siya, laman ng isip si Olga. Pero kung bakit napapalitan ang imahen ng babae sa isip niya. Bakit pumapasok si Somerita?

Nagkibit-balikat mayamaya si Banong. Tumayo siya at tumuloy sa banyo. Hindi na niya inisip ang mga dahilan dahil normal lang naman iyon. May lalaki bang hindi nagpantasya sa gitna ng pribadong sandali sa kung sinong random na babaeng nakilala o nakita sa Internet? Buong magdamag ba naman niyang pinanood si Somerita, natural lang iyon.

Agad siyang nakatulog matapos maligo.

Kinabukasan, maaga siyang tumuloy sa mga suki niya, kasama si Tonette. Nang makapamili, tumuloy na siya sa ibang negosyo. Buong umagang naging busy si Banong, hanggang sa humapon na. Alas-kuwatro, nakapamili na siya ng ingredients para sa usapan nila ni Somerita, bagong paligo na rin. Tinawagan niya ang babae at nang sabihin nitong puwede siyang tumuloy, dumeretso na siya roon. Excited si Banong. Hindi araw-araw na may isang professional chef na magtuturo sa kanya personally. One-on-one. Napakasuwerte niya.

Nang makarating sa bahay ng babae, agad siyang ngumiti rito. “Chef, good afternoon.”

Tumirik ang mga mata ng babae. “Call me Somerita.”

“Hindi ba ‘Summer?’”

“Ah…” Parang walang gana ang reception nito sa sariling pangalan. “I prefer my whole name, thank you.”

Maraming gustong itanong si Banong, pero sa tantiya niya kay Somerita, maiinis ito kapag nagtanong siya tungkol sa mga nangyari dito. Isa pa, ano ba ang paki niya? Gusto lang niyang makitsismis. Hindi siya mahilig sa tsismis, pero kung tungkol kay Somerita, gusto niyang malaman. Siguro dahil interesante itong tao. Nakakalula ang credentials nito. Hindi lang basta chef ang babae, kundi multi-awarded. Naging apprentice din ito ng mga chef na may Michelin stars. Ibig sabihin, nakaranas itong magtrabaho sa loob ng kitchen ng mga sikat na chef sa Europe. Hindi biro iyon. Mula sa dokumentaryong napanood ni Banong, alam niyang mahirap makuha kahit ang pagiging apprentice sa mga ganoong klaseng restaurant. Hindi puwede roon ang tuturuan ka pa, dapat alam mo na. Hindi rin nagtatagal doon ang mga hindi magagaling. Hindi nakakapagtaka kung bakit magaling na chef si Somerita—desidido itong maging chef, matuto, mag-training, masipag. Pero nasira ang pangalan nito nang dahil sa ama.

Suwerte pa rin pala siya, naisip ni Banong. Na kahit hindi niya nakasama ang ama sa pagtanda, hindi naman siya nito pinabayaan, lalong hindi pinerahan, at handang tulungan sa kahit ano. Kusa lang siyang hindi lumalapit dahil mayroon na rin naman siya, bukod sa nakukuhang dividend ng kompanya. Malaking pera iyon buwan-buwan, pumapasok sa kanyang account. Habang si Somerita, hinila pababa, pinagulong-gulong sa putik, at ayon sa nabasa ni Banong na articles, idinemanda pa. Hindi na nakakapagtaka na parang galit sa mundo ang babae noong una silang magkita.

Bigla rin, gustong makitsismis ni Banong tungkol sa boyfriend ng babae. Aminado siyang curious tungkol doon. Totoo ba ang mga balita? Iyon lang kasi ang issue kung saan wala siyang makitang tsismis masyado na puwedeng magbigay sa kanya ng informed opinion kumbaga.

Gusto niyang mapailing sa itinatakbo ng isip. Kailan pa siya naging tsismoso? Noong magsimula siyang magkalaman, eighteen years old, may nag-alok sa kanyang mag-artista. First year college siya noon. Sisimulan daw ang pag-build up sa kanya.

Natawa lang noon si Banong dahil wala siyang balak sumabak sa mundo kung saan lahat ng kanyang galaw ay pag-uusapan, tulad ng sa kanyang ama at kapatid. May mga kapatid siyang artista at sikat na sikat ngayon ang isa sa mga iyon. Bagong pasok sa TV, dahil dating model. Hindi nga niya inasahan na sisikat dahil mukhang sosyal, hindi masa ang dating. Pero ang huling pelikula nito, na-extend ang showing sa sinehan at balita niya ay may ginagawa na naman daw ngayong pelikula. Hindi sila masyadong close. Hindi na dapat asahan sa pamilyang kasinlaki ng sa kanila na may magkakaibang nanay na maging close ang bawat isa.

Pero si Somerita, ano kaya ang totoong nangyari sa boyfriend nito? Totoo kaya na iniwan ang babae at ipinagpalit sa iba? Na ipinagpalit ito sa isang lalaki? Kung ganoon, bakit hindi nahalata ni Somerita na hindi macho ang boyfriend nito?

Baka bi , sa isip-isip ni Banong. Ang tanong pala dapat ay kung nadenggoy ba si Somerita. Bigla siyang nakadama ng simpatya sa babae. Parang lahat na lang ng tao sa mundo, nagtulong-tulong para masira ito.

“Ready na ako, Chef. Exciting ito,” sabi niya, pinagkiskis ang mga palad.

Ngumiti ang babae. “All right, then.” Naglakad ito papunta sa kusina, saka iniabot sa kanya ang isang apron na agad niyang isinuot. “Ano ang uunahin natin? Iyon munang sa `yo?”

“Sige. Para mahusgahan mo rin.” Hindi pa man, parang nahihiya na si Banong. Hindi siya expert sa kusina na tulad ni Somerita. Siguro, masasabing masarap siyang magluto at ipinagmamalaki ang mga putaheng natutuhan sa ina, pero siyempre, iba na ang aral na tulad ni Somerita. “Medyo nahihiya ako, ah.”

Tumawa ito nang malakas. “Bakit naman?”

“Ikaw ba naman ang magiging judge.”

“Let’s see.”

Nagsimula na ngang kumilos si Banong. Ang sarap magluto sa kusina ni Somerita. Kompleto ito sa gamit. Sa labas, may nakita rin siyang brick oven, pero sa loob ng bahay, maliit na version ng isang professional kitchen ang kusina, tulad ng nakikita niya sa TV. May malalaking cabinet na gawa sa kahoy. Apat na pinto iyon. Natuklasan niyang ref at freezer pala ang nasa loob.

Parang napahiya siya nang mapatingin sa babae dahil nakakunot ang noo nito. Inisa-isa kasi niyang buksan ang bawat pinto nang ituro nitong doon niya puwedeng ilagay ang mga ingredients na hindi pa agad gagamitin.

Natawa si Banong. “Pasensiya na, parang ignorante lang. Ang dami mo kasing ref. Na-curious ako.”

Ngumiti si Somerita.

Napakalinis ng ref nito, imposible talaga ang naging paninira dito. Nakahiwalay ang frozen meat sa chilled meat. May ref din itong para lang sa inumin at baked goods. Gusto niyang maglaway sa nakitang cakes at pies doon.

“Sino’ng kakain ng mga cake mo? Ang dami masyado,” sabi niya.

“I made them last night. I was experimenting. You may have some, if you like.”

“Wow. Suwerte ko naman ngayong araw. Ang sarap dito sa kusina mo.” Tiningnan ni Banong ang isang estanteng salamin ang sliding door. Malinis na nakahilera doon ang mga gamit pangkusina. May isa ring pintuan na nilapitan niya. “Puwede kong makita?”

“Sure.”

Binuksan niya iyon at hindi nagkamali—isang malaking walk-in pantry. Hindi iyon puno, pero kompleto sa essentials. Bakit nga naman iyon pupunuin ni Somerita kung nag-iisa ito? Pero lahat ng mga hard to find na ingredients, mayroon ang babae. Ang mga harina, beans, at iba pang grains, may label ang bawat jar. Lahat ng klaseng spice, mayroon. Kahit ang asin nito, iba’t iba ang kulay at size ng granules.

May malaking island ang kitchen. Nahahati iyon sa dalawang bahagi. May malaki at malalim na double sink ang kalahati. Sa ilalim ay nandoon ang dishwasher. Malaking space naman ang kabila, prep area. May mga drawer ang island at doon kumuha ng kutsilyo at chopping board si Somerita. Sa itaas ng island, may nakasabit na iba’t ibang copper pots and pans.

“Sana ganito din ang kitchen ko,” sabi ni Banong. Hula niya, ilang milyon ang halaga ng mga gamit ng babae.

“Would you believe, a lot of these things were gifts,” sabi ni Somerita.

“Ipakilala mo ako sa friends mo.”

Tumawa ang babae.

Nagsimula na si Banong na maghanda. Ang bun bo hue ay noodle soup na may laman ng baka, litid, laman-loob, at buong dugo. May atsuete, bagoong, tanglad, at iba pang pampalasa ang sabaw niyon. Dahil exotic ang category, iyon ang napili niyang gawin. Galing sa Internet ang recipe. Nasubukan na niya. Ang importante, ang magawa ng mga bata ang recipe sa loob lang ng isang oras. Isang oras lang ang time limit ng contest at dapat na nakahanda na at nasukat na ang ingredients bago magsimula ang isang oras.

Inoorasan siya ni Somerita. Sinimulan niyang gawin ang Vietnamese ham na kasama rin sa toppings ng noodles.

“Kailangan mong i-divide ang taong gagawa. Habang gumagawa ka ng ham, dapat nakasalang na ang broth mo. Honestly, I make broths the hard way—eight to twelve hours of simmering bones and vegetables. Puwede bang premade ang broth? Wala namang product na meat flavoring ang Sunny, meron ba?” sabi ng babae.

“Actually, wala. At oo, puwedeng premade ang broth. May listahan silang ibinigay ng mga puwedeng premade na. Ang magiging problema lang naman, eh, iyong tuwalya at bulalo. Pero puwedeng gumamit ng pressure cooker. Maigi ring contact ko si Mang Pol kasi sigurado ako sa mga baka niya, malalambot ang karne,” sagot ni Banong.

“Sino ang magpo-provide ng gamit?”

“Dapat nga `yong school, pero wala namang budget kaya sariling sikap ang mga bata. Meron naman akong gamit kaya walang problema.”

“Do you have an electric kettle? Bring three, just in case. Mainit na tubig na ang ilagay sa pressure cooker bago pa isalang para mas mapabilis ang pagpapalambot at ang pag-steam ng ham. Organization is key. Make smaller hams so they cook faster wrapped in banana leaf. Bring a food processor. Hindi mo na kailangang haluin manually ang ham, mas pino ding lalabas dahil mapo-process.” Itinuro ni Somerita ang food processor nito. “You may try using mine.”

“Hindi ko naisip `yon. Sanay kasi ako sa lamasan ng karne.” Huli na bago naisip ni Banong na ang sagwa palang pakinggan ng sinabi niya. Mabuti na lang at parang hindi naman apektado ang babae. Hindi apektado sa isang lalaking sanay sa lamasang-karne.

`Langyang buhay `to , sa isip-isip niya. Parang gusto niyang mapahiya sa choice of words. Sanay siyang makiharap sa mga empleyado at mga taong walang subtlety sa salita. Parang medyo nahiya tuloy siya. Ingles nang Ingles ang babae, binanatan niya ng lamasang-karne.

“Naku, balik grade one ako nito,” sabi niya, medyo nahiya na naman nang hindi malaman kung paano gamitin ang food processor. Kakaiba ang food processor ni Somerita at sa tatak pa lang, nahulaan na agad niyang manginginig siyang hiramin dahil mil de mil ang halaga, pang-professional. “Magkano kaya ang ganito?”

“You can borrow it, just return it.”

Hindi agad nakapagsalita si Banong dahil nag-aalala ring magbayad ng mil de mil sakaling hindi magamit nang maayos ng mga bata ang food processor. Pero siyempre, kailangan niyang matutong magtiwala sa mga bata. Kaysa naman bumili siya ng cheap version, kung ganoong instant halos ang pagkagiling ng karne. Wala pang tatlong minuto, perfect consistency na ang ham na binalot niya sa dahon ng saging.

Naghugas ng mga kamay si Somerita at nagbalot din.

Hindi maiwasan ni Banong na pagmasdan ang babae. May gracefulness sa pagkilos nito, kahit mabilis. Halatang sanay ang mga kamay. Para siyang nanonood ng isang factory worker, efficient, pulido. Parang candy wrapper ang style ni Banong, habang ang sa professional chef ay parang suman. Itinuro nito sa kanya ang mas mabilis na paraan. Nagme-mental note siya.

“Paano ka natutong gumamit ng dahon ng saging?” tanong niya. “May ganyan din ba sa Europe?”

Ngumiti si Somerita. “Actually, noong bata ako, mahilig si Mama na magluto ng suman. Doon ko ito natutuhan.”

“Nasaan na siya?” tanong ni Banong.

“She passed away a long time ago.”

“Sorry to hear.”

“And your folks?”

“Ang nanay ko, buhay pa at may asawa na. Dalaga siya noong ipinanganak ako. Ang tatay ko, artista.”

Tumawa si Somerita, siguro inisip na nagbibiro siya. Pero nagseryoso rin ito mayamaya. “I’m sorry, I thought you were joking. Sino siya? Kilala ko ba?”

“Dante Cardinal.”

“Oh, wow. You are a Cardinal.” Halatang nabigla ang babae.

“Hindi ko alam kung magiging proud ako o hindi,” pag-amin ni Banong. Bihira siyang magpakilala bilang anak ni Dante Cardinal, kahit pa nga Cardinal ang kanyang apelyido. Kung minsan, iniiwasan lang niya ang matanong. Kadalasan, hindi siya komportable. Kay Somerita, komportable siya.

“Why not? I heard he’s a doting father and grandfather.”

“You heard? Saan?”

“From your brother, Santino. I know him.”

“Ah, oo. Hindi kami close, sa totoo lang. Chef din nga pala siya. Hindi ko siya naisip nang magsimula itong laban namin ng mga bata. Alam ko kasing busy siya. Saka iyon nga, hindi kami close. Ang mahirap kasi sa pamilya namin, nagkakahiyaan din.”

“That must be hard.”

Napabuntong-hininga si Banong. Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Parang lalabas na ang kapal niya kung sasabihin pang oo dahil alam niyang ang kaharap ay mas matindi ang problema sa pamilya.

Nagkibit-balikat na lang siya.