H INDI inaasahan ni Summer na makita si Olga sa bahay niya, pero hayun ang babae. Instinctively, she gazed at where her gun was hidden. Tinantiya niya ang babae sa kabila ng glass door. Mukhang wala naman itong itinatagong armas dahil kung mayroon, siguradong babakat, kung hindi man ay mahihigit agad pababa ang damit nitong hapit sa katawan at manipis ang tela.
Siyempre, naitanong niya kung ano ang ginagawa nito roon, pero parang nahuhulaan na niya. Mukhang galit ang babae, kung hindi man ay hindi maganda ang timpla base na rin sa pagkakasimangot.
Binuksan ni Summer ang pinto. Agad pumasok si Olga kahit hindi pa niya pinapatuloy. May tunog ang naging pag-ismid nito habang pinagmamasdan ang kabahayan.
“So, ito pala ang beer house ng mga tabachoy, mukhang malaking kusina.”
“Beer house?” ulit ni Summer. Hindi man lang nakuhang bumati ng babae. Ang sarap nitong sipain, kung puwede lang sana niyang gawin.
“Hindi ba dito ka na-pickup ni Banong?”
“Hindi ko gusto ang sinasabi mo, Olga. Ikaw ang dumayo dito kaya sana `wag mong gawing madali sa aking pagsisihan na pinatuloy kita.”
“Ang yabang mo, tabachoy! Ikaw ang may kasalanan sa akin!” singhal ni Olga, mukhang handang sumugod.
It took a few seconds before Summer was able to say anything calmly. Hindi pala ganoon kadaling magtimpi sa harap ng babaeng gustong-gusto niyang suntukin sa mukha. Naisip niyang siguro, emosyonal lang ang babae. Siguro naman marunong pa rin itong magpakatao, kaya mas mabuting makapag-usap sila nang maayos dahil wala siyang balak na maulit pa ang engkuwentrong iyon.
“Maupo ka, Olga. Would you like something to drink?”
Mukhang naging handa naman ang babae na makisama. Mukhang kumalma na ito at pinagkrus ang mga braso, saka tumango. “Pasensiya ka na, mainit lang ang ulo ko.”
Kahit paano, nakampante si Summer. Tumuloy na siya sa kusina na walang harang mula sa sala. “What would you like to drink?”
“May beer ka ba?”
Tumango siya. She had everything. Ikinuha niya ng isang boteng beer si Olga at naglabas ng chilled glass. Of course, she had chilled glasses in her separate beverage fridge. Inihain niya iyon sa babae na pumuwesto sa counter. Summer made a pitcher of fresh lemonade. Nakakainit ng ulo ang babae at kailangan niya ng pampalamig.
“So, what brings you here?” tanong niya, kalmado.
“Gusto ko lang sabihin sa `yo na `wag mong tangkaing agawin sa akin si Banong, kung hindi, magkakaroon tayo ng problema.”
Wow. Just wow. Hindi matanggap ni Summer na nagsasalita nang ganoon ang babae sa kanya. Ang lakas din ng loob nito. Pero nanatili pa rin siyang kalmado. Walang dahilan para ibaba niya ang sarili para kay Olga, kahit pa nga parang masarap hilahin ang buhok nito.
“Wala akong inaagaw na lalaki. Hindi ko gawain,” sabi niya.
“Ah, talaga?” Tumaas ang boses ni Olga. “Eh, anong tawag mo sa paglalandi sa boyfriend ko? `Wag mong sabihing wala kang intensiyon dahil amoy na amoy kita, teh . Ang mga tulad mo ang sabik sa lalaki, dahil walang nagkakagusto!” Mukhang sumiklab na naman ang pagkademonya ng babae.
“Wala kang karapatang laitin ako sa pamamahay ko. Pinatuloy kita nang maayos dito, pero ano’ng ginawa mo? Makakaalis ka na.”
“Magkaliwanagan muna tayo, taba. May balak ka bang maging kayo ni Banong?”
“Kung magiging kami, wala ka nang pakialam doon.”
“At ano ang balak mong gawin? Siraan ako?”
“Siraan ka? Hindi ka pa ba sira?” sa inis ay nasabi ni Summer.
“Wala akong kasiraan at alam mo `yan. Ikaw lang ang nag-iimbento ng paninira sa akin!”
Ano ba ang pinagsasabi ng lukaret na ito? Paanong siya ang nag-imbento? “Puwede ba, umalis ka na lang? Kung ano-ano na ang sinasabi mo.”
“Alam kong kaya hindi niya ako tinatawagan, eh, dahil siniraan mo ako!”
“May alam ba akong ikakasira mo? Ni hindi kita kilala. Umalis ka na at please lang, `wag ka nang bumalik.”
“Talagang may alam ka! Ikaw ang nagsabi kay Banong tungkol kay Konsehal!”
“FYI, someone saw you with that man! And it was someone whom Banong trusts!”
“Punyeta ka!” Inabot ni Olga ang pitsel ng lemonade at isinaboy sa kanya ang laman.
Napanganga si Summer sa pagkabigla at nang makabawi ay huli na dahil nagawa siyang lapitan ng babae at sampalin, saka ito tumalikod papunta sa sala. That was it. Hindi siya papayag na hindi lumaban. Hinabol niya si Olga na noon ay kinukuha ang gamit sa sala. Hinigit niya ang buhok nito. Ganoon na lang ang tili ng babae. Nabitiwan nito ang gamit. Summer was surprised. Hindi niya inasahan na ganoon pala kasakit ang kanyang ginawa. Sa pag-aakalang lalaban ang babae, itinulak niya ito nang bahagya, para lang iparamdam na hindi siya aatras sa laban. Umatras ito, mukhang natakot.
“`Wag, Summer,” sabi nito, parang kabado.
Bahagya uli niya itong itinulak sa mga balikat. Bahagyang-bahagya lang dahil sa totoo, hindi siya marunong makipag-away nang pisikal. Pero napasadlak ang babae sa sahig. Ayaw man, apektado siya. She was not a violent person. Natatakot din siya sa sariling pisikal na lakas. Ganoon ba talaga siya kalakas para mapasadlak sa sahig si Olga? Para itong bida sa horror movie na gumapang patagilid habang nakatingin sa kanya, nakataas ang isang kamay.
“Tama na!” sabi nito, parang takot na takot.
What the hell is wrong with this woman? “Umalis ka na! `Wag kang babalik! Kapag bumalik ka uli, mas masasaktan ka pa!”
Agad na tumango si Olga, tumayo, saka mabilis na tumalikod. Kinuha nito ang bag sa accent table sa tabi ng sofa, saka tumakbo paalis. Summer was left wondering what just happened. Nagpasya siyang tawagan si Banong. Hindi na naman niya makita ang phone na sa pagkakaalala ay iniwan sa coffee table. It must be in her room. Tumuloy na siya roon, pero hindi mahagilap ang phone kaya naligo na lang muna dahil nanlalagkit na siya sa lemonade. After the quick shower, she searched for her phone and found it on the kitchen counter. Tinawagan na niya si Banong na agad sumagot.
“Banong, galing dito si Olga.”
“Alam ko. Tinext niya sa akin, tinawagan ko siya. Ano ba’ng nangyari?”
“Basta na lang siya nagpunta dito, `tapos, nang-away na. Sinabuyan niya ako ng lemonade and slapped me, so I pushed her.”
“Bakit nauwi sa ganoon?”
“Hindi ko rin nga alam. Mukha naman siyang kalmado noong time na `yon kahit nagpunta siya ditong galit. `Tapos, kung ano-anong accusations ang sinabi sa akin, na sinisiraan ko raw siya sa `yo. And then she threw the lemonade at me and slapped me.”
“Papupuntahin ko diyan si Tonette para may kasama ka.”
“No need. I have locked my door, and I have guns.”
“Pauwi na rin ako mayamaya. Dadaan ako diyan.”
“I’ll wait.”
She did. But Banong never came that night. He never came the following day. And he did not return her calls.
“HOY, HILDA, kilala mo ba ang mga batang yagit? Alam mo ba kung saan-saan nakatira ang mga `yon?” Aminado si Olga na hindi niya kilala masyado ang mga yagit na kabataang tinutulungan ni Banong. Wala siyang ideya kung sino sa mga ito ang posibleng nagkuwento tungkol sa kanila ni Edsel, pero matindi ang hinala niyang isa sa mga yagit. Mismong si Summer ang nagsabing pinagkakatiwalaan ni Banong ang nagsabi sa lalaki ng tungkol sa kanila ni Edsel, at mismong si Banong ang nagsabi kay Olga noon na kakaunting tao lang daw sa mundo ang pinagkakatiwalaan nito—si Tonette, at ang mga bata. Imposibleng si Tonette ang nakakita sa kanya dahil nakadestino ang baklang iyon sa restaurant sa mga oras na rumampa siya sa motel na malapit sa kanilang bayan. Isang malaking pagkakamali talaga kaya nga hindi na niya inulit. Nagkataon lang na iyong minsan na iyon, talagang tinamaan siya ng matinding L. Sa mga sumunod, naghanap na sila ni Edsel ng mas malayong tagpuan.
“Oo naman,” sagot ni Hilda. Inisa-isa nito ang pangalan ng mga yagit at natigilan siya nang sabihin nito, “Iyong Junior, doon iyon nakatira sa Manggahan. Ang ama, eh, may pa-tong-its, iyong nanay naman tao sa hardware. Pero ang tiyahin n’on, eh, `yong nagpapautang ng bigas sa amin, iyong tagakabilang bayan. Siya `yong nabanggit ko noon na kompitensiyahin mo sa pagpapautang ng bigas. Malaki ang kita. Kahit tagakabilang bayan, dumadayo dito sa atin para lang sa bigas. Itinuro ko na `yon sa `yo noong nakaraan, si Aling Carmel. Basta tagadoon `yon sa may Bliss Ride—”
“Tagasaan?” sabi ni Olga, gustong masamid.
“Sa tapat ng Bliss Ride. Kung gusto mo, puntahan natin. Bilhin mo na lang sa kanya ang listahan niya ng pinapautang dito sa atin. Papayag naman siguro `yon kaysa maglaban pa kayo, eh, di magpapababaan din ng patong. Mababawi mo naman agad. Matagal ko nang sinasabi sa `yo—”
“Saan sa Manggahan nakatira si Junior?”
“Malapit sa simbahan. Bakit?”
“Wala. Gusto ko lang malaman. Sige, magkita na lang tayo mamaya, marami akong kuwento.” Tinapos na ni Olga ang tawag at dumeretso sa simbahan ng Manggahan. May bakery-sari-sari store siyang nakita at sa tindera nagtanong kung saan nakatira si Junior. Salamat at kilala ng tindera, mabilis niyang natunton ang bahay ng bata. Nandoon ito, naglilinis, nag-iisa.
“Ate Olga,” sabi nito, nakakunot ang noo. “Nabisita ka?”
“Patuluyin mo ako.”
Agad nitong binuksan ang gate.
Pumasok si Olga sa loob ng bahay. “Wala kang kasama?” Nang umiling ang binatilyo, agad niyang sinabi, “Alam kong ikaw ang nagkuwento kay Banong ng lahat.”
Hindi na kailangan pang itanggi o i-confirm ni Junior ang lahat dahil kitang-kita sa namutla nitong mukha ang sagot. Nagpatuloy siya. “Kilala mo naman siguro ako, Junior. Masama akong kaaway, pero mabait na kaibigan. Malaki ang kasalanan mo sa akin, pero kaya kitang patawarin kung gagawin mo ang gusto ko. Ngayon, kung hindi mo gagawin, gagawa ako ng paraan para maalis sa trabaho ang mga magulang mo. Madaling ipatanggal ang pasugalan ng tatay mo. Puwede ko ding paalisin sa trabaho niya ang nanay mo. Marami akong koneksiyon dito. Alam mo na siguro `yan sa ngayon.”
Hindi umimik ang lalaki, halatang natakot. Mukha itong first year high school sa liit, mukha ring lampa. Madali na para kay Olga na takutin ito.
“Alam mo ba kung ano ang parusa sa nagpapasugal? Ilegal `yan, baka hindi mo alam. Baka oras na para matigil ang tong-its dito sa Manggahan at makulong ang pasimuno.”
“A-ano po ang kailangan n’yo sa akin, Ate?”
“Simple lang naman. At kapag hindi mo ginawa, ipabubugbog din kita, naiintindihan mo?” Pikon na si Olga, wala nang pasensiya para hindi gawin ang kailangan. Dinaan siya sa paspasan ni Summer. Kumbaga, isu-shoot na niya ang bola nang mabutata nito. Puwes, hindi siya papayag magtagumpay ang tabachoy na iyon. Natawagan na niya si Banong kanina, at ngayon, seselyuhan na niya ang plano. Kapag sila na ni Banong, kailangan nilang makasal agad-agad dahil mukhang balak talagang mang-agaw ni Summer. Hindi siya ang tipo ng babaeng naaagawan. Hindi siya papayag.
MAY ISANG bahagi ng isip ni Banong ang hindi pa rin makapaniwala kahit nakita na niya ang ebidensiya ng pananakit ni Somerita kay Olga, maging ang ebidensiya na pinapunta ni Somerita si Olga sa bahay nito. Parang dalawang magkaibang Somerita ang nakilala niya—isang mabait at isang psychotic na handang gawin ang lahat makuha lang ang gusto. Kabilang na ang manira ng iba, gamit ang isang bata.
Umamin na sa kanya si Junior. Sa isang sulat, inamin ni Junior na gawa-gawa lang nito ang pagkakita kay Olga sa Bliss Ride Motel. Dahil daw iyon sa udyok ni Somerita na nanuhol din ng sampung libong piso. Nanaig ang konsiyensiya ni Junior kaya sa huli, hiyang-hiya man, inamin na ang totoo. Pakiusap na lang niya ritong huwag nang iparating sa mga kasamahan ang lahat. Ayaw ni Banong na malaman pa ng ibang kabataan ang ganoong side ni Somerita, ang iniidolo ng mga ito.
Kulang ang sabihing disappointed si Banong. Galit din siya. Para siyang napaglaruan. Ngayon, hindi na niya alam kung ano ba ang totoo tungkol kay Somerita. Baka lahat ng tsismis tungkol dito noon, totoo. Ano ba ang alam niya? Baka kaya ito umalis ng Maynila ay dahil may mas matitinding ebidensiya pa, baka sirang-sira na ang babae sa marami. Paanong hindi kung ganoon pala ang ugali nito? She was a two-faced bitch. A good one, too.
Nilayuan niya si Olga dahil akala niya, ito ang psychotic. Iyon pala, si Olga ang biktima. Ngayong malinaw na ang lahat, bakit nga naman ito papatol kay Edsel na may asawa? Bukod doon, ikinuwento rin ng babae na madalas itong magkasama at si Edsel dahil may binibiling lupa ang dalawa. He never should have doubted them. Mabait at isang kaibigan ang tingin ni Banong kay Edsel noon pa man. Sa lahat ng politiko sa kanilang bayan, kay Edsel siya may tiwala dahil sigurado niyang hindi corrupt. Madalas mangutang sa kanyang ina ang misis nito. Hindi iyon gawain ng asawa ng isang corrupt official. Sa public school din nag-aaral ang mga anak ni Edsel. No, hinding-hindi siya tatraidurin ni Edsel.
Pero magaling mag-manipulate si Somerita. Ginamit nito ang walang kamuwang-muwang na si Junior. Kaya pala lasing ang binatilyo noong sabihin ang tungkol sa diumano, pagkakita kina Olga at Edsel, dahil gawa-gawa lang nito iyon, isang performace na nagkakahalaga ng sampung libo.
Sa totoo lang, uminit ang ulo ni Banong kay Junior. Hindi ito nagpakita sa kanya nang ilang araw, pero sa huli, pinatawad din niya. Iyon lang, gusto nitong mag-quit sa cooking group. Wala na raw itong mukhang maihaharap pa. Hindi siya pumayag. Ang importante sa pagkakamali ay ang maitama iyon. Itinama ni Junior ang lahat.
Ang iniisip ni Banong ngayon ay ang training ng mga bata. Kung sakaling manalo ang mga ito sa regional contest na magaganap sa susunod na linggo na, kailangang maghanda na ang grupo para sa finals. Walang prepared menu roon, kundi kailangan ng mga batang magdesisyon kung ano ang lulutin ora mismo, base sa category o theme na noon din lang ia-announce. Pagalingan talaga ang laban doon, skills versus skills. Sino ang magte-train sa mga bata? Paano rin niya sasabihin sa mga ito na hindi na si Somerita ang gusto niyang humawak sa training? Paano rin haharap si Junior sa babae?
“Love, okay ka lang?” tanong ni Olga. Sila na. Biglaan ang nangyari na hindi rin inasahan ni Banong. Bigla na lang siya nitong sinagot, kahit technically, hindi na siya nanliligaw. Naisip niyang iyon naman ang kanyang gusto, kaya bakit siya tatanggi? Para kay Somerita na natuklasan niyang literal na luka-luka at gagawin ang lahat para lang makuha ang gusto?
Somerita was the perfect description of a “bad news,” a stalker, someone who was willing to do whatever it took to get the man she wanted. Muntik nang na-trap si Banong sa babae. Ang masaklap, lahat ng taong importante sa kanya, si Somerita pa rin ang gusto. The woman was that great of a deceiver. Ang hirap-hirap paniwalaan.
“Okay lang,” sabi niya kay Olga, bahagyang ngumiti. Naawa siya sa babae. Awang-awa siya rito nang makita ang video. Mabuti na lang at sa huling sandali ng pananakit ni Somerita, nagawa ni Olga na i-on ang phone. Hindi lang maganda ang anggulo ng kuha dahil bumagsak ang phone sa sahig. Weird ang anggulo ng shot, siguro hindi flat ang pagkakabagsak ng phone sa sahig, nakapatong sa carpet o kung saan, kaya hindi perpekto ang kuha. Pero kahit pagbali-baligtarin niya ang screen, malinaw naman ang sinasabi niyon. Nakikiusap si Olga na nasa sahig kay Somerita na sumusugod pa rin. Mabuti at hindi na lumala pa ang sitwasyon, kung hindi, baka sa ospital pa nauwi si Olga. Puro pasa ito sa braso kaya ilang araw nang naka-long sleeves. May galos din sa pisngi at leeg. Kung may ayaw na ayaw si Banong, iyon ay ang violence, lalo na ang pisikal. Masyadong barbaro. Kahit siya nga, hindi na-involve sa mga sakitang ganoon, frat wars, o suntukan sa inuman. Peaceful siyang tao, ayaw niya sa magulo. At napakagulo pala ni Somerita. Isiping muntik na siyang maloko ng babae. Muntik na niyang ipagpalit si Olga rito!
Tumingin siya kay Olga. Nakangiti ang babae. Kung bakit hindi niya maramdaman ang saya na naramdaman noong panahong inisip niyang si Olga ang bruha at nakatagpo ng oasis kay Somerita. May totoong kasiyahan siya roon. Naisip na lang niyang siguro dahil nalulula pa rin siya sa mga pangyayari. Mahirap matuwa sa sitwasyon.
Ilang araw nang nakakatanggap si Banong ng tawag at text message mula kay Somerita, pero hindi niya sinasagot. Iyon siguro ang hindi tama sa ugali niya. May tendency siyang huwag harapin ang isang tao kapag pakiramdam niya ay hindi makakabuti. Sooner or later, kailangan na niya itong kausapin, lalo na at ilang araw na lang, contest na.
“Babalik ako bukas, Olga,” sabi niya, tumayo na. “Ide-date kita, okay?”
Nakangiting tumango ang babae. “The best talaga ang boyfriend ko.”
Naiilang pa rin si Banong sa tawag ni Olga dahil hindi niya iyon maramdaman. Ewan. Nasira na ang ulo niya sa dami ng pangyayari sa kanyang love life noong nakaraang ilang araw lang.
Hinalikan niya sa pisngi ang babae nang ilapat nito ang katawan sa kanya at hagkan siya sa mga labi. Kung bakit bigla, hindi niya gusto ang pagkaagresibo ni Olga, samantalang kung noon siguro nito ginawa, baka nagsisigaw na siya sa galak. Kahit ang paghalik nito, matabang sa kanyang panlasa, hindi tama sa pakiramdam. Pero nahihiya siya sa babae na lumayo kaya hinagkan niya ito. After all, girlfriend niya si Olga. Kahit kailan, hindi naging sila ni Somerita. Walang naging pormalidad ang naganap sa kanila. Mabuti na lang dahil wala siyang balak idagdag sa kanyang pamilya ang isang impakta.
Masakit bansagan si Somerita, pero hindi naman bulag si Banong para hindi makita ang katotohanan. Kung minsan, hindi rin niya maintindihan ang kababaihan. Bakit kailangan ng mga itong pababain ang sarili sa ganoong lebel para lang sa isang lalaki?
Umalis na siya sa bahay ni Olga. Sa sasakyan, hindi niya mapagdesisyunan kung saan pupunta. Pero tumawag si Patricia. Kasama raw nito ang grupo, maliban kay Junior, sa bahay ni Somerita. Uminit ang ulo ni Banong. Parang nahuhulaan niyang manipulated na naman ni Somerita ang lahat ng iyon. Tumuloy na siya sa farm, walang balak maimpluwensiyahan ng babae ang mga bata.