noveltoon logo noveltoon
Banong Cardinal (Cardinal Bastards Series 9)

Chapter 2

Ch. 2 / 26 May 10, 2025

=H ALOS hindi makain ni Summer ang spaghetti sa fast-food restaurant. Nagpunta siya sa bayan para mamili ng grocery. Palaging punong-puno ang kanyang cart sa minsanang paglabas. Gutom na siya kaya tumuloy sa isang fast food, para lang magsisi. Hayun siya ngayon, gustong madismaya. She was a food snob, she can admit that. Kinain na lang niya ang hamburger, kahit naiirita rin doon. She preferred her burger fresh, well done, and without extenders. Pero ano nga ba ang aasahan sa isang fast food? She was not a fan, although chicken nuggets were her guilty pleasure.

Walang nakakilala sa kanya sa fast food at kahit sa grocery. She made sure no one would notice her. Palagi siyang may suot na malaking sunglasses. Wala rin siyang makeup kaya siguro hindi na pamilyar sa mga tao ang kanyang mukha. Makeup did wonders to her face, especially on camera. Marami ang nagsabi na sa camera lang daw siya may hitsura.

She was plain looking. Walang kahit na anong espesyal sa kanyang mukha. Matapos ang lahat ng gulo, makailang ulit niyang nabasa sa comment section ang mga pintas sa kanyang katabaan at hitsura. Ang mukhang endearing dati sa marami—dahil siya raw ang may mukha ng isang nurturing na babae—biglang naging “mukhang losyang” o “mukhang lola.”

Walang ideya si Summer kung ano ang mukhang losyang, pero kung may kinalaman iyon sa kanyang katabaan, puwes, bata pa lang pala “losyang” na siya. She had always been on the heavier side. She was not exactly fat, but she was never slender. A bit overweight, definitely with some love handles. Large ang kanyang karaniwang size sa damit.

“Sinasabi ko naman sa `yo, kailangan ng kaunting pakipot para lalong maghabol. Hayaan mo siyang maglaway para ulol na ulol na `pag sinagot mo.”

Hindi alam ni Summer kung ano ang iisipin nang marinig iyon mula sa bagong upo sa mesa sa kanyang likuran. Maharot ang tono ng babae kahit husky ang boses, hindi niya alam kung nagbibiro o ano. Bahagya siyang sumulyap at nakita ang isang babaeng naka-mini skirt at tube top. Maganda ito, mukhang sosyal, parang hindi bagay ang sinabi sa hitsura. She was a tall and voluptuous woman. Mahaba ang buhok nito, may highlights, maraming suot na alahas pero hindi mukhang cheap. Signature ang bitbit na bag. Ang kasama ng babae ay parang ginagaya ang porma nito, pero hindi na-accoplish. Halata kung sino ang may hawak ng power sa dalawa.

“So gano’n, parang ginagawa mong tuta?” sabi ng kasama nito, tumawa.

“Mismo, besh . Ito ba namang alindog kong ito, madaling bibigay?”

“Pero baka naman magsawa kakahintay sa `yo?”

“Imposible. Laway na laway sa akin `yon. Isa pa, may history kami. Sabi ko naman sa `yo, high school sweethearts kami, `di ba? Nagkahiwalay lang kami noong nag-Japan ako. Hindi ko nga naisip man lang na magkakabalikan pa kami dahil nga sa ex kong maliit ang etits .” Ang lakas ng tawa ng babae.

Gustong mapangiwi ni Summer. Nasa isang lugar sila na maraming bata, pero parang walang pakialam ang babae.

“Ano na nga pala ang balita do’n?” tanong ng kasama ng babae.

“Ano pa, eh, di naghahabol. Ibalik ko daw ang anak niya. Nginaratan ko nga no’ng nag-video call. Ulol ba siya? Isa pa, hindi naman siya ang totoong ama ng anak ko.” Ang lakas ng tawa ng babae, na parang nakakatawa ang lumalabas na panloloko nito sa kung sinong kawawang ex.

“Ibang Hapon ang ama ni Akiro?”

“Oo, `no. Parang hindi naman ako mabubuntis sa ex ko sa liit ng etits . Aabot ba `yon sa matris ko?” Tawa nang tawa ang babae. “Tuwing nakapasok, hindi ko man lang maramdaman. Malalaman ko na lang na tapos na siya kapag basa na ako ng dagta niya. As in ganoon kaliit ang etits . Tiniis ko `yon dahil mayaman. Iyon pala, mas makunat pa sa pekpek ng madre!”

Parang sumakit ang ulo ni Summer sa usapan ng dalawa. Ayaw niyang marinig ang ganoon, pero wala siyang choice dahil mukhang hindi pansin ng dalawa na nasa public place ang mga ito.

“Naku, eh, mukhang hindi mo nga natiis at iba pala ang ama ni Akiro,” sabi ng kausap ng babaeng bastos ang bibig.

Tumawa ang bastos. “Ikaw na magkaasawa ng jutay , ewan ko na lang kung hindi malanta ang rosas mo at maghanap ng ibang didilig.” Kinuha nito ang cell phone mula sa bag. “May text si Bans, oh.”

“Patingin!” Inabot ng kasama nito ang phone. “Wow, nagyayaya mag-Palawan. Gora ka?”

“Siyempre. Libre niya `yan, for sure. Ihahanda ko ang bathing suit ko. Lalo siyang mauulol sa akin.”

Hindi na nakaya ni Summer ang pakikinig sa dalawa. Tumayo siya at umalis na. She was suddenly so mad at that woman. Kahit walang ginagawa sa kanya, parang gusto niya itong sabunutan. How dare she do that to all those people? Ganoon din ba talaga kababaw ang ibang tao na dahil sa ganda, hindi na makita ang masamang ugali? Bakit may kaibigan pa ang babaeng iyon?

She sighed. Hindi siya dapat ganoon kaapektado. It was none of her business. Nagkataon lang na nanggaling siya sa lugar kung saan gusto niyang tapusin ang lahat ng ganoong klaseng tao.

Nang makauwi, idinaan ni Summer sa pagluluto ang inis. She prepared a nice roast. Nang maisalang iyon sa oven, sinalinan niya ng red wine ang isang wine glass. May sariling cellar ang bahay, kahit maliit. Puno pa iyon. She never used cheap wine for cooking. Ever. Hindi lang sa roast niya gagamitin ang alak. She needed a few sips to help calm her nerves.

Hindi niya puwedeng itanggi ang matinding emptiness na bumabalot sa kanyang puso. Kailangan niyang maibalik ang energy na nawala. Pero tulad ng mga pangarap niya, parang wala na iyong balak na bumalik pa.

“Cheers,” mapaklang sambit ni Summer sa kawalan. She finished the glass of wine and poured herself some more.

“ANG GANDA talaga ng bata mo, boss.”

Binatukan ni Banong si Caloy, isa sa mga bataan niya sa bulaluhan-kambingan. “Loko, hindi ko pa girlfriend `yang si Olga. Marinig ka niyan, mayari ako.”

“Pero ang ganda naman talaga niya, boss.”

“ Weh , ano’ng ikinaganda? Por que sexy, maganda na?” hirit ni Tonette habang naggagayat ng gulay para sa gising-gising.

“Mabait siya,” depensa agad ni Banong. Defensive siya pagdating sa babaeng minamahal. Matagal na niyang pangarap si Olga. Bata pa lang sila, ito na ang dream girl niya. Magkaklase sila noong high school at naging sila rin noon. Pero kailangan niyang mag-aral sa Maynila at ito naman ay may iba ring plano sa buhay. Naghiwalay sila, pero may pangakong magbabalikan. Iyon lang, matagal nang panahon iyon at marami nang nangyari sa kanila. Nakapagpakasal na sa iba ang babae, sa isang Hapon. Habang si Banong naman, naging busy sa kanyang mga negosyo.

“Inggit ka lang, eh,” hirit ni Caloy kay Tonette. “Ikaw kasi, kahit anong inom mo ng pills, hindi lumalaki ang dibdib mo.”

“Pati jogabells ko, pinakikialaman mong bastos ka?” Nagtaray na si Tonette. “Tandaan mong tsismis lang na umiinom ako ng pills. Kapag jinombag kita, ano’ng gagawin mo? Ikaw ang inggit sa akin dahil may kargada pa rin ako na mas daku pa sa jutay mong lambutin.”

“Weh,” sabi ni Caloy, pero hindi na humirit. Mas maliit ito kaysa kay Tonette na halos five-nine ang taas, mahilig mag-damit-babae kahit lalaki, mahaba ang buhok, malambot ang kilos, at mahilig sumali sa Miss Gay noon.

Hindi na lang pinansin ni Banong ang dalawa. Araw-araw, nagtatalo ang mga ito. Mahilig mangantiyaw si Caloy, habang si Tonette naman ay pikon sa lalaki dahil nakakaasar daw ang “ kachakahan .” Mortal na magkaaway ang dalawa, palibhasa naging mag-on daw, kahit pa nga hindi umamin kahit kailan.

“Tingnan mo `yong bulalo na nakasalang kung malambot na. Kung hindi pa, dagdagan mo ng tubig, iyong kumukulo,” nakaismid na sabi ni Tonette kay Caloy. “Nang magkasilbi ka naman! Wala kang ginawa dito kundi mantsismis.”

“At ikaw? Wala kang ginawa kundi magtaray,” ganti ni Caloy.

“Eh, kung ikaw lang din naman, hindi ako mauubusan ng gana.”

“Hindi kayo titigil?” sabi ni Banong, naaasar na. “Para kayong mga bata. `Yang away n’yo, `wag n’yong dalhin sa negosyo ko, ha?”

Umalis na nga si Caloy at nagpunta sa malaking kusina ng restaurant kung saan nandoon ang ilang kalan na de-uling na mula alas-singko ng umaga hanggang alas-dose ng hatinggabi ay may baga. Limang oras lang sa isang araw sarado ang restaurant na dinadayo kahit ng mga politiko sa probinsiya. Ilang ulit na rin silang na-feature sa TV.

“Banong’s Bulalo, Kambingan” ang karatula sa labas ng restaurant. Malaki ang karatula, bigay ng isang soft drink company. Sa ilalim niyon, may tarpaulin kung saan nakasulat ang iba pa nilang specialty tulad ng sisig, papaitan, caldereta, morcon, kare-kare, pancit sa bilao, inihaw na seafood, crispy hito, crispy okoy, crispy pata, chicharong bulaklak, at iba pang “pampahaba” ng buhay.

Sikat na sikat ang Banong’s sa kanilang lugar. Palaging bagong luto ang pagkain. May short order din at lutong ulam para sa almusal, tanghalian, at hapunan. Wala silang oras na walang customer. Pagbukas pa lang sa umaga, dagsa na ang mga nagtatapsilog na driver ng tricycle, jeep, at mga biyahero. Malapit sila sa istasyon ng bus, jeep, at pila ng tricycle. Lahat ng iyon, malapit din sa palengke. Lahat ng nagtangkang tumapat sa Banong’s, nagsara. Ipinagmamalaki ni Banong ang sarap ng kanilang mga putahe. Wala silang tapon. Kapag ang isang customer dumating nang pasado alas-nuwebe ng gabi, asahan nang ubos ang lutong ulam. Kapag Christmas season, wala na halos pahinga ang mga tao niya at kailangang kumuha ng iba pang kasama dahil sa season na iyon maraming Christmas party at kadalasan, sa kanila na umo-order ng panghanda, kung hindi man ay sa mismong Banong’s nagse-celebrate. Tatlong taon na ang nakararaan mula nang bilhin niya ang lupa sa tabi ng Banong’s para gawing event center.

Walang sosyal sa Banong’s. Alam ng lahat iyon. Kahit ang event center nila, hindi sosyal, kahit pa nga naka-aircon. May ikinakasal din naman doon at depende na sa ikakasal kung paano ide-decorate ang bakanteng space. Ang amenities lang niya ay iyong tipikal na ginagamit sa party o kaya meeting ng mga opisina. May videoke para sa party, white board para sa meeting, projector, at mga simpleng gamit.

Ang payo kay Banong ng iba, gawing sosyal ang venue. Puwede siguro niyang subukan, pero aminado siyang pangmasa ang kanyang mga putahe. Wala siyang alam sa mga sosyal na pagkain. Paano siya magke-cater sa isang sosyal na kasal kung ang specialty niya, bulalo at papaitan?

Masaya siya sa negosyo. Hindi niya inasahan na maipagpapatuloy ang negosyong sinimulan ng ina noong ten years old siya at mapapalaki nang ganoon. Noon, isang simpleng eatery lang ang Banong’s, may ilang mesa, at maliit na kusina. Araw-araw na nagluluto roon ang kanyang ina, katulong ang isang kaibigan. Kapag Sabado at Linggo, kasama siya nito. Bata pa lang, natuto na siyang magluto. Ayaw ng kanyang ina na umasa sa kanyang ama, kahit pa nga may sustento siya mula rito.

Bilang paggalang sa ina, hindi pinakialaman ni Banong ang perang bigay ng ama. Ginalaw lang niya iyon nang ipahawak na sa kanya ng ina ang Banong’s dahil tumatanda na rin ito, bukod pa sa nag-asawa na. Dalagang ina ito, ang nakabuntis ay isang sikat na actor noong kapanahunan nito. Isa si Banong sa mga bastardo ni Dante Cardinal. Marami siyang kapatid sa labas, at tanggap din naman ng pamilya. Iyon lang, hindi siya masyadong lumalapit sa mga ito kapag hindi naman kailangan. Tumanim sa isip niya ang kagustuhan ng ina—ang tumayo sa sarili nilang mga paa. Alam niya, may sama ng loob ang kanyang ina kay Dante Cardinal.

Ang sabi ng ilan niyang kapatid, ganoon din daw ang ina ng mga ito. Siguro, dahil na rin wala ni isang pinakasalan si Dante Cardinal sa lahat ng mga naging babae nito. At hindi naiiba sa mga iyon ang ina ni Banong. Iba ang kultura noon at isang malaking issue ang maging dalagang ina. At maraming iniwang dalagang ina si Dante Cardinal.

Ang totoo, mabait ang ama ni Banong. Hindi siya nagtataka kung bakit marami itong naging anak sa iba’t ibang babae. Charming si Dante Cardinal, matalino, at marunong magparamdam ng concern sa iba. Ito ang tipo ng taong matatandaan ang pangalan mo sa kabila ng bilang ng ibang mas importante kaysa sa iyo. Si Dante Cardinal din ang tipo ng taong kapag kinausap mo ay hindi aabutin ang phone para makipag-usap sa iba o mag-Internet o mag-selfie, kundi tututukan ka, ipaparamdam sa iyo na makikinig ito kahit ano pa ang sabihin mo. Dante always managed to make people feel that they were important, and whatever they said had worth and needed to be heard. Iyon ang dahilan kung bakit sa kabila ng pagiging babaero, hindi nawawala ang respeto ng mga anak sa matanda. The old man remembered each one of them and called them during their birthdays, sent gifts always, and made sure everyone was included.

Pinalaki ni Banong ang eatery ng ina nang makapagtapos ng college. Buong buhay na siyang “practicumer” ng eatery na nakapangalan sa kanya kaya hindi na naging mahirap para sa kanya na ipagpatuloy iyon. Ang una niyang ginawa: expansion. Hindi lang sa lugar, kundi pati sa menu. Kung noon bulalo, papaitan, at lutong ulam kapag tanghalian lang ang kanilang paninda, ngayon marami nang laman ang menu. Pinuntirya rin niya ang mga handaan kaya nagkaroon ng party package—pancit sa bilao, sapin-sapin sa bilao, pichi-pichi, lechon belly, at iba pa.

Hindi siya tulad ng ibang mga tao na kapag may pera na, tumitigil na sa pagpapayaman, wika nga. Para sa kanya, challenge ang pag-iisip ng negosyo. Sa ngayon, bukod sa mga investment sa stocks, mayroon din siyang tatlong malalaking baking supplies store sa probinsiya. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga anak ng asawa ng kanyang ina. Wala siyang problema sa mga itinuturing na kapatid dahil mapagkakatiwalaan ang mga ito, lalo na at may porsiyento rin sa kita roon.

May tindahan din siya ng LPG, limang botika, at dalawang pawnshop. Lahat ng iyon, nasa lalawigan din. Araw-araw siyang busy. Kailangan niyang puntahan ang mga negosyo, kahit pa ang paborito niya ay ang Banong’s. Sa kabutihang-palad, mabait sa kanya ang mga taong pinagkakatiwalaan. Hindi pa naman siya naloloko nang husto, kahit nakailang ulit na siya ng palit ng manager ng LPG business. Doon lang siya walang mapagkatiwalaan, pero madaling mahuli ang gumagawa ng kalokohan.

Ang pinakamalaki sa lahat ng kanyang mga negosyo ay ang baking supplies store. Milyon ang gross niya roon. May mga nagre-request ng branch sa katabing probinsiya, pero dahil walang mapagkakatiwalaan sa mga iyon, hindi muna niya itinatayo. Baka sakaling kapag nagpakasal na sila ni Olga ay may mairerekomenda itong kapatid o kaibigan.

Napangiti si Banong sa naisip. Masyadong advanced, hindi pa nga siya sinasagot ng babae. Pero nararamdaman niyang malapit na iyong dumating. Hindi naman siguro sila magtatagal ng lokohan kung wala itong feelings sa kanya. Ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit parang pinatatagal masyado ni Olga ang lahat. Siguro, enjoy din naman ito sa kanilang ligawan.

Ang sa kanya lang, matagal na silang magkakilala kaya sana naman huwag na nilang patagalin, lalo na at matagal nang umaangal ang kanyang junior, este… Napakamot siya sa ulo. Tao lang siya at napakaganda ni Olga. Natural na binubuhay ng babae ang lahat ng nabubuhay sa kanya.

“Hmp, hindi ko talaga maintindihan kung ano ang nagustuhan mo sa Olga na `yon, Kuya,” hirit ni Tonette. Kahit kailan, hindi nito itinago ang opinyon tungkol kay Olga. Sa lahat ng mga tauhan ni Banong, si Tonette lang ang nakakapagsalita sa kanya sa ganoong lebel. Siguro dahil para na rin niya itong kapatid. Mas matanda lang siya rito nang tatlong taon. Kinakapatid niya si Tonette, ang ina ay best friend ng kanyang ina. Pareho silang lumaki sa Banong’s. Ang ina ni Tonette ang katulong noon ng kanyang ina sa pagluluto.

“Alam mo namang noon ko pa siya gusto,” sabi niya. Magkaeskuwela rin sila ni Tonette. Nauna lang siya rito nang ilang taon.

“Hindi pa rin ba lumilipas `yan kahit alam mo nang nag-Japayuki?”

“Ano naman ang masama do’n?”

“Seryoso ka?”

“Masyado ka namang mang-judge. Hindi ko siya hinuhusgahan dahil doon. Isa pa, hindi naman lahat ng nagdya-Japan, ganoon,” katwiran ni Banong.

Umismid si Tonette, patuloy na naggayat. “Ang sabi sa akin ng kaibigan kong Japayuki, dalawang klase daw ang mga babae do’n, iyong mga nagpapalabas at hindi nagpapalabas. Ang mga nagpapalabas daw, mayaman na pag-uwi sa Pilipinas. Tingnan mo naman `yang Olga mo, naka-SUV, panay signature ang mga gamit—”

“Nakapangasawa siya ng Hapon.” Nairita na si Banong. “Saka bakit ba masyado kang judgmental pagdating sa kanya? Ikaw nga ang nagsasabi na `wag mag-judge ng mga maiikli ang damit.”

“Iba naman ang maiksi ang damit sa nagbebenta ng katawan.”

“Hindi siya nagbenta ng katawan. At kung sakali man, may mga dahilan siguro siya.”

“So hindi mo pa natatanong?”

Hindi sumagot si Banong. Hindi niya tinatanong ng mga ganoong bagay si Olga. Hindi siya konserbatibong tao. Siguro, para sa marami, hindi acceptable ang ganoong trabaho, pero para sa kanya, hindi iyon matimbang. Ang importante may iba nang hanapbuhay ang babae. Kung ang lahat ng tao huhusgahan ang iba base sa kung ano ang nagawa nito sa nakalipas na panahon, walang mangyayayari. Change is constant, sabi nga.

“Okay na nga sana kung nag-Japan, sa totoo lang. Siyempre, sino ba tayo para husgahan ang gagawin ng isang tao para sa pangangailangan ng pamilya, `di ba?” patuloy ni Tonette. “Pero hindi talaga maganda ang nararamdaman ko sa kanya, Kuya, sorry. May ibang angas ang babaeng `yon at medyo mayabang. Tuwing nagpupunta dito, kung makapag-utos, wagas. Parang kanya na itong Banong’s, hindi pa man.”

“Medyo mataray lang talaga ang dating niya, pero mabait `yon,” giit ni Banong, naniniwala na kapag nakilala ng mga tao si Olga, maiintindihan na normal sa babae ang tono ng pananalita na parang suplada, kahit hindi. May mga taong ganoon kung magsalita, parang galit, pero hindi naman.

“Kuya.”

Napalingon siya sa pintuan ng prep area. Nandoon ang isa sa mga “ampon” niya, si Patricia. Graduating na ito ng high school kahit nang makilala niya ay parang hindi makakapagtapos agad dahil bulakbol. Kasali ito sa grupo ng mga kabataang nabagansiya matapos mahuli sa plaza na nag-iinuman nang dis-oras ng gabi. Kinontak siya ni Aling Ising, isa sa mga kusinera niya, dahil kasali sa bagansiya ang apo nitong si Zander. Nagpunta siya sa presinto, inilabas si Zander, at hindi nakatiis na hindi aregluhin ang mga pulis para mailabas din ang ibang teenager. Magmula noon, naging misyon na niyang siguruhing hindi maliligaw ng landas ang grupo. Kung minsan, mahirap din dahil iba-iba ang pamilyang pinanggalingan ng mga ito. Pero naging parang ampon na niya ang mga bata at kakilala siya ng magulang o kamag-anak ng mga ito. Kasama ang grupo tuwing may outing ang mga empleyado, kapag party, at iba pa. Kapag weekend, ilan sa mga ito ang suma-sideline sa Banong’s.

“O, wala ka bang pasok ngayon?” tanong ni Banong.

“Exam, Kuya, maaga kaming pinalabas. May good news nga pala ako.” Ngiting-ngiti si Patricia nang iabot sa kanya ang isang papel na agad niyang binasa: The search is on for the next chefs!

Napatingin siya kay Patricia. “Gusto mong sumali?”

“Ano pa, Kuya? Bale ang isasali diyan, eh, `yong mananalo sa regional.”

“May regional pa?”

“Galing sa provincial.”

Napatango si Banong. Mukhang malaking contest iyon dahil maraming food products na sponsor. Binasa niyang mabuti ang nakasulat at nagulat nang makita kung ano ang premyo: cash prize na kalahating milyon at scholarship sa isang culinary school sa Maynila, all expenses paid. Dalawang taon ang kurso.

“Medyo maraming makakalaban dito, Pat, kung ganito kaganda ang premyo.”

“Sigurado `yon, Kuya. Luzon, Visayas, Mindanao `yan.”

“Makes sense. Para sa promotion ng mga produkto nila. Walang mechanics. Paano ba sumali?”

“`Yong mananalo po sa school ang isasali sa provincial. Ang mananalo sa provincial ang isasali sa regional. Kukuha ng dalawang representatives mula Luzon, Visayas, Mindanao. Anim ang magiging finalists, Kuya.”

“Sino’ng gusto mong isali?”

“Kaming mga ampon mo, Kuya.”

“At sino ang magtuturo sa inyo?”

“Ikaw. Sino pa?”

Patay tayo diyan , sa isip-isip ni Banong, kahit hindi iyon sinabi dahil hindi niya makuhang alisin ang kasiyahang nakasulat sa mukha ni Patricia. Alam niya, malaking bagay iyon.

Mayamaya, nagsidatingan na rin ang iba niyang mga ampon. Mukhang lahat excited. Ang problema, gusto man ni Banong na tulungan ang grupo, alam niyang hindi papasa sa malakihang kompetisyon ang kanyang kakayahan. Siyempre, kapag pinagsama-sama na ang mga contestant, lalo na siguro iyong mga taga-private school sa Maynila na may mga pambayad ng magagaling na chef, paano mananalo ang kambingan-style niya?

Pinagmasdan niya isa-isa ang mga bata. Mahirap talagang sabihin sa mga ito kung ano ang laman ng kanyang isip kaya siguro, magre-research na lang siya para ma-perfect ang recipe na ituturo sa mga ito. Ang maipapangako niya sa ngayon, sagot niya ang ingredients at kitchen. Kapag nalaman na niya ang eksaktong mechanics ng contest, saka siya magpaplano. Sana lang, manalo ang mga bata.

Nagdala ng inumin si Tonette, kasama ng dalawang bandehadong pancit. Nagsimula nang kumain ang grupo. Mayamaya, itinaas ni Patricia ang baso. “Para sa trophy!”

“Cheers!” sabi ng lahat.

Nakaramdam ng kaba si Banong, pero hindi siya nagpahalata. Kailangan niya ng tulong. Pero saka na niya iisipin iyon, kapag nakapasa na sila sa unang kompetisyon.