P AGGISING ni Agatha kinabukasan ay wala sa tabi niya si Reeve. Bumangon siya at nagpunta sa banyo. Naligo siya at pagkatapos ay nagbihis.
Nakangiti siya habang naglalakad palabas ng kuwarto. Umaasa siyang makikita ang asawa. Pero nagtaka siya nang hindi ito makita sa kusina at maging sa sala.
Nasaan kaya siya?
Narinig niya ang doorbell. Mabilis niyang binuksan ang pinto at nakita ang isang babae na naka-office uniform.
“Good morning, Ma’am,” nakangiting bati ng babae. Maayos na naka-ponytail ang buhok nito habang may hawak na mga folder. “I’m Elisa po. Secretary po ako ng asawa ninyo.”
Nginitian din niya si Elisa. “Good morning, Elisa. Please come in.” Kaya pala parang pamilyar ito sa kanya. Tuwing pumupunta siya sa opisina ni Reeve noong bago sila magpakasal ay nakikita niya ang babae.
Isinara niya ang pinto pagkapasok ni Elisa at sabay silang umupo sa sofa. Magkatapat sila.
“Do you want some coffee or juice?” alok niya.
“No, Ma’am. Thank you na lang po.”
“Hinahanap mo ba si Reeve? Pasensiya na, ha. Wala kasi siya.”
“No, Ma’am Agatha. Actually, pinapunta po ako dito ni Sir para sa inyo.”
Nagtaka si Agatha. “Para sa `kin?”
Tumango si Elisa. “Ma’am, nasa Cebu po si Sir Reeve. Umalis siya kaninang madaling-araw. Nagkaroon po ng isang major problem sa isa sa mga Monteverde Hotel doon. Sobrang urgent po kaya kahit naka-leave si Sir sa trabaho ay pumunta siya sa Cebu.”
Gulat na gulat si Agatha sa nalaman. Umalis pala si Reeve. Bakit hindi man lang ito nagpaalam sa kanya?
“Hindi na po siya nakapagpaalam, Ma’am. Ayaw raw po niya kayong gisingin at sobrang nagmamadali na po siya. Kaya niya po ako pinapunta rito ay para personal na sabihin na baka apat na araw daw siyang mawawala.”
“Four days?” bulalas ni Agatha. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Okay, reasonable ang pag-alis ni Reeve. Pero hindi pa rin niya maiwasang madismaya. Hindi ito nagpaalam sa kanya kahit man lang over the phone o kahit sa simpleng text message. “Can I call him?”
“Sorry, Ma’am. Kapag nasa trabaho po kasi si Sir Reeve, he would turn off his phone. Pero sabi po niya, tatawagan niya kayo oras na may free time siya. Gano’n po talaga si Sir sa trabaho. Tutok po siya sa lahat ng hotels kahit may mga general manager naman na humahawak sa bawat branch. Gusto po kasi niya na maayos ang lahat at walang problema.”
Tumango si Agatha at tipid na ngumiti. “Naiintindihan ko. Priority ni Reeve ang trabaho niya. Thank you, Elisa, for informing me. At least, I know where he is.”
“Ipinagbilin po kayo sa akin ni Sir, Ma’am. Tawagan n’yo lang po ako kahit anong oras na may kailangan kayong ipagawa o anupaman.” Pagkasabi niyon ay nagpaalam na si Elisa at umalis.
Nagpakawala si Agatha ng malalim na hininga. She felt bad. Pero sinabihan niya ang sarili na huwag mainis sa pag-alis ni Reeve nang walang paalam. She needed to be reasonable. Kailangan si Reeve sa trabaho nito. Kahit pa asawa na siya ni Reeve, priority pa rin nito ang trabaho.
Pumasok si Agatha sa kuwarto at humiga sa kama. She felt a little twitch in her heart. Gusto talaga niyang magalit sa asawa. Gusto niyang mainis. Pero wala naman mangyayari kahit gawin niya iyon. Hindi naman uuwi si Reeve para sa kanya.
Hihintayin na lang niya ang tawag nito. Nagdasal siya na sana nga ay maalala siyang tawagan ng asawa.
DALAWANG araw na ang nakalipas ay wala pa ring natatanggap na tawag si Agatha mula sa asawa. Napakalaki nga yata ng problemang kailangang ayusin ni Reeve sa Cebu kaya walang libreng oras para tawagan siya. Tuwing susubukan naman niyang tumawag ay naka-off ang cell phone nito.
Nasa sala si Agatha at pinipilit na aliwin ang sarili sa panonood ng TV. Hindi na rin siya lumabas dahil hindi naman siya mahilig lumabas. Nasa ibang bansa ang kanyang mga magulang at nagbabakasyon kaya wala naman siyang pupuntahan. Her male cousins were all busy. Nagbakasyon din si Trisha at wala naman siyang ibang kaibigan na mayayang lumabas. Anyway, she could bear to be alone in a place. Hindi siya mainiping tao.
Napatingin siya sa gilid ng sala. Nandoon pa rin ang mga wedding gifts na hindi pa nabubuksan. Maayos naman at hiwalay na nakasalansan ang mga nabuksan na. Biglang natutok ang tingin niya sa kahon ng regalo ni Trisha.
Nag-init na naman ang mga pisngi ni Agatha nang maalala ang laman ng kahon. Ano ba kasi ang pumasok sa isip ni Trisha at ang mga iyon ang iniregalo sa kanila ni Reeve?
Inilayo ni Agatha ang tingin sa kahon. Pero mayamaya lang ay napabalik na naman ang tingin niya sa kahon na regalo ng kaibigan.
Tumayo siya at kinuha ang kahon. Binuksan niya iyon. Humugot siya ng malalim na hininga bago hinanap ang unang CD na nakita niya sa loob niyon. Mabilis naman niyang nakita iyon. Kinuha niya iyon, pagkatapos ay pumunta siya sa tapat ng TV. Binuksan niya ang TV at isinalang ang CD sa DVD player na nasa ilalim ng TV.
Napabuntong-hininga na naman si Agatha. Medyo nanginginig na kinuha niya ang remote ng DVD player at saka bumalik sa inuupuan. Pikit-matang pinindot niya ang Play button.
Minutes later ay mainit na mainit na ang buong mukha ni Agatha. Oh, my gosh! Bakit ba kasi niya naisipang panoorin iyon? Pero makalipas ang ilan pang sandali ay hindi na siya naiilang. Nakadalawang replay pa siya sa pinanood.
Just then, an idea popped in her head. Kinuha niya ang kanyang cell phone at nagsimulang mag-dial.
“Hello?” sabi sa kabilang linya.
“Hi, Elisa! This is Agatha.”
“Yes, Ma’am. Do you need anything po?”
“Itatanong ko lang sana kung nakatawag na ba sa `yo si Reeve?”
“Hindi po tumatawag sa `kin si Sir kapag may trabaho siya sa ibang lugar. Kasama naman po kasi niya ang outdoor secretary niya na si Clark.”
Napangiti si Agatha. “Oh. So wala kang communication kay Reeve?”
“Yes, Ma’am. Hanggang sa makabalik lang po siya rito sa office.”
“Okay. Well, can you do me a favor?”
“Yes, Ma’am Agatha. Ano po `yon?”
Sinabi niya kay Elisa ang lahat ng kailangan niya.
“Iyon lang po ba, Ma’am?”
“Yes, Elisa. Thank you,” she said sweetly. Pagkatapos ng tawag ay nagsimula na siyang mag-empake.
SUMASAKIT na naman ang ulo ni Reeve. Sanay naman siya sa mga ganitong sitwasyon kapag nagkakaproblema ang isa sa mga branch ng Monteverde Hotel. Pangatlong araw nang halos wala siyang pahinga. Kapag mayroon siyang spare time ay itinutulog na lang niya. Kapag napapasobra ang idlip ay ginigising na siya ni Clark, his outdoor secretary.
Matagal na palang nagkakaproblema sa Monteverde Hotel Cebu pero ngayon lang itinawag sa main office kung kailan sobrang laki na ng problema. Siya ang ipinadala ng kanyang ama para umasikaso sa problema.
Pinilit naman iyong ayusin ng management ng Cebu pero lalo lang lumala ang problema. Nadagdagan pa ng iba pang maliliit na problema. But so far, nasosolusyunan naman na ang lahat ng iyon ngayon. Kasalukuyan siyang nasa meeting kasama ang buong management ng Monteverde Hotel Cebu. Pasimple niyang hinilot ang sentido habang pilit na iniintindi ang sinasabi ng general manager ng Cebu branch.
Napatingin si Reeve sa labas ng floor-to-ceiling glass window. Sa di-kalayuan ay natatanaw ang Anderson Auberge Cebu.
Bigla siyang napatuwid ng upo.
Damn it! Naalala niya si Agatha. Hindi pa siya nakakatawag sa asawa mula nang umalis siya ng bahay. Damn. Paano niya nakalimutan na may asawa siya?
Mabilis siyang nag-excuse sa meeting at lumabas. Sinundan siya ni Clark.
“Clark, just give me my phone. You need to go back inside to record the meeting.”
“Yes, Sir,” sabi nito, saka iniabot ang cell phone niya.
Pagkabalik ni Clark sa loob ay mabilis na tinawagan ni Reeve si Agatha.
Tunog lang nang tunog ang cell phone ng kanyang asawa. Hindi ito sumasagot. Sinubukan niya ang landline sa kanilang pad. Wala ring sumasagot.
Sinubukan uli niyang tawagan ang cell phone ni Agatha. Pero wala talagang sumasagot. Namasyal siguro sa labas ang kanyang asawa.
“SIR REEVE, wala na po kayong appointment. But the day after tomorrow, you will have a meeting with the department managers. After that, Sir, everything’s clear.”
Napatango si Reeve at nahahapong napasandal sa swivel chair. Sa wakas, makakatulog na rin siya nang maayos.
“Thank you, Clark. You can leave and take a rest.”
“Good night, Sir.”
Pagkalabas ni Clark ay tumayo si Reeve at kinuha ang kanyang cell phone. He saw a text message from Agatha.
Hey, Reeve, sorry I missed your calls. I was taking a shower when you called. Anyway, my phone is broken. Even if you call, I will not be able to hear you. I’m also going to Trisha tonight kaya kung tatawag ka sa pad, wala ring sasagot. By the way, how’s everything there?
Hindi kinahiligan ni Reeve ang pagpapadala ng text message pero nagawa niyang sumagot kay Agatha.
Good evening, sweetheart. All my appointments are done for today. Everything is fine now. Pero sa makalawa pa `ko makakauwi. Are you going home or you’re going to sleep over at your friend’s house?
After a minute, Agatha replied.
Oh! I thought you would not reply to my message. Kanina pa kasing hapon `yon. Anyway, yes, I’m going to sleep over at Trisha’s. It’s already 9PM. Aren’t you going to sleep? I believe you’re really tired.
Pagod si Reeve pero ayaw niyang matapos ang pakikipag-usap kay Agatha. Naglakad siya palabas ng opisina nang abala sa pagre-reply sa text message ng asawa. Sumakay siya sa elevator at pinindot ang button ng twenty-first floor kung saan naroon ang penthouse na tinutuluyan niya.
I just left my office. I’m going up to my room. Yes, I’m tired. I wish you were here.
Hindi niya alam kung tama bang sinabi niya iyon. Pero iyon talaga ang nararamdaman niya. Honeymoon nila pero malayo sila sa isa’t isa. Sa unang pagkakataon ay gusto niyang isumpa ang kanyang trabaho.
Nakarating na si Reeve sa kanyang kuwarto ay hindi pa rin nagre-reply si Agatha. Ibinaba niya ang cell phone sa king-sized bed na nandoon. Sandali siyang nagpalit ng mas kumportableng damit—white cotton shirt at boxer shorts.
Tumunog uli ang kanyang cell phone. Lumapit siya at tiningnan ang text ng asawa.
Oh. You don’t have to wish, Reeve. ;)
Napakunot-noo siya. Ano ang ibig nitong sabihin?
Magre-reply pa sana siya nang marinig ang door buzz. Nagsuot siya ng bathrobe. Lumabas siya ng kuwarto at tinungo ang main door ng penthouse. Baka may papeles na nakalimutan ni Clark na ibigay sa kanya. He opened the door and froze.
“Hi,” nakangiting bati ng babae .
Napako si Reeve sa kinatatayuan.
“Reeve…”
Nagtagis ang kanyang mga bagang at naikuyom niya ang mga kamay. “What are you doing here?” he hissed.
She moved forward. He stepped backward.
“Go away!” he snapped.
She reached for him which made him freeze again. “Calm down. Don’t you miss your first love? Don’t you miss me?” masuyong tanong nito.
Hindi na nakapagsalita si Reeve dahil pinigilan na siya ni Lana ng halik nito…