noveltoon logo noveltoon
Wifely Duties

Chapter (26)

Ch. 27 / 32 Feb 05, 2022

Chapter (26)

CHAPTER TWENTY-SIX

“C

OFFEE?”

Mula sa pagtutok sa laptop ay nag-angat si Reeve ng tingin. “Agatha? What are you doing here?” nagtataka pero nakangiting tanong nito. Tumayo ito mula sa swivel chair at lumapit sa kanya.

“Visiting you,” malambing na sagot ni Agatha. Sinalubong niya si Reeve at hinalikan ito sa mga labi. “Na-bore ako sa bahay kaya naisipan kong puntahan ka. Naistorbo ba kita?”

Umiling ito. “You will never be a bother, sweetheart.”

She smiled. “Good. Because I brought merienda for you.” Itinaas niya ang dalang Starbucks cup na may black coffee at isang paper bag na may lamang cheesecake.

Kinuha ni Reeve ang mga pagkain, saka siya iginiya paupo sa visitor’s couch sa loob ng opisina nito. Ipinatong nito ang mga pagkain sa coffee table at tumabi sa kanya.

Tumayo si Agatha at kumandong sa asawa nang patagilid at yumakap sa leeg nito.

“I missed you,” paglalambing niya. “Hindi tayo nagkita kahapon at saka kanina.”

“Late ka na kasing nagising kahapon at ngayon. Kagabi, maaga ka ring nakatulog. Talagang hindi tayo magkikita.” Inabot ni Reeve ang cup ng kape at uminom doon.

“Nasanay siguro ang katawan ko na laging natutulog nang maaga kahit walang pasok.” Pero late din siya kung magising. Siguro kasi relax na rin ang katawan niya na wala naman nang pasok kaya napapahaba ang tulog niya.

Inilibot niya ang tingin sa buong opisina ni Reeve. Katulad pa rin iyon ng dati na black and white ang dominant colors. Pero may nag-iba. Wala namang nadagdag na kung anuman, so it must be because of Reeve’s new aura.

Masaya si Agatha para sa kanyang asawa. Pero katulad nga ng sinabi niya noon, hindi pa ito “fully healed.” Hanggang ngayon kasi ay umiiwas pa rin si Reeve tuwing pag-uusapan nila ang pakikipag-reconcile nito sa mama nito. Noong una, naisip niya na naging okay naman na si Reeve kina Lana at Prince kaya sigurado siyang madali na para dito na harapin ang ina. But it looked like they needed a lot of time. Reeve was still holding back.

Ano kaya ang puwede niyang gawin para makatulong uli rito?

Inabot ni Agatha ang paper bag at siya na ang naglabas ng cheesecake mula roon at isang plastic fork. Binuksan niya ang lalagyan ng cheesecake. Tumusok siya ng kapiraso at sinubuan ang asawa.

“Reeve, can I ask you a question?”

Tinapos muna nito ang pagnguya sa isinubo niya at lumunok bago sumagot. “Go on.”

“Ahm… What’s holding you back from settling things between you and your mother?” she asked softly.

Napansin ni Agatha na parang natigilan si Reeve, pagkatapos ay nag-iwas ng tingin. Huminga ito nang malalim. “Emotions.”

“What emotions?” Umalis na siya sa kandungan ni Reeve at umupo na lang sa tabi nito.

“Gusto kong pahupain pa ang lahat ng emosyon na puwedeng mabuhay na naman sa oras na kausapin ko siya.” Sumandal ito sa upuan at sinalubong ang mga mata niya. “I’m organizing in my mind all the things I want to ask and say to her.”

Again, Agatha saw in Reeve the eyes of a lost little boy.

“Ayokong kapag kinausap ko siya ay puro panunumbat lang ang gawin ko. Kahit sa tingin ko noon ay iyon ang tama. I know I’ll be angry and upset. May mga tanong ako na natatakot akong malaman ang sagot. Katulad ng bakit nakaya niyang ipagpalit ang pamilya niya sa isang past lover? Alam mo ba `yong pakiramdam na alam mo na ang sagot pero natatakot ka pa ring marinig iyon? `Yong halata naman pero pinaniniwalaan mo pa ring may iba pa ring ibig sabihin?”

Inabot ni Agatha ang kamay ni Reeve at marahang pinisil iyon.

“Hindi lang naman kasi ito para sa akin. Gusto ko ring malaman kung bakit niya iniwan si Papa na mahal na mahal siya.”

Agatha saw the sadness in Reeve’s eyes and heard it in his voice. “Kung nandoon ka lang sa bahay nang mga panahong iniwan kami ni Mama, araw-araw na tahimik na umiinom si Papa. Magsisimula siya sa umaga bago ako pumasok sa school. Pag-uwi ko, nandoon pa rin siya. Hindi na siya pumapasok sa trabaho noon. Ganoon lang si Papa nang isang buong taon. `Buti nga at hindi bumagsak ang Monteverde dahil sa mga kapatid niya na nag-take over muna. Halos hindi makausap si Papa noon.”

Humugot ng hininga si Reeve. “What hurt me most was every night in his bedroom, I always heard him cry. Sinisisi niya ang sarili niya kasi hindi niya nagawang pasayahin si Mama. Sinisisi niya ang sarili niya kasi... paano na raw ako? Wala na akong ina dahil sa kanya.”

Parang sumikip ang dibdib ni Agatha at parang naramdaman din niya ang sakit sa boses ng asawa.

“All along, I thought nagpapakalasing si Papa dahil brokenhearted lang siya kay Mama. Iyon pala, iniisip niyang wala siyang kuwenta dahil pinoproblema niya kung paano na lang ako na wala na si Mama? Mahal na mahal ako ni Papa at gustong-gusto kong isisi kay Mama ang lahat. The first year without her was hell for my father and me. But we had to go on with our lives. One day, Papa stopped drinking. He went to work, then came home early to make sure that we would eat dinner together. Suddenly, he became the best father in the whole world. Mula pagkabata naman ay malapit na ako kay Papa kaya nang mawala si Mama, mas naging malapit kami sa isa’t isa.”

Malungkot na napangiti si Reeve pagkatapos. “So, it was not all about me but my father. How come my mother didn’t see how awesome a man he is?”

“Your father and mother are okay now. Remember Papa Roman’s birthday? Nandoon si Mama Leona.”

“And that made me really think. Paano nagawa ni Papa na patawarin si Mama nang gano’n-gano’n lang? Bakit ang bilis lang para sa kanya na kalimutan ang lahat ng nangyari?”

“Kasi naisip siguro ng papa mo na magiging mabuting simula para sa `yo kung siya ang unang magpapatawad sa mama mo. And because your father loves her.”

Sarkastiko itong ngumisi. “How come he still loves her despite the fact that my mother is happy with another man? Ganoon siya kamartir?”

Marahang umiling si Agatha, then she gently cupped his face with her hands.

“Reeve, your father is not a martyr but a man who knows the meaning of love. Kapag nagmahal ka, wala ka dapat inaasahang kapalit katulad ng mamahalin ka rin ng taong mahal mo. Loving is about being selfless. Hindi ko sinasabing ibibigay mo ang lahat ng meron ka sa kanila hanggang sa magmukha ka nang tanga. Pero ibibigay mo kung ano ang sa tingin mong ikabubuti nila. Your father just did what he thought would be better for your mother and you. And now, it’s time to hear your mother’s side of the story. And I know that deep within you, you love her. Let that love take away your anger and pain.”

“I’m trying.”

“Let’s try harder.” She kissed him on the forehead. “I love you.”

Niyakap siya ni Reeve. “I’ll try harder, I promise. I’ll pray harder. And I love you more.”

“Now, can I ask you a question, too?” he said.

“All right.”

“Is it hard to remain in love with me before, even though you know that I might not love you?”

“No,” matapat na sagot ni Agatha.

Ngumiti na si Reeve. “How come?”

“Kasi, kung hindi mo napapansin, malambing ka naman sa `kin. Saka nakikita ko naman ang efforts mo para mag-work out ang marriage natin. Kahit minsan ay suplado ka at masungit kapag ang dami mong ginagawa. Alam ko, it would take time before you learn to love me. But it’s fine with me. Kahit hindi mo rin ako matutuhang mahalin, okay lang din. Kasi mabait ka namang asawa,” sabi niya. “Plus a really great and passionate lover,” pilyang dagdag niya. “Ang guwapo-guwapo pa. Ano pa’ng hahanapin ko, `di ba?”

“Wow,” komento nito. “How about my hang-ups?”

“We all have different angst in life. You just need a little push to overcome it. Kaya kahit minsan, hirap akong ipa-open sa `yo ang nararamdaman mo, naghintay na lang ako. And I know you’re capable of loving because there’s Lana in your past. You’ve been in love once and that only means you have a soft spot right here,” sabi niya, sabay turo sa tapat ng puso nito.

“Hindi ka ba nakakaramdam ng pagod sa pag-intindi sa `kin?”

“Hindi. Hindi ako mapapagod pagdating sa `yo.”

Ngumiti si Reeve at napansin niyang bahagya itong namula. Nag-iwas ito ng tingin pero nanatiling nakangiti. He was so cute!

Agatha giggled and lightly pinched his cheeks. “Kinilig ka sa sinabi ko, `no?” panunukso niya.

“I just didn’t expect that you love me that much, even though you’re not sure of my feelings towards you. I admit, natakot din akong baka mapagod ka sa `kin katulad ng iba.”

“Medyo paranoid ka, `no?”

“Natatakot lang akong mawala ka rin sa `kin. But I won’t let that happen. Not in this lifetime. Not ever.”

“OH, MY

gooossshh

!”

Napatakip ng tainga si Agatha sa malakas na tili ni Trisha. Napatingin tuloy sa kanila ang mga estudyante na members ng drama club na kasama nito sa pagre-rehearse.

Naisipan niyang puntahan si Trisha sa dati nilang eskuwelahan kung saan nagpa-practice ang mga ito. Tiyempong long break ng mga kasali sa play kaya nakakapagkuwentuhan sila ngayon ng kaibigan.

Katatapos lang niyang ikuwento ang lahat mula nang magtapat sa kanya si Reeve.

“Kayo na! Kayo na talaga!” sabi ni Trisha, sabay mahinang hampas pa sa braso niya.

Natawa na lang si Agatha. “I really didn’t expect it. But, yeah, I’m so happy.”

Niyakap siya ni Trisha nang mahigpit. “And I’m so happy for you, too! Na-in love na siya sa `yo nang hindi mo pa inuumpisahan ang misyon na ma-fall siya sa `yo. See? `Yan ang destiny!” Hinarap siya nito. “So, ano? Happily ever after na ba?”

“Not yet. Reeve still has issues with his mom. Pero nangako naman na siya sa `kin na malapit na rin niyang kausapin si Mama Leona. Ikaw ba?”

“Anong ako?”

“Kailan ang happy ending ng iyo?”

Tumaas ang kilay ni Trisha. “Girl, walang story na maikukuwento. Kaya paano magkakaroon ng ending kung wala ngang umpisa?”

“Ha? Hindi n’yo pa ba sinisimulan ni Prince?” she teased.

Pinaikot ni Trisha ang mga mata. “As if! Hindi happy ending kapag sa `min. Maiinis lang ang magbabasa.” Tumayo ito. “Sandali lang, ha. May kukunin lang ako sa storage room.”

Tumango na lang si Agatha at hinayaan muna ang kaibigan. Trisha was her best friend pero marami pa rin itong itinatago sa kanya. Maybe in time Trisha would tell her about it.

“Agatha?”

Napalingon siya. “Lana!”

Nakangiting lumapit ito sa kanya. “What are you doing here?”

“Binisita ko lang si Trisha. Ikaw?”

“May ipinapadala kasi si Prince galing sa bahay. Walang ibang magdadala kaya ako na lang. Abusive brother.”

“Nakita mo ba siya?” tanong ni Lana.

Umiling siya. “Si Trisha pa lang ang nakikita ko mula kanina.”

Tumango-tango si Lana. “I’ll try to call him.” Inilabas nito ang cell phone at tinawagan si Prince. Mayamaya ay may narinig silang pagtunog ng phone galing sa isang sports bag malapit sa kanila. Sabay pa silang napatingin doon.

“Bag `yan ni Prince,” sabi ni Lana. Ibinaba nito ang cell phone at tumigil din ang pag-iingay ng cell phone sa loob ng bag. “Nasaan kaya ang lokong `yon?”

“Tanungin na lang natin si Trisha pagbalik niya. Pumunta lang siya sandali sa storage room.”

“Mabuti pa nga.” Umupo si Lana sa tabi niya at nakipagkuwentuhan. Matagal-tagal na rin silang nagkukuwentuhan nang may itanong ito.

“Ahm, Agatha?”

“Yes?”

“Pinsan mo si Dylan Guevarra, right?” tanong ni Lana.

“Oo. What about Kuya Dylan?”

Nag-iwas ng tingin si Lana, parang hindi mapakali.

“Are you all right?” nag-aalalang tanong niya.

“A-ah… Yes, of course!”

Napangiwi si Agatha sa biglang pagtaas ng boses nito.

“S-sorry. Ano lang… Ano kasi…” Tumikhim si Lana. “Makulit siya. Gano’n ba talaga siya?”

Napakunot-noo siya. “Magkakakilala kayo ni Kuya Dylan?”

“Not really. I just met him a month ago? Yeah… right.”

Naguluhan siya sa sinasabi ni Lana. “Paanong makulit si Kuya Dylan? Nililigawan ka ba niya?” nangingiting tanong niya.

Mabilis na umiling si Lana. “No. No, of course not!”

Lalo siyang napangiti sa reaksiyon nito. “Saan ka niya kinukulit?”

Bumuka ang bibig ni Lana para magsalita pero muli ring itinikom. “Well, never mind. Kapag biglang nawala ang pinsan mo, paniguradong nakatay ko na siya, ha.”

Natawa si Agatha. “Ang alam ko, hindi naman nangungulit si Kuya Dylan sa isang bagay unless gustong-gusto niya,” makahulugang sabi niya na biglang ikinabaling ni Lana sa kanya, pagkatapos ay agad ding nag-iwas ng tingin.

Tumingin ito sa suot na wristwatch. “Thirty minutes na ang nakalipas, Agatha. Bakit hindi pa bumabalik si Trisha?”

“Oo nga, ano?” Tumayo siya. “Susundan ko na lang siya sa storage room,” sabi niya. Alam naman niya kung nasaan ang storage room ng drama club.

“Sama na ako sa `yo. Baka sakaling makasalubong ko si Prince.”

“O baka magkasama sila.”

Nagpalitan sila ng makahulugang tingin, pagkatapos ay nagtawanan. Nagsimula na silang maglakad papunta sa storage room na medyo may-kalayuan at wala nang nagdadaan na tao.

Pagbukas ni Agatha ng pinto ng storage room ay pumasok sila at binuksan niya ang ilaw. Sabay silang napatili ni Lana sa nakita.
Mabilis namang naghiwalay sa paghahalikan sina Trisha at Prince.

“Oh, don’t close the—”

Dahil sa pagkagulat nila ni Lana sa nakita ay nabitawan ni Agatha ang door handle at sumara ang pinto.

“Door,” nanghihinang sabi ni Prince pagkasara ng pinto.

“What are you doing?” natatawang tanong ni Lana.

Nagkatinginan sina Trisha at Prince.

“Nothing!” sabay na sagot pa ng dalawa.

“Nothing. Just kissing. Gano’n?” tukso niya.

“Agatha!” saway sa kanya ni Trisha, saka lumapit. “Hindi mo ba alam na nakakulong na tayo ngayon dito?”

Nanlaki ang mga mata niya. Napalingon siya at nakita si Lana na pilit na pinipihit ang doorknob.

“Okay, were stuck,” sabi nito. “Mukhang sa labas lang nabubuksan ang pinto.”

“Kanina pa kami nakakulong dito kaya hindi agad ako nakabalik. We called for help pero wala namang nakakarinig sa `min dito.”

“We left our phones sa rehearsal studio. Kaya hindi rin kami makatawag ng tulong,” dagdag pa ni Prince.

Agad na inilabas ni Agatha ang cell phone sa kanyang bag pero nanlumo siya nang walang makuhang signal. Napatingin siya kay Lana na nakatingin din sa phone nito.

“Walang signal dito,” sabi ni Lana.

“So, how do we get out?” tanong niya.

“We have to wait until someone opens the door again,” sagot ni Prince.

Napaupo si Agatha sa isang wooden table na napapatungan ng kung ano-anong props. Tumabi sa kanya sina Lana at Trisha. Medyo malaki ang storage room at may maliliit na bintana kaya hindi ganoon kainit.

“Ano’ng gagawin natin ngayon?” tanong ni Lana.

“It’s boring in here!” reklamo ni Trisha.

“Ah… Kaya pala…” sabay pang sabi nila ni Lana nang makahulugan.

Namula si Trisha at biglang binato si Prince ng isang prop.

“Aray!” daing ni Prince. “Huwag ka kasing guilty!”

“Walanghiya ka!”

“Kaya pala hinalikan mo `ko kanina,” nang-aasar na sabi pa ni Prince.

Hindi nila napigilan ni Lana ang matawa. Mukhang hindi sila maiinip dahil kina Trisha at Prince.

“PINAKAKINATATAKUTAN na bagay o hayop o tao?” tanong ni Trisha.

“Rats,” sagot ni Lana.

“Snakes,” Agatha said.

“Ang mawala ka?” nakangising sagot ni Prince habang nakatingin kay Trisha.

Sumimangot si Trisha na ikinatawa nina Agatha at Lana.

Naglaro na lang sila ng question-and-answer para hindi mainip. Mahigit kalahating oras na rin silang nasa storage room at parang walang mga estudyante sa labas na nakapansin sa pagkawala nina Prince at Trisha sa rehearsal. Baka raw hinahanap na rin ang dalawa at hindi lang alam ng iba na nandoon sila sa storage room. They tried shouting for help pero napagod lang sila sa ginawa.

Sabay-sabay silang napatayo nang bumukas ang pinto at may pumasok na dalawang tao.

“Reeve!” masayang sabi ni Agatha, saka nilapitan ito. Nasobrahan yata siya sa excitement dahil sinugod niya ang asawa ng yakap. Sa ginawa niya ay nabitawan nito ang handle ng pinto.

Napatili sa frustration si Trisha nang ma-lock na naman sila.

“Oh, boy. Looks like magtatagal pa tayo rito,” komento ni Prince.

“Bakit?” tanong ng kasama ni Reeve na walang iba kundi ang pinsan pala niya!

“Kuya Dylan?”

“Oo. Kanina pa, Agatha. Ngayon mo lang napansin?” natatawang sabi nito. “Sandali, bakit dito sa storage room kayo tumatambay?”

“Sana nga tumatambay lang kami,” sabi ni Trisha. “Once the door closes, ang mga nasa labas lang ang makakabukas niyan.”

“Oh.”

“I’m so sorry,” paghingi ni Agatha ng tawad. Dapat kasi sinabihan agad niya si Reeve na huwag bibitawan ang pinto.

“Hayaan na natin,” sabi ni Reeve. “Nagtanong ako sa mga bata sa labas kung nakita ka nila. Sabi nila, nakita raw nila kayo na pumunta dito. So, most probably, alam ng mga bata na nandito tayo.”

“Ugh! Gusto ko nang makalabas!” frustrated na sabi ni Trisha.

“Malapit na siguro tayong makalabas,” sabi naman ni Prince. “Meanwhile, i-welcome natin ang mga bago nating kasama!” sarkastikong sabi nito.

“O, Lana, nandito ka pala,” sabi ng pinsan niya. “Kumusta? Ang tagal mo rin akong pinagtaguan, ah.”

“Lumayas ka nga sa harap ko,” masungit na sabi ni Lana.

Napatingin silang apat sa dalawa.

“I smell something fishy,” komento ni Prince.

“Anyway, ano’ng ginagawa n’yo rito ni Kuya Dylan?” tanong ni Agatha sa asawa.

“Nalaman niya kanina na pupunta ako rito. Susunduin sana kita. Sumama siya dahil may kakilala raw siyang nandito rin.” Sabay pa silang napatingin kina Kuya Dylan at Lana na nagtatalo na. “Parang kilala ko na kung sino ang pinuntahan niya.”

“`Ayan, may bagong loveteam na!” parang natutuwang sabi ni Trisha kina Lana at Kuya Dylan.

“Ano ba’ng pinagsasasabi mo, future sister-in-law?” pang-aasar ni Lana.

“No way, Lana.”

“Pakipot,” parinig ni Prince kay Trisha.

“Ganyan talaga, Prince. Mga pa-hard to get,” sabi naman ng pinsan niya, sabay sulyap kay Lana na inirapan lang ito.

At tuluyan na ngang umingay ang storage room dahil sa parang mga teenager na pag-aasaran ng mga kasama.

Nagkibit-balikat na lang sila ni Reeve. Sumandal ang asawa niya sa dingding at hinila siya pasandal sa katawan nito. Pumulupot ang mga braso nito sa kanyang baywang mula sa likuran.

“Sshh! Silence, everyone!” sabi ni Prince. “Ituloy na lang natin `yong nilalaro natin kanina. Para hindi tayo mainip.” Mabilis nitong ipinaliwanag kina Reeve at Kuya Dylan ang simpleng instructions.

“Okay, let’s start!” sabi ni Prince. “Dylan, mauna ka nang magtanong.”

“All right!” Nag-isip muna ito bago napangiti. “What’s the name of your first love?”

An awkward silence came.

“Why? May mali ba sa tanong ko?” tanong ng pinsan niya nang mahalata ang awkwardness.

Sabay-sabay pa silang nagsiiling. Napatingin si Agatha kay Lana na siyang unang sasagot.

“Reeve,” matapat na sagot ni Lana.

Napatingin si Kuya Dylan sa asawa niya, pagkatapos ay kay Lana. “Oh.”

Another silence came.

Tinapik ni Agatha ang kamay ng asawa.

“Lana,” sagot naman ni Reeve.

“Oh,” komento na naman ng pinsan niya na parang na-gets na kung ano ang uncomfortable sa tanong nito.

Ngumiti lang si Agatha. “Reeve Leonardo Monteverde,” sagot naman niya, binuo pa ang pangalan ng asawa. Naramdaman niya ang masuyong pagdampi ng mga labi ni Reeve sa kanyang buhok.

Napatingin silang lahat kay Trisha. “`Wag n’yo `kong i-pressure!”

“Tiningnan ka lang, eh,” natatawang sabi niya. “Sagot na kasi.”

“D-Duke…” mahinang sabi nito.

Napansin ni Agatha ang palihim na pagngiti ni Prince. Sasagot na rin sana si Prince nang biglang bumukas ang pinto.

“Nakulong po pala kayo dito! Sabi ko na nga ba, eh,” sabi ng isang lalaking estudyante.

Mabilis na lumabas sina Trisha at Prince. Sumunod naman na sila at nagpasalamat sa teenager. Hindi lang sila nito naisalba sa pagkakakulong kundi pati na rin sa tensiyon na namumuo sa loob.

Mayamaya ay nagpaalam na sila ni Reeve na uuwi na. Nagpaiwan ang pinsan niya at may kakausapin pa raw na halata namang si Lana.

Naglalakad na sila ni Reeve palabas ng school building ng dati nilang eskuwelahan nang may maalala si Agatha. Bakit ang cell phone lang niya ang hawak niya?

“Reeve, may bag pala akong dala. Sandali, babalikan ko lang,” nagmamadaling sabi niya. “Mauna ka na sa kotse. Susunod na lang ako.”

Tumango ito.

Mabilis siyang bumalik sa rehearsals studio ng drama club nang biglang mapahinto.

“Ah, si Reeve pala ang first love mo? At asawa na siya ng pinsan ko. How tragic,” narinig niyang sabi ng Kuya Dylan niya.

Nagtago siya sa isang tabi nang makita ang dalawa.

“Wala ka nang pakialam doon, Dylan. Tigilan mo `ko, puwede?” parang naasar na sabi ni Lana.

“Hindi ka pa naka-move on.”

Hindi niya narinig ang sagot ni Lana.

“You still love him, don’t you?”

“No one will care, Dylan, if I still love him or not.”

“You know what? Kahawig mo si Agatha. Unang tingin ko sa `yo, akala ko ikaw siya. And I’m wondering, naka-move on na rin kaya si Reeve sa `yo kung pinakasalan niya ang pinsan ko na halos kamukha mo?”

Natigilan si Agatha sa kinatatayuan at nabitawan ang hawak na cell phone.

Pero hindi iyon tuluyang nalaglag dahil mabilis din niyang nasalo. Mabilis na lang siyang umalis sa kinatatayuan at dumaan sa kabilang bahagi ng building para hindi makasalubong ang dalawa.

Mabilis ang paglalakad niya habang nakatingin sa daanan. Pilit niyang inaalis sa isip ang mga sinabi ng pinsan.

Kilala niya si Kuya Dylan. Magaling itong mag-obserba ng mga bagay-bagay sa paligid nito. Sa kanilang magpipinsan, nalalaman nito kung kailan may naasar na o nagagalit na kahit hindi ipinapahalata.

Hindi niya alam kung paano ito nakabuo ng tanong sa isipan kung pinakasalan lang ba siya ni Reeve dahil nakikita nito si Lana sa kanya. May napansin ba ito kina Reeve at Lana kanina?

Ipinilig ni Agatha ang ulo, pilit na inaalis sa isipan ang mga narinig. Hindi totoo iyon. It must be a rare coincidence na magkamukha sila ni Lana at siya ang itinakdang pakasalan ni Reeve. Her husband loved her now. Naniniwala siyang mahal siya ni Reeve bilang siya at hindi bilang ibang tao.

Mahal ako ni Reeve. Mahal ako ni Reeve…

paulit-ulit niyang chant sa isip.

Pero unti-unti na siyang binabalot ng pagdududa.