noveltoon logo noveltoon
Wifely Duties

Chapter (24)

Ch. 25 / 32 Feb 05, 2022

Chapter (24)

CHAPTER TWENTY-FOUR

A

GATHA had finished playing her piano piece when she heard a clap. Mabilis siyang napalingon sa pag-asang si Reeve ang makikita.

“Ang galing talaga ng kapatid ko!”

Nalaglag ang mga balikat niya. “Hi, Kuya Johann,” bati niya.

Lumapit ito at umupo sa tabi niya sa harap ng piano. “Ang galing-galing mong tumugtog kanina,” puri nito.

“Thank you,” pasasalamat niya. “I’m glad you came today, Kuya.”

“Siyempre naman. First time ko yatang makikita ka na tumugtog. I’m so proud of you. Kaya smile ka na diyan.”

Kanina pa natapos ang piano recital. Alas-siyete na ng gabi at nagpasya si Agatha na magpaiwan sa loob ng music hall. Umaasa kasi siyang pupunta pa rin si Reeve kahit tapos na ang recital. She felt a little down. Kahit kasi malaki ang posibilidad na hindi talaga makarating ang asawa ay umasa pa rin siya na makakahabol ito—na pipilitin nitong makapunta para mapanood siya.

Inakbayan siya ng kuya niya. “Turuan mo naman ako kahit ‘Twinkle-twinkle’ lang.”

Napangiti na si Agatha. Dapat maging thankful na siya dahil nandoon ang kapatid niya para mapanood siyang mag-perform kanina. Natawa pa nga siya nang pagkatapos niyang tumugtog ay sina Johann at Trisha ang may pinakamalakas na palakpak para sa kanya. Speaking of Trisha, mabuti pa ito at pinuntahan ni Prince kanina kahit na walang relasyon ang dalawa.

“Ganito `yan.” Inabot niya ang isang kamay ng kapatid at ipinatong sa mga keys ng piano na tutugtugin nila. Sinimulan niyang ituro ang pagkakasunod-sunod ng mga kailangan nitong pindutin sa piano.

Nagtatawanan na sila nang makailang beses na hindi talaga nito makuha ang pattern na itinuturo niya.

“`Yon, o!” sabi ni Johann nang sa wakas ay nabuo rin nito ang pagtugtog ng nursery rhyme. “Nakuha rin sa wakas. Whew!” Kunwari ay nagpunas ito ng pawis sa noo. “Pinagpawisan ang kilikili ko do’n, ah.”

Inihilig ni Agatha ang ulo sa balikat ni Johann. “Thank you for cheering me up.”

He patted her head. “Basta ikaw.”

“Agatha.”

Sabay silang napalingon ni Johann.

“Reeve!” gulat na sabi niya. Mabilis siyang tumayo at lumapit dito. “Kanina ka pa?”

Hindi ito sumagot, parang hinihingal pa.

“Are you okay?” nag-aalalang tanong niya.

“Sorry, I… didn’t… make it,” hinihingal pang sabi ni Reeve. Nabaling ang tingin nito kay Johann, pagkatapos ay sa kanya. “Why are you with him?” nakakunot-noong tanong ni Reeve.

“Sinamahan ko lang siya,” sagot ng kuya niya. “Gabi na, eh. Baka kung ano’ng mangyari sa kanya.”

“I’m not talking to you,” pambabara ni Reeve.

“Tsk, tsk. Chill ka lang, pare. Magpasalamat ka nga at sinamahan ko siya.”

“Why would I? Kung alam ko lang, you’ll just take advantage of her.”

“Reeve!” saway ni Agatha.

Hinawakan siya ni Reeve sa kamay at hinila palabas ng hall.

“Reeve, hindi mo dapat kinausap nang gano’n si Johann. I told you, he’s nice,” sabi niya habang naglalakad sila sa may parking lot. “Don’t you trust me?”

“I trust you. It’s hi—” Naputol ang sasabihin ni Reeve nang mabilis siyang kumalas mula sa pagkahawak nito.

“What? You trust me but it’s Johann that you don’t trust?” malumanay na sabi niya pero sa totoo lang, naiinis siya sa inakto nito. “Ano’ng ipinagkaiba n’on?”

“Agatha, I’m just protecting you. Hindi natin alam ang nasa isip niya. Baka—”

“Hindi nga natin alam ang nasa isip niya kaya ano’ng karapatan natin na isipin `yong iniisip mong gagawin niya?” sabi pa niya. “You don’t trust me, Reeve. Because if you really trust me, you will believe that whatever happens, I won’t let anyone take advantage of me. You’ll trust my judgment towards a person. I told you, Johann is nice. Kilalanin mo muna kasi siya bago ka mag-isip ng masama.”

“Look. Minsan, hindi lahat ng akala nating mabait sa atin ay totoong mabait. Minsan, `yong pinagkakatiwalaan natin, kayang-kaya pala tayong atakihin nang patalikod. You see, sa mundo natin ngayon, dapat magdobleng ingat tayo.”

“I know that. I understand you. Pero sana naman, intindihin mo rin ako.”

Tumalikod ito. “I just can’t see the logic why your math professor was keeping you company. Akala ko ba tapos na ang klase? At saan banda related ang math sa piano recital ninyo?” naiiritang tanong nito.

Hindi alam ni Agatha pero talagang nainis na siya sa sinabi ni Reeve. Mahaba ang pasensiya niya sa lahat ng bagay pero naubos na iyon ngayon.

“I invited him to come because he’s my friend. `Buti pa nga siya pumunta. Eh, ikaw?” nanunumbat at naiiyak na sabi niya.

Gulat na napalingon si Reeve. Napakurap. “Agatha…”

“Hindi ka na nga nakaabot, ikaw pa’ng galit.”

Lumapit ito sa kanya pero umiwas siya.

“I waited for you. Kasi kahit alam kong hindi ka makakapunta, umaasa ako na makakagawa ka ng paraan para lang makapanood. Naiintindihan ko naman na marami kang trabaho. Pero puwede bang minsan, unahin mo naman ako?” Tuloy-tuloy na ang pagtulo ng luha niya.

Hindi naman siya dating ganito. Sa tingin niya ay naghalo-halo na ang pagod, disappointment at pagkainis sa sistema niya.

Gustong-gusto na rin niyang sabihin kay Reeve ang sekreto nila ni Johann pero nakapangako siya sa kapatid na hindi muna sasabihin ang tunay na relasyon nila hangga’t hindi pa lumalabas ang resulta ng DNA test.

“Sweetheart, believe me, pinilit ko namang makahabol. But something came up at work and I couldn’t say no. Pagkarating ko rito, tinakbo ko agad ang music hall. Alam kong tapos na ang program pero may pakiramdam akong nandoon ka pa. I’m sorry, sweetheart. Please, huwag ka nang magalit sa `kin,” pakiusap ni Reeve. “Don’t cry.”

“You should apologize to Johann as well. You’ve been rude back there,” sabi niya habang pinapahid ang mga luha.

Nagsalubong ang mga kilay ni Reeve. “He was the one who was rude back there. Hindi naman siya ang kinakausap ko pero sagot siya nang sagot.”

“Well, at least, apologize for thinking bad about him!”

“Don’t push it, Agatha. I won’t talk to that guy anymore! Never will I apologize! Damn him!”

Napangiwi siya. “Bakit ba ang init-init ng dugo mo sa kanya? Wala naman siyang ginagawang masama sa `yo.”

Saglit na natigilan si Reeve.

“He’s my f-friend and you’re judging him while he’s not saying anything bad against you. You’re being unfair,” dagdag pa niya.

Nagtagis ang mga bagang ni Reeve. “You always stand up for him. You really believe that he’s nice. Mas marami siyang oras na nakakasama ka. Kumportable kang kausap siya. He can make you smile. He can make you laugh,” bigla na lang na litanya nito.

“Reeve?”

“Oo na, Agatha.”

“Ha?”

Sinalubong ni Reeve ang titig niya. She could see through his dark eyes the emotions of a jealous little boy.

“I’m jealous, Agatha.”

Napakurap siya at napatda sa kinatatayuan.

“Unang kita ko pa lang sa kanya, nainis na `ko. Nang ikuwento mong professor mo siya, lalo akong nainis. Ibig sabihin, lagi kayong magkikita. No’ng nagkasabay-sabay tayong kumain ng lunch, nakita ko kung gaano ka ka-enjoy na kausap siya. Childish it may seem pero ayokong mahigitan niya `ko sa mga kaya ko rin namang gawin para sa `yo. Natatakot ako na baka isang araw, mas malapit ka na sa kanya kaysa sa `kin.”

Lumapit si Reeve sa kanya at masuyong pinunasan ang luha sa kanyang mga pisngi. “I can see how cheerful he is. Habang ako, ang dami-dami kong hang-ups sa buhay. I’m just so blessed that you’ve been an understanding wife ever since. Imbes na ako ang nag-aalaga sa `yo, ikaw ang nag-aalaga sa `kin. I felt threatened with Johann around,” matapat na pag-amin nito. “Because I feel that he can make you happy more than I can.”

“Reeve…”

Sa lahat ng sinabi ni Reeve ay hindi na mapakali ang puso ni Agatha. Her heart felt like it would jump out of her chest from the anticipation of a confession from her husband. Gusto niyang kalmahin ang puso pero kahit ang utak niya ay magulong-magulo na rin.

Pumikit nang mariin si Reeve at napaungol sa frustration. “Nagseselos ako, Agatha. Oo na! Nagseselos ako dahil ayokong mawala ka sa `kin. Nagseselos ako dahil ayokong maisip mo na mas masaya kang kasama siya kaysa sa `kin. Nagseselos ako dahil natatakot akong iwan mo `ko…” madamdaming pahayag ng kanyang asawa na tuluyang nakapagpasabog sa puso ni Agatha.

Totoo ba ang mga narinig niya o nananaginip lang siya?

Ikinulong ni Reeve ang mukha niya sa mga kamay nito. “Agatha, nagseselos ako dahil… dahil mahal kita,” buong suyong pag-amin nito. “Mahal na mahal kita.”

Bago pa makaisip si Agatha ng isasagot ay inangkin na ni Reeve ang kanyang mga labi sa isang mapusok na halik.