P AGKATAPOS ng business meeting ay nag-late lunch sina Agatha at Reeve sa isang classy restaurant na nasa loob lang din ng Monteverde Hotel. Habang naglalakad papunta sa mesa nila ay maraming empleyadong bumabati sa kanila.
Tumabi si Agatha kay Reeve imbes na umupo sa tapat nito. Si Reeve ang um-order ng pagkain. Mabilis namang nai-serve ang mga pagkain.
“Reeve,” tawag niya sa pansin ng asawa nang magsisimula na silang kumain.
Bumaling ito sa kanya. “Yes?”
She smiled sweetly at him and kissed him on the lips.
Nagulat si Reeve pero sandali lang. “What was that for?” nagtatakang tanong nito.
She shrugged. “I just felt your sadness earlier.”
Kumunot ang noo nito. “Sadness? Bakit naman ako malulungkot?”
“Hindi ko rin alam. I just saw it in your eyes.”
Unti-unting nawala ang pagkakakunot ng noo nito. Umiling-iling. “No. I’m not sad. Why would I be?”
Tumango na lang din si Agatha kahit hindi siya lubusang naniniwala sa sinabi ng asawa. Alam niyang tama ang nakita niya. May naalala siguro si Reeve sa nakaraan. Pero ano ang nakaraan na iyon at nalungkot ito nang ganoon?
“Hey,” untag ni Reeve. “I told you I’m not sad. There’s no reason to be.”
“Okay. Ibalik mo na lang ang kiss ko,” she said, smiling. Kung ayaw nitong pag-usapan ang napansin niya, hindi niya iyon ipipilit.
“Later. I’ll give back more…” sabi nito at tumingin sa kanya nang makahulugan.
Napangiti si Agatha at nag-iwas ng tingin. Ibinalik na lang din niya ang atensiyon sa pagkain. Pero hindi siya gaanong makapag-concentrate dahil kumalat na ang excitement sa buo niyang katawan na dulot ng mainit na pangako ng asawa.
Tumikhim siya. “By the way, wala ka nang ibang business dito sa Cebu, right?”
Tumango si Reeve.
“Can we still stay here in Cebu? Tutal honeymoon pa rin naman natin. Gusto ko sanang pumunta sa beach resort ng pinsan ko dito sa Cebu. Maganda ang resort nila. Peaceful pa. Nakausap ko na rin si Kuya Zaire,” tukoy niya sa pinsan sa mother’s side na nagmamay-ari ng pinakamaganda at pinaka-peaceful na beach resort sa buong Cebu. “Hindi siya nakapunta no’ng kasal natin kaya sabi niya, free na lang ang accommodation natin. Plus he will reserve daw the most special cottage for us.”
“That sounds great. Kailan tayo pupunta?”
“Later? Malayo kasi iyon sa city proper. Four hours drive from here.”
“Okay. I just need to talk to Clark after we finished eating.”
Tumango si Agatha at nagpaalam na gagamit ng comfort room. Nag-a-apply siya ng lip gloss nang may babaeng lumabas mula sa isang cubicle. Nagkangitian sila nang magtama ang mga mata nila sa salamin. Pareho rin silang nagulat nang ma-realize na halos pareho sila ng suot.
“We have the same dress,” natatawang sabi ng babae. “I’m just wearing a cream one.”
“We have the same headband and heels,” dagdag naman ni Agatha. “Christian Louboutin?
Nagningning ang mga mata ng babae. “Yours, too?”
Tumango siya.
“We look like twins!” komento pa nito na ikinatawa nilang dalawa. “Pero mas maputi ka sa akin, saka maganda ang mga mata mo.”
“Maganda rin naman mga mata mo. Fierce yet sweet-looking,” sabi niya. The woman was really pretty and she looked older than her. Hindi naman siya mas maputi rito, pale lang ang kaputian nito.
“Thank you rin,” the woman said sweetly. “Kumakain ka ba sa restaurant? Bakit hindi kita nakita kanina?”
“Yes. I’m with my husband. Nasa pinakadulo kasi kami ng resto kaya hindi mo siguro kami napansin. Ikaw? May kasama ka ba? Dito kayo nag-i-stay sa Monteverde?”
“Yup. I’m with my brother.”
“I hope you enjoy your stay here. Are you here for a vacation?”
Agatha saw the pained looked in the woman’s eyes, followed by sadness. Umiling ito at pilit na ngumiti. “May binisita lang. How about you? Kayo ng asawa mo?”
“Katatapos lang ng trabahong inasikaso ng asawa ko dito. We’re on our honeymoon,” medyo nahihiya pang sabi niya.
“Oh! So, you just got married?”
Tumango siya. “Almost a week na rin.” Itinaas niya ang kanang kamay na may suot na wedding ring.
Lumungkot na naman ang mga mata ng babae.
“Is something wrong? May nasabi ba `kong mali?” tanong ni Agatha.
Mabilis na umiling ang babae. “Don’t mind me. May naalala lang ako. By the way, congratulations sa kasal ninyo.”
“Thank you. I’m Agatha,” pagpapakilala niya sa sarili, sabay lahad ng kanang kamay.
Ngumiti ang babae at inabot ang kamay niya. “I’m Lana.”
SABAY na lumabas sina Agatha at Lana ng restroom pagkatapos magkakuwentuhan pa nang kaunti.
“Get lost!”
Sabay rin silang napahinto nang marinig ang malakas na sigaw. Kumabog ang dibdib ni Agatha nang makita si Reeve na nakatayo at nakakuyom ang mga kamay. Galit na galit ang hitsura nito habang nakatitig sa kaharap na lalaki na para namang mahinahon itong kinakausap. Likod lang ng lalaki ang nakikita niya pero pamilyar na agad sa kanya.
“Reeve…” narinig niyang sabi ni Lana.
Nagtatakang napatingin siya kay Lana. Kilala nito ang asawa niya? Magtatanong sana siya kay Lana pero nakatakbo na ito palapit sa dalawang lalaki.
Agad naman siyang napasunod kay Lana.
“Reeve, listen to me,” narinig niyang sabi ng lalaki habang papalapit na siya.
Pati boses ng lalaki ay pamilyar!
Napatingin si Reeve kay Lana nang makalapit ang babae. Halatang nagulat ito pagkakakita kay Lana. “What are you doing here?!”
Napahinto sa paglapit si Agatha. Kilala rin ni Reeve si Lana?
“Please, Reeve, calm down,” mahinahong sabi ni Lana.
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Reeve sa lalaki at kay Lana. Nag-igting ang mga panga nito. “Will you just stop bothering me?!” muling sigaw ni Reeve.
“Will you just listen for a while, Reeve? Kinakausap ka namin nang maayos!” hindi na ring napigilang sigaw ng lalaki.
Then Agatha remembered him by his voice. Kalahating oras din niyang nakasama ang lalaki sa na-stuck na elevator. “Prince?”
Sabay pang napatingin sa kanya ang tatlo.
“Agatha?” magkasabay ring sabi nina Reeve at Prince.
“Wait, you know him?” tanong ni Reeve.
“You know her?” tanong naman dito ni Prince habang nakaturo sa kanya.
“Kilala mo sila?” tanong naman niya kay Lana.
“You know her, too?” tanong naman sa kanya ni Reeve habang nakaturo kay Lana.
Gustong matawa ni Agatha sa nangyayari sa kanilang apat. Pero ramdam na ramdam niya ang tensiyong nakapalibot sa kanila. Kinakabahan siya na hindi maintindihan.
Napatingin siya kina Lana at Prince. Ang sabi ni Lana kanina ay kasama nito ang kapatid. Si Prince ba ang sinasabi nitong kapatid?
“Kakikilala lang namin ni Lana,” sagot niya sa tanong ni Reeve.
Napasinghap nang malakas si Lana at nanlaki ang mga mata nang mapatingin sa kanya at kay Reeve.
“M-mag-asawa kayo?” mahinang sabi ni Lana.
“Yes, Lana.” Si Reeve ang sumagot. Lumapit ito sa kanya at hinapit siya sa baywang. “She’s Agatha Celina Anderson-Monteverde. My wife.”
Higit pa sa nasorpresa ang nakita ni Agatha na reaksiyon nina Prince at Lana.
Siya naman tuloy ang nagtaka.
“Magkakakilala kayo?” tanong niya kay Reeve.
“Come on, Agatha. This is just a waste of time.”
Napakunot-noo siya. “Pero—”
Hindi na niya naituloy ang sinasabi dahil mabilis na siyang hinila ni Reeve palabas ng restaurant.
“Reeve! Nag-uusap pa tayo!” habol ni Prince pero nakita niyang pinigilan ito ni Lana.
Lana was teary-eyed. Inakbayan ito ni Prince at inalo.
Naramdaman ni Agatha ang mas mahigpit na paghawak ni Reeve sa pulsuhan niya. Nagmamadali ang mga hakbang nito. Makakaladkad pa siya kung hindi niya masasabayan ang bawat hakbang nito.
“Reeve…”
Hindi siya nito pinansin at nagtuloy-tuloy lang sa mabilis na paglakad. Nakatiim-bagang ito at parang nag-aapoy sa galit ang mga mata. Bakit ganoon? Bakit galit na galit ito sa nangyari kanina?
“Ouch!” daing niya nang lalo pang humigpit ang paghawak ni Reeve sa kanya. Pakiramdam niya ay huminto na sa pagdaloy ang dugo sa kanyang kamay. “R-Reeve, nasasaktan ako.”
Parang wala itong naririnig. Napatili siya nang marahas siya nitong hinila papasok sa elevator na walang ibang sakay. Sumara ang elevator door.
Napaigik siya nang lalo pang humigpit ang pagkakahawak nito sa pulsuhan niya.
Noon napatingin sa kanya si Reeve. Nakita niya ang unti-unting pagkawala ng galit sa mga mata nito. Kumalma na rin ang ekspresyon ng mukha nito.
Binitiwan na nito ang pulsuhan niya. Sising-sisi nang makitang pulang-pula iyon. “I’m so sorry,” sabi nito.
Hinawakan niya ang kamay nito ng maayos niyang kamay at matipid na ngumiti. “Let’s go,” sabi niya nang bumukas ang elevator.
Tahimik silang dalawa habang naglalakad. Huminto sila sa tabi ng isang itim na Chevrolet Camaro. Bumaba mula roon si Mang Jim, ang personal driver ni Reeve na nakilala niya bago sila ikasal. Isinama pala ito ni Reeve sa Cebu.
Binuksan ni Mang Jim ang pinto sa backseat at agad silang sumakay roon. Isinara nito ang pinto at sumakay na sa driver’s seat.
Nag-umpisa nang umandar ang sasakyan. Tinanong siya ni Reeve kung saan makikita ang beach resort ng pinsan niya. Sinagot naman niya iyon at si Reeve na ang nag-utos kay Mang Jim kung saan sila dadalhin. Pagkatapos niyon ay isang mahabang katahimikan ang namagitan sa kanilang mag-asawa. Pareho silang nasa labas ng bintana ang tingin.
Medyo masakit pa rin ang pulsuhan ni Agatha na halos muntik nang mabali ni Reeve nang hindi nito napapansin. Pero naiintindihan niya na galit lang ito. Hindi nito sinasadya kaya hindi siya galit.
Nagtataka lang siya. Ano ang kaugnayan nina Lana at Prince sa kanyang asawa? Bakit ganoon na lang ang galit ni Reeve sa dalawa? Si Reeve ba ang tinutukoy ni Prince na kaibigan nitong matagal nang hindi nakikita?
Gusto niyang itanong iyon lahat sa kanyang asawa. Sino sina Lana at Prince sa buhay nito?