“A NO ANG sinabi ng lalaking iyon sa iyo?” tanong ni Dexter, a hint of anger in his voice.
Inalis ni Michelle ang mga mata mula sa rearview mirror at nilingon ito. “Tinanong niya kung nasaktan daw ba ako.”
“I heard that,” Dexter snapped. “Iyong kasunod niyon ang itinatanong ko. I heard him utter something like ‘pregnant.’”
“What are you talking about?” kaila niya, frowning a little. “I was too shaken to even notice what he was saying.” Hindi niya gustong pag-usapan pa iyon. Napakahabang paliwanag kapag sinabi niyang nagkatagpo na sila ng lalaking iyon kahapon.
“Naisip ko lang na baka magkakilala kayo. Nakatitig siya nang husto sa iyo at may mga sinasabing hindi ko gaanong narinig. O baka naman magkakilala kayo at ikinakaila mo lang.” May akusasyon sa tinig nito at sa matalim na mga mata ay sinulyapan siya.
“Kung kilala ko ang muntik nang makabunggo sa atin, di sana’y kinausap ko.”
“Ano ang malay ko? Isang taon na tayong magkasintahan at bago iyon ay magkakilala tayo sa unibersidad ng ilang buwan. Pero sa loob lang ng ilang minuto ay kay rami nang sikretong lumabas sa pamilya mo.”
“Oh, God,” she groaned. Hinilot niya ng mga daliri ang sentido. Nararamdaman na niya ang unti-unting pananakit ng ulo.
She had no wish of putting up an argument. Ang pangyayari sa buhay niya nitong nakalipas na ilang araw ay sapat na upang maubos ang lakas niya. Ni hindi tinanong ni Dexter kung nasaktan siya. Sa halip ay ang kotse ang una nitong sinuri. At ngayon ay nag-aakusa.
And she really felt that her problems were even compounded by that stranger. Kung sa paanong paraan ay hindi niya alam. She blinked her tears away.
Sinulyapan niya sandali si Dexter bago inihilig ang ulo sa sandalan ng kotse at nanlulumong itinuon ang paningin sa labas ng sasakyan. Hindi niya maiwasan ang kaba at takot sa susunod na mangyayari sa relasyon nila.
Walang usapang namagitan sa kanila hanggang sa ibaba siya nito sa harap ng bahay ng mga magulang niya sa Concepcion Village. Hindi tulad ng ibang pagkakataong magkasama sila ay hindi siya pinagbuksan ni Dexter ng pinto ng sasakyan.
“When will I see you again?” she asked, ang tinig niya’y namamanhik at puno ng insekyuridad. Gusto niyang umiyak at itanong kung mahal pa siya nito. But pride prevented her from asking. “Will... will you call me tonight?”
Isang mahabang tingin ang ibinigay ni Dexter sa kanya. Yaong uri ng tingin na tila ba noon lang siya nito natitigan nang husto. Pagkatapos ay tumango ito. “Tatawagan kita.”
Bumaba na si Michelle ng sasakyan at sinundan ng tingin ang paglayo ng sasakyan nito. Nang mawala iyon sa paningin niya ay binuksan niya ang gate at lumakad patungo sa malaki at dalawang palapag na bahay.
It was an old but huge house. Marahil ay itinayo halos isandaang taon na ang nakalipas, considering Digna Verano’s age. Gayunma’y isinisigaw ng kayarian ng bahay ang kariwasaan, sa nakalipas mang panahon o sa kasalukuyan.
She smiled bitterly. Sinusian niya ang bahay at pumasok sa loob. Agad ang pagsalakay ng kahungkagan, kapaitan, at takot, na nag-uunahang mamahay sa damdamin niya.
This had been her home all her life. How come it didn’t feel like home now? Paanong ang pamilyar na mga kasangkapan at gamit na araw-araw niyang nakikita ay tila may buhay at tinutuya siya, pinagtatawanan?
Paanong sa isang iglap ay nagbago ang buhay niya?
Isinara ni Michelle ang pinto at nahahapong sumandal doon. Tears pooled in her eyes but she didn’t want to cry. Dahil sa nakalipas na ilang araw mula nang mamatay ang mga magulang ay wala na siyang ginawa kundi ang umiyak. Isa pa’y wala namang mangyayari kung iiyak siya.
HINDI tumawag si Dexter nang gabing iyon sa panlulumo at kapaitan ni Michelle. Pilit niyang binubura sa isip ang lahat ng nangyayari sa buhay niya. She was tired and weary. Nais niyang makatulog kaya minabuti niyang uminom ng isang tableta ng sleeping pill mula sa medicine cabinet ni Amador.
Kinaumagahan ay tinawagan niya si Attorney Moral. “May alam po ba kayong storage para sa mga gamit ni Mama, Tito Lauro?” She explained to the lawyer how she had won the car and asked his advice on legalities. Lalo na sa sasakyang nasa pag-iingat ng insurance company.
“Smart girl,” the lawyer said appreciatively. “They are yours, hija. Ako na ang bahala sa mga taga-insurance at ganoon din sa mga gamit ni Emma. Iwan mo sa balkon at tatawagan ko ngayon din ang storage company. Naunahan mo lang ako sa pagtawag at sasabihin ko sana sa iyo. Nang pag-aralan kong muli ang listahan ng mga pag-aari ng papa mo ay natiyak kong nakaligtaan niya ang mga sasakyan.”
Binanggit ni Michelle ang mga alahas. The lawyer tsked. “Huwag kang mag-alala, kakausapin ko si Mrs. Verano. And, Michelle, I know you will be needing a job. I can recommend you to some people I know.”
“Salamat, Tito Lauro. I will keep that in mind. Pansamantala ay kailangan ko munang ialis dito sa bahay ang mga gamit ko. Ilalagay kong lahat ang mga gamit ni Mama sa balkon.” That was a relief. Kahit paano ay tutulungan siya nitong makahanap ng trabaho.
Tinatawagan ni Michelle si Dexter sa cellphone nito subalit hindi niya ito ma-contact. It was either the phone was off or outside the coverage area. Sa huling araw ng taning ni Digna Verano ay sa mismong bahay ng mga magulang nito tumawag si Michelle. Ang mama nito ang nakasagot at sa pagkamangha niya ay wala na ang palakaibigang tinig nito tuwing nagkakausap sila.
“Kasama si Dexter ng daddy niya na umalis patungong Singapore kagabi para sa isang business conference,” Dexter’s mother said in a curt voice.
“I-I see...” nanlulumong usal niya at akmang magpapaalam nang muling magsalita ang ina ng kasintahan.
“I am sorry to say this, Michelle, pero ipinararating ng anak kong hindi na matutuloy ang plano ninyong pagpapakasal. You see, ang aming pamilya ay—”
She cut her off. “I never thought of Dexter as a coward. He should at least, be decent and brave enough to end the relationship himself,” she said brokenly. Mas sa pagkahapo at sakit ng dibdib ang nararamdaman niya kaysa sa galit. Then she hung up the telephone.
Higit kailanman, ngayon niya natiyak na nag-iisa na lang siyang lubusan. Naupo siya sa baitang ng hagdan. Dread filled her. Ipinagsalikop niya ang mga braso sa katawan dahil sa panlalamig na nararamdaman. Mainit ang temperatura kaya natitiyak niyang takot ang dahilan ng panginginig niya. She fought the urge to burst into tears.
The clock chimed ten o’clock. Anumang oras ay maaaring dumating si Digna Verano. Hindi ito mangingiming saktan at ipagtabuyan siya.
Nilinga ni Michelle ang paligid sa pagsisikip ng dibdib niya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin sa sandaling umalis siya sa bahay na iyon. Saan siya pupunta? Saan siya dadalhin ng kapirasong perang laman ng bankbook niya?
Ikinulong niya sa mga palad ang mukha. “Oh, Mama,” pahikbi niyang sabi. “Ano ang gagawin ko ngayon?”
Grief and fear consumed her. Pero hindi siya maaaring magpadaig sa damdamin. Hindi niya gustong abutan siya ni Digna sa ganoong ayos. Pinahid niya ang mga luha at tumayo at pumanhik sa itaas.
Tapos na siyang mag-empake noong isang araw pa. Bukod sa malaking maleta na kinapalooban ng mga damit niya ay hindi na niya pinagkaabalahang ibagahe ang iba pang mga gamit. Pinili lamang ni Michelle ang ilang mahahalaga at basta na lang iyon inilagay sa likod ng SUV kasama ang mga canvases niya.
Sa kabila ng lahat ay hindi niya maiwasang makadama ng kaunting kasiyahan. She had won the two expensive vehicles that angered Digna Verano more. And even the shrewd Amador had totally forgotten the cars.
With a heavy heart, she took one last look at her room. Iyon ang silid niya sa loob ng dalawampu’t tatlong taon ng buhay niya—o kung ibabase sa sinabi ni Digna—almost twenty years of her life was spent in this house. Bago siya tuluyang dalhin ng emosyon ay marahas niyang dinampot ang shoulder bag at nagmamadaling lumabas ng silid.
Nasa landing na si Michelle nang malingunan ang silid ng mga magulang. Humakbang siya palapit sa pinto. Pinihit niya ang seradura at binuksan iyon. Hinagod niya ng tingin ang buong silid kasabay ng muling pagkadama ng lungkot. Akma niyang hahatakin muli ang pinto nang mahagip ng paningin ang jewelry box ni Emma sa ibabaw ng tokador. Nalimutan niya iyong isama sa mga gamit ni Emma.
Itinulak niya pabukas muli ang pinto at pumasok at lumapit sa tokador. Wala sa loob na itinaas niya ang lid ng jewelry box. Walang naiwan doon maliban sa ilang accessories na bagaman binili nang mahal ay wala namang halaga kung tutuusin. Titiyakin niyang maibabalik ng abogado ang mga alahas ng ina.
Pagkuwa’y itinalikod niya ang malaking jewelry box. May trick drawer sa likuran niyon na hindi obvious dahil ang guhit ng bukasan ay nakaayon sa disenyo ng kahon. Hindi sinasadyang natuklasan niya iyon nang minsang hinahanap niya sa tokador ang spare car key ni Emma dahil naiwanan ng ina ang susi sa ignition at nai-lock ang kotse. Sa pagmamadali niya ay hindi sinasadyang natabig niya ang jewelry box.
Sinikap niyang saluhin iyon bago mahulog pero bumagsak ang mga alahas sa sahig. At napuna niya ang pag-usli ng trick drawer sa may likuran. Nasilip niya ang isang susi pero hindi niya gaanong pinagtuunan ng pansin. Sama-sama niyang dinampot ang mga alahas ng ina at ibinalik sa box.
Now curiosity got her. Hindi itatago ang susing iyon kung hindi mahalaga. At kung mahalaga man, sana’y hindi natuklasan ni Digna ang trick drawer.
Kinapa ni Michelle ang ilalim upang itulak pabukas ang munting drawer at nang bumukas nang bahagya ay marahan niyang hinugot. Naroon pa rin ang susi na may tag na one inch masking tape. She took the key from the tiny drawer. Binasa niya ang sulat-kamay ng mama niya sa masking tape. P.O. box number at pangalan ng bangko at ang branch niyon. Kapareho ng bangko kung saan may nakadeposito siyang kaunting halaga.
May sarili bang bangko ang ina na hindi alam ni Amador? Ipinasok niya sa bulsa ng jeans ang susi. Sinulyapan ang relo sa ibabaw ng end table—alas-onse y media.
Bago siya lumabas ay dinampot niya ang Swiss knife sa tokador at ipinasok sa bag. Binili ni Emma ang Swiss knife nang nasa Canada sila, out of whims. The trip was Amador’s gift to his wife on their twentieth wedding anniversary.
IPINARADA ni Michelle ang X-Trail sa bakanteng espasyo sa harap ng bangko. It was her bank. Hindi iyon kalayuan mula sa unibersidad na pinapasukan niya. As she went inside the bank she wondered if Emma had chosen this particular bank because her mother knew that she was a depositor here.
Isang ngiti ang ibinigay niya sa teller na sa nakalipas na apat na taon mula nang magsimula siyang magkolehiyo ay pamilyar na ang mukha.
“Good afternoon, Ma’am,” bati ng teller at nakaplaster na sa mga labi ang propesyonal na ngiti.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay binigyang-pansin niya ang ID na nakasabit sa uniform blouse nito at inaninag ang pangalan. “Terry... you’re Terry, aren’t you?”
“Yes, Ma’am. Magwi-withdraw po ba kayo?”
“Not this time, Terry,” she said, an embarrassed smile hovering her lips, dahil sa napakaraming withdrawal na ginawa niya. “May gusto lang akong itanong. May P.O. box ba rito ang mother ko? Her name’s Emma... Emma Verano.”
“Sandali lang po, Ma’am.” Tumayo ito at lumakad patungo sa isang mesa at kinausap ang nakaupo roong babaeng manager. Sinulyapan siya at pagkatapos ay tumingin sa harap ng computer at makalipas ang ilang sandali ay muling ibinalik ang tingin sa kanya.
Nakahinga nang maluwag si Michelle. Excitement filled her. Hindi na niya hinintay na tawagin siya at lumapit na sa mesa ng manager. “Good afternoon.”
“Mrs. Emma Verano’s your mother?” tanong ng manager na marahil ay namumukhaan siyang kliyente sa bangkong iyon. Ang teller ay bumalik na uli sa booth nito.
“Yes, Ma’am.” Mula sa bag ay inilabas niya ang mga identifications. “Heto po ang school ID ko. And if you want to see my passport—”
“Your ID will do. You have records with this bank,” wika ng manager. Pagkatapos ay tumingala ito sa kanya. “Ipinare-renew ba ni Mrs. Verano ang box? The rental will expire in three weeks’ time, hija.”
She swallowed then bit her lower lip. “My... parents died eight days ago, Ma’am.” Inilabas niya ang susi.
“Oh. I am sorry, hija!” Napuno ng simpatya ang tinig ng manager. Then she frowned. “And I suppose you never knew of this box until...” Her voice trailed off.
“Until today, Ma’am. Hindi ko sinasadyang makita nang nagliligpit ako ng mga gamit ni Mama.” Nabasag ang tinig niya sa bahaging iyon.
“Well, kung hindi mo pa nakita ang susi ng box pagkatapos ng renewal period ay tatawagan ka rin naman ng bangko, hija.”
Labis niyang ipinagpasalamat nang lihim na naalala niya ang susi ngayong umaga. It would have been very late in three weeks’ time. Natitiyak niyang si Digna Verano ang makakatanggap ng tawag at kung ano man ang laman ng box ay hindi na niya malalaman pa.
“May account din po ba ang mother ko rito?” Naroon muli ang pag-asam na sana’y may natitira pang pera ang ina kung may account man ito.
Between her and poverty was the more or less ten thousand pesos she had with this bank. And of course, a few pieces of her own jewelry and the two vehicles. She found the necessary documents of both cars in her father’s study and took it.
Muli itong sumulyap sa computer screen at nag-type sa keyboard. “A time deposit actually, hija. The account was dated twelve years ago. Kasabay ng petsa ng pagkuha ng mama mo ng P.O. box. Ayon sa records, kada taon ay dinadagdagan ng mama mo ang capital.” Nagkibit ito ng mga balikat at ngumiti. “Not that big, pero kahit papaano ay ipon din iyon.”
So she was eleven years old when her mother opened this account. “M-magkano po?”
Isinulat nito sa papel ang laman ng bangko. It amounted to seventy thousand and a few hundreds including the interests. Nakahinga siya nang maluwag. It wasn’t that much. Pero kahit paano ay makadaragdag din iyon sa natitirang pera niya hanggang sa makahanap siya ng trabaho. Besides, kung papalitan ng insurance people ang sasakyan ni Amador ay maipagbibili niya iyon. Pansamantala ay maghahanap siya ng murang apartment.
Tumayo ito. “Halika, hija, sasamahan kita sa itaas.”
“D-did my mother come here very often? I mean, for the box?”
“Actually, hija, dalawang taong mahigit pa lang ako sa branch na ito. At sa panahong iyon ay hindi ko pa nakaharap ang mother mo.” There was regret in the manager’s smile.
“Nakalagay sa susi ang number ng box. Kung kukunin mo ang laman ay ipahahanda ko ang mga papeles na dapat mong pirmahan. Ganoon din kung gusto mong i-withdraw ang pera ng mama mo o ililipat sa sarili mong account.”
Nang iwan siya ng manager ay inisa-isa niya ang nakahilerang mga steel box hanggang sa makita ang numero na kaakma ng hawak niyang susi. Puno ng kaba ang dibdib ni Michelle nang isubo niya ang susi sa lock. She took a deep breath as her trembling hands unlocked the box.
Isang mahabang chocolate box ang tumambad sa kanya na may taling asul na ribbon. Maingat niyang inabot iyon sa paraang tila bomba ang laman niyon. Then she left the steel box opened and went back to the manager’s table.