Chapter Eleven
Sierra Nevada, one month-and-a-half earlier.
h ABANG marahan niyang pinatatakbo ang rented car ay hindi niya maiwasang humanga sa magandang tanawing nakikita—ang Lake Tahoe. The view was breathtaking. Ito ang pinakamalawak na Alpine lake sa buong Estados Unidos at isa sa pinakamalalim. Sa kabilang dako ng mga bundok at ng makakapal at nagtataasang pine trees ay ang icy slopes, kung saan maraming turista ang nag-i-snowboarding.
He once tried snowboarding, years ago, when he was younger. It was fun. But he had to go back to pilot school in Texas. Ipinangako niya sa tao na kumupkop sa kanya na magtatapos siya sa pag-aaral bilang piloto.
“Iyan lang ang pamana sa iyo, Leandro... Hindi ako masalapi katulad ng mga Navarro na dahil sa pag-aasawahan ng dalawang pamilya ay pag-aari na halos ang buong Sto. Cristo. Subalit kaya kitang pag-aralin sa lahat ng paaralang mapili mo sa alinmang bahagi ng mundo at kahit na anong kursong magustuhan mo...”
A sad smile touched his lips. It really broke his heart when the old man died. Totoong minahal niya ito. Kung tutuusin ay higit ang panahong iniukol nila sa isa’t isa kaysa sa ina-inahang si Concordia.
At kung pinalitan man ni Gerardo ang totoo niyang pangalan ay hindi na niya gaanong ikinasasama ng loob iyon. Minahal siya ng matanda nang higit kaysa sa tunay nitong dugo at laman. And they had so many happy years together.
Binatilyo pa lamang siya ay natutuhan na niya ang paggugubat, ang pagsasaka, ang pangingisda, at ang maging mahusay na maninisid na kasama ito. What they did together was fun, kahit na iyon pa ay seryosong pagbabanat ng buto.
“Hindi magtatagal at mapapasaiyo ang buong d el Mare Woods at ang palaisdaan, apo. Mahalin mo ang kapirasong lupang itong tangi kong maipamamana sa iyo...”
He laughed. And it echoed through the forests. Pagkatapos ay tinagpas niya ng matalim na karit ang isang bagong tubong puno.
“Hah! Kapag namatay kayo’y ipapakalbo ko ang lupaing ito at gagawin kong subdivision!”
The old man laughed back. “Matanda na siguro ako, Leandro, pero sa akin ka nagbinata. Limang taon ka pa lamang nang dalhin ka sa akin ni Concordia. Alam kong hindi mo gagawin ang mga sinasabi mo. Mahal mo ang kagubatang ito... at ang dagat. Hindi ko alam kung bakit, subalit nadarama ko at nakikita ko sa iyo. Na para bang ang mga bundok at ang karagatan ay bahagi ng iyong pagkatao.”
“Puwes, nagkakamali ka, Lolo,” he taunted, hiding the fear and the insecurities of losing him. Hindi na ito malakas na katulad ng dati. He was seventy years old. At nakikita niyang madali na itong mahapo. “Sige, mamatay ka at nang makita mo kung ano ang gagawin ko sa lupaing ito.”
Muling tumawa ang matandang lalaki. But it didn’t reach his eyes. Nasa mga mata nito ang lungkot. Hinawakan at pinisil siya nito sa balikat.
“Pinunan mong lahat ang mga bagay na nawala sa akin, Leandro,” wika nito. “Kung hindi ka dumating sa buhay ko’y baka hindi rin naman ako umabot sa edad na ito... Pinawi mo ang lungkot ng pagkawala ng aking asawa at ng sana’y unang anak namin. Totoong mahal ako ni Concordia, alam ko iyan. Subalit babae siya at ikaw ay higit pa sa tunay na anak at apo. At hindi ko kayang ipaliwanag ang kaligayahang idinulot mo magmula nang dalhin ka ni Concordia rito.”
Sumimangot siya. Muling iwinasiwas ang karit sa mga matataas na damo. “Nasusuya mo ako kapag nagsasalita ka nang ganyan. Gayong pilit mo akong itinataboy sa Maynila samantalang may kolehiyo naman sa Infanta.”
Sa pagkakataong iyon ay kumislap ang mga mata ng matanda at marahang tumawa. “At kapag nakatapos ka sa taong ito’y mag-aaral ka sa ibang bansa. Ang sabi mo’y gusto mong maging piloto, `di ba?”
Nagkibit siya. “Isa lang ang pagpipiloto sa gusto kong matapos, Lolo. Pero gusto ko rin naman ang trabaho dito. Kung ako lang ang masusunod ay—”
“Hindi ka mag-aaral sa kolehiyo at maging mangmang na tulad ko!” Tumigas ang tinig nito. “Primarya lang ang tinapos ko, Leandro. Dahil malayo ang mga paaralan at tinatawid pa ng dagat ay kinatamaran ko ang mag-aral. Dahil doon ay namatay ang aking asawa at nadamay ang bata sa sinapupunan niya. Nakita ko nang hindi madali ang kanyang pagdadalang-tao. Subalit sa kamangmangan ko’y pinaniwalaan kong kakayanin ng hilot at ng tapal-tapal ng kung ano-anong dahon ang anumang nararamdaman ng aking asawa.”
Sa kabila ng katigasan ng tinig ay nakita at nahimigan ni Leandro ang pait na nadarama nito at ang paninisi nito sa sarili.
Huminga nang malalim si Gerardo upang payapain ang damdamin.
“Piliin mo ang kahit na anong paaralang gusto mo at mangibang bansa ka, apo. Huwag kang tumulad sa aking hanggang Infanta at karatig-pook lang ang gustong puntahan... na tuwina’y naroon ang agam-agam na kapag nagtutungo sa ibang lugar ay maloloko.”
Naroon si Gerardo nang magtapos siya sa high school taglay ang pinakamataas na karangalan. Ito ang nagsabit ng medalya sa kanya sa halip na si Concordia. Kasama sa tinanggap niya sa pagtatapos ng sekondarya ay ang student exchange sa Texas. At halos ipagtabuyan siya ng matandang lalaki na umalis at samantalahin ang pagkakataon.
Isang taon na siyang nagtatrabaho sa isang airline company nang pilitin niya si Gerardo at Concordia na magbakasyon sa ibang bansa. At sa kabila ng pagsisikap ng matandang lalaki na huwag siyang pagbigyan ay nakita niya ang kasiyahan sa mukha nito nang nasa eroplano na at ang pagmamalaking siya mismo ang nagpapalipad ng eroplanong iyon.
At hindi nito maiwasang hindi sabihin iyon sa katabing pasahero na isang Pilipino na apo nito ang piloto. Taon-taon mula noon ay pinagbabakasyon niya sa Texas ang ina-inahan at si Gerardo. He had made the old man happy.
Pinuno niya ng sariwang hangin ang dibdib. Tinupad sa kanya ni Gerardo ang mga bagay na hindi nito nagawa para sa sarili. At kung ano at sino siya ngayon ay utang niya sa matandang lalaki.
He knew he was adopted. Village people talked. At bagaman may mga flashes ng kabataan ang sumasagi sa isip niya paminsan-minsan ng tatlong taong walang mukha ay hindi niya iyon gaanong binibigyang-halaga. Dahil ipinapaniwala sa kanya ni Concordia na ang mga magulang niya ay mangingisda at inampon siya ng mga del Mare nang maulila.
Subalit nang mamatay ang matandang lalaki sampung buwan na ang nakalipas ay may iniwan itong sulat sa kanya. Doon ay nakasaad ang mga pangyayari kung paano siya napunta sa mga ito. At kung mayroon mang maaari niyang pagtanungan ng katotohanan tungkol sa pagkatao niya ay walang iba kundi si Matilda Gomez na ang komunikasyon kay Concordia ay nagpapatuloy.
“I’m sorry, Leandro,” umiiyak na sabi ni Concordia nang komprontahin niya ito. “Ang Papa ang may gustong ilihim sa iyo ang lahat. Natatakot siyang hanapin mo ang tunay mong mga magulang at iwan mo siya. At ako ma’y ganoon din. M-mahal ka namin ng Papa, Leandro, alam mo iyan... At sana’y mapatawad mo kami sa paglilihim sa iyo...
“Ganoon ma’y sinikap naming kuhanin mula sa ospital ang record mo sa mismong taon na dinala ka ni Matilda sa akin. Subalit kasamang nasunog ang record section ng ospital. At karamihan sa mga nurses at doktor ay nawalan ng pansamantalang trabaho nang masunog ang ospital. At makalipas lamang ang anim na buwan mula nang ibigay ka sa akin ni Matilda ay nangibang bansa siya.”
At ngayon nga ay nagkaroon siya ng pagkakataong hanapin si Matilda Gomez. And her last address was in a little town in Sierra Nevada. Sa bahagi ng lupaing halos nasa border na ng California.
Patuloy siya sa marahang pagmamaneho, admiring the breathtaking beauty of Emerald Bay thousands of feet below. May ilang cottages na siyang nakikita. Muli niyang kinuha ang address na nasa kabilang bahagi ng upuan ng rented car, may kalakip iyong mapa. Iyon ay ipinadala ni Matilda kay Concordia nang sulatan ito ng huli.
Iniliko niya ang sasakyan sa isang makitid na daan pakanan ayon sa nakaturo sa mapa. Mga puno ng pino ang nasa magkabilang gilid ng daan. Then he saw the cottage. May picket fences na napipinturahan ng puti. Ganoon ding kulay ang pintura ng bahay.
Ipinarada niya ang sasakyan sa gilid ng daan na puno ng mga tuyong dahong nalalaglag mula sa malalaking puno. Lumabas siya ng sasakyan at sandaling tinitigan ang cottage bago humakbang patungo roon.
Ang mga halaman ay well-manicured. The flowers were in bloom. Nagtuloy-tuloy siya sa portico. Inabot niya ang knocker at marahang kinatok ang pinto. Mula sa loob ay narinig niya ang pagsigaw ng “coming” ng isang babae at ang mga yabag nito.
He held his breath for a long moment. Pagkuwan ay bumukas ang pinto at sumungaw ang isang matandang babae. Agad niyang natiyak na ito ang hinahanap niya. She was a Filipina. Hindi nagkakalayo ang edad nito sa mama niya.
“Matilda Gomez?”
Tumango ang babae, nasa mga mata ang curiosity. “Yes. Do I know you?”
“I’m Leandro Jace del Mare...”
“Oh.”
BEINTE minutos na ang nakalipas mula nang makaalis si Jace sa bahay niya. Hindi siya makapaniwalang ang limang taon at malnourished na batang iniwan niya kay Concordia maraming taon na ang nakararaan ay lumaking ganoon kagandang lalaki.
But then as a child, the boy had been very attractive. Iyon ay sa kabila ng kapayatan nito.
Kaninang tinatanong siya ng binata ay patuloy na pinauulit-ulit sa kanya ang mga bagay na nasabi na niya na para bang sa ginagawa nito ay may maaalala pa siya. She couldn’t blame him for wanting to find out anything about his real family.
Natitiyak niyang magtatagal pa sana si Jace kung hindi lang sa tinanggap nitong tawag mula sa isang Henry Carillo. Sa tinatakbo ng pag-uusap ay tila hiniling ng tumawag na si Jace ang humalili ritong magpiloto sa isang pribadong eroplano.
Ang pag-iisip niya ay naputol sa muling pagtunog ng door chime. Nagbalik ba si Jace? May nakalimutan pa ba itong itanong sa kanya?
Binuksan ni Matilda ang pinto. “May nakalimutan ka ba, Leandro?” wika niya nang mabungaran ang nakatayong lalaki, subalit nang makita ang isang magandang babaeng nasa tabi nito ay nagsalubong ang mga kilay niya. May kabang dumamba sa dibdib. Pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawang nasa labas ng pinto niya.
“Y-you’re not Leandro...”
“Nagkita na tayo, Miss Gomez... maraming taon na ang nakararaan... sa ospital,” came the baritone voice.
“Oh!” usal ni Matilda Gomez sa ikalawang pagkakataon.