noveltoon logo noveltoon
My Genie Lover

Chapter 7

Ch. 8 / 30 Nov 28, 2025

Well, it does feel good to help. Lalo na kung alam mong may kapalit. When was the last time that I helped somebody? Noong may inalalayan akong matandang babaeng tumawid sa kalsada? Hindi ko na matandaan kung kailan `yon, pero oo, ginawa ko `yon. Mabait naman talaga ako, lalo na `pag tulog.

GAYA ng inaasahan ni Euna, wala na si Nate sa Alava nang dumating siya roon. Masaya siyang sinalubong ng kanyang nanay at Ate Elsa na nakatira lang malapit sa kanilang bahay. Tumanggi siyang ipabuhat sa mga ito ang dala niyang duffle bag pagkababa niya ng tricycle na naghatid sa kanya mula sa downtown.

“Mabuti na lang at mabait ang boss mo, anak,” tuwang-tuwang sabi ng kanyang ina.

“Mabuti na lang at nagkataong napadaan siya sa Alava sa kanyang business trip,” sabi niya, sabay lapag ng bag sa sahig sa sala ng bahay. “Kung nagkataon, sa kalaboso na tutubuan ng uban ang bunso ninyo.”

“Boss mo lang ba talaga `yong si Nate?” may himig-panunuksong tanong ni Elsa. “Ang guwapo, ha?”

Heto na naman ang ate niyang mahilig sa guwapo!

“Boss ko nga siya. Bagong boss,” pagsisinungaling ni Euna. Iyon ang pinag-usapan nila ni Nate na pagpapakilala nito sa kanyang pamilya.

“Akala ko noong una, siya na ang ipinalit mo kay Ephraim,” sabi pa ni Elsa. “Ay, alam mo bang mula nang mahuli mo sila ni Rachel, ipinangangalandakan na talaga nila sa madla ang relasyon nila?” pagtsitsismis pa ng ate niya. “Kahapon nga, magkasama sila sa peryahan.”

“Wala na akong pakialam sa kanila,” nakasimangot na sabi niya, pero sa loob-loob ay may inis pa rin siyang nararamdaman. Natural na hindi agad iyon mawawala. Biruin mo naman kasi, niloko siya ng kanyang boyfriend at kaibigan! Kung bakit hindi na lang niya sinugod ang mga ito at pinag-untog ang mga ulo nang makabawi siya sa inis kahit paano.

“Nasaan na si Ed?” mayamaya ay tanong niya sa kapatid at ina.

“Nasa kuwarto niya,” sagot ng kanyang ina.

“Wala ba siyang pasok?”

Nagkatinginan ang dalawang kausap.

Inis na nagmartsa si Euna papunta sa kuwarto ng bunsong kapatid at kinatok iyon. “Ednar! Buksan mo `tong pinto at mag-usap tayo!” malakas niyang tawag. Halos magiba ang pinto sa lakas ng pagkalampag niya bago iyon binuksan ni Ednar.

“Bakit hindi ka pumasok?” agad niyang sita.

“Ayoko nang pumasok, Ate,” sagot nitong nagkukusot ng mga mata.

“Ayaw mo nang mag-aral? Itatapon mo na lang basta ang pangarap ni Tatay na makatapos tayong magkakapatid sa college, ha? At hindi mo ba alam kung gaano kahirap maghanap ng trabaho ang mga walang tinapos?” panenermon niya sa mataas na boses.

“Sawang-sawa na akong mamroblema sa pera! Lagi na lang kulang ang allowance ko. Ni hindi ako makabili ng merienda at mas pinoproblema ko ang bayad sa tuition kaysa sa mahihirap na exams!”

“Ano ka ba naman, Ed? Nagkakandahirap akong magpaaral sa iyo—”

“`Yon nga, Ate! Ayoko nang mahirapan ka sa pagtatrabaho. Kaya huwag mo na akong alalahanin pa. Hindi mo na ako kailangan pang pag-aralin. Maghahanap na lang ako ng trabaho.”

“At anong trabaho, aber? Drug pusher?” Pigil-pigil ni Euna ang sariling sampalin ang kapatid. “Gusto mo nang sirain ang buhay mo, ganoon ba, ha, Ed?” Hinablot niya ang neckline ng T-shirt nito. “Alam mong marijuana ang laman ng paper bag na `yon, ano?”

Tumiim-bagang lang si Ednar. Nasa likuran naman niya ang kanyang ina at hinawakan siya sa braso para awatin.

“Sumagot ka!” bulyaw ni Euna.

“Hindi ko alam!” malakas na sabi ni Ednar. “Basta ang sabi ni Tiyong, sumunod ako sa ipag-uutos niya kung gusto kong magkapera nang malaki.”

“At sumunod ka naman?” hindi-makapaniwalang bulalas niya.

“Sawa na ako sa pagiging mahirap! Lagi na lang ganito ang buhay natin mula nang mamatay si Tatay. Ayoko na ng ganito!”

Buong puwersa niyang hinila ang T-shirt ng kapatid at ipinagtulakan sa sala. “Sige, kaya mo nang mabuhay nang mag-isa? Lumayas ka sa bahay na ito at maghanap ka ng ikagiginhawa ng buhay mo!”

“Anak, tama na!” awat ng nanay niya. “Ano ka ba?”

Hindi siya nakinig dito. Binalingan niya si Elsa na nakaupo lang sa sofa at nagte-text o naglalaro sa cell phone nito. “Ate, kunin mo lahat ng gamit ng tarantadong ito nang makaalis na siya sa bahay. Ayokong magkaroon ng kapatid na kriminal!”

Nangingilid na ang luha sa mga mata ni Ednar. “Ayoko ring mamatay sa gutom!”

Muli niya itong itinulak. “Ginugutom ko ba kayo? Hindi mo alam kung anong klaseng pagsasakripisyo ang ginagawa ko para lang makakain kayo!”

“`Yon nga ang point, Ate! Hanggang kailan kami aasa sa `yo? Bakit hindi mo ako maintindihan? Ginagawa ko rin ito para sa `yo, para sa atin!”

“Tumigil na kayo! Ano ba?” bulyaw ng kanilang ina at pilit siyang inilalayo mula kay Ednar.

“Lumayas ka na nga kung gano’ n! ” pagtataboy ni Euna sa bunsong kapatid.

“Saan ako pupunta?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Ednar.

“Aba, eh, ewan ko sa `yo! Bahala ka na sa buhay mo. Tutal, nagmamagaling ka naman. Patunayan mo `yan ngayon. Sige, umalis ka na!”

“Pero, Ate—”

Hindi naituloy ni Ednar ang sasabihin dahil may ibang tunog itong pinakawalan. At hindi galing sa bibig nito ang malakas na tunog kundi galing sa puwit. Umutot ito sa gitna ng pagdadrama nilang mag-ate!

Biglang natahimik ang buong sala. Nagtakip si Euna ng ilong nang maamoy ang mabahong hangin na pinakawalan ni Ednar.

“Shet!” mura ni Elsa. “Ang baho naman niyan, Ed!”

Nagtakip din ng ilong ang kanilang ina. “ Grabe, ano ba `yan?! Ano ba ’ng kinain mo, anak?”

Nahihiyang nagkamot ng ulo si Ednar. “May ibinigay kagabi sa akin `yong isang pulis do’n na isang platong kamote.”

Humagikgik si Elsa, na hindi nagtagal ay naging tawa. Tawang sinabayan naman ng kanilang ina. Tawang lumakas pa nang pati si Euna ay nakitawa na rin.

Binatukan niya si Ednar. “ Buset ka! Sinira mo ang Oscar moment natin, ah.”

Magsasalita pa sana ang bunsong kapatid nang muli na naman itong magpakawala ng mabahong hangin.

“Utang-na-loob, Ed!” tili ni Euna at muling itinulak si Ednar, pero hindi na palabas ng bahay. Itinulak niya ito pabalik sa kuwarto. “Magkulong ka sa kuwarto mo at sarilinin mo `yang mabahong utot mong daig pa ang amoy ng nuclear waste. Kadiri ka!”

“Para namang mabango `yang utot mo!” ganti ng bunsong kapatid bago nagsara ng pinto.

NAHIMASMASAN na si Euna mula sa galit kay Ednar nang makakain siya ng tanghalian. Magkakaharap silang mag-anak sa mesa at pinagsasaluhan ang mga ulam na niluto ng kanilang ina.

Habang kumakain, muli niyang pinag-isipan ang gagawin sa perang bigay at ibibigay pa ni Nate. May dala siyang one hundred thousand in cash, may dala ring ATM card at credit card na galing sa lalaki. Noon lang siya nakahawak ng ganoon kalaking pera. At ang gusto nga ni Nate kanina ay bigyan siya ng mas maraming cash money. Pero natatakot naman siyang magdala ng malaking halaga. Baka iyon pa ang maging mitsa ng buhay niya!

Hindi pa rin makapaniwala si Euna sa mga nangyari sa kanyang buhay sa loob lang ng ilang araw. Magiging mayaman na siya! Maibibigay na niya sa pamilya ang karangyaan na noon pa niya pinapangarap.

But she had decided to be discreet. Hindi niya dapat ipaalam sa kanyang pamilya na marami siyang pera. Magtataka ang mga ito, siyempre. Alangan namang sabihin niyang nanalo siya sa lotto, hindi naman siya tumataya.

Baka makibalato pa ang mga kapitbahay nila, dumami ang kaibigan niya at mga kamag-anak. Naku, siguradong makikipag-close na sa kanya ang atribidang nag-iisang kapatid ng kanyang ina na si Lucy. Matagal na silang hindi nagkikita pero malakas ang radar niyon kapag pera na ang usapan. Isa pa, problema niya ang demonyong si Octavio!

Ipagpapatuloy niya ang pagpapaaral kay Ednar. Tutulungan din niyang magtayo ng negosyo si Elsa. Siyempre, hindi lang niya iaabot ang pera at hayaan na lang na hindi kumayod ang mga ito. Mayaman nga siya pero hindi sapat ang pera niya para suportahan ang magiging anak pa at apo ng dalawang kapatid sa hinaharap.

Of course, she would be giving them a large sum of money for their savings, too. Hopefully ay maging stable na ang financial status ng mga ito, may mahuhugot sa oras ng kagipitan. At ang kanyang nanay, hindi na ito magtatrabaho pa kahit kailan. Bibigyan niya ito ng maginhawang buhay. Her poor mother deserved to be pampered in life.

Nang sumapit ang hapon, niyaya ni Euna ang buong pamilya na pumunta sa mall at doon ay pinag-shopping niya ang mga ito.

“Marami ka yatang anda ngayon, Euna, ha?” pang-iintriga ni Elsa na sige sa pagsukat ng mamahaling sapatos. Pati boots ay gusto nitong bumili.

“Sabi ko na sa inyo, big-time investor ang boss ko. Kapag malaki ang kita niya, kasali ako sa grasya,” pagdadahilan na lang niya.

“Kukunin ko `to!” tuwang-tuwang sabi ni Elsa at binitbit ang itim na pares ng boots.

“Saan mo naman gagamitin `yan?” nakangiwing tanong ni Euna.

“ Pamporma, ano fa ? ”

“ Gusto mo rin ng latigo at cowboy ’s hat, `tapos kabayo para kompleto ang porma? Pormang pangarera sa Sta. Ana! Wagi !”

Kinurot siya ni Elsa sa baywang. “Gaga ka talaga! Mamili ka na nga lang ng damit at sapatos. Tingnan mo `yang suot mo, luma na at wala pa sa uso.”

Napabuntong-hininga si Euna. Kailangan nga niyang mag-shopping para sa sarili. Pagod lang siya ngayong araw kaya hindi siya makarampa sa pamimili.

“Kayo na lang muna. Saka na ako `pag nakapagpahinga. Nakakapagod ang araw na ito, `no!”

“Saka mamili ka rin ng mga seksing damit, uy. `Yong miniskirts, at mga top na kita ang likod at cleavage.”

Alam ni Euna na sexy siya. Five feet and six inches ang height niya, pantay ang light brown complexion, at wala siyang sobrang taba sa katawan. Pero dahil laging nagtitipid sa pera, wala siyang maipambili ng magagandang damit na sunod sa uso. She had always opted for comfy clothes that she could wear on many occasions. Kaya ang alindog niya ay hindi palaging nailaladlad sa publiko.

Mahina siyang siniko ni Elsa. “Iparada mo `yang magandang katawan mo nang may manligaw uli sa `yo! Malay mo, baka maakit sa iyo si Nate! Naku, kung dalaga lang ako, mamanyakin ko ang lalaking `yon.”

Pinanlakihan niya ng mga mata ang kapatid. “Ate! Baliw ka talaga!” Siya naman ang kumurot sa baywang nito. “Asikasuhin mo nga si Jonjon at puro laruan na naman ang pinabibili sa lola niya.”

Natutuwa si Euna sa kasiyahan ng ina sa binili niyang higanteng flat-screen TV at entertainment system para sa kanilang bahay. Mas mae-enjoy na raw nitong manood ng mga telenovela at mangiyak-ngiyak pa itong nagpasalamat sa kanya. Marami pa siyang ibibigay sa kanyang ina. Unti-unti muna sa ngayon.

Sa hapunan, kumain silang mag-anak sa isang mamahaling restaurant. Hindi maitatago ang saya ng kanyang pamilya. Natutuwa si Euna na siya ang nagbigay niyon. Hindi na sila muling maghihirap pa.

“Sana laging ganito,” nakangiting sabi ni Ednar na panay ang subo ng pata tim.

“ Ipagdasal mong magtuloy-tuloy ang suwerte ko sa trabaho, ” sabi niya. “Siyanga pala, valid pa ba ang driver’s license mo?”

Na-excite si Ednar sa kanyang tanong. “Oo, Ate. Ibibili mo ako ng kotse?”

Kumuha dati ang kapatid niya ng driver’s license dahil ume-extra sa pagda-drive ng mga tricycle sa bayan. Tinuruan din ito ng bayaw nilang si Jerome na magmaneho ng jeep.

“Malay mo,” nakangiting sabi niya. “Baka matulungan ako ni Nate na maka-loan ng kotse.”

“ SUV, Ate, para maluwang sa loob. Matakaw nga sa gasolina pero safe namang sasakyan `yon. ”

“Tingnan na lang natin.”

Masaya silang umuwi nang gabing iyon. Na-miss din pala ni Euna ang masasayang sandaling gaya niyon. Hindi na niya matandaan ang huling pagkakataon na sama-sama silang lumabas na mag-iina. Masayang sandali na nasira nang madatnan nila si Octavio sa bahay.

“Nakabingwit ka talaga ng big-timer, Euna,” nakangising sabi ng stepfather.

Umikot ang eyeballs niya. Mabilis naman siyang tiningnan ng kanyang ina, nakikiusap ang mga matang huwag nang pagsalitaan pa ang stepfather niya. Tumahimik na lang si Euna. Na-drain din naman kasi ang energy niya kanina sa engkuwentro nila ni Ednar. Wala na siyang lakas para makipagtalo, lalo pa sa walanghiyang lalaking ito na nakainom na naman.

“Wala ba akong balato diyan?” ungot pa ni Octavio.

Balatuhin mo’ng mukha mo! Hindi niya napigil na angilan ito. “Hindi ako nanalo sa lotto!” Mabilis siyang pumasok sa kanyang kuwarto.

PAALIS ng bahay si Nate nang tawagin siya ni Euna. Nasa maliit itong kuwarto nang sumulpot siya sa harap ng dalaga na nakabihis ng damit-panlakad.

“Are you going to be busy today?” tanong ni Euna.

Nagkamot siya ng sentido. “Dapat yata tawagan mo muna ako sa cell phone at doon kausapin bago mo ako sinu-summon na magpakita sa iyo. I can’t just disappear in front of everybody, Euna! `Buti na lang nasa loob ako ng bahay nang tawagin mo.”

“Okay, fine. Next time. Well, may gagawin ka ba ngayon o wala?” naiinip nitong tanong.

Sumimangot si Nate. “May pupuntahan sana.”

Tinaasan naman siya ni Euna ng kilay. “Saan? Mambababae na naman?”

“May lalakarin ako sa bangko.” Pagkatapos, mambababae na.

“Kailangan ko ng tulong mo ngayon, Nate. Gusto kong bumili ng kotse. Marami kang alam tungkol sa mga sasakyan kaya alam kong matutulungan mo akong pumili ng maganda.”

“Okay, tara na.”

Paglabas nila sa sala, nakita ni Nate na nakahilata sa sofa ang stepfather ni Euna na nakilala niya noong ilabas niya sa kulungan si Ednar apat na araw na ang nakararaan. Dahil isa pa rin siyang tao, wala siyang kakayahang maging invisible gaya ng isang tunay na genie. Limitado lang ang kapangyarihang taglay niya.

“ `Andito pala ang boss mo, Euna? ” nagtatakang tanong ni Octavio. “Hindi ko yata siya nakitang pumasok ng bahay?”

“S-sa kusina ko po siya pinapasok,” natatarantang sagot ni Euna.

“Ano’ng ginawa ninyo sa kuwarto mo?” nagdududang tanong pa rin ng matanda.

“Wala na kayong pakialam,” mataray na sagot ni Euna at hinila na si Nate palabas ng bahay.

“See? `Yan ang sinasabi ko sa `yo, Euna. You can’t just call me anytime you want. Baka mabuking tayo,” mahinang babala niya.

“Oo na nga. Next time, eh, tatawag muna ako sa `yo. Mahirap na rin, baka nakahubad ka na namang magpapakita sa akin.”

Tumawa si Nate. Noon niya napansing sexy pala ang damit na suot ni Euna. Dilaw na minidress na may makitid na itim na belt, sexy din ang black strappy sandals nitong litaw ang mga daliri sa mga paa na bagong pedicure. Nang tumingin siya nang maigi sa mukha ng dalaga ay napansin niyang naka-light makeup ito, pina-trim din ang lampas balikat na buhok na may highlights na red at golden brown. He never thought Euna could actually look this sophisticated. And very pretty.

“You look nice,” pagbibigay ni Nate ng compliment sa dalaga nang nasa gilid na sila ng barangay road at naghihintay ng masasakyan.

“Thank you.”

“Mukha ka nang mayaman,” natatawang sabi pa niya.

“Mayaman naman na talaga ako,” sabi nito na itinaas pa ang noo.

“Yeah, thanks to me.” Inilapit ni Nate ang pisngi kay Euna at idinampi-dampi roon ang hintuturo. “I deserve a kiss for that,” paglalambing niya.

Lambing? Shit. Kailan pa siya natutong maglambing? Mang-akit ang kaya niyang gawin, hindi maglambing. Pero heto siya ngayon, humihingi ng halik sa pisngi. So fucking lame.

Sa gulat ni Nate, binigyan naman siya ni Euna ng halik, malapit pa sa kanyang bibig. At ikinatuwa niya iyon. Wala pa yatang babaeng humahalik sa kanyang pisngi, o kung mayroon man ay kasama iyon sa foreplay sa sex.

Nakangiti silang nagtitinginan sa isa’t isa nang makuha ng isang paparating na motorsiklo ang atensiyon ni Euna. Nakita ni Nate na tumingin sa kanila ang lalaking walang helmet na sakay niyon bago nito ibinalik sa kalsada ang atensiyon.

Narinig niyang bumuntong-hininga si Euna at nang tumingin siya rito, nahuli niyang inihahatid nito ng tingin ang papalayong motorsiklo. Parang nilubugan ng araw ang magandang mukha ng dalaga.

“Kakilala mo?” curious na tanong ni Nate.

“Ex-boyfriend ko.”

“Naging boyfriend mo `yon?” pigil ang pagtawang tanong niya.

“Oo. At bakit natatawa ka yata?”

“ Pinatulan mo talaga ang pagmumukhang `yon? Kakaunti siguro ang mga lalaki dito, ano? ”

Hinampas siya ni Euna sa braso. “Kung makapanlait ka naman, parang napakaguwapo mo!”

“Guwapo talaga ako,” pagmamayabang ni Nate. “Seriously, naging boyfriend mo talaga `yon?”

“Oo sabi! Ba’t ba ang kulit mo?”

Natawa na naman siya. “Hindi siya bagay sa iyo. Hindi siya guwapo. Mukha siyang kulugong tinubuan ng mukha!”

Inirapan siya ni Euna. “Hindi ako tumitingin sa panlabas na hitsura, Fortunato! Hindi man kagandahang lalaki si Ephraim ay matalino siya, tahimik, family-oriented, at walang bisyo. Sa totoo lang, wala akong masyadong maireklamo tungkol sa kanya. U-until… Oh, well.” Bumuntong-hininga ito. “Basta. M-mahal ko ang lalaking `yon.”

“Mahal mo nga talaga kung nagawa mo siyang patulan kahit maaskad ang pagmumukha niya. Mukha pa siyang goon sa pelikula!”

Muli siyang hinampas ni Euna sa braso, mas malakas. “Nakakarami ka na! Hindi naman masyadong pangit si Ephraim!”

“Teka, present tense yata ang pagkakasabi mong mahal mo siya? Akala ko ba ex mo na `yon?”

Natahimik si Euna, sumimangot na lang.

“What happened? Bakit kayo naghiwalay?” Bakit nagiging tsismoso na yata siya? Ano ang pakialam niya sa personal na buhay ni Euna? Wala pa siyang babae na kinilala nang husto dahil ayaw niya ng ano mang attachment sa mga ito. Pero kailangan naman siguro niyang kilalanin kahit paano si Euna dahil hindi pangkaraniwan ang kanilang sitwasyon. Nagbibigayan sila ng pabor. Mayroon silang koneksiyon sa isa’t isa sa ayaw man niya o sa gusto. Isa pa, naiisip ni Nate na kung mapapalapit sa kanya ang babae, magiging mabait ito sa kanya at bibigyan siya ng mas mahabang panahon sa labas ng magic lamp. Euna might be feisty but she was also selfless. Napatunayan niya iyon sa nakitang concern nito sa pamilya.

“Nagtaksil siya sa akin, ipinagpalit ako sa ibang babae,” kuwento ni Euna.

“Wha— Nagtaksil sa `yo ang pagmumukhang `yon? Siya pa ang may ganang magtaksil? Ang mukhang `yon?”

Tumango ito. “He cheated on me with my best friend.”

“Fuck. Double whammy,” iiling-iling na sabi niya.

“Kung mamalasin nga naman. Sa lahat ba naman ng magiging kapintasan ni Ephraim, ang pagiging cheater pa,” mahinang sabi nito na sinabayan ng pag-iling.

Inakbayan niya ito. “Huwag mo na siyang isipin pa. Good riddance ang nangyari dahil hindi talaga kayo bagay.” Humalik siya sa buhok ni Euna at naamoy niya ang bango ng ginamit nitong shampoo o hairspray. “Mas bagay tayo.”

Napaaray si Nate nang sikuhin nang malakas ng dalaga. Pumara na ito ng paparating na tricyle.