Sometimes, I would like to think that my life is like a dramedy—you know, drama-comedy. Or just one big fucking joke.
MAGKATABING nakaupo sa ibabaw ng hood ng kotse sina Nate at Euna isang hapon na katatapos lang mag-driving lesson uli ni Euna. Unlike the last time they ended up fucking in the middle of the grassy field, nakontento lang sila ngayon na nakaupo roon at pinapanood ang lumulubog na araw.
“See? I told you, I can do this,” basag ni Nate sa katahimikan. “Kahit ilang sunsets pa ang panonoorin natin, hinding-hindi ako mababagot.”
“Oo na. Naniniwala na ako,” she said with a giggle.
He was holding her in his arms, lovingly, warmly. Ngumiti siya sa nakitang kamay nito na mahigpit na nakahawak sa kanyang balikat.
“Are you happy?” mayamaya ay tanong ng binata.
Tumango si Euna. “Uh-huh.” Napatingin siya kay Nate nang mahina itong tumawa.
“Ngayon ko lang yata `yan natanong sa ibang tao. I now am just slowly realizing how big of an asshole I had become through the years,” parang nahihiya nitong sabi.
“At least inaamin mo nang asshole ka,” sabi niya na sinundan ng hagikgik. “Hindi ka pa naman hopeless case, I think. Gaya ng sabi ko sa `yo, nararamdaman kong mabuti kang tao, Nate.”
“Ang lakas talaga ng tama mo sa akin,” tukso nito at hinalikan ang tuktok ng kanyang ulo.
“Ikaw rin naman, ah,” sabi niya, sabay kurot sa tagiliran nito.
“So, inaamin mo nang may tama ka sa akin?” kantiyaw uli ni Nate.
“Papayag ba naman akong maging boyfriend ka kung wala?” Ugh. Mapapaamin pa yata siya nang di-oras sa lalaking ito. No, hindi muna niya aamining napapamahal na ito sa kanya. Ano ito, sinusuwerte?
“Your genie boyfriend,” pagdiriin ni Nate.
“My genie lover, I say,” pagtatama ni Euna, saka mabilis itong hinalikan sa mga labi. Muli siyang napatingin sa kalangitan at bumuntong-hininga. “Ang hirap-hirap mag-isip ng last wish,” sabi niya. “World peace kaya, ano sa palagay mo?” naisip niyang sabihin.
“Ahm, may napanood akong ganyan. May nag-wish sa genie ng world peace at natupad nga iyon. Pero nawala naman ang lahat ng tao sa mundo,” kontra naman ng binata.
“May point nga naman. Kasi habang may mga tao sa mundo, hindi talaga tayo magkakaroon ng peace. Eh, kung i-wish kong magkaroon tayo lahat ng puso? You know, we all learn how to love each other? Sa ganoon, madali na lang sigurong magkaroon ng world peace.”
“ Sinabi ko na sa `yo noon, hindi puwedeng i-wish na mag-iba ang nararamdaman ng mga tao, ” paalala ni Nate.
“Daming arte talaga.”
“Bakit ka kasi nagmamadali?”
“Baka kasi aksidenteng maka-wish na naman ako ng epic fail, mawala ka pa sa akin,” pag-amin niya. “Babalik ka na sa lampara, iiwan mo na ako.”
“ Eh, di hahanapin kita pagkalabas ko uli. Puntahan kita doon sa mini-forest mo. Mamarkahan natin lahat ng sulok ng lugar na iyon.”
Hindi niya naitago ang lungkot nang muling magsalita. “Paano kung wala kang sapat na panahon para hanapin ako? B-baka sa susunod na paglabas mo sa lampara, matanda na ako, Nate. Isipin mo na lang, nakaratay na ako sa kama, malapit nang mamatay. `Tapos ikaw, batang-bata pa.”
“Hey, is that the reason why you were crying over that scene in that Captain America movie ? ”
Malungkot na tumango si Euna. Napaiyak at napahikbi nga siya sa eksena ni Steve Rogers na kinakausap ang love interest nitong si Peggy Carter na tumanda na at may dementia pa. Niyakap tuloy siya ni Nate noon sa sinehan.
“Sana hindi pa ako ulyanin `pag—”
“Babe, stop that,” mabining saway ni Nate. “What’s with the melancholy? Dapat nagsasaya tayo ngayon. Okay na kami ng daddy ko. Okay na kayo ng nanay mo. Everybody should be happy.”
Ngumuso siya. “Eh, kasi baka hindi ko na kaya ang mga acrobatic moves natin `pag matanda na akong babalikan mo! Mahina na ang mga tuhod ko no’n. Baka mabalian na ako ng mga buto. I may not be able to ride you anymore!”
Ang lakas ng halakhak ni Nate. “Woman, you’re killing me!”
“But I’m serious!”
“Kung hindi mo na kayang makipag-sex sa akin… Well, you can just cook me dinner or something. We can take a walk on the beach, watch movies, sit in the patio and watch the sunset…”
“T-talaga? Makaka-survive kang ganoon lang ang ginagawa natin?”
“Parang palagi naman tayong nagse-sex `pag nagkikita tayo. Kahapon nga, wala tayong ginawa kundi manood ng TV maghapon, hindi ba?
Yumakap siya kay Nate. “I-wish ko na lang kaya na maging normal kang tao? Iyon naman ang gusto mong mangyari, hindi ba? Sa ganoon, hindi mo na maiiwan ang daddy mo, `tapos—” Hindi niya naituloy ang sasabihin nang mag-ring ang kanyang cell phone na nasa bag niya sa loob ng kotse. Pinakawalan siya ni Nate at inalalayang bumaba mula sa hood ng kotse.
Hindi mapaniwalaan ni Euna ang mga sumunod na eksena. Si Elsa ang tumatawag, may hatid na masamang balita. Hindi siya agad naka-react, pagkatapos ay ilang beses pang tinanong ang kapatid kung totoo ba iyon.
It was real. Kasintotoo ng araw na lumubog na sa kanluran. Wala na raw ang kanilang ina.
HAWAK-HAWAK ni Euna ang neckline ng T-shirt ni Nate, basa ng luha ang mga pisngi ng dalaga at walang tigil sa pag-iyak.
“Take all your money back. I don’t care!” umiiyak na sabi nito. “Ibalik mo lang ang buhay ng nanay ko, parang-awa mo na. Handa uli akong maghirap at magpakamatay sa trabaho basta buhayin mo uli siya, Nate.”
“P-pero, Euna—”
“I’m sorry, Nate! G-gusto ko sanang i-wish na maging normal ka nang tao pero k-kailangan ko nang gamitin ngayon ang last wish ko para sa nanay ko,” humihikbing sabi nito. “I’m sorry. I’m so sorry I can’t choose you both ! P-please, I’m begging you. Bring my mother back to life. I am wishing for it right now. Hinihiling kong mabuhay uli ang nanay ko. Iyon ang ikatlo kong kahilingan!”
Parang sinisipa ng sampung kabayo ang dibdib niya. “Sweetheart, you know that y-you can’t wish for that,” malungkot na sabi niya.
“ K-kung gano ’n, ibalik mo na lang ang orasan. Bring back yesterday, or last week, or last month. Para maipadoktor ko si Nanay at baka natuklasan nilang magkaka-brain aneurysm siya at maaagapan `yon.”
“You can’t wish for that either, baby. I’m so sorry.”
Pinagbabayo ni Euna ang kanyang dibdib. “Damn you! Anong klase kang genie, Nate?” umiiyak na sabi nito.
“I told you there are rules. You can’t bring back the dead and you can’t turn back the hands of time. Wala akong magagawa—”
“Fuck all your rules! Fuck you! Wala kang kuwenta! Wala kang kuwenta!” sigaw nito.
He took all her beatings. Kung iyon ang makakapagpagaan sa loob ni Euna, buong-puso niyang ihahain ang sarili para maging punching bag nito. Hanggang sa napaupo na lang sa lupa ang dalaga at niyakap niya ito roon hanggang sa tumahan nang kaunti.
“I know it’s hard, but you have to be strong,” paalala niya nang nasa kotse na sila.
Damn it. He was not good at this. Wala pa siyang taong kinausap na nawalan ng mahal sa buhay. Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin kaya pinili na lang niyang tumahimik at tumangis sa loob-loob.
Inihatid ni Nate si Euna sa condo unit para kumuha ng ilang gamit at umuwi rin siya sa kanyang bahay para mag-empake. Sasama siya kay Euna sa Alava.
“Wala na ba talagang ibang paraan?” tanong niya kay Jinnea nang lumabas siya ng kuwarto bitbit ang duffle bag. “Is there something that I could give?”
Malungkot na umiling ang jiniri . “I’m sorry, Nate. Wala tayong magagawa. We really can’t defy death. Nasa tadhana nating lahat `yan.”
Sa mahabang biyahe nila ni Euna, halos hindi sila nag-usap ng dalaga. Tahimik lang itong lumuluha kaya itinuon na lang niya ang atensiyon sa pagmamaneho.
What could he do to make her feel better? Naulila na ito sa mga magulang. Ang inang nagmahal at nag-aruga rito ay namatay nang ganoon-ganoon na lang. Life was not fair. Kung totoo ngang may dahilan ang lahat ng nangyayari sa mundo, hindi niya makita kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng ina ni Euna. Napamahal na rin sa kanya si Eden, at ngayon ay wala na ito.
Nasa morgue na ang mga labî ni Eden nang dumating sila sa bayan ng Alava. Sadyang ipinahintay ni Euna na huwag munang iembalsamo ang ina habang wala pa ito roon. Nakatakip ng puting kumot ang bangkay na naabutan nila sa loob ng morgue.
Mabigat ang mga hakbang na nilapitan ni Euna ang wala nang buhay na ina at niyakap ang katawan nito. Nanatili naman siya sa likuran ng dalaga, isa’t kalahating hakbang ang layo mula rito.
“Nanay!” umiiyak na sigaw ni Euna. “Ano ba naman kayo? Basta na lang kayo nang-iiwan! Pupunta pa tayo sa Hong Kong, hindi ba? Mamamasyal pa tayo sa Disneyland, `tapos magsha-shopping pa tayo sa Macau.”
Noong isang araw nga lang ay kausap nila sa telepono si Eden at masaya nitong ibinalita na nakakuha na ito ng passport. And now… `Tang-ina. In a snap, everything around his girl crumbled just like that. Walang pasabi, walang senyales.
“Ang daya mo, `Nay! Ni wala kang paalam sa akin. Ni wala kang paramdam man lang na aalis ka na pala at hindi na kita makikita pa uli. Nanay!”
Kung totoo siguro iyong sinasabi nilang pagkadurog ng puso, iyon ang nararanasan ni Nate nang mga sandaling iyon.
HINDI pa rin tuluyang nagsi-sink in ang lahat kay Euna. Hindi pa rin siya makapaniwalang wala na sa mundo ang kanyang ina. Ang sama-sama ng loob niya. Pero kahit ano ang gawin—kahit magwala siya, kahit mamuhi sa buong mundo, at kahit murahin niya ang Diyos ngayon—maibabalik pa ba ang buhay ng kanyang mahal na nanay?
Kahit alam niyang wala siyang kasalanan ay nakakaramdam pa rin siya ng parang guilt. Maybe a guilt that she had no power over her mother’s life, maybe a guilt from not having the chance anymore to give her a better life.
Pangatlong gabi na ng lamay at natuyuan na yata siya ng luha. Wala na siyang maiiyak pa. Naka-quota na siguro siya sa luha. Naiiyak na niya ang naipong luha sa maraming taon. Huli siyang umiyak noong mamatay ang kanyang tatay.
Ayaw na niyang umiyak. Mga namamatay sa kanyang pamilya ang tanging iniiyakan niya. Ayaw na niyang may mamatay pa. Ang hirap ng pakiramdam. Hindi maipaliwanag ang sakit. Para siyang nawalan ng isang importanteng parte sa pagkatao na hinding-hindi na maibabalik pa. Siguro, mas mabuting mauna na lang siyang mamatay kaysa sa mga kapatid niya dahil baka hindi na niya kayanin ang sakit.
Sa bakuran nila idinaos ang lamay. Gabi-gabing dagsa ang mga tao dahil baha ang pagkain at inumin. Ang mga kamag-anak nila ang nag-aasikaso sa mga naglalamay kaya kahit paano ay hindi naman napapagod si Euna. Puyat lang ang kalaban niya. At stress na rin siguro dahil sa pigil-pigil na pagkainis kay Octavio at dumagdag pa ang atribidang kapatid ng nanay niyang si Lucy na feeling close na sa kanya dahil nakaamoy ng pera.
Hindi rin nawawala sa lamayan ang kaibigan niyang si Rachel. Kahit buntis ay nagpumilit itong tumulong na mag-asikaso roon. Nag-uusap na rin sila kahit na may kaunti pa rin silang pangingilag sa isa’t isa. Hindi naman siguro madaling ibalik sa dati ang pagkakaibigan nila. Humingi na si Rachel ng tawad at pinatawad naman niya dahil hindi na niya gustong magdala pa ng galit sa dibdib. Tanggap na rin daw ni Rachel na hindi na ito babalikan ni Ephraim at handa nang harapin ang pagiging single mother.
“You need to sleep, sweetheart,” banayad na sabi ni Nate at tinabihan siya ng upo sa harap ng kabaong.
“Ayokong matulog,” mahinang sabi ni Euna. Paos na ang kanyang boses dahil sa madalas na pag-iyak nitong mga nagdaang araw.
“Baka magkasakit ka niyan,” nag-aalalang sabi nito.
“Ikaw rin naman, tatlong gabi ka nang puyat,” sabi naman niya. “Matulog ka na, Nate. Okay lang ako dito.”
Inakbayan siya ng binata. “Sanay ako sa puyatan. Don’t worry about me.”
Oo nga naman. This man used to be a party animal.
“P-pareho na tayong ulila sa mga magulang…” Napahikbi siya pero tuyo na talaga ang mga mata niya at wala nang iluluha pa. “At least ikaw, may tatay pa kahit hindi mo kadugo. Ako, ano’ng iniwan ni Nanay na magiging magulang ko?” Nakasimangot siyang tumingin sa kinaroroonan ni Octavio na nakikipag-inuman sa mga kaibigan nito. Tatlong gabi na rin itong panay ang inom, saka mag-iiyak at mag-aatungal sa kabaong kapag lasing na. Crocodile tears, she would say. Dahil walang luha, puro atungal lang. O baka gaya ng sabi ni Ednar, totoong umiiyak na walang luha si Octavio. Takot siguro sa mangyayari ngayong biyudo na. Natatakot sigurong sipain niya palabas ng kanilang bahay. Pero hindi niya iyon gagawin. Napag-usapan na nilang magkakapatid iyon. Alang-alang sa kanilang yumaong ina ay hindi nila pababayaan si Octavio.
May nakita na ang Ate Elsa niyang mabibiling bahay sa isang barangay na malapit sa downtown. Malaki iyon, dalawang palapag at lima ang kuwarto. Nakausap na nila ang may-ari at aayusin na lang nila ang bilihan pagkatapos ng libing. Doon na rin maninirahan si Ednar. Maiiwang mag-isa si Octavio sa lumang bahay nila.
“My dad’s going to be your dad, too,” pagbibigay-assurance ni Nate.
Napangiti si Euna. Genuine nga ang nararamdaman niyang concern ng ama ni Nate. Pupunta rin ito sa Alava sa huling gabi ng lamay para makipaglibing, kasama nina Andre at Jinnea.
“What are we now, siblings?” biro niya.
Mahina itong tumawa. “We can never be siblings, Euna. Dahil kailanman, hindi magiging platonic ang relasyon natin.”
“Right.” Sa loob ng tatlong araw ay noon lang siya ngumiti.
ARAW na ng libing ng nanay ni Euna. Naglalakad silang magkakapatid kasama ang mga kabaryo at kamag-anak sa likuran ng puting funeral car na may karga ng kabaong. Nasa tabi niya si Nate, hindi nagpapigil maglakad. Naglalakad din ang ama nito kasama sina Andre at Jinnea sa likuran nila.
Sa harap ng karo ay may anim na lalaking naka-Barong Tagalog, parang presidential escorts na mga tauhan ng punerarya. Ang tuktok ng kotse ay may bubble machine na naglalabas ng mga bula, ewan niya kung para saan iyon, pero kasali raw iyon sa binayaran niyang pinakamahal na serbisyo ng funeral parlor na iyon. May mga puting lobo ring nakatali sa tagiliran at likod ng kotse. Higit sa lahat, pumapailanlang ang malakas na tugtuging “Hindi Ko Kaya” mula sa car stereo.
Hindi ko kaya ang limutin kita
Masdan mo’t lumuluha ang aking mga mata
Pilitin ko man, ako’y nasasaktan
Ang katotohanan ay mahal pa rin kita
“Ano ba naman `yan?!” reklamo ni Euna. “Bakit ganyan ang tugtog?”
Namumuro na talaga ang puneraryang iyon! Kanina lang, “My Heart Will Go On” naman ang pinapatugtog ng karo.
“Hayaan mo na, nakakaiyak naman, eh,” sabi ni Lucy. Nasa tabi niya ito, talagang pumuwesto roon para makuha ng taga-picture at taga-video ang karakas nito.
Isang dekada yata niyang hindi nakita ang tiyahin kahit sa kabilang probinsiya lang ito nakatira. Hindi talaga sila close sa pamilya ni Lucy. Trying hard kasing mga sosyal, palibhasa nasa Saudi Arabia ang asawa at malaki ang kita sa pinagtatrabahuhang oil refinery. Ang dalawang anak nitong dalaga na kasama sa nakipaglibing ay nakasakay sa jeep na nakasunod sa karo, ayaw maglakad dahil naka-heels. Ayaw ring mabilad sa araw ang kutis na alaga sa glutathione products.
“Love song po `yan, Tiya, eh,” inis na sabi ni Euna. Umurong na tuloy ang mga luha niya kanina. Paano siya makakapag-emote sa kantang iyon?
“Ano ka ba?! Maganda nga, kay Richard Reynoso `yan, `no! Paborito ko noon!” parang kinilig pang sabi ni Lucy.
Atribida ang tiyahin niyang ito. Ngayon lang bumait sa kanya dahil iniisip na marami na siyang pera. Panay nga ang haplos sa metal na kabaong ng nanay niya, gusto pa yatang arborin.
Wala sa hitsura ni Lucy ang nagluluksa. Maganda ang tunic blouse nitong puti na may glitters pa, tinernuhan ng itim na leggings. Malaki ang itim na sumbrero sa ulo na may parang net pa. Makapal din ang makeup nito at pulang-pula ang lipstick. Oversized kung oversized ang sunglasses nito at may malalaking hoop earrings na ginto na tigkalahating kilo yata ang bigat dahil banat na banat ang earlobes nitong may malalaki nang butas.
Samantalang silang magkakapatid ay naka-polo shirt lang na puti. Pinagalitan nga niya kanina si Ate Elsa dahil gusto nitong mag-boots.
Napaigtad si Euna nang punasan ni Nate ng panyo ang pawisan niyang noo. Hindi nito binibitiwan ang isang kamay niya.
“Thank you, Nate. Ang daddy mo pala, baka pagod na,” paalala niya sa binata, sabay lingon sa kanilang likuran.
“Kaya raw niyang maglakad. Hayaan natin. Exercise din `yan,” sabi naman nito.
Okay, so pinalampas niya ang “Hindi Ko Kaya.” Pero ang sumunod na tugtog ng karo ay medyo hindi na niya kinaya. “The Past” naman ngayon ang bumabanat.
Watdapak?
“ Ay, isa pang paborito ko! ” bulalas ni Lucy.
Umiling-iling na lang si Euna. Nangingiti naman si Nate na parang nagpipigil matawa. Hindi niya napigil ang pag-ikot ng eyeballs nang sabayan ni Lucy ang kanta.
“‘I don’t care about the past. I just want our love to last. There’s a way to bring us back together…’”
Lalo siyang na-bad trip nang biglang tumirik ang karo sa paitaas na parte ng kalsada. Kinailangan pang itulak para tumakbo uli! At nang magpatugtog uli ng music, biglang “ Don ’ t Cha ” naman ang narinig niya.
Hindi napigil ni Nate ang mahinang pagtawa. “I’m so sorry,” hiyang-hiyang sabi nito.
“Patayin n’yo na lang ang stereo, utang-na-loob po!” malakas na sabi ni Euna sa mga naka-Barong Tagalog.
“Pasensiya na, Madam. Baguhan pa kasi ang driver. Hindi pa expert. Saka may sira ang player ng kotse,” sagot ng isa sa mga iyon.
Umirap na lang siya. Talaga namaaan!
Sa isang private cemetery ililibing ang mga labî ng kanyang ina, sa tabi ng libingan ng tatay niya. Mahal ang lupa roon, at doon halos napunta ang lahat ng danyos na ibinayad ng planta ng semento sa pagkamatay ng kanyang ama. Ayaw kasi ng nanay niya na makipagsiksikan ito sa pampublikong libingan kaya pikit-matang nagbayad nang mahal. Hindi naman sila nagreklamong magkakapatid noon dahil gusto naman nilang magkaroon ng maayos na libingan ang kanilang Tatay Rolly.
Bumigat ang dibdib ni Euna nang marating na nila ang sementeryo. Epic fail na naman ang pag-e-emote sana niya dahil ang kanyang Ate Elsa na dati ay tahimik lang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang ina, ngayon ay naglulupasay na sa pag-iyak. Ayaw nitong pakawalan ang kabaong, yakap-yakap iyon at inuuga. Natakot tuloy ang anak nitong si Jonjon na inilayo na ni Jerome mula roon.
“Nanay! Nanay kooo!” palahaw ni Elsa. “Bumangon ka diyan, `Nay! Huwag mo kaming iwan! Nanay! Nanaaay!”
“Ate, tama na,” awat ni Ednar na umiiyak din. “Kailangan nang ilibing si Nanay. Hayaan na natin siyang magpahinga.”
“Hindi! Ayoko!” tanggi ni Elsa at niyugyog pa ang kabaong.
Mahigpit naman ang hawak doon ng dalawang funeral escorts para mapigilang tumaob.
“Nanaaay! Ano ba kayo?! Bumangon kayo sabi diyan, eh! Bumangon na kayo at tara nang umuwi. Manonood pa kayo ng The Legal Wife mamayang gabi, hindi ba? Bangon na, nanay kooo! Bangon naaa!”
“Ate naman!” bulong ni Euna. “Ano’ng gusto mong mangyari? Maging walking dead si Nanay?”
Pilit nang inilayo ni Ednar si Elsa mula sa kabaong at nang ibinababa na iyon sa hukay at iiyak na sana si Euna, si Octavio naman ang umepal. Naglulupasay rin ito at ngumawa nang ngumawa.
“Eden, bakit mo ako iniwan, mahal kooo? Paano na ako? Mag-isa na lang ako?!” pagngawa ng lalaki na nakaluhod pa sa lupa at hawak ang dibdib. As usual, tuyo ang mga mata nito. “Hindi ko kayang mag-isa! Sasama na lang ako sa iyo! Isama mo na ako sa hukay, Eden kooo!”
Sa inis ay tinadyakan ito ni Euna sa puwit kaya nahulog sa hukay. Mabilis naman itong naiahon ng mga tagahukay roon. Galit na galit si Octavio na hinanap ang tumulak dito. Wala namang sumagot. Ang ibang nakipaglibing ay natatawa na tuloy.
“Akala ko ba gusto mong sumama kay Nanay? Ang bilis namang magbago ng isip mo!” asik ni Euna kay Octavio.
Hinapit naman siya ni Nate sa baywang mula sa likuran. “Sweetheart, that’s enough,” mahinang awat nito.
“Ikaw ang tumulak sa akin, ano?” Halos umusok ang bumbunan ni Octavio. Hawak nito ang kanang siko, nagasgasan yata.
`Buti nga.
“Sinusunod ko lang ang gusto mong mangyari! Sinungaling ka pala, eh. Sabi mo kanina, gusto mo nang sumama kay Nanay sa hukay.”
Mahinang nagmura si Octavio, saka nag-walk out.
Nang sa wakas ay tinatabunan na ang kabaong, hinalikan ni Euna ang hawak na puting rosas at inihulog iyon sa hukay. “Paalam, Nanay,” mahina niyang sabi at malayang tumulo ang masaganang luha mula sa kanyang mga mata.