9
“O KAY ka lang ba?”
Nagtaas ng mukha si Baba para tingnan si Dulce. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa babae kaya tumango na lang siya nang bahagya. Mainit pa rin ang kanyang ulo pero mahirap panghawakan ang inis sa harap ng dalaga. O dalaga nga ba si Dulce? Siguro. Si Dulce ang tipo ng babaeng kung may asawa na ay hinding-hindi huhubarin ang singsing. Isa pa, anong klaseng asawa mayroon ang babae para payagan na tumulak papunta sa kung tawagin ng iba ay “No Man’s Land”?
“Nurse `yon,” sabi niya mayamaya, lihim na napapailing, ang tinukoy ay si Macario.
“Si Marie?”
Napangiwi si Baba. Matagal na panahon na mula nang magpasya si Macario na gawing “Marie” ang palayaw at lahat ng tao ay iyon na ang tawag dito, maliban sa kanya. Kahit kailan ay hindi siya magiging komportableng iyon ang itawag kay Macario. Para sa kanya, ito si Macario, ang batang alaga niya magmula nang mapasali sa grupo nila noong anim na taong gulang pa lang ito.
Noong panahong iyon ay labinlimang taon na si Baba. Iyon ang tantiya niyang edad, dahil hindi niya alam. Hanggang ngayon, hindi niya alam kung ilang taon na siya o kung ano ang kanyang totoong pangalan. Ang naaalala lang ni Baba, bata pa siya ay kasama na niya ang armadong kalalakihan sa itaas ng kabundukan. Bata pa lang siya ay pinahawak na siya ng mga lalaking iyon ng baril. Edad labintatlo nang una siyang makabaril ng sundalo.
“Registered nurse si Marie?” muling tanong ni Dulce.
“Board topnotcher `yan, third place. May alok diyan ang professor niya na mag-Amerika, tinanggihan. Umuwi rito pagkatapos mag-call center. Dalawang taon lang `yan nagtrabaho sa ospital. Pumasok sa call center para daw makapag-aral ng cosmetology. Hindi ko inuudyukan, pero sumige pa rin. Nag-ipon nang kaunti, `tapos nagtayo ng parlor dito. Sa lugar na ito. Kahit alam niyang walang kinabukasan dito.”
Natigilan si Baba nang maunawaang naihinga niya kay Dulce ang matagal nang saloobin na wala siyang pinagsasabihan ni isang tao. Ano ba ang mayroon sa babaeng ito na kay dali niyang nagawang sabihin ang mga iyon? Hindi siya ang tipo ng taong mareklamo sa buhay.
“Hindi siya magiging masaya kung hindi niya gagawin ang gusto niya,” sabi ni Dulce. “Ganoon naman ang lahat ng tao, hindi ba? Paano ka magiging successful kung ang ginagawa mo ay hindi mo gusto? Hayaan mo siya. Bata pa siya, marami pang pagkakataon.”
Hindi siya umimik. Wala naman siyang magagawa dahil hindi rin siya ang tipong pipigilan si Macario sa gusto nitong gawin, lalo na at kailanman ay hindi ito umapela sa kanya pagdating sa pinansiyal na aspeto ng buhay nila. May pera siya na handang ibahagi kay Macario, lamang ay hindi niya inakalang isang parlor sa ganoong klaseng lugar ang magiging hanapbuhay nito. Pero ayaw nitong iwan ang probinsiya. Hanggang naroon daw siya, hindi ito aalis.
Putsa , sa isip-isip ni Baba. Naiinip na siyang dumating ang panahong maiisipan ni Macario na hindi tamang iasa nito ang buhay sa kanyang magiging desisyon. May misyon siya sa pagbabalik sa Santa Fe, isang misyong hindi niya alam kung hanggang kailan magtatagal. At habang hinihintay siya ay nauubos ang panahon nito.
“Matagal na ba kayong magkasama?” tanong ni Dulce.
Tumango si Baba. Anak si Macario ng isa sa mga miyembro ng grupo. Anak sa isang babaeng mababa ang lipad. Pumanaw ang nanay nito kaya kinuha ng ama, dinala sa bundok. Habang siya noong mga panahong iyon ay tunay na miyembro na ng grupo ang turing.
Si Ka Abel, ang isa sa mga kasamahan sa grupo, ang nagbigay ng kanyang edad. Hindi na niya naaalala kung paano siya napasama sa mga ito, basta ang sabi ni Ka Abel ay nakita raw siyang gumagala-gala sa kabundukan at walang naghahanap sa kanya. Nang tanungin siya ng grupo kung ano ang pangalan niya, ang sabi niya ay “Baba.”
Si Ka Abel ang nagturo sa kanyang bumasa, sumulat, at magkuwenta. Ang lalaki rin ang nagturo sa kanya ng mga idelohiya ng grupo. At sa loob ng maraming taon ay naniwala si Baba sa mga iyon, tumanim sa kanyang puso ang lahat ng iyon—na kailangan nilang lumaban sa gobyernong pinapatay ang karapatan nila bilang tao. Sinabi ni Ka Abel na ang kanyang ina ay napatay sa laganap na raid sa bayang iyon, kung saan ang Pamilya Villacorte ang namumuno—ang batas sa bayan nila.
Siguro daw ay nakatakas siya sa raid kaya siya nakita ng grupo na pagala-gala sa kabundukan. At iyon lang ang paliwanag na nakikita ni Baba patungkol sa kung bakit siya nag-iisa nang makita ni Ka Abel, lalo na at makailang atake ang isinagawa ng private army ng mga Villacorte sa Santa Fe para tugisin ang grupo nila. Walang pakialam ang private army sa mga mamamayan na naiipit sa gitna ng gulo. Parang mga bulag na tigre, walang sinasanto.
Madalas noon na inaalog ni Baba ang isip para maalala kung sino siya, pero ang tanging malinaw niyang alaala ay ang mukha ng kanyang ina, isang napakagandang babae. At bilang lang din ang kanyang mga alaala na kapiling ang ina. Ang pinakapaborito niya ay ang alaala kung saan magkatulong silang gumawa ng saranggola. Ni hindi niya naaalala ang mga sinasabi nito, pero nakikita niya sa isip ang nakangiti nitong mukha. Nasa sahig sila—isang kawayang sahig. Nagkalat sa paligid ang mga ginupit na diyaryo. May pisi na nakapaikot sa isang lata. Nakangiti ang babae, pinipisil ang kanyang pisngi. Sa lahat ng iyon, ang masuyo nitong boses na tinatawag siyang “Baba” ang tangi niyang naaalala. Hanggang ngayon, ang boses nitong iyon ay umaalingawngaw sa kanyang mga tainga.
Siya si Baba, iyon ang tawag sa kanya ng ina. Hindi niya alam kung iyon ay bigay na palayaw o hango sa kanyang totoong pangalan. Ilang pangalan ba sa mundo ang may “ba” na maaaring maging tunay niyang pangalan? Napakarami. At puwede siyang pumili sa mahabang listahan pero mas pinili niya ang Baba, dahil iyon ang tawag sa kanya ng ina. Ang tanging alaala niya rito ay isang larawan na napasakamay lang niya nang pumanaw si Ka Abel.
“`Ba?” pukaw sa kanya ni Dulce.
Tiningnan ni Baba ang babae. May kumudlit sa kanyang dibdib sa pagtingin sa maamo nitong mukha. Ganoon ang naaalala niyang pakiramdam na dulot ng kanyang ina sa kanya—mainit sa dibdib. Pero wala siyang balak na tangkilikin ang mga ganoong walang-silbing damdamin. “Ang tagal ng order natin. Titingnan ko lang kung luto na.”
Tumayo na siya. Nahiling niyang sana ay makita na nila ang hinahanap nito. Gusto na niyang magbalik sa dati ang tahimik niyang buhay. Simple.
“GANOON ba talaga si Baba?” hindi nakatiis na tanong ni Dulce kay Marie nang bumalik ang binabae mula sa banyo. “Parang takot magsalita.”
Tumawa si Marie. “Si Kuya? Diyos ketch ! Ipinaglihi yata sa sama ng loob `yan, ateng . Pero kung may isang tulad mong susuyo sa damdamin niya, baka magbago.”
Nag-init na naman ang mukha ni Dulce. Parang hindi tamang magtanong sa taong ito na mayroong makulay na imahinasyon. Gayunman, nag-uumapaw ang kuryosidad sa kanya, isang kuryosidad na alam niyang hindi dapat maramdaman para kay Baba. “Matagal na ba kayong magkasama?”
“Oo. Pareho kaming laking-bundok niyang si Kuya.”
“Laking-bundok?”
“Taong-taas. Rebelde. Komunista. O kung anuman ang gusto mong itawag, ateng .”
Labis siyang nabigla kaya hindi agad nakapagsalita.
Tumawa si Marie. “Pero kabilang lang kami sa grupo. Siyempre naman hindi na ngayon, okay ka lang? Ikaw naman, masyado kang kinabahan.”
“Paano kayo...?” Hindi naituloy ni Dulce ang sasabihin dahil hindi siya sigurado kung gustong marinig ang kuwento.
Pero mukha namang handang magkuwento si Marie. “Six years old ako noong dalhin ako ni Tatay sa itaas. Namatay kasi si Mudra , TB. Naabutan ko na si Kuya Baba roon. Dahil kami ang bunso sa grupo, kami ang palaging magkasama. Fifteen na siya noon. Noong seven years old ako, niratatat kami ng army.” Lumapit ito sa kanya, saka pabulong na idinagdag, “Private army ng Villacorte. Kami lang dalawa ang nabuhay. Pero nahuli rin kami kasi may tama si Kuya. Dinala kami dito sa Santa Fe at kinuhang tao si Kuya Baba. Deal kumbaga—magtatrabaho siya para sa mga `yon para hindi siya makulong.”
Nagbilang si Dulce sa isip at napanganga. “Pero kung sixteen pa lang siya noon, paano siya makukulong?”
“Hello, ateng , mga Villacorte ang pinag-uusapan natin dito. Kung gusto nilang padilaan sa `yo ang kalsada mula Santa Fe hanggang Candelabra, magagawa nila. Isa pa, kanino kami lalapit? Wala kaming alam, wala kaming kilala. Laking-bundok nga, `di ba? Anyway, nakaganda naman kahit paano ang pangyayari.”
Napamaang siya. “Paano nakaganda `yon?”
Nagkibit-balikat si Marie. “Nabigyan ako ng tsansang makapag-aral, habang si Kuya Baba naman, unti-unting namulat sa katotohanan. Bata pa kasi siya, nasa bundok na siya kaya pulos ideyalismo ng mga rebelde ang in-inject sa sistema niya. Hindi siya nabigyan ng pagkakataong bumuo ng sariling paniniwala. Pero matagal bago siya nakasabay. Matagal bago niya napakawalan ang mga `yon. Ilang taon din.”
Apektadong-apektado si Dulce. Nai-imagine niya ang isang batang Baba, teenager pa lang ay may dala nang armalite. Sa halip na mag-aral sa eskuwelahan ay nag-aaral bumaril. At nang mailigtas, nagkataong nailigtas ng grupong halang ang kaluluwa. He was turned into a killing machine at a very young age. No wonder the whole province knew him. No wonder everyone feared him. Isang batang maagang tumanda at natutong gumawa ng mga bagay na ni hindi nito alam na masama. Tinuruang gawin ang mga ganoong bagay kasama ang mahigpit na leksiyon na iyon ang tama.
“It must have been very hard for him…” sambit niya.
“True, ateng . Pero mabait ang Diyos. Kung tutuusin, maaga pa ring namulat sa katotohanan si Kuya. Twenty-three siya nang umalis kami dito sa Santa Fe. Nag-aral siya at nag-aral din ako.”
“Teka, nag-aral siya ng elementary sa edad na twenty-three?”
“Hindi. Nag-college siya. Automatic ang diploma niyang si Kuya, courtesy ng mga Villacorte. Bayad sa serbisyo kumbaga.”
“I see. Pero bakit pa kayo bumalik kung nakapag-aral pala kayo pareho?”
Nagkibit-balikat si Marie, halatang ayaw nang ituloy pa ang topic. “Ang dami ko na yatang naikuwento, ateng . Ayaw ni Kuya Baba ng madaldal. Ano ba ang meron ka at napakuwento ako sa `yo nang todo? O, `ayan na siya. `Wag mong sabihin na nagkuwento ako, magagalit `yan.”
Natanaw ni Dulce na papalapit na rin si Baba, dala ang isang tray na puno ng pagkain. Habang kumakain ay saka ipinaliwanag ni Marie kung bakit ito nakulong.
“As always, Kuya, inggit na inggit sa akin ang bata ni Cruz. Pamangkin niya iyong kalaban kong parlor sa palengke, `di ba? Ang ginawa ba naman, eh, ipinatira ang kuntador ko ng kuryente. Siyempre, nagalit ako. Eh, may nakakita sa kanya, so may saksi ako. Sinugod ko ang bakla. At `ayun, dinampot ako ni Cruz.”
Hindi umimik si Baba, panay lang ang subo ng pagkain. Nagpatuloy ang kuwento ni Marie, mukhang hindi totoong natatakot kay Baba. Naunawaan ni Dulce nang mga sandaling iyon na tama talaga ang hinala niya kay Baba, mabait ito. Hindi siguro sa tipikal na paraan pero nakikita niya ang totoo nitong pagkatao sa pamamagitan ni Marie.
Saglit lang silang nagpahinga matapos ang hapunan at bumiyahe na pabalik sa Santa Fe. Mag-aalas-dose na sila nakabalik at latang-lata na si Dulce. Nagpaalam na siya sa dalawa na matutulog na.
“Ay, ang taray, sa master’s bedroom pala natutulog si Ateng . Sinasabi ko na nga bang special treatment ang ganyan kaganda,” komento ni Marie.
Napatingin si Dulce kay Baba na napansin niyang namumula ang mukha bagaman masama ang tingin sa binabae. Umakto si Marie na nag-zipper ng bibig. Tumuloy na si Dulce sa kuwarto, napapangiti sa kawalan.
Dala niya sa paghiga ang ngiting iyon at agad siyang nakatulog. Nang magising ay mataas na ang sikat ng araw. Agad siyang lumabas, bitbit ang tuwalya at damit. Naabutan niya ang dalawang lalaki sa sala. Si Marie ay nagbabasa ng magazine, habang si Baba naman ay nagbabasa ng diyaryo.
“Good morning, ateng ,” nakangiting bati ni Marie.
Napangiti rin si Dulce. “Good morning!”
“Bago ka mag-almusal, titingnan ko ang talampakan mo, ha? Hindi mapapakali si Kuya kung hindi ko titingnan, eh. Alam mo na, concerned.”
May pagbabanta ang boses ni Baba nang magsalita. “Macario!”
“ `Huu , hitsura mo naman diyan, Kuya. Totoo naman. Kaninang madaling-araw mo pa sinasabing ihanda ko ang mga gamit ko. Sige, ateng , mag-morning ritual ka muna at kukunin ko ang mga gamit ko.”
Ilang na ilang si Dulce nang tumingin kay Baba na nakatingin din pala sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon kaya pumihit siya at nagpunta sa banyo. Matapos maligo ay nag-ayos siya ng sarili, saka bumalik sa sala. Nandoon na si Marie, may medical kit na nakapatong sa mesa. Pinaupo siya nito sa sofa at sinuri ang kanyang paa.
“Ang taray. Hanggang talampakan ang kinis. Kaya naman pala special na special kay Kuya. Mahapdi pa ba, ateng ? Tuyo na ang mga galos at maninipis lang,” sabi nito.
Umangil si Baba na noon ay nakamasid mula sa lagusan patungo sa komedor. Bigla tuloy natawa si Dulce. Mukhang walang magawa ang lalaki kay Marie. Sa kabila ng bagsik nito sa mata ng ibang tao, pagdating kay Marie ay wala magawa si Baba kundi ang umangil o sumimangot.
“ Ateng , ano’ng work mo sa Manila?” patuloy ni Marie.
“Furniture designer,” sagot niya.
Mukhang naaliw si Marie. “Ay, ang taray. Eh, di magaling ka palang mag-drawing, gano’n?” tanong nitong sinagot niya ng tango. Muli itong nagtanong. “Sa palagay mo ba, itong bahay ni Kuya, may pag-asa pa? Tingnan mo naman, walang ka-style-style. Tuwing lalagyan ko ng kurtina, inaalis niya. Gusto ko ngang i-repaint itong bahay na ito kahit kawayan. Pero ayaw niya, eh. Gustong-gusto niya iyong ganito ang hitsura ng house, iyong pangmahirap ba.” Kumindat sa kanya si Marie, kinukutsaba siya sa mga sinasabi.
Pumalatak si Baba, napailing, saka nagpunta sa komedor. Gayunman ay hindi nakaligtas kay Dulce na hinila nito ang upuan malapit sa lagusan kahit pa nakatalikod ang upuan sa kanila.
Nakita iyon ni Marie; nagpatuloy sa pang-aalaska sa binata. “Kahit saan kami magpunta, palaging tangay ni Kuya iyang upuan na `yan na ang sarap sunugin.” Itinuro nito ang grandfather’s chair.
“Ang sarap ngang i-reupholster,” hindi napigilan ni Dulce na ikomento.
“Ay, tutulungan kita diyan, ateng , kung type mo.”
Noon nagsalita si Baba, nakatingin sa kanila. “`Wag ninyong pakialaman ang upuan ko. Tingnan mo na ang paa niya at may lakad pa kami.”
Humagikgik si Marie habang nilalagyan ng gamot ang talampakan ni Dulce. “Ganyan talaga si Kuya, iyang upuang `yan ang first love niya. Eh, ikaw, ateng ? May jowa ka ba sa Manila? Baka naman may asawa ka na, ha?”
“I’m single.”
Nilingon ni Marie si Baba sa komedor. “O, narinig mo na ang gusto mong marinig, ha, Kuya `Ba? Ako na ang nagtanong para sa `yo.”
Tumayo si Baba. “Macario, hindi ko pa nalilimutan ang ginawa mo kahapon.”
Tumawa ang binabae. “Three points ka, Kuya. Hay naku, ateng , ano ba ang ginagawa mo dito sa amin? Ang sabi ni Kuya, may hinahanap ka raw na tao? Kaano-ano mo ba `yon?”
“Kamag-anak ng isang kaibigan,” sagot ni Dulce.
Mukhang napukaw ang kuryosidad ni Marie. “Bakit naman ipinapahanap?” tanong nitong ibinaba na ang mga paa niya matapos suotan ng medyas. “Ano `yan, parang teleserye na may mamanahin, gano’n?”
“Hindi ganoon. May kailangan lang siya doon sa tao.”
Hiningi ni Marie ang lahat ng impormasyon sa kanya na ibinigay naman niya, maliban sa kung sino ang nagpapahanap sa mag-inang Dominga at Dante Esperanza. Sinabi rin niya ang mga natuklasan mula sa library, bago siya nadampot ng grupo ng mayora.
“Mahirap yata ito. Nang mawala siya, bata pa kahit si Kuya `Ba. Kung ang petsang nakita mo doon sa logbook ng barangay ang huling petsang may bakas siya, ni hindi pa ako isinisilang noon. Si Kuya Baba, mga four years old pa lang. Tama, Kuya?”
“Kaya titingnan natin sa Kapitolyo. Baka-sakaling may listahan doon,” sabi ni Baba.
Nag-almusal na si Dulce at sinabayan siya ni Marie. Masayang kausap ang binabae at mukhang walang kaproble-problema sa buhay. Sinabi nitong iiwan na rin siya roon dahil pinayagan na ito ni Baba na bumalik sa parlor dahil sa pangungilit.
“ Ateng , may request lang ako sa `yo, ha? Sakaling wala kang balak seryosohin ang kuya ko, `wag mo nang paibigin, ha?”