13
D APAT siguro na inasahan na ni Dulce na sa buong bahay, ang lugar na katutuwaan nang husto ni Baba ay ang kanyang workshop. Tanging ang kanyang ama ang nakapasok doon. Gusto niyang manatili ang lugar na iyon bilang kanya lang. At dahil mentor niya ang ama, ito lang ang pinapayagan niyang makita ang kanyang trabaho kahit hindi pa iyon tapos. Ayaw rin niyang naiistorbo kapag naroon na siya sa bahaging iyon.
Pero sumilip si Baba kanina at ngayon, mag-iisang oras na silang magkasama sa workshop. Kahit na hindi lahat ng kagamitan doon ay alam gamitin ng binata, mabilis nitong natutuhan ang mga iyon sa pamamagitan ng instruction niya.
Kailangang aminin ni Dulce na bumilib siya sa kakayahan ni Baba pagdating sa kahoy. Hindi lahat ng lalaki ay magagawa ang ginagawa nito. Making furniture was an art on its own. Maselang gawin ang bawat kurba at disenyo. Hindi por que karpintero ang isang tao ay kaya nang gumawa niyon. Iba ang skills na kailangan sa larangang iyon.
At siguro, dapat na naisip na niyang bagay kay Baba ang paggawa ng muwebles. Ang kontrolado at maingat nitong paggalaw ay indikasyon na roon. It was a pleasure seeing him work a wood into art. Hinubad nito ang kamiseta dahil mainit doon at ngayon ay pinapadaan nito sa tistisan ang isang antigong narra. Kung naiba-iba si Baba, hindi na siguro siya mapakali. Antique wood was expensive and hard to find.
Kahit anong pilit ni Dulce kay Baba na magsuot ng protective goggles ay ayaw nito. Ang banayad na paggalaw ng muscles sa abs at pecs ng lalaki ay sapat na para maisip niyang masarap sigurong kumuha ng butong pakwan habang pinagmamasdan ito. O kaya mas masarap tambakan ng kahoy si Baba nang sa gayon ay hindi na umalis sa puwestong perpektong nakasentro sa kanyang mga mata habang nakapuwesto siya sa isang mababang silya.
Ano kaya ang iisipin sa kanya ng ina na hayun siya, hindi na nagawang itago ang pagmamasid sa isang lalaking half naked? Nakurot na siguro ng nanay niya ang kanyang singit. But what the hell was she supposed to do? Watching him inspired her. Isa pa, mukha namang normal na normal lang ang ginagawa niyang pagmamasid, lalo na at nagkunwari siyang walang ibang gagawin at kailangan niyang makasiguro na tama ang ginagawa ni Baba.
“Magtitiwala ka ba sa akin na tapusin ito?” baling nito sa kanya, nakangiti. “Alam kong may design ka na pero may nakita akong mga tabas na kahoy doon na puwedeng gamitin dito.”
Nagkunwari si Dulce na napukaw ang interes. Kahit ang totoo, halos hindi pumasok sa kanyang isip ang sinabi ni Baba. Inabot ng lalaki ang kanyang sketch pad, saka tumabi sa kanya sa mababang upuan. Ipinaliwanag nito ang planong gawin sa mga kahoy, gumuhit sa sketch pad.
Noon nakuha ni Baba nang buong-buo ang kanyang atensiyon. The man could draw and he could do it well! Kahit ang sukat ay itinala rin nito doon, maging ang mga mumunting konsiderasyong hindi basta-basta naiisip ng ordinaryong tao na walang alam sa paggawa ng muwebles.
“Baba, paano ka natuto ng ganito? Kahit ako, ilang ulit na pumalpak dahil hindi ganito kapulido ang plano ko noong una. Of course I know better now. Look at this. Kahit ang lalim na paglalagyan ng kutson ay tama ang sukat.”
“Lalo ba akong naging guwapo sa paningin mo?” panunudyo nito, nakangisi.
Napairap siya. “Baba, seryoso ako.”
Nagkibit-balikat ang binata. “Kumuha ako ng ilang units sa engineering, pero hindi ako natapos. Isa pa, ako ang gumawa ng mga upuan sa parlor ni Macario. Ako halos lahat ang gumawa ng mga iyon para makatipid sa tao. Ang binili lang niya ay `yong mga silyang may hydraulics.”
“But this is gorgeous,” komento ni Dulce sa chaise lounge na iginuhit ni Baba.
“May ginawa rin akong ganyan para kay Macario. Maarte `yon, eh.”
“Why are you being so humble? This is amazing work, Baba. Truly. Show me how we’ll make this one.”
Nakangiting tumango ang lalaki. Kinuha nito ang mga piraso ng kahoy at sinimulang tabasin ang mga iyon. Magkatulong nilang ginawa ang iginuhit nito. Dalawang oras at natapos nila iyon, bagaman wala pang finishing.
“You and I can make a fortune,” sabi niya, nakapamaywang habang pinagmamasdan ang hindi pa kinis na chaise.
“Nalipasan ka na ng gutom.”
“Hindi nga. Totoo talaga.”
Lumapit si Baba, inabot ang kanyang kamay at hinigit siya patungo sa pinto. Tama ang binata, nalimutan na nilang kumain, kanina pa sila sa workshop. Ininit nito ang nilutong sinigang. Siya na ang naghain.
“Para na rin tayong mag-asawa nito, Dulce,” sambit nito. “Pinag-iisipan mo na ba kung puwedeng mangyari ang ganoon?”
Biglang napatingin si Dulce kay Baba. Nakatutok ang atensiyon nito sa umuusok na kaldero. Tama ba ang dinig niya? O baka dahil biglang dumagundong ang tibok ng kanyang puso sa unang pangungusap ng binata ay nalunod na niyon ang pangalawa nitong sinabi? Bakit hindi tumitingin sa kanya si Baba? Seryoso ba ito?!
“I-ikaw? N-naiisip mo ba ang ganoon?” lakas-loob na tanong ni Dulce kahit parang ayaw niyang marinig ang maaaring isagot ni Baba. Bakit naman kasi ganoon ang tanong nito? Nagpapa-cute ba ang binata, nanliligaw? O bakit parang higit pa sa panliligaw dahil pag-aasawa na agad ang tinutukoy nito?
“Napakasuwerte ko siguro kung ikaw ang mapapangasawa ko.”
Muntik na siyang mapanganga. Seryoso ang lalaki, walang nanunudyong ngiti sa mga labi. Muli, nalunod siya sa lakas ng tibok ng kanyang puso. What was she going to say? What in the world was she supposed to say?!
Nagpasya si Dulce na daanin sa biro ang lahat. “Mabuti naman at alam mo. Aba, noon pa, sinasabi na sa akin ng nanay ko na pinakamasuwerteng lalaki na sa mundo ang mapapangasawa ko.”
Salamat at hindi na itinuloy ni Baba ang topic. Na-pressure siya roon pero hindi nagpahalata. Kaswal ang kanyang mga kilos hanggang sa kanilang pagkain. Nagtanong si Baba kung may balak pa siyang bumalik sa Santa Fe na sinagot niya ng, “Oo naman.”
“Paano kung talagang hindi mo na makita ang hinahanap mong tao?”
Alam ni Dulce kung ano ang puntirya ng tanong na iyon ni Baba—kung babalik pa ba siya sa lugar na iyon para dito. At alam niya sa kanyang puso na kung may imbitasyon, sa kabila ng lahat, oo at babalik siya. Pero mas maganda siguro kung ang binata ang dadalaw sa kanya sa Maynila. O mas maganda siguro kung huwag na itong manatili sa Santa Fe. Baka mas maganda kung ibebenta na nito ang lupa roon at bibili na lang ng bago na mas malapit ang lokasyon at hindi magulo.
“Babalik ako sa Santa Fe, puwede bang hindi?” sabi niya. Umasa siyang nahuhulaan na nito ang ibig niyang sabihin. Sakaling hindi, idinagdag niya, “May nakilala ako roong pogi, paano ako hindi babalik... kung iimbitahan naman ako, `di ba?”
“Paano kung sabihin sa `yo n’ong pogi na `wag ka nang umalis ng Santa Fe?”
Hindi agad nakasagot si Dulce. May isang bagay na nanguna sa kanyang isip. Umukit iyon doon, hindi mawala—ang mga bagay na nanatiling misteryo tungkol kay Baba. At sa totoo lang, hindi pa rin niya alam kung gusto niyang malaman ang buong kuwento ng binata. She was scared to know the truth somehow. What if it was so terrible that she couldn’t bear to be with him anymore? Not even to share a cup of coffee?
Pero alam ni Dulce na kailangan niya iyong itanong. “Baba, noong nagdedeliryo ka, maraming bagay kang sinabi, mga bagay tungkol sa `yo.” Hindi niya magawang salubungin ang mga mata ng lalaki kaya ginalaw-galaw niya ng kutsara ang pagkain sa kanyang pinggan. “Alam kong hindi mo siguro gustong pag-usapan. Naiintindihan ko `yon. Nasa `yo ang lahat ng karapatang itago o sabihin ang mga bagay tungkol sa `yo. Pero kung nagiging seryoso ang usapan natin, at gusto mo ng seryosong sagot, puwes, ito `yon—hindi ako sasabak sa mundo kung saan hindi malinaw sa akin kung sino ang kasama ko.”
Muli ay tumingin si Dulce kay Baba, pinagmasdan kung ano ang magiging reaksiyon nito. Tahimik lang ang lalaki, hindi umiimik.
Ipinagpatuloy niya ang pagkain kahit nawalan na siya ng gana. Mukhang ganoon din si Baba kaya nagligpit na rin siya mayamaya. Napansin niyang nagtimpla ito ng kape.
Nang matapos siyang maglinis ay isinilbi nito iyon sa kanila. “Pagod ka na ba o may oras ka pa para makinig sa isang mahabang kuwento?”
Kumabog ang dibdib ni Dulce. Natagpuan niya ang sariling nauupo sa tapat ng binata sa kitchen counter. Naghintay siya sa sasabihin nito na agad dumating.
BAHAGYANG nanikip ang dibdib ni Baba. Ayaw na niyang maalala ang mga pangyayari pero sa sandaling iyon, parang bumukas ang isang libro—ang libro ng kanyang buhay. At wala siyang magawa kundi ang isalaysay ang nilalaman niyon sa babaeng may kakayahang iparamdam sa kanya na maganda pa rin ang buhay.
“Hindi ko alam kung ilang taon ako nang dalhin ako ni Ka Abel sa itaas ng bundok, sa hukbo nila. Siya lang ang nagbigay sa akin ng edad ko, pero siguro tama ang sinabi niya sa akin na apat na taon ako noon. Wala ako masyadong naaalala sa dati kong buhay, maliban sa nanay ko. ‘Baba’ ang tawag niya sa akin kaya noong itanong sa akin ni Ka Abel kung ano ang pangalan ko, iyon ang sinabi ko. Tinuruan ako ni Ka Abel na bumasa, sumulat, magkuwenta, gumamit ng baril… Higit sa lahat, tinuruan niya ako ng mga ideolohiya sa buhay na naging armas ko. Ang pinakamalaking armas ko para ipaglaban ang paniniwalang hindi ako nabigyan ng pagkakataong isipin para sa sarili ko kung tama o mali.
“Ang sabi ni Ka Abel, napatay daw sa sagupaan ang nanay ko. Biktima raw ng mga sundalo ng mga Villacorte. Kaya masama ang gobyerno dahil pinapatay nila ang mga inosente at kabilang ako sa mga naapektuhan, sa naulila nang ganoon na lang. Ang mga Villacorte at ang private army nila ang may kasalanan sa lahat.”
Pinagmasdan niya si Dulce. Walang pagkailang na nakasulat sa mukha nito. Aminado si Baba na umasa siyang ganoon ang magiging reaksiyon ng dalaga. Ayaw niya ng awa. At matutunaw siguro siya kapag may nakitang pagkatakot sa maganda nitong mukha, bagaman hangal siguro siya kung aasahan niya iyon.
Nagpatuloy siya sa salaysay. “Minsang kasama ko si Macario na maghanap ng makakain sa gubat, dumating ang mga sundalo ng Villacorte. Patay lahat ng kasamahan namin sa kampo. Kami lang ni Macario ang nabuhay. Ginawa akong sundalo ng mga Villacorte, kapalit ng buhay namin ni Macario. At noong umpisa, puro galit at paghihiganti ang nasa isip ko. Para akong robot na ginagawa lang ang bawat utos sa akin. Hanggang sa unti-unti kong nakita na hindi rin pala tama ang mga kinamulatan kong ideolohiya.
“Nalaman kong break away group ang samahan namin, mga rebelde sa mga orihinal na rebelde.” Tumawa nang mapakla si Baba. “At kung tutuusin, iniligtas ako ng mga Villacorte sa isang maling buhay na mula sa maling ideolohiya—para lang gawing tao-tauhang bayaran para sa mali ring gawain nila. Pero wala akong alam sa mundo, wala akong pinag-aralan. At kailangan kong buhayin si Macario.”
Pinisil ni Dulce ang kanyang kamay, inudyukan siyang magpatuloy. Gusto niyang tapusin na ang kuwento. Ayaw na niyang balikan ang mga panahong iyon.
“Dumating ang panahong naisip kong sa kabila ng lahat, maganda pa rin ang mundo. Nagkaroon ako ng mga pangarap, pangarap na makaalis sa Santa Fe, bumuo ng buhay na malayo sa gulo.
“Umalis kami ni Macario sa Sante Fe. Beinte-tres ako noon. Batang-bata pa, pero matanda nang masyado para pumasok sa grade one.” Dama ni Baba ang pait sa kanyang bibig. “Pero may high school diploma na ako, may bagong katauhan, salamat sa mga Villacorte. Kumuha ako ng magtuturo sa akin habang inaasikaso ang lupang nabili ko sa Cavite. Meron akong maliit na farm doon. Isang taon akong nag-aaral sa sarili ko sa tulong ng tutor, tuwing gabi nasasabik tapusin ang assignment na bigay ng tutor.”
Sa wakas, nagawa niyang ngumiti sa alaala. Noong una ay nahiya siya sa kinuhang lalaking guro, pero sa huli ay ginusto niyang ipakita ritong kaya niya.
“Pumasok ako sa college pagkatapos n’on. Engineering. Diyos ko, dumugo ang utak ko.” Natawa si Baba, nilinga si Dulce na nakangiti na rin sa puntong iyon. “Sa totoo lang, hindi matataas ang grade ko pero pasado naman. Iyon lang, naisip ko agad na hindi iyon ang kursong para sa akin. May farm ako, bakit gusto kong maging engineer? Nag-shift ako sa Agriculture. Ayos naman. Natapos ko rin.”
Bahagya siyang nabigla nang ikulong ng dalaga ang kanyang mukha sa mga palad nito, saka siya hinalikan sa pisngi. “I’m so proud of you!”
May kasiyahang namuo sa kanyang puso. “May isa pa kayang halik kung sasabihin kong cum laude ako?”
“Awww...” sabi ni Dulce na parang nakakita ng cute na kuting. Muli siya nitong hinalikan at natawa siya nang malakas. Aminado si Baba na magaan kasama ang babae dahil na rin simple ang kaligayahan nito. At gusto niya ang ganoon dahil simpleng tao lang siya na natutuwa sa mga mumunting bagay.
Ang problema ay ang reaksiyon ng kanyang katawan sa dalaga. Tulad ngayon. Wala siyang gustong gawin kundi ang tikman ang mga labi ni Dulce. Masarap din sigurong tikman ang leeg at dibdib nito. Gusto niyang tahakin ang daan pababa sa katawan ng dalaga, walang palampasin ng tikim kahit isang pulgada ng balat nito.
Kung alam lang sana ni Dulce ang matinding pagtitimpi niya sa araw-araw na magkasama sila.
Hinaplos nito ang kanyang pisngi, saka marahang idiniin ang daliri nang dalawang ulit sa kanyang mga labi sa gawing tila aliw na aliw sa kanya.
“What else?” tanong nito. “Tell me more. I love it when these lips tell me secrets.” Muli nitong sinalat ang kanyang mga labi.
Ang malambot na daliri ng dalaga ay kay sarap isiping nakalapat sa kanyang balat, sa kabuuan niya, ipinapadama sa kanya ang init na nararamdaman niya para dito.
“Baba, bakit ka bumalik sa Santa Fe?”
Parang tunog ng kampana sa kanyang tainga ang tanong na iyon. Sinagot niya iyon sa pinakasimpleng paraang kaya niya. “May mga bagay akong kinailangang ayusin, mga bagay na mula sa nakaraan. Hindi ko inaasahan na magtatagal ako nang ganito.” Hindi naawat ni Baba ang sarili na hagurin ang malambot at mabangong buhok ng dalaga. “Tama na ang usapan, Dulce,” sabi niyang inilapit ang mga labi sa tainga nito. “Maraming bagay na mas masarap gawin kaysa diyan.”