noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 23

Ch. 23 / 25 Feb 05, 2022

23

H INDI tulad ni Mayor Lucas Villacorte, si Delfin Magno ay hindi nangangailangan ng maraming alalay. Alam ni Baba na iisa ang bodyguard ni Delfin na driver din nito. Naghintay siya sa labas ng bahay na tinutuluyan nito, nakitang umalis ang driver at isang kawaksi, sakay ng kotse ni Delfin. Inutusan siguro ang mga itong umalis. Malayo roon ang tindahan. Magagawa niya ang pakay bago pa makabalik ang dalawa. Maingat siyang lumapit sa bahay. Saulado niya ang bahay na iyon sa makailang ulit nang pagparoon.

Nagawa niyang buksan ang kandado ng pinto sa likod ng bahay at maingat na nakapasok doon. Narinig niya agad ang tunog na nagmumula sa sala. Bukas ang telebisyon.

Maingat siyang naglakad patungo roon hawak ang kanyang baril, bawat galaw ay alerto, maingat, sanay.

“Daddy, lagyan mo ng pandikit dito.”

Lahat ng determinasyon at apoy sa puso ni Baba ay naglaho nang marinig ang boses na iyon ng isang batang lalaki. Wala siyang nakikitang taong nakaupo sa sofa pero nagmumula ang boses sa bandang iyon. Lumapit pa siya at nakitang nakaupo sa sahig si Delfin, kausap ang anak na siguro ay pito o walong taong gulang. Noon lang nakita ni Baba ang bata. Sa pagkakaalam niya, may anak nga ang abogado bagaman pumanaw na ang asawa. Hindi siya napansin ng dalawa dahil nagtatago siya sa poste at madilim na, maliban sa sala kung saan nakabukas ang malamlam na liwanag.

“Daddy, paliliparin ba talaga natin itong saranggola bukas?” tanong ng bata.

“Basta nangako si Daddy, tinutupad niya. Sa isang taon gagawa tayo ng malaking-malaki, ilalaban natin sa kite festival.”

“Sige, Dad! Kapag ba nagpalipad ako ng saranggola, makikita ni Mommy?”

“Siyempre. Lahat ng ginagawa natin, nakikita ni Mommy kasi nasa heaven na siya. Lahat ng bagay makikita mo kapag nasa heaven ka.”

Biglang-bigla, parang tinarakan sa dibdib si Baba sa alaalang biglang nabuhay sa kanyang isip. Ilang panahon na niyang hindi naaalala ang eksenang iyon, walang tunog ang alaala, parang isang malinaw na palabas sa telebisyon—makulay at buhay na buhay. Mga diyaryo sa lapag, gunting, pandikit na nasa lata ng gatas. Ang kanyang ina, nakangiti sa kanya. Gumagawa sila ng saranggola…

“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Delfin.

Bumalik ang pagiging alerto ni Baba, gustong magalit dahil habang nasa gitna ng importanteng misyon ay nawala siya sa sarili. Agad niyang itinutok ang baril sa lalaki. Pilit tinandaan na ang lalaking ito ang nagsamantala sa kanyang pinakamamahal.

“Daddy, sino po `yon? Daddy?” tanong ng batang parang gustong kumawala mula sa ama. Dahil pumalag ito ay lumuwag ang kapit dito ni Delfin. Tumayo ang bata, humarap kay Baba. “Sino po kayo?”

Ang mga mata nito… Habang-buhay siguro niyang maaalala ang inosente at malalaking mga matang iyon, may bahid ng takot.

“Enrique, umakyat ka na sa kuwarto mo. Ngayon na,” utos ng abogado sa bata.

Lumingon ang bata sa ama, saka muling tumingin kay Baba. Tahimik nitong dinampot ang hindi pa gawang saranggola at pumihit, umakyat na sa hagdan. Binalingan siya ni Delfin, umaatras ng lakad kahit wala ring maaatrasan—isang mataas na mesa ang nasa likuran nito. Natural, kilala siya ng lalaki. May galit na nakasulat sa mukha nito.

“Isang tao lang ang naiisip kong puwedeng nagpapunta sa `yo rito—”

“Tumahimik ka,” mahinahon, halos pabulong niyang sambit. Gulong-gulo ang kalooban niya nang mga sandaling iyon.

“Bakit, ayaw mong marinig ang totoo? Totoo pala ang mga sabi-sabi, ano? Na mula sa mga sundalo ng ama niya, lumikha ng sarili niyang sundalo si Candida—”

“Tumahimik ka,” muli ay babala ni Baba at nabigla nang mula sa likuran ay ilantad ni Delfin ang kamay. May hawak na itong baril. Sa labis na emosyon ay hindi niya napansin iyon. Kinuha siguro nito ang baril mula sa drawer ng mesa.

“Ang babaeng `yon ang…” Natigil ang pagsasalita ni Delfin, natutop ang dibdib at napahakbang. Bakas sa mukha nito ang sakit na biglang naramdaman. Isang ungol ang kumawala sa mga labi nito, kasabay ng pagdaklot sa dibdib. Napaluhod ang lalaki, dalawang kamay ang naihawak sa dibdib, saka pataob na bumagsak sa sahig. Nakarinig siya ng putok. Pumutok ang baril na hawak nito.

Agad na itinihaya ni Baba ang abogado at nakitang may tama ng bala sa bandang itaas ng dibdib ng lalaki. Pinulsuhan niya ito. Patay na ang lalaki. Hindi ang baril ang nakapatay rito, tiyak niya. Aksidente sigurong nakalabit ni Delfin ang gatilyo na siya ring tumama rito at ngayon ay dahilan para maglawa ang dugo roon.

Nang makarinig ng ingit mula sa hagdan ay napatingin siya roon. Ang anak ni Delfin. Nakahawak sa parilya na parang nakakulong. Nakatingin lang ito sa amang nasa lawa ng sariling dugo, walang reaksiyon.

Tinakbo ni Baba ang bata at dinala sa isang kuwarto. Tulala lang ang paslit, hindi nagsasalita, wala pa ring reaksiyon at parang naestatwa na. Hinawakan niya ito sa balikat. “Kapag dumating ang tamang panahon, maiintindihan mo rin ang lahat.”

Ayaw sana niyang iwan ang bata pero narinig niya ang tunog ng isang sasakyan. Tinakbo niya ang kanyang motorsiklo. Pinasibad niya iyon at bumalik sa Sitio Santol, magulo ang isip dahil sa batang iyon. Pagdating niya sa kubo, wala na roon si Candida bagaman nag-iwan ng isang maiksing sulat: Baba, nagpunta ako sa Maynila. Bukas, tutulak ako pa-Hong Kong. Kailangan kong mag-isip, pero hindi ako magtatagal. Lumuwas ka, lumayo. Alam mo na kung bakit. Aayusin ko ang lahat pagbalik ko. Magpalamig ka muna. – Candida

ILANG minutong pinagmasdan lang ni Baba ang sulat ni Candida, halos hindi makapaniwala sa nilalaman niyon. Dapat silang mag-usap, dapat na planuhin kung saan sila pupunta. Talaga bang iniisip nitong magpapatuloy pa ang ganoong buhay nila sa bayan na iyon? Na kapag “nakapagpalamig” siya ay makukuha nito ang kapayapaan sa Santa Fe? Hindi ganoon ang usapan nila kanina. Ang sabi ng babae ay tatakas na sila.

Higit sa lahat, bakit parang napakalamig ng sulat na iyon?

Nagpunta siya sa bahay nina Candida para lang malaman na tulad ng sinabi ng babae sa sulat ay umalis na nga talaga ito, may dalawang oras na raw, ayon sa isa sa mga bodyguard ng pamilya. Samakatuwid, umalis ang babae sa kubo sa sandaling iwan niya ito roon.

Umuwi sa bahay si Baba. Natutop niya ang noo, unti-unting tumitimo sa isip kung ano ang implikasyon ng kanyang ginawa. Magsasalita ang anak ni Delfin… Nasaksihan ba ng bata ang buong pangyayari? Hindi niya alam. Ang sigurado ay matutukoy siya. Kahit pa magkaroon ng autopsy ay magtataka pa rin ang mga imbestigador kung bakit siya naroon. Alam din ni Lucas na kaya niyang palabasing mula sa baril ni Delfin ang balang tumama rito.

Inilagay niya sa peligro ang buhay ni Macario.

Agad siyang nag-empake ng mga damit ng bata, saka nagtungo sa Paraiso. Nang makita si Ramona, nakiusap siya sa babae na ilayo si Macario ora mismo. Binigyan niya ito ng makapal na sobreng naglalaman ng pera. Halatang nabibigla ang babae pero determinadong makatulong. Pumayag ito.

“Maraming-maraming salamat, Ramona. Maraming salamat,” sambit niya.

Muling umuwi si Baba, nalilito. Hindi na niya masusundan si Candida, natitiyak niya. Lalabas ng bansa ang babae at siya ay ni walang passport. Kung maghihintay siya roon, maaari siyang mapahamak. Sino ang mag-aalaga kay Macario? Kung aalis siya ay makikita at makikita siya ng mga tauhan ni Lucas.

Sa isang iglap, maging ang kakarampot na kapayapaan sa kanyang buhay ay naglaho.

Sumilip siya sa bintana nang makarinig ng ingay sa labas. Nakaparada na ang apat na sasakyan na pag-aari ni Lucas Villacorte sa labas. Napamura siya. Nakarinig siya ng pagkatok sa pinto.

“Alam kong nandiyan ka, Baba.” Boses iyon ni Lucas. Mismong si Lucas. Natigilan siya. “Buksan mo ang pinto. Mag-uusap tayo.”

Maingat niyang binuksan ang pinto, hawak ang baril. Nag-iisa si Lucas, ang mga alalay ay nanatili sa mga sasakyan. Ibinaba niya ang baril. May bitbit na bag ang lalaki.

“Huwag kang mag-alala, hindi sila papasok. Gusto kitang makausap.”

Isinara ni Baba ang pinto nang makapasok si Lucas. Naupo ang lalaki sa sofa, inudyukan siyang maupo rin. Ipinatong nito ang bag sa mesa. “Para sa `yo `yan, Baba.”

Hindi siya umimik, nakikiramdam.

Bumuntong-hininga ang matanda, saka nagpaliwanag. “Ituring mong gantimpala iyan sa matapat mong serbisyo sa loob ng pitong taon. Isa lang ang hihilingin ko sa `yo—ang umalis ka ng Santa Fe at `wag nang makipag-ugnayan sa anak ko. Iyon lang, Baba.”

“Puwede mo akong tapusin ngayon din. Pareho nating alam `yan.”

“Iyon ang gagawin ko kung hindi mo tatanggapin ang alok ko kaya mamili ka.”

Tumango si Baba.

Tumayo na si Lucas, at bago umalis ay may isang habilin, “Ayoko nang makita ka sa Santa Fe, naiintindihan mo?”

Muli, tumango siya. Tuluyan nang umalis ang lalaki. Sumilip lang siya sa bintana at nakitang umalis na ito, kasama ang mga alagad. Binuksan niya ang bag. Punong-puno iyon ng salapi. Pero alam niyang hindi niya iyon matatanggap. Hindi niya kayang iwan si Candida. Ang isiping hindi na makikita kailanman ang babae ay labis-labis ang sakit na idinulot sa kanyang puso.

Gumayak siya. Hahanapin niya ang babae. Mag-uusap sila. Tatakas sila. Hindi niya alam kung paano, pero gagawa sila ng paraan.

“ANO’NG ginagawa mo rito, Baba?”

Hindi inasahan ni Baba ang reaksiyon ni Candida. Ilang araw na niya itong tinitiyempuhan. Lumuwas siya sa Maynila. Alam niya kung saan naroon ang bahay ng mga Villacorte. Ang hindi niya inasahan ay naroon pa ang babae gayong ang buong akala niya ay nagpunta na ito sa ibang bansa. Sa isang banda, nakaganda iyon sa kanyang plano dahil hindi niya ito makikita sa ibang bansa.

Halos isang linggo na siyang nag-aabang sa labas ng bahay, hindi makatiyempo sa napakarami nitong bantay. Kanina lang iyon nabawasan at sinamantala niya ang pagkakataon para pumuslit papasok sa bahay. Hindi iyon madaling gawin dahil dalawang bantay pa rin ang nakaistasyon doon.

“Sinubukan kitang tawagan, pero iba ang nakakasagot. Hindi ako puwedeng tumawag nang tumawag dahil makakahalata sila. Kumusta ka na?”

Gustong yakapin ni Baba si Candida, hagkan. Sabik na sabik siya sa mga planong nabuo niya habang hinihintay ang pagkakataong magkausap uli sila katulad ng sandaling iyon. Pero ang pananabik ay parang lobong tinusok ng aspile. Walang pananabik ang reaksiyon ng babae. Ni hindi mukhang nababahala. Kung may emosyon ito, iyon ay ang parang iritasyon. Nakataas ang mga kilay nito, nakataas ang isang sulok ng mga labi.

“Ayos lang. Ikaw? Ano’ng ginagawa mo rito? Sinabi ko sa `yong lumuwas ka at magpalamig, hindi lumuwas at pumasok sa kuwarto ko.”

“Walang nakakita sa akin. Kaya kong lumabas. Sana maintindihan mong ito lang ang paraan para magkausap tayo.” Hindi alam ni Baba kung bakit kailangang ipahiya siya ni Candida sa mga salita nito. Oo at bawat tao ay nangangailangan ng pribadong sandali pero alam nito ang sitwasyon. “Kailangan nating mag-usap, Candida.”

Bumuntong-hininga ang babae, saka itinuro ang isang silya sa kanya. Naupo ito sa kama. Napakalayo. Napakalayo nilang dalawa at ramdam na ramdam iyon ni Baba. Gayunman, naisip niyang baka labis din ang pagkabalisa nito sa nangyari.

“Binigyan ako ng pera ng daddy mo para iwasan ka.”

Biglang tumayo ang babae. “How dare he!”

Kahit paano ay nabuhayan siya ng loob sa reaksiyon nito. Tumango siya. “Huwag na raw akong babalik sa Santa Fe. `Wag na raw akong makipag-usap sa `yo. Pero hindi ko kaya, Candida. Naisip ko, puwede tayong lumayo. Tayong dalawa at si Macario—”

Hindi siya nito pinatapos, “Nakakatuwa na naisip mo ang ganyang bagay pero tanggapin natin ang isang katotohanan dito—hindi ka matatanggap ng pamilya ko.”

“Lalayo tayo sa kanila—”

“Gusto mong iwan ko ang pamilya ko at sumama sa `yo?”

Natigilan si Baba. Sa isip ay parang makatwiran ang mga iyon pero ngayong nagmula sa bibig ni Candida ay parang naging malaki siyang tanga, walang konsiderasyon sa babae. “Naisip ko… hindi ka totoong masaya sa piling nila. Hindi sila magandang impluwensiya… At sinabi mo rin sa akin na tatakas tayo, hindi ba? Sumang-ayon ka sa akin.”

“Dahil masamang-masama ang loob ko. Pero... ang umalis ako at magtago habang-buhay kasama ka? May pera ka, nandoon na ako. Pero higit doon ang kailangan ko. Alam mo `yan. Anong klaseng buhay ang maibibigay natin sa magiging anak natin? Nagtatago tayo habang-panahon—”

“Hindi habang-panahon—”

“Puwes ilang taon? Lima, sampu? Dalawang dekada? Ano, hihintayin mong mamatay ang daddy ko? O hihintayin mong patawarin niya ako na sumama ako sa `yo at iniwan siya nang ganoon na lang? Balikan mo ako, Baba. Balikan mo ako kapag naayos mo na ang buhay mo. Bata pa tayo. Hihintayin kita.”

At kahit parang suntok iyon sa kanyang dibdib ay alam niyang tama si Candida. Wala siyang pinag-aralan, walang trabaho, ni walang pangalan. At napakalakas ng kanyang loob na yayaing magtago ang babaeng ito, ang prinsesang ito.

“Babalikan kita, Candida. Pangako,” sambit niya.

“ANO’NG ginagawa niya rito, Ramona?”

Napamura sa isip si Baba nang makita sa farm ang babae na kasama si Gardo. Sa lahat ng tao, si Gardo pa. Isa ang lalaki sa mga tauhan ng mga Villacorte. Pinapunta niya si Ramona sa farm dahil gusto niyang tulungan ang babae na magbago ng hanap-buhay. Sa katunayan, matagal na niya itong kinukumbinsi, mula pa nang mabili niya ang farm may pitong taon na ang nakararaan. Ngayon lang pumaroon ang babae. At kasama si Gardo. Wala siyang dalang baril, walang anumang hawak para ipagtanggol ang sarili.

“Wala kang dapat alalahanin sa akin, Baba,” sabi ng lalaki.

“Gardo, hayaan mo akong kausapin si Baba,” sabi ni Ramona sa lalaki na tumango at lumabas. Binalingan siya ng babae. “Nag-aalala ako sa `yo, Baba. Matagal na.”

“Kaya dinala mo rito ang isa sa mga alagad ng taong gusto akong patayin?”

“Hindi. At nagkakamali ka. Kung gusto kang patayin ni Lucas, noon pa niya ginawa. Alam mo `yan. Isa pa, hindi na rin iyon makakayang gawin ni Lucas. Alam kong nagbabalak kang bumalik sa Santa Fe, nabanggit mo sa akin—”

“Ano’ng ibig mong sabihing hindi na niya kayang gawin?”

Mapaklang ngiti ang namutawi sa mga labi nito. “Hindi ko binanggit sa `yo dahil alam kong maiisip mong bumalik. Imbalido na si Lucas.”

Labis iyong ikinabigla ni Baba. Sa isang banda, nabuhayan siya ng loob.

“Nangyari iyon nang magbalik si Candida para maghandang tumakbo sa eleksiyon. Hindi ba niya nabanggit sa `yo?”

Matagal bago siya nakasagot. “Ayaw niya sigurong mag-alala ako sa kanya.”

“Kunsabagay, ano ba ang alam mo kay Candida bukod sa mga bagay na ginusto niyang ipaalam sa `yo? Ikaw ang una niyang eksperimento, Baba.”

Sumiklab ang galit niya. “Magkaibigan tayo, Ramona, at hindi ko inaasahan—”

“Magkaibigan tayo kaya ko ito sinasabi sa `yo!” singhal nito. “Bakit kita ipapahamak?! Sa lahat ng nagawa ko, iniisip mong hindi ko gustong makita kang masaya? Iniisip mo sigurong dahil… dahil sa damdamin ko para sa `yo. Pero tanggap ko kung ano ako, Baba. Mukhang hindi ganoon ang kaso sa `yo.”

“Mahal ako ni Candida,” giit niya. Sa loob ng nakaraang mga taon, bumuo siya ng buhay na para sa kanilang dalawa sa hinaharap. Nakuha na niya ang kanyang diploma. Plano na niyang balikan ang babae.

“Kaya ba nandoon siya at narito ka?”

“Kung nalaman ko lang ang nangyari sa tatay niya, napuntahan ko na sana siya! Nagkakausap kami. Tinatawagan ko siya at hindi pa rin nagbabago ang mga pangarap namin. Nagkataon lang na mabigat ang responsibilidad niya.” Sa nakalipas na ilang taon ay makailang ulit ding nagkita sina Baba at Candida, palaging palihim, tulad noon.

“At sa pag-uusap ninyo, hindi man lang niya nabanggit na imbalido na ang tatay niya? `Wag kang magbulag-bulagan, Baba. Ginamit ka lang niya para patayin si Delfin. Itinuring ka niyang personal niyang sundalo—tapat, gagawin ang lahat para sa kanya. Si Lucas mismo, takot sa anak niya. Itanong mo pa kay Gardo,” sabi ni Ramona.

Umiling siya. Hindi iyon totoo. Hindi niya iyon matatanggap.

Nagpatuloy ang babae. “Bakit hindi ka ipinapatay ni Lucas? Dahil alam niyang gagantihan siya ng anak niya. At siguro naisip ni Candida na hindi ka niya mabibili kaya kinuha ka niya sa ibang paraan, hindi tulad ng paraang ginamit niya sa pagpatay kay Juanito.”

Nabigla si Baba. “Wala na si Juanito?”

“Ilang gabi pagkatapos mamatay ni Delfin, pinatay si Juanito ng isa niyang tauhan. Ang tauhang iyon ay isa na ngayon sa mga personal na sundalo ni Candida.”

“Hindi `yon kayang gawin ni Candida.”

“Talaga? Kaya ba inutusan ka niyang patayin si Delfin?”

“Masamang tao si Delfin. Tinangka niyang pagsamantalahan si Candida…”

“Bakit iyon gagawin ni Delfin sa prinsesa ng mga Villacorte? Naisip mo ba `yon?”

Hindi nakaimik si Baba dahil aminado siyang sa loob ng ilang taon ay parang bangungot sa isip niya ang mga salitang iniwan ni Delfin. Pilit niya iyong binabale-wala, iniisip na sinasabi lang iyon ng isang taong desperado na sa pag-iisip na katapusan na nito.

“Ano ang pakay mo sa pagsasama kay Gardo?” tanong niya.

“Gusto na niyang umalis sa grupo. Pero natatakot siya. Tulad mo noon. Nag-iipon siya ng ebidensiya laban kay Candida.”

Tinawag ni Ramona si Gardo. Ibinigay ng lalaki kay Baba ang isang bag na naglalaman ng limang brown envelope.

Matagal nang nakaalis ang dalawa ay parang ayaw pa niyang tuklasin ang laman ng envelope pero kailangan. Lahat ng naroon—mula dokumento hanggang sa mga litrato, lahat ay nagsasabing ilang ulit na higit ang kasamaan ni Candida kumpara sa ama at lolo nito.

At masakit man ay kailangan niyang tanggapin—ginawa lang siyang tao-tauhan ni Candida. At hanggang ngayon siguro ay alipin siya nito kung hindi lang niya ipinakita ang rubdob ng kanyang damdamin para dito. Alam ng babae na magiging sagabal siya sa lahat ng plano nito dahil iba ang pangako nila sa isa’t isa kaysa sa buhay na mula simula ay plano pala nitong tahakin.

Sumpa nito ay mamahalin siya, na bubuo sila ng mapayapang buhay. Isang anghel ang tingin niya rito. Wala siyang kamalay-malay na wala palang puso ang babae...