12
“H INDI ako… hindi ako… may kasalanan…”
Napabalikwas si Dulce nang marinig ang pag-ungol ni Baba. Nakatulog na siya sa pagbabantay sa binata. Nananakit ang kanyang leeg sa alanganin niyang puwesto sa isang silya. Agad niyang nilapitan ang lalaki na patuloy sa pagsambit ng mga salitang iyon—na hindi ito ang may kasalanan. Napukaw ang kanyang kuryosidad at kung walang sakit si Baba, binigyan siguro niya iyon ng oras para isipin.
But his fever had not broken yet. Inipit niya sa kilikili ni Baba ang thermometer at natuklasang lalong tumaas ang lagnat nito.
“Baba, dadalhin na kita sa ospital, ha?” sabi niya, hinahaplos ang noo nito.
“Hindi ako…” patuloy nito.
Maging siya ay nabigla sa kurot sa kanyang puso. Wala na sa sarili si Baba, nagdedeliryo na siguro. Sa gitna niyon, ganoon ang mga bagay na tumatakbo sa isip nito.
Tinawagan uli ni Dulce si Marie, sinabing dadalhin na niya sa ospital si Baba. Sinabi nito kung saan niya makikita ang susi ng sasakyan sa kamalig at sinabi ring maghihintay ito sa junction ng Candelabra at sasamahan siya sa ospital.
Nang makuha ang susi ay nagpunta na siya sa kamalig. May car cover ang sasakyan na nang alisin ay natuklasan niyang isa palang Nissan Patrol. Baba owned an SUV. Inside that almost dilapidated barn was a freaking SUV!
“Ah, shit!” sambit ni Dulce, nagmamadaling pinindot ang alarm ng sasakyan. Hindi pa siya nakakapagmaneho ng ganoon bagaman sanay siyang magdala ng malalaking sasakyan. Ang kanyang unang sasakyan ay isang pickup truck, kargahan ng mga muwebles at materyales na ginagawa niya.
Binuhay ni Dulce ang makina at pinaandar ang sasakyan patungo sa bahay. Agad din siyang pumasok sa bahay, pilit na dinamitan si Baba na parang kalahati na lang ng kamalayan ang normal. Mabilis siyang nag-empake ng ilang damit nito at ikinarga ang mga iyon sa sasakyan.
“`Ba, tulungan mo akong dalhin ka sa sasakyan, ha?” sabi niya nang ipatong sa balikat ang isang braso nitong ubod ng init. “Tatayo tayo, ha? One, two, three! Isa pa, isa pa. One, two, three!”
Nakailang subok si Dulce bago maayos na naalalayan ang lalaki kahit ilang ulit itong muntikan nang tumimbuwang patungo sa sasakyan. Nang sa wakas ay mailagak niya si Baba sa backseat ay parang masarap nang matulog sa pagod niya. Ikinandado niya ang bahay at sumakay na rin sa sasakyan.
“Hang on, big man,” sabi niya nang paandarin na ang four by four.
Sa buong biyahe pa-Candelabra ay huminto lang si Dulce para asikasuhin si Baba. Bumaba na nang kaunti ang lagnat nito pero umuungol-ungol pa rin. Iyon ang pinakamabilis na patakbong nagawa niya sa buong buhay niya. Inabot siya ng anim na oras sa karaniwan ay walong oras na biyahe. Mapapabilis pa sana siya kung natatandaan lang niya ang shortcut na dinaanan noon ni Baba.
Agad niyang nakita si Marie sa junction at pagkasakay sa sasakyan ay inasikaso nito si Baba. Patuloy siya sa pagmamaneho. “Deretso lang ito, Marie?”
“Oo, ateng . Sa dulo nitong kalsadang ito, kakaliwa ka. `Tapos dere-deretso uli.”
“Kumusta siya? Kanina, medyo bumaba na ang lagnat niya.”
“Tumaas na naman. Kailangan siguro niya ng antibiotic at anti-tetanus. Baka maimpeksiyon pa ang sugat niya.”
“Candida… Siya ang… siya… ang dahilan,” sambit ni Baba.
Labis na nabigla si Dulce. Kung pagtatagniin ang mga sinasabi ni Baba mula kanina ay mauuwi siya sa isang konklusyon—na may nangyaring hindi maganda at may nag-akalang ang gumawa niyon ay si Baba, gayong si Candida pala.
Natural, hindi buo ang detalye kaya hindi niya masabi kung totoo ngang ganoon ang nangyari. Kahit na nangangati na siyang itanong kay Marie ay hindi siya nagtangka. Wala ring sinabing ano man ang binabae.
Now, Dulce hated that Candida bitch all the more. Ano ang ginawa ng babaeng iyon? May unfinished business ba si Baba sa Santa Fe kaya ito nagbalik? May kinalaman ba sa kung ano ang ginawa ng mayora? It was very possible. Kung kakayanin ng isang babaeng ipalapastangan ang isa pa, kakayanin siguro nitong gawin ang lahat. Walang konsiyensiya ang mayora. At halatang labis na naapektuhan si Baba sa kung anuman ang ginawa ng babaeng iyon.
Did it involve death of a person? Malalagim ang mga imaheng naglaro sa isip ni Dulce dahil na rin sa karanasan niya kay Candida. That woman was the devil himself.
“Saan ba may ospital?” bulalas niya nang umungol uli si Baba, sa pagkakataong iyon ay ungol ng taong may iniindang sakit. Nate-tense na siya.
“Hindi pauuwiin itong si Kuya nang ganito kataas ang lagnat nito. Kailangan nating humanap ng malayong ospital. Kailangan nating makasiguro, ateng . Maraming… maraming matutuwa kapag nawala si Kuya.”
Muli, parang batingaw sa isip ni Dulce ang mga impormasyong nalaman. Hindi iyon ang tamang oras para mag-usisa kaya patuloy siya sa paspas na pagmamaneho. Apat na oras pa sila sa daan bago sinabi ni Marie na malapit na sila sa isang ospital. Itinuro nito ang daan patungo roon. Sa wakas, nakita na rin niya ang karatula ng isang emergency room.
Agad na inasikaso sa ospital si Baba. Kilala ni Marie ang residenteng doktor. Si Dulce ang sumagot sa mga katanungan ng doktor, maliban sa kung paano natamo ni Baba ang sugat. Si Marie ang nagsabing nadaplisan ng bumagsak na patalim ng magbubuko ang braso ni Baba. Si Marie din ang sumagot sa form. “Antonio Bajardo” ang isinulat nitong pangalan sa form at sa hula ni Dulce ay iyon ang totoong pangalan ni Baba dahil naglista si Marie ng PhilHealth number. Saulado ni Marie ang lahat ng impormasyong hinihingi.
Kaya pala Baba ang palayaw niya, galing sa apelyido , sa isip-isip niya.
Kahit anong giit niya ay si Marie ang nagbayad ng deposito.
“ Ateng , ano ba? Gusto mo bang gilitan ako sa leeg ni Kuya kapag nalaman niyang ikaw ang pinagbayad ko?! Maloloka ako sa `yo. Ano’ng akala mo sa kanya, poor?”
Bigla tuloy napangiti si Dulce. At gumaan na rin ang kanyang pakiramdam nang sabihin ng doktor na makakalabas daw ng ospital si Baba kapag patuloy na bumaba ang lagnat nito. Hindi na nila kailangang kumuha ng kuwarto. Hindi na rin kinailangang kabitan ng suwero ang lalaki.
Parehong pagod na pagod sina Dulce at Marie kaya hindi na rin sila nakapag-usap at nakatulog na sa kanya-kanyang upuan. Walang tao sa emergency room kaya siguro pinagbigyan sila, bukod sa mukha talagang malapit si Marie sa resident doctor.
Naalimpungatan si Dulce nang maramdamang may marahang pagdampi sa kanyang pisngi. Gising na si Baba, nakaupo sa hospital bed, habang siya ay nakapatong ang pisngi sa kama nito habang nakaupo sa silya.
“Magandang hapon, Miss,” bati ni Baba, nakangiti kahit halatang hindi pa rin mabuti ang pakiramdam.
Agad na sinalat ni Dulce ang leeg ng lalaki. “Wala ka nang lagnat.”
“Puwede na raw akong umuwi.” Inabot nito ang kanyang kamay at hinalikan.
“Baka mabinat ka,” kantiyaw niya.
“Alalang-alala ka raw sa akin, sabi ni Macario. Pasensiya ka na. Ikaw yata ang dapat kong kuning bodyguard.”
“You can’t afford me,” nakairap niyang sabi bagaman nakangiti.
Nagkatunog ang ngiti nito. “Sa palagay ko nga.”
“Nasaan si Marie?”
“Inaayos ang bayarin.”
Noon nakita ni Dulce ang binabae na papalapit. Dala nito ang mga papel ng ospital at isang plastic bag. Binalingan siya nito. “Sinabi ko na sa `yo, ateng , hindi kaya ng lagnat itong si Kuya. Ikaw na ang bahala sa kanya. Babalik pa ako sa Candelabra. Complete bed rest daw ang kailangan niyan.” Ipinaliwanag sa kanya ni Marie ang oras ng pag-inom ni Baba ng gamot. Gamot pala ang laman ng dala nitong plastic bag. “Mamamasahe na lang ako. Kaya mo na siguro siya, ateng .”
“Teka, paanong mamamasahe?” tanong ni Dulce. “Pauwi rin kaming Santa Fe—”
“Sa Maynila tayo tutuloy,” agaw ni Baba. “Mas makakapante ako kung sa Maynila na tayo tutuloy ngayon. Isa pa, mas malapit na tayo roon.”
Napatingin si Dulce kay Marie.
Nagkibit-balikat ang binabae. “Kayo ang nagkakasunduan diyan, ah. Ako nama’y dakilang tagasunod lang.”
“Fine,” sabi ni Dulce.
Nang makalabas sila ng ospital ay kumain muna sila. Nagpaalam na rin si Marie. Nagpunta na sina Dulce at Baba sa paradahan ng sasakyan. Nang ilabas ni Dulce ang susi ay agad iyong inabot ng lalaki.
“No, Baba,” agad na tutol niya, matigas ang naging pag-iling. “Ako ang magmamaneho. Please.”
“Wala `to. Sinabi ko naman sa `yo kahapon, walang problema sa akin. Hindi ko alam kung bakit dinala mo pa ako sa ospital. Ikaw ang kailangan nang magpahinga. Buong magdamag at hanggang kanina, tulog ako. Ikaw ang halos wala pang tulog.”
“Kung hindi ka nila sinaksakan ng gamot, malamang gulapay ka pa rin ngayon at nagdedeliryo. Kailangan mong magpahinga. Please. Akin na ang susi. Kaya ko pang mag-drive. Sanay ako sa mahabang biyahe.”
Hindi pinansin ni Baba ang kanyang pakiusap at pinagbuksan siya ng pinto. Napabuntong-hininga siya at napilitang sumakay na rin. Si Baba na ang nagpatakbo ng sasakyan at pinakikiramdaman niya kung kaya nito o ano. Mukha namang okay ang lalaki, bukod sa hindi nito binibilisan ang pagpapatakbo.
“Limang oras na lang ang biyahe. Matulog ka na,” sabi nito.
Ano ba ang gagawin niya sa lalaking ito? Natural, hindi siya makatulog sa pag-aalala. Pero nakarating sila sa Maynila nang walang aberya, minsan lang huminto para magpakarga ng gas, kumain, at magbanyo. Sa bahay ni Dulce sa Tandang Sora sila tumuloy. Nasa loob iyon ng isang subdivision. Maliit lang ang mismong bahay, pero malaki ang lupa. Mayroon siyang sariling workshop, malaki rin ang garahe.
“Welcome to my humble abode,” sabi niya. “Feel at home, please. Maghahanda lang ako ng pagkain.”
Iniwan na ni Dulce si Baba at tumuloy sa kusina. Marami pa siyang stock ng microwavables at nagpasyang iyon na lang ang ihain. Nang maihanda na ang hapag ay binalikan niya si Baba sa sala. Napangiti siya nang makitang isiniksik nito ang malaking bulto sa pinakamahabang sofa—na maiksi pa ring lumalabas kapag ito ang nakahiga. Natutulog na ang lalaki, mukhang komportableng-komportable kahit hindi makaunat dahil bitin dito ang haba ng sofa.
Dulce had to admit, the house felt different with him there. The house felt warmer, more like a home really. Dahil mukhang nahihimbing na ang binata sa puwesto nito ay ikinuha na lang niya ng unan at kumot, saka naglatag ng roll-up matress sa sahig para sa sarili. Gusto niyang makasiguro na hindi lalagnatin uli si Baba. Kailangan din nitong makainom ng gamot sa tamang oras.
Nahiga na rin siya pagkatapos makapagligpit at maligo. Kung kailan nakahiga na ay saka niya naunawaan na bukod sa kanyang ama, tanging si Baba pa lang ang lalaking nakatulog sa kanyang bahay. At nang maalimpungatan siyang katabi na ang lalaki at nakadantay sa kanya ay napangiti na lang siya. This felt right.
She felt whole.
“MAGANDANG umaga, Dulce.”
Kumabog ang dibdib ni Dulce nang marinig ang boses ni Baba. Agad siyang nag-angat ng mukha at nabuo ang kanyang araw. Nakangiti ang lalaki, ang guwapo-guwapo kahit bagong gising.
“Good morning! Breakfast is ready!” Para siyang modelo ng pagkain sa paglahad niya ng kamay. Gusto niyang makita ni Baba ang effort ng kanilang almusal. She was a good host, she wanted him to know. Kompleto ang almusal mula sinangag, hanggang pritong danggit, tapa, at itlog. Mayroon din siyang ginawang sawsawang kamatis. May dalawang porselanang tea pot ang inilabas niya mula sa baul, isa para sa kape at isa para sa hot chocolate. Maging ang mga kubyertos at pinggan na ginamit niya ay iyong galing sa kanyang china cabinet, naka-reserve para sa espesyal na okasyon.
“Ang sarap naman ng ganito,” sabi ni Baba, halatang napansin ang kanyang effort.
Ngiting-ngiti si Dulce. “Coffee or hot chocolate?”
“Hindi ka ba kasali sa pagpipilian?”
For dessert ako, gusto sana niyang sabihin pero sa halip ay napahagikgik. She was simply happy. Happy in a way she had never been before. Pinaupo na niya ang binata na agad namang sumunod. Nagsimula na silang kumain at kung good host siya, good guest naman si Baba sa mga papuri sa kanyang iniluto.
“Ano’ng agenda natin for today?” tanong niya.
“Ikaw? Bisita lang ako dito.”
Natawa si Dulce. Pero wala siyang agenda sa araw na iyon. Ni ayaw niyang magpunta sa opisina. Iyon ang unang pagkakataong um-absent siya sa opisina nang higit sa tatlong araw pero bitin na bitin siya sa kanyang “bakasyon” na hindi eksaktong bakasyon. Mas maganda siguro kung manatili na lang muna sila sa bahay, lalo na at alam niyang kailangan pa talagang magpahinga ni Baba.
“Kailangan mong magpahinga kaya dito na lang muna tayo. Anyway, meron din naman akong gagawin sa workshop ko. You can do anything you want here.”
Biglang naging pilyo ang ngiti ni Baba at kahit hindi magsalita, parang nahuhulaan ni Dulce kung ano ang itinatakbo ng isip ng lalaki. Umingos siya na ikinatawa nito.
Matapos kumain ay hindi pumayag si Baba na hindi magligpit kaya hinayaan na ni Dulce. Ito lang yata ang lalaking mukhang macho pa rin kahit naghuhugas ng pinggan. Nang matapos ay agad niya itong hinawakan sa kamay, hinigit papunta sa magiging kuwarto nito.
Gosh, I’m behaving like a child and I honestly don’t care even if he sees how excited I am that he’s here.
Muli, para siyang modelo na nagde-demo kung ano-ano ang features ng kuwarto kahit kung tutuusin ay ordinaryo lang naman iyon. Hindi nawala ang pagkakangiti ni Baba bagaman nang tumapat siya sa kama para ilahad iyon dito ay sumambulat ang halakhak nito. Dahil siguro sa sinabi niya, “Okay lang ba sa `yo na walang personal ref dito? Kasi nandoon sa kabila pero mas maliit naman ang kuwartong `yon, parang hindi bagay sa `yo. Pero puwede namang ipasok. Sige, ililipat ko rito.”
“Alam mong hindi ako maselan, Dulce,” tumatawa pa ring sabi ni Baba, nilapitan siya at inakbayan. “Hindi ko alam na ganyan ka pala kaasikaso. Para tuloy gusto kong pangarapin kang iuwi na kasama ko at huwag nang ibalik.”
Natunaw yata ang kanyang puso. Pero bago siya makasagot ay nahigit na siya ng binata palapit sa kama, kasabay ng pagbagsak ng katawan nito roon. Kinubabawan siya ni Baba, kahit ang isang braso ay hindi masyadong iginagalaw. Dinampian nito ng halik ang kanyang mga labi. Maging ang kanyang mga tuhod ay natutunaw na rin sa puntong iyon.
“Baba…” Hinaplos ni Dulce ang pisngi ng binata. Kahit maghapon niyang titigan ang mukha nito, maghapong haplusin ang pisngi, buong araw tumitig sa mga mata nito, hindi siya magsasawa.
“Maghapon tayong nandito lang sa bahay? Walang problema sa akin. Marami akong naiisip na puwedeng gawin na ikasisiya nating dalawa.”
Napaingos siya, lalo na at nakarating na sa mga mata nito ang matinding panunudyo. “Salbahe ka.”
“Mas salbahe ka na ikukulong mo ako dito nang ikaw lang ang kasama kung hindi mo naman ako sasamahan sa pag-iisa. Ano sa palagay mo?” Dumampi ang mga labi ni Baba sa kanyang mga labi, saka nagtungo sa kanyang leeg.
Oh, God!
Magkakasunod ang naging paglunok ni Dulce. Gadali na lang ang kanyang determinasyon na umiwas. At tulad noon, ginamit niya iyon para makalayo kay Baba. Umisod siya patagilid, saka bumangon. Pawis na pawis siya bigla. “Baba, utang-na-loob!”
Napuno ng tawa ng binata ang kuwarto. Gusto pa niyang manatili roon pero hindi niya kontrolado ang sitwasyon. Binelatan niya ito, saka nagmamadaling tumalikod. Hanggang sa makalayo ay dinig niya ang tawa ni Baba. Nagpunta na siya sa kanyang workshop. Nakabukod iyon sa bahay pero may pasilyo namang nagdudugtong sa dalawang bahagi.
Nang makarating doon ay tumunog ang kanyang cell phone. Si Tisha iyon kaya agad niyang sinagot ng masiglang, “Hello, hello!”
Ilang sandali ang lumipas bago nagsalita ang babae. “Is everything all right?”
Natawa si Dulce. “Masaya ako at binati kitang masaya, at paghihinalaan mong may problema? Lighten up, why don’t you?”
“Sa pagkakaalala ko, minsan may isang babaeng pinigaan ng sense of humor sa katawan. Ang maganda niyang kaibigan at sekretarya ay inoobserbahan kung kailan siya magbabago. Parang matagal na panahon pa, sa isip-isip ng sekretarya niyang maganda. Now you answer the phone that way and you expect me not to be shocked. Alam mo bang tuwing tatawagan kita ay nakahanda ang tablet ko? At tuwing sasagutin ko ang tawag mo, nagkukumahog akong abutin ang notepad ko para ilista ang lahat ng sasabihin mo? You are like a machine, Dulce, so don’t act surprised to find me shocked at your behavior.”
Tawa ang isinagot niya. “I’m back! I’m in Manila. I arrived last night.”
“Last night? Walang gabing flight pabalik, meron ba?”
“Hindi ako nag-eroplano.”
“You took the bus?!” Bakas sa boses ni Tisha ang labis na pagkabigla. Ilang oras ang biyahe mula Candelabra patungo sa Maynila at alam nitong kung wala siyang antigong kahoy na bibilhin, hindi siya magtitiyaga sa mahabang biyahe dahil mas marami siyang magagawa sa kanyang oras.
“Nope. So why did you call?”
“What is going on?” Seryosong-seryoso ang boses nito. “Is Joaquin there?”
“Nope.”
Bumuga ng hangin si Tisha, parang suko na. “Fine. Gusto ko lang ibalita sa `yo na hindi ko pa rin naiguguhit si Dominga Esperanza. Mr. Cardinal went to the province. Next week pa raw babalik. `Yan ay kung hindi mo pa alam. Baka naman nag-uusap kayo ni Joaquin nang hindi ko alam at hindi mo sinasabi sa akin?”
“Don’t be crazy.” Lihim na napabuntong-hininga si Dulce. Bakit sa ilang oras na nagdaan ay nalimot niyang mayroon pa rin siyang nakabinbing misyon sa Santa Fe? Bakit nalimutan niya ang misyon para kay Joaquin? At bakit sa tagal ng panahon, ngayon lang nangyaring hindi sumagi sa alaala niya ang lalaki? Natural na ang hinala ni Tisha na si Joaquin ang sanhi ng kanyang kasiyahan dahil alam nito ang damdamin niya para sa lalaki.
Should she tell her about Baba?
Of course not. Baba was… He was… He was just her special and very secret friend. Walang masama kung ipapakilala niya ang lalaki kay Tisha pero parang nahuhulaan na niyang mag-uusisa ang babae. At kapag sinabi niya ang lahat, siguradong mahihindik ito. Hindi araw-araw na maaaring tanggapin ng isang kaibigan ang isang bagong “kaibigan” ng best friend nito na kuwestiyonable ang nakaraan, maging ang kasalukuyang trabaho.
Again, Baba was just her special and very secret friend who made her happy.
“Joaquin said he’s going to call you.”
“Great. Would that be all?”
“Yes.”
Nagpaalam na si Dulce sa kaibigan. Naipatong niya ang cell phone sa isang mesa, saka tumingin sa mga tambak na kahoy at mga gamit sa furniture making sa kuwarto. Ilang sandaling hinanap niya sa mga iyon ang gaan ng loob. She loved those things and those always made her feel better. Palaging pampalubag-loob ang mga iyon, paalala na tulad ng mga muwebles ay kaya niyang buuin ang kanyang buhay, ang kanyang mga pangarap. She had always believed that life was what one made it.
Bigla, parang hindi na ganoon ang lahat. Bakit gusto niyang puntahan si Baba at sabihin sa binata na sabihin sa kanya na magiging maayos ang lahat?