22
“`W AG KANG kikilos nang masama!”
Nang marinig ni Baba ang boses na iyon mula sa kanyang likuran ay naisip niya, Heto na. Ito na ang huli. Sa bundok na ito ako nabuhay at sa bundok na ito ako mamamatay.
Dumiin ang kanyang kamay sa baril, handang lumaban sa huling sandali ng buhay niya at harinawa, ang batang si Macario na hawak pa rin niya sa kamay ay makatakas kahit paano.
Muling nagsalita ang boses. “Ibaba mo na ang baril mo. Mag-isip ka. Mag-isip kang mabuti. Wala kang laban sa amin at asahan mong hindi kami mangingiming tadtarin ka ng bala. Madadamay ang bata. Bitiwan mo ang baril mo, bubuhayin ko ang bata.”
Ibinagsak ni Baba ang baril. Hindi na niya kailangang magdalawang-isip. Binalingan niya si Macario. Nakarinig siya ng mga yabag at may nadamang matigas na bagay sa kanyang ulo at iyon na ang huli niyang namalayan. Nang magmulat siya ng mga mata ay puting paligid ang nakita niya. May isang napakagandang anghel na nakatunghay sa kanya, nakangiti. Nasa langit pala siya.
“Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong ng anghel.
Mariing ipinikit ni Baba ang mga mata, saka muling nagmulat. Iginala niya ang tingin sa paligid at natuklasang may suwerong nakakabit sa kanyang kamay. Nasa ospital siya, bagaman noon lang siya nakatapak sa ganoong lugar.
“Si Macario?” Iyon ang una niyang tanong sa babae. Labis siyang nababahala. May mali, hindi niya iyon inaasahan. Bakit siya bubuhayin ng mga dumampot sa kanya?
“`Wag ka munang gumalaw,” sabi ng anghel. Malamyos ang boses nito, makinis ang kutis, at maamo ang mukha. Hula niya ay kasing-edad niya ang anghel. “Nasa mabuti siyang kalagayan. Kailangan mong magpagaling.”
“Sino ka?” nagawa niyang sabihin matapos muling pagmasdan ang babae.
“Candida ang pangalan ko. Anak ako ni Mayor Villacorte. Siguro, kilala mo siya.”
Paano nagkaroon ng ganitong anak ang isang tulad ni Lucas Villacorte? Paano nagkaroon ng ganitong apo si Luis Villacorte? Ang dalawang iyon ang noon pa ay magkatulong na para hawakan sa mga kamay ng mga ito ang buong lalawigan. Ang dalawa ang nilalabanan ng grupo… at ang sinabi ni Ka Abel na siyang dahilan sa pagkamatay ng kanyang ina. Sukat sa naisip ay biglang napakapa sa dibdib si Baba. Ipinasok niya sa bulsa ng jacket ang larawan ng kanyang ina. Pero ibang damit na ang suot niya, kulay-puti at manipis.
“Hinahanap mo ang gamit mo?” nakangiting tanong ni Candida. “Nakatabi na. Pinalabhan ko sa bahay at ipinatabi ko. Dadalhin dito mamaya.”
Imposible ang takbo ng mga pangyayari. Hindi maaaring kinakausap siya ni Candida sa ganoong paraan. Mortal silang magkalaban. Bakit pinalabhan pa nito ang kanyang damit? Bakit nakangiti sa kanya ang babae? Higit sa lahat, ano ang ginagawa nito sa ospital na iyon?
“Ano’ng kailangan mo sa akin?” tanong ni Baba. Bulong ng kanyang puso na huwag magtiwala sa anghel na ito. Kung sana lang ay ganoon kadaling gawin.
ISANG robot, iyon ang naging papel ni Baba sa pribadong hukbo ng mga Villacorte. At wala siyang magawa para kumawala. Wala siyang matatakbuhan kung saan hindi siya mahahanap ng mga ito. Iniisip din niya ang kapakanan ni Macario. Sa ngayon ay binigyan sila ng mga Villacorte ng bahay na matitirhan. Naging deretso at prangka sa kanya si Lucas nang sabihing:
“Ang una kong plano ay ipakita sa buong bayan na ito kung ano ang nangyayari sa mga tulad mong hindi marunong sumunod sa batas ko. Limang tulad mo, ipaparada ko sa bayan at pagkatapos ay hindi na makikita kailanman maliban sa diyaryo. Pero nag-iisa ka na lang. At naisip kong mas maganda nga siguro. Alam ng lahat kung ano ang nangyari sa mga kasamahan mo. At ikaw na huling natitira ay kailangang umalyansa sa akin.”
Sinabi ni Lucas na mayroon siyang pagkakataong tumanggi, pero alam na niya kung ano ang magiging kapalit niyon. Labag man sa kalooban ay naging sundalo si Baba ng pamilya, isa sa napakarami. Walang araw na lumipas na hindi niya ginustong gumanti. Pero kung may isang idinulot na maganda ang lahat, iyon ay ang katotohanang nagawa niyang ipasok si Macario sa eskuwelahan.
Napakaraming plano ni Baba—ang tumakas, ang iwan ang bayan na iyon, ang bumalik na may konkretong hakbang para ilagay ang hustisya sa kanyang kamay. Gusto niyang hanapin ang iba pang miyembro ng Kilusang Bagong Pilipinas, pero ang mga detalye at pangalan ng ibang miyembro ay tanging si Ka Abel lang ang nakakaalam. Para siyang naulilang muli.
“Kumusta ka na?”
Napalingon si Baba kay Candida. Sa loob ng dalawang taong pagiging tauhan niya ng ama nito ay madalas niyang maisip na aalis siya sa bayang iyon na kasama ang babae dahil gusto niya itong iligtas. Gusto niyang ipaliwanag kay Candida ang kamalian ng lahat ng bagay sa mundo nito. Pero nanatili siyang inutil sa lahat ng iyon. Isa lang siyang tao-tauhan. Sa ngayon.
“Ma’am,” sambit ni Baba, bahagyang tumango sa babae. Natuklasan niyang mas matanda sa kanya nang dalawang taon si Candida. Nag-aral ito sa Maynila at pauwi-uwi lang sa Santa Fe, hanggang magtapos na noong nakaraang Marso at manatili na roon. Si Candida ang prinsesa ng mga Villacorte. Isa itong rosas sa gitna ng talahiban, liwanag sa dilim.
“`Wag mo na akong tawaging Ma’am. Hindi nagkakalayo ang edad natin, Baba.”
Hindi siya nakaimik, hindi alam kung ano ang sasabihin. Sadyang mabait sa kanya ang babae noon pa man sa kadahilanang tanging ito ang may alam. Nailang siya sa katahimikan. Nagpunta siya sa mansiyon ng mga Villacorte para mag-report.
Nang lumapat ang palad ni Candida sa kanyang binti ay bahagya siyang nasorpresa. Mukhang hindi nito alintana. Ngumiti ito sa kanya. “Kumain ka na ba?”
“Opo, Ma’am.”
“Magagalit ako sa `yo niyan. Sinabi ko nang `wag mo akong tawaging Ma’am.”
Hindi umimik si Baba at narinig niya ang papalapit na mga yabag. Tumayo siya at tumayo rin si Candida, saka ibinulong sa kanya, “Baba, magkita tayo mamayang gabi. Hihintayin kita. Doon sa Sitio Santol. Doon sa lupa namin doon. Alas-diyes.”
Labis ang naging pagtataka niya sa sinabi nito at bago pa siya makasagot ay tumalikod na ang babae, kasabay ng pagdating ng isang tauhan ni Lucas. Sinabi ng tauhan na bumalik na lang daw siya bukas at nagpapahinga na si Lucas.
Lumakad na si Baba, sakay ng motorsiklo. Bumili siya ng pancit, saka umuwi sa inuupahang bahay. Naroon na si Macario, naglalaro ng manyika. Naihilamos niya ang kamay sa mukha. Ano ba ang gagawin niya sa batang ito?
“Saan mo nakuha `yan?”
“Kay Ate Ramona po, Kuya. Ang ganda niya, `di ba?” Iniharap sa kanya ni Macario ang manyika. Hawak ng bata ang suklay, parang aliw na aliw sa pagpapaganda sa manyika.
“Ibibili kita ng malaking traktorang laruan. May nakita ako sa palengke. O kaya pagluwas ko sa Maynila, iyong de-remote control na kotse. Ang ganda n’on!”
“Ang gusto ko, Kuya, `yong walking doll. May baterya `yon sa likod, `tapos naglalakad. Nakita ko sa magazine ni Ate Ramona. Ang ganda, Kuya! Ang haba ng pilik-mata, `tapos kulay-asul pa ang mga mata! Naglalakad mag-isa `yon!”
“Alam mo, Macario, mas bagay sa `yo ang mga laruan na panlalaki kasi lalaki ka.”
Lumabi ang bata. “Mas masaya kasing laruin ang manyika, Kuya.”
Naisip ni Baba na darating din siguro ang panahon na magsasawa sa mga ganoong laruan si Macario. Nagpunta siya sa komedor at inihain ang pancit. Tinawag na niya si Macario na agad dumulog. Hindi nito inubos ang pagkain.
“O, may problema ba? Sumasakit na naman ba ang ngipin mo?”
“Hindi, Kuya, nagdidiyeta lang ako kasi lumalaki ang tiyan ko. Ayokong maging fat.”
Nagkasamid-samid siya. Naloko na! “Anong fat-fat ang sinasabi mo diyan, eh, halos mukha ka ngang tikling sa payat mo? Saan mo natututuhan ang mga ganyan?”
Lumabi ito. “Kay Ate Ramona po.”
Napabuga ng hangin si Baba. Talagang mag-uusap sila ng babae. Palibhasa ay si Nanang Amor ang tumitingin kay Macario kapag wala siya, kadalasan nitong nakakasama si Ramona, isa sa mga babae sa Paraiso na isang beerhouse. May limandaang metro ang layo ng inuupahan niyang bahay sa Paraiso pero kilala niya ang mga tao roon. Ilang ulit na siyang nakadalaw roon noon, kasama ang ama ni Macario. Anak ng isa sa mga babae roon ang bata. Si Nanang Amor lang ang tanging kilala niya sa “ibaba.”
“Kumain ka nang kumain at baka mapalo pa kita,” pananakot niya pero parang hindi na iyon umuubra kay Macario. Alam nitong hindi siya namamalo. Gayunman, mabait na bata si Macario, matalino sa eskuwela, maraming kaibigan, at masunurin din naman—maliban pagdating sa kapritso nitong mga pambabaeng gamit at laruan.
Si Macario ang nagligpit ng pinagkainan nila at niyaya na niya itong magpunta sa Paraiso. Ayaw sana ni Baba na nandoon ang bata kapag gabi, pero sinabi ni Candida na maghihintay ito sa kanya. Aminado siya, mayroon siyang kaba para doon. Ano ang maaaring kailangan sa kanya ng babae? Pero kasabay niyon ay matinding pananabik.
“Iiwan ko muna sana itong isang ito kay Nanang Amor,” sabi niya kay Ramona nang makarating sa Paraiso. “Siyanga pala, gusto kitang makausap tungkol sa manyika.”
Ang lakas ng tawa ni Ramona. “Hindi ako ang nagtuturo. Marunong siya.”
“Mas gusto ko sana kung hindi siya mauudyukan na ipagpatuloy `yon.”
Nakangiting lumapit sa kanya ang babae, hinawakan ang braso niya. “`Sus, para `yon lang, eh.” Dumiin ang pagkakakapit nito sa kanya. Hindi na mabilang ni Baba kung ilang ulit nang nagparamdam sa kanya si Ramona sa ganoong paraan. Alam niya, gusto nitong muling may mangyari sa kanila. Minsan iyong naganap isang gabing lasing siya. Alam niyang espesyal ang turing ni Ramona sa kanya, pero hindi siya gumagawa ng anumang hakbang para mapalapit sa babae sa ganoong paraan. Nahihiya siya kay Nanang Amor, bukod sa wala sa isip niya ang mga ganoong bagay.
“Anong oras ang balik mo niyan?” tanong ni Ramona.
“Hindi ko alam. Kung maaga-aga pa, babalikan ko si Macario.” Hinaplos niya ang ulo ng bata. “Magpapakabait ka rito, Macario, ha?”
Tumugon ang bata. “Palagi naman, Kuya. Saka masaya dito, maraming kolorete.”
Ang lakas ng tawa ni Ramona habang napangiwi naman si Baba. Hindi na siya umimik. Talong-talo siya sa batang ito. “Sige, mauuna na ako. Ikaw na ang bahala, Ramona.” Naglabas siya ng ilang dadaanin na iniabot niya sa babae.
“Ikaw talaga. Hindi ko kailangan niyan. Mas pabor sa akin kung singsing ang ibibigay mo,” nakatawang sabi nito bagaman alam niyang hindi iyon biro.
Singsing? Kasal? Sa palagay niya ay hindi. Napakagulo ng kanyang mundo para mandamay pa ng iba. Pumihit na siya at bumalik sa bahay. Naligo siya, naghanap ng matinong maisusuot, saka lumakad. Bago magpunta sa Sitio Santol ay dumaan siya sa tindahan ng mga bulaklak at bumili ng isang bungkos na rosas.
Habang nagmomotorsiklo papunta sa tagpuan nila ni Candida ay pinapagalitan ni Baba ang sarili. Ano’ng gagawin mo diyan? Ibibigay mo sa kanya? Hindi ka na nahiya?
Bago makarating sa tagpuan ay naitapon na niya sa daan ang mga rosas. Baliw siya para bilhin ang mga iyon.
NAPANGITI si Baba nang maramdaman ang mainit na balat ni Candida sa kanyang dibdib. Hawak ni Candida ang isang rosas na inaamoy-amoy nito. Humagikgik ang babae.
“Hindi ko alam na ganito ka kalambing, Baba. Walang mag-aakala.”
Ngiti ang kanyang isinagot, hinaplos ang makinis na braso ni Candida, namamangha sa katotohanan na nakarating sila sa ganoong punto. Na sa kabila ng lahat, nagawa siyang tanggapin ng babae. Handa siyang gawin ang kahit na anong gusto ni Candida, pero walang ibang gusto ang babae kundi ang magkasama sila, magtagpo nang lihim. Hindi pa alam ng ama nito ang tungkol sa kanila kahit mag-aapat na taon na mula nang sabihin kay Baba ni Candida na magtagpo sila sa mismong kubong iyon sa Sitio Santol. Nang gabing iyon ay nag-usap lang sila at sa gabing iyon niya nasigurong iniibig niya ang babae. Matagal na. At matagal na rin niya iyong pilit sinisikil.
Pero mahirap iyong gawin sa paglipas ng panahon. Unti-unti, lalo siyang nahuhulog kay Candida. Parang ganoon din ito sa kanya. May isang taon na ang nakararaan nang hindi na nila napigilan ang kanilang mga damdamin. At heto sila ngayon. Tuluyan nang binago ni Candida ang mga pananaw ni Baba sa buhay, bagaman nanatili ang isang katotohanan—na ang pamilya ng babae ay hindi ideyal.
Bagaman nasa puso pa rin ni Baba ang kagustuhan na mailayo si Candida sa pamilya nito, alam niyang isang bagay iyon na hindi madaling gawin. Mahal na mahal ng babae ang ama, maging ang lolo nito.
“May regalo ako sa `yo,” sambit ni Candida sa kanyang tainga, saka tumayo. Kinuha nito ang isang envelope mula sa bag at iniabot sa kanya.
Nagtatakang binuksan iyon ni Baba at parang may sumakal sa kanyang dibdib sa pagkalunod niya sa mga emosyon. Laman ng envelope ang mga dokumento na nagbibigay sa kanya ng legal na pangalan at patunay na nakapagtapos siya ng high school.
“Naisip ko na kailangan mo `yan.”
“Candida... Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Maraming salamat.”
Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Siyanga pala, nagbabalak nang magretiro si Daddy. Si Juanito na ang tatakbo,” nakaismid na tukoy nito sa pinsan. “Gusto ko sanang ako ang tumakbo, Baba.”
Labis niyang ikinabigla iyon. Hindi niya naisip na may ganoong plano si Candida. “Ikaw?” natatawang tanong niya. Hindi siya nagdududa sa kakayahan ng babae pero parang hindi kaya ng mabait nitong personalidad ang pumasok sa politika.
“At bakit? Sa tingin mo hindi ko kaya?”
“Hindi. Masyado kang mabait.”
Bumuntong-hininga ito. “Iyan ang noon pa ay sinasabi na sa akin ni Daddy. Ang babae raw ng pamilya ay hindi kailanman papasok sa politika. Paano kung ako lang ang anak niya? Lahat ng ito, mapupunta lang sa pinsan ko.”
“Wala akong nakikitang problema. Mas maganda ang tahimik na buhay.”
“Pero gusto kong makatulong sa taong-bayan,” giit nito.
“Makakatulong ka kahit wala ka sa politika,” nakangiting sabi niya, hinaplos ang pisngi nito. Noon lang niya nakita kay Candida ang sidhing iyon at lalo itong napamahal sa kanya. Gusto nitong makatulong, ano pa ba ang mas dadakila kaysa roon?
“Ayoko na ng mga labanan, Baba. Ayokong may mga batang matulad sa `yo…” Idinikit nito ang pisngi sa kanyang dibdib. Alam nito ang kanyang kuwento. Hanggang sa mga sandaling iyon, hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kanyang ina bagaman unti-unting ipinaunawa sa kanya ni Candida ang posibilidad na hindi ang mga sundalo ng lolo nito ang dahilan ng pagkawala ng kanyang ina. Lalo na kung na kay Ka Abel ang larawan ng babae at ang mapa na nagtuturo kung saan ito nakalibing. Naroon ang posibilidad na mismong si Ka Abel ang pumaslang sa kanyang ina para makuha kung anuman ang mayroon sa bahay na tinutuluyan ng babae.
Dahil natuklasan ni Baba na ang Kilusang Bagong Pilipinas ay isang break away group, isang grupong hindi kinikilala ng mga lehitimo at orihinal na grupo. At sa nakaraang ilang taon bago ang sagupaan sa kabundukan ay wala nang pondong natatanggap si Ka Abel; umaasa na lang sa pangingikil sa mga taong-ibaba. Hindi niya alam iyon. Tuwing isasama siya “pababa” ay wala silang ginagawang pangingikil o pananakot. Pero maraming pruweba si Candida.
Matagal nagbulag-bulagan si Baba sa bagay na iyon dahil mahirap tanggapin. Pero salamat kay Candida, tinanggap niya ang mga posibilidad. Masakit maunawaan na kailanman ay hindi naging tama ang kanilang ipinaglalaban at ang katotohanang baka mismong ang mga kinilala niyang pamilya ang pumaslang sa kanyang ina. Namulat na rin siya sa kalakaran ng gobyerno. Sa kasamaang-palad, nalaman niyang sa kabila ng lahat, ang mga politikong tulad ng ama ni Candida ay mananatiling masama sa pamantayan ng buong mundo.
“Wala nang batang magiging tulad ko. Ako na ang huli,” sabi niya sa babae.
“Baba, marami akong gustong gawin para sa bayan na ito. Tutulungan mo ba ako?”
“Hindi mo na kailangang itanong `yan.”
“Kung ganoon, maaasahan kita?”
“Maaasahan mo ako. Isang daang porsiyento.”
“KAILANGAN siyang mawala, Baba! He touched me! I feel so dirty!”
Agad na nilapitan ni Baba ang nobya, niyakap nang mahigpit. Nanginginig ang katawan nito. O siya ba iyon? Hindi niya magawang maawat ang kanyang galit. Kung naroon ang lalaking tinutukoy ni Candida ay baldado na siguro iyon—si Attorney Delfin Magno, ang campaign manager ni Juanito at adviser ng ama ni Candida. Ang lalaking iyon daw ang dahilan kung bakit hindi magawang makumbinsi ni Candida ang sariling ama na ito ang patakbuhin sa eleksiyon, sa halip na ang pinsan. Kaya nilapitan ni Candida ang abogado, sa pag-asang makukumbinsi ang lalaki na ito ang patakbuhin at hindi si Juanito.
“Sinabi niyang kukumbinsihin niya ang Daddy pero may kapalit. Sinabi ko sa kanyang gagawin ko ang lahat… Hindi ko akalain na iba ang pakahulugan niya roon. He... he kissed me, Baba! He touched me! Oh, God, I feel so dirty!”
Matagal nang hindi humahawak ng baril si Baba. Ang mga trabaho niya nitong huling ilang taon ay mga simpleng trabaho lang—ang pagpapaalis sa bayan na iyon ng mga taong maaaring makaapekto sa negosyo ng mga Villacorte. Pero nang mga sandaling iyon ay binubulag siya ng matinding galit.
“I want him to die, Baba,” humahagulhol na sabi ni Candida. “Isang linggo siyang tutuloy sa bahay namin sa Masambong. Marami silang pag-uusapan tungkol sa eleksiyon. Kailangan niyang mawala, Baba. Nandidiri ako sa sarili ko dahil sa kanya.”
Hinaplos niya ang likod nito, hinayaan itong umiyak nang umiyak. Nang tumahan ay sinabihan niya ang babae na magpahinga. “Isipin mo ang magandang bukas, Candida. Tayong dalawa. Lalayo tayo rito, lalayo sa buhay na magulo.” Hinagkan niya ito sa noo.
“Oo, Baba. Gusto ko ng tahimik na buhay. This life is not for me. Not for me at all. Aalis tayo. Tatakasan natin ang lahat ng ito. But please do me a favor and… Oh, Baba! I hate him so! He almost ended up raping me! I detest him! I want him to die!”
Muling niyakap ni Baba si Candida. “Ako ang bahala. Aalis ako saglit pero babalik din ako,” sabi niyang lumakad na nang matiyak na mahinahon na ang babae.