noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 5

Ch. 5 / 25 Feb 05, 2022

5

“P UTSA,” sambit ni Baba, saka pinasibad ang motorsiklo para sundan ang isang itim na van. Nakaramdam siya ng iritasyon—para sa sarili at sa babaeng napilitang sumakay sa van sa unahan.

“Dulce” ang pangalan ng babae, isang dayo. Isang babaeng dayo na ubod ng tapang; nakakainis na tapang. Kung naging kamag-anak niya si Dulce, nakatikim na sa kanya ng sermon ang babae. Walang lulugaran sa ganoong bayan ang mga tulad nito. Lalong hindi tamang nagbiyahe ito nang nag-iisa. Hindi isang mall ang pinuntahan ng babae, kundi lugar na walang paglalagyan ang mga mahihina ang loob.

Nilagyan ni Baba ng agwat ang pagsunod sa sasakyan, tutok sa kanyang ginagawa. Hindi iyon ang unang pagkakataong may sinundan siyang sasakyan. Sa dulong bahagi ng bayan tumuloy ang van, lumiko sa kanto papasok sa isang barangay; isang lugar na tiyempuhan lang pasukin ng mga sasakyan. Sa halip na patuloy na sumunod ay nilagpasan niya ang kantong iyon, saka lumiko sa kasunod na eskinita.

Muling napamura si Baba, nagsindi ng sigarilyo habang sakay ng motorsiklo, saka tinahak ang lubak-lubak at makitid na eskinita. Nagtataasang talahib ang nasa kanyang kaliwa at kanan. Hindi niya matanaw ang paligid, na walang kaso sa kanya dahil wala siyang balak na makita ng kanyang sinusundan. Ang tagos ng eskinitang iyon ay ang munting plaza ng barangay, kung saan naroon ang maliit na rebulto ni Saint Faith of Aquitaine, kung saan nagmula ang pangalan ng bayan. Pero hindi na siya aabot sa plaza. Alam niyang ilang metro pa ay mapapasok na niya ang isa sa malalaking lupain na pag-aari ng mga Villacorte. Hindi iyon ang unang pagkakataong makakarating siya sa lugar kung saan dinadala ang mga kaaway ng pamilya.

Mayamaya ay ipinarada ni Baba ang motorsiklo sa pagitan ng matataas na talahib, saka nilakad ang daan patungo sa isang sirang bakod na halos hindi na rin nakikita dahil sa makapal na damo. Pero saulado niya ang lugar na iyon.

Tahimik siyang nakarating sa isang puno ng balete. Mula roon ay tanaw ang isang maliit na bahay na tipikal para sa kanilang bayan—bahagyang nakaangat sa lupa gamit ang malalaking katawan ng puno bilang tukod; yari sa semento, kahoy, sawali; at mayroong silong. Sinauna ang estilo ng bahay. Perpekto iyon para sa pakay ng mga lalaking sakay ng van.

Mula sa bahay ay hindi siya tanaw sa kinaroroonan. Nauna siyang dumating sa bahaging iyon, at nakita niya nang dumating ang van. Nakita niya ang pagpapalag ni Dulce na binitbit ng dalawang lalaki pababa. Kahit ilang metro ang kanyang distansiya sa mga ito ay malinaw niyang naririnig ang boses ng babaeng matigas ang ulo.

“I will sue you all! Itaga ninyo sa bato! I don’t deserve this! I have done nothing wrong! Naiintindihan ba ninyo ako? Wala akong ginawang masama!”

Nagsalita si Gardo, ang pinakamalaki sa mga lalaki at pinuno ng grupo. “Tumahimik ka na. Pumasok ka na lang.”

Sumigaw ang babae. “No! Bitiwan ninyo ako! Ngayon din! Sino ba ang nagpakuha sa akin? Iharap ninyo sa akin at kakausapin ko!”

Nagsalita ang isa pang lalaki, si Rufo. “`Wag kang mainip, darating din siya.”

Nagpumiglas si Dulce pero hindi nakawala. “I demand that I talk to that person right now! Hindi ako papasok sa bahay na `yan kahit ano’ng gawin ninyo! Ang kakapal ng mukha ninyo! Kilala n’yo ba ako? Hindi ako sasama sa loob! No way! Bitiwan mo ako, pangit! Nasasaktan na ako! Ang baho mo pa! Lumayo-layo ka sa akin, please lang!”

Sa isang banda, gustong matawa ni Baba. Sadyang matapang ang isang babaeng nakuha pang pintasan ang isang lalaking maaari itong saktan anumang oras. Pero hindi iyon ang matalinong desisyon. At tama ang kanyang naging opinyon nang sumagot si Rufo, ang may hawak sa babae.

“Baka gusto mong matikman kita nang wala sa oras, Miss? Itong karakas kong ito, nagpapaiyak sa ligaya sa mga babae.”

Halos idura ni Dulce ang mga salita. “Yuck! Never!”

Binalingan ni Rufo si Gardo. “Puwede bang tikman `to?”

“Tingnan natin mamaya.”

Nagwala ang babae, nagsisipa sa ere. Hanggang sa puntong nakawala ito pero saglit lang. Agad dinaklot ni Rufo ang buhok ni Dulce. Napamura si Baba sa kinaroonan. Hindi sumigaw ang babae, sa halip ay sinuntok ang pagitan ng mga hita ni Rufo.

Napakalakas at napakalutong ng murang kumawala kay Rufo. Nabitiwan ni Rufo ang buhok ng babae. Ilang hakbang ang naitakbo ni Dulce pero napatigil din nang paputukin ni Gardo ang baril sa lupa—sa bahaging malapit sa paa ng babae. Lumapit si Gardo kay Dulce, saka pilit nang ipinasok sa bahay. Alam ni Baba na dadalhin sa silong ang babae, itatali hanggang sa dumating na ang big boss.

Sumunod ang dalawa pang lalaki papasok sa bahay. Naghintay si Baba sa kinaroroonan niya. Mayamaya ay nakita niyang lumabas na ang tatlong lalaki. Alam niyang naghihintay ang mga ito ng utos. Kasabay niyon, narinig din niya ang sigaw ni Dulce. Palibhasa ay yari lang sa kahoy ang pader ng bahay, nakarating iyon sa kanyang pandinig.

“Pakawalan ninyo ako! Pakawalan ninyo ako rito, mga animal!”

Natutop ni Baba ang noo. Ang mga biktimang maiingay ang unang namamatay, alam niya. Sa lahat ng pagkakataong tinubuan siya ng ganang iligtas ang isang tao, nataon pa na sa isang babaeng walang preno ang bibig. Sa isang babaeng madaling mamatay.

AYAW lumabas ng mga luha ni Dulce kahit nakatali siya sa isang mabigat at lumang silyang yari sa kahoy. Tinakpan na ng mga lalaki ang kanyang bibig pero iyon ay dahil lang naiirita ang mga ito sa ingay niya, hindi dahil sa maaaring may makarinig sa kanya. Alam ni Dulce kung saan siya eksaktong naroon dahil nakita niya ang daan papunta roon. Alam niyang kahit magsisigaw ay walang ibang taong makakarinig sa kanya.

Isang masamang indikasyon iyon para sa kanya. Bakit hindi nag-aalala ang tatlong lalaki na makita niya kung saan siya naroroon at kayang-kaya niyang ituro iyon sakaling makaalis na siya? Isa lang ang dahilan—alam ng mga itong hindi na siya makakaalis pa. At halos nasisiguro niyang kung hindi agad siya papatayin ng mga lalaki matapos niyang makausap ang boss, gagahasain muna siya bago patayin. Sa madaling salita, ano’t anuman ay mamamatay siya.

At wala siyang balak mamatay. Lalong wala siyang balak magpagahasa.

Nagplano si Dulce na hindi muna iiyak hanggang kaya pa niyang umisip ng paraan kung paano makakatakas. Muli niyang sinubukang tumayo pero ni hindi niya magawang bitbitin patayo ang silya kung saan siya nakatali. Masyado ring mahigpit ang pagkakatali sa kanya, lapat na lapat ang kanyang mga braso sa silya, mariin, masakit.

Umingit ang pinto at agad siyang napatingin doon. Isang babaeng sopistikada ang pumasok. Si Mayora Villacorte. Nakilala niya ang babae base sa tarpaulin na nakita niya sa bayan. Sunod na pumasok ang tatlong lalaki kanina. Inalis ng leader ang busal sa kanyang bibig.

Agad na nagsalita si Dulce. “Ano’ng kailangan mo sa akin? Bakit kailangan mong gawin ang ganito? Wala akong ginawang masama!”

Ngumiti ang babae. “Ang mag-usyoso tungkol sa mga bagay na matagal nang nakalipas ay hindi matatawag na ‘wala,’ Miss.”

“May hinahanap akong tao kaya ko ginawa `yon! If that’s what this is all about then we can both agree that this is just a misunderstanding. No harm done. Kalimutan na lang natin,” sabi niya.

Bumuntong-hininga ang mayora. Ang totoo ay sadyang maganda ang babae, mas matanda siguro sa kanya ng dalawa hanggang apat na taon lang. She was wearing an original Prada. Wala sa tipo ng babae ang gagawa ng ganito sa kapwa. “Ipinakuha ko ang gamit mo sa Paraiso. I hope you don’t mind. I had to check, you see. Hindi ka reporter, oo, pero sino ang hinahanap mong tao?”

Kahit paano ay umalwan ang loob ni Dulce. “Isang Dominga Esperanza. Ipinapahanap siya sa akin ng kamag-anak niya.”

“Hindi ka private investigator, base sa mga gamit mong nakuha namin. In fact, you are a businesswoman. Bakit ikaw ang ipinadala rito para hanapin ang taong hinahanap mo?”

“May utang-na-loob ako sa kamag-anak ng nawawala.”

“I see. Isang malaking pagkakamali ito, Miss. Pagpasensiyahan mo na.”

Sa puntong iyon ay nakahinga na nang maluwag si Dulce. “It’s all right. Just let me go. I’ll forget about this incident.”

“Iyon ang problema, Miss. Dahil marami kang nalaman nang hindi sinasadya.”

Napamaang siya sa mayora. Ngiting-ngiti ang babae. It was such an evil smile. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa katawan. It became clear all of a sudden that behind the woman’s sophisticated appearance was an ugly villain.

“Pero kung makukuha kang pagbigyan ng mga tao ko, walang problema sa akin. Nasa kamay na nila ngayon ang pakiusap mo.”

Napatingin si Dulce sa tatlong lalaki sa likuran ng mayora. Nagngingitian ang mga ito, parang mga leon na initsahan ng sariwang karne. “No! Oh, please, no!” sigaw niya. “You can’t do this to me! Babae ka rin!”

Pero hindi na umimik pa ang mayora at tumalikod na.

Patuloy siya sa pakikiusap. “Please, nakikiusap ako sa `yo! `Wag mong gawin ito! May pamilya ako, may kinabukasan ako! Hindi mo ako kaaway! Please!”

Lumapit na kay Dulce ang tatlong lalaki. Nanakit ang mga kamay niya sa lubid na nakagapos sa kanya sa kanyang pagwawala. Noon niya nakita ang isang pigura sa pintuan. Madilim sa bahaging iyon pero nakilala niya ang pigura nang magsalita. Naaalala niya ang boses na iyon. Si Baba.

“Puwede ka bang makausap?” tanong ng lalaki sa mayora.

Sinulyapan si Dulce ng mayora, saka tumango kay Baba. Lumabas ang dalawa. Biglang nabura ang ngiti ng mga lalaking kasama niya sa kuwarto, parang hindi mapakali. Halatang hindi nagustuhan ang pagdating ni Baba, isang bagay na labis niyang ipinagtaka.

Malaking tanong din kung bakit walang “po” sa pananalita ni Baba sa mayora, na parang magkakilala ang dalawa sa lebel na hindi tauhan-amo. Gayunman ay magalang naman ang pagkakasabi ni Baba, kaya siguro hindi na pinansin ng mayora, sakali man na tauhan nito si Baba. Sakaling hindi... ano ang maaaring relasyon ng dalawa? Magkaibigan? O baka nga isang espesyal na tauhan si Baba. Isang tauhang nakatalaga sa mga espesyal na misyon. Hindi ba at iyon ang sinabi ni Ramona?

May gumapang na kilabot sa katawan ni Dulce, bagaman tinandaan din niyang iniligtas na siyang minsan ni Baba. Baka sakaling ganoon din ang ginagawa nito ngayon. O kanina pa ba ito nasa labas? Hindi siguro kung mukhang balisa ang tatlong pangit na kasama niya sa kuwarto.

Naiinip na siya sa mayora. Mahirap palang mabitin kapag kaligtasan ang nakasalalay. Ano ang pinag-uusapan ng dalawa? Kung kailan natutukso na siyang tanungin ang tatlong lalaki ay saka nagbalik ang babae sa kuwarto, hindi kasama si Baba.

Tumingin kay Dulce ang mayora, saka nag-utos sa tatlong lalaki. “Pakawalan n’yo siya.”

Ang mabahong goon ang nagsalita. “Saan po dadalhin, Madame?”

Sumagot ang babae. “Ipagkakatiwala ko na siya kay Baba.”

Muling nagsalita ang mabaho. “Pero, Madame, kayang-kaya na namin `to. Saglit lang sa `min `to.”

Mukhang uminit ang ulo ng babae. “Mas marunong ka pa sa akin, Rufo? Pakawalan mo at ibigay kay Baba ora mismo!”

Nagsalita na si Dulce. “Hindi! Hindi ako sasama sa isang `yon! Pakawalan mo ako dahil iyon ang tama. Hindi naman ako magsusumbong sa kahit na sino. Hindi ito makakalabas. Sa ating lima lang ito. Please. Nakikiusap ako sa `yo.” Oo at ang manikluhod sa babaeng ito ang huling bagay gusto niyang gawin. Pero ang isang tao palang nalagay sa ganoong peligro ay mas gugustuhing magmakaawa kaysa mamatay nang ganoon na lang.

Base sa pananalita ng babae, maging sa sagot ni Rufo, hindi na mahirap mahulaan kung ano ang gagawin sa kanya ni Baba. Pero kung papipiliin siya sa pagitan ni Baba at ng tatlong pangit, mas pipiliin niya si Baba. Dahil si Baba ay nag-iisa lang. Mas malaki ang tsansa niyang makatakas. Gayunman, hindi pinag-uusapan dito kung kanino siya sasama, kundi kung ano ang mangyayari sa kanya.

Dulce refused to stop fighting, asking this woman to give her a fair trial.

Mukhang iritado na ang mayora. Umalis na ito, kahit na muli’t muli niyang tinawag. Pumasok si Baba. Biglang naging tensiyonado ang paligid. Nakatingin lang ang lalaki sa tatlong goons na nasa tabi niya.

Nagsalita si Baba. “Narinig ninyo ang sinabi ni Candida.”

Muli, nasorpresa si Dulce. In-assume niyang ang mayora ang Candida. First name basis ang dalawa. Dahil ba napakarami nang ipinatira kay Baba kaya close na close na ang lalaki sa mayora? Pero hindi na iyon mahalaga sa ngayon. Umalis na si Candida at ang pagpipilian na lang niya ay ang tatlong itlog, o si Baba.

Nagsalita si Rufo, mahinahon. “Eh, ganoon din naman ang suma, hindi ba? Bakit hindi mo na lang dito gawin, `Ba? Pagkatapos mo, ipasa mo sa amin. Mataas ang tingin namin sa `yo, kaya mauna ka na.”

Napasinghap si Dulce sa panghihilakbot. Pinag-uusapan ng mga lalaki ang paggahasa sa kanya na parang isa lang iyong bagay na puwedeng i-jack en poy!

“Mga walanghiya kayo!” Nagpumiglas siya kahit manakit ang kanyang katawan. “Mga hayop kayo! Wala ba kayong ina? Wala ba kayong kapatid na babae? Pakawalan ninyo ako rito!”

Hindi pinansin si Dulce ng apat na lalaki. Nauwi ang mga ito sa titigan. At hindi niya maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng titigan na iyon. Patuloy siya sa pagpiglas, hanggang sa matigilan siya. Wala na ang mayora. Bakit hindi niya tangkaing bayaran ang mga lalaki? Now she cursed Baba. Alam niyang hindi ito maaaring mabayaran. Kung sana ang tatlo ang natira, baka-sakaling masuhulan niya. Sapat na pera para kahit ang kaligtasan ng mga ito mula sa mayora ay kanyang mabili.

Sa wakas, nagsalita si Baba. “Rufo, pasensiya ka na, pero madamot ako pagdating sa ganyang bagay. Sa akin ipinagkatiwala ang babaeng `yan, narinig mo ang sinabi ni Candida. Pakakawalan ko na siya.”

Humarang ang leader ng grupo nang malapit na kay Dulce si Baba. “Bakit ka ba nagbalik pa rito, `Ba?” Hindi tulad ni Rufo ay hindi tunog-nagpapakumbaba ang lalaki. “Kami ang pumalit sa `yo nang mawala ka. Hindi na namin inaasahan na babalik ka pa. Wala ka nang tatrabahuhin dito ngayon na hindi namin kaya. Balita ko, tumanggi ka na sa alok sa `yo. Ano `tong ginagawa mo ngayon? Balik sa dati ka na ba?”

Walang mababakas sa mukha ni Baba. At mas nakakakilabot iyon para kay Dulce. Hindi kayang hulaan kung ano ang nararamdaman ng lalaki, kung ano ang naiisip. She guessed it was safe to assume that he was the most dangerous among the four.

Sumagot si Baba. “Hindi ko alam na interesado ka sa akin, Gardo, o sa kung anong plano ko sa buhay.”

Tila ikinainit iyon ng ulo ni Gardo. Humakbang ito palapit kay Baba na hindi natinag, ni hindi nagkaroon ng reaksiyon. She had to admire the man somehow. Kung siya ang lalapitan nang ganoon ni Gardo, mapapaatras siguro siya o maghahandang lumaban. Baba remained calm. In fact, he looked bored, if anything.

Hindi papatalo si Gardo. “Wala akong tiwala sa mga umaalis at bumabalik din. Lalo na kung matagal umalis ang taong `yon.”

Tumango si Baba, bagaman nanatili ang blangkong mukha. “Noong panahong `yon, uhugin ka pa. Ni hindi mo kayang umasinta. Sa bawat lakad ko, nakikiusap kang sumama.”

Tila napahiya si Gardo, pero hindi naman umatras. “Marami nang nagbago, `Ba.”

Muli, tumango si Baba. “At wala akong panahong makinig sa `yong isa-isahin `yon.” Humakbang na ito palapit kay Dulce at inilabas ang isang patalim mula sa bulsa. Agad nitong kinalas ang lubid na nakatali sa kanya.

Tumayo si Dulce, nabigla nang makita ang galos sa mga pulsuhan niya. Mahapdi ang mga iyon, may bahid ng dugo. Kapapalag ay nasugatan na siya. Nagpasya siyang manatiling positibo. Kay Baba siya sasama at motorsiklo ang sasakyan nito. Kapag nagmenor ang lalaki sa bahaging matao, tatakbo na siya. Bahala na. Basta sigurado siyang hindi mamamatay si Dulce Verdas sa araw na iyon.

Hinawakan ni Baba ang kanyang bisig, bahagya siyang hinigit at sumama na siya rito. Nanatiling walang imik ang tatlong lalaki, nakatingin lang sa kanila. Pinakatandaan niya na ang tatlong goons na gustong humalay sa kanya ay ilag at mukhang takot kay Baba. Samakatuwid, mas malaking halimaw si Baba kumpara sa tatlo.

Naglakad sina Dulce at Baba patungo sa talahiban. Panay ang linga ni Dulce sa paligid. Matataas ang mga damo at madilim na. Ngayon na ang pagkakataon niyang makatakas.

“S-saan tayo pupunta?” tanong niya.

“Sa motor ko. Bilisan mong maglakad, baka magbago ang isip nila.”

Patuloy siyang sumunod at hindi nagtagal, nakita na niya ang motorsiklo ni Baba. Huminga siya nang malalim, saka nilusob ang talahiban. Kasintaas niya ang mga damo. Mahihirapan ang lalaki na makita siya.

Diyos ko, tulungan Ninyo ako. Marami pa akong pangarap sa buhay. Ni hindi pa ako nahahalikan ni Joaquin , sa isip-isip ni Dulce habang patuloy sa pagtakbo na parang hinahabol ng kadiliman.