noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 4

Ch. 4 / 25 Feb 05, 2022

4

G USTONG mapahiya ni Dulce kay Ramona. Natural na ang tanong niya sa babae ay patungkol sa mga GRO. Ang totoo, hindi siya magiging komportableng kasama ang mga ito. Pero mas gusto naman niya roon kaysa sa inn sa itaas ng Paraiso na siguradong ang kutson ay hinigaan na ng ilang daang pareha, ang mga sapin ay ilang ulit nang nabahiran ng mga hindi kanais-nais na bagay. Pero wala siyang karapatang bigyan ng label si Ramona at ang mga kasamahan nito, kahit obvious kung ano ang trabaho ng babae. Nakikiusap lang siya roon, wala siyang karapatang manghusga kahit pa nga hindi iyon ang layunin niya sa tanong. Nauunawaan niya kung bakit iba ang interpretasyon ng babae.

Hindi siya nakaimik.

Naglakad papunta sa isang kuwarto ang babae, binuksan ang pinto at tumuloy sa loob. “Dito ka. Kaming dalawa lang ni Nanang ang nakatira dito. Pamangkin ako ni Nanang.”

Nabigla si Dulce sa kaalamang iyon. Pinapayagan ng matanda ang sariling pamangkin na maging isang GRO? Ah, muli, sino siya para husgahan ang mga ito? Tumango siya sa babae, nagpasalamat.

“Ano ba ang pakay mo rito?” tanong ni Ramona.

“May hinahanap akong tao.”

“Hindi ka reporter?”

“Reporter? Hindi. Bakit mo nasabi?”

Nagkibit-balikat ang babae, pinagmasdan siya, maging ang kanyang mga bag na ipinatong niya sa maliit na kama. “Kung reporter ka, pangungunahan na kita—wala kang mapapala rito. Ilang tulad mo na ang nagtangka pero umuuwi ring walang dalang balita. Kung reporter ka, pang-ilan ka na ring tumuloy rito, at ngayon pa lang sinasabi ko na sa `yong pag-alis mo, kawawa ang tiyahin ko. Siya ang palaging napag-iinitan.”

“Hindi nga ako reporter,” sabi niya. “Ano ang kinalaman ng reporter dito?”

“Magaling kung ganoon. Isang libo kada gabi ang bayad dito dahil may sarili kang banyo. Kasama na sa bayad ang almusal at hapunan. Maiwan na kita.”

“Saglit,” tawag ni Dulce. Gusto niyang magtanong kay Ramona ng tungkol kay Baba pero sa huli ay nagbago ang kanyang isip. Nag-abot na lang siya ng dalawang libong piso sa babae. “Bayad ko. Itatanong ko rin sana kung may kilala kang may tricycle na puwede kong maging service. O kaya habal-habal.”

Tinanggap nito ang pera, saka siya muling tiningnan. “Sige, sasabihin ko kay Nanang.”

Tuluyan nang lumabas ng kuwarto ang babae.

Napabuntong-hininga si Dulce at sinigurong nakakandado ang pinto, saka siya tumuloy sa banyo. Naligo siya, pagkatapos ay nahiga na rin. Pagod na pagod siya. She had no more energy left to ponder things though she knew one thing for certain—the town was not a friendly one and she needed to get out of there as soon as possible.

Kinabukasan ay alas-diyes na ng umaga siya nagising dahil sa matinding pagod. Naabutan niya si Nanang Amor sa komedor.

Ngumiti ang matanda. “Nabanggit sa akin ni Ramona na kailangan mo raw ng tricycle o habal-habal.”

Pumuwesto siya sa hapag. “Opo, Nanang.” Kumalam ang kanyang sikmura sa nakahaing tapsilog. May naalala siya bigla. “Nanang, sino po si Kirat?”

Biglang napaantanda si Nanang Amor. “Diyaskeng bata ito. Kanino mo narinig ang pangalang iyan? Oo at may habal-habal ang isang iyon pero hindi kita irerekomenda sa kanya, santisima! Hindi ako tsismosa para itsismis ang iba pero halang ang bituka ni Kirat. Kaya nga iyon inalis na sa samahan ng mga driver at operator ng habal-habal. Tatlong turista ang nagreklamo na pinagnakawan na’y tinangka pa raw gahasain kung hindi nanlaban. At noong huli, may isang tagaritong dalagang nagsampa ng demanda. Rape. Pero inatras din. Malaya pa ang isang iyon pero hindi magtatagal, makukulong din. Malakas lang ang loob at may tiyuhing konsehal.”

Gustong kilabutan ni Dulce. Hindi agad siya nakaimik. Kung sakali pala ay sa taong iyon siya nakasakay. Kahit ilang text o tawag pa niya kay Tisha at naisipan na ni Kirat na gawan siya ng masama, wala ring silbi ang precautionary action niya. At si Baba... sinagip siya nito.

Well, hindi siguro puwedeng sabihing sinagip siya dahil wala namang ginawang masama sa kanya si Kirat, pero parang ganoon na rin. Napuno uli siya ng kuryosidad kay Baba. Nagpasya siyang tanungin si Nanang Amor. “Nanang, bakit po takot si Kirat kay Baba?”

“Aba’y kay Baba siya magloko-loko, kung hindi siya mabaldado, ewan ko lang. Bakit, ano ba ang nangyari?”

Ikinuwento ni Dulce sa matanda ang naganap sa terminal ng habal-habal at van kahapon, saka sinabi, “Kung ganoon pong takot si Kirat kay Baba, halang din po ang bituka niya?”

Ngumiti ang matanda. “Iniligtas ka na’y halang pa ang bituka. Ang batang ito.”

“Bakit wala po siyang pangalan, Nanang? Ayaw niyang sabihin sa akin, eh.”

“Naku, pagkarami-raming tanong ng batang ito. Maiwan na muna kita at marami pa akong gagawin. Nasa labas na ang tricycle na inarkila ko para sa `yo. Kung buong maghapon mo siyang gagamitin, tama nang abutan mo ng tatlong daan at pakargahan mo ng krudo ang motor. O, heto na pala si Ramona. Kumain ka na rin.”

Umalis ang matanda at sumalo nga kay Dulce si Ramona. Mukhang bagong gising ang babae at ni hindi pa naghihilamos. Nagtimpla ito ng kape.

“Bakit itinatanong mo ang pangalan ni Baba?” tanong nito.

Nagkibit-balikat siya. Ayaw niyang kausap ang babae pero wala siyang balak na hindi punan ang kanyang sikmura. Mahaba ang araw na iyon para sa kanya.

Muling nagsalita si Ramona. “Narinig ko ang mga tanong mo. Marami kang gustong malaman tungkol kay Baba. Talaga bang hindi ka reporter?”

Napikon na nang tuluyan si Dulce. “Hindi nga ako reporter! At kung reporter man ako, ano ang gagawin kong report tungkol sa isang taong ni hindi ko alam ang totoong pangalan? Sikat ba siya para dayuhin ng media rito at i-report?”

Tumaas ang sulok ng mga labi ng babae. “Kung ganoon, interesado ka sa kanya. Hindi kita masisisi. Guwapo si `Ba, `di ba? Matikas, simpatiko, at higit sa lahat, magaling sa kama.”

Dapat na niyang asahan ang ganoong uri ng pananalita sa isang tulad ni Ramona pero nakakapag-init pala ng ulo. Hindi na lang siya umimik. Hindi siya bababa sa lebel nito. Binilisan na niya ang pagkain.

“Kilala si `Ba dito sa amin, `yan ang sagot sa tanong mo kung bakit takot si Kirat sa kanya. Bata ng dating mayor si Baba noon. Ang alam ng marami, siya ang tagalinis ni Mayor. Tagalinis ng mga kalat.”

Hindi tanga si Dulce para hindi maunawaan ang ibig sabihin ni Ramona sa salitang “tagalinis.” Hindi basura ang tinutukoy nito, kundi tao. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya maiwasang kilabutan. Isang killer si Baba? Iyon ba ang dahilan kung bakit ayaw nitong sabihin ang totoong pangalan? Dahil wanted ito? Iyon din ba ang dahilan kung bakit kagabi pa nagtatanong si Ramona kung isa siyang reporter?

“Umalis siya noon at nang magbalik dito, hindi na siya bumalik sa pamilyang pinagsisilbihan niya noon. Pero sa pagkakaalam ng marami, on call pa rin siya sa mayora—ang anak ng dating mayor na pinasukan ni Baba noon.”

“Bakit mo sinasabi sa akin ang lahat ng `yan?”

“Nagtatanong ka, hindi ba?”

Nagpasya siyang tumayo na. “Salamat sa impormasyon, Ramona. Mauuna na rin ako.” Wala siyang balak kausapin pa ang babae. Hindi malinaw sa kanya kung ano ang intensiyon nito. Sa pakiwari niya ay hindi naman ganoon kasama si Baba dahil sa isang banda, tama si Nanang Amor—iniligtas siya ni Baba.

Lumakad na rin si Dulce at naabutan ang tricycle sa labas ng Paraiso, tulad ng sinabi ni Nanang Amor. Mukhang mabait naman ang driver na kinuha nito, matanda na rin at maamo ang mukha. Ibinigay niya sa driver ang address na isinulat niya sa papel, iyon ang return address na isinulat ni Dominga Esperanza sa sobre ng sulat kay Mang Gorio.

“Ineng, wala na ang address na ito ngayon,” sabi ng matandang driver na nagpakilala bilang “Tatang Damian.” “Mangyari’y pinalitan ang pangalan ng mga lugar dito noon. Itong lugar na ito ang isa sa huling napalitan ang pangalan pero wala na ito ngayon. Pabrika na ng goma ang nakatayo rito ngayon. May dalawang dekada na rin siguro. Bago iyon, eh, bahayan ang gawing iyon.”

Nabuhayan ng pag-asa si Dulce. “Puwede po sigurong malaman kung sino ang mga nakatira noon doon, ano po? Sa munisipyo po tayo, Tatang.”

Doon nga siya inihatid ng matanda. Nagpunta siya sa isang opisina at doon nagtanong. Ayon sa kanyang nakausap ay hindi basta-basta naglalabas ng record ang mga ito. Kailangan daw niya ng awtorisasyon para gawin iyon. Nang tangkain niyang abutan ng pera ang babae ay tumanggi itong tanggapin iyon at pinaalis agad siya.

Nagbalik si Dulce sa tricycle at sinabi kay Tatang Damian ang problema. “Wala po ba kayong ibang kilala na tumira doon?”

“Iyong iba roon, lumipat sa Ilaya pero hindi ko alam kung saan sila doon nakatira. Puwede siguro tayong magtanong-tanong.”

Iyon ang ginawa nila matapos mananghalian. Madali nilang natunton ang isa sa mga dating nakatira sa area na ngayon ay kinatitirikan ng pabrika ng goma. Agad niyang ipinakita ang address na dala at nagpaliwanag ito agad. Lahat daw ng mga tao na nakatira noon sa kinaroroonan ngayon ng pabrika ay iisa ang address—ang address na hawak niya, ang dating barangay hall. Itinuro nito ang dating sekretarya ng barangay na agad pinuntahan ni Dulce. Mayroon ngang listahan ang dating sekretarya ng mga taong nagpapabagsak ng sulat sa barangay hall. Narito pa ang kompletong tala sa loob ng anim na taon nitong pagiging barangay secretary. Sa katunayan ay dalawang logbook lang iyon. Wala raw masyadong natatanggap na sulat ang mga tagaroon.

“My God…” sambit ni Dulce. Malinaw na nakasulat doon ang pangalan ni Dominga Esperanza, sa tala ng mga nakatanggap ng sulat. May pirma roon ang babae. “Siya po ang hinahanap ko! Alam n’yo po ba kung nasaan na siya?”

Tiningnan ng matanda ang tala, saka umiling. “Isa ito sa taong-itaas. Hayan sa tabi ng pangalan, nakalagay na Group C siya. A at B, mga taga-ibaba. Group C, sa itaas. Wala kaming listahan ng mga tao roon.”

“Pero posible pong nandito pa siya sa Santa Fe?”

“Hindi ko tiyak, ineng. Pero wala nang taga-itaas ngayon, nagsibabaan na. Naging magulo noon doon at maraming mga rebelde. Mula nang magsimula ang gulo, wala nang nangahas pang bumalik kahit naubos na ang mga rebelde sa sagupaan.”

Kahit sinabi ng matanda na hindi siya nito matutulungan ay nanatili ang pag-asa sa puso ni Dulce. Pakiramdam niya, malapit na malapit na niyang makita si Dominga Esperanza, at siyempre, maging ang anak nitong si Dante Esperanza.

Habang naglalakad pabalik sa tricycle ay nagtanong si Dulce kay Tatang Damian. “Tatay Damian, anong taon po iyong nabanggit niyang sagupaan?”

“Mga kulang dalawang dekada na siguro ang nakararaan, ineng.”

“Marami po bang namatay doon?”

“Ay, halos lahat. Inubos ni Mayor ang mga rebelde.”

“Balik tayo sa munispyo, Tatang,” pasya niya. Kung ganoon ang nangyari noon, siguradong may listahan ng mga namatay sa sagupaan. Kung taga-itaas si Dominga at nagkaroon ng sagupaan, malaki ang posibilidad na wala na ang babae. Collateral damage—isang hinala niya na sana naman ay hindi totoo.

Nagbalik nga sila sa munisipyo at nagtanong doon. Parang walang gustong tumulong kay Dulce. Hindi helpful ang mga tauhan. Nagpasya siyang magpunta sa kaisa-isang library ng bayan na matatagpuan sa public school. Natagpuan niya ang compilation ng mga artikulo tungkol sa nangyaring sagupaan noon. Nangyari ang lahat noong high school pa lang siya, bagaman nai-report iyon sa national broadsheet. Naging madugo ang labanan at maraming human rights advocate ang nagreklamo. Kinuwestiyon din ang private army ng noon ay mayor na siyang kumitil sa buhay ng mga rebelde.

Umabot sa Malacañang ang reklamo pero mukhang walang nangyari. Halos dalawang buwan lang ay wala nang naisulat na artikulo tungkol sa pangyayari.

Kahit na wala siyang nakitang tala ng mga napatay ay nabasa niyang mahigit limampung tao ang nasawi sa engkuwentro—mga rebelde, tauhan ng mayor, at ilang mga sibilyan.

Nabuhay ang kuryosidad ni Dulce sa mayor na iyon. Iyon din ba ang pinagsilbihan ni Baba? Hinanap niya sa library ang listahan ng mga naging mayor ng bayan. Natuklasan niyang mula nang maging munisipalidad ang Santa Fe ay isang pamilya lang ang namuno roon. Una ay si Luis Villacorte na sinundan ng anak na si Lucas. Kapwa inubos ng dalawa ang termino. Bumalik sa panunungkulan si Luis pero sa ikalawang termino ay inatake sa puso kaya pinalitan ng vice mayor na siya ring dating mayor—si Lucas din mismo. Sinagad ni Lucas ang termino nito, saka pinatakbo ang anak na siyang kasalukuyang mayor, si Mayora Candida Villacorte. Panlimang termino na ni Candida dahil nang masagad ang termino ay isang pinsan ang tumakbo na nag-resign din at pinalitan ni Candida, dahil ito ang vice mayor.

Bahagyang nabigla si Dulce nang marinig ang boses ng librarian. Magsasara na raw ang library. Sinipat niya ang relo. Alas-singko y medya na pala. Nagpasalamat siya sa librarian at nagpaalam na rin.

Paglabas na paglabas ng eskuwelahan ay nilapitan siya ng tatlong lalaking naka-jacket na maong, pantalong maong, at kamiseta. Pare-parehong nakaantipara ang tatlo kahit halos papadilim na, mga mukhang goons.

“Miss, gusto kang makausap ni Mayora,” sabi ng isa sa mga lalaki. “Sumama ka sa amin.”

Nag-panic siya. “Teka, bakit gusto niya akong makausap? Hindi naman niya ako kilala. Hindi ko rin siya kilala. Sino ba kayo?”

Totoo ang kabang bumalot sa puso ni Dulce. Naalala niya ang mga tanong ni Ramona, ang paulit-ulit nitong pag-uusisa kung isa siyang reporter. Ngayon niya naikonekta ang lahat sa mga lalaking ito. Pero isang hindi pagkakaunawaan ang lahat, alam niya. Wala siyang balak na ano man sa mayora na iyon. Kung may itinatago man ang mayora, wala siyang balak na kalkalin iyon. Nasanggi ba niya ito? Naalerto sa pagtatanong niya kanina sa munisipyo?

Kalmado ang mga lalaki. Nagsalita ang pinakamalaki sa mga tatlo. “Sumama ka na.”

“Hindi ako sasama sa inyo. Harassment ito!” Nilakipan ni Dulce ng tapang ang boses kahit parang natunaw ang kanyang kalamnan. Agad siyang humakbang paatras, alerto, mabilis na inilabas ang cell phone, balak kunan ng picture ang mga lalaki. Pero bago pa niya mai-set iyon ay nakapaglabas na ng baril mga lalaki.

Nagsalita ang pinakamalaking lalaki habang nakatutok sa kanya ang baril nito. “Sasama ka, Miss. Alam kong madali kang kausap.”

Nagpalinga-linga si Dulce, umaasang may makakakita sa kanya. Pero maging si Tatang Damian ay wala. Naroon ang tricycle pero wala roon ang matanda. Napilitan siyang sumakay sa nakabukas na van. Tahimik siyang nanalangin. Ayaw niyang sa kamay ng tatlong goons magtapos ang kanyang buhay.