11
“K UNG wala kang makuhang lead, umuwi ka na, Dulce. I’ll find someone else to look for them.”
Isang bahagi ng isip ni Dulce ang sumasang-ayon sa suhestiyon ni Joaquin, pero isang bahagi ang gustong manatili sa Santa Fe, tapusin ang trabaho. “Joaquin, ito lang ang magagawa ko para sa pamilya mo, sa papa mo. Malaki ang utang-na-loob ko sa kanya. I’m this close to finding them. But I really do need a little help. Mas maganda siguro kung makakakuha ka ng image nila. Kahit ni Dominga lang. Tisha can draw well. I can send her over. And maybe she can digitally enhance the image.”
“Maybe that can work.”
“O kaya baka may hindi nasabi sa `yo ang papa mo. Baka may nabanggit si Dominga na pangalan ng kamag-anak niya rito. Kung matagal nang nakatira ang kamag-anak niyang pinuntahan dito, malamang na may record `yon.”
“I will ask him further. Thank you for doing this, Dulce. Thank you very much. You are a gem.”
Napangiti siya. “Anything for you and your family.”
Muling nagpasalamat si Joaquin at nagpaalam na rin. Nagbilin si Dulce kay Tisha tungkol doon, maging sa mga nakabinbin niyang trabaho. Ipinaalala ng babae ang bagong mga disenyong kailangan niyang ipadala para i-forward sa factory nila. Sa ngayon, kailangan muna niyang itigil ang paghahanap kay Dominga dahil sadyang naubos na ang clue niya. Wala nang katandaang nakakaalala kay Dominga dahil lilima na lang ang mga iyon at ang dalawa ay mga ulyanin na.
Kinuha niya ang sketch pad at pumuwesto sa sala. Naroon si Baba, nakaupo sa grandfather’s chair, nakataas ang mga paa sa katerno niyong ottoman, nakalagay ang mga kamay sa likod ng ulo. Nanonood ng telebisyon ang lalaki kahit napakahina ng volume na hindi niya alam kung naririnig pa nito iyon. He looked so cute watching a cooking show. Mukhang tutok na tutok ito roon at panaka-naka ay tumatango.
Napapangiti si Dulce. Nagsimula siyang lagyan ng detalye ang mga sketch niya—mula sa sukat hanggang sa fabric selection, kulay, at finish ng mga iyon. Gayunman, maya’t maya ay napapatingin siya kay Baba na sa huli ay nagbukas siya ng bagong pahina sa sketch pad at nagsimulang iguhit ang lalaki. Mabibilis na sketch ang kanyang ginawa at bago matapos ang pinapanood nito ay nakabuo na siya ng lima.
Nilingon siya ni Baba at agad siyang nagpatay-malisya.
Tumayo ito. “Mamaya may darating na kukuha ng baka. Baka magalit ka na naman kapag hindi mo ako abot-kamay. Ipapastol ko na muna ang mga `yon.”
“Iba naman siyempre kung nandito ka lang sa farm. Pero sasama ako.”
“Akala ko ba may trabaho ka?”
“Naiinip din ako rito.”
Hindi iyon totoo. Kapag hawak ni Dulce ang kanyang sketch pad at ganoong may deadline siya, kaya niyang magtrabaho nang tuloy-tuloy at madalas pa niyang malimutan ang kumain man lang. Pero gusto niyang makita ang kabuuan ng farm. Hindi pa siya naipapasyal doon ni Baba. Basta ang sabi nito, hindi muna ito nagpatanim sa ngayon. Katatapos lang ng anihan. May mga alagang baka ang lalaki. Free range ang mga iyon, hindi kailangang alagaang maigi, bagaman araw-araw ay saglit nitong pinupuntahan.
Niyaya na siya ni Baba. Sa halip na magmotor ay kumuha ito ng kabayo mula sa kuwadra. Dalawa lang ang kabayo roon.
“Hindi ako marunong mangabayo,” sabi ni Dulce.
Nilagyan ni Baba ng siya ang isang kabayo, saka inalalayan si Dulce na sumakay roon. Akala niya ay sasakay rin ang lalaki pero sa halip ay hinila nito ang renda. Lumabas na sila ng kuwadra.
Itinuro niya ang kamalig. “Walang laman `yan ngayon?” tanong niya.
“Mayroon, panggamit lang dito.”
“Kailan ka magpapatanim uli?”
“Kailan ka ba aalis?”
Biglang nag-init ang mukha ni Dulce. Ano ba ang malay niya na siya ang dahilan kung bakit hindi pa nagpapatanim ang lalaki? Tinandaan niya iyon. Isasama niya iyon sa kuwenta ng kanyang bayad dito. Gayunman ay hindi siya pumayag na masisi para doon. “Puwede ka namang magpatanim kahit nandito ako, ah.”
“Saglit lang akong nawala kahapon, galit na galit ka na. Kapag nagpatanim ako, maghapon akong wala. Isa pa, uunahin na muna kita. Mahirap na nahahati ang trabaho.”
“Wala kang regular na tauhan?”
“Wala. Hindi ko kailangan. Maliit lang ang lupang ito.”
Bakit ka nagbalik dito sa Santa Fe? Ano ang natapos mong kurso? Ano ang pangarap mo sa buhay? Hanggang kailan ka magtatagal dito? Iyon nga ba ang plano mo?
Gusto ni Dulce na tuklasin si Baba, pero alam niyang hindi nito gustong magpatuklas.
“Alam mo, puwedeng maging malaking negosyo ito,” sabi niya.
Nagkibit-balikat ang lalaki. Hindi siya makontento sa ganoong sagot nito. Patuloy nitong hinila ang renda ng kabayo, bagaman halatang walang pagmamadali.
“Wala ka bang balak gawin itong malaking farm? Like the farms in Bukidnon or Davao?”
“Hindi ko alam kung ito ang tamang lugar para sa ganyang mga bagay.”
“Ano’ng ibig mong sabihin? Kung ganoon, bakit ka dito bumili ng lupa?”
Nilinga siya ni Baba, nakakunot ang noo. Hinawi nito ang hanggang balikat na buhok. He took her breath away. Biglang kumabog ang kanyang dibdib, parang may mga paruparong nagliparan sa kanyang sikmura.
Sinaway niya ang sarili. Sumosobra na yata siya.
“Sigurado ka bang gumagawa ka ng muwebles at hindi ka reporter?” tanong nito, may ngiti sa mga labi.
Oh, God, his smile was warming up her heart. Ang laki ng naging pagbabago ng mukha ni Baba sa natural na ngiting iyon. Bahagyang naningkit ang mga mata nito, nagkaroon ng ilang guhit sa gilid. He looked… kind. And he probably was.
Right. A kind hired gun. Right.
Binale-wala ni Dulce ang sarkasmo ng isip niya. “Masama bang magtanong? I am and will always be a student of human nature.”
“Ganoon ba? Ano ang tingin mo sa akin, kung ganoon?” Hindi nawawala ang pagkakangiti ni Baba. At patuloy sa pag-iinit ang dibdib ni Dulce. Parang gusto niyang huwag nang matapos ang magandang andar ng usapan nila, sa gayon ay hindi na lubayan ng ngiti ang guwapo nitong mukha.
Parang lalong nagiging guwapo ang lalaki sa pag-usad ng mga sandali. He possessed one of those faces with gorgeous features that refused to stop being gorgeous. If anything, his features only become more pronounced over time, more breathtaking. May mga taong sa unang tingin ay napakaguwapo pero pagtagal ay nakakasawa nang tingnan. Habang si Baba na hindi nagkulang sa biyaya ng kagandahang lalaki ay tila mas masarap pagmasdan, parang isang palaisipan na sa pag-andar ng sandali ay mayroon at mayroong natutuklasang bago.
“Let’s see... Tahimik kang tao, ibig sabihin marami kang sekreto. Madalang kang ngumiti na ang ibig sabihin… corny ka.”
Hindi inaasahan ni Dulce ang biglang paghalakhak ni Baba. Her mind captured the beauty of his laughter. The sound of it would linger in her head and it would be beautiful all the time. Noon lang niya naramdaman ang ganoon katinding kagustuhan na marinig ang boses ng isang tao. Ayaw niyang tumigil sa pagsasalita si Baba, kahit napakatipid niyon. Para iyong paghamon sa kanya, na ang mismong gantipala ay ang boses nito. Was that weird?
“Ano pa?” tanong nito.
“Hmm... ano pa nga ba? Mag-isa ka lang sa bahay na ang ibig sabihin... may posibilidad na malapit ka nang mabaliw.”
Malawak ang pagkakangiti nito. “Puwede.”
“Will you please speak some more? Alam mo ba kung gaano kahirap mag-imbento ng sasabihin sa `yo? Nauubusan na ako ng topic dahil in the first place, hindi ko alam kung anong topic ang type mo.”
“Bakit gusto mo akong kausapin?”
“Dahil ayokong mapanis ang laway ko.”
“Eh, di hahalikan na lang kita.”
Natameme si Dulce, nag-init ang mukha. But she was enjoying this! And she could not allow herself to enjoy this. Siguradong babalikan niya ang panahong iyon kapag wala na siya sa Santa Fe. At kapag nangyari iyon, malaki ang posibilidad na maisip niyang masyado siyang naging malandi. What if she let the floozy in her take over? She would regret it for the rest of her life.
Because her inner floozy was the queen of slutdom—enjoying the sensual kiss of a stranger, asking for more, urging her to touch him in places she would never normally even think about. Noon lang niya naisip ang mga ganoong bahagi—noong kailangan na niyang iguhit nang nude ang modelo sa klase. Ni hindi niya kilala ang bahaging iyon ng kanyang pagkatao bago siya nagpunta sa Santa Fe. At nang lumantad ay tila iwinagayway niyon ang isang pulang bandera at sinabi, “Hello, bago ko malimutan, gusto kong ipaalala sa `yo na malandi ka rin.”
But a part of her was telling her she should give in. Tukso. Marami ang nasisirang tao o relasyon dahil doon. How the hell was she supposed to know it would also come to her and make itself impossible to ignore?
“A-ayoko ng ganyang usapan, Baba.”
“Ano ang gusto mong pag-usapan, kung ganoon?”
“Itong farm mo nga. Sabi mo hindi ito ang tamang lugar para sa isang malaking farm. So ang tanong ko, bakit ka dito bumili ng lupa?”
“May mga bagay akong kailangang gawin sa Santa Fe.”
“Tulad ng?”
“Tulad ng mga bagay na hindi mo na kailangang malaman.” Iniabot nito ang kamay sa kanya, inalalayan siyang makababa mula sa kabayo. Natatanaw na ni Dulce ang mga baka. May dalawampu ang mga iyon, malayang kumakain ang iba sa damuhan, habang ang iba naman ay nakababad sa isang mababaw na sapa sa di-kalayuan. May mababang bakod na sadya siguro para sa mga baka. May pathway sa tabi niyon. Doon dadaan ang truck na kukuha sa mga baka.
Napakasimple ng lugar, na lalo iyong gumanda sa kanyang paningin. Naaalala niya ang mga tag-araw noong bata siya at nasa piling ng kanyang lola sa probinsiya. Sariwa at malamig ang simoy ng hangin kahit mataas ang sikat ng araw.
Ipinastol ni Baba ang mga baka papasok sa mababang bakod. Si Dulce naman ay pumuwesto sa sanga ng isang punong mangga. Hitik sa bunga ang puno. Pumitas siya ng isa at nang makitang nakatingin sa kanya si Baba ay itinaas niya iyon, nakangiti. “Gusto mo, `Ba?”
Sinuklian nito ng ngiti ang kanyang ngiti. Hayun na naman ang mga paruparo sa tiyan niya. Lintik na mga paruparo.
“Sige. Hintayin mo ako.”
“Bilis, bilis!”
Muli, tumawa ang lalaki. Buong-buo na ang araw ni Dulce. She wondered if he found her cute. Ano kaya ang impresyon nito sa kanya? Maybe at first he thought she was nothing but a bitch, how about now?
Nang maitali ang huling baka ay agad na lumapit sa kanya si Baba, malalaki ang hakbang, nakangiti. They could be sweethearts with the way they were acting. And that made her feel… wonderful. Gusto niyang haplusin ang pisngi nito pero pinigilan niya ang sarili. Baka OA na iyon. Baka para lang iyon sa mga magsing-irog.
But dammit, right at that moment, Dulce wanted to be his sweetheart. Para siyang nagbalik sa pagiging teenager na kinikilig sa isang cute na kaklase at gustong maging apple of the eye nito. Pero ibang-iba iyon sa paraang higit na matindi ang atraksiyon. At isa iyong bagay na bawal. To hell with it, they were not kissing this time, or feeling each other up. Kakain lang sila ng mangga. Makakasama lang iyon sa kanya kung iipitin niya ang mangga sa pagitan ng kanyang dibdib para abutin nito! OA na siya masyado.
“Here,” sabi ni Dulce, iniabot kay Baba ang mangga sa pamamagitan ng kanyang kamay .
Kinuha ng lalaki mula sa bulsa ang isang balisong. “Matamis ito. Amuyin mo.” Itinapat nito ang ibabaw ng mangga sa kanyang ilong. Parang matamis naman ang amoy niyon kahit manibalang, pero mas matamis pa rin ang mga labi nito.
Naitanong ni Dulce sa sarili kung nagkaroon na kaya ng seryosong girlfriend si Baba. Iyong tipong tipikal na girlfriend ng isang lalaki na kaunti na lang ay dadalhin na nito sa altar. Anong klaseng boyfriend kaya si Baba? Malambing?
Isa lang ang sigurado niya. Kung si Baba ang kanyang boyfriend, siguro, pakiramdam niya ay palagi siyang ligtas at maaalagaan. Na sakali mang pagod na siya sa maghapong trabaho, may lakas pa rin ito para ihatid siya pauwi, siguruhing nasa maayos siyang kalagayan bago ito magpahinga. Kapag dumating ang oras ng peligro, makakaasa siyang ano’t anuman ang mangyari ay alam nito kung ano ang gagawin at mapapanatag siyang ipagkatiwala rito ang lahat.
Dulce guessed that with him, she could let go of control. Isang bagay iyon na hindi niya inakalang mailalarawang-diwa niyang isusuko sa ibang tao. Control freak na kung control freak pero umandar ang kanyang buhay at nakarating siya sa itaas nang dahil doon. Dahil gusto niyang kontrolado ang lahat at nagagawa niyang maayos ang kanyang mundo dahil doon.
“Nakatitig ka na naman sa akin,” parang aliw na aliw na sambit ni Baba. “Baka mamaya, hindi ko na naman maawat ang sarili ko.”
“Nahihirapan ka bang awatin ang sarili mo?” awtomatikong balik niya na nakapagdulot ng pag-iinit sa kanyang mukha.
“Pagdating sa `yo, oo.”
Pumalatak si Dulce. “Bolero.”
“Hindi mo ba alam kung gaano ka kaganda?”
Hindi. Sabihin mo nga sa akin, gustong sabihin ni Dulce pero napigilan niya ang sarili. Ngayon, alam na niya kung ano ang tingin ni Baba sa kanya. Anumang pigil ay hindi niya maalis ang kanyang ngiti.
Naupo sa tabi niya ang binata, iniabot sa kanya ang mangga na agad niyang kinagat—pa-cute, siyempre.
At naduling siya at nanlaki ang mga butas ng ilong sa tindi ng asim!
Ang lakas ng tawa ng loko!
“I HATE you!” sabi ni Dulce, hinampas nang malakas sa braso si Baba. Nangingilo siya, parang naipon ang lahat ng asim sa ilalim ng kanyang panga. Halatang sinabi lang ng lalaki na matamis ang bunga ng punong mangga kahit alam nitong hindi. Kaya pala kahit maraming bunga ng mangga ay hindi nito kinukuha.
“Hindi bale, maganda ka pa rin naman kahit maasim ang mukha mo,” sabi ng lalaki. Pinisil nito ang kanyang pisngi. Nakangiwi pa rin siya. Tawa pa rin ito nang tawa.
“Nakakaasar ka, alam mo `yon?” Napalabi siya kahit napapangiti. Kinuha niya ang isang pisngi ng manggang manibalang, saka ipinahid sa mukha nito. “Nakakaasar ka talaga. Nakakaasar ka!”
Anong lakas ng tili ni Dulce nang akmang gaganti si Baba. Itinaas din nito malapit sa kanyang mukha ang buto ng mangga. Lumundag siya pababa sa sangang kinauupuan, saka nagtutumakbo palayo. Hindi na niya maalala kung kailan siya huling nagtutumakbo at nagtitiling parang paslit.
“Ayoko na, ayoko na!” tili ni Dulce nang maggirian sila sa pagitan ng mga baka.
Mukhang nairita sa kanya ang baka at umungol. Tinangka siyang abutin ni Baba pero agad siyang nakatalilis papunta sa sapa. Tili pa rin siya nang tili, tawa nang tawa. Napadausdos siya sa lupa at nahulog malapit sa mababang sapa. Patakbong tinawid niya iyon, panay ang lingon kay Baba.
Ngayon ay nasa kabilang panig ng sapa ang lalaki, may dalawang dipa lang ang layo nila sa isa’t isa sa kitid ng daluyan ng tubig. Mababa rin iyon—dalawang dangkal lang siguro ang pinakamalalim na bahagi; mabato rin, pero napakalinis ng umaagos na tubig.
Ngiting-ngiti si Baba, halatang labis na naaaliw sa pangyayari. And then he bit his lower lip, raised both his hands, and roared. Muli na namang napatili si Dulce, saka tumalilis ng takbo.
“Ayoko na, ayoko na, Baba! Pagod na ako! Time out. Time out!” sabi niya, lumikha ng letrang T gamit ang dalawang kamay. Sa puntong iyon ay malayo na sila sa sapa at sa mga baka. Sa bahaging iyon ay matataas ang mga damo at halos mukha lang ni Baba ang kanyang nakikita.
Yumuko si Dulce, sa gayon ay mas mahirapan si Baba na makita siya. Para siyang batang nakikipagpatintero, ganoong-ganoon ang kanyang nararamdaman, parang sa isang bata. Halos nalimot na niya ang lahat ng iyon. Madalas sabihin ng kanyang ama na hindi siya marunong magsaya, na sobra-sobra ang pagtutok niya sa trabaho, sa pag-asenso. Kaya heto siya ngayon, lunod sa kaligayahang halos hindi na niya makilala o maalala.
Marahang humakbang palayo si Dulce, nakikiramdam. Hinawi niya ang mga damo sa unahan para lang mapatili nang maramdaman ang mga bisig ni Baba sa kanyang baywang. Inangat siya nito sa ere at kahit nagpapasag ay hindi siya binitiwan. Hindi na natigil ang halakhakan nila na parang mga baliw. Dalawang tao na malayong ituring na mga bata, hayun at parang mga paslit sa karnabal.
Ipinihit siya ni Baba. Naipatong niya ang mga kamay sa magkabilang balikat ng binata, tumataas-baba ang dibdib. Nakulong siya sa mga bisig nito.
“Ang galing mo talaga manghuli sa ganito, `Ba!” sabi ni Dulce, hinahapo, natatawa, ngiting-ngiti. Ang mga mata ni Baba na nasisinagan ng araw ay nakapagpaalala sa kanya ng tinutunaw na ginto. Sinalat niya ang palibot niyon. “You have the most beautiful eyes I have ever seen,” sambit niya.
“Hingin mo, ibibigay ko sa `yo,” sambit nito, nakangiti.
“Ano?” natatawang tanong niya.
Hinaplos nito ang kanyang pisngi, matagal, hindi na nawawala ang ngiti sa mga labi. “Sa ngayon, kahit ano ang hingin mo sa akin, sa palagay ko ay ibibigay ko.”
Umingos si Dulce bagaman nag-init ang dibdib. “Eh, paano kung hingin ko nga, paano? Ilalagay mo sa garapon?”
He looked up, laughing. He was sunshine. He was breeze. He was… everything wonderful. Parang anumang sandali ay may mga ibong mag-aawitan habang hindi mapakali sa pagkaaliw kay Baba. Little musical notes would appear as they walked hand in hand through the tall grass. She would probably even skip! Butterflies would flutter—big, colorful ones!
Nag-uumapaw ang kaligayahan ni Dulce, para bigla na lang maglaho nang makarinig siya ng putok ng baril. Biglang-bigla, naalalayan siya ni Baba na yumuko. Hinigit siya nito padapa, habang nananatili itong nakatingkayad, alerto, nakikiramdam.
Magkakasunod ang naging paglunok ni Dulce. Wala siyang marinig maliban sa napakalakas na pagtibok ng kanyang puso. Sino ang nagpaputok ng baril? Siya ba ang puntirya niyon? Wala siyang alam sa mga baril pero base sa lakas ng putok, ilang dipa lang siguro ang layo ng nagpaputok sa kanila.
“Dito ka lang,” bulong ni Baba, inilabas mula sa holster sa bandang laylayan ng pantalon ang isang maliit na baril. Kahit paano ay nabigla pa rin si Dulce sa pagdudumilat ng katotohanan tungkol sa lalaking ito. Saan man magpunta, nakatabi rito ang baril. At hindi siguro matalino si Baba kung hindi ganoon ang gagawin nito. Kaya lang, isang malaking paalala iyon sa kanya. Kani-kanina lang, mga paruparo, cute na ibon, at musika ang nasa isip niya. Ang totoo, baril at patalim ang nakapaligid kay Baba.
Nakayukong lumayo ang lalaki, nanatili si Dulce sa kinaroroonan niya. Mayamaya ay nakarinig siya ng putok—dalawa. Wala na siyang narinig matapos niyon. Halos manginig siya sa takot. Hindi siya tinatawag ni Baba, at mayroong pumutok. Isa ang pumasok sa kanyang isip—napuruhan si Baba.
Agad na namasa ang kanyang mga mata; sinakmal ng takot ang puso. Oh, God, please. No. He’s a good man. He can be a good person. Give him a chance, please.
Marahan siyang sumilip at sa di-kalayuan ay nakita si Baba. Nakatagilid ang lalaki sa kanyang direksiyon, tulad ng isang lalaking nasa harap nito. Nakatutok ang baril ni Baba sa lalaki.
Halos hindi humihinga si Dulce sa kinaroroonan niya. Napasinghap siya nang makitang ibinaba ni Baba ang baril. Muntik na niya itong masigawan. Kahit walang dalang baril ang estranghero ay hindi dapat nagbaba ng depensa si Baba.
“No!” sigaw niya nang makitang mabilis na nakabunot ng patalim ang estranghero at nadaplisan sa braso si Baba.
Nagpambuno ang dalawa at hindi na nakita pa ni Dulce nang bumagsak sa lupa. Kahit parang tinatambol ang kanyang dibdib ay agad siyang tumakbo palapit sa dalawa. Bago pa siya tuluyang makalapit ay nakita na niyang tumatakbo ang estranghero palayo. At hindi hinabol ni Baba ang lalaki kaya agad siyang nag-aalala para kay Baba.
“Diyos ko!” bulalas ni Dulce nang makita ang duguang braso ni Baba. Umaagos ang dugo hanggang sa kamay nito. Walang pagdadalawang-isip na tinastas ni Dulce ang laylayan ng kanyang blusa, ipinaikot iyon sa sugat ng lalaki. Hawak nito sa kabilang kamay ang baril na agad isinuksok sa bulsa, saka isa pang baril—baril siguro ng estranghero.
Parang hindi sugatan kung umakto ang lalaki. Parang bale-wala rito ang nangyari. Nang maitali ni Dulce ang tela sa braso ni Baba ay agad itong naglakad. Malalaki pa rin ang paghakbang at malinaw na hindi na niya kailangang alalayan.
“For heaven’s sake! You’re bleeding, Baba! Will you slow down?! Stop walking too fast! Lalong magdurugo ang sugat mo!”
Hindi umimik ang lalaki, patuloy na naglakad at nauna pa sa kanya, deretso ang tingin sa daan na tinahak ng estranghero. Walang magawa si Dulce kundi ang sumunod. Nakita niyang sumakay sa isang motorsiklo ang estranghero at awtomatikong tinandaan niya ang plaka niyon. Malinaw rin sa kanyang isip ang hitsura ng lalaki. Kaya niya iyong iguhit. At iyon mismo ang kanyang gagawin pagkatapos niyang maasikaso si Baba.
“Halika na,” yaya ni Dulce sa lalaki. Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay nito, sa gayon ay hindi na ito makalakad pa palayo, lalo na at mukhang paalis na talaga ang estranghero. “Baba?”
Bahagya siya nitong nilinga, parang napakalalim ng iniisip. Muli, nahiling niyang sana ay kaya niyang basahin ang itinatakbo ng isip nito. Kilala ba nito ang lalaking iyon? Napakabata pa ng estranghero, sa palagay niya ay beinte o beinte-dos anyos lang. Ano ang pakay ng lalaki gayong mukhang si Baba ang puntirya nito? O siya ba ang pakay at nagkataon lang na muli ay sinagip siya ni Baba?
“Please,” sambit niya, labis nang nababahala sa patuloy na pag-agos ng dugo nito.
Tumango si Baba at naglakad na sila pabalik sa bahay. Agad na tinastas ni Dulce ang kamiseta ng binata hanggang sa mahubad iyon. Napapalatak siya nang makita ang may tatlong pulgadang daplis ng patalim sa itaas na bahagi ng braso nito. Hindi malalim ang sugat pero sapat ang laki para umagos ang dugo. It must hurt like hell. Sa ibang tao ay sapat na ang dami ng dugo para himatayin.
“Baka kailangang ipatahi, Baba. Halika—”
“Hindi.” Hinawakan nito ang kanyang kamay. “Ayos lang ako. Sanay ako sa ganito. Kailangan ko lang itong diinan. May antiseptic si Macario sa kuwatro niya.”
Agad na nagpunta si Dulce sa kuwarto ni Marie, hinanap ang mga gamot doon na agad niyang nakita, kasama ng mga benda at iba pang mga pang-first aid. Napapailing siya habang pinapahiran ng Betadine ang sugat, nakatayo sa tapat ni Baba na nakapuwesto sa isang bangko sa kusina.
“Magre-report tayo sa pulis. Nakita ko ang mukha niya, kaya ko siyang tukuyin. And if worse comes to worst, I can sketch that son of a bitch!”
“Hindi,” mariing sabi ng lalaki.
Napatingin siya sa mukha nito, nakakunot ang noo. “Ano?”
“Hindi.”
“Pero—”
“Kailangan muna kitang ilayo rito sa ngayon. Pasensiya ka na kung hindi ko naisip na puwedeng mangyari ang ganito. Hindi ikaw ang pakay niya. Ako.”
Lalong nabigla si Dulce. Si Baba ang pakay ng lalaking iyon? Bakit? Something about the look on his face told her it was best if she didn’t ask. Napabuntong-hininga na lang siya, ipinagpatuloy ang ginagawa. Pero habang iniisip ang sitwasyon ay nangingibabaw sa kanya ang inis. Nang mabuhay ang inis ay nanggigil siya.
Napaungol sa sakit si Baba nang sumobra ang pagkakahigpit ni Dulce sa tali ng benda. Hindi niya iyon pinansin at binuhusan ng alcohol ang buong braso nito at inisis iyon ng basang bimpo. Kung minsan, kapag masyadong “astig” ang isang lalaki, nakakapikon din pala. Kapag sumobra ang pagka-“hardcore.” Hindi nila ire-report sa pulis ang insidente at hahayaan na lang ang pangyayari? Bakit, kapag ba nag-report sila, makakabawas sa pagkalalaki nito? Sa pagka-hardcore?
“Galit ka na naman sa akin,” mahinahong angal ng astig, nakuha pang silayan ng munting ngiti ang mga labi.
“Hindi kita maintindihan! `Wag mo akong daanin sa ngiti.”
Tumawa si Baba, hinigit si Dulce palapit. Napakapit siya sa mga balikat ng binata. Itinaas nito sa mga labi ang kanyang kamay. “Aalis tayo rito nang magkasama. Hindi ka malulungkot. Kaya `wag ka nang mainis sa akin.”
Nag-init ang kanyang mukha pero inirapan ang lalaki. “Nakukuha mo pang ngumiti?”
“Eh, nandito ka, paano ako sisimangot? Hindi araw-araw na may kasingganda mong naglilinis ng sugat ko at sinusungitan ako para sa kapakanan ko. Gusto ko `yon. Masungit pero malambing pa rin.”
Bakit kapag si Baba ang nagpahayag ng papuri sa kanya, pakiramdam ni Dulce ay totoong-totoo sa loob nito? Bakit parang nagbubunyi ang kanyang kalooban at lahat ng kanyang pagod at inis ay natutunaw? Sa huli ay napangiti na rin siya kahit lumabi. “Kailan tayo aalis? Baka bumalik dito `yong taong `yon?”
“Hindi `yon babalik ngayon, iniisip niyang alerto tayo. Bukas ng madaling-araw tayo aalis. Pansamantala, halikan mo muna ako. Nasaktan ako ngayon, tingnan mo naman ang sugat ko. Napakasakit niyan. Napakasakit.” Bahagya pang ngumiwi ang lalaki nang sabihin ang “napakasakit” na parang mapapaniwala siya gayong naglulumandi na ito sa kanya. The man was tough, no doubt about it.
“Hindi ka dapat gumalaw, steady ka lang, kung hindi ay magdurugo lalo. Papalitan ko ang benda mamaya,” pambabale-wala ni Dulce sa sinabi ni Baba. Hiling niyang hindi nito napansin ang pag-iwas niya ng tingin sa mga mata nito.
“Isa lang ang gamot na talagang makakatulong. Halik lang. Napakasakit kasi nitong sugat ko.”
Hindi na niya kailangang pag-isipang maigi ang lahat. Dinampian niya ng halik ang noo nito. “There, there,” sabi niyang tinapik-tapik ito sa pisngi.
Tumawa si Baba, saka siya hinigit patungo sa sala. Ni minsan ay hindi naisip ni Dulce na mag-e-enjoy siya sa ganoong klaseng intimacy. Noon ay naiirita siya sa mga magsing-irog na hindi makabitiw sa isa’t isa. Ngayon, gusto niya ang pakiramdam na ganoon sila ka-close ni Baba. Naupo sila sa sofa, inakbayan siya nito gamit ang hindi injured na braso, hinapit palapit.
Eh, kung sana kaya nag-T-shirt ka muna?!
“Hoy, naka-bold ka, ha?” umingos niyang sabi, dama ang pagkailang. Gusto niyang idikit ang ilong sa balat nito. “Ikukuha kita ng T-shirt.”
“Ibig mong sabihin, ayos lang sa `yong itaas-baba ko itong duguan at napakasakit kong braso? Akala ko dapat steady lang ako?” Nakakunot ang noo nito, nakatitig sa kanya, hindi inaalis ang braso sa kanyang balikat. Amoy-alcohol ang katawan ni Baba pero yummy pa rin.
You’re overwhelming me with your damned masculinity, you son of a gun.
“Ikukuha pa rin kita ng pang-cover up.”
Humalakhak si Baba at sinamantala iyon ni Dulce para ikuha ito ng damit. Nang magbalik sa sala ay iniladlad niya ang kamiseta at ipinatong sa dibdib ng lalaki. Lalo itong humalakhak.
“Immune ka ba sa sakit?” tanong niya.
“Sabi ko sa `yo, sanay ako sa ganito.”
Naupo uli si Dulce sa tabi ni Baba. Muli ay inakbayan siya nito. Nasa dulo na ng kanyang dila ang mga katanungan at hindi na niya naawat ang sarili. “Bakit, `Ba? Puwede mong ikuwento sa akin. Walang kahit na sinong puwedeng masanay sa ganyang sakit. Tumatawa ka, oo, pero nakita ko ang sugat mo. Masakit `yan. Tama ka, napakasakit. Iyon lang mahiwa sa paggagayat, masakit na.”
Nabura ang ngiti ni Baba. Kinabahan si Dulce nang hindi umimik ang lalaki, inalis ang pagkakaakbay sa kanya. Sinira niya ang moment, malinaw iyon. May mga bagay siguro sa buhay ni Baba na hindi nito handang sabihin, lalo sa isang tulad niyang bagong salta sa buhay na iyon at hindi magtatagal.
So why the hell did she want to know anyway?
Mayamaya ay bumaling sa kanya ang lalaki, ngumiti na halatang pilit. “Mahihiga muna ako. Darating mayamaya ang kukuha ng baka. Siguro, pagkatapos n’on mas magandang bumiyahe na rin tayo pa-Maynila.”
Nilunok ni Dulce ang pagtutol dahil mukhang hindi uubra. Mamaya na lang niya kukumbinsihin si Baba na tagalan ang pagpapahinga.
Nagtagpo ang mga mata nila nang tumayo ang lalaki. Parang may gusto itong sabihin pero sa huli ay walang ibang ginawa kundi ang pumihit at iwan siya sa sala. Ang lalim ng buntong-hininga niya. Nababaliw na ang lalaki kung iniisip nitong papayag siyang magmotor sa matagtag na biyahe gayong sariwang-sariwa pa ang sugat nito.
Nagpatuloy si Dulce sa pag-sketch at lumipas ang dalawang oras bago siya nakarinig ng tunog ng paparating na sasakyan. Agad siyang napatayo, saka tinakbo ang kuwarto ni Marie, ang kuwarto na ginamit ni Baba. Kabadong binuksan niya iyon para mapanganga nang makita ang lalaking naka-underwear lang at nakahiga sa kama, natutulog.
Agad na napapihit si Dulce. Hindi na siya maglalakas-loob na gisingin ang lalaki kung hindi lang palapit nang palapit ang tunog ng sasakyan. “Baba!” sigaw niya para magising na ito. “Baba, may sasakyang dumating!”
Umungol si Baba at mabilis na pumihit si Dulce para tumingin. The man was still sleeping. Lumapit siya, kabado. Wala sa karakter nito ang hindi magigising sa kabila ng lakas ng kanyang boses. Nang hawakan niya ang bisig ng lalaki ay natuklasan niyang nilalagnat ito.
“Shit!” sambit niya.
Noon may bumusina mula sa labas, pagkatapos ay isang boses ang tumawag sa pangalan ni Baba. Napilitan si Dulce na sumilip sa bintana ng sala. Isang matandang lalaki ang naroon, may kasamang binatilyo. Truck na kargahan ng mga hayop ang dala ng mga ito. Lumabas siya.
Nag-alis ng sombrero ang matanda. “Magandang hapon, Ma’am. Nandiyan po ba si Baba? Puwede pong pakisabing nandito na si Tatang Amer?”
“Kayo po ba ang kukuha ng mga baka? Puntahan na lang po ninyo. Alam naman po ninyo kung saan, hindi ba?” Nagdesisyon na siya. Hindi niya pakikilusin si Baba. Sa palagay niya ay hindi rin kaya ng lalaki ang asikasuhin ang mga baka sa kondisyon nito. Nagpaalam na si rin si Tatang Amer at sinabing babalik doon kapag naikarga na ng mga ito ang mga baka.
Bumalik si Dulce sa kuwarto pagkatapos kumuha ng palangganang may tubig. Gusto niyang tampalin ang mga mata nang kusa iyong magpunta sa umbok sa pagitan ng mga hita ni Baba. Nilalagnat na ang lalaki, pinangunahan pa siya ng kuryosidad! Napabuga siya ng hangin, kumuha ng bimpo at nagsimulang punasan si Baba. Nang tanggalin niya ang benda ay natuklasan niyang hindi na nagdurugo ang sugat nito.
Muling umungol ang lalaki at nagmulat ng mga mata. “Dulce?”
“Opo. Nilalagnat ka. `Wag kang bumangon.” Inagapan niya ito sa braso nang magtangkang maupo. Naibagsak uli ni Baba ang katawan sa kutson, tutop ang noo. Nagsimula siyang punasan ang mukha nito ng basang bimpo. “Nandiyan na si Tatang Amer, ipinakuha ko na sa kanila n’ong kasama niya ang mga baka. Dadaan daw dito kapag naikarga na. Kung gusto mo, sumabay na lang tayo sa kanila papunta sa ospital—”
“Hindi. Paracetamol lang ang kailangan ko.”
“Ang tigas ng ulo mo. Baka mamaya, maimpeksiyon ka.”
“Kapag nakita niya akong ganito ang lagay at nasa ospital, sasamantalahin niya.”
Saglit na hindi nakapagsalita si Dulce, mayamaya ay nagtanong. “Iyong lalaki kanina?”
Bahagyang tumango si Baba. “Kapag nakainom ako ng gamot, gagaan ang pakiramdam ko. Tutuloy tayo sa Maynila mamaya.”
“You’re crazy! Isa pa, kung igigiit mo `yan, kailangang mag-eroplano tayo. How can you possibly survive the trip by land to Manila? Hay naku, matulog ka na muna. Aabangan ko si Tatang Amer—”
“Hindi mo ba ako sinilipan?” agaw nito, may matipid at nanunudyong ngiti sa mga labi.
Nag-init ang mukha ni Dulce, guilty. Hindi man maituturing na paninilip ang ginawa niya, wala pa rin siyang karapatang tumingin sa ibabang bahagi ng katawan nito. Pero paano ba siyang hindi susulyap kahit saglit lang gayong parang naghahamon iyong tingnan, suriin? At aminado siyang para siyang taong unang pagkakataong nakakita ng banyaga—gustong-gustong tumingin kahit alam na nakakahiya. At natural, banyagang-banyagang talaga sa kanya ang ganoong bagay .
“Tumahimik ka na, `Ba. Masama na ang pakiramdam mo, nanunukso ka pa. Just shut up and lie down. Babalik ako.” Nagmamadali nang tumalikod si Dulce, bitbit ang palanggana. Natagpuan niya ang sariling nakangiti habang nasa kusina. Loko talaga si Baba.
Nakakita siya ng sopas na maaaring lutuin. Nagsimula na siya at bago iyon tuluyang maluto ay narinig niya ang pagtawag ni Tatang Amer mula sa labas. Ibinigay nito sa kanya ang bayad sa mga baka at nagpaalam na rin. Bumalik siya sa kuwarto ni Baba. Tulog na tulog ang lalaki. Sumandok na siya ng sopas na luto na sa puntong iyon, naghanap ng gamot, saka bumalik uli sa kuwarto.
Ginising ni Dulce si Baba na nang magmulat ay namumula ang mga mata. Agad niyang sinalat ang leeg nito. Lalong tumaas ang lagnat nito. “Naku, kumain ka na muna para makainom ka ng gamot. Baba, kapag hindi bumaba ang lagnat mo, dadalhin kita sa ospital.”
Pero hindi alam ni Dulce kung paano gagawin iyon. Marunong siyang magbisikleta pero hindi pa siya nakakasubok magmaneho ng motorsiklo. At ang magmotorsiklo habang may ganito kalaking lalaking nakagulapay sa kanyang likuran ay isang bagay na imposible niyang magawa.
“Hindi,” muli ay sambit ni Baba, maaligasgas ang boses. Sinubuan na niya ang lalaki. Hindi pa man napapangalahati ang laman ng mangkok ay tumanggi na ito bagaman uminom ng gamot, pagkatapos ay muling nahiga. Tinawagan na niya Marie at sinabi ang problema—ang buong problema.
“Naku, Ate, hindi nga siya puwedeng dalhin sa ospital dito, kung ganoon. Sa Sto. Cristo, baka puwede pa. Iyon ang bayan na katabi ng Candelabra. Pero kahit na, delikado pa rin.”
“Bakit ba delikado?”
“Dahil iisa ang may-ari ng mga ospital sa buong lalawigan na ito. Bukod doon, wala akong tiwala sa mga tagarito. Hindi bale, malakas ang katawan niyang si Kuya, kaya niya `yan. Sakali mang emergency talaga, may magagamit kang sasakyan—iyong nasa kamalig.”
“Kamalig?” Hindi niya alam na may sasakyan doon.
“Oo. Merong sasakyan doon. Marunong ka bang mag-drive? Uuwi na rin ako diyan ngayong araw pero madaling-araw pa ako makakaalis dahil itong isa kong bakla, nagtangkang mag-suicide, eh, nandito rin ako sa ospital at walang bantay ito.”
“Diyos ko, ano ba naman ito?” sambit niya.
“`Wag kang masyadong mag-alala kay Kuya. Hindi lagnat ang papatay diyan, kundi pag-ibig. Pag-ibig mo, ateng .”
Kung kaya lang tumagos ng kamay ni Dulce sa cell phone, nasakal na siguro niya ang bakla. Halatang hindi masyadong nababahala si Marie. Sa isang banda ay nauunawaan niya. At may punto ito—hindi simpleng lagnat ang kikitil sa buhay ni Baba. Nagpaalam na rin siya kay Marie at pinagmasdan si Baba.
“Kung pipilitin mong gumaling agad, Baba, hahalikan kita. Promise,” sambit niya. Napangiti siya nang makita ang pagguhit ng ngiti sa mga labi nito.
“Magaling na ako,” paos nitong sambit, may bakas pa rin ng ngiti sa mga labi.
Bigla siyang napahagikgik.