noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 8

Ch. 8 / 25 Feb 05, 2022

8

N ANG marinig ni Dulce ang tunog ng motorsiklo ni Baba ay agad siyang tumayo, sumilip sa bintana ng bahay. Paparating na ang lalaki. Umalis ito para kunin ang mga gamit na naiwan niya sa Paraiso.

Lumabas siya para salubungin si Baba. Pero nabigla siya nang makitang wasak ang kanyang LV at ang tanging laman ng Versace ay ang sketch pad na lang.

“Ano’ng nangyari?” nagtatakang tanong ni Dulce.

Bumaba mula sa sasakyan si Baba. “Hindi nila iniisip na makakabalik ka pa. Sakaling may mag-imbestigang taga-Maynila, makikita ang mga gamit mong wasak at kung may dala kang mahalaga, siguradong wala na sa loob ng mga `yan.”

“They stole my purse! Good thing I still have my wallet but they stole my purse! All my ID’s are in there!”

“Kaya nila alam kung sino ka. Paano nila nalaman `yon, sa palagay mo?”

Nanggigil si Dulce sa inis pero kinalma niya ang sarili. Nasa kanya pa ang wallet. Kahit paano ay hindi niya kailangang tawagan ang mga bangko. Iyon lang, nawawala na rin ang kanyang tablet. Walang legal na dokumento roon o anuman, pero naroon ang latest designs niya—ang sukat ng mga iyon. Kaya niya iyong ulitin, lalo na at naiwan naman ang sketch pad. Naroon pa ang mga disenyong iyon.

“Paano mo nagawang makisama sa kanila?” tanong ni Dulce mayamaya. Muli, nadagdagan ang misteryo sa kanya ng lalaking ito.

Sabihing bago pa lang silang magkakilala at sa sitwasyong hindi maganda ay hindi niya madama kay Baba na katulad ito ng mga halimaw na iyon. Kahit si Candida. Kung ilalagay niya sa grupo ang babae, walang dudang isasama niya ito sa grupo nina Rufo. Pero hindi si Baba.

Tumaas ang sulok ng mga labi ng lalaki. “Anghel ba ako sa paningin mo?”

Bigla siyang napikon. “Bakit ba palagi kang naiinis sa akin?”

“Dahil masyado kang mabilis magtiwala.” Pumasok na ito sa loob ng bahay, bitbit ang laslas niyang bag. Ipinatong nito iyon sa sofa.

“Ang ibig mong sabihin, sa halip na ikatuwa mong may tiwala ako sa `yo, ikinaiinis mo pa? Ikaw lang yata ang taong ganyan. At sino ang nagsabing buo ang tiwala ko sa `yo?”

“Kung hindi buo ang tiwala mo sa akin, ano ang tawag mo sa sarili mo na nandito pa?” Pumihit si Baba, humakbang palapit sa kanya. Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa, saka ngumisi. “Kunsabagay, pabor nga siguro na ganyan ang tingin mo sa akin.”

Napaatras si Dulce. “B-Baba, ano ba? `Wag ka ngang g-ganyan.” Nagkaroon ng nginig ang boses niya at may nabuong kaba sa kanyang dibdib. Kabang hindi nagmumula sa takot.

Patuloy na lumapit ang lalaki hanggang sa wala na siyang maatrasan. Pader na ang nasa likuran niya. Inilapat ni Baba ang magkabilang palad sa pader, nakulong siya sa pagitan ng mga bisig nito. Man, did he smell good. She loved his natural masculine scent. It reminded her of summer because it was clean and fresh yet warm to the nose. And the warmth extended to her senses.

Inilapit ni Baba ang mukha sa kanyang mukha sa gawing nakapagpaalalang muli sa kanya ng isang leon—graceful, sleek, yet ferocious—intense. Lion eyes , her mind whispered seductively.

Napasinghap si Dulce nang kabigin siya ni Baba, saka inilapit ang bibig sa kanyang leeg—hindi para halikan siya doon kundi parang amuyin, o tudyuhin ng mainit na hininga na nagmumula sa mga labi nito. Alam niyang dapat siyang kumawala, itulak ang lalaki, pero hindi niya magawa.

Dulce had always been prim and proper, but being near him, suddenly she had become sort of a daredevil, yearning for something wild to happen. Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso, ginustong dumampi ang mga labi nito sa kanyang leeg at parang mababaliw siya kapag naantala ang lahat ng iyon.

And then his moist lips touched her skin very lightly. Now her heart pounded in her ears, she felt hot.

Sukat pinakawalan siya ni Baba, pumihit, at naglakad patungo sa pinto. “Ayusin mo ang mga gamit mo, Dulce. Magbihis ka. Magsisimula tayong maghanap ngayon. Hihintayin kita sa labas.”

Halos mapanganga siya habang nakatingin sa pintuan. Nakalabas na agad si Baba. Ang una niyang naisaisip nang matauhan ay nabaliw siya pansamantala. Walang lohikal na paliwanag ang inakto. Kung mayroon man, kailangan niyang isisi ang lahat sa lalaki. Clearly, the man was an expert in seducing innocent ladies. Ano ba ang malay niya sa estilo ng mga lalaking tulad ni Baba? Oo at hindi lang miminsang may nagtangkang mag-flirt sa kanya, pero hindi taglay ng mga iyon ang kakaibang kakayahan ni Baba.

Of course, that was it. Some men had all the luck. Nagkataon na si Baba ay kasali sa kategoryang iyon. Isang patunay roon si Ramona na kung tutuusin ay dapat na immune na sa mga lalaki pero halatang bukod-tangi para dito si Baba. Samakatuwid, dapat na maging alerto siya sa bawat oras. She could not possibly let him get near her again. Ever.

Mabilis nang ipinasok ni Dulce sa kuwarto ang kanyang bag at naghanap ng maisusuot. Nag-init ang mga pisngi niya nang matagpuan sa isang bulsa sa labas ng maliit na maleta ang underwear na naaalala niyang iniwan sa banyo. Si Baba ba ang nagpasok niyon doon? Lalong nag-init ang kanyang mukha. It was a white underwear fit for traveling. Hindi iyon sexy pero ang maisip na nakita iyon ni Baba, nahawakan pa nga dahil naipasok nito sa kanyang bag.

“Oh, God…” sambit ni Dulce, pilit na lang kinalimutan iyon. Walang kaso kay Baba, hindi na niya dapat pang banggitin. Nagpalit na siya ng damit—pantalong maong at T-shirt. Dahil masakit pa ang talampakan ay nagmedyas siya, saka nagtsinelas. Wala siyang pakialam kahit magmukhang geisha. Masakit pa talaga ang kanyang talampakan. Lumabas na rin siya pagkatapos.

Nakasakay na sa motorsiklo si Baba. Maaga pa, alas-diyes y medya pa lang. Marami pa silang magagawa sa araw na iyon. Kung susuwertehin ay baka bukas lang, puwede na siyang makaalis.

Lumakad na sila pagkatapos niyang isuot ang helmet na iniabot ni Baba.

“Saan tayo pupunta?” tanong niya nang mapansing nilagpasan nila ang downtown.

“Sa Kapitolyo. May listahan doon ng mga residente ng buong probinsiya. Nasa San Marcelino `yon.”

Lihim na natuwa si Dulce. May point si Baba. Bakit hindi niya naisip agad iyon? Mas maganda pa iyon dahil sakali man na lumipat lang sa ibang bayan ang mag-inang Esperanza, makikita rin niya agad doon.

May dalawang oras na sila sa biyahe pero hindi tumitigil sa patakbo si Baba maliban nang magpakarga ng gas at sabihin sa kanyang magbanyo raw siya kung kailangan. Malambot ang upuan ng motorsiklo kaya kahit paano ay komportable siya. Mayamaya ay narinig ni Dulce ang pagtunog ng cell phone. Hindi iyon kanya. Inihimpil ni Baba ang motorsiklo para sagutin iyon.

“Hello? Ano’ng sabi mo? Sino’ng may kasalanan? Iyong totoo ang gusto kong marinig, Macario.”

Nahihimigan niyang uminit ang ulo ng lalaki. Patuloy siyang nakinig sa sinasabi nito.

“Ilang ulit na kitang pinagsabihan. Sige, papunta na ako.”

Ibinulsa na ni Baba ang cell phone, saka nagsalita. “Hindi kita maidadaan sa Kapitolyo ngayon. May mahalaga akong kailangang gawin sa Candelabra.”

“Ano’ng nangyari?”

Bumuga ito ng hangin. “May pinasok na gulo iyong kasama ko sa bahay, si Macario. Pasensiya ka na, kailangan kong unahin `yon.”

“Is everything okay?”

“Kung mapipigilan ko ang sarili kong sakalin siya, magiging maayos ang lahat,” sagot nito, pinasibad na ang motorsiklo. Higit na naging mabilis ang pagpapatakbo ni Baba, pero maingat pa rin. Napansin niyang hindi na sila dumaan sa national road, kundi pumasok sa kung saang kalsadang higit na maliit, mas malalaki ang lubak, at walang bakas na minsan iyong nasementuhan. At least ang national road ay patse-patse ang semento, tanda na noong unang panahon ay maayos iyong nadaraanan. Mukhang emergency talaga ang nangyari dahil sa pagmamadali ni Baba.

Sumatotal ay inabot sila ng anim na oras sa biyahe, kasama na ang saglit nilang stopover para kumain. Nabigla si Dulce nang makita ang arko na nagsasabing nasa Candelabra na sila. Tumuloy si Baba sa isang gusali na may karatulang headquarters iyon ng kapulisan.

“May aasikasuhin ako dito,” sabi nito.

Tumango si Dulce, inalis ang helmet. “Sasama na ako.”

Saglit lang na nag-alangan ang lalaki, sa huli ay tumango na rin. Pumasok na sila sa loob.

Lumapit si Baba sa tanggapan ng pulis. Kilala ito ng pulis sa help desk. “`Ba, long time.”

Tumango si Baba. “Nandiyan daw si Macario, Boni?”

Nabasa ni Dulce ang nameplate ng pulis: “Bonifacio.” Mukhang hindi kailangang gumamit ng “Sir” ni Baba sa pulis.

Mukhang nailang si Bonifacio, nang magsalita ay parang nagbibigay ng excuse. “Naabutan kong nandiyan na, eh. Ayaw pumayag ni Cruz na pawalan, tinawagan ko na. Tao niya `yong nakaaway, eh.”

Walang reaksiyon si Baba. She realized the man looked even more dangerous when he was poker faced.

“Nasaan si Cruz?”

Hinawi ni Bonifacio ang buhok, saka itinuro ang isang pinto. “Nandiyan sa loob.”

Tumango si Baba, binalingan si Dulce. “Saglit lang ako.” Tumuloy na ito sa loob ng pinto.

Inasikaso si Dulce ni Boni, pinaupo at inalok ng maiinom na kanyang tinanggihan. Gusto sana niyang magtanong pero may hinala siyang baka hindi iyon makabuti sa sitwasyon. Wala siyang pakialam sa nangyayari kahit na nag-uumapaw ang kanyang kuryosidad.

Mayamaya lang ay lumabas na si Baba at hinarap si Bonifacio. “Pakilabas na siya, pare.”

Tumango ang pulis, pumasok sa isang pintuan sa bandang likuran ng mesa nito. Sumunod si Dulce. May isang pasilyo na puno ng mga tao at sa dulo ay naroon ang kulungan. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakarating siya sa isang kulungan at hindi niya agad nagawang lumapit.

“Kuya!” sigaw ng isang binabae mula sa pagitan ng mga rehas, nakatingin kay Baba. “Wala talaga akong kasalanan, Kuya!”

Nabigla si Dulce. Ito si Macario? Ang kasama ni Baba sa bahay? Kaano-ano nito si Baba? Mukha namang hindi magkapatid, hindi magkamukha ang dalawa. Kung si Baba ay matangkad na lalaki na matikas ang pangangatawan, si Macario ay payat at hindi katangkaran. O baka nahihirapan lang siyang makita kung ano ang totoong hitsura ng binabae dahil sa lipstick, maging sa foundation na nakakulapol sa mukha. In all fairness, kaunti na lang ay mukha nang babae si Macario, maliban sa maiksi pero stylish nitong buhok—sunod sa uso at tabas panlalaki.

Tiningnan ni Dulce si Baba. Wala pa ring bakas ng reaksiyon ang mukha nito. Inilabas na ng pulis ang binabae. Tumango si Baba sa pulis, tinapik nang bahagya ang balikat nito, saka nauna na sa paglabas ng headquarters. Nakasunod lang siya, gayundin ang binabae na mukhang nag-aalala.

“Kuya, galit ka ba?” tanong ng bading.

“Nasaan ang motor mo?” tanong ni Baba, hindi sinagot ang tanong.

Lumabi ang binabae, itinuro ang isang motorsiklo. “`Ayun. Ipinadala ko rito kay Sammy. Kuya, `wag ka nang magalit sa akin, please. Wala naman akong kasalanan sa nangyari, eh. Ako ang inaway.”

Hindi umimik si Baba, sa halip ay sumakay na sa motorsiklo at lumingon kay Dulce. Sumakay na rin siya sa motorsiklo.

Nagkomento si Macario. “Ay, friend mo pala siya, Kuya. Akala ko nababaliw lang,” sabi ng binabae, halatang nagbibiro para mapagaan ang sitwasyon. “`Di mo man lang ba ako ipapakilala?” Lumapit ito sa kanya at bineso-beso siya. Dulce liked this person. She truly did. Magaan ang loob niya rito na kakatwa, lalo na at una niya itong nakitang nasa likod ng mga rehas. “Ako si Marie. Ikaw, Ate Ganda?”

“Dulce,” sabi niya, inabot ang kamay nito.

Ngumiti ang binabae. “Si Kuya `Ba, nakasimangot samantalang ang ganda-ganda ni Ate Dulce at nakasakay sa likuran mo. Sige ka, mahahalata niyang masungit ka.”

Masamang tingin ang ipinukol ni Baba kay “Marie” na binale-wala lang iyon at humagikgik. Pakendeng na naglakad ang binabae patungo sa sariling motorsiklo at bago sumakay ay kumekendeng pa ring itinaas sa ere ang magkabilang kamay, saka sinabi, “Mula sa mundo ng mga presong mababaho ang kilikili, contestant number one, Marie Gandara!”

Mukhang tuluyan nang napikon si Baba na agad pinatakbo ang motorsiklo nito.

Humabol ng sigaw si Marie, “Kuya, exag ka naman! Nagbibiro lang ako! Wait lang! Wait lang!”

Pero parang hindi narinig ni Baba ang binabae na mabilis pa rin ang patakbo. Bahagyang lumingon si Dulce at nakitang agad namang nakasunod si Marie, na halatang sanay ring magmotorsiklo. Nagpunta sila sa isang kainan sa bayan. Iyon na siguro ang pinakamagandang restaurant sa gawing iyon. Kubo-style, may malaking ihawan. Hapunan na at marami-rami ang mga parokyano.

Pumuwesto sina Dulce at Marie sa isang mesa, nanatiling nakatayo si Baba. Tinanong siya ng lalaki, “Ano ang gusto mong kainin?”

Sumagot siya, “Kahit ano. Ikaw na ang bahala.”

Tumango lang si Baba at nagpunta na sa counter. Naiwan sila ni Marie sa mesa. Inilabas agad nito ang isang purse mula sa malaking carry-all bag at nag-retouch.

“Nakakaloka talaga itong si Kuya kapag galit. Ang bilis magpatakbo, `teh .”

Hindi naawat ni Dulce ang sariling magtanong. “Ano ba ang nangyari at nakulong ka, kung hindi mo mamasamain, Marie?”

“Hay naku, `teh , mahabang kuwento at mamaya ko na ipapaliwanag kapag nandito na si Kuya `Ba para one click na lang. Ang masasabi ko lang sa ngayon, iba na talaga ang maganda, napapamahak kung minsan dahil sa kagandahang taglay. Eh, ikaw?” Lumabi ito. “Ang ganda-ganda mo. Ikaw ba ang bagong girlfriend ni Kuya `Ba? Panahon na para mag-girlfriend siya at nang mabawasan ang kasungitan sa buhay.”

Nag-init ang kanyang mukha sa papuri, gayundin sa assumption nito. “Hindi niya ako girlfriend. Noong isang araw lang kami nagkakilala—”

“Puwede naman `yong agad-agad, ateng . I understand. Alam kong mabilis ang Kuya Baba ko. At bakit nga naman hindi kung ganyan kamacho, `di ba?”

“Hindi talaga, Marie. Ikaw naman.” Kung bakit ilang na ilang si Dulce. Bakit parang nakakayang basahin ni Marie ang naisaisip niya tungkol kay Baba kanina? Kung paanong na-seduce siya ng lalaki? And God, now that she had just said it—that she met the man only two days ago—it seemed crazy.

“Eh, bakit ka nagba-blush, ateng ?” Ngumiti si Marie. “Sa amin ka na ba umuuwi?”

Bakit ganoon? Bakit kapag si Marie ang nagsasabi ng mga iyon ay parang iba ang dating kaysa sa totoong sitwasyon? Dahil ngayon na sinasabi nito ang mga ganoong bagay ay naiisip niyang oo nga naman, nakatira siya sa bahay ni Baba at dalaga siya, binata si Baba. Hindi iyon tama. Pero ano nga ba ang tama sa sitwasyong iyon? Ang magpunta siya sa bayan at maghintay na lang doon kung kailan siya muling kikidnapin ng mga halang ang kaluluwa? No. Basta wala siyang ginagawang masama, wala siyang kailangang ikahiya. Isa pa, wala siyang kakilala sa lugar na iyon. “What happens in Santa Fe stays in Santa Fe” ang kanyang drama.

“Oo, doon ako sa bahay ninyo pero hindi katulad ng iniisip mo, Marie. Hindi kami magkasama ng… Teka, ano mo nga ba si Baba?”

Ngumiti ang binabae, ngiting may halong pagkaaliw. “Magkapatid kami sa tadhana, ateng .”

“Ano’ng ibig sabihin n’on?”

“Hindi kami magkapatid sa dugo pero parang ganoon na rin kami. Siya ang kuya ko, ako ang baby sister niya.” Sukat biglang humalakhak si Marie at natawa na rin tuloy si Dulce.

Noon nagbalik si Baba. Hinarap nito si Marie. “`Wag ka na munang babalik dito. Magpalamig ka kahit ilang araw lang.”

“Pero, Kuya, paano ang parlor ko?”

“Akala ko ba may mga tauhan kang mapagkakatiwalaan?”

“Oo nga pero hindi Marie de Beau ang pangalan ng parlor ko sa wala. Ako ang star ng parlor, Kuya. Ako ang dinadayo ng mga customer. Alam mo namang walang matinong parlor dito sa probinsiya kundi ang akin lang.”

“Kung sinunod mo ang payo ko noon—”

“Malamang na naghihirap pa rin ako sa kakarampot na suweldo. Isa pa, alam mo naman na ayokong maiiwan ka rito. Ayokong wala akong ideya kung ano’ng nangyayari sa `yo.”

Namayani ang katahimikan. Natensiyon si Dulce kaya tinawag niya ang isang tauhan ng restaurant, nagpadala ng maiinom. Nagpaalam naman si Marie na pupunta sa banyo. Naiwan sila ni Baba. Mukhang walang balak magsalita ang lalaki kaya nanahimik na rin si Dulce, lihim na napabuntong-hininga.