15
“N ANINIKIP na naman ang dibdib ni Papa,” sabi ni Joaquin sa inang si Alba.
Bumuntong-hininga ang babae, halata ang pagkabagabag sa mukha. “Ang sabi ng mga doktor, maayos naman daw ang kalagayan niya. Sinabi ko na sa kanyang `wag siyang umalis noong huli pero sumige pa rin!”
“Marami siyang iniisip, `Ma.” Saglit na nag-alangan si Joaquin kung ipagpapatuloy ang iba pang sasabihin pero sa huli, naisip niyang tanggap na ng kanyang ina ang sitwasyon. Matagal na panahon na siguro. “Siguro iniisip niya kami, Mama, kaming mga anak niya at iyong mga... nakasama niya sa buhay. Alam mong umalis siya dahil gusto niyang personal na bisitahin si Tita Paula,” tukoy niya sa isa sa mga ina ng kanyang mga kapatid sa ama. May malubhang karamdaman si Tita Paula at nasa probinsiya ang babae; dinalaw roon ng kanyang ama.
Muli ay tumango ang kanyang ina. “Dinig ko, malubha raw si Paula. Alam mo naman ang ama mo, ayaw magkuwento sa akin kung tungkol sa mga babae niya. Ano ba talaga ang lagay ni Paula?”
“She’s dying, Mama.”
Natutop nito ang bibig. Hindi siguro iyon ang aasahang maging reaksiyon ng isang babae patungkol sa “karibal” nito. Pero sanay na siguro ang kanyang ina sa lahat, bagaman nakikita niya rito na minsan ay hindi pa nito tanggap iyon nang buong-buo. “Diyos ko. Eh, paano na ang anak niya? Kunsabagay, may dibidente naman ang lahat ng anak ng ama mo. Ang mga kuya at ate mo ay walang reklamo sa sistemang iyon.”
Kung minsan ay hindi alam ni Joaquin kung ano ang iisipin dahil may pagkakataong parang nakakaangat sa lahat ng mga anak ng kanyang ama ang turing ng kanyang ina sa kanya, maging sa lahat ng mga anak na nauna sa kanya. Para ba silang mga espesyal na grupo. At sa isang banda ay totoo siguro iyon. Bago ang kanyang ina ay wala ni isang babaeng sinamahan ang kanyang ama nang matagal, bagaman hindi siya ang naging panganay nitong anak.
Ang kompanyang hawak ngayon ni Joaquin bilang presidente ay mina-manage niya kasama ang kanyang nakatatandang mga kapatid. Ang ilang mga kapatid niyang mas bata sa kanya ay doon din namamasukan, pero marami ang piniling magkaroon ng ibang karera, bagaman kabilang ang mga ito sa nabibigyan ng dibidente ng kompanya. Tumatakbo ang kompanya para sa malaki nilang pamilya—lahat ay pantay-pantay pagdating sa dibidente.
He admired his mother. Hindi biro ang tanggapin ang lahat ng anak ng kanyang ama, lalo na iyong mga naging anak matapos siyang isilang. Muli, naitanong ni Joaquin sa sarili kung dapat bang malaman ng ina ang tungkol sa isa pang anak ng kanyang ama. Isang anak at isang babaeng naging bahagi ng buhay ng kanyang ama bago pa nito nakilala ang kanyang ina. Habilin ng kanyang ama na huwag na raw sanang makarating sa kanyang ina ang lahat ng iyon hangga’t hindi nakikita ang mag-ina nito.
“Papa is looking for his lost son. And the mother of that son,” sabi ni Joaquin, nakiramdam, hindi nilubayan ng tingin ang mukha ng ina.
Halatang nabigla ito. “At sino ang anak na `yan? Hindi pa kasama sa listahan?” May bakas ng sarkasmo ang boses nito at hindi siguro iyon maiaalis dito.
Taon-taon sa nakaraang dekada ay may pagtitipon tuwing birthday ng kanyang ama. At tuwing pagtitipon ay inililista ng mga bisita ang pangalan ng mga ito—ang mga anak na tulad niya ay inililista rin doon kung sino ang kanilang ina. It was necessary. Hindi man iyon tradisyunal ay kailangang-kailangan. His father insisted on sending birthday and Christmas gifts to every bastard, every bastard’s son or daughter, and every bastard’s mother. Mahal ng kanyang ama ang lahat ng mga anak at apo nito, sabihin pang napakarami nila. And in his little way, he was grateful to all the women who carried his children.
“No, Mama. He’s older than me.”
Namutla ang kanyang ina. Labis siyang nagtaka. “Ano r-raw ang pangalan ng mag-ina?”
“Dominga at Dante Esperanza.”
Hindi ito nakapagsalita, yumuko. Naghintay lang siya. Makalipas ang ilang sandali ay itinaas nito ang mukha. “At sila ang dahilan kung bakit hindi makatulog at makakain ang ama mo? Sa dinami-rami ng anak niya at kabit, ito ang pinakaespesyal? Bakit?”
Bumuga ng hangin si Joaquin. “I don’t know. Maybe he just wants to know where they are.”
“Sinabi ko na noon pa sa kanya, hindi ako mag-aalaga ng bastardo niya. Noon pa. Simula pa lang, nilinaw ko na iyon. Wala na akong magagawa kung may anak siya sa iba pero ang alagaan ang anak niya sa iba? Hindi ko magagawa. Hindi ko makukupkop ang kahit isa sa mga `yon dahil sobra na. Hindi ko na kaya kapag dumating pa sa ganoong sitwasyon, Joaquin. Of course you understand me, don’t you?”
“Of course. But what does that have to do with anything?”
Nanlalaki na sa puntong iyon ang mga mata ng kanyang ina, namasa. “C-come.” Pumihit ang babae at tumuloy sa home office nito, pagkatapos ay kinuha ang isang lumang miscellaneous box sa loob ng nakakandado nitong antigong armoire. Isang sobre ang kinuha nito mula roon at iniabot sa kanya.
Nakasulat sa likod ng sobre ang pangalan ng kanyang ama, ang sender ay si Dominga Esperanza.
Napatingin si Joaquin sa ina. Wala sa karakter nito ang magtatago ng sulat, lalo na ang babasahin ang sulat na hindi para dito. Bukas ang naninilaw na sobre, halatang nabasa na ang nilalaman ng sulat.
“Read it. Please,” udyok nito.
Napilitan siyang tumango dahil parang papaiyak na ang babae.
Dante,
Alam kong hindi nagtapos sa maganda ang huli nating pag-uusap. Hindi naging madali para sa aking tanggapin na nagsinungaling ka nang hindi mo ipaalam na marami ka na palang anak at may babae ka nang kinakasama. Nasaktan ako. Hindi ito ang buhay na pinangarap ko para sa ating dalawa.
Wala na akong balak na magpakita pa sa iyo, kung hindi lang sa talagang hirap na hirap na ako. Gusto ko sanang iwan sa iyo si Dante, kahit na isang taon lang. Mayroon akong mapapasukang trabaho sa Saudi. Wala akong ibang mapag-iiwanan sa bata at delikado ang sitwasyon dito sa Santa Fe. Palaging may nagsasagupaang mga rebelde.
Heto ang larawan ni Dante, ang anak mo. Ito lang ang tanging larawan niya.
Umaasa,
Dominga
“Oh, Mama…” sambit ni Joaquin, halos hindi makapaniwala sa nagawa ng ina.
Umiiyak na ang babae sa puntong iyon. “Hindi ko alam! Noong panahong `yon, ipinagbubuntis pa lang kita, Joaquin, at bago sa akin ang sitwasyong pinasok ko. Hindi ko pa tanggap. At ang maisip na aalagaan ko ang batang `yon? Hindi ko kaya!”
Niyakap niya nang mahigpit ang ina. “I will tell Papa. He will understand. Dulce will find them.”
“Dulce?”
“Siya ang napagkatiwalaan ko, Mama.” Ikinuwento niya ang unang mga pagtatangka ng kanyang ama na ipahanap ang mag-ina na nauwi sa hindi maganda.
“Well, at least with Dulce you’re sure that the job will be done. I trust that girl.”
“I do too, `Ma.”
“She likes you.”
Nabigla si Joaquin sa kaalamang iyon. “You think so?”
“Are you blind, Joaquin? Mula pagkabata ay napansin ko na `yon. Why don’t you ask her out?”
Ask Dulce out? Well, why not? Sa pag-uusap nilang mag-ama ay ilang ulit nitong naitanong sa kanya kung kailan niya ito bibigyan ng apo. Dulce as his wife? Why not indeed?
BAHAGYANG nagulat si Dulce nang marinig ang tunog ng doorbell. Napatingin siya kay Baba na nang mga sandaling iyon ay nagluluto ng hapunan. Tumayo siya at nagpunta sa pinto. Habang naglalakad ay nagsisimula siyang kabahan.
Isang malaking rebelasyon iyon sa kanya. Bakit siya kakabahan?
Ah, oo nga pala. May isang lalaking hindi pa kilala ng kanyang pamilya sa bahay niya. Sa katunayan, isang linggo nang naroon ang lalaki. At isang linggo na rin siyang hindi umaalis ng bahay kahit nakailang tawag at tanong na sa kanya si Tisha. Ipinaubaya niya pansamantala sa kaibigan at sekretarya ang trabahong alam niyang kaya niyang gawin.
Sumilip si Dulce sa peephole ng gate. Si Tisha ang naroon. Kung bakit parang ayaw niyang buksan ang pinto. Bakit kailangan pa nitong magpunta sa bahay niya? Maaari naman itong tumawag na lang. Pero naisip din ni Dulce na baka emergency iyon. Kanina pa naka-silent mode ang kanyang cell phone. Nalilimutan niya ang mga ganoong bagay dahil ano nga ba ang mangingibabaw sa kanyang isip ganoong nasa bahay niya si Baba? She wanted to spend every waking moment with him.
Bumuntong-hininga si Dulce, saka binuksan ang pedestrian door. Nakataas ang mga kilay ni Tisha, nakapamaywang. Pumasok na ang babae pero iniharang ni Dulce ang katawan sa pintuan ng bahay. Hindi pa siya handa, naunawaan niya. Ayaw pa niyang ipakilala si Baba, ayaw pang ibahagi ang lalaki sa iba. Kailanman ay hindi niya naisip na magiging ganoon siya kamasekreto pero gusto niyang ilihim ang ilang bagay sa kanyang buhay. It was less complicated that way.
“What is going on?” tanong ni Tisha. “At least painumin mo ako ng tubig at uhaw na uhaw na ako. I spent two hours in EDSA, for crying out loud!”
“Tisha, I’m actually very busy.”
“Doing what exactly? Papasok ako sa bahay mo, sorry, Dulce. I have to know what you’ve been up to. I’m worried sick! Hindi ka ganyan. Kulang na lang ilipat mo ang opisina dito sa bahay mo para makapag-overtime ka hanggang madaling-araw. Ikaw ang tipong walang weekend dahil pulos trabaho ang iniisip. At bigla, hindi ka mahagilap. You don’t answer your phone, your e-mails, and now you’re refusing to let me in! Are you making bombs now, huh?”
“Calm down, okay?” Natutop niya ang noo. “Hindi ko ba puwedeng hilingin ang privacy ko? Pupunta ako sa opisina bukas. Promise.”
“Well, at least turn on your damn phone, Dulce! Kaya ako nagpunta rito dahil kanina pa ako tumatawag sa phone mo. Guess what? Naputulan ka na ng linya dito sa bahay mo. Are you even aware of that? Did you pay your bills?”
Napangiwi si Dulce. Nalimutan niya iyon. “I will pay tomorrow.”
“Kaya ako nandito, kukunin ko ang bill mo para ako na ang mag-asikaso. At ang cell phone mo, hindi mo sinasagot. Kanina pa ako tawag nang tawag! Nagtataka ka pa kung bakit nag-aalala ako sa `yo?”
“I’m so sorry, Tish.” Nakonsiyensiya siya. Nauunawaan niya ngayon kung bakit sumugod ang kaibigan sa kanyang bahay. “Naka-silent ang phone ko, nalimutan ko na—”
“What the hell is that?” agaw nito, nakaturo sa kanyang leeg.
Agad niya iyong nahawakan. Ano ba iyon? Hindi niya alam. “What?”
“Is that a… Oh, God, it is, isn’t it?! It’s a hickey!”
Parang sinilaban ang buong mukha ni Dulce. Hindi niya alam! Hindi pa siya tumitingin sa salamin. “Ano k-ka ba, Tish? Kagat `yan ng lamok.”
“Gaano kalaking lamok? Ganito?” Nagmuwestra ang babae, parang may hawak na kahon ng sapatos. “Who the hell are you sleeping with?” Bigla itong ngumisi na nauwi sa pagtawa. “My God! You’re right! Hindi ako dapat nagpunta dito dahil nakakaistorbo ako. Why didn’t you just tell me over the phone? I would have understood. Obviously it’s not Joaquin since he called me earlier because he can’t contact you. So who is it? Oh, I know, I know! It’s that French guy you had a meeting with before you left for Santa Fe! Oh, he’s so cute, I have to say. And it looks like you’re having so much fun.” Tumaas-baba ang mga kilay nito.
Walang balak si Dulce na kontrahin ang kaibigan nang hindi na ito magtagal. “Kailangan mo ba talagang uminom?” tanong niya.
“No. No need. I’m going now. But I need all the juicy details, all right? And call Joaquin!” Humakbang na si Tisha nang bumukas ang pinto at sumilip si Baba.
“Kakain na,” nakangiting sabi ng lalaki.
Napahinto si Tisha sa paglalakad at parang hindi napigilan ang panlalaki ng mga mata sa puntong gusto niya itong sikuhin. Natural na nakita na nito si Baba, kahit pa nga sa picture lang. Naipadala na niya iyon sa kaibigan noong unang dumating siya sa Santa Fe. At naaalala niyang kalakip ng picture ng lalaki ay isang paalala kay Tisha na sakaling may masamang mangyari sa kanya, ang picture na iyon ang hanapin.
Hindi na nakapagtatakang nanlalaki ngayon ang mga mata ng babae.
“Uhm, Baba, this is my friend and secretary, Tisha. Tisha, this is Baba.”
“Your…?” sabi ni Tisha at parang gusto ni Dulce na sawayin ang babae. Why did she have to ask that?
“My very special friend,” sagot niya.
Tumango si Tisha, nakatingin pa rin kay Baba. “I see.”
Gusto ni Dulce na umalis na ang babae kaya sinabi niya, “It’s late and—”
Pero sumingit si Baba. “Bakit hindi siya dito maghapunan? Maraming pagkain.”
Pasimpleng pinandilatan ni Dulce ang kaibigan pero hindi siya nito pinansin. “Eksakto, nagugutom na rin talaga ako. Ano ba ang ulam?”
Tipid na ngumiti si Baba. Hindi rin siguro komportable ang binata sa pagmamasid dito ni Tisha. “Kare-kare at daing na bangus. Sana kumakain ka ng mga iyon.”
“My favorite,” sabi ng babae at nauna na papasok sa pintuan.
Lihim na napabuntong-hininga si Dulce at napilitang ngumiti nang mapansing nakatingin sa kanya si Baba. Nagkibit-balikat siya. “Medyo madaldal siya.”
“May dapat ba akong ipag-alala?”
“Ipag-alala? No. B-bakit naman?” Bakit guilty ang kanyang pakiramdam? Bakit parang may nagawa siyang kasalanan sa lalaki?
“Mukhang nag-aalala ka.”
“Ako? No. Don’t be silly.” Nauna na rin siya papasok sa bahay, kabado, tensiyonado.
Nakapuwesto na si Tisha sa hapag. Nagsimula na silang kumain.
Mukhang maraming nakahandang tanong para kay Baba si Tisha at inisa-isa na nito iyon: kung tagasaan ang lalaki, kung ano ang trabaho, kung saan nagmula ang pamilya. Sumagot si Baba sa maayos na paraan. Ang huli ay sinagot nito ng, “Wala na akong pamilya, maliban kay Macario na inalagaan ko mula pagkabata.”
“Inalagaan mo mula pagkabata? How come?”
She hated her friend at that moment. Alam ni Dulce na natural ang kuryosidad ni Tisha kay Baba, at sa isang banda ay may responsilidad ang kaibigan na alamin ang mga ganoong bagay dahil sa pag-aalala sa kanya. Pero sumobra na ito. Nararamdaman niya iyon at nakikita sa pagpapalit ng ekspresyon ni Baba. Bumalik ang ekspresyon nito kung saan walang kahit sino ang maaaring makapag-analisa.
Nagpasya si Dulce na sawayin na ang kaibigan. “Tisha, that’s very private—”
Pero kasabay niyang nagsalita si Baba na sinagot ang tanong. “Lumaki kami sa bundok, mga miyembro ng rebeldeng grupong lumalaban sa sundalo ng gobyerno.”
She wished to heavens he did not just say that. Oh, God, he didn’t just say that!
Kaswal na sumubo si Baba, habang si Tisha ay nabitiwan ang hawak na mga kubyertos. Natameme nang ilang sandali ang babae hanggang sa sabihin nito, “Well, I’m glad you entered the government’s amnesty program.”
Sumagot si Baba. “Hindi. Pero walang problema dahil wala akong record.”
Sa puntong iyon, kahit walang reaksiyon ang mukha ni Baba, sigurado si Dulce na pinapainan nito ang kanyang kaibigan. Siguradong nainsulto ang lalaki sa gawi ng pagtatanong ni Tisha. Sa isang banda ay hindi niya masisisi si Baba. Tisha was really being very intrusive.
Patuloy ang tanong ni Tisha. “Walang record?”
Tumango si Baba. “Walang record. Sa katunayan, kahit mismong ako ay walang record sa NSO. Walang mga papeles na hindi peke.”
“I see.” Parang nahihirinan ang ekspresyon ni Tisha. “You must be the perfect rebel. A real rebel. Literally a rebel. A communist?”
Umalsa na ang boses ni Dulce. “Leticia! I think you better leave. Pagod ka na, pagod din kami. It was nice having you though. We’ll talk some other time.”
Tumayo na si Tisha at inihatid ni Dulce ang kaibigan hanggang sa pintuan. Lumabas sila at isinara ang pinto.
“What is the matter with you?”
“With me?” Nanlalaki ang mga mata ni Tisha. “Dulce, noong huli kang magpadala ng picture niya sa akin, sinasabi mong kapag may nangyaring masama sa `yo, siya ang hanapin ko! Are you out of your mind? He’s a rebel! Ilang tao na ba ang napatay niyan?! A rebel with no past and no future! And you’re sleeping with him?! Dulce, wake up!”
“Shut up! Just shut up!”
Natigilan ang kaibigan at natigilan din siya. Bigla siyang napaluha dahil pakiramdam niya ay sumalpok sa kanya ang katotohanan na parang isang truck. Ang kasiyahang naramdaman niya sa nakalipas na ilang araw ay parang lobong tinusok ng aspile. And she hated Tisha for that. Why did she have to be so cruel? Bakit kailangan nitong maging prangka at totoo? Masaya siya. Hindi ba nito nauunawaan iyon?
“I’m so sorry,” sabi ng babae na niyakap siya. “Dulce, I’m so sorry. But you’re my friend. Ikaw ang best friend ko. Hindi ako papayag na mapahamak ka.”
“Alam ko kung ano ang ginagawa ko.”
“Fine.” Pinakawalan siya nito. “Fine. If you say so, okay. This is a phase. You’ll get over it. Remember when I slept with that guy I met in my dentist’s clinic? I went crazy over him. It was perfect… until I had to face the fact that he’s married.”
Bigla siyang napasinghap. Noon lang iyon sinabi sa kanya ng kaibigan. “No, you didn’t!”
“Oh, yes I did. I’m not proud of it. So you see, I understand you. At kung maaari lang, gisingin na kita ngayon din pero imposible `yon. You’re still happy. When that subsides—and let me tell that it will—you will understand. Oh, Dulce…” Tinapik nito ang kanyang pisngi at tumalikod na.
She suddenly felt like a lost puppy. Tama ba ang kaibigan? Na magigising din siya sa lahat ng iyon? Bakit parang napakasama naman ng kanyang nagawa? Baba was a good man. Hindi siguro sa tradisyunal na paraan, pero mabuting tao ang lalaki. Mabait ito, maalaga, malambing.
Ah, hindi na alam ni Dulce. Hiling lang niya ay yakapin siya ng lalaki at sabihing magiging maayos din ang lahat. Pero nang lumabas ito ng pinto, ang unang naibulalas niya ay isang tanong:
“Bakit kailangan mong sabihin sa kanya ang lahat ng `yon, Baba? Bakit?”