noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 18

Ch. 18 / 25 Feb 05, 2022

18

N AISIP ni Baba, kailangan ng kanyang ama na magpasalamat kay Dulce. Kung hindi dahil sa babae, hindi siya makukumbinsing tumuloy ngayon sa bahay nito. Kabado pa rin siya, pero sapat na ang mainit na kamay ng dalaga sa kanyang braso para makampante siya kahit paano.

“`Yan si Joaquin. Iyong katabi niya, si Ma’am Alba,” sabi ni Dulce, nakatingin sa labas ng kotse.

Pinagmasdan ni Baba ang dalawang nasa pintuan, sa itaas ng hagdan, at naghihintay sa kanila. Ayaw niya ng ganoong pakiramdam, na parang aagos ang kanyang mga luha nang ganoon na lang. Kapatid. Kapatid niya ang lalaking iyon.

“Let’s go?” sabi ni Dulce.

Marahang tumango si Baba at bumaba na rin ng sasakyan. Naglakad sila patungo sa hagdan. Pero hindi na niya magawang ihakbang ang mga paa. Mukhang naunawaan ni Joaquin. Bumaba ang lalaki para salubungin siya.

Nakangiti si Joaquin. Sa loob ng ilang sandali ay nakatingin lang si Baba sa mukha ng lalaki. Kapatid nga ba talaga niya ito? Hindi sila magkamukha. Kamukha ito ng kanyang ama. Gayunman, sinasabi ng kanyang dugo na kapatid niya si Joaquin. At hayun na naman ang mga luhang nagbabantang pumatak.

“Dante?” sambit ng lalaki. “Kuya Dante? You look exactly like Lolo.”

Kuya Dante. Banyaga sa pandinig ni Baba ang pangalang iyon pero mula sa bibig ni Joaquin ay parang hindi. Gayunman ay mas sanay siya sa, “Baba,” sabi niya. “Baba na lang.” Nag-aalinlangang inilahad niya ang kamay.

Tinanggap iyon ng lalaki hanggang sa bigla itong natawa, hinigit siya at niyakap. Tinapik nito ang kanyang balikat sa gawing tila sinasabing sa pagitan ng magkapatid ay hindi sapat ang pakikipagkamay lang. Hayun at hindi na napigilan ni Baba ang mga luhang kanina pa atat na bumagsak. Agad niya iyong pinahid. “Pasensiya na,” sabi niya.

“Para saan?” Ngiting-ngiti si Joaquin. Mukhang mabait ang lalaki. Magaan ang loob niya rito.

“Hindi ko rin alam, Joaquin,” sabi niya.

“Walang magiging problema, Kuya. Baka manibago ka sa sistema ng pamilya natin pero masaya naman tayo. Halika.”

Pamilya natin. Pamilya namin. Hindi magawang saklawan ng isip ni Baba ang bagay na iyon sa ngayon. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng pamilya sa dugo, hayun at biglang napakarami pala niyang kapatid. At ano ang sabi ni Joaquin kanina? Kamukha siya ng lolo nila?

Umakyat na sila sa hagdan. Ngumiti sa kanya si Dulce, itinaas ang kamay na ibig siyang udyukang magpatiuna.

Ipinakilala siya ni Joaquin sa ina nito. Nag-aalinlangan siya sa babae, alam na posibleng hindi maging mainit ang pagtanggap sa kanya, pero ang namamasang mga mata at ang mainit nitong ngiti ay sinabi sa kanyang tanggap siya nito.

“Magandang gabi po. Pasensiya na,” sabi ni Baba. Ni hindi niya alam kung bakit siya hingi nang hingi ng pasensiya.

“No, hijo. Ako ang dapat humingi ng pasensiya sa `yo. Oh, you look so much like your lolo. Hindi ko na rin siya naabutan pero may pictures siya. At kahit black and white, ilang ulit ipinagmamalaki sa akin ng papa mong ganyang tulad sa `yo ang kulay ng mga mata niya.”

Isang paliwanag sa wakas. Noon ay naisip ni Baba na banyaga siguro ang kanyang ama dahil sa kanyang mga mata.

Niyaya na siya ng dalawa papasok sa bahay. Natutulog daw ang kanyang ama dahil may sakit, pero gigising din daw mayamaya para sa hapunan. Pansamantala ay sinilbihan siya ng maiinom at ipinakita sa kanya ang ilang mga larawan ng kanyang ama, ng mga kapatid niya—napakarami na napakaliliit na ng mukha sa isang group picture na mas mukhang class picture sa dami. Bilang panghuli, ilang sinaunang larawan ang ipinakita sa kanya ni Alba. Tatlong larawan lang iyon, ang kanyang lolo. At tama sina Joaquin. Kamukha niya iyon.

Mayamaya ay sinabi ni Alba na gusto siya nitong makausap. Iniwan sila nina Joaquin at Dulce. Kabado si Baba. Iyon na ba ang sandaling huhubarin ni Alba ang nakangiting maskara at palalayasin siya o babantaan?

Pero hindi nagbanta ang babae. “Baba, gusto kong humingi ng tawad sa `yo.”

Hindi siya umimik. Wala siyang ideya kung saan patungo ang lahat ng iyon. Nagpatuloy ang babae. Ikinuwento ang pagkatanggap sa sulat ng kanyang ina noong bata pa siya at kasalukuyan itong buntis noong mga panahong iyon. Itinago ni Alba ang sulat, maging ang larawan nila ng kanyang ina. Kamakailan lang nito inilabas.

Hindi siya nakaramdam ng galit kay Alba, sa halip ay naunawaan ang babae. Sa huli, wala siyang nasabi kundi, “Maraming salamat po, Ma’am, na sa kabila ng lahat, hindi ninyo iniwan ang tatay ko.”

Biglang humagulhol ang babae. “Tita na lang. Napakabait mo. Sa tagal ng panahon, buong akala ko ay nakahanap ng paraan ang nanay mo para masulatan si Dante. Wala na kasi siyang nabanggit sa akin. Sa dami ng… sa dami ng… alam mo na, hindi ko na naisip na hindi ka pa rin pala niya nahanap.”

Pinisil ni Baba ang kamay ni Alba. “Wala po kayong dapat ipag-alala.”

“Dinig ko, wala na raw ang nanay mo? I’m sorry to hear that.”

“Matagal na panahon na po.”

“Who took take care of you then?”

Ayaw niyang lalong makonsiyensiya ang babae kaya sumagot siya, “Mga kakilala po.”

“Thank God you’re okay. And what a big man you are. Kung iyong picture mo ang pagbabasehan, hindi maiisip ng kahit sino na lalaki ka nang ganyan.”

Napangiti si Baba. Totoo iyon. Payat siya sa larawan at dahil malayo ang kuha at dahil din sa hindi iyon maliwanag tulad ng mga larawan mula sa makabagong camera, hindi makikita roon ang totoong kulay ng kanyang mga mata. O baka matingkad pa ang mga mata niya noong bata. Maaari namang magbago iyon.

Noon bumaba ang isang kawaksi, ang sabi ay gising na raw si Dante Cardinal. Sukat natigilan si Baba, natensiyon. Iyon na ang sandaling ayaw sana niyang dumating. Hayun na naman ang sarisaring pakiramdam. Nakita niyang umakyat sa hagdan si Joaquin. Bumalik si Dulce sa sala, habang si Alba naman ay sinabing ihahanda na ang hapag.

“Maputla ka. Sabi ko sa `yo, wala kang dapat ipag-alala,” sabi ni Dulce, pinisil ang kanyang kamay. “Mabait si Sir.”

“Oo, pero…” Tingnan mo ang naging buhay ko, Dulce. Nahihiya ako sa kanya.

Napabuntong-hininga si Baba. Kailanman ay hindi pa siya nakakadama ng ganoong uri ng panliliit, ng kawalang-kompiyansa. Malakas ang kanyang loob, hinulma siya sa pagiging ganoon. Pero sa mga sandaling iyon, parang tumakas ang lahat ng iyon mula sa kanyang sistema.

Hanggang sa makita niya si Dante Cardinal na patakbong bumababa ng hagdan, nasa likuran si Joaquin na tila hinahabol ang matanda. Napatayo si Baba. Huminto ang matanda sa gitna ng hagdan at tumitig sa kanya.

“Diyos ko, ang anak ko... sa wakas...” sambit nito sa nanginginig na boses.

“GOOD morning, son!”

Agad napabangon si Baba nang marinig ang boses ng ama sa pintuan. Kanina pa siya gising kahit ala-una na siya nakabalik sa bahay nito mula sa paghahatid kay Dulce nang nagdaang gabi. Walang laman ang kanyang isip mula nang magising kundi ang katotohanang sa kabila ng ganda at laki ng kuwartong iyon, wala siyang ibang gustong tulugan kundi ang kama ni Dulce. Sa katunayan, kahit anong kama basta ang dalaga ang kanyang katabi.

“Good morning po,” nakangiting sabi ni Baba, bahagyang naiilang. Kagabi ay ilang oras silang nag-usap pagkatapos ng hapunan. Napaluha ang matanda nang malaman kung ano ang nangyari sa kanyang ina. Sinabi rin nito na may tiyahin na kasama ang kanyang ina. Pero hindi na niya iyon naaalala at kasama siguro ito sa walang markang libingan sa bundok.

Lahat ng tungkol sa kanya ay ipinagtapat ni Baba sa ama. Naisip niya, yaman din lang na naroon na siya sa puntong iyon, mas magandang malaman ni Dante Cardinal ang totoo tungkol sa kanya. At tinanggap siya nito nang buong-buo. Humingi ito ng pasensiya, ang pangako ay babawi sa kanya.

Nang tanungin siya ng mga ito kung saan siya tumutuloy, si Dulce ang nagsabing sa isang hotel siya naka-check in. Nauunawaan niya ang dalaga, lalo na at nakilala na niya ang ina nito. Ano nga naman ang iisipin ng matanda kapag nalamang sa bahay ni Dulce siya tumutuloy gayong nag-iisa roon ang dalaga?

Napilitan si Baba na tumuloy sa bahay ng kanyang ama, kahit sinabi niyang sa hotel na lang siya tutuloy. Ayaw rin nitong pumayag sa ganoong sistema.

“Maaga po yata kayong nagising?” tanong niya, lumapit sa matanda para magmano. Kakatwa pero wala na siyang madamang galit sa ama. Sa katunayan, napakagaan ng loob niya rito. Gusto rin niyang mas makilala ito, makasama.

“I’m feeling great, hijo. Sana hindi kita naistorbo.”

“Hindi po.”

“Great. Let’s have breakfast. Come on.” Para siyang bata na hinawakan ng matanda sa braso. Sa isang banda, gusto niyang matawa sa aktuwasyon nito, sa kabilang banda naman ay parang may mainit na palad na humaplos sa kanyang puso. Mahal siya ng ama, nararamdaman niya iyon.

Nang makarating sa komedor ay asikasong-asikaso si Baba ng matanda. Wala pa roon sina Joaquin at Alba pero nakahain na. May sariling nurse ang kanyang ama at nakahilera na rin ang mga gamot na kailangan nitong inumin.

“Baka kailangan pa ninyong magpahinga, `Pa? Masyado pa yatang maaga,” sabi ni Baba, kahit bahagya pa ring naiilang na tawagin nang ganoon ang ama.

“Nonsense. I feel great! O, heto na pala si Joaquin.”

“Good morning,” nakangiting bati ng lalaki, nakadamit pang-opisina na. Naisip ni Baba na kailanman ay hindi siya magiging tulad ni Joaquin. “`Pa, kumusta? Mukhang maganda ang gising ninyo.”

“Of course! O, heto na si Alba. Sit, sit.”

Nang makapuwesto na silang lahat sa hapag ay ipinagmalaki ng matanda ang mahusay na pagluluto ni Aling Carolina, ang ina ni Dulce. Maganda si Aling Carolina bagaman may edad na, kahawig ni Dulce.

“Nagmana ba sa `yo sa pagluluto si Sese, Carolina?” tanong ng kanyang ama.

“Ay, siyang totoo, Sir!” pagmamalaki ng matanda. “Bihira iyong magluto pero kapag humawak ng sandok ay tiyak na gaganahan kayo sa pagkain.”

Lihim na napangiti si Baba. Totoo iyon.

Tinapik ng kanyang ama ang balikat ni Joaquin. “You heard that, son? Puwedeng-puwede nang mag-asawa si Sese, Joaquin. Bilis-bilisan mo na.”

Sukat nanigas ang likod ni Baba.

Sumegunda si Alba. “I told your son exactly that. Siguro naman ay hindi mamasamain ni Carolina?”

Namumula si Aling Carolina bagaman positibo ang naging sagot. “Sa akin naman po ay talagang walang masama, Ma’am. Sa totoo, eh, botong-boto ako kay Sir Joaquin.”

Binalingan si Baba ng kanyang ama. “Dito halos lumaki si Sese, Baba. We like her. Mabait siya, hindi ba?”

Tumango siya, pinilit na ngumiti. Nang iwan sila sa komedor ni Aling Carolina ay muling humirit ang kanyang ama. “Mula pagkabata, tipo na ni Sese si Joaquin.”

“Papa,” saway ni Joaquin sa matanda.

Ngiting-ngiti ang matanda. “Totoo naman, hindi ba? Ikaw lang yata ang hindi nakakapansin. Pero sa akin, walang kaso iyon.”

“Hindi ka na bumabata, hijo. I’m telling you, Dulce is one of a kind. Hindi na pinakakawalan ang ganoong babae, lalo na at alam nating may tipo rin sa `yo. Have you asked her out?” tanong ni Alba.

“Mama, please,” patuloy na saway ni Joaquin.

Iginiit iyon ni Alba. “Well, have you? Hijo, mas gusto ko siya kaysa doon sa huling ka-date mo na sa totoo lang ay mukhang… well, pardon me, pero mukha siyang pulvoron. Have you asked Dulce out like I told you?”

“Yes. Yes, all right?” Napailing si Joaquin. “Bakit ako ang napunta sa hot seat? Nakakahiya sa kapatid kong madatnan niya akong kulang ipagtabuyan ng mga magulang ko paalis dito sa bahay para mag-asawa.”

Pero parang nabuhay na nang husto ang kuryosidad ng kanyang ama kay Joaquin. “Ano naman ang sinabi nang niyaya mo? Pumayag na ba? Kailan kayo lalabas?”

Parang talunan sa isang laro si Joaquin. Suko na ito sa mga magulang. Bahagya nitong nahagod ang buhok, saka tumugon. “I just asked her out the other night. We’ll have dinner soon.”

Tuwang-tuwa ang matandang lalaki. “That’s my boy!” Binalingan siya nito. “How about you, Baba? May napupusuan ka na ba?”

Umiling siya, pilit pa rin ang ngiti. “Wala pa po.”

“`Wag kang tutulad sa ama mo,” sabi ni Alba.

Akala ni Baba ay mao-offend ang kanyang ama pero kumindat ito sa kanya, saka bumulong. “Nagseselos lang `yan.”

Ngumiti siya sa ama bagaman tila namanhid na ang kanyang buong sistema. Noong isang gabi lang niyaya ni Joaquin na mag-date si Dulce. At pumayag ang babae. Naaalala niyang nagkausap nga ang dalawa nang gabing iyon. At pagkatapos ay iginuhit siya ng dalaga hanggang sa mauwi sila sa mainit na tagpo.

Paano nagawa ni Dulce na pumayag sa paanyaya ni Joaquin? Kailan magde-date ang dalawa? Kapag wala na siya sa eksena? O magpapapaalam sa kanya si Dulce na aalis para makipag-date sa kanyang kapatid?

Gusto niyang malaman. Gusto niyang puntahan ora mismo si Dulce. Kaya nang matapos ang agahan ay nagpaalam siya at sinabing may aasikasuhin lang. Nagpunta siya sa bahay ng dalaga. Naroon pa ang sasakyan nito. Nag-doorbell siya at nang lumabas si Dulce ay nakangiti, nakapambahay pa.

“Good morning! I was hoping you’d come and have breakfast here.” Hinalikan siya nito sa pisngi.

Tunaw lahat ng galit ni Baba. Namali lang ng unawa si Joaquin, malamang. Hindi makikipag-date dito si Dulce. At wala siyang balak sirain ang araw ng dalaga sa pagkompronta rito.

“Na-miss na kita. Ayoko na doon. Dito na lang ako.”

“Is everything all right?”

Tumango siya. “Pero mas gusto ko rito, kasama ka.”

Inangkin ni Baba ang mga labi ng dalaga. Nasisiguro niya, nagkamali lang si Joaquin. Hindi tutugon nang ganoon sa halik niya si Dulce kung hindi.