21
H INDI manhid si Dulce para hindi maramdaman na nanlalamig sa kanya si Baba. Kahit nag-uusap sila sa phone, hindi iyon nagtatagal at kadalasan ay siya ang tumatawag. Gusto sana niyang isiping abala lang sa farm ang lalaki, na baka nagkaroon lang ng kaunting aberya doon. Pero halos tatlong linggo na silang hindi nagkikita. Noong isang araw ay sinabi ni Baba na uuwi na sa Maynila at naghintay siya sa pagdating nito para lang tumawag ang lalaki at sabihing hindi na ito matutuloy. May inaayos daw ito.
Ilang ulit nang nagsabi si Dulce na pupuntahan niya ang binata pero palagi na’y marami raw itong ginagawa at hindi rin siya maasikaso. She felt terrible. Sa bawat umagang gigising siya ay masama ang kanyang timpla. Sinisisi rin niya ang stress dahil palaging mabigat ang kanyang pakiramdam.
Baba, what’s wrong, for crying out loud?
Nitong nakaraang ilang araw ay naisip ni Dulce na kailangan na niyang maipakilala sa mga magulang ang lalaki. Lalong lalaki ang hinanakit ng kanyang mga magulang kapag hindi niya ipinakilala sa mga ito si Baba. Siguradong maiisip ng kanyang ama na may relasyon na sila ng lalaki pero hindi pa rin ito nagpapakilala sa dalawa. Pero ganoong ang hirap makausap ni Baba at palaging abala, lalo siyang nape-pressure.
Lunes na naman. Simula na naman ng linggo. At uusad ang linggong iyon na siguradong maraming trabaho sa farm. Linggo ang day off ng mga tauhan kaya malamang na sasabihin ni Baba na sa Linggo na lang sila magkita. Hindi talaga ganoon si Baba.
Napabuntong-hininga si Dulce at nang makapag-ayos, sa halip na tumuloy sa opisina ay nagpasya siyang hanapin ang farm ni Baba sa Alfonso, Cavite. Hindi na niya kaya. She missed him terribly.
Umalis siya sa bahay nang pasado alas-nuwebe pero matindi ang traffic sa Coastal Road. Nakarating siya sa bayan ng Alfonso nang pasado alas-dose na. Looban ang farm ni Baba at eksaktong ala-una siya nakarating doon.
It was not like the farm she had envisioned at all. Hindi iyon simple, tulad ng sinabi ng lalaki. Mayroong gusali sa labas niyon na bagaman maliit lang ay nagsasabi sa kanya na malaking negosyo iyon. Isa iyong dairy farm at madaling hanapin. Mukhang bukas sa lahat ang farm at kakatwang may lima silang sasakyan na pumasok doon. May paradahan sa loob ng tarangkahan.
Pagbaba ni Dulce ay napansin niyang ang lulan ng ibang mga sasakyan ay mga namamasyal. Natural na ikinasorpresa niya iyon at gustong magduda kung tama ang napuntahan niyang lugar. Sumunod siya sa grupo at ilang hakbang pa ay may nakita siyang isang maliit na istasyon na may nakaukit na “information.” Nakangiti ang babaeng naroon.
“Ito `yong Casa de Labranza?” tanong ni Dulce sa babae. Ayon kay Baba, si Marie daw ang nagpangalan sa farm. Ang ibig daw sabihin niyon ay “farm” o “house of tillage.” Kaya niyang ilarawan sa isip ang isang Baba na ipinapaubaya kay Marie ang pagpapangalan sa lugar.
“Yes, Ma’am. First time po ninyo rito?”
Agad na tumango si Dulce. Inabutan siya nito ng isang brochure. Nakatala roon ang iba’t ibang bagay na maaaring gawin sa farm—may pottery class para sa matatanda at bata, may nagtuturo kung paano magtanim ng mga organic na gulay, at mayroon ding schedule ng cooking class bagaman twice a month lang iyon.
She was stunned.
“Gaano katagal nang may ganitong ino-offer na workshop dito?” tanong niya.
“Two years na, Ma’am. Dati kakaunti lang din po ang mga guest. Baka po next year maglagay na rin kami ng mga cottage dahil marami pong gustong mag-overnight dito.”
“I see. So it’s okay to walk around?”
Tumango ang babae at itinuro kay Dulce kung nasaan ang greehouse na bukas para sa lahat, gayundin ang barn kung saan makikita kung paano ginagatasan ang mga baka, at ang organic garden. Mayroon ding tindahan doon na nagbebenta ng mga binhi at sapling, at mayroon ding maliit na tindahan ng sariwang gatas; kesong gawa sa gatas ng kambing, kalabaw at baka; at mga gulay.
Wala nang makuhang sabihin pa si Dulce. Intensiyon ba ni Baba na gawing sorpresa ang lahat ng iyon sa kanya? Bakit hindi nito sinabi? Bakit ang sabi nito, maliit lang daw ang lupaing iyon? Bagaman sa kanyang nakikita ay hindi nga iyon kasinlaki ng ibang farm pero iyon ay ang bahagi lang na para sa mga bisita. Mayroong bahagi kung saan may mataas na bakod at karatulang nagsasabing “off limits.” Mataas ang bakod at higit na mataas ang mga halamang nasa kabila niyon, tinatakpan ang tanawin sa likuran.
Hiling ni Dulce na mawala na sana ang masamang kutob sa kanyang dibdib, lalo na nang mapadaan siya sa ubod ng gandang greenhouse at mabasa ang karatula sa labas niyon: Jardin de Candida. The name was very familiar. Nagkataon lang ba na kapangalan iyon ng mayora?
Nang may makita siyang lalaking may hilang renda ng kabayo ay pasimple siyang sumunod doon. Binuksan niyon ang gate na off limits sa mga bisita. Naghintay siya ng ilang minuto bago sumunod. Hindi naka-lock ang gate. Sapat na siguro ang karatula para panatilihin sa labas ang mga bisita.
Ilang malawak na lupain ang natanawan ni Dulce, pulos puno, bagaman may pathway na siyang dinaanan niya. Hindi na niya makita ang mamang pumasok doon kanina. Hanggang sa dumalang nang dumalang ang mga puno at matanawan niya ang isang simpleng bahay sa gitna ng parang. And it looked exactly like how Baba described it. Nakahinga siya nang maluwag at tinungo na iyon. Lagot sa kanya ang lalaki na hindi nito sinabi sa kanya na napakalaki pala ng potensiyal ng farm nito at dinarayo ng mga local tourist.
Ngiting-ngiti na si Dulce sa puntong iyon dahil nangibabaw sa kanya ang pananabik na makita si Baba. Masaya rin siya dahil alam niyang kapag nakita ng kanyang ama ang lugar na iyon, matutuwa ang matanda. Halos takbuhin na niya ang bahay bagaman nang makapasok sa mababang picket fence ay tiniyak muna niyang maayos ang kanyang buhok at hindi oily ang mukha.
Marahang kumatok si Dulce, saka sinubukang buksan ang pinto. Hindi nakapinid ang seradura. Mukhang walang tao sa loob. Tumuloy na siya, bahagyang nagtataka. Hindi tipikal kay Baba ang iwang bukas ang pinto, gayunman ay naisip niyang kampante siguro ang binata sa lugar na iyon. Malayo iyon sa Santa Fe, bukod sa iilang tao lang siguro ang nakakaalam na pag-aari iyon ni Baba.
Napangiti si Dulce nang makita ang pintuang tiyak niyang daan patungo sa silong. Ganoong-ganoon ang pakakalarawan sa kanya ni Baba roon. At ang silong, tulad ng napag-usapan nila, ay gagawin niyang workshop. Yes, she could live here. She would be happy to.
Tinungo na ni Dulce ang iniisip niyang kuwarto ng binata. Pagbukas niya ay sinalubong siya ng malamig na hangin mula sa aircon. At parang nanlamig din ang kanyang kalamnan at napatulala sa nakita—si Baba, pantalon lang ang suot, katabi si Candida na nakahilig sa dibdib nito, natatakpan ng kumot ang katawan. Natutulog ang dalawa.
Bigla ang pag-alsa ng kanyang galit na kung may dala siguro siyang armalite ay butas na ang kisame ng kuwarto sa pagratrat niya roon. But she found she was too stunned to move. Hayun siya at nakatitig lang sa dalawa, hanggang sa magmulat ng mga mata si Baba at halatang nabigla nang makita siya roon. Agad itong tumayo.
“Ano’ng ginagawa mo dito?” tanong ni Baba, blangko ang mukha.
“Ano’ng ginagawa mo?” tanong ni Dulce nang sa wakas ay matagpuan niya ang boses. “What the hell are you doing with that woman, Baba?”
Noon nagising si Candida. Tumingin ang babae kay Dulce, may tila nababagot na eskpresyon sa mukha. Mabilis na nagsuot ng kamiseta si Baba, saka siya hinawakan sa braso para ilabas ng kuwarto.
“Don’t you dare touch me!” singhal niya, sabay bawi sa braso. “Explain this! Now!”
“Sa labas na tayo mag-usap,” sabi ng lalaki, nauna sa paglabas ng kuwarto.
Sa loob ng ilang sandali ay hindi alam ni Dulce kung ano ang gagawin. Dapat ba siyang sumama kay Baba o mas tamang pagsasampalin niya si Candida? Sa huli ay masamang tingin ang ipinukol niya sa babae. Hindi pa siya tapos dito. Sa katunayan, marami itong atraso sa kanya.
Malalaki ang hakbang na pinuntahan niya si Baba. Galit na galit siya sa lalaki. Halos hindi siya makapaniwala na ito ang lalaking ipinagtanggol niya sa kanyang ama at kaibigan. Kaya pala busy ito palagi, busy sa pakikipaglampungan! At kay Candida! That woman almost had her raped and killed! Kaya pala kay daling nagawa ni Baba na “arborin” siya mula kay Candida. Was it their plan all along?
“How dare you,” sambit ni Dulce, nakakasugat ang talas ng tingin kay Baba.
“Mali ang iniisip mo.”
“Ah, talaga? Gawain mo lang na magpatulog ng babae sa kama mo habang nakayakap sa `yo?”
“May kailangan lang siya sa akin.”
“I bet!”
Bumuntong-hininga si Baba, hinagod ng mga daliri ang buhok. Kung hindi siya halos umuusok sa galit, naisip siguro niyang gusto rin niya ang ganoong anggulo ni Baba. Dumaan iyon sa kanyang isip at lalo siyang nabuwisit. Here she was, truly, madly, deeply in love with the philanderer of the century!
“I hate you so much, Baba. So much!” singhal ni Dulce. Nanginginig siya pero kakatwang hindi sumama ang kanyang boses.
Bumuntong-hininga ang lalaki, pinakatitigan siya. Sinalubong niya ang titig nito. Lumabas na ang ilog ng kanyang mga isipin kahit anong pagpipigil niya sa sarili. “Inisip kong kahit paano, maayos ka. Bilang isang tao, bilang isang lalaki. Pinilit ko ang sarili kong isipin na sa kabila ng lahat ng kung ano ka, puwede kang maging matino. I was deluding myself all this time, damn you! Tama ang mga magulang ko sa `yo. Tama si Tisha tungkol sa `yo—you are nothing but trash!”
Hinihingal siya sa galit. God, she wanted to cry.
“Paano ko naisip na magkakasundo tayong dalawa in the long run? I mean, my God—you’re the kind of man my parents warned me about! In fact, you’re exactly what parents protect their children from! How could I have been so blind?” Walang malinaw kay Dulce sa mga sandaling iyon kundi ang kanyang galit. At ang nag-uumapaw na sakit sa kanyang dibdib.
She went on. “Tama! Bagay kayo ng babaeng `yon sa kama mo. Kayong dalawa lang ang makakatanggap sa isa’t isa.”
Pagkatapos ng ginawa sa kanya ni Candida, makikita niya ang babae sa kama ni Baba. May dulot iyong pait sa kanya. This man obviously did not care about her. Paimbabaw lang lahat ng ipinakita sa kanya ni Baba at hayun ang totoo, nagdudumilat—si Candida ang nasa kama nito, ang parang pinapanigan pa sa kabila ng lahat ng ginawa ng babae sa kanya.
At ang Jardin de Candida na nakita kanina ay malinaw na ngayon sa kanya na para kay Candida talaga, sa mayora, at wala nang iba. How dare this man tell her that he wanted them to live there! Pinaglololoko siya ni Baba mula sa simula! At sa sandaling iyon, wala siyang gustong gawin kundi ihabla si Candida, kunin ang hustisya sa ginawa nito sa kanya. She would. Maghintay lang ang babae.
“Mukhang malabo tayong magkasundo,” sa wakas ay sabi ni Baba.
“Tingin mo?” sarkastikong balik ni Dulce.
“Uuwi rin ako sa Santa Fe.”
That ripped her heart to a million pieces. He knew it all along. Plano na nito iyon noon pa, nasisiguro niya. Sa wakas, naunawaan na ni Dulce kung ano ang dahilan kung bakit nagbalik sa Santa Fe si Baba gayong nasa Maynila na ito. Si Candida ang dahilan.
Biglang tumaas ang kamay niya sa panga ng lalaki. Hindi iyon sampal kundi sapak. Bahagya siyang nagulat sa nagawa, lalo na at tumibok sa sakit ang kanyang palad at sa pagbawi roon ay dumaplis ang kuko niya sa balat ni Baba, dahilan para magkaroon ng guhit na pula roon. Napasinghap siya pero nanaig sa kanya ang galit, lalo na at nakita niyang naglapat din ang mga labi nito, tanda na galit na rin sa puntong iyon.
Ano ang karapatan ni Baba na magalit? Wala! Wala itong karapatan! She was willing to disobey her father’s wish for the very first time of her life for him! Naging handa rin siyang suyuin ang mga magulang hanggang sa abot ng kanyang makakaya para lang matanggap ng mga ito ang lalaki! Umiyak ang nanay niya, nabahala ang kanyang ama, at higit sa lahat, iginiit pa ng lalaking ito na ipakilala niya sa dalawang matanda! Ang kapal ng mukha! Kaya ano ang karapatan nitong magalit? Nasaktan ito nang pisikal? Paano siya? Paano nito ibabalik ang kinuha sa kanya?!
“Oh, God…” Natutop ni Dulce ang noo nang maalala iyon. Hayun ang magaganda niyang pangarap sa kanyang love life. At si Joaquin… God, she was a fool! Paano niya nagawang ipagpalit ang disenteng si Joaquin kay Baba na ganito pala ang gagawin sa kanya? She felt deceived, betrayed. “To think that I let Joaquin go!”
“Iyan ang nangunguna sa isip mo,” sabi ni Baba, muling naging blangko ang mukha. She was sure he was surprised but he was good at hiding his emotions, a quality that made him good at deceiving people.
“Uuwi ka sa Santa Fe? You’re going back there for her, aren’t you? Ang dahilan ng pagbalik mo doon three years ago and now is that woman, am I correct?” tanong ni Dulce kahit alam niya kung ano ang sagot.
“Oo. Si Candida ang dahilan. Si Candida ang palaging dahilan.”
She just crashed and burned. “Puwes, bagay ka doon, Baba. Lugar ng mga patapon. You will never belong in a civilized world,” pang-uuyam niya kahit parang latigo iyong bumalik din sa kanya. Halos hindi siya makapaniwala na may dulot na sakit sa kanya ang sakit na iginawad niya kay Baba. O baka ni hindi nasaktan ang lalaki sa kanyang mga sinabi at nagpapakatanga na naman siya para isiping posible itong maapektuhan niyon. “Don’t ever speak to me again. Ever.”
Tumalikod na si Dulce, pinilit maging kalmado. Pero nang makalabas ng pintuan ay bumuhos na ang kanyang mga luha at bumilis nang bumilis ang paghakbang niya hanggang sa tumakbo na siya. Muntik na siyang mabangga ng ibang mga bisita ng farm dahil hilam ng luha ang kanyang mukha.
“I’m sorry,” sabi ni Dulce, pero parang mas sa sarili iyon sinasabi kaysa sa babaeng muntik nang nabangga. Hindi siya makapaghintay na makaalis doon. Agad niyang pinaarangkada paalis ang sasakyan.
Pero may tumawid na kabayo sa daanan at agad siyang napapreno. Umiyak ang mga gulong ng kanyang sasakyan. Hindi nakakabit ang seat belt niya at tumama ang kanyang noo sa windshield. Iyon ang huli niyang naalala.
“BAKIT ba alalang-alala ka sa babaeng `yan, Baba?”
Hindi nilingon ni Baba si Candida kahit gusto niyang singhalan ang babae. Nasa ospital siya, sa kuwarto ni Dulce. Nagkamalay na ang babae kanina pero kinailangan pang obserbahan dahil hinimatay ito. Hihintayin din daw ang resulta ng CT scan.
“Uuwi ka na sa Santa Fe, hindi ba? Paano na ang babaeng `yan?” patuloy ni Candida.
“Hindi ko siya maiiwan sa ngayon, Candida.”
“Puwes, siguruhin mong hindi `yan magsasalita. Alam mong marami akong ginagawa pero kinailangan kong lumuwas dahil masama ang kutob ko sa babaeng `yan. May tiwala ako sa `yo pero nang hindi ka bumalik agad, I had to make sure everything was okay.”
Natural. Nangunguna sa isip ng babae ang sariling kapakanan. Si Candida. Palaging si Candida. At matagal na panahon bago niya nakita iyon.
“Tatawagan kita, Baba. Kailangan kong umuwi. Nasa ospital na naman si Daddy.”
Tumango siya. Hinalikan siya nito sa pisngi. Kung noon siguro ay kung anong init ang dulot niyon sa kanyang puso. Pero matagal nang kumupas ang tamis ng mga halik nito. Oo at bumalik siya sa Santa Fe para sa babae pero hindi sa dahilang iniisip nito.
Pumihit si Candida at umalis na.
Alam ni Baba, nagdududa na sa kanya ang babae. Alam niyang iyon ang totoong dahilan kung bakit ito lumuwas para hanapin siya. Alam niya at may nagsabi sa kanya. Tatlong taon. Napakatagal na niyon para hindi pa rin niya magawa ang pakay, pero hindi iyon madaling gawin.
Agad niyang binalingan si Dulce nang umungol ito. May maliit na sugat sa noo ang dalaga, pero maliban doon ay wala na. Hinawakan niya ang kamay nito, hinalikan. Mahal na mahal ni Baba si Dulce kaya niya hinayaang umalis kanina ang dalaga. Iyon din ang dahilan kung bakit lalayo na siya, isang desisyong hindi naging mahirap buuin nang maunawaan niya ang posibleng maging sakripisyo nito.
Nang bumukas ang pinto ng kuwarto ay agad pumasok ang mga magulang ni Dulce. Alam ni Baba na mga magulang ng dalaga ang dalawa dahil hindi iyon ang unang pagkakataong nakita niya ang mga ito. Ang ama ni Dulce ay sinadya siya sa farm para sabihin na kung maaari, bigyan niya ng oras ang anak nito para pag-isipan ang kanilang relasyon.
Nasaktan ba ang damdamin niya?
Pakiramdam ni Baba ay mas masarap pang mabaril.
Ipinaliwanag sa kanya ng matandang lalaki ang lahat ng paghihirap ni Dulce para marating ang kinaroroonan nito. Sa madaling sabi, iniisip ng matanda na siya ang sisira sa lahat ng iyon, bagaman hindi nito direktang sinabi. Sa isang banda, nauunawaan ni Baba ang matanda. Sa katunayan, labis niya itong nauunawaan at gusto niyang magalit sa sarili na umasa siyang magagawa siyang tanggapin ng mga tao.
Kahit kailan, hindi iyon naging ganoon kahalaga kay Baba, maliban na lang nang makausap na niya ang ama ni Dulce. Para iyong patalim na muli’t muli ay bumaon sa kanyang sistema. Mahirap kalimutan at pinakatandaan niya. Paano magiging masaya si Dulce sa isang tulad niya? Paano niya nagawang hilingin na siya na lang, sa halip na si Joaquin, ang makasama ni Dulce sa habang-panahon?
Sa isang banda, may galit siyang nararamdaman na hindi iyon binanggit sa kanya ng dalaga. Sa kabilang banda, naunawaan niyang maging ito ay nahihirapang panindigan ang relasyon nila. At hindi niya kayang bitbitin ang kanyang nakaraan para sa mga taong hindi iyon matatanggap dahil wala na siyang magagawa para ibalik ang lahat ng iyon.
Iniisip ba ng mga tao na ipinagmamalaki niya iyon? Na walang kaso sa kanya at walang lamat na natira sa kanyang pagkatao?
Bahagyang tumango si Baba sa dalawang matanda. Agad nagtanong ang ama ni Dulce at ipinaliwanag niya ritong naaksidente ang dalaga sa farm niya.
Noon nagmulat ng mga mata si Dulce. Nagtama ang mga mata nila. Ang una nitong sinambit ay, “Paalisin ninyo rito ang lalaking `yan, `Tay.”
Pakiramdam ni Baba ay tinarakan ng punyal ang kanyang dibdib. Lumabas na siya, hindi na hinintay na ulitin ni Dulce ang kahilingan nito. Patuloy siyang naglakad palayo, malalaki ang mga hakbang. Hindi niya maiwasang maalala ang nakaraan na naghatid sa kanya sa puntong iyon…