noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 19

Ch. 19 / 25 Feb 05, 2022

19

B INABAKAS ni Baba ang palad ni Dulce, habang ang isang kamay niya ay hawak din nito. Nakasandal siya sa dibdib ng binata, prente sa posisyong iyon. Nasasanay na siya sa init nitong nakalapat sa kanyang katawan. Sa paglalayo nila ay parang may kulang na sa kanya at babalik at babalik siya sa dibdib nito.

Gustong-gusto ni Dulce ang paghalik nito sa kanyang ulo, sa kanyang pisngi. Making love with him came naturally now. Being with him was the most natural thing in the world. And here they were, enjoying this nearness.

“Kuwentuhan mo pa ako, please?” paglalambing ni Dulce. Palagi niyang nami-miss si Baba, sa totoo lang. Nitong nakaraang isang buwan ay hindi sila palaging magkasama, maliban sa gabi kung kailan umuuwi ang binata sa kanyang bahay. Sinabi nito sa ama na tumutuloy ito sa isang hotel.

“Ano ang gusto mong ikuwento ko?” sambit nito, hinalikan siya sa pisngi.

“Kumusta na ang papa mo?”

“Maayos naman. Ang sabi ng doktor, basta ma-maintain ang lagay niya, magtutuloy-tuloy na `yon. Masaya siya. Masaya rin akong masaya siya.”

“I told you he’s nice.” Itinaas ni Dulce ang kamay ni Baba sa kanyang mga labi para halikan. “Are you officially a part of the Cardinal’s clan now?”

“Inaayos na namin ang mga papeles pero matatagalan pa `yon. Kung hindi lang iginigiit ni Papa, ayoko na sanang mag-aksaya sila ng panahon para ayusin ang papeles ko dahil uubra naman ang meron ako. Legal naman `yon.”

“Gusto lang niyang i-acknowledge ka.”

“Alam ko.” Bumuntong-hininga ang binata. “Malapit na yatang dumating `yong DNA test result.” Bahagya itong tumawa. “Marami pala talaga ang magrereklamo kung hindi mapapatunayan na anak ako ni Papa, ano? Ang dami kong kapatid. Iyong iba, nakilala ko na. Iyong iba naman daw, sa reunion ko pa makikilala. Hindi ako makapaniwala, Dulce. Bigla, ang dami kong kamag-anak. Ikinukuwento ko nga kay Macario. Nagulat din siya.”

“Bakit hindi mo papuntahin dito si Marie?”

“Ayaw iwan ang parlor niya.”

“So magsisimula ka na bang magtrabaho sa kompanya?”

Tumawa si Baba. “Mukha ba akong pupuwede sa opisina?”

Biglang napapihit si Dulce paharap sa binata. “At bakit naman hindi? I bet you’d look cute.”

Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Sa tingin mo?”

“Oo naman. Wala ka bang balak?”

Muling bumuntong-hininga si Baba. “Sa totoo lang, wala. Meron na rin naman akong pinagkukunan. Sa totoo lang, nalulula ako sa ibinibigay nila sa akin. Sa susunod na buwan, ibibigay na raw sa akin ang naipong dibidente. Hindi ko alam kung tatanggapin ko. Parang hindi tama, Dulce. Parang... parang hindi totoo.”

“Shut up. Lahat kayo, hindi mawawalan. Itinayo ang kompanya para sa inyong magkakapatid.”

“Kung gusto mo, puwede tayong magpatayo pa ng pabrika ng furniture.”

Muli ay napapihit siya rito. “Ano’ng akala mo sa akin, poor?” Umingos siya kahit nag-init ang dibdib. “Oh, Baba, you’re very sweet. Pero kailan mo ba talaga ako dadalhin sa Cavite? Gusto ko nang makita ang farm mo roon.”

“Maliit lang `yon.”

“So what? Sabi mo may silong ang bahay.”

“Puwede mong magamit.”

Nagsimula silang pag-usapan kung ano ang magiging bagong hitsura ng bahay nito. Sa isip ni Dulce ay malinaw niyang nai-imagine ang bawat bahagi ng bahay. At oo, wala siyang problema kung doon siya tutuloy. Tama si Baba, maaari niyang magamit ang basement niyon para sa kanyang trabaho. Ang bahay naman niya sa Tandang Sora ay hindi niya ibebenta. Kailangan din nila ng matutuluyan kapag nasa Maynila sila. Hindi maiiwasang lumuwas dahil naroon ang kanyang negosyo.

“Can I paint it with any color I want?” paglalambing niya.

“Kahit ano.” Hinalikan nito ang kanyang ulo.

“Will you let me reupholster that ugly chair in Santa Fe?”

Biglang tumawa si Baba. “Hindi mo malimutan ang silya ko. Siya sige. Kahit ano ang gawin mo roon, walang problema sa akin.”

“Will you let me hang photos in the living room?” patuloy na paglalambing ni Dulce na parang isang bata. Gusto lang niyang lambingin ang lalaki. She liked to feel so cherished because she cherished Baba. So much.

“Walang problema. Basta hindi `yong iginuhit mong nakahubad ako.”

Bigla siyang natawa. “But that’s my favorite!”

“Gusto mong makita ng lahat `yon?”

“Of course not! For my eyes only, Baba! And take that as a warning as well,” umingos niyang sabi. “Ayoko nang pupuntahan mo si Ramona. She’s not your girlfriend, is she?”

“Hindi. Selosa.”

Lumabi si Dulce. Nauunawaan naman niya kung sakaling may naging ugnayan ang dalawa. Alam niya kung anong klaseng babae si Ramona. Wala na iyong kaso sa kanya, basta huwag na lang uling magkikita ang dalawa. Ang maisip na ibang kamay ang humahaplos kay Baba ay sapat na para mag-init ang kanyang ulo.

Mayamaya ay nakatulog na si Dulce sa puwestong iyon. Naalimpungatan siya nang marinig ang pag-vibrate ng kanyang cell phone na nakapatong sa mesa. Nilingon niya si Baba. Himbing itong natutulog. Puyat ang binata; inabot ng kung anong oras sa bahay ng ama bago umuwi sa kanya. Alas-tres na nang maalimpungatan siya sa pagtabi nito sa kanya. Ibinigay na niya rito ang susi ng bahay.

I’m outside your house, iyon ang text message ni Joaquin. Bigla siyang na-tense. Nagbihis siya at lumabas na.

“What a surprise, Joaquin,” bulalas ni Dulce nang pagbuksan ang lalaki. Minsan pa lang ito nakarating doon, noong mag-birthday siya. Kabado siya dahil naroon si Baba. Sana ay huwag lumabas ang binata. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag kay Joaquin ang lahat. Mas malala dahil baka mabanggit pa nito sa kanyang ina.

God, her parents. Hindi pa niya nababanggit ang lahat ng iyon sa dalawa. Sa katunayan, maliban kay Tisha ay wala pa ni isang nakakaalam. She was delaying it. Hanggang kaya niya ay gusto niyang patagalin ang lahat ng iyon. Maraming maaaring mangyari at ayaw niyang harapin iyon. It was too damned early for that.

“Can I come in?”

Nahiya si Dulce kay Joaquin at agad itong pinatuloy. Maingat ang kanyang galaw. Ipinagtimpla niya ng kape ang lalaki, iyon ang hiningi nito. Sa totoo lang, kung maaari lang ay gusto na niyang paalisin si Joaquin, nahihiya lang siya bukod sa wala siyang maisip na alibi.

“I came to personally thank you. Thank you for finding my brother, Sese.”

“Wala `yon. Alam mong wala `yon. Maliit na bagay kumpara sa ginawa mong tulong sa akin. Kayo ng pamilya mo.”

“He’s a very mysterious man, my brother.”

Tumango siya. Sa kabila ng lahat, may bahagi ni Baba ang hula niya ay mananatiling misteryo sa kanya. Isang bagay iyon na may dulot na pananabik sa kanya. Wala siyang magiging reklamo kung buong buhay niyang tutuklasin ang binata. That would be very exciting.

“I also came because I wanted to ask you out.”

Ilang saglit na hindi nakapagsalita si Dulce. Gusto niyang sabihin kay Joaquin na hindi siya interesado pero alam niyang hindi sapat ang kakaunting sandali para doon. Gusto niyang ipaliwanag nang maayos ang lahat kay Joaquin. At tensiyonado na siya dahil baka lumabas na ng kuwarto si Baba. Hindi ito ang tipo na maghihintay lang sa kuwarto.

“I would really like to, Joaquin, but maybe we can talk about it some other time? May lakad din kasi ako ngayon. In fact, dapat nakaalis na ako.”

“Oh. I’m sorry, Sese. Hindi ko alam, naiistorbo pala kita.”

“No, it’s okay,” sabi niyang tumayo na. “I will call you, okay?”

“Okay. See you.”

Hinalikan siya ni Joaquin sa pisngi sa kauna-unahang pagkakataon at bahagya siyang napapitlag. Kung noon siguro ay baka nagtatalon na siya sa tuwa. Sa katunayan, kung noon siguro ay naghahanda na siya ngayon para sumama rito. Iba na ngayon.

Tumalikod na si Joaquin at inihatid niya sa gate, saka nagmamadaling bumalik sa kuwarto. Natutulog pa rin si Baba. Nakahinga siya nang maluwag.

“`BA, BABALIK din ako agad.” Ngumiti si Dulce sa lalaki. “May meeting lang kami ni Joaquin. Saglit lang `yon.”

Natural, na-guilty siya. Hindi meeting ang dadaluhan niya kundi dinner. Ayaw lang niyang mailang si Baba sa mismong kapatid nito. Sa hapunang iyon niya sasabihin kay Joaquin na hindi siya maaaring makipag-date dito. Joaquin deserved to know and she guessed she wanted to do this as well. Gusto niyang magpaliwanag sa maayos na paraan. Kahit paano ay iniisip din niya ang kanilang relasyon bilang mag-business partner. Ang i-dismiss ang pagtatangka nito nang walang maayos na paliwanag ay hindi rin naman tama.

“Sigurado kang hindi mo gustong ihatid kita?”

“No need. Maiinip ka lang.”

Tumango si Baba. “Sige, hihintayin kita.”

Nginitian ni Dulce ang binata, hinalikan sa pisngi, at umalis na rin. Habang nagmamaneho ay iniisip niya kung sasabihin din ba niya iyon kay Baba. Siguro. Sa kaswal na paraan.

Nang makarating si Dulce sa restaurant ay wala pa roon si Joaquin. Maaga siya ng kalahating oras dahil palaging maaga si Joaquin. Hindi sa pagkakataong iyon. Dumating ito nang eksakto sa oras. Um-order na sila. Hindi siya makatiyempo-tiyempo, lalo na at sinasabi ng lalaki na noon pa dapat siya nito niyayang mag-dinner.

“Can we have dinner again this weekend, Dulce?” tanong nito habang nagde-dessert sila.

“Actually, Joaquin, we can’t.” Napabuga siya ng hangin. “I’m seeing someone else.”

Halatang nabigla ang lalaki, natigilan, saka tumawa. “At ngayon mo lang naisipang sabihin sa akin? Kanina pa ako parang sira-ulong sinasabi sa `yong dapat noon pa tayo lumabas. You naughty girl.” Halatang hindi ito na-offend.

“Sorry. Nahihiya kasi ako sa `yo, eh. At ang totoo, kung noon mo pa ako niyaya, magtutuloy-tuloy ito. But I met someone.”

“I see. Do I know him?”

“No,” awtomatikong sagot ni Dulce. How she hated herself that moment. Ayaw lang niyang mauna pang makaalam si Joaquin kaysa sa kanyang mga magulang. “Puwede bang `wag mo munang sabihin kay Nanay? Alam mo naman `yon, makakaisip agad ng kung ano-ano.”

“Of course. I’m happy for you. Cheers.”

Nakahinga siya nang maluwag. Saglit pa silang nagkuwentuhan at siniguro nitong wala siyang dapat ipag-alala. Naghiwalay na rin sila at umuwi na siya.

Wala roon si Baba. Agad niyang tinawagan ang binata. Hindi nito sinasagot ang tawag. Kung ano-anong masasamang pangitain ang kanyang naisip.

Gusto nang tawagan ni Dulce si Joaquin pero naisip niyang magtataka ang lalaki kung bakit niya hinahanap si Baba. Mahigit isang oras siyang palakad-lakad, at muli niyang tinawagan si Baba, desidido nang tawagan si Joaquin sakaling hindi pa rin sumagot ang lalaki. Sa pagkakataong iyon ay sumagot na ito ng simpleng, “Hello.”

“Where the hell are you? Alalang-alala na ako sa `yo! You just left! No note, no text message! `Tapos hindi mo sinasagot ang phone mo! Alam mo naman na may nagtatangka sa `yo. My God, Baba!” Noon lang naunawaan ni Dulce na malapit na pala siyang mag-hysteria sa pag-aalala. Ni hindi niya magawang sabihin ang lahat ng takot na nasa kanyang puso.

“Pasensiya ka na. `Wag kang, mag-alala, namasyal lang ako kasi naiinip ako kanina sa bahay mo. Nandito ako ngayon sa Roxas Boulevard.”

“Ano naman ang ginagawa mo diyan?” Mainit pa rin ang kanyang ulo. Kung gusto nitong mamasyal ay hindi naman siguro magiging malaking pabigat kung magsasabi ito.

“Naglalakad-lakad lang. Walang ibang mapuntahan, eh, gabi na. Kumusta ang meeting mo?”

Napabuntong-hininga si Dulce. Natutunaw na ang kanyang galit. “Ayos lang. Uwi ka na, ha? O nag-e-enjoy ka bang mamasyal diyan mag-isa? O baka naman may kasama ka?”

“Nagseselos ka?”

Hindi mabasa ni Dulce ang tono ni Baba at muli niyang naalala na may ganoong kakayahan ang lalaki, isang bagay na gusto na niyang kainisan. Why was he very hard to read? “Eh, di meron nga?”

“Siyempre wala. Ano’ng ginagawa mo ngayon?” Bumuntong-hininga ito, naging banayad na ang tono.

“Hinihintay ka, ano pa?”

“Sige, pauwi na ako.”

Napangiti siyang bigla. At mayroon ding mga pagkakataong lalong nabibigyang-diin sa kanya kung bakit sila nakarating sa puntong iyon. “Take care, okay?”

Napangiti si Dulce at naghintay sa pagdating ni Baba. Makalipas ang mahigit isang oras ay dumating na ito, may bitbit na mga pagkain at isang pumpon ng mga bulaklak.

Agad siyang lumapit dito. “For me?”

“Mainit ang ulo mo kanina.”

Halos hindi siya makapaniwala na ganoon agad katindi ang naging pangungulila niya sa binata. Siya ang naghain ng dala nito sa coffee table sa sala. Siopao, siomai, buchi, halo-halo. Kumalam bigla ang kanyang sikmura. “So ano’ng ginawa mo sa Roxas Boulevard?”

“Nagpahangin lang.”

Panay ang subo niya ng buchi. Hindi siya mahilig doon pero kakatwang nakatatlo na siya agad at gusto niyang kainin ang para kay Baba.

“Gusto mo pa? Mukhang gutom ka. Hindi ka ba pinakain ni Joaquin?”

“Hindi ako nakakain. Frankly, the smell of the salmon nauseated me, saka parang may kabag ako. Kung minsan, may hyperacidity talaga ako. Kaya ngayon, parang gutom na gutom naman ako. Ikaw? Hindi ka pa rin ba kumakain?”

Umiling ang binata, may bahagyang ngiti sa mga labi na hindi umaabot sa mga mata nito.

Agad nagtanong si Dulce. “Is there anything wrong?”

“Wala.”

“You look… different.”

“Pagod lang siguro. Kain pa nang kain.”

Sumige nga si Dulce. Tumigil lang siya nang mapansing halos hindi nagalaw ni Baba ang pagkain nito. Nakiramdam siya. Mayamaya ay umakbay ito sa kanya, saka ibinulong sa kanyang tainga, “Kailan mo ako ipapakilala sa mga magulang mo?”

“N-nakilala mo na si Nanay, `di ba?” sabi niya, gumapang ang kaba sa dibdib. Could she not delay this any longer? “Nabanggit mo sa akin na nakilala mo na si Nanay since doon siya namamasukan sa inyo.”

“Alam mo kung ano ang ibig kong sabihin.”

Tumango si Dulce. Of course, she understood. Ang problema lang ay hindi niya alam kung paano sisimulan ang pagsasabi sa kanyang mga magulang. Huli niyang nakausap nang personal ang ina noong nagpunta siya sa bahay ng mga Cardinal kasama si Baba, ang sumunod ay ang pagtawag nito sa kanya para ibalitang kasundo raw ng mga Cardinal si Baba.

“Na sa totoo lang, hindi ko maintindihan. Hindi ko alam, anak. Hindi ko kayang ipaliwanag. Merong kung anong katangian itong si Baba na hindi ko mahuli. Para bang... Hindi ko kayang ipaliwanag, anak. Sabihin na lang nating ako ay hindi pa kampante sa kanya. Parang may inililihim. At ano ba ang alam natin kung saan nanggaling `yan at matagal na hindi naasikaso ng ama? Pero sa pakiwari ko ay malalaman ko rin ang mga detalye isa sa mga araw na darating. Palagi namang sinasabi sa amin kung ano. Ikukuwento ko sa `yo.”

Diyos ko. Parang nakikinita na ni Dulce kung ano ang magiging reaksiyon ng kanyang ina kapag nalaman nito. At parang nahuhulaan na rin niya kung ano ang sasabihin nito sa kanyang ama sakali man. May takot na nanaig sa kanyang puso.

“Dulce?” pukaw sa kanya ni Baba.

“Of c-course I will introduce you. Soon. Very soon.”

“Kailan?”

“Give me a week, maybe two.”

Tumango ang binata. “Siyanga pala, pupunta ako sa Cavite bukas. Baka ilang araw ako doon. Alam kong marami kang trabaho kaya hindi na kita yayayain.”

Tumango siya. Baka yayain na lang niya ang mga magulang na bisitahin siya sa kanyang bahay. O baka siya ang pupunta sa bahay nila sa Linggo. Tuwing araw ng Linggo ay umuuwi ang kanyang ina. Sabay na lang siguro silang uuwing mag-ina. Doon siya magpapahaging sa dalawa. Pahaging o kaya ay sasabihin na niya. Mas masama pa yata kung pahaging lang dahil lalo lang aasa ang mga ito.

“Kapag wala ako, ayokong bubuksan mo ang pinto agad-agad. Dadagdagan ko rin ng kandado ang pinto mo bago ako umalis. Lalagyan ko rin ng CCTV camera sa labas. Maganda ring makikita mo kung sino ang nandoon.”

“Babalik ka agad, ha?”

Inilapit siya ni Baba sa sarili, saka kinintalan ng halik ang kanyang noo. “Mami-miss mo ba talaga ako, Dulce?”

“Oo naman. Ano bang klaseng tanong `yan? Kung puwede lang, sasama ako sa `yo pero gaya ng nasabi mo, marami akong trabaho. Ayoko rin namang istorbohin ka dahil wala ka rin namang ginagawa sa office. Ayokong mainip ka.”

“Siya sige. Uuwi ako agad.”

She stayed in his arms, happy yet terrified. Sasabihin na niya sa mga magulang na may relasyon sila si Baba. Paano kung ayaw ng mga ito sa lalaki? Oo at kailanman ay hindi nakialam ang mga magulang pagdating sa ganoong bagay at gusto pa nga ng mga itong mag-asawa na siya… pero iba si Baba. Iba ang sitwasyon ngayon. Kung hindi man sang-ayon ang kanyang mga magulang ay hindi naman tututol ang mga ito. May tiwala ang dalawa sa kanya. Napatunayan na rin siguro niyang kaya niyang dalhin ang sarili.

Ayaw lang ni Dulce na may agam-agam ang mga magulang. Nilinga niya si Baba at kahit paano ay nakahinga nang maluwag. How could her parents not fall in love with him eventually? She did. Kapag nakilala ng kanyang mga magulang si Baba ay mauunawaan ng mga ito kung bakit ang binata ang kanyang pinili.