noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 17

Ch. 17 / 25 Feb 05, 2022

17

N AGHINTAY lang si Baba habang tinatawagan ni Dulce si Leticia. May kasiyahan sa kanyang puso na pagmasdan si Dulce sa mga munting galaw nito. Wala yata siyang hindi hinahangaan sa dalaga—ang pagkilos nito, ang pananalita, ang tapang.

“I will just print it, Dulce,” sabi ni Leticia mula sa intercom. “Joaquin called and I told him I’m done with the photo. Ayaw niyang pakawalan ang picture. Ipapadala ko na lang sa kanya sa Messenger.”

“Okay. But please let me take a look at it first, all right? Pakisabay na lang sa printed photo, Tisha. Thanks,” sabi ni Dulce.

May pagmamalaking nakapa sa dibdib si Baba. Ang babaeng ito ang nagpapasaya sa kanya. Tanggap siya nito, malinaw iyon sa kanya. Labis-labis ang pasasalamat niya para doon at sa ngayon ay sapat na iyon. Alam niyang darating ang pagkakataong kailangang matanggap din siya ng mga magulang nito. Iyon ang dahilan ng agam-agam niya.

Sasabihin ba ni Dulce ang lahat sa mga magulang nito? O mas maiging malaman ng mga iyon kung ano siya ngayon? Hindi niya alam. Magmumula lang kay Dulce ang kapasyahan.

“Sino si Joaquin?” tanong niya.

“He’s the boss.”

“Siya pala `yon. Siya ang nagpapahanap sa mga taong hinahanap mo?”

“Yup!”

“Bakit hindi na lang siya kumuha ng propesyonal?” muli ay tanong ni Baba. Parang gusto niyang mainis sa Joaquin na iyon, kahit nabanggit na noon ni Dulce na maselan daw ang misyon nitong iyon.

“Sinabi ko naman sa `yo, hindi niya gustong ipagkatiwala ito sa basta kung sino. Isa pa, ilang ulit na silang kumuha ng professional dati, pero wala ring nangyari.”

Walang ideya ang Joaquin na iyon, kung ganoon—kung gaano kababasagin ang babaeng isinabak nito sa kuta ng mga leon. Pero kailangan siguro niyang magpasalamat sa lalaki dahil kung hindi dahil dito, hindi niya makikilala si Dulce.

Mayamaya ay pumasok na si Leticia na bahagyang tumango sa kanya. Aminado si Baba, hindi niya inaasahan ang naging reaksiyon sa mga tanong ng babae. Siguro dahil una, hindi siya sanay sa mga mapag-usisang katanungan. Umaandar ang kanyang buhay kung saan ilag sa kanya ang mga tao at pinanatili niyang ganoon ang kanyang buhay sa nakaraang mga taon. Pangalawa, hindi siguro niya nagustuhan ang reaksiyon ni Leticia. Pero ngayong iniisip na, masaya siyang may kaibigan si Dulce na concerned dito. Normal iyon. At kailangan siguro niyang pasalamatan ang babae, kaya lang ay hindi pa rin niya ito gusto. Pakiramdam ni Baba ay inuri siya nito. Sa pag-usad siguro ng panahon, matututuhan niyang alisin sa kanyang sistema ang ganoong pakiramdam.

“Here is the enhaced photo and here’s the original,” sabi ni Leticia kay Dulce, iniabot ang dalawang larawan. Pagkatapos tingnan ay iniabot iyon sa kanya ni Dulce.

Agad niya iyong tiningnan.

Parang pinisil ng higanteng kamay ang dibdib ni Baba, hindi magawang sumagap o maglabas ng hangin. Bigla ay may panginginig na nagsimula sa kanyang dibdib na umabot sa kanyang mga kamay. Pilit niya iyong itinago.

“So do you know her? Alam kong mahirap nang makilala ang bata. Malaki na siya ngayon. Thirty-six,” sabi ni Dulce.

Muling pinagmasdan ni Baba ang larawan. Nag-init ang kanyang mga mata. Huminga siya nang malalim para pigilan ang pagbagsak ng mga luha. “Ano...” Tumikhim siya. “Ano’ng pangalan nila?” tanong niya kahit alam niya, kahit nabanggit na ni Dulce nang makailang ulit. Gusto niyang marinig uli. Gusto niyang makasiguro. “Dominga Esperanza. The child is Dante Esperanza. Are you all right?”

Tumango siya. Inabot ni Dulce ang larawan pero hindi niya iyon magawang isauli. Mukhang naramdaman nito ang pagkaligalig niya at sinabi nito kay Leticia na iwan na sila. Nang makaalis ang babae ay naupo si Dulce sa tapat niya sa visitor’s chair.

“Are you okay? Kilala mo ba sila?”

“Bakit sila ipinapahanap ni Joaquin?” tanong niya.

“It’s really not my secret to tell, Baba.”

“Kailangan kong malaman.”

“Pero bakit?”

“Dahil kilala ko sila.”

Tumango si Dulce at pinisil ang kanyang kamay. “Wala kang dapat ipag-alala. Wala silang dapat ipag-alala. Maganda ang intensiyon ni Joaquin. That child there, he’s Joaquin’s brother. Gusto siyang makita ng tatay niya.”

Biglang napuno ng galit ang dibdib ni Baba. “Bakit kailangan pa silang ipahanap kung noong panahong puwede pa silang makita ay hindi?”

“I don’t know. Baba, I don’t know.”

Muli ay pinagmasdan niya ang larawan. Hindi siya makapaniwala. Ganoon pala ang hitsura niya noong bata siya. Dahil siya ang batang iyon, natitiyak niya. Tulad ng pagkatiyak niya na ang babaeng nakangiti at may karga sa bata ay ang kanyang ina. Inilabas niya ang kanyang wallet, saka maingat na inilabas ang larawang ibinigay sa kanya ni Ka Abel.

“Ito lang ang larawan ng nanay kong meron ako,” sambit niya.

Agad iyong tiningnan ni Dulce at napatulala. “Oh, my God…” sambit nito mayamaya. “Oh, my God…”

“HINDI ko alam. Hindi ko sigurado kung kailan ako magiging handa, Dulce.”

Pinagpapawisan ang mga kamay ni Baba. Sakay sila sa sasakyan at ang sabi ni Dulce, puntahan nila ang kanyang ama. Hindi niya magawa. Sarisari ang mga emosyong naghahari sa kanyang puso—galit, kaba, pagkapahiya, takot.

Siguro, lamang ang pagkapahiya. Ano ang sasabihin ng isang ama kapag nalaman na ang anak nito ay nagkaganoon ang buhay? Paano kung sabihin nitong hindi siya matatanggap? At bakit niya iniisip ang bagay na iyon? Eh, ano kung hindi siya nito matanggap? Ilang taon niyang inisip na wala talaga siyang ama. Hindi rin siya umasa sa bagay na iyon. Bakit siya kakabahan kung hindi siya nito tanggapin?

Sa isang banda ay galit si Baba. Mayaman pala ang kanyang ama, isang dating aktor. Natural, kilala niya si Dante Cardinal, ang sinasabing ama niya. Mayroon bang kaedad niya at mas matanda sa kanya ang hindi nakakakilala sa isang tulad ni Dante Cardinal? Ilang pelikula nito ang pinanood niya. Sa katunayan, paborito niya ang aktor. Anong malay niya na ito pala mismo ang kanyang ama? Wala siyang pagkakahawig dito, maliban sa hugis ng mukha. Ang tanong, bakit nito iniwan ang kanyang ina?

Natuklasan ni Baba na mas matanda siya kay Joaquin. Ibig sabihin, noong bata pa siya ay puwede sana siyang isama ng ama sa Maynila. Bakit nasa Santa Fe ang kanyang ina? Nasaan si Dante? Alam ng lalaki na anak siya nito, malinaw iyon. Kaya nga siya ipinapahanap. Bakit hindi noon? Bakit hindi noong buhay pa ang kanyang ina?

“Matanda na ang papa mo, Baba,” sabi ni Dulce sa mahinahong boses. “Marami na siyang iniinda.”

“At ngayon, hinahanap niya lahat ng bastardo niya. Ilan nga kaming lahat sa huling bilang?” sarkastikong sabi niya. “At hindi pa kasama roon ang mga tulad kong iniwan na lang niya basta.”

“Hindi. Mabait ang papa mo. Sa katunayan, kung hindi dahil sa kanya, hindi ako makakapag-aral, Baba. Lahat kayong magkakapatid, kinilala niya. Ikaw lang ang naiba ang buhay. Hindi ko alam kung bakit. Pero matagal ka na niyang ipinapahanap.”

Aminado si Baba, nakabaon din iyon sa kanyang isip. Sa dami pala ng anak ng kanyang ama, ano na lang ba kung sakaling hindi na siya nito makita? Ilang ama ba ang pinabayaan na nang tuluyan ang mga anak sa piling ng ina at bumuo ng sariling pamilya? Para sa ibang lalaki ay mas madaling gawin iyon. Pero ipinahanap siya ni Dante.

“Ang asawa niya, mabait ba?” tanong niya.

“Si Ma’am Alba? Oo. Mabait siya.”

“Paano niya nagawang tanggapin lahat ng bastardo ng tatay ko?”

“Hindi ko alam. Hindi ko alam, Baba. Pero makakaasa kang hindi siya magwawala, or anything like that. Tanggap niya ang naging buhay ni Sir Dante.”

Pinagmasdan niya si Dulce. Siguro nga ay mabait ang kanyang ama. Natuklasan na niya ngayon na ang ina ni Dulce ay namamasukan bilang kawaksi sa mga Cardinal. Ang ama ng babae ay dating tauhan din ng pamilya. Iyon ang dahilan kung bakit nakapag-aral si Dulce. At hindi doon nagtapos ang lahat. Namuhunan ang kapatid niyang si Joaquin para maitayo ni Dulce ang negosyo nito. Siguro nga, mabuti ang kanyang ama.

Pero nagkaroon ito ng itim na bunga. Siya. Muli siyang pinangibabawan ng hiya. “Sa ibang araw na lang ako pupunta doon, Dulce. `Wag mo muna sanang sasabihin sa kanya na nakita mo na ako. Hindi ko pa alam kung magpapakilala ako.”

“Naiintindihan ko, Baba, pero… pero hindi mo ba naisip na makakatulong ka para bumuti ang pakiramdam ng tatay mo?”

“`Wag mo akong konsiyensiyahin, Dulce, utang-na-loob. Sa tagal ng panahon, hindi ko alam na may tatay ako. Ni hindi ko alam ang pangalan ko...” Nahagod niya ng kamay ang buhok sa pagdaplis ng alaala sa kanya...

SA MGA kabundukan ng Santa Fe na umaabot hanggang sa dulong bahagi ng Candelabra nagkukuta ang mga taong-itaas. Sa pagkakaalam ni Baba, ayon na rin sa impormasyong sinasabi ni Ka Abel na siyang pinuno ng sangay ng mga taong-itaas sa bahaging iyon, ang bilang nila ay umaabot ng isang libo. Sa ibang bahagi raw ng bansa ay mayroon ding mga tulad nila, mga miyembro ng Kilusang Bagong Pilipinas.

Ang pondo raw ng grupo ay nagmumula sa mga tahimik nilang tagasuporta. Minsan isang buwan ay mayroong mga miyembro ng grupo ang bumababa para kunin ang tulong na iyon. Gayunman, sa grupo nilang umaabot lang sa tatlumpu ay kulang na kulang pa rin ang rasyon ng bigas at iba pang pangangailangan. Kaya sa edad na disisais, bukod sa pagluluto at pagtatanim, marunong din si Baba na magbunot ng ngipin gamit ang plais at humanap ng mga halamang gamot na maaaring ipanlunas sa mga ordinaryong sakit.

“Kuya... Kuya...” tawag ni Macario, hilam ng luha ang mukha. Lumuhod ang paslit sa tapat ni Baba at hinigit ang kanyang kamiseta. “Kuya, nakikiusap po ako…”

Napabuga siya ng hangin. Sa totoo lang ay naaawa siya sa bata. Ilang taon na niya itong kasama. Siya ang naatasang magbantay sa bata kahit kasama nila sa hukbo ang ama nito na si Ka Dario. Anak ni Ka Dario si Macario sa isang hostes. Pumanaw ang ina ni Macario at dinala na ni Ka Dario ang bata sa itaas. At dahil walang tiyaga sa bata ang mga kasamahan ni Baba, maging si Ka Abel, ay siya ang madalas kasama ni Macario. Sa katunayan ay pinatuturuan na ito sa kanya ni Ka Abel na gumamit ng baril.

Ang totoo, hindi tulad ng ibang bata si Macario. Kung siya noong una ay nasabik gumamit ng totoong baril, si Macario ay mas gustong maglaro ng jack stones gamit ang totoong mga bato. At nang mabigyan niya ng kuwaderno at lapis, wala nang ginawa ang bata kundi gumuhit ng mga babae na sarisari ang damit. Malambot kumilos si Macario at may pilantik ang mga daliri. Kung minsan ay nakatikwas ang hinliliit nito kahit hahawak lang ng baso. Sa madaling sabi, malaki ang hinala niya na isa itong binabae.

Minsan nang nakakita si Baba ng binabae nang isama siya ni Ka Dario sa ibaba para ibili ng gamot si Ka Abel. Labag sa loob niyang isiping magiging tulad ng mga iyon si Macario.

Wala siyang alam sa ganoong mga bagay pero sa mundo nila, hindi uubra ang isang lambutin. At ngayon, dahil narinig ni Macario ang utos sa kanya ng ama nito na tuliin na ito, hayun at sige sa pakikiusap ang bata.

“Kuya, nagmamakaawa ako sa `yo,” patuloy nito.

“Utos sa akin ng tatay mo. Ano ang gagawin natin? Tumayo ka nga diyan. Kapag nakita ka nila, dalawa tayong mapagsasabihan. Tayo na. Tayo na sabi kung ayaw mong magalit ako sa `yo.” Pero hindi niya makuhang magalit sa bata. Sabihing kakaiba si Macario, mabait ito sa kanya at malambing. Para na niyang tunay na kapatid. O siguro sa sitwasyong iyon ay anak. Noong bagong dating si Macario ay kulang subuan niya ng ulam na saluyot na ayaw na ayaw nito. At kapag alam niyang mapapalo ang bata ay inilalayo niya sa ama nito, inaako ang sisi.

Hindi umalis sa pagkakakapit sa binti ni Baba si Macario. Napabuntong-hininga siya. “Tatapyasan ko lang naman, sabay talon ka na diyan sa ilog. Ganoon din naman ang ginawa sa akin noon ni Ka Abel.”

Lalong humagulhol ang bata, parang kinakatay at humigpit ang pagkakakapit sa kanyang binti. Awang-awa siya rito. “Siya, sige. Sa susunod na lang. Tara, manguha na lang muna tayo ng kabute.”

Tumahan na si Macario bagaman sisigok-sigok. Kumapit ang bata sa braso ni Baba at pumasok sila sa kailaliman ng gubat. Iniisip niya kung paano ipapaliwanag kay Ka Dario na hindi niya nakuhang tuliin ang bata.

Pinagmasdan ni Baba si Macario, nakapantalon at kamiseta, ipinupunas ang likod ng kamay sa ilong at mata at wala siyang madama sa mga sandaling iyon kundi awa.

May mga batang nababagay sa itaas, tulad niya. Pero sa palagay niya ay may mga batang hindi nararapat doon, tulad ni Macario.

Biglang natigilan si Baba nang makarinig ng magkakasunod na putok ng baril. Agad niyang binuhat si Macario na mukhang nahindik at hindi nakuhang makagalaw. Isa pa iyon sa dahilan kung bakit hindi nababagay sa ganoong buhay ang bata—matatakutin ito. Kapag nakakarinig ng putok ng baril ay natutulala.

Mayamaya pa ay nakatakip na ang magkabilang kamay ng bata sa mga tainga. Walang tigil ang putok ng baril at alam niyang nagmumula iyon sa kanilang kuta. Kanina pa sakmal ng matinding kaba ang kanyang dibdib. Naroon ang lahat ng miyembro nila. Si Ka Abel ay ni hindi makalabas ng tinutuluyang tent dahil may sakit. Sa katunayan, ilang buwan na itong may sakit at halos hindi makakilos.

Tumakbo si Baba sa pinakamatulin na paraang kaya niya habang karga si Macario. Nakarating sila sa pusod ng gubat. Saulado niya ang bahaging iyon at alam kung nasaan ang yungib na siguradong hindi basta-basta makikita ng mga sundalo. Ipinasok niya roon si Macario at balak sanang iwan doon pero hinawakan nito ang kanyang braso. Nanginginig ang bata.

“K-Kuya… Kuya…” Iyon lang ang tanging nakuha nitong sabihin.

Alam ni Baba na kailangan niyang lumaban, pero wala siyang nagawa kundi ang hawakan ang kanyang baril. Nanatili siya sa tabi ni Macario dahil kapag umalis siya at may masamang mangyari sa kanya ay maiiwan sa bundok ang bata. Hindi nito magagawang makaalis doon dahil hindi nito alam ang daan pababa. May posibilidad na abutin si Macario ng ilang linggo sa pagpapaikot-ikot doon, gutom, at bukas sa lahat ng mga elemento.

Pumasok si Baba sa yungib, sinigurong natatakpan sila ng mga dahon at baging. May kalahating oras siguro na walang tigil ang putukan, hanggang sa dumalang iyon nang dumalang. Halos isang oras ang binilang niya bago siya nagpasyang lumabas ng yungib, bagaman nagbilin kay Macario.

“Dito ka lang. Titingnan ko lang kung ano ang nangyari.”

Tumango ang paslit, hilam ng luha ang mukha. Maingat at aral ang paggalaw, nagpunta siya sa kuta ng grupo. Napuno ng galit ang kanyang dibdib nang makita ang mga kasamahang nakahandusay sa lupa, duguan, at walang buhay. Buo pa ang tent ni Ka Abel. Pumasok siya pero wala ito roon.

Muling lumabas si Baba at hinanap si Ka Abel. Nakita niya ito sa lilim ng punong balite, kalunos-lunos ang hitsura habang umaagos ang sariwang dugo mula sa tiyan. Gadali na lang ang agwat ng paghinga nito, parang isang isdang inalis sa tubig.

“Ka Abel.” Nilapitan ni Baba ang lalaki, agad tiningnan ang mga sugat nito at napapikit. Hindi mabubuhay ang matanda. “Wala na ba ang lahat, Ka Abel?” tanong niya.

Hindi nito iyon sinagot, sa halip ay sinabi, “K-kunin mo... k-kahon.”

Sa bawat buka ng bibig ni Ka Abel ay tumutulo ang dugo mula roon. Agad na tumango si Baba. Hindi na mahalaga kung bakit ipinakukuha nito iyon; ang kahon na dala nito kahit saan, yari sa kahoy at dating lalagyan ng tabako. Bata pa siya ay gusto na niyang malaman kung ano ang laman niyon, kung bakit kinabitan nito iyon ng kandado.

Nakita ni Baba ang kahon sa tent at agad na dinala sa naghihingalong lalaki. Inudyukan siya nitong buksan iyon na ginawa naman niya at inilapit iyon sa kamay ng matanda.

Granada, mga larawan, mga papel ng kung ano-ano ang laman ng kahon. Isang larawan ang ibinigay sa kanya ni Ka Abel. “N-nanay mo.” Dumaklot sa kahon ang kamay nito at isang kulay-dilaw na papel ang muling iniabot sa kanya. “N-nandiyan siya.”

Bago pa makapag-isip si Baba ay naramdaman niya ang hapdi sa kanyang balikat, kasabay ng pagputok ng isang baril. Napaluhod siya sa lupa.

“T-takbo...” sambit ni Ka Abel. Hawak na nito ang granada sa nanginginig na kamay. Hindi na siya nagdalawang-isip at tumakbo sa kabila ng sakit. Narinig niya ang boses ng kalalakihan, malalakas na boses. Saka niya narinig ang nakaririnding tunog ng sumabog na granada.

Hindi lumingon si Baba, nagpatuloy sa pagtakbo. Tumuloy siya sa yungib. Naroon pa rin si Macario. At napaiyak siya sa realisasyong mamamatay ang bata nang ganoon na lang. Sigurado niya iyon. Hindi titigil ang mga sundalo hangga’t hindi siya nakikita, at may bakas ng dugo sa kanyang tinakbuhan. Kailangan nilang makaalis.

“Halika,” sambit niya habang dinidiinan ang balikat na nagdurugo sa tama ng baril.

Sa kabila ng pagtakas ay hindi napigilan ni Baba na tingnan ang larawang ibinigay sa kanya ni Ka Abel. Naisip niya, sakaling mamatay na siya sa araw na iyon, makita man lang niyang muli ang mukha ng kanyang ina.

Pinagmasdan niya ang larawan at napaluha. Iyon nga ang kanyang ina. Malinaw ang alaala ng mukha nito sa kanyang isip. Nagmamadali niyang binuklat ang papel na ibinigay rin ni Ka Abel. Isa iyong mapa ng bundok na markado. Alam niya kung paano puntahan ang bahaging markado. Ilang ulit na siyang nakarating sa bahaging iyon kasama si Ka Abel, may dalang mga kandila at mga ligaw na bulaklak. Isa iyong libingan. Mga walang markang libingan ang naroon, maliban sa mga mumunting krus na yari sa mga sanga ng kahoy. Ang sabi ni Ka Abel, mga kasamahan nila ang naroon. Pero sa mapang ibinigay nito, may tala kung pang-ilan sa mga puntod ang sa kanyang ina: † - Nanay ni Baba.

Walang pangalan. Ni walang pangalan ang puntod ng kanyang ina. Ibinulsa niya ang mapa, umaagos ang luha habang dumudugo ang balikat at sige sa pagtakbo, lihim na hiling na mabisita uli ang libingan bago siya mamatay.