7
H INDI dalawin ng antok si Baba. Kanina ay palakad-lakad siya sa labas ng bahay, pasulyap-sulyap sa pinto. Ngayon ay nakaupo na siya sa bangkito sa tabi ng pinto, naninigarilyo. Hindi siya mapakali. Iyon ang unang pagkakataon na may babaeng tumuloy sa kanyang bahay. At ni walang matinong imbitasyon mula sa kanya ang babae.
Sa kabila ng katotohanang sinabihan niya kanina si Dulce na puwede na itong umalis, nanatili iyong isang bagay na hindi talaga niya magagawa. Bluff, wika nga. Alam niyang kung mag-iisip lang nang maigi si Dulce ay mauunawaan nitong walang ibang ligtas na lugar para dito sa bayang iyon maliban sa piling niya. Kasama sa pag-“arbor” ni Baba sa babae mula kay Candida ay ang pangakong hindi makakalabas ng Santa Fe si Dulce na hindi nakalagay sa isang kahon. Kung sakali mang hindi niya iyon matutupad ay kargo niya anuman ang gawin ng babae. Siya ang nakataya roon.
Tanga. Tanga talaga ako , sa isip-isip ni Baba, hindi maunawaan kung bakit kailangang dumating ni Dulce sa Santa Fe at maging problema niya gayong marami na siyang iniisip. Simple lang ang kanyang pamantayan sa buhay ngayon—manahimik, itama ang mali. Malaking kaabalahan ang babae.
Ngayon ay natutulog na sa mismong kuwarto niya si Dulce. Dalawa lang ang kuwarto sa bahay na iyon, bukod sa silong na matagal na niyang hindi nalilinis, at sa kuwarto na pag-aari ng anak-anakan niyang si Macario. Doon na lang muna siya tutuloy sa kuwarto ni Macario.
Pati kuwarto mo, ibinigay mo sa babaeng luka-luka na hindi makatiis na itikom ang bibig. Sa tingin mo, kapag pinaalis mo siya bukas, hindi siya magsusumbong sa pulis? At dinala mo pa sa bahay mo. Damay ka diyan.
Napabuntong-hininga si Baba. Ang tanong ngayon ay kung paano kukumbinsihin si Dulce na manahimik. Ano ang magiging garantiya niya? Makikinig ba sa rason ang babae? Hindi niya alam. At hindi niya alam kung ano ang gagawin kay Dulce, lalo na at malaking tukso ito ngayon—ilang hakbang lang mula sa kanya.
Natutop ni Baba ang noo, pinaglabanan ang tuksong pasukin ang kanyang kuwarto at ipakita sa babae kung gaano ito kadelikado sa kanya. Na magsilbi iyong babala, na para sa isang tulad nito ay hindi tama ang maging napakatapang, lalo na kung hindi pamilyar sa lugar na pinupuntahan. Ano ang karapatan nitong magtiwala sa kanya?
Nakuha na niya iyon, alam ni Baba; patunay ang katotohanang tulog na ngayon si Dulce. Hindi dapat basta nagtiwala ang babae.
“Putsa,” sambit niya, nahagod ang buhok, tensiyonado kahit walang aksiyon sa gabing iyon maliban sa mga alitaptap na kumukutitap. Sa huli, naisip niyang wala rin siyang magagawa sa ngayon. Nagpunas siya, nagsepilyo, saka pumasok sa kuwarto ni Macario. Hindi siya komportable sa mga poster na nakakabit sa dingding kaya nagpasya siyang lumabas uli. Sa sala na lang siya matutulog, tutal ay kailangan din niyang makasiguro na hindi aalis ang babae.
Dulce , paalala ni Baba sa sarili. Iyon ang pangalan nito. Matamis ang ibig sabihin sa wikang Kastila. Bagay na bagay sa babae dahil sadyang matamis din ang mga labi nito. Muli siyang napabuntong-hininga at pinilit ang sariling makatulog.
Nang maalimpungatan ay maliwanag na at amoy-bawang ang kabahayan. Sinangag. Agad siyang bumangon at tumuloy sa kusina. Mukhang komportable si Dulce sa kamiseta niya na nagmukhang daster dito. Nakayapak lang ang babae.
Gustong mapaungol ni Baba. Umaabot lang sa mga tuhod ni Dulce ang haba ng kamiseta. Kitang-kita niya ang mahahaba at makikinis nitong binti, maliban sa mapupulang marka na mula siguro sa insidente kahapon. Parang kay sarap itaas ng kamiseta para haplusin ang hinala niya ay napakakinis din nitong hita. Siguradong wala nang galos sa bandang iyon.
Nagkaroon ng reaksiyon ang katawan ni Baba. Kung si Dulce ang makikita niya tuwing umaga, malamang na pagod siya maghapon. Parang kay sarap nitong huwag nang pauwiin. Ano kaya ang gagawin ni Dulce kapag nalaman ang mga ideyang tumatakbo sa isip niya? Magsisisigaw siguro ito.
Na dapat lang. Hindi dapat na nagluluto sa kanyang kusina ang babae. Hindi nito dapat isinuot ang kanyang kamiseta. Sa katunayan, takot na takot dapat ito sa kanya at hindi lumalabas ng kuwarto.
Mukhang noon pa lang siya napansin ni Dulce. Ngumiti ito. “Good morning, `Ba.”
Labis na ikinabigla ni Baba ang masayang disposisyon ni Dulce, lalo na ang reaksiyon nito sa kanya. Maliban sa iilang babaeng nakasama niya sa kama, karaniwang hindi ganoon ang tipikal na reaksiyon ng isang babae sa kanya, lalo na at isang babaeng alam kung ano siya. Pinagmasdan lang niya si Dulce na abala sa pagsasangag, parang walang problema sa mundo.
“Nagising ako kaninang alas-tres kasi mahapdi ang mga paa ko. Nagutom din ako kaya nagsaing ako. Malamig na ngayon kaya isinangag ko na lang.”
Bahagyang tumango si Baba, hindi alam kung ano ang tamang isasagot. Ala-una pasado na siya nakatulog, samakatuwid ay kasarapan ng kanyang tulog nang magising si Dulce at hindi man lang siya nagising. Kung isang mamamatay-tao ang babae, pumanaw na siya sa mundo nang walang kamalay-malay. At hindi siya ang tipo ng tao na malalim kung matulog.
Nilingon uli siya ni Dulce, bahagyang kumunot ang noo. “`Wag mong sabihing ganyan ka makatingin sa akin dahil ginamit ko ang damit mo? Wala akong damit, nasa Paraiso ang bag ko. Speaking of which, I have to get it and then return here.”
May mali yata sa sinabi ni Dulce. Gusto nitong kunin ang mga gamit at bumalik sa kanyang bahay? Nagpasya si Baba na linawin iyon. “Ano’ng sabi mo?”
“Hindi puwedeng damit mo ang suotin ko o ang damit ko kahapon. I would really prefer using jeans around here. Maghahain na ako mayamaya at pagkatapos, samahan mo akong kunin ang mga gamit ko.”
Nagpasya si Baba na obserbahan si Dulce. Baka kailangan din niyang magkape para magising ang diwa dahil hindi niya maunawaan ang gusto nitong mangyari. O siguro, mas kailangang magkape ng babaeng ito para tubuan ng nerbiyos. O hindi naman kaya nabaliw na si Dulce sa nangyari nang nagdaang araw?
Nagpunta muna si Baba sa banyo, naghilamos, saka nagbalik sa hapag. Pagkaupong-pagkaupo ay naghain ng umaasong tasa ng kape si Dulce. Bahagya itong ngumiti, saka nagsalang ng kawali. Pinakialaman na rin nito ang ref, patunay ang tapa na mukhang balak iprito. Nasa hapag na rin ang ginayat na kamatis, pritong itlog, at sinangag.
Hindi pa sapat ang naging pagkabalisa niya kagabi at ang labis ngayong pagtataka sa inaakto ng babae. Kailangan ding ipaalala ng presensiya nito ang kawalan ng isang babae sa lugar na iyon at ang katotohanang parang gusto niyang mahiya na hindi masasabing presentable ang kanyang bahay.
Oo at kapag naroon si Macario ay sinusubukang ayusin ang bahay, pero sa pag-alis ng lalaki, lahat ng kurtinang ikinabit nito ay inaalis din ni Baba. Hindi niya kailangan ng sagabal sa paningin. Hindi siya sanay sa bahay na hindi tanging mga esensiyal na bagay ang nakalagay.
Ano kaya ang hitsura ng bahay ni Dulce? Base sa usapan nila ni Candida ay lumalabas na mataas ang posisyon ni Dulce sa isang pagawaan ng mga muwebles. General manager doon ang babae at ang may-ari din siguro. Samantalang ang muwebles sa bahay niya ay matagal nang dapat na napalitan.
At ngayon, sinasabi ni Dulce na parang balak nitong manatili sa bahay na iyon. Hindi maisip ni Baba kung bakit. At muli, nabuhay ang kanyang inis. Dapat na nagkukumahog na paalis ang babae.
Uminom siya ng kape, naghihintay sa sasabihin nito.
“Puwede bang inumin iyong tubig sa poso sa labas?” tanong ni Dulce, nakatingin sa kawali habang nagpiprito. Mukhang sanay sa kusina ang babae. Bahagya itong sumulyap sa kanya, saka ibinaba ang siyanse, nagpunta sa lababo para maghugas ng ilang pinggan doon. “Tinatanong kita, Baba.”
Muli siyang uminom ng kape, saka sumagot. “Basta pakukuluan.”
“Nagpakulo nga ako sa takure. Dapat pala makabili tayo ng mas malaking takure para isang salangan lang ang tubig. Malakas kasi akong magtubig. Wala bang nagde-deliver dito ng purified water?”
Hindi siya umimik, napapantastikuhan sa itinatakbo ng mga ideya nito.
Bumuntong-hininga nang malakas ang babae. “I’ve got a good feeling about this. Baka nga hindi ko naman kailangan na magtagal. Last night it dawned on me that I will not waste my tragic experience. I will not let those monsters win. With that in my mind, I slept well. Desidido akong `wag magpatalo sa mga pangyayari. Nagpunta ako ritong mayroong misyon at hindi ako aalis nang ganoon na lang.”
Biglang nag-init ang ulo ni Baba kahit pa nga kung tutuusin ay sumakto sa kailangan niyang gawin ang plano ni Dulce. Nakakapag-init ng ulo na hindi nauunawaan ng babae na mali ang mga ginagawa nitong desisyon. Sino ba ang lintik na taong iyon na hinahanap nito na hindi magawang pabayaan na lang?
“Nakalimutan mo na yata ang nangyari sa `yo kahapon,” paalala niya. “Kapag nagtanong-tanong ka tulad ng ginawa mo, hindi lang ikaw ang malalagay sa alanganin. Magpatulong ka na lang sa mga propesyonal para makita mo ang taong hinahanap mo. Siguro, para sa `yo madali nang gawin `yon.”
“Exactly, Baba. Exactly.”
Kung bakit parang kay sarap marinig ng kanyang pangalan mula sa mga labi ni Dulce. Naghintay siyang magpaliwanag ang babae na agad namang dumating.
“Naisip ko na pagkatapos ng nangyari, hindi na ako puwedeng maghanap-hanap dahil napaka-paranoid ng mga tao sa lugar na ito. I mean, honestly. Kaya nakabuo ako ng desisyong maghanap ng propesyonal. Magpapatulong ako sa kanya.”
“Iyon naman pala.”
“At sa palagay ko, nakita ko na siya.” Ngumiti ito, tumitig sa kanya.
Biglang napailing si Baba, kahit ang gusto sana niya ay ang mapatayo. Uminom uli siya ng kape, saka muling umiling. “Hindi ako ang kailangan mo.”
Mukhang kalmado si Dulce nang sumagot. “Alam kong tatanggi ka. Sa katunayan, sigurado akong tatanggi ka. Palagi kang tumatanggi sa akin, Ba—”
“Isang bagay lang ang puwede mong ialok sa akin na hindi ko tatanggihan,” agaw niya. Muli, hindi maunawaan ni Baba kung bakit kailangan niyang sabihin iyon. Ano ang inaasahan niyang magiging reaksiyon ni Dulce? Kaunti na lang, baka kumaripas na ng takbo ang babae at panibagong problema na naman iyon para sa kanya. Samakatuwid, pagdating sa babaeng ito ay nagtatalo ang kanyang mga desisyon. Sala sa init, sala sa lamig.
Hindi agad nakaimik si Dulce pero mayamaya ay bahagyang umismid. “Seryoso akong nakikipag-usap sa `yo, Baba. Mahirap bang makipag-usap sa akin nang seryoso rin?”
“Seryoso ako. Wala na akong mas iseseryoso pa.”
Namula ang mukha ni Dulce, halatang nailang. Naitanong ni Baba sa sarili kung naaalala kaya ng babae ang pinagsaluhan nilang halik kahapon. Tulad din kaya ng epekto niyon sa kanya ang epekto niyon dito? Maling-mali ang kanyang ginawa, dagdag parusa sa sitwasyon ngayon. Pero nangyari na ang lahat at kahit maulit pa ay gagawin at gagawin pa rin niya. Taglay ni Dulce ang pinakamatamis na mga labing natikman niya.
Nang muli siyang balingan ay pinandilatan siya nito.
Napangiti si Baba. Magaganda ang malalaking mata ni Dulce, bagay sa matangos nitong ilong at ang mga labing makipot ay malalapad, nangangako ng tamis. Morena ang babae, napakakinis ng kutis. Sa madaling salita, si Dulce ang tipo ng babaeng hindi nararapat na pumunta sa lugar kung saan maraming Rufo na nakabantay anumang sandaling malingat ito.
Hinango na ni Dulce ang tapa at naghain sa mesa. Gamay na gamay na nito ang kanyang kusina. At bakit nga naman ba hindi kung mukhang may plano itong magtagal?
“Tigilan mo nga ako, Baba. Kailangan ko ang tulong mo. Pinag-isipan ko itong maigi,” giit ni Dulce. “Wala ka namang ginagawa at kailangan ko ang tulong mo. Bakit hindi tayo magtulungang dalawa?”
“Pinag-isipan mo ba kung ano ang gagawin mo sakaling magbago ang isip ko at umuwi kang umiiyak, itinatanong kung bakit ibinigay mo ang tiwala mo sa tulad ko? `Wag mong lokohin ang sarili mo, Dulce. Hindi ka ligtas sa akin. Kung mangangako kang hindi ka gagawa ng anumang hakbang para mai-report ang nangyari sa `yo, ihahatid na kita pa-Maynila.”
Tama na. Kailangan nang umalis ni Dulce. Malaking sagabal kay Baba na kailangan niyang manmanan ang babae sa loob ng ilang panahon pero mas mainam iyon kaysa manatili ito sa piling niya. Wala siyang balak mag-alaga ng isang babae sa kanyang bahay, lalo na at isang babaeng sa tingin niya ay walang ihahatid sa kanya kundi gulo. Wala ito sa plano pero sira ang kanyang mga plano dahil dito.
Sino’ng niloloko mo? May appointment ka ba sa Malacañang? Masyado ka bang abala sa pagpapastol ng mga baka at pag-aani ng kamote? O baka naman plano mong bilangin ang mga alitaptap sa gabi?
Gayunman ay panatag si Baba sa kanyang simpleng pamumuhay. Tahimik. Iyon ang gusto niya. Para sa isang tulad niya, ang paglagay sa tahimik ay hindi nangangahulugan ng pag-aasawa kundi ang pagtahak sa tamang daan, walang aberya, walang gusot. Sinira na iyon ng babaeng ito sa loob lang ng dalawang araw. At ngayon ay wala itong balak tantanan ang buhay niya.
BABA was mad if he thought that she was going home. Not now. Hindi umuuwing luhaan si Dulce Verdas. At kung iniisip nitong hindi siya magre-report tungkol sa nangyari sa kanya ay nagkakamali rin ito. Sabihing nailigtas siya sa kapahamakan, naniniwala siyang kailangang maihatid ang hustisya sa kanya, gayundin sa iba pang mabibiktima ng mayora.
Wala pang nabubuong plano sa ngayon si Dulce kung ano ang gagawin pero nasisiguro niyang hindi siya basta mapapatahimik. Pero sa ngayon, mas mahalaga ang magawa ang misyon niya. Nabulilyaso na siya at lahat, hindi puwedeng mabale-wala iyon at uuwi siya para sabihin kay Joaquin na wala itong maaasahan sa kanya. Isa pa ay para siyang sundalong mientras pinipigil ay lalong nanggigigil. Nasa bingit na siya ng pagkatuklas kung nasaan ang hinahanap. Malaki ang kanyang hinala na nagtatago sa bayang iyon ang mga kailangang impormasyon. Hindi siya matatahimik.
Kung nagkataon siguro na walang tulad ni Baba na magtatanggol sa kanya ay kagabi pa nagkukumahog na umuwi si Dulce. But last night made her realize that if there was one man whom she could trust, it was Baba. Una, kung may balak na masama sa kanya ang lalaki tulad ng gusto nitong ipahiwatig, hindi na sana siya buo ngayon. Pangalawa, walang obligasyon si Baba para “arborin” siya sa mga goons kahapon, pero ginawa nito. Pangatlo, sa unang pagkikita pa lang nila ay inagapan na nitong maabot siya ng kapahamakan. Para sa kanya ay sapat na iyon para maunawaan na mabuting tao si Baba, sa kabila ng lahat.
Hindi malinaw kay Dulce ang mga dahilan kung bakit nito ginawa iyon, pero nagpapasalamat siya. Naniniwala siyang puwede itong madaan sa matinong usapan.
“Nagdesisyon ako kagabi, Baba, tulad ng sinabi ko sa `yo. Hindi ko sasayangin ang mga nangyari sa akin para umuwi kung kailan malapit ko nang makita ang hinahanap ko.”
“Umuwi ka na. Bigyan mo ako ng ilang linggo, ako ang maghahanap sa taong `yon,” sabi nito.
Saglit na pinag-isipan iyon ni Dulce, sa huli ay umiling. Napakadali para kay Baba na sabihing hindi nito nakita ang hinahanap niya, o kung hindi man ay sabihing wala na ang mga iyon sa Santa Fe. At ano siya pagkatapos niyon? Wala na siyang magagawa pa. She needed concrete proof. She needed to find out for herself.
Nagpatuloy siya sa paliwanag. “Sa tingin ko, hindi ako aabutin ng isang linggo rito, Baba, kung tutulungan mo lang sana ako.”
“Wala kang makukuhang tulong sa akin. Umuwi ka na.”
Nakadama ng inis si Dulce. Sa isang banda ay nauunawaan niya si Baba—makakaistorbo siya, pero wala man lang bang balak ang lalaki na pakinggan ang kanyang mga plano? Puwes, maririnig nito sa ayaw nito at sa gusto.
“I’m willing to pay you. Isipin mo, malaking tulong ang ibabayad ko sa `yo para maipaayos mo ang lugar na ito. Kung ayaw mo naman, ako mag-isa ang babalik sa bayan para patuloy na maghanap. Tutal naman, sagot mo na ako. Wala na siguro akong magiging problema.” Of course she was bluffing. Hindi siya makakatagpo ng lakas ng loob na muling magtanong-tanong nang hindi kasama si Baba. At may duda siyang walang ibang taong makakaikot nang malaya sa Santa Fe nang hindi kinikilatis ng mayora at ng mga bataan nito.
Madilim na ang mukha ni Baba sa puntong iyon. “Matigas ang ulo mo, Dulce.”
Masarap sa kanyang tainga ang paraan nito ng pagbigkas sa pangalan niya, parang humahaba at rumorolyo sa dila ang tunog ng “s,” masuyo kahit walang pagsuyo sa mukha nito. Pero teka, bakit ganoon ang itinatakbo ng kanyang isip? Aanhin niya ang pagsuyo mula sa isang tulad ni Baba? Hindi sa pinipintasan niya ang lalaki pero magiging isa siyang malaking hangal kung bibigyan niya ng timbang ang mga ganoong bagay. Nandoon siya para sa isang misyon lang, at hindi para pag-isipan ang pagsuyo sa boses ng isang… gun for hire.
Iyon nga ba si Baba? Siguro, at dahil doon ay mas mapapadali ang kanyang balak. For hire ang lalaki at handa siyang i-hire ito.
“Hindi ako titigil hangga’t hindi ka umooo sa akin,” giit ni Dulce. “Ano ba ang mawawala sa `yo sa ilang araw na trabaho? Wala akong balak magtagal nang higit pa roon.”
Bumuntong-hininga ang lalaki at sa huli, tumango. Nakiramdam siya, inaanalisa pa rin kung tama ang pasya. Wala siyang nakapang kaba sa piling ni Baba. This was the most logical and safest way. In a few days, she was out of there, hopefully with both Dominga and Dante Esperanza. Tapos ang istorya, masaya ang lahat.
Kumain na si Dulce, magaan ang loob. Kahit si Baba ang pinakanakakakabang taong nakilala niya ay panatag siya rito. Ipinaalala niya sa sarili na bibigyan ng malaking bonus ang lalaki. Kasama na roon ang board and lodging niya, maging ang gantimpala sa pagliligtas nito sa kanya. The man deserved it.
“Kailan tayo magsisimula?” tanong niya.
“Sa lalong madaling panahon para makauwi ka na agad,” mabilis nitong sagot, mukhang iritado.
Lihim siyang napangiti. Magaling kung ganoon. Iyon ang gusto niya.