noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 25

Ch. 25 / 25 Feb 05, 2022
Prev Next

25

K ABADO si Dulce habang naghihintay sa sala. Naglakad-lakad sa labas si Baba kasama ang kanyang mga magulang. Sa kubo raw sa taniman mag-uusap ang mga ito. Halos isang oras nang umalis ang tatlo at hindi pa rin nagbabalik. Palakad-lakad na siya sa sala, gusto nang sumunod sa tatlo.

Pero pagtanaw uli sa bintana, nakita na niyang naglalakad palapit ang tatlo. Inaasahan niyang umiiyak na naman ang kanyang nanay pero mukhang kalmado na ito. Nang makapasok ang tatlo sa bahay ay puno siya ng agam-agam. Ang kanyang ama ang unang nagsalita.

“Bueno, ihahatid ka namin mamaya sa farm ni Baba, anak. Gusto namin ng nanay mong makita iyong tutuluyan mo. Maganda nga at malapit ka sa amin. Makakabisita kami tuwing puwede.”

Muntik nang mapanganga si Dulce. Ano ang sinabi ni Baba sa kanyang mga magulang? Napatango na lang siya nang magkakasunod, walang maapuhap na salita. Ang kanyang ina ay ngumiti, pinisil ang kanyang kamay.

“Bueno, kumain muna tayo. May ginataang bilo-bilo ako diyan.”

Tumulong siya sa ina na maghain sa kusina at hindi niya maiwasang magtanong. “Ayos lang po ba kayo, `Nay?”

“Anak, magkakaroon ka na rin ng anak. Magiging lola na ako. Matagal ko na itong pangarap at umaasa akong bagong yugto ito ng buhay nating lahat.”

Napaluha si Dulce. “Salamat po, `Nay.”

“O, `wag kang iiyak at masama sa bata.” Itinaas nito ang kanyang mukha. “Paborito mo itong ginataan. Siya, tawagin mo na ang tatay at asawa mo.”

Pinunasan niya ang mga mata at hindi na nagtangkang itama ang sinabi nitong “asawa.” Tinawag niya ang dalawang lalaki sa sala na agad tumayo at nagtungo sa kusina.

Habang nagme-merienda ay ramdam ni Dulce ang pagkailang ng lahat sa isa’t isa. Nagpasya siyang basagin ang katahimikan. “Ano kaya ang magandang ipangalan sa bata? Kung babae, siguro maganda kung isunod sa pangalan ninyo, `Nay.”

“Aba’y walang problema sa akin, pero kung nataong lalaki, mangyaring `wag mong isunod sa pangalan ng ama mo at kawawang bata.”

Agad tumutol ang kanyang ama. “Aba, ang pangalan ko’y hango sa pangalang-Kastila. Hindi ka lang kasi sosyal kaya ayaw mo sa Chucho.” Iyon ang tunay nitong pangalan.

“ `Kuu , ikaw na mismo ang nagsabing noong bata ka’y chuu-chuu ang tawag sa iyo at kinakantiyawan kang parang tuta.” Nagmuwestra ang matandang babae na parang may tuta sa ibabaw ng mesa.

Natawa si Dulce at natawa rin si Baba.

Umismid ang kanyang ama. “Eh, paano nga’y walang class ang mga kalaro ko. Eh, itong batang ito’y magiging class ito kaya ang mga kalaro ay nakakaunawa ng mga Istetsayd na pangalan.”

“Asus, Istetsayd daw, eh, made in Gapan ka. Istetsayd ...” Lumabi ang matandang babae. “Kasasabi mo lang na Kastila, biglang Istetsayd! Ang Istetsayd, eh, iyong galing sa Amerika. Kaya nga Istetsayd kasi galing Isteyts .”

“ `Kuu , umarya ka na naman, Carolina,” reklamo ng kanyang ama, sabay subo ng ginataan.

Binalingan ni Dulce si Baba. Nakangiti lang ang lalaki. Gusto niya itong pasalamatan pero mamaya na, kapag nagkasolo na sila.

Nagtagal pa sila sa farm ng mga magulang niya, saka siya nagyayang umuwi.

“Siyanga pala,” sabi ni Baba habang nagmamaneho pabalik sa Casa de Labranza, “Nakausap ko na si Papa kanina. Nabanggit ko na rin sa mga magulang mo. Pupunta kami sa susunod na buwan, pagkauwi niya galing sa Amerika. Paalis siya ngayon, magpapa-check up doon.”

Uminit ang dibdib niya. “That’s… that’s great. Is he all right though?”

“Oo. Wala naman daw problema.”

“Okay lang ba sa kanya na... alam mo na.”

“Nabigla siya pero mukhang masaya naman.”

“Okay lang ba sa `yo ang sinabi ko kanina kay Nanay? Na isusunod sa pangalan niya kapag babae?” tanong niya pagkatapos. “Pero mas maganda siguro kung dalawang pangalan ang gamitin natin—Dominga Carolina.”

Tumingin sa kanya ang binata, ngumiti. “Maganda.”

“Kapag lalaki, `wag daw isunod sa pangalan ni Tatay. Eh, kung isunod sa pangalan mo?”

“Dante?”

“Baba.”

“Kawawang bata. Nakaiwas sa Chucho, nauwi sa Baba.”

Natawa si Dulce. “Parang nagugustuhan ko na kasi ang tunog ng pangalan mo habang tumatagal. Bakit nga ba naging Baba ang palayaw mo?”

“Ang sabi ni Papa, Albay raw ang probinsiya ni Nanay. May tao ako sa farm na taga-Bicol at tinanong ko siya kung may ibig sabihin ang ‘Baba’ sa wikang Bikol. Ang sabi niya iyon daw talaga ang karaniwang tawag sa mga bata—“Padaba” o “Baba” kapag pinaikli. Kaya siguro, ayos din na pangalan `yon.”

“Ano ang ibig sabihin n’on?”

Ngumiti si Baba. Ngiting totoo, ngiting napakainit. “Mahal.”

At nag-init din ang dibdib ni Dulce. Padaba , mahal. His mother loved him to bits, she guessed. And he seemed to love her as much. Inabot niya ang kamay nito at pinisil. Itinaas nito sa mga labi ang kanyang kamay at hinagkan. Lihim siyang nagpasalamat sa pagkabuwag kahit paano ng pader sa pagitan nila. Hiling niyang magtuloy-tuloy na iyon. Handa siya sa panibagong simula.

“ANO `YAN?” tanong ni Dulce kay Baba. Pinuntahan niya ang lalaki sa construction site sa loob ng farm, sa bahaging malayo sa mga bisita.

“Bahay natin,” nakangiting sagot nito.

“Bago? Bakit?”

“Para lahat ng lugar mapupuntahan mo.”

Natigilan si Dulce. Napansin pala nito. Nang makauwi sila sa bahay nito ay hindi niya magawang pumasok sa kuwarto kung saan nakita niya si Candida. Sa ibang kuwarto siya tumuloy. Si Baba naman ay iba rin ang inokupa. Na parang wala roon ang kuwarto kung saan niya nakita ang dalawa, nilalagpasan lang nila, hindi pinapasok. Sabihing wala na ang babae, ayaw sana niyang maalala ang eksena kung saan nakita niya ito. Sa totoo lang, nabubura na rin iyon sa isip niya sa paglipas ng mga araw.

“Hindi mo kailangang magpagawa ng bagong bahay, `Ba.” Ngumiti si Dulce. “Nasasanay na ako sa bahay mo. No need to spend millions on a new house. Really.”

“Gusto ko lang ng bago. Luma na rin iyon at maliit. Kapag nanganak ka na, walang magiging kuwarto ang bata. Isa pa, kapag dumadalaw ang mga magulang mo, wala rin silang matutulugan. Gusto ko ring mas malaki ang silong para sa `yo.”

“S-salamat.” Damn, she always stuttered in front of him. Palagi rin siyang nagba-blush sa harap ni Baba. Para siyang teenager na kahapon lang nakilala ang lalaki kahit buntis na siya sa anak nito!

“Kumain ka na?”

Lumobo ang kanyang puso. Palaging ganoon ang nararamdaman niya sa pag-aalagang ipinapakita ni Baba. Dahil maalagang-maalaga ang binata. Para siyang diyosa. Wala itong ipinagbago, para pa ring noong bago sila at wala pang nangyayaring aberya. Sa katunayan, kung tamad lang sigurong tao si Dulce, sabihin lang niya kay Baba na dalhan na lang siya ng pagkain sa kuwarto ay gagawin nito.

“Hindi pa. Kaya ako nandito, tatawagin sana kita.”

Nakangitng nilapitan siya nito at sabay na silang naglakad patungo sa bahay.

Sariwa ang salad na inihanda niya, gayundin ang gulay na ulam at karne. Namitas siya kanina sa hardin. Natuwa siyang makitang wala nang pangalan ang hardin na iyon, wala nang karatula.

Umuusad ang relasyon nila ni Baba. Baby steps. Natuklasan ni Dulce na handa siyang panindigan iyon.

Pagkatapos ng tanghalian ay bumalik ang lalaki sa construction site, habang ang mga magulang naman niya ay dumating. Sinabi ng kanyang ama na huwag na niyang tawagin ang kanyang “asawa” at ito na raw ang pupunta sa construction site.

“Kung bakit kailangan pang magpagawa ng bagong bahay, maayos naman ito,” komento ng kanyang ina.

“Iyon nga rin po ang sinabi ko kay Baba, pero iniisip niya ang bata kapag naipanganak na at kapag daw po may dadalaw sa akin dito, walang matutuluyan.”

Napangiti ang matandang babae. “Maalalahanin siya.”

“Napaka, `Nay. Para akong baby minsan.”

“Hindi mo alam kung gaano ako kasayang marinig `yan. Siyempre naman at anak kita… Ang sa akin lang, bakit hindi pa kayo magpakasal?”

Nagkasamid-samid si Dulce at agad hinagod ng matanda ang likod niya. “Nanay? A-akala ko po ba, ayaw ninyo kay Baba?”

“Noong una. Sino bang magulang ang hindi kakabahan? Pero nag-usap na kami at... Sabihin na lang natin na binigyan ko siya ng pagkakataon. Heto, nakumbinsi na niya ako. Mag-iisang buwan ka pa lang dito, tumaba ka na agad at nawala na ang pangingitim sa mga mata mo. Nakikita kong masaya ka. Alagang-alaga ka rin dito. Iyon ang mahalaga sa amin, napag-usapan namin ng tatay mo. Kaya bakit hindi pa kayo magpakasal? Kaysa ganitong nagsasama kayong walang basbas ng simbahan.”

Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Tama nga bang magpakasal na sila ngayon ni Baba? O mas tamang maghintay siya? Dahil ayaw niyang magpakasal sila sa mga maling dahilan. Oo at mabigat na dahilan ang anak pero ang maipit ang bata sa isang kasal ay hindi niya matatanggap.

Iniba na ni Dulce ang usapan. “Mabuti at mukhang masaya kayo sa pagreretiro ninyo.”

“Aba’y tama pala ang ama mo na dapat noon ko pa ginawa. Nanghihinayang ako sa mga oras na hindi kami magkasamang mag-asawa, matatanda na kami. Pero bumabawi naman ngayon. Siyanga pala, tumawag sa akin si Ma’am Alba at ang sabi’y dadalaw raw sa amin si Sir Dante, kasama ang asawa mo. Dapat nga raw ay ngayong linggo pero dahil sa operasyon, kailangan pang magtagal sa Amerika ng ilang linggo pa.”

“Nabanggit nga po ni Baba sa akin. Mabuti po at maayos na ang lagay ni Sir Dante.”

“Nahihiya naman ako’t sila pa ang dadalaw sa atin.”

“Aba, `Nay, alangan naman pong tayo ang dumalaw sa kanila. Dapat itayo ninyo ang bandera ng anak ninyo.”

Nagkatawanan sila. This was happiness. Hindi iyon masasabing buong-buo na pero malapit na roon. Nag-e-enjoy si Dulce sa simpleng buhay sa farm. Nakakapagtrabaho rin siya roon at nakakaluwas din kapag kailangan nang magtungo sa opisina. Palagi ay kasama niya si Baba at nang minsang nagpunta sila sa opisina ay naroon si Joaquin. Walang pagkailang sa sitwasyon si Joaquin at nagkausap na rin ito at si Baba. Everything seemed perfect. And she would like it to stay that way. Kaya hindi siguro niya naiisip na usisain si Baba tungkol sa mga pangyayari sa Santa Fe, sa mga misteryosong bahagi ng buhay nito. Nandito ang lahat ng panahon para ikuwento iyon, kapag handa na ito.

Alas-tres ay nagbalik si Baba sa bahay, kasama ang kanyang ama. Nakaluto na silang mag-ina ng merienda. Alas-singko ay nagpaalam na rin ang matatanda. The two looked happy for her. Genuinely happy.

“Baba, may delivery ako ng kahoy bukas,” sabi ni Dulce. “I want to make a crib.”

“Tutulungan kita.”

“Good. Dahil tinatamad akong kumilos.”

Ang lakas ng tawa nito, saka siya hinagkan sa pisngi. Bahagya siyang napapitlag pero parang hindi nito alintana. Sa katunayan, lalo nitong inilapit ang mga labi sa kanyang mukha. “Miss na miss na kita,” sambit nito.

Nagtayuan ang mga balahibo niya sa katawan. Ganoon din ang kanyang nararamdaman kay Baba. Gabi-gabi ay nahihiling niyang sana, magkatabi silang matulog. Gusto niyang dumantay rito, humilig sa dibdib nito.

Nang magtagpo ang kanilang mga mata ay awtomatikong nagtagpo rin ang kanilang mga labi. His kisses were as hungry as hers. Soon, they were feeling each other up eagerly. Soon, he was carrying her to the room. Maingat siya nitong ibinaba, saka nagsimulang hagkan ang kanyang balat.

She closed her eyes and gave him full access. When their bodies joined together she shivered. Soon after, she reached her climax over and over.

“HINDI puwede dito sa farm, Ramona. Nandito si Dulce, alam mo naman… Sige, pupunta ako. Oo, ngayon na. Magkita na lang tayo.”

Nagkunwari si Dulce na natutulog. Halos hindi niya naramdamang kumilos si Baba sa loob ng kuwarto, maliban nang hagkan nito ang kanyang pisngi. Agad siyang nagmulat. “Bakit nakabihis ka? Saan ka pupunta?”

“May aasikasuhin lang ako saglit.”

“Saan?”

“Diyan lang sa Tagaytay.”

“Sinong kasama mo? Anong oras na ba?”

“Isang kaibigan. Matulog ka pa, gabi pa. Nandito na ako bago mag-umaga.”

Tumango na lang si Dulce at hinayaang umalis si Baba. Kung kailan wala na ang lalaki ay saka niya gustong magwala. Hindi na siya nakatulog pa. Kung malinis ang intensiyon ng dalawa, bakit kailangan pang sa Tagaytay magpunta ang mga ito? Isa pa, bukod sa ilang gimikan ay wala namang ibang bukas na establisimyento sa Tagaytay sa ganoong oras maliban sa mga motel, apartelle, hotel, at lodge! It was one o’clock in the morning!

Sa loob ng ilang sandali, nangibabaw sa puso niya ang galit hanggang sa mabilis iyong bumaba at ang nanatili ay lungkot. Ibayong lungkot. Tinangka niyang matulog uli pero nanatiling gising ang kanyang diwa kahit nanatili siyang nakahiga. Nang magsimulang magliwanag, bumangon na siya, nagpalit ng damit, at nagpasyang maglakad-lakad.

Natagpuan ni Dulce ang sarili na nakaupo sa ilalim ng isang punong mangga. Maraming isipin ang nag-uunahan sa kanya. Ilang pagkakataong mauulit ang nangyari kagabi? Hanggang kailan siya makakapagtiis? Bakit niya titiisin? Kung aalis siya, hindi rin ba siya magsisisi? Paano niya iyon ipapaliwanag sa mga magulang? Sunod-sunod ang pagkakamali sa kanyang buhay na maingat niyang inayos sa loob ng ilang taon.

Parang gumulong ang mundo ni Dulce mula sa itaas at ngayon ay naliligaw na iyon, hindi alam kung saan pupunta. And all because she fell in love with Baba. Napabuntong-hininga siya.

“Ang lalim naman niyan.”

Agad siyang napalingon. Nakatunghay sa kanya ang lalaki. Halatang wala pang tulog bagaman may magandang ngiti sa mga labi. Tumabi ito sa kanya.

“Ano’ng problema?” tanong nito, tinangkang abutin ang kanyang kamay pero hindi niya naiwasang ilayo iyon. “Nagagalit ka bang umalis ako kagabi?”

“Hindi. Ano’ng karapatan kong magalit? In fact, I shouldn’t even be here!” Nagulat din si Dulce sa pagtaas ng kanyang boses. At lalo siyang nabigla nang magtuloy-tuloy ang pagdaloy ng mga salita sa bibig niya. “This relationship is doomed from the very start, Baba. Ano ba ang ginagawa natin, nagbabahay-bahayan?”

“Dulce—”

“Gusto kong sumubok tayo pero paano tayo magsisimula kung wala tayong matinong simula? Ang pundasyon natin, mga lihim, mga misteryo. At gusto kong makihati sa lahat ng `yon pero wala akong magagawa kung ayaw mong sabihin. Pero at least dahil doon naintindihan kong masyadong maraming limitasyon ang relasyon natin. Honestly, I don’t want a family like this. I don’t want to spend the rest of my life with a stranger—who loves other women and has a lot of other things going in his life and…” Napabuga siya ng hangin. “I can’t do this, Baba. Aalis ka sa gitna ng gabi at makikipagkita kay Ramona, na alam naman nating dalawa kung ano ang trabaho. Nagse-service na ba siya ngayon, maybe like dial-a-whore? O may branch na siya rito?”

Bumuntong-hininga ang lalaki. “Pasensiya ka na kung hindi ko nabanggit na siya ang kinita ko kagabi. Iniisip ko kasi na baka iba ang isipin mo. Siya kasi ang pinakiusapan kong tumingin kay Enrique mula nang mawala sa puwesto si Candida.”

“Wala akong mahiwagang bolang kristal para mahulaan kung sino si Enrique,” angil ni Dulce. Inabot ni Baba ang kanyang kamay bago pa niya iyon maiiwas, saka siya maingat na hinigit palapit. Idiniin niya ang palad sa dibdib nito pero hindi siya nito pinakawalan. Napabuga siya ng hangin. “Fine! Paano ako lalaban, eh, parang pader ka?”

Hinagkan nito ang kanyang pisngi at napaismid siya kahit nararamdaman niyang magiging maayos din ang lahat. Siguro ay dahil wala ang maskarang madalas isuot ni Baba kapag ayaw nitong magsalita o magkaroon ng reaksiyon. May ngiti sa mga mata nito na nabahiran mayamaya ng kaba.

Bumuntong-hininga ito. “Anak si Enrique ng taong iniutos sa akin ni Candida na tapusin noon. Siya iyong nakita mong lalaki sa farm sa Santa Fe, iyong gusto mong isumbong sa pulis.”

Napasinghap si Dulce. “No!”

Tumango si Baba. “Siya `yon. Matagal na panahon na wala akong ideya kung nakita niya ang lahat, pero madali kong nahulaan noong magkita uli kami. Masama ang tingin niya sa akin. Natural, hindi niya alam na si Candida ang nag-utos sa akin—”

“At bakit minahal mo siya, Baba? I don’t understand! She’s evil!”

“Makikinig ka ba talaga sa akin?” biro nito.

Agad na napipilan si Dulce. Nagsimulang isalaysay ni Baba ang lahat ng pangyayari sa buhay nito. Matagal itong nagkuwento at wala siyang nagawa kundi ang matulala. Soon, she was embracing him. Nabura na ang kanyang galit at napalitan ng kagustuhang damayan ito. How could life and people be so cruel to him? Ano ba ang nagawa nitong kasalanan at napagkaisahan ng tadhana at ng mga mapagsamantalang tao?

“Oh, Baba,” sambit niya, ikinulong ang mukha nito sa kanyang mga palad.

“Pasensiya ka na sa akin, ha?” Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Na sumuko ako sa ating dalawa nang ganoon na lang. Humingi ako ng tawad sa mga magulang mo pero hindi ako makahingi ng dispensa sa `yo. Nahihiya ako. Sabi ko sa sarili ko, babawi na lang ako. Ipaparamdam ko na lang sa `yo na hinding-hindi na uli kita pababayaan tulad ng ginawa ko.”

“Baba…”

“Noong dumating ka sa Santa Fe, umiinom ako kasi iniisip kong ang laki kong tanga. Hinayaan kong mawala sa akin ang taong mahalagang-mahalaga sa akin. Naging handa akong bumitiw. Kinausap kasi ako ng tatay mo. Naisip ko na baka tama siya, na baka kailangan kitang hayaan dahil wala akong maipagmamalaki sa `yo. Na mas bagay ka kay Joaquin. Pero naisip ko rin na maling-mali ako dahil siguro kahit paano ay may laban ako pero ipinatalo ko nang ganoon na lang ang laban… Alam kong lumabas ka kasama si Joaquin. Alam kong matagal ka nang may gusto sa kapatid ko. Habang nakikilala ko siya, nanghihina ako dahil perpekto yata ang taong `yon. At ako... alam mo kung ano ako.”

“Diyos ko...” sambit ni Dulce. “I’m so sorry. Pero maniwala ka sa akin, walang namagitan sa amin ni Joaquin. Lumabas akong kasama siya para sabihin sa kanya na may iba akong nagugustuhan. Kasalanan kong hindi ko binanggit na ikaw `yon. Natatakot pa ako noon. Para doon, pasensiya ka na. Oo, si Joaquin ang ideal man ko noon pero nang makilala kita, ikaw na ang minahal ko. Wala sa planong mahalin kita, Baba, at hindi ko alam kung paano ko dadalhin noong una—para doon, pasensiya ka na—”

Natigil ang pagsasalita niya nang hagkan siya ni Baba—isang mainit na halik na dahilan para habulin nila ang kanilang hininga. Pinasayad nito ang daliri sa kanyang pisngi, sa ilalim ng kanyang labi. “Naiitindihan ko, Dulce. Mahal na mahal kita.”

Mahigpit niyang niyakap ang binata. “Totoo? Totoong-totoo? Si C-Candida?”

“Minahal ko siya minsan, tulad ng sinabi ko sa `yo. Pero mahirap magbulag-bulagan. Nang makita ko ang totoo, nahirapan akong patuloy siyang mahalin.”

“Nandito siya noong nagpunta ako. You even have a garden named after her.”

“Dinalaw niya ako. Alam kong nagdududa na rin siya sa akin. Alam kong iniisip niyang posibleng ako ang may koneksiyon sa NBI.”

“You mean you…?”

Tumango ito. “Ako at si Gardo.”

“Si Gardo?!” Nanlalaki ang kanyang mga mata.

“Oo. Palabas lang namin `yong usapan namin nang damputin ka nila. Sa palagay mo, bakit ko alam na plano ka nilang damputin noong araw na `yon? Si Gardo ang nagsabi sa akin. Matagal na naming pinaplano na mailagay sa tama ang sistema ng Santa Fe. Masyado nang maraming taong naaabuso. Sa katunayan, pangalawang pagsubok nang maaresto si Candida. Hindi natuloy iyong una dahil may nakapagbigay sa kanya ng tip. Alam ko ang posibilidad niyon kaya kahit kailan ay hindi ako nagtiwala nang buo sa awtoridad. Salamat kay Papa, ipinakilala niya ako sa kaibigan niyang general. Siya ang humawak ng operasyon.”

“And how do you feel about what happened?”

“Hindi ko ginustong mangyari ang ganoon sa kanya, pero lumaban siya. Tulad pa rin ng dati, pakiramdam niya ay kaya niyang gawin ang lahat. Nalulungkot akong hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magbago, itama ang mga mali niya. Pero ganoon talaga ang mundo.”

“Delikado ang ginawa mo. Paano kung nalaman nga niyang ikaw pala ang nasa likod ng lahat ng `yon? I mean, she could’ve stabbed your chest while you were sleeping and you allowed her on your bed!” bulalas ni Dulce nang tumimo sa isip ang sinabi ni Baba.

Tumawa ang binata. “Wala ka nang dapat alalahanin. Hindi rin ako tulog noong nakita mo kami… Pareho pa rin ang estilo niya sa noon—manunuyo, maglalambing, parang anghel. At hinayaan ko siya, nakikiramdam sa kanya, tinatantiya kung may hakbang na siya. Sa isang banda, tama ka. Kung nakumpirma niyang ako ang nasa likod niyon, malamang wala na ako ngayon. Alam kong gusto niya akong gamitin uli, pabalikin sa Santa Fe para ayusin ang lahat ng gusot na hindi man niya nakikita ay nararamdaman na niya. Pero sa isang banda siguro, iniisip niyang tulad pa rin ako ng dati. Na mahal na mahal ko pa rin siya kaya ako nagbalik sa Santa Fe.”

“And those three years you were in Santa Fe to obtain more evidence?” tanong niya.

Umiling si Baba. “Matagal nang buo ang ebisensiya sa kanya. Iyong tatlong taon ko sa Santa Fe, iniisip niyang inilaan ko doon para magkalapit pa rin kami uli. Mahusay siyang magpaasa at kung mahal ko pa siya, siguradong inisip ko pa rin na magkakatuluyan kami. Sa isang banda, maganda na ring tumagal ang operasyon, nagkaroon ng paraan para maiiwas ko si Enrique sa mga asunto. Isa pa, inaayos ko ang libingan ng nanay ko. Gusto kong bilhin ang bahaging iyon ng bundok, iyong pinaglibingan sa kanya.”

“Oh, God…” sabi niya, may naalala. “Nabanggit mong kasama ni Ramona kagabi si Enrique? Nasaan na siya ngayon?”

“Umuwi na sa Santa Fe. Siya ang pinamahala ko sa farm doon. Medyo matagal kong kinumbinsing `wag nang magpakalayo. Ginusto lang niya akong makausap para humingi ng dispensa.”

Nabigla si Dulce. “He knows then? He believes you?”

Tumango si Baba. “Mahirap hindi maniwala sa autopsy ng tatay niya, idagdag pa ang mga ebidensiya laban kay Candida. Ibinigay ko rin sa kanya ang perang ibinigay sa akin noon ni Lucas. Ayaw niyang tanggapin. Ayaw ko ring itago. Malamang i-donate na lang sa ospital ng Santa Fe.”

“You are such a sweetie, aren’t you? One of a kind.” Dinampian niya ng halik ang mga labi nito. “But Enrique must be very heartbroken knowing that he was used.”

“Titibay siya roon.”

Ipinatong niya ang ulo sa balikat nito. “Si Ramona, Baba? Close kayo? Dati pinuntahan mo siya.”

“Noong gabing iniwan kita saglit? Naghahanap lang ng makakausap. Iba naman ang inisip mo. Dati, noong bagong baba ako, may nangyari pero hindi na naulit `yon. Disisiyete pa lang ako noon.”

“May gusto siya sa `yo. Alam ko, sinabi niya kahit hindi direkta.”

“Sa palagay ko, tanggap na niya na kailangan niyang humanap ng iba. Balita ko kagabi, lumalabas-labas sila ni Gardo. Wala na rin daw siya sa Paraiso. Masaya ako para sa kanila.”

“What now?” tanong ni Dulce.

Pinagsalikop ni Baba ang mga kamay nila, itinaas sa mga labi para hagkan. “Hindi ako perpektong tao, Dulce. Maraming bagay sa buhay ko ang gusto kong baguhin pero hindi ko na magagawa. Madilim ang nakaraan ko pero maliwanag ang mga susunod na araw at taon mula nang makilala kita. Gusto ko sanang pakasalan ka, kung… kung papayag ka.”

Nag-inat siya, tumingin sa binata, halos mabingi sa lakas ng pintig ng kanyang puso. “I know I just heard a proposal.”

Ngumiti ito. “Wala nang mas magiging masaya pang lalaki sa akin kung pakakasalan mo ako, Dulce. Pumapayag ka ba?”

Napaluha siya, nakatawa, tango nang tango bilang sagot. May bumara sa kanyang lalamunan at natagalan ang pagsagot niya ng, “Oo. Of course, Baba, I will marry you! Kahit saang simbahan!”

Siniil nito ng halik ang kanyang mga labi. Alam ni Dulce sa puso niya na kahit na ano pang pagsubok ang dumating ay malalagpasan nila iyon. Heto na ang buong kaligayahan niya sa wakas. Si Baba.

“ Padaba taka , Baba,” sambit niya. Naitanong niya sa Bicolano nitong tauhan kung ano ang “Mahal kita” sa wika ng mga ito. Hindi niya malimutan ang pinanggalingan ng pangalan ni Baba.

Maluwang ang naging pagngiti ng binata, nakakaunawa. Siguro ay naitanong din nito iyon sa tauhan. “ Padaba taka , Dulce. At mamahalin habang-buhay.”

Wakas